2021-2023, Rebecca, Koleksyon -Arkanghel Gabriel
2022-02-20, RAD
Walang hanggang pag-ibig ang hatid ng aking Espiritu sa bawat anak ng Diyos.
Nakikita ba ninyo ang nakikita ko na kabuuan ng sandaigdigan? Na, ang kanyang kahayagan ay isang lumalakad na kalansay na naghahanap ng ibabalot sa kanyang butuhang katawan. Sa gitna ng mga bantayog na gumuho ay sinisikhay na pulutin ang mga nalabi sa gumuhong bantayog.
Iyan kaya ang mga kahayagan at kaganapan sa buhay ng mga tao sa sandaigdigan? Kung iyan nga, iaatas ko sa inyong ihiwalay ang gintong butil ng palay sa mga ipa. Ang butil ng palay ay ilagay sa bayuhan at ang ipa ay gawing mandala. Ito ang danasin ng buhay ninyo ngayon.
Kinakailangan makita ninyo ang pagkakaiba ng butil ng palay at ng ipa na, magkasama na wari’y tulad ng balok na nakakabit sa buto. Paano ninyo maihihiwalay ang butil ng palay na ang kailangan ay mailagay sa bayuhan sapagkat ito ay babayuhin at ang ipa ay maging mandala?
Ang oras ng paghihiwalay ay ngayon na. Kayo ay binabayo na upang maging bigas na lulutuin at ang ipa ay maging bantay sa kanyang kalagayan bilang mandala. Kailangan ninyong mayanig, kailangan ninyong mabitak na tulad ng tuyong lupa sapagkat diyan lamang magaganap ang baitang ng pagsulong.
Ang pagsulong na ang laman ng pagtuturo ay ang palatuntunan, at ang mga kautusan, sapagkat may ipakikilalang daan nararapat lakaran, at ang gawa na kanilang nararapat gawin. Sa kalagayan ng mga anak ng Diyos ay hahanap kayo ng mga taong magpatotoo, na mga napopoot sa kasakiman; at siyang hahatol sa bayan.
Ngunit bago ito mangyari ay may kailangang dumako sa bayuhan, may kailangang makagawa ng mandala sapagkat ito ang magbibigay ng pagbabago sa kalansay na siyang kahayagan ng sandaigdigan.
Sa ganito ko ipinatatanaw ang layon ng mga danas na bumabayo at lumalapnot sa bawat laman sapagkat kailangang marating ang hantungan, ang pagiging kalansay. Ito ang pag-ibig ng aking Espiritu na siya kong sa inyo ay iniiwan ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Arkanghel Gabriel.
2021-04-18, RAD
Balutin kayo ng liwanag na sumilay sa pagsapit ng bukang-liwayway ngayon at magpakailanman.
Ang katotohanan ayon sa pagkakatala ng kasulatan ay nagsasaad na, ang katotohanan ay hindi natatanggap ng taga sanlibutan ngunit natatanggap ng hindi taga sanlibutan. Kung ito ang susuriin at pag-aaralan kailangan ba ngayong alamin kung sino ang taga sanlibutan? Ano ang uri ng kanilang pananaw sa buhay?
Paano nila pinamamahalaan ang buhay na sa kanila ay ipinahiram? Alin sa mga katotohanang inihahantad ng bawat karanasan ang nagiging mahirap na tanggapin sapagkat ang mga anak ng Dios na ito ay taga sanlibutan?
Sa pakikipamuhay ng bawat anak ng Dios sa sandaigdigan, bawat isa ay dumadanas ng kani-kaniyang karanasan. Ang mga karanasang ito ay nagtataglay ng karunungan o kaalamang sapat upang mabuksan ang kanilang bawat kamalayan ukol sa Di- Likha, sa kung ano ang buhay na nasa Kanya na ipinagkaloob sa tao o sa kanyang mga anak, kung ano ang bahaging ginagampanan ng paglikha sa bawat buhay ng mga anak ng Dios at ano ang diwa ng paglalang?
Sa ganito bang kalagayan pinid ang kamalayan o pang unawa ng mga taga sanlibutan kung kaya at ang katotohanang dala ng buhay ay hindi matanggap? Ano ano ba ang katotohanang dala at inihahayag ng buhay na hindi kayang tanggapin o napakahirap na tanggapin ng taga sanlibutan?
Dito kaya sa bahaging ito nakasalalay ang uri ng mga karanasang sinasapit at dinadama ng mga taga sanlibutan na hindi ibig madama, hindi ibig maging bahagi ng kanilang mga buhay at hindi ibig na kanilang maranasan?
Ito ang inyo ngayong tayahin upang sa inyong mga sarili ay matanto ninyo kung ano ang pag-ibig at kaloobang sa bawat umaga at maging sa pagsapit ng gabi ay inihahandog at sa inyo ay ibinabalot tungo sa ipagiging tunay na malaya at makamtan ang tunay na pagsulong.
Ito ang pag-ibig na taglay ng aking espiritu na aking sa inyo ay ikinikintal ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Gabriel.
2021-04-11, RAD
Ang liwanag ng katotohanan ang kumubkob sa inyong mga puso at diwa ngayon at magpakailan pa man.
Paano ba mabuhay sa isang fairy tale? Paano binubuo ang buhay sa kalagayang ito? Ito ba ang tunay na katotohanang kinalalagyan ng buhay ng bawat espiritu?
Kung ito ang tunay na katotohanan, paano ninyo ngayon tatanggapin o haharapin ang mga karanasang dumarating sa inyong mga buhay? Paano ninyo panghahawakan ang katotohanang may gumagabay sa bawat espiritu na hindi nakikita ngunit laging hinahanap ang kanyang presensya?
Sa ganito ko kayo sinisimulan, sa ganito ko inilalagay ang uri ng pagpapadama sa buhay upang mabuksan ang inyong pang-unawa sa kung ano ba ang pag-ibig na dala ng ating Ama at paano niya inilulukob ang kanyang kalooban sa kalagayan ng buhay ng isang espiritu.
Nahirati ang tao sa buhay na mala "fairy tale" .... walang hirap, walang suliranin, walang, pagsubok, walang kasawian, walang kapighatian, walang kabiguan at walang darating at dadanasing kamatayan.
Ngunit paano magagawang unawain at buksan ang pagka unawa sa kalayaang ibinigay? Paano mabubuksan ang kamalayan sa kakambal na responsibilidad ng tao ng ukol sa pagsulong?
Paano mabibigyan ng halaga ang bawat baitang na kailangang sampahin ng isang espiritu upang makamit ang antas ng kanyang pagsulong? Kung gayon, ano ang kalungkutan, ang kapighatian, ang kabiguan, ang pagkaligaw sa baitang ng pagsulong at sa taglay na kalayaan?
Dito ko kayo ngayon binubuksan, inaantig, at kinakatok upang maunawaan ninyo ang kalooban, ang pag-ibig at katarungan ng Diyos sa bawat kahayagan at kaganapang natutunghan sa sandaigdigan at nagiging kaganapan din sa buhay ng bawat anak ng Diyos.
Ang kalooban ng Diyos na ipinatutunghay sa bawat pagsikat ng araw sa tuwing sasapit ang bukang-liwayway at siya ring ikinikintal sa bawat paglubog ng araw sa tuwing sasapit ang dapithapon.
Dito ninyo ninyo buksan ang inyong mga puso at diwa upang maunawaan ninyo kung ano at paano natutupad ang kalooban ng Diyos at paano kayo binabalot ng kanyang pag-ibig.
Ang sikat ng araw at halumigmig sa pagbubukangliwayway ang hatid ko sa inyong mga espiritu ngayon at magpakaylan. Paalam, Arkanghel Gabriel.
2021-04-04, RAD
Sumainyo ang walang hanggang pagibig ng Ama at ng Panginoon ngayon at magpakailanman.
Nilikha ng Diyos ang mundong inyong tinatahanan na maganda, maayos,
at mabuti. At nakita ninyo ito sa inyong pagkakaroon ng buhay na
ipinakipamuhay ninyo sa lupa.
Bakit ninyo ito nakita? Ano ba ang inilakip sa buhay upang ang mga taglayin ng mundong inyong tinatahanan ay makita, magamit, at mapakinabangan? Dahil ba sa liwanag na sa mundo ay tumatanglaw?
Kung ang nakalaganap ay kadiliman makikita ba ang maganda at mabuting kalagayan ng sandaigdigan? Kung ang magiging kasagutan ay hindi, ang araling aking sa inyo ay bubuksan ay ito: Ano ang nasa likod nito?
Kung ang dilim ay katumbas ng mga likong gawa, ng pagkaligaw ng tao, ang pagtahak sa di tamang landas na dapat na taluntunin, ano ang nasasa likod ng mga ito na siyang maituturing na mahalaga?
Ano ang itinatago ng likong gawa, ng kamangmangan, ng pagkaligaw ng mga anak ng Diyos? May diwa bang dapat na alamin, buksan, at kalagan upang may matuklasan at may mamulat sa kabuuan ng bawat tao?
Kahalintulad din ng inibig ng isang Noe na malaman ang kalagayan ng lupa pagkatapos ng pagapaw ng tubig o ng pagbaha? Ano ang gusto niyang makita? Sa ganito ngayon ninyo damhin kung ano ang layon ng Diyos bakit ibinigay ang liwanag at dilim?
Dito ngayon ninyo sikhayin na hubaran at hapakin ang templo upang pagkatapos ng kamatayang inihantad ng bugtong na anak ay inyo ring maipangusap, "Ito nga ang tunay na anak ng Diyos!"
Muli ay ang masaganang samyo ng bukang-liwayway ang bumalot sa inyong mga puso ngayon at magpakailanman. Paalam.

Comments
Post a Comment