2007-2023, LVS, Koleksyon - Batlaya-Patnubay
2022-07-03, RAD
Paksa: Paano ba tatanggapin ang isang pagbabago na may aanihin na dito ay pakinabang, datapuwat hindi umaangkop sa kanyang panuntunan?
Kapayapaan ang maghari sa lahat at bawat isa ngayon at magpasawalang hanggan. Ang luma ngunit maituturing din na bago, sapagka't siyang panuntunan na ipinakita at ipinagkaloob ng Diyos sa bawa't isa, at ito ay ang kanyang kautusan, "Mag-ibigan kayo sa isa't isa."
Panuntunang ibinigay at ipinagkaloob ng Dios sa lahat ng may buhay. Na, ang ipinadarama, pag-ibig, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig. Ano ngayon ang pagbabago na kapag hindi umangkop sa panuntunang gagawin ng tao, iyon ang maghahantad, iyon ang maghahayag kung paano ito ay matatanggap? Madali bang ibigin ang kaaway? Magaan ba na dalhin ng damdamin at ng puso na patawarin ang sa iyo ay nagkasala?
Ngunit iyan ay panuntunang nakapaloob sa ibinigay ng Dios na gagalawan at dapat galawan ng bawat isa, "Mag-ibigan kayo sa isa at isa." Kaya nga at idinugtong pa rin at idinagdag," Ibigin mo ang iyong kaaway." Hindi lamang ang sa iyo'y umiibig ang iyong iibigin.
Kung ganito ang kahayagan ng buhay, paano ngayon gagalaw ang lahat at bawat isa samantalang sa kalawakan at sa kabuuan ng sanlibutan naroroon, hindi angkop ang dalawang ito: ang panuntunan ng Diyos na, ibinigay upang lakaran ng tao at ang panuntunan ng tao na iniaayon niya at iniaangkop sa kanya lamang kagustuhan.
Na, ang nagiging panuntunan, ang ibig lamang niya na madama; ang ibig niya na marinig; ang ibig niya na makita; ang ibig niya na mahawakan; ang ibig niya na sa kaniya ay ibigay; ang ibig niyang buhay na kanyang malasap. Papaano ngayon ang lahat ng ito ay magaangkop? Ngunit ang tanong, paano ito tatanggapin?
Sa sandaling ang tao ay magkaroon ng karunungan at kaalaman sa kani-kaniyang sarili, walang hindi matatanggap. Sapagka't ang karunungan at ang kaalaman ng ukol sa kanyang tunay na buhay, ang kaalaman at karunungan ukol sa realidad at aktuwalidad ng buhay, kapag ito'y kanyang naunawaan, kapag ito'y kanyang sinuri at siniyasat walang hindi aangkop sapagkat ang panuntunan ng Dios daraanan, lalakaran, isasakatuparan at isasabuhay ng lahat at bawa't isa. Paano ngayon tatanggapin?
Tatanggapin nang maluwag sa kanyang puso, nang maluwag sa kanyang isipan, nang bukas ang kanyang kamalayan, nang may pang- unawa sapagkat nababatid niya kaya siya naririto sa ibabaw ng lupa ay upang damhin, galawan, lakaran ang iisang batas. Ang batas ng pagsulong na, kinakailangang umangkop sa pangangailangan ng laman; sa pangangailangan at kahingian ng kaluluwa at lalo na sa magiging pag-angat at pagsulong sa katangiang dapat mabuo sa isang Espiritu.
Kung gayon, hindi ba at naririyan ang kabuuan ng buhay? Naririyan ang kabuuan ng isang pagkakilala upang ang lahat ay tumungo sa kanyang pagsulong sapagkat ayaw man at ibigin ng taong siya'y magbago, sadyang dadaan at darating ang pagbabago sapagkat ang pagsulong ay pagbabago at ang pagbabago ay kasangkapan at instrumento upang matupad ang batas ng Ama, ang batas ng pagsulong. Kaya nga, kung dumarating ang hindi ninyo ibig, iisa ang kautusan, "Mag-ibigan kayo sa isa at isa".
Na, kung ibibigay at ilalagay sa kabuuan ng bawat isa, sadyang kinakailangang mag-ibigan ang tatlong komponente ng tao: ang laman, ang kaluluwa, at ang Espiritu. Sapagkat kapag hindi ito naganap, doroon ang kawalan ng kapayapaan ng kanyang sarili at ang kagulumihanan at kaligaligan ang lalakaran ng kanyang pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa.
Ito ang aking sa inyo'y inihahandog upang maunawaan ng bawat isa, kung ang buhay ang bukana o ang simula sapagka't kinakailangang ang liwanag ay ihantad at ipagkakaloob ang kahalagahan ng liwanag na ito na, ibinigay at tinanggap ng bawa't tao ang magpatotoo, ang kamatayan sapagkat ang kamatayan ang siyang pagpapatuloy ng buhay; siyang " move on" na kinakailangang matanggap at madala ng lahat at bawat isa. Sapagkat sa iisa nagmula, sa iisa nanggaling, doon din sa iisa magbabalik.
Maghari nawa ang pag- iibigan, liwanag at kapayapaan sa bawat puso ngayon at magpasawalang hanggan. Ako ang sa inyo ay nagpapatuloy at siya ring sa inyo'y nagbibigay at naghahayag ng pag-ibig, Ang inyong Patnubay, Paalam.
Parlante, Kpd. Rebecca Dungo
Centro El Espiritismo
2010-01-03, LTB
Sumainyo ang pag-ibig at ang kapayapaang nagbubuhat sa iisang Diyos, mula ngayon at magpakailan pa man.
Tunay nga na ang kasaganahan ang pag-ibig ng Diyos ay hindi matatawaran. Sapagkat kahit nga ang mga kaisipan, damdamin at kalooban ay naititila sa inyo na tumanggap ng panibagong karunungan.
Hindi ninyo maitatatwa ang kahalagahan ng lumang kaalaman. Mga iniibig na mga kapatid, kung ang isa kayang sisidlan na iyan ay nahahandang tumanggap ng panibagong karunungan nangangahulugang baga ang sino man sa kanya ay naitangan ay nahahanda na rin bang gumawa?
Damahin ninyo sa inyong mga pagkatao, kung gaano ang pagnanasa ninyo aking mga iniibig na makaniing ang mga kabatlayaan na madama ang tunay na kapayapaan. Na mahalina sa inyong sarili ang tinatawag na swerte o kasaganahan.
Damahin din ninyo sa inyong mga sariling pagkatao kung gaano ang bahagi ng inyong mga sarili naman ay nagagalak at natutuwa dahil sa mga biyaya na inyong tinanggap. Lahat ng iyan ay bahagi ngayon ng inyong mga sisidlan, at kung ang lahat ng iyan nagbigay sa inyo ng panibagong pag-asa, ng panibagong kagalakan nangangahulugang baga kayo na nga ang tunay na manggagawa na hinihintay ng Panginoon na gagawa sa Kanyang Pangalanan?
Mga iniibig na mga kapatid, kahit ang isang Pablo sa kanyang kapanahunan ay nagwika, "Kung ano mang aral ang inyong marinig at lingid sa tunay na layunin at pag-ibig ng iisang Diyos, Sapagka't nilalayon ng mga kabatlayaan ay maituwid ang maling paniniwala ng tao, at maling pagkakilala nila, na siyang bahagi pa rin ng kanilang mga sarili nagiging kadahilanan upang ang pagpapatuloy sa tamang daan ay magkaroon ng kapayapaan.
Bakit nga ba ang tao'y nagkakaroon ng kaaway? Sinabi baga ng batas ng Diyos "humanap ka ng iyong kapwa at iyong awayin?" Hindi nga ba sinabi ng Panginoon na ibigin mo ang iyong kapwa na tulad sa iyong sarili? Pero bakit may tinatawag na kaaway? Nang nilikha ng Diyos ang sanglibutan, ginawa Niya itong buo, sa buong kaanyuan. Ngunit bakit ang tao ay nagkakaroon ng pagkakawatak-watak, at ngayon isinisigaw ng bawa't isa ang pagkakaisa.
Tunay nga sa bawat isang humihiling, mayroong katugunan. Walang nanalangin na may malinis na puso na hindi maririnig ang kanyang tinig. Sapagkat ang kalinisan ng puso ay animo nagiging susi upang maakit ng kahabagan ng Diyos.
Lahat kayo ay nagsisipanalangin aking mga iniibig, lahat kayo ay umuusal na mapanaig sa harapan ng Diyos. Lahat kayo ay tumatawag sa Kanyang Pangalan, ngunit gaano ninyo Siya nakikilala? Sapagkat ang pagkakilala ng isang tao ay napakahalaga upang maunawaan niya ang layunin ng Panginoon. Sapagkat ang taong nakakakilala sa kanyang Panginoon ay nagbibigay ng isang tunay na pagtitiwala na kahit na ang buhay na iyan ay ibibigay alang-alang sa kanyang Panginoon.
Mga iniibig na mga kapatid, kahit nga kayo ay naturuan sa simulain ng espiritismo hindi lahat sa inyo ay tumatanggap at umuunawa ng iisang katuwiran. Sapagkat ang karunungan ng tao ay nagpatalas sa kanyang kaisipan at magiging kadahilanan kahit ang mga bagay na mabuti at matuwid ay tinatabak niya't tinatabas upang maging ayon lamang sa kanyang kagustuhan. Gayon na nga kaya katalas ang bawat tabak na iyan na inyong dala-dala? Kaya na nga niyang humamon ng bawa't kahinaan na mayroon ang inyong pagkatao? O kaya ba niyang humamon ng kahinaan ng kanyang kapwa, lagi niyang nakikita't napagmamasdan.
At sa panahon ng pagkakaisa'y mawala. Gaano kaamo ang inyong mga puso upang ito'y muling maibalik?
2007-08-12, ST
Pag-ibig at kapayapaan ang siya nawang maghari sa lahat at bawat isa, sa pangalan ng Dakilang Manunubos ngayon at magpakailan pa man.
Ang planeta quinta o ang mundo ay siyang tahanan at paaralan ng buhay at sa bahaging ito na ginawa na paaralan ng Dakilang Panginoon na kung papaano ang pagkatawag at pagkapili at pagkahirang sa paaralan na tinatawag ninyong Silahis ng Pag-ibig. Nawa ang bilang na iyan ay madagdagan at hindi mabawasan.
Ngunit habang lumalakad ang panahon na walang humpay ang pagtuturo at paalala ng mga Dakilang Batlaya na mga isunusugo. Ito kaya ay tumitimo sa isang isipan, damdamin, at kalooban upang ang pagtuturong ito ay makapagtuwid ng daan, upang ang pagtuturong ito ay makapaglilinis ng isang pagkatao, upang ang isang pagtuturong ito ay makapaghatid sa magandang kinabukasan.
Kaya nga aking mga iniibig na mga kapatid na nag-aaral, walang humpay ang pagtawag at wala ring humpay ang pagsigaw ng maraming kaluluwa na humihingi ng awa at habag. Doon sa buhay sa laman ang naging kabilanan at naging kadahilanan din ng pag-urong o pagkawala, na kung saan siya ay nabibilang sa tinatawag ninyong paaralan.
Kaya nga at aking iniibig na mga kapatid, nakalimutan kaya ng aking mga iniibig kung papaano ang Diyos para sa lahat at ang lahat ay para sa Iisa, kung saan nagmula ang lahat, iisa din ang kanyang kauuwian, ang Dakilang Diyos.
Kaya nga at aking mga iniibig lalo kayong mga kabataan sa iba't-ibang antas ng inyong pagkakilala, iba't-ibang antas ng inyong pagkaunawa, at sa panahong ito kayo ay humarap sa iba't-ibang pangyayaring nagaganap sa paligid at sa buong mundo.
Na kung papaano ang paggalaw nang apat na elemento, naging kadahilanan upang gisingin ang diwa ng bawat mananampalataya sa pagkilala sa Diyos at upang ang tao ay makakaunawa kung ano ang isang kapangyarihan na dapat niyang lakaran at dapat niyang sundin.
Ang batas at ang utos ng Diyos, na ito ay nanatili habang panahon ay utos at batas na sinusuway ng tao. Kaya nga at kung ano ang nagaganap at nangyayari na dinadanas nang ilan o nang marami sa mga nilalang.
Naging bingi kaya ang tao sa paalala sa bawat sekta ng relihiyon at nagtuturo kung ano ang mabuti at kung ano ang masamang lalayuan ng tao, at kung ano ang kanyang panghawakan sa pagsunod sa paalala ng Diyos na "Gawin mo ang mabut, ingatan mo ang kagandahang loob ng Diyos, sundin mo ang Kanyang kalooban".
Huwag idahilan ang isang nag-aaral, "Sapagkat ako'y tao lamang". Hindi ito tinatanggap ang isang salita sapagkat taglay mo ang tatlong bahagi na mayroong kaangkinan na mahalaga sa Diyos. Ang idinadahilan mo ay ang iyong laman, naging mabigat na dalahin.
Alalahanin na aking mga iniibig na mga kapatid, inuulit ko, ang katawang laman ay naghahayad nang mga gawa, naghahayag nang anumang kalooban ng Diyos, ito ang nagbibigay kaluguran sa isang Espiritu.
Sapagkat kung sumusunod, kung ano ang ninanais ng Dakilang Diyos na matupad sapagka't nariyan ang alalay at subaybay nang mga banal. Sapagka't ibig mong makasunod sa Kanyang kalooban.
Kaya nga at aking mga iniibig na mga kapatid, hanggang kailan hihiyaw ang isang Juan Bautista na tuwirin ninyo ang inyong mga daan. Paano nga ba maitutuwid ang daan kung walang pagbabago ang makikita sa inyo?
Sapat ba nga ang isang mag-aaral ay labas pasok sa isang lunduyan, ngunit alalahanin ninyo aking mga iniibig na mga kapatid, ang gawa ay higit na malakas at makapangyarihan kaysa sa isang salita.
Sapagkat nakikita mo ang iyong kaganapan. Sa loob ng isang tahanan, totoo ibinigay na halimbawa na ang daliri ay hindi pantay-pantay, gaya rin ninyong mga tao. Ngunit ang inyong mga panalangin ay natutuon lamang sa Isa at nagmumula sa isang kapangyarihan, na ito ay ang Diyos.
Kaya nga at aking mga iniibig na mga kapatid, walang kababalaghan sa isang katotohanan, walang kahiwagaan sa pagtutuong mayron Diyos at nagbibigay nang biyaya at magaganap anuman ang hilingin ng tao, kung ito ay karapat-dapat na tumanggap ng Kanyang kaawaan.
Kaya nga at aking mga iniibig na mga kapatid, huwag nawa sapawan ng karunungan ng tao ang karunungan ng Diyos na inyo naming ibinigay. Sapagkat wala kayong tinitingnan kung hindi ang iyong kapwa.
Una nyong tingnan ang Diyos na nagbigay ng lahat nang bagay, na pinagmumulan ng lahat nang bagay. Totoo, ang Diyos nga ang nagbigay ng lahat at ang tao ay tutupad lamang na siyang gagawa kung ano ang Kanyang loob.
Kaya nga at aking mga iniibig na mga kapatid, sa panahong ito lalo't kayo ang mga kabataan, marami na kayong nasasaksihan, unlad ang karunungan sa paglikha ng tao sa anumang teknolohiya, sa pamamagitan ng paggamot, at sa mga gamot na likha rin ng tao.
At kung minsan ito ang nagbibigay nang pag-aalinlangan sa inyong mga tao, sapagkat higit ninyong pinahalagahan ang gawa nang tao. Ngunit aking mga iniibig na mga kapatid, saan nga isasalik ng Diyos ang Kanyang mga nilikha? Sa karunungan kaya sa kamay ng tao o sa kapangyarihan ng Diyos at sa Kanyang kalooban?
Kaya nga at aking mga iniibig na mga kapatid, nawa'y hindi kayo madaig ng sanlibutan, hindi kayo madaig nang mga katuwiran ng mga Hentil, hindi kayo madaig nang anumang kagandahan o nangingintab na ilaw na inyong napagmasdan, at ang mga indak ng sanlibutan na kung minsan ay ito ang nagbibigay sa inyo ng kadilan upang makalimot sa madali, sa kahalagahan ng pag-aaral sa loob ng paaralan.
Kaya nga at aking mga iniibig na mga kapatid, sana'y sa aking mga iniibig na mga espiritista, tanungin ninyo ang inyong sarili. Anong uri akong Espiritista? Ako kaya ay nakakaunawa?
Ako kaya ay handang magtiis na ihandog ko kaya ang aking sarili bilang isang hain sa harapan nang Dakilang Panginoon alang-alang sa aking kapatid? Sa loob ng isang tahanan, ang lahat kaya ay nagkakaisa? Hindi kaya ang isa ay naghahanap ng kanyang sarili sa kanyang kapwa o hinahanap ang mga gawa ng kanyang kapwa sa kanyang sarili?
Kaya nga at aking mga iniibig na mga kapatid, pag-aralan nga nyong mabuti kung paanong pag-aaral sa loob nang paaralan na itinuturuan nang mga kabatlayaan. Mula sa kaliit-liitang bagay, gaya rin sa pag-aaral nyo sa Banal na Kasulatan, mula sa isang Adan at Eba. Anong uri at anong uri nang pananampalataya at nang pagkatao ng dalawang nilikha at hanggang ngayon dala-dala ang pag-aaral na ito.
Kaya nga at aking mga iniibig na mga kapatid, sa loob ng paaralan ng Espiritismo, nawa'y maghari, masunod ang karunungang nagmumula sa itaas at hindi ito pag-alinlanganan nang mga iniibig na mga kapatid.
At hindi nawa umaibabaw ang anumang hangarin at layunin bilang isang tao na maging kadahilanan upang ang lubid na siyang tumatali bilang pagkakaisa na ibig nang Diyos sa bawat nilalang. Dahil sa Kanyang pag-ibig, walang pag-alinlangan na ibigay ang Kanyang bugtong na anak.
Dahil sa isang pag-ibig na dakila na upang ang kalooban ng Diyos ay makita kung paano susundan ang tao ang Kanyang kautusan at ang Kanyang utos. Upang hindi masayang ang unang hinirang, ang unang tinawag na naging halimbawa at nagbigay ng hula sa anumang magaganap sa mundong ito.
Kaya nga at aking mga iniibig na mga kapatid, kung paano ang paggalaw ng tubig, hangin, apoy, o ang tinatawag ninyong lindol. Ito ngayon ang inyong ipanalangin at ipanalangin ninyo lalo pa't ipanalangin ninyo ang isipan ninyong mga tao. Na ang pag-iimbot at ang pagiging sakim sa isang kapangyarihan, at ang paghari upang umalipin sa maraming buhay.
Ito'y inyong ipanalangin at ipanalangin aking mga iniibig na mga kapatid upang ang minimithi ninyong kapayapaan at katiwasayan ay unti-unting maibaba. At baka sakali, ang hinihingi ninyong kahabagan at awa nang Diyos ay maipagkaloob sa bawat anak na tumatawag sa kanyang Ama.
Kaya at maghari nawa sa inyo ang kapayapaan sa panghina, pangalan nang dakilang Diyos at inyong panalangin nawa ay huwag ninyong kaligtaan. Totoong nangangailangan ang maraming kaluluwa ng panalangin, hindi lamang kayong mga nabubuhay, higit sa kabilang buhay. Sapagka't ito ay inyong maihatid sa landas na kung saan naroroon ang pagtitipon at pagtuturo nang mga banal. Mayron silang malaking bahaging ibibigay sa inyo na matulungan kayo sa panalangin sa paghingi sa dakilang Panginoon.
Hanggang dito ako at may kapayapaan ang aking iiwan ngayon at magpakailan pa man. Paalam, ang inyong kapatid sa iisang pananampalataya at sa iisang Diyos,
Timoteo


Comments
Post a Comment