2016-02-02, Rebecca
2016-02-02, PRO ISA-RAD
Ang tanglaw ng liwanag, pag-ibig at kapayapaan ang lumukob sa inyong mga puso ngayon at magpasawalang hanggan.
Mga anak ng Diyos, kawangis at Kanyang kalarawan
Tatawagin ko kayong mga Anak ng Diyos upang madama ng bawa’t isang hindi kayo kulang at salat sa mga katangian at kaangkinang ipagiging dapat sa kabanalan kundi kayo ay buo sapagka’t kayo ay kawangis at Kanyang kalarawan.
Bilang kawangis at kalarawan ng Diyos bubuuin ninyo at sisikhaying ihayag at ihantad ang mga kaangkinang mula sa simula ay dala na, taglay-taglay na, bahagi na ng nakatago upang mula doon ay siyang magpagunita at siya ngayong inyong maging gabay.
Kalayaang walang gapos ngunit nakatali
Ito ang lalakaran mo, Kaluluwa, Laman! Ito ang ititindig mo, kabuuan ng isang Espirito! Sapagka’t, iyon ang iisang batas na lalakaran, na; naroroon ngayon ang karapatan upang ang lahat ay kumilalang malaya ka, nasa iyo ang kalayaan upang gumalaw, nasa iyo ang kalayaan upang umugit ng buhay, nasa iyo ang kalayaan upang lumagom ng buhay. Isang kalayaang walang gapos ngunit nakatali. Magkatulad ba?
Nakagapos nguni’t nakatali, magka-iba ba? Kapag ikaw ay gapos, ikaw baga ay tali rin? Kapag ikaw ay nakatali, ikaw baga ay nakagapos din? Ganito ang kanyang kahayagan na, kung saan ay doon magmumula ang bawa’t baitang na tutuntungan.
Sa bawa’t pagtuntong may iiwan at may kukunin sapagka’t lahat ng iyan ay magkakakabit, magkakaugnay, magkaka-ngkop. May kukunin, may iiwan upang ipakilala at ipa-unawang hindi kayo magka-iba sapagka’t ang Ama at ang Anak ay iisa.
Kapag dito ngayon nabuo ang inyong kaunawaan tatagas ang dugo, mapuputi ang buhay. Nguni’t pagtagas ng dugo na, hindi nangangahulugang iyan ay kamatayan ng laman kung hindi may buhay na mapuputi sapagka’t iyon ang gawad na ibinigay, “Huwag mong gagalawin ang bunga ng puno nang pagkakilala nang mabuti at masama sapagka’t ikaw ay mamamatay!”
Iyan ang pag-aangkop at diyan ngayon nakapaloob, “Kaluluwa sa iyo ko itinititik! Kaluluwa ng tao, sa iyo ko ipinupunla upang mahasik! Iyan ang Agham ng iyong buhay! Iyan ang simulain ng buhay na kailangang maunawaan ng iyong Espirito. Iyan ang Agham ng kaalaman at karunungan na siyang bahagi at kaangkinan ng Diyos.”
Kung gayon, dito kayo magsikhay na maalis ang lambong, ang takip sa inyong kabuuan upang maganap ninyo ang pinakamahalagang sangkap nang pagunlad na kailangan sa pagbubuo sapagka’t sadyang may mawawasak. Mga sangkap na, siyang magpapa-unawang kapag pinili ang buhay may maiiwan at tatalikdan, ang kamatayan. Nguni’t kapag pinili ang kamatayan, may maiiwan at tatalikdan, ang buhay.
Kaya nga, gaano kayo ngayon kadakila bilang lalang ng Diyos? Gaano kayo ngayon kahalaga bilang kanyang kawangis at kalarawan upang ilagay lamang ninyo ang bawa’t bahagi, bawa’t katangian at kaangkinang nasasa inyo na maging walang kabuluhan? Na, mauuwi ikinubli ng nakakuyom na mga palad.
Ano ang damdamin, ang karunungang ituturing na hiwaga at talinghaga ng mga nakakuyom na palad?Ito ang paghahalayhay ng buhay. Ito ang pagpapadama ng buhay. Ito ang pag-ugit ng buhay. Ito ang kinakailangan na maging kahayagan ng buhay.
Ngayon, sa isang sandaling tumbasan ang kamusmusan, ang tungkulin ng bawa’t kaluluwa’y mag-aangkop, magdurugtong, mag-uugnay upang doon ay unti-unting matanaw, may liwanag pala na kinakailangang mabuksan upang mahawi ang pusikit na kadiliman.
Kaya nga at, ang sanggol sa kanyang tamang panahon ay naglalahad o nagbubukas ng kanyang mga palad mula sa kanyang pagkakatikom na ipinadaramang mula sa kanyang kabuuan hanggang doon sa tangkilik ng kanyang magulang, “Ito ako, kapag minasdan mo at hinawakan ang aking mga palad ay mababasa mo ba ang kasaysayan ng aking kaluluwa? Mababasa mo ba ang mga baitang na kailangang aking tuntungan na doon ay mahigit na kailangan ang iyong gabay sapagka’t ikaw ang aking ina at ang aking ama?”
Kapag minasdan mo ang nakabukas na mga palad matutunghayang naroroon ang wala nang magiging kaparis na tatak na nangungusap, “Bawa’t isa sa pagiging kawangis at kalarawan ay; may sariling tatak ang kanyang pagkatao, may sariling tanda ang kanyang buhay na pinagdaanan, may tatak upang siyang maging sagisag ng bawa’t isang hindi siya binigyan at pinahiram ng buhay upang ito ay mauwi lamang sa wala o mauwi lamang sa karimlan, hindi upang iwaldas at ibulagasak, hindi upang sirain at wasakin nang walang kabuluhan at wala nang magiging magandang hantungan, kung hindi, madama mong dakila ka sapagka’t ikaw ay kawangis at kalarawan ng Diyos.”
Kung ito ngayon ang pagpapamalay at pagbubukas ng kamalayan ng pagiging lalang ng Diyos at magkaroon ng liwanag, marinig ngayong nangungusap ang mga palad mula sa kanyang pagkakalahad, iisa ang ipinaririnig bilang tinig ng Diyos:
“IKAW ANG AKING LALANG NA SIYANG SIMBOLO NG BAWA’T GUHIT NA NAROROON SA IYONG MGA PALAD. IKAW ANG AKING DAKILALNG LALANG!”
Bawa’t guhit ng palad ay magpapakilala kung anong buhay ang uugitin ayon sa antas
Kaya nga ibinigay ko ang bahagi ng aking pagka-Espirito na siya ngayong nakatatak sa iyong mga palad upang mula doon ay humakbang ang isang kaluluwa sa kanyang tugpahin na, ang bawa’t guhit ng kanyang mga palad sa kanyang pagkakalahad ay siya ngayong magpapakilala kung anong buhay ang uugitin ayon sa kani-kaniyang antas sapagka’t ang guhit na ito ang siya ngayong nagpapahiwatig at naglalarawan ng bawa’t kaantasan na dala-dala ng isang kaluluwa.
Iyan ba ngayon ang siya ninyong dapat na basahin? Iyan ba ang dapat ninyong kalagan? Iyan ba ang nakatali na kinakailangang maunawaan ng bawa’t magulang upang hindi maligaw ang isang kaluluwa yayamang sila ang pumili upang sa inyong pagtangkilik at pangangalaga ay masumpungan ninyong muli ang daan patungo sa kaharian ng Diyos?
Kung iyan ngayon ang siyang sa inyo ay binubuksan, paano ninyo ngayon pahahalagahan ang inyong sarili? Paano ninyo pahahalagahan ang kaalamang sa inyo ay ipinagkakaloob at inihahandog? Paano ninyo ito titipunin, sisimpanin, pangangalagaan at pag-iingatan yayamang kayo minsan ay naging sanggol at kayo ngayon ay nagkakalag sa pagiging sanggol?
Magkasalikop ng mga kamay nagpapahiwatig ng kamusmusan
Hindi lamang nakalahad na mga kamay kung hindi magkasalikop na mga kamay na, ipinakikilala at ipinahihiwatig ang kamusmusan a’y kailangan mo na bang iwan? Ang kawalang-malay ay kailangan mo na ba ngayong suriin at siyasatin? Ang kasalatan sa tunay na kahulugan kung sino ka, saan ka nanggaling, ano ang iyong tungkulin at saan ka muling magbabalik?
Kailangan na ba ngayong maging bahagi ng iyong diwa? Kailangan na ba na maging bahagi ng iyong puso, sapagka’t ito ang siyang taglay-taglay? Magka-angkop sa mga magkakasalikop at magkakaduop na mga palad na, ang ipinadarama ay dalawang laman na pinapag-isa.
Ang laman na may bahagi ng lupa kukuha ng para sa kanya, mag-iipon at mag-iimpok ng yaman para kanya, gagampan ng tungkululin para sa kaganapan ng pagiging tao na may buhay para sa lupa. Nguni’t hindi kinakailangang iwaglit sapagka’t sa pagkakasalikop at sa pagkakaduop ay ipinakikailalang dalawang (2) lakas ang kahayagang ipamamasid, ipapataw sapagka’t may laman para sa kaitaasan.
Isang laman na siyang hahanap ng kanyang daigdigan, isang laman na doon ngayon magsasalikop ang dalawang lakas hindi upang ito magwasakan at magsiraan kung hindi muli ninyong dinggin. Mula sa pagkakasalikop tulad ng dalawang bato mag-uumpugan upang may madurog. Ano ngayon ang kalagayang ito? Iyan ang kahalagahan nang magkasalikop o magkaduop na mga kamay.
Dinadama ng bawa’t isa ang bahagi na kanikaniyang ibinigay; dinadama ng bawa’t isa ang lakas mula sa isa kung paanong sila’y magtutulungan, magdadamayan, magbibigayan ng suhay sa bawa’t isa upang makapanindigang muli doon sa tinig at pangungusap ng Diyos: “IKAW ANG AKING DAKILANG LALANG.”
Dinggin mo oh,TAO!, “Tinatanggap mo bang ikaw ay lalang ng Diyos? Damhin ng iyong puso, “Tinatanggap mo ba na ikaw ang buhay na larawan ng Diyos?” Buksan mo ang iyon diwa upang maunawaan mong ikaw ang lumalakad na kaalaman at karunungan ng Diyos.
Kung ito ngayon ang siyang sinisimpan, siyang pinangangalagaan at pinag-iingatan nang magkaduop na mga palad, ipauubaya mo ba na mula sa pagkakaduop ay muli mong ikukuyom upang ang maiwan, wala pala ng magiging kabuluhan ang lahat? Mawawalan pala nang halaga ang lahat.
Kaya’t ang pangungusap sa Banal na Aklat, “Walang matuwid, walang matuwid, wala, wala kahit isa.”
Kung sa ganito hahantong, naririyan ba ang kahayagan at pangangailangan upang matanaw na mula sa kanyang pagkakaduop ay mayroon ng isang titiklop at mayroon ng iisang mananatiling nakatindig at nakatuon doon sa kaitaasan at ang nakatiklop ay doon kukuha ng lakas mula sa kalupaan?
Ito ang buhay. Ganito ang kahayagan ng buhay. Ganito ang tugpahin ng isang kaluluwa upang ihalayhay ang tunay na buhay. Ngayon, sa kalagayang ito ay nadama na ba ninyo kung bakit ito ang siyang sa inyo ay binubuksan? Nadama na ba ninyong kayo ay unti-unting hinahapak, pinupunit upang mula sa pagkakahapak na ito ay makita ninyong may nag-alay at nagbuwis ng buhay?
Na sa, bawa’t pagkakataon, sa bawa’t sandali, sa bawa’t yugto ng buhay ay iisa ang tinataglay? Iisa ang larawan at kahayagan ng buhay na kanyang ipinatutunghay, ito ay walang iba, kung hindi ang batas at kautusan na siyang sumasaklaw sa pagiging nilalang, “Pag-ibig” na, siyang tandang inukit sa inyong mga palad:
“MAG-IBIGAN KAYO SA ISA’T ISA.”
Ito ang siyang kinupkop mula sa nakakuyom na mga palad siyang nanatiling pasinungalingan? May kailangan ba akong bigyan nang patotoo upang ito ang maging kabuuan ng BANYUHAY ng aking ESPIRITO?
Lalagyan natin ng takdang oras sapagka’t ang pagpapatuloy, ang kaisahan upang maging bahagi nang malayang talakayan na, kung saan ay madarama ng bawa’t isang kayo ay katulad nang magkakapatid na iisa ang pusod na mula sa iisang pusod na ito ay doon ngayon magpapakilala, “Hindi ka walang kaugnayan sa akin. Hindi ka wala nang kaangkupan sa akin kundi, ikaw, ako, tayong lahat ay iisa.”
Sapagka’t iisang pusod ang kinabitan, iisang pusod ang pinaggalingan, ang pinagmulan kaya nga at ang nabubuo ay kaisahan. At mula sa kaisahang ito ay doon ngayon magpapatuloy ang ihahayag at gaganapin upang siyang maging landas na lalakaran ng lahat at bawa’t isa, ang kautusan na siyang tanging buhay na ginampanan ng bugtong na Anak ng Diyos, “Magibigan kayo sa isa at isa.”
Ito ang aking sa inyo’y inihihimatong. Nauunawaan ba ninyo ang magiging pagpapatuloy at inyong gaganapin? (Sumagot ang mga kapatid sa bawa’t pangkat)
Kung sa inyo ngayon ay may mabuksan, siya ngayong magpapadamang ang lahat ay may tinaglay at kinupkop bagaman at kani-kaniyang antas ng katangian at kakayahan nguni’t iisa ang magiging kahayagan, lahat ay may katangiang kanyang tinataglay.
Magpapatuloy kayo upang ganapin ang malayang talakayan at sa huli kung inyong pagiging-dapatin pa ang lagom ay babalik ang talaytayang gumaganp ayon sa inyong kagustuhan.
Maghari nawa sa inyong mga puso ang tanglaw ng liwanag, pag-ibig at kapayapaan buhat sa mga langit. Ako ang sa inyo’y nag-iiwan ng lagda nguni’t hindi ako ang maglalagom, Isaias, paalam.
Lunduyang El Espiritismo
Concentraciom/ Meditacion
First Sunday
Abotsabi sa Hapag-Kapatid Rebecca A. Dungo
Comments
Post a Comment