1993, Koleksyon- Allan Kardec
1993 March 14 Spiritual Insight Allan Kardec
Sa Tuwiran - Kap. Baby Dungo
Silahis ng Pag-ibig
Kapayapaang nagbubuhat sa mga langit ang siya nawang sumainyo ngayon at sa wakas!
Anomang uri ng pananampalataya mayroon ang tao, tinatanggap na iisang
uri doon siya nagmula. Kinikilala at pinaniniwalaan na sa lupa doon
kinuha ang katawan na iginalaw sa sanglibutan.
At sa ganitong uri madarama sa bagaman at iba-iba ng antas ng
karunungang taglay ang bawa’t kaluluwa sa iisa doon nilulundo ang lahat
ng bagay ang bawa’t pagkakalilala na mayroon ng isang kamay na
nagpapala.
Mayroon ng iisang pag-ibig na nangangalaga, mayroon ng iisang buhay na
dala-dala at taglay–taglay ang lahat ng tao at ito ay ang mabuksan ang
tao.
Dahil dito, ang mga bahaging iyan ay tulad ng tali na siyang hinihila
sa isang sandali na ang tao ay maliligaw ng kanyang landas. Iyan din
ang katulad ng isang batingaw na sa sandaling ikaw ay nakakalimot hindi
maari na mayroon ng tutunog upang maala mo at magunita mayroon ka pala
ng dala-dala na humihingi ng pag-ibig sa iyo.
Ang lahat ng ito ay pagsulong ng tao, ang lahat ng ito ay pag-unlad at
unti-unting pag-akyat upang tumaas ang kamalayan sa kaunawaan ukol sa
katotohanan.
Walang tao na mananatili sa mababang kalagayan walang tao na maaaring
mananatiling ang dala-dala at namamaibabaw sa kanyang kabuuan ay ang
kamangmangan na siyang umaakay upang siya ay magkasala.
Gaano man kasama sa pagkakilala ng marami ang isang tao ay hindi
maaaring hindi siya xxx. Ni hindi maaaring hindi siya uunlad sapagka’t
ang pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa ay pagbibigay ng daan upang umunlad
at umangat ang kalagayan ng isang kaluluwa sapagka’t ito ang kanyang
hantungan. Dahil dito, ang kailangan lamang ay ang pagsusuri ng isang
kalagayan. Ang kailangan lamang ay pagsasaliksik, pagsisiyasat upang
madama sa kanyang sarili kailangan na pala siyang umangat, kailangan na
pala siyang maalis sa kinalalagyan sapagka’t hindi na ito ang bihisan na
kinakailangang kanyang taglayin at maging saplot ng kanyang kabuuan.
At kung ito ngayon ang inyong gaganapin, ano ang kinakailangang maging
batayan ng isang sarili. Na kung inihahalintulad kayo ngayon na mga
musmos na kinakailangang makasulat ng inyong pangalan, na kayo ngayon
ay mga musmos na kinakailangan na mag-umpisa na makabasa na ang
pasisimula ay sa A.
Itatanong ninyo sa inyong sarili upang madama kung kayo ay umaangat sa
inyong kalagayan. Ano ako noon, ano ako ngayon? Sino ako noon at sino
ako ngayon?
Ano ang uri ng gawain na aking tinatalaktak at ano ngayon ang uri ng
gawain na aking dinadaanan at isinasagawa. Ano ang kahalagahan ng aking
pagkakilala sa pamamagitan sa bawa’t bagay na aking nakikita at aking
naririnig at nadarama? Ano ang mga bahaging ito ngayon sa aking
kasalukuyang buhay?
Hindi baga sa pamamagitan ng ganyang mga bahagi at ganyang pagkilala sa
inyong sarili ay madarama ninyo kung mayroon na ng nagiging pagsulong
ang inyong pag-aaral?
Sapagka’t kung makilala ninyo, noon ako sa aking paglakad ay kulang ng
liwanag, at nang dahil sa kulang ng pagliwanag ay di ko nakikita ang
aking palang tinutungo ang isang bangin na aking kahulugan.
Nguni’t nang dahil sa iba at ibang uri ng karanasan na dinama at
dinanas ng inyong sarili nagkaroon ng liwanag ang inyong mga mata. Kaya
at ngayon sa inyong pag-aaral, ako pa ba noon o iba na ako ngayon?
Kung ako pa rin yaon sa kasalukuyan, samakatwid, ako pa rin ang tao na
gumagala o lumalakad at gumagalaw na nanantiling naruroon ang saplot ng
kamangmangan.
Ito ngayon ang kinakailangang kilalanin ng tao, kung ano ang mga
kamangmangang dala-dala ng inyong mga sarili siyang hindi
nagpapahintulot upang hindi makapasok ang tunay na katotohanang doon
manggagaling ang inyong kalayaan.
Isang uri baga ng kamangmangan ang galaw ng tao na naruroon ang
kagandahan at kadakilaan ng kanyang mithiin makapagsagawa ng
pinakamaliit na mabuti sa kanyang kapwa.
Nguni’t sa isang sandali na ito ay kinakailangang igalaw at ikampay ang
kanyang mga kamay, ihakbang ang kanyang mga paa, ikilos ang kabuan ng
kanyang pagkatao ay naruroon ang kaligaligan sa kanyang puso.
Mabigat ang gumawa ng pinakamaliit na mabuti. Mahirap ang magpatotoo sa
kadakilaan ng katotohanan. Ito baga ang kamangmangan, bakit?
Sapagka’t ang kinatatakutan ang tiisin na kanyang haharapin ang
pagpapakasakit na naroroon ang pinakamaliit na kabanalan ang pagsupil sa
kanyang sarili na ang ikinukulong, itinatali, ibinibilanggo, ang
katotohanan na nasa kanyang puso at ang pinalalaya ang mga lakas ng
nauukol sa sanglibutan.
Sa mga bahaging ito ngayon madarama umuunlad ang isipan ng tao
sapagka’t nakikilala ang bawa’t bahagi at bawa’t bagay na inilalahad at
inihahayag sa sanglibutan.
Nagagawa na bulayin, himayin ang bawa’t pangungusap, bigyan ng katwiran
naririto ang pagsulong ng bawa’t nag-aaral nguni’t naririto rin baga ang
batayan upang kilalaning umunlad ang kaunawaan sa katotohanan ano ang
wika at pagkakilala ng tao, “ang puno ay nakikilala sa kanyang bunga.
Ang hayop ay nakikilala sa kanyang lakas. Ang tao saan makikilala? Sa
kanyang gawa.
Kung ito ngayon ang batayan ng lahat ng bagay samakatwid ang gawa ang
galaw, ang hakbang ng bawa’t nag-aaral ang kinakailangang bantayan.
Sapagka’t sa pamamagitan ng paghahantad ng mga bahaging ito ay doon
ngayon hahatulan ang iyong sarili, doon susukatin ang inyong kaunawaan
lalong doon ngayon babantayan ang pananampalataya na sinasabi ninyong
dakila at makapagpalipat ng bundok sa kabilang ibayo.
Ngayon, ibabalik ko ang pagtatalakay sa bahagi kung papaano masusukat at
madarama ng tao lalo na ng isang nag-aaral kung sumusulong at
umaangat ang kanyang kamalayan. Sino kayo noon, sino kayo ngayon?
Noon kayo ang sanggol na anuman ang isaplot walang kabuluhan, noon, kayo
noon ang musmos na anuman ang ibigay tinatanggap, madaling akayin,
madaling turuan, madaling subukin sa lahat ng bagay sa mabuti at sa
hindi mabuti. Sa matuwid at sa kalikuan sapagka’t musmos madaling
tamnan nguni’t ito baga ang kinakailangan?
Marahil sa kalagayan ninyo sa inyong sarili ay hindi na kayo musmos na
maakay sa lahat ng bagay, kungdi ang kilalanin ninyo ano baga ang inyong
patutunguhan. Ang buhay o ang kamatayan?
Ang pagsulong o ang pag-urong, ang palakas o ang paghina upang kayo ay
manindigan sa kadakilaan ng inyong tungkulin. Kung ganito ang
mangyayari, kayo ay katulad na nasusulat sa Banal na Aklat na “isang
tambo na inuuga ng hangin sa ilang.” Bakit?
Sapagka’t walang bigat kaya nga kung saan ihapay doon mabubuwal, hindi
ito ang isang mag-aaral sa kalihiman ng buhay sapagka’t mayroon kayo
ng pagkakilala at pagkaunawa sa halaga, sa bigat, sa kadakilaan ng
layunin ng inyong isasagawa kung kayo ay magiging isang tambo na inuuga
ng hangin sa ilang, palagay ninyo ano ng inyong magiging kalagayan?
Ito ngayon ang inyong kilalanin sapagka’t ang pagsulong sa materyal na
kahayagan ay napakadali na makita at mapatunayan kung mayroon o wala
nang kinahinatnan. Ang puno mula sa buto na itinanim sa lupa pakabulok
ng balok saka pa lamang sumusulpot ang dalawang dahon.
At dahil sa pangangalaga ng tao, at pangangalaga ng kalikasan ito ay
unti-unti na nakikitang lumalaki, yumayabong, lumalago at kung
namumunga ay may bungang ibibigay. Ito ang namasdan sa kalagayan ng tao
dahil sa pagsisikap kung siya ay isang mahirap.
Unti-unti ay gumaan ng kanyang kabuhayan, nagkaroon ng maraming
tinatangkilik, siya ay yumaman pagtulong ang inihantad ng kanyang
katauhan. Ang bata mula sa unang baitang at nakatuntong at natapos sa
mababang paaralan nakarating sa mataas na paaralan pagsulong ang
kinalabasan at naging hantungan ang pagkakilala ng tao, ang pagkaunawa
ng tao ang pagdala sa kanyang tungkulin, ang paninindigan sa kanyang
layunin. Paano ngayon masusukat ang pagsulong?
Paano ihahayag na naroroon ang kaunlaran sa kanyang sarili, ang katulad
baga ng isang mag-aaral na nagsasabi, dakila ang Pilipino, gabay ng
bawa’t nabubuhay at subaybay ng naruroon sa kabilang buhay nguni’t ang
iyong sarili ay nasa kalikuan ang iyong galaw ay naroroon sa di matwid
ang pagsinsay sa batas ng katotohanan at namamalagi sa paghanap ng
kapintasan ng kanyang kapwa at kapangitan ng bawa’t bagay.
Na sa halip na siya ay isang instrumento ng matwid, nagiging karagdagan
upang managano ang kalikuan. Ito baga ang pagsulong? Kung ito ngayon
ang pagsulong, marahil, bao at magiging baog ang lahat ng bagay.
Mawawalan ng kabuluhan ang bawa’t karanasan na dinaranas ng tao.
Mawawalan ng kahalagahan at kadakilaan ng bawa’t karanasan na mayroon ng
sari-sari na damdamin, may pait, may anghang, may pakla, may asim, may
askad, may tamis sapagka’t iyan ang nagpapaganda at nagbibigay kulay sa
kalagayan ng isang kaluluwa na mayroon ng karapatan sa kawagasan at
kaluwalhatian.
Dito ngayon ninyo tahakin ang kalagayan ng inyong kaunawaan. Kung ang
isang mapait na bagay ay nagiging matamis para sa inyo, samakatwid,
maaari ninyong ngayong sabihin sa inyong sarili, may pinakamaliit na
pala akong natutuhan sa panahon ng aking pakikipag-aral.
Kung ang isinasagawa at ibinibigay ng inyong kapwa na sumusugat sa
inyong puso, nag-aalis ng kapayapaan sa inyong sarili, sa halip na poot,
galit at hatol ang inyong naibibigay, ang ibinigay ninyo ang
pang-unawa, pag-ibig at paghahangad na siya ay maragdagan sapagka’t
nakikilala ninyo ang hantungan ng kanyang galaw, marahil ay masasabi
ninyo at mawiwika sa inyong sarili nakahahakbang na pala ako, at naka
sasampa na pala ako sa pangalawang baitang ng buhay.
Katulad halimbawang ipinakita ng Panginoon, Siyang bakas na sinusundan
ng lahat ng tao anumang uri ng pananampalataya mayroon siya. Sa
pagpapasan ng mabigat ng krus, nang dahil sa kanyang ipakilala ang
bawa’t kaparaanan at makagawa na kinakailangang daanan at danasin ng
isang kaluluwa upang matamo ang kanyang kaligtasan, matamo ang kanyang
kaluwalhatian.
Sinampal, inalimura, niluran, pinutungan ng koronang tinik, ipinako sa
krus, nakapako na sa krus at inulos pa sa tagiliran at nang nauhaw, sa
halip na tubig ang ibigay ay suka at apdo ang nalasap.
Sa kabila ng mga bahaging ito, ano pa rin ang ipinakita at inihantad,
ang kaganapan ng kanyang tungkulin, ang kahayagan ng kawagasan ng
kanyang layuning maipakita ito, ang kalooban ng iisang Diyos.
"AMA PATAWARIN MO PO SILA SAPAGKA'T HINDI NILA NALALAMAN ANG KANILANG
GINAGAWA". Alin ang di nalalaman ng tao na kanilang ginagawa?
Sino sa nabubuhay ang hindi nakakikilala at hindi nakakaalam ng kanyang
ginagawa, samantalang bago niya ito gawin ay nalalaman niya, ang hindi
nalalaman ng tao ang hahantungan ng kanyang galaw ang hahantungan ng
kanyang mga gawa. Ang magiging kabuuan nito sa kanyang kalagayan ang
ganting galaw.
Ito ang hindi nauunawaan ng tao. Kung mauunawaan ito ng tao walang
gawaing magiging mabigat lalo ng walang pagpapatunay na magkaroon ng
taghirap at magkakaroon ng hadlang sapagka’t iisa ng mamamahay sa
kanyang puso at hindi siya ang gagalaw sapagka’t ito ang kanyang
kapangakuan, ang Diyos na nasa kaitaasan. Ganyan ba katatag ang inyong
pananampalataya?
Kung ganito kayo, marahil may pagsulong ang kaunawaan gn inyong sarili.
Nguni’t sa isang damdamin at sa pananaw ninyo ay nadadama ninyo na kayo
ay tutuusin naroroon nabubuhay ang magaspang na lakas ang higit ang
pagsulong ay hindi pa naabot sapagka’t hindi ninyo magagawang unawain
ang bawa’t ibibigay sa inyo ng inyong kapwa.
Hindi ninyo magagawang unawain at bigyan at bahaginan ng pag-ibig ang
iuulos sa inyo ng inyong kapwa. Kung hindi ang nagaganap at siyang
magaganap sa nakakarami sa bawa’t nabubuhay ang katulad ng batas ng
isang Moises, "ngipin sa ngipin, mata sa mata".
Ito ang binabaka ng katuruan ng Espiritismo. Ito ang binibigyan ng
gabay upang madama na ang isang kaluluwa ay kinakailangang makarating at
maka-abot sa bawa’t baitang ng buhay, sapgka’t sa pamamagitan ng
gayong mga uri ng kalagayan saka lamang matatamo ang kanyang kawagasan.
Dahil dito, inulos na baga kayo? Kung kayo ngayon ay inulos ng inyong
kapwa pag-aralan ninyo ang kasaysayan ng Panginoon na sa kanyang
pagkaulos ay naroroon pa rin ang pag-big sapagka’t nang dahil sa dugo na
tumalsik sa kanyang katawan may isang mata na bulag na nakakita.
At sa kanyang pagkakita ay naroroon nagbigay ng patotoo tunay nga na ito
ay anak ng Diyos,. Sa bawa’t sugat na inyong matamo, sa bawa’t hapdi na
inyong maranasan, nagawa kaya ninyong makapagbigay ng liwanag sa isang
matang bulag? O lalo kayong nagbigay ng kabulagan?
Sapagka’t ang hinahanap ninyo at hinahanap ay ang inyong sarili at ang
inyong kapintasan. Bawa’t tao ay may katangian sa kanyang sarili.
Bawa’t kalagayan ay mayroon ng mabuti sa kanyang sarili.
Sa isang nag-aaral sa kalihiman ng buhay ang mabuti at ang katangiang
ito ang siyang kinukuha upang siyang dagdagan upang sa pamamagitan ng
inyong pagdaragdag sa mga bahaging ito ang kanyang kapintasan ay
natatakpan. Ganyan ang pag-iibigan sa isang samahan. Ganyan ang
pag-iibigan sa isang lipunan na ang nagtuturo ay ang kaitaasan.
Dahil dito, iisa ang batas na kinakailangang makita, iisa ang batas na
inihantad at inihahayag mula pa sa pasimula hanggang sa pagpapatuloy
hanggang sa kasalukuyan.
Pag-ibig na binigyan ng pangungusap, hindi bago, hindi luma sapagka’t
ito ay sa lahat ng panahon, sa lahat ng pagkakataon, sa lahat at
anumang uri ng kalagayan ibinabahagi ibinibigay, matatanggap hindi
maaaring talikuran kaya nga at ang Kanyang wika, "mag-ibigan kayo sa
isa at isa."
xxx sasagot ang isang diwa di na pala ako kinakailangang maging ganito sapagka’t hindi na ako ganoon.
Kung kulang sa pananampalataya, mawawasak ang kalagayan gn kanyang
sarili. Batas ng pagsulong at pag-unlad ng bawa’t tao sa katuruan ng
tunay na mabuti, turo ng Diyos na siyang mabuti.
Maghari sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang pag-ibig na siyang dala-dala at ibinahagi ni Kristo sa sangkatauhan.
Kapayapaan ng Panginoon, ngayon at magpakailanman!, Paalam… Ang inyong kapatid sa iisang katuruan
Comments
Post a Comment