2023-11-27, Rebecca

2023-11-27 ARK RAF-RAD

Liwanag ng Espiritu Santo ang sumainyo ngayon at magpasawalang hanggan.

Kung ang Panginoon sa inyo ngayon ay makikisalamuha at may iiwan na dakilang biyaya, kayo kaya ay magpapaubayang buo at ganap, o ang magiging bahagi, may kulang sa sandali ng pagtanggap? Ito ang paghuhulugan ng aking sa inyo ay araling ihahandog upang maunawaan ng bawa’t isa kung paano ihahanda ng bawa’t tao ang kaniyang katauhan upang ipadama at ipakilala walang alinlangan mayroon siya ng pinananaligan na iisang Diyos at iisang Panginoon.

Dito ngayon ay i-uugnay ang katitikan ng Banal na Aklat na naghayag na kailangang iwan ang 99 upang hanapin ang 1 nawawala, sapagka’t ito ang magiging kabuuan ng 100. Samakatuwid, kung ang pagkakataong ito ang siyang kahayagan ng 99 na ang ipinahihiwatig may isang kailangang hanapin ang bawa’t isa upang mabuo ang aralin ng tunay na buhay na sa pagtanggap ay madaramang buong-buong ibinibigay at inihahandog ng Ama at ng Panginoon ang kanilang pag-ibig, ang kanilang karunungan at kaalaman, at kapangyarihan sa bawa’t isang may bukas na kamalayan upang tanggapin ang katotohanan.

Kaya nga, sa sandaling ito damhin ninyo ang inyong mga puso sa bawa’t kaniyang pagpintig, nadarama baga ninyo na sa kaniyang pagtibok may isang segundo na kailangan siyang huminto?

Na, sa kaniyang paghinto madarama rin kaya ng bawa’t isa kung papaano mabuhay at kung papaano rin mamatay? Na, kapag nadama ang halaga ng buhay hindi iibiging huminto ang pagtibok ng kaniyang puso?

At kung ang pagtibok ng pusong ito sa kaniyang paghinto ay doon nawala ang isang tupang kinakailangang hanapin masusumpungan kaya ninyo ngayon kung paano manantiling sa buong araw, sa buong panahon at sa buong bahagi ng inyong buhay walang tibok ng puso na hihinto? Kung hindi siya’y magpapatuloy tulad ng tubig na kailangang umagos at dumaloy sapagka’t mayroon siya nang hantungang kinakailangang kalagyan.

Kung iyan ang siya ngayong nagpapaunawa ng halaga ng bawa’t paggawa hahanapin ngayon ninyo kung ano ang isang nawawala, bagaman ang bawa’t isa ay gumagawa na sa kaniyang sarili, sapagka’t kailanman ay hindi magiging isang kabuuan kung may kulang. Hindi magiging husto kung naroroon ang kaniyang kakulangan.

Sa bawa’t sandali bilang patotoo iyan ngayon ang inyong hahanapin, ang kakulangan upang madama ng bawa’t isa katulad ng ipinangusap sa Banal na Aklat nang ang Panginoon ay nakabayubay sa krus, ang wika, Katotohanan, katotohanang ito ang tunay na anak ng Diyos.

Naririyan ang bawa’t larawan ng buhay na sa inyong sarili ay magpapadama na sa pamamagitan ng inyong pagsisikhay kayo ay nakapag-iimpok na, nakapagtitipon na ng kaalaman, ng mga karunungan, ng mga gawa ayon sa inyong kakayahan, nguni’t ang tanong, ito ba sa bawa’t sandali ay nakapagbibigay ng pagpapatibay at pagpapatatag upang kung dumating ang unos hindi kayo matakot?

Kung may dumating na unos, hindi kayo magugulumihanan? Kung may dumating na unos, hindi kayo mag-aalinlangan na mayroon kayo ng nasimpan, natipon, at naimpok na laging sa inyo’y naghahandog upang manatiling ang diwa ay laging naroroon sa liwanag, manatiling ang damdamin ay naroroon sa kaniyang kapayapaan; manatiling ang kaniyang kalooban ay naroroon sa kaniyang pananampalatayang kailanman ay hindi siya iiwang ulila at nag-iisa?

Sa ganyang bahagi doon ko inilundo ang isasadiwa ng 99 na iniwan upang hanapin ang 1 na nawawala sapagka’t sa gayong kalagayan makikita ng tao na sa kaniyang pakikipamuhay ay mayroon siya ng mga baitang na kinakailangang kaniyang hakbangan upang marating niya ang kaniyang hanganan, sapagka’t sa hangganan doon ngayon ganap na makikita at malalarawan kung sino siya? Naging ano siya?At papaano siya nakipamuhay sa ibabaw ng lupa.

Ito ang aking sa inyo ay inihahandog upang madama ng inyong sarili at sa inyo ay malarawan ang pagkukulang ay sadyang kinakailangang mapunan upang mabuo ang bilang na 100. Na, naroroon ang dakilang sagisag na ipinakikita at ipinadarama, ano ang 1 at ang dalawang 00 na laging magka-ugnay.

Pinagsama at magkasama upang ang kabuuan ng pag-ibig, ng kaalaman, at ng karunungan ang siyang makuha at masumpungan ng lahat at bawa’t isa sapagka’t iyon ang magbibigay ng tunay na buhay. Na, sa pagbibigay ng buhay ipakikita na kung mayroon ka ng kinuha mayroon ka rin ng iiwan.

Hanggang dito at magharing muli ang Liwanag ng Espiritu Santo ngayon at magpasawalanghanggan. 

Arkanghel Raphael, paalam.


Centro Ilaw ng Sanlibutan

Talaytayan, Kapatid Rebecca Dungo


Comments

Popular posts from this blog

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia