2007-2023, Koleksyon -Arkanghel Miguel

 







2022-11-13, RAD 

Araw ng Kaluluwa

Liwanag at pag-ibig na buhat sa Ama at sa Panginoon ang maghari sa puso ng lahat at bawat isa. Paano ang magiging uri ng kahayagan kung ang mga patay ay ibabangon mula sa kanilang hukay? Ano ang larawan na ibibigay kung pagkatapos ng kamatayan buhay ang makamtan?

Sa inyong sarili bukas ba ang inyong puso upang magawa ninyong iahon ang pag-ibig at bumukal tulad ng tubig sa bukal? Bukas ba ang isipan upang ang aahunin doon sa hukay upang bigyan ng kalayaan, may bahagi ng liwanag sa inyong isipan upang ang sa inyo at sa kanila ay magtagpo upang bumalot ang liwanag na daladala ninyo ngayon, mayroon ba?

Humihingi sila sa inyo, lalapit sila sa inyo, luluhod sila sa inyo, nanikluhod sila sa inyo sapagkat ito ang paglaya ng kanilang kaluluwa, iaahon mula doon sa pinakamababang antas upang sila'y bumaitang sa pangalawang baitang ng isang hagdan.

At kung ito'y inyong matanaw damhin ninyo sa inyong puso at inyo ngayong kilalanin, ito ba ang kabilang buhay? Ito ba ang daigdigan ng mga Espiritu? Ito ba ang kabilang ibayo na ang tinamo ay sadyang kamatayan?

Sa ganito ako nagpapasimula bilang isang Arkanghel Miguel, sapagkat doon kukunin ko sa hukay, sa kinalugmukan ang mga uri ng kaluluwang kailangang iahon, kailangang tanglawan ng liwanag, kailangang hagkisan ng kapayapaang dala-dala ninyo ngayon, dala-dala ng sandaigdigan, ngunit ano ang ibibigay ng sandaigdigan sa kalipunan ng mga kriminal at mamamatay Tao?

Iyon ang iaahon ko ngayon. Paano ninyo tatanggapin ang mga kriminal na ito? Ang mga ulupong na ito? Ang mga mamamatay taong ito? Pag lumapit ba sa inyo ay katakutan ninyo? Lalapit ngayon sa inyo sapagkat iyan ang tanda na humihingi ng kapatawaran sa kanilang nagawa na walang katumbas sa kasalanan, bagaman hindi kayo naging bahagi ng kanilang buhay, humihingi ng kapatawaran, at sa kapatawarang ito, may bahagi ba ang inyong puso?

Ang mga hinaing ng isang kaluluwa

May bahagi ba ang inyong isipan? May bahagi ba ang inyong kaluluwa upang sa mga larawang ito, doon ngayon ninyo makita, ito rin pala ako? Hindi nga ako pumapatay, ngunit ang pagkakataong binibigyan ako ng buhay, iyon ang pinapatay; ang pagkakataong matamo ang tunay na paglaya, ang pagkakataong matamo ang tunay na liwanag hindi ba iyon ang pangangailangan?

Kaya nga't kung lumalapit ano ang ibibigay ninyo sa amin? Ang paghusga ng lipunan sapagkat kami'y pumapatay dahil sa salapi? Kung gayon, sa bawat sandali, ito ang bahagi ng buhay na sa inyo'y ipinadarama.

Naghahanap ng kapayapaan, sapagkat naligaw

Damhin ninyo ang bigat upang magtamo ng gaan. Hinanap namin ang kapayapaan ngunit naligaw. Magpapatuloy ba kami sa ganitong kalagayan? Bawa't kaganapan, huhugutin ang lakas. Kung gayon, paano nagtatalo ang puso at ang isipan? Paano nag-uugnay ang diwa, ang kaluluwa? Paano ngayon lalakas ang puso upang ang tamuhin ay kamatayan sapagkat ang kailangan ay buhay?

Ang pisi na kinuha mula sa kanilang buhay ay maikli na hindi nagawang pahabain. Ito ba ang nasasa inyo ngayon upang ang pisi ay magkaroon ng karagdagan? Sapagka't hindi sapat ang makinig at dinggin ang bawa't pangungusap kung hindi ilagay ninyo, sila, ako, na ang sinapit ng buhay ay napakarimarim, kasuklamsuklam?

Salapi, kapalit ng maraming kalagayan ng mga anak na lumuluha

Kailangan ninyong madama? Gaano kahalaga ang salapi upang ang naging buhay dahil sa kayamanang panlupa, na ang kapalit ay buhay ng maraming kalagayan ng mga anak na lumuluha, kalagayan ng mga anak na inalisan ng kinabukasan, kalagayan ng isang kabiyak na itinaguyod ang buhay ngunit nang dahil sa kakulangan at kasalatan ng ukol sa kaalaman kapwa nabulid doon sa malalim na hukay.

Iyan ngayon ang siyang bahagi na sa inyo'y hinihingi. Kaya nga inaahon, i-aalis upang sa pamamagitan ninyo matamo ang liwanag. "Patawarin po ninyo kami. Hinihingi namin ang maikling sandali upang madama, buhay pa rin ang Diyos, naririyan pa rin ang Kanyang pag-ibig sa amin ay ibinibigay. Paglaya! Paglaya! Paglaya!"

Lipunang mapaghusga, mapangalispusta, at mapaghatol

Nadama ba ninyo at natanggap kung ano ang larawang ibig na sa inyo ay ihantad? Kung kayo ang lipunan na bahagi ng bawat buhay, ang larawan ba ng lipunan na sa kanila'y kukupkop ay lipunan na mapanghusga? Lipunang mapangalipusta? Lipunang mapaghatol na hindi naunawaang bawat galaw ng tao ay may pagpatay na isinasagawa ang bawa't anak ng Dios.

Maraming uri ng pagpatay ng tao ngunit binubuhay ng Diyos

Ngunit ang pagpatay ay hindi isang kahayagan lamang, marami ang uri at ibig sabihin ng pagpatay. Hindi lamang ang laman ang pinapatay. Ang isipan ay pinapatay ng tao. Ang puso ay pinapatay ng tao. Ang damdamin ay pinapatay ng tao. Ang mata ay pinapatay ng tao. Ang paningin, ang kanyang pang amoy, ang kanyang pandinig ay pinapatay ng tao, ngunit binubuhay ng Diyos.

Binubuhay sapagkat sila'y mga anak na kailangang ilagay sa liwanag. Kung gayon, ano ang nasasa inyo ngayon na kaya ninyong ibigay? Hindi baga iyan ang katotohanan na kapag nasumpungan ninyo palalayain ang bawat sangkap ng inyong pagkatao.

Paglaya ng mga kaanginan ng kaluluwa doroon sa kalagayan ng tunay ng anak ng Diyos

Palalayain ang bawat kaangkinan at sagisagin ng inyong kaluluwa upang sa kanyang paglaya, ang kamay na ang Diyos ang siyang gumawa ay maging kamay na mapag-aruga; maging kamay na tagapangalaga; maging kamay na tagahubog upang ang lahat ay dumoon sa kalagayang ang lahat ay tunay na anak ng Diyos.

Dahil dito, ang inahon sa libingan, damhin ng inyong puso, magkakaroon na kaya ng kapayapaan? Kung sila ay inyo ngayong kaugnay, ano ang nadarama ng puso ninyo ngayon? Ano ang nadarama ng damdamin ninyo ngayon?

Ano ang itinitibok at iginagalaw ng pag-iisip ninyo ngayon? Ano ang magiging kahayagan at kalagayan ng pagkatao ninyo ngayon? Iyon din ba na, sa bawat araw, sa bawat pang-araw araw ninyong kabuhayan matanim kaya sa isip ninyo na sila'y inahon sapagkat naririyan kayo?

Pagpapatawad nag-aalis ng kadiliman, susi ng paglaya at kapayapaan ng kapwa

Na sila'y pinalaya sapagkat naririyan, ang puso ninyo'y handa na magpatawad? Inalis sa kadiliman sapagkat nasasa inyo ngayon ang liwanag, ang ilawan ng tunay na buhay. Kaya bang kapain ito sa inyong puso?

Ang lahat ay iisa, nagmula sa iisang pinanggalingan

Iyan ang aralin. Iyan ang karunungan na hindi naitatala sa pinakamakapal na Aklat sapagkat iyan ay natatala sa pang araw araw na karanasang tutunghayan at tintunghayan ng lahat at bawat isa upang maunawaan ng bawat tao ikaw ay siya, siya ay ikaw, ikaw ay iyon, lahat kayo ay iisa sapagkat lahat kayo ay nagmula at ang pinanggalingan iisa ang hininga ng buhay na ibinigay at inilagay doon sa butas ng ilong upang ang tao ay maging kaluluwa na may buhay.

Ang hininga ng buhay

Ano ang hiningang iyon? Iyon ang kanyang liwanag. Iyon ang kanyang pag-ibig. Iyon ang kanyang kabuuan. Iyon ang kanyang kaangkinan na inihinga sa tao upang ipakita walang kasinghalaga ang buhay at lalo itong nadarama kung nasasa inyo ang pagsubok. Lalo itong nagiging dakila kung nasasa inyo ang suliranin, kung dumarama kayo ng kapighatian sapagkat iyon ang naglalapit sa inyo sa Diyos.

Iaahon ang mga kaluluwa, patirin ang tali ng kamangmangan

Katotohanan ba? Kaya bang tanggapin? Samakatuwid, katulad nila nangungusap, "tulungan ninyo kami, patirin ang tali ng kamangmangan. Tulungan ninyo kami hapakin ang tabing ng templo upang ang inilarawan sa kasaysayan, sa paghapak sa tabing templo doon lamang natanggap at ipinangusap, tunay nga na ito ang anak ng Diyos."

Sa inyong sarili, tunay nga na ako ay anak ng Diyos at magiging tunay na anak ng Diyos? Kung gayon, naahon, napalaya ang lagom, ang lipon ng mga kaluluwang ito, ngunit ano ang kanilang ihahasik sa lupa? Ano ang ihahagkis nila sa bawat isipan? Ano ang itatanim nila sa bawat puso, sa bawat damdamin? Ano ang ibabalot nila sa sandaigdigan?

Naiahon ngunit tatalikuran, itatakwil, iiwan na walang liwanag na mataglay

Iyan ba ang kalihiman? Na, pagkatapos maiahon iiwan upang walang liwanag na mataglay. Tatalikuran upang walang magandang kinabukasan na harapin. Itatakwil upang wala ng buhay na sa kanila ay ihandog at maihandog. Sa ganyan ko kayo ngayon binubuksan upang maunawaan ninyong bawa't sarili ninyong maiahon ay naiahon ninyo sila.

Bawat kalagayang ginalawan nila na doon kayo ngayon ay nagsisikhay, nagpapakasakit upang mabalot ng kabutihan at kawagasan ay magiging kaligtasan nila. At kung naroroon ang kaligtasan nila, hahanapin pa ba ninyo ang kaligtasan ninyo samantalang nasa inyo na ang inyong sariling kaligtasan?

Matinik ang landas. Maraming sanga ang tinatanaw sa buhay, ngunit iisa ang sa inyo ngayon ay ikikintal, kailanman ang pangungusap, kayo ay hindi magpapahintulot na ibaba ang inyong mga pasan, na ibababa ninyo ang inyong mga krus ng walang kaunawaan at walang liwanag na maiiwan. Saan kayo dadalhin ng kinabukasan?

Kaya nga sa tinatamo ninyo ngayon, ano ang pangungusap na karapatdapat? " Never give up. Do not give up! Never loose hope. Do not loose hope!" Hubugin ninyo ang inyong sarili sa pananalig, sa pananampalataya na hindi sa salita, hindi sa pag-iisip kung hindi doon sa karanasan ng buhay na inyong ipatatanaw.

Halimbawa ng tunay na anak ng Diyos

Sapagkat doon ninyo ipapaloob ang bawat paggawa ng inyong sarili sa pang-araw-araw na ang inyong ipinamamalas kayo ang magiging tunay na halimbawa ng mga tunay na anak ng Diyos. Handang iwan ang lahat. Handang itakwil ang lahat. Handang talikuran ang lahat ng ayon at ukol sa yaman ng sanglibutan kung ang magiging kapalit ang yamang ibibigay ng Diyos.

Samakatuwid, tatalikod ba kayo sa bunton ng salapi? Mahirap mangusap lalo na sa isang mahirap, ang salapi ay kanyang kaligayahan sapagkat iyon ang daan ng pag-ahon sa kanyang lugami na buhay. Datapuwat ang salapi ay patuloy na hinahangad; patuloy na pinapangarap na laging may salaping hawak ang kanyang mga kamay, ang kanyang bulsa ay may salaping masasalat.

Ilagay ninyo sa inyong puso, ibinibigay sapagkat maraming kailangang pagkawanggawaan; maraming salat na kailangang paglingkuran; maraming bibig na hindi kumakain at tiyang hindi nalalamnan ay kailangang ito'y punan.

Dalawang pangkat ng nabubuhay sa salapi

Ang pangkat kung saan ang salapi ay para sa lahat na inilagay sa matwid

Iyon ang halaga ng salapi sa buhay ng bawat tao, na, hindi nauunawaan sapagkat hindi mulat ang pag-iisip, hindi mulat ang kamalayan na ipinagkatiwala hindi lamang para sa kanyang sarili kung hindi para sa lahat sapagkat ang salapi ay pag-asa ng bawat kaluluwa kung ito'y inilalagay sa matuwid at ito'y ginagamit para sa ikababanal at ikaluluwalhati ng isang kaluluwa.

Ang pangkat na nabuhay at ginawang panginoon ang salapi na walang pakikipag kapwa-tao

Hindi kaya ang pangalawang pangkat na nabuhay sa salapi. Ginawang panginoon ang salapi. Ginawang masarap na pagkain ang salapi. Itinuring na pang agdong buhay ang salapi. "Salapi! Salapi! Salapi! Bumalong ka salapi! Huwag mong hayaang matuyuan ang bukal sapagkat malulungkot ako, malulungkot kami, mahahapis kami.

Hindi titigil ang luhang papatak sa aming mga mata sapagkat walang salaping bumubukal, walang salaping hinahawakan, walang salaping tinutunghayan. Kaya nga, salapi, salapi, salapi,salapi!" Ngunit sa hindi marunong magdala siyang magiging ugat ng lahat ng uri ng kasalanan at kanyang ipagkakasala na magiging pananagutan ng kanyang kaluluwa. Ganito ba ang magiging pagtangis?

Pumikit kayo sandali. Dinggin ninyo ang pagtangis ng bawat kaluluwang nabuhay sa salapi na walang kapwa tao, walang katarungang ibinigay, nangapi, nangalipusta, nangalipin, naroroon ngayon, damhin ninyo sa inyong damdamin.

Ang pagtangis ng mga kaluluwa

Hindi ninyo iibiging ito ang inyong maging kalagayan sapagka't sa sandaling ito ang inyong mga kalagayan, ano ang inyong kasasapitan at ano ang inyong maririnig, katumbas kaya ng pag-iyak sa lupa? Ng pananangis o higit pa sapagkat ito ay humihiwa ng laman, sapagkat ang panangis ng isang espiritu ay lumalapnot sa bawat laman, dumudurog ng bawat buto ng tao ( Ipinarinig ang pagtangis ng mga kaluluwa)

Iyan ba ang ibig ninyong maangyari at maganap sa inyo? Iyan ba ang buhay na iibigin ninyo? Gaano kasakit sa puso? Gaano kapait ang mamalas ninyo ang inyong sarili sa gayong kalagayan? Kung gayon, ano ang pangangailangan?

Paano sila iaahon? Paano sila tatanglawan? Paano ipadadama ang kapayapaan? Paano matatamo ang tunay na buhay? Sapagka't kung ang pag-ahon mula sa libingan ay ang paghahagkis ng tunay na buhay, paano nila ito makakamtan?

Kamalayan sa karunungan ng mabuti, pagpapakabanal at ikawawagas

Iyan ang lihim at salat sa kaunawaan ng tao sapagkat nasa lupa, sadyang ang nasa lupa ang sisikhayin, ang kukunin malibang may mabuksang kamalayan sa kabuuan ng kanyang katauhan. Kamalayan ukol sa karunungan ng mabuti; kamalayan ukol sa karunungan ng kabutihan at pagpapakabanal; kamalayan ng ukol sa kabutihan ng kanyang ikawawagas; kamalayan ng ukol sa pagibig at kalooban ng Dios. Iyan ang kailangang mabuksan.

Dadalhin ba ito ng puso ninyo ngayon? Gagawin bang saplot ng inyong damdamin, ng inyong kalooban, ng inyong pagiisip upang siyang maging larawan na ihahantad sa paningin ng tao? "Heto ako, ang anak ng Diyos na nakaunawa mula sa maraming karanasang sa akin ay nagturo.

Heto ako bilang anak ng Diyos na nakaunawang bawat aking gawin ay ang larawan ng Diyos ang aking ipinatutunghay, ang aking ipinakikita, ang aking ipinamamalas." Sino ba kayo sa pangingin ng Diyos? Ano ka sa puso mo? Ano ka sa pangingin mo? Ano ka sa pagkatao mo? Ano ka sa buhay mo upang dalhin mo ang pag-ibig ng Diyos?

Iyan ang bawat araling sa inyo'y iniiwan. Hindi sapat na maunawaang ito ang kanilang ipinagkamali; ito ang kanilang naging pananagutan; ito ang kanilang naging kamangmangan kung hindi sa lahat ng iyon, ano ang sa inyo'y nalalabi?

Umalis kayo sa pagiging mangmang, sa paggawa ng hindi karapatdapat upang tunguhin ninyo ang pagiging maalam, ang pagiging dalubhasa sa paggawa ng karapatdapat sapagkat naroroon ang pangingin ng Diyos bagaman ang pangingin ng Diyos ay nasa mabuti at sa masama, ngunit ang mabuti ay i-aangat sapagkat mayroon ng sa kanya ay tungkuling gagampanan.

Pagbabago at pagtalikod sa pagkakasala, mag-aalis sa kamangmangan

At ang naririto, lahat, hindi upang malugmok sa kaparusahan kung hindi upang magtamo at makasumpong ng liwanag upang sa kanyang pagiging mangmang siya ay magbago. Sapagkat ang pagbabago ay ang pag-alis at pagtalikod sa gawa na ang tutunguhin ay pagkakasala na kailanman, hindi katulad ng pagkakamali maitutuwid; hindi rin katulad ng pagkukulang, mapupunan, ngunit ang pagkakasala pananagutan, sapagkat ang wika, hanggang kahulihulihang beles magbabayad ka ng iyong pagkakautang.

Ganito ang kahalagahan ng pagbibigay ng sandali sa bawat kaluluwa sapagkat doon ngayon mamamalas kung paano ginamit ang buhay na ibinigay ng Diyos. Doon ngayon matatanto at mauunawaan kung saan nila dinala ang kanilang mga paa.

Sa ganitong bahagi, nag-aaral kayo, nagsusuri kayo, ang kaluluwa ba hindi nag-aaral? Hindi nagsusuri? Lalo sila ngayong nagsusuri upang matanggap nila ang lahat ng pagkukulang na kanilang naisagawa upang sa isang sandali na bigyan ng pagkakataon,ang pagkakamali ay magiging tatak ng kanilang pagkatao, maging tatak ng kanilang diwa upang sa buhay na muling ipagkakaloob doon ngayon tulad ng bunga pipitasin ang bawa't karunungang kanilang natutuhan upang siyang ilatag sa daan na kanilang lalakaran.

Ang muling pagkabuhay ng isang laman, isang pagsulong

At naroroon ang pagsulong, naroroon ang pag-unlad, naroroon ang kadakilaan kung bakit binibigyan ng muling buhay ang isang laman upang maging kasangkapan ng kaluluwa sapagkat ang magaspang ay kailangang dumaan sa gilingan, sa hasaan upang mapino sapagkat ang titis ng apoy na naiwan doon sa kanyang kinalugmukan magiging moog upang muli'y itayo ang bantayog.

Ito ang aming sa inyo'y iniiwan at sa inyo'y ikinikintal, kung tumatangis kayo ngayon, kailangan bang tumangis pa rin kayo pagdating sa kabilang buhay? Sa ganyan ngayon ninyo hubugin ang inyong pagkatao sapagka't nasa inyo ang lahat ng bahagi ng Diyos sapagka't iyon ang buhay na inihinga sa butas ng ilong upang mula sa pagiging kaluluwang patay ay maging kaluluwang may buhay.

Maghari sa lahat ang liwanag at pagibig mula sa Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Kapayapaan, kapayapaan sa sandaling ito at sa bawa't kaluluwa ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Miguel, Paalam.

(Lunduyang El Espiritismo)

Talaytayan, Kpd. Rebecca Dungo 

 

2007-08-26, TL

Pag-ibig at kapayapaan ang aking ibinabati sa bawa't isa ngayon at magpakailan pa man.

Gising na nga baga ang bawat isa sa kung ano ang maihahatid nang tinatawag niyang Espiritismo sa kaniyang kalagayan? Nagkaroon na nga baga nang pagsundot sa kaisipan at damdamin ng isang mag-aaral sa paturuan ng diwa kung papaano niya palalawakin at pagyayamanin ang kaniyang kaalaman sa kalihiman ng dakilang Diyos.

Tunay na mabuti ang makinig, at higit na mabuti ang paggawa. Ngunit higit ding matatawag na mabuti ang pagpapatuloy ng paghahangad ng pag-angat nang kaalamang maipagkakaloob sa inyo ng paturuan ng diwa.

Sapagkat akin ngang mga iniibig na mga kapatid, kung paano nakikita ng tao ang napakalawak ng maihahandog sa kaniya nang sanglibutan, sa ngalan ng pag-aaral sa laman, higit ngang malawak ang maihahandog sa inyo ng paturuan ng Espiritismo bilang isang laman at bilang isang espirito na kawangis ng dakilang Diyos.

Yan nga ang inyong pagsikapang pag-ibayuhin. Sapagkat tunay na ang pag-aaral na ginagawa ninyo sa kalihiman ng dakilang Diyos ang magbibigay sa inyo nang higit na kaluwalhatian at kapayapaan sa pagdating ng tamang panahon.

At maging itong panahong itong inyong nilalakaran, kung inyong susuriin at nanamnamin ang bawat bahagi na sa inyo'y ipinagkakaloob ng kabatlayaan, mararamdaman ng bawa't isa na tunay ang sinasabi sa inyo na kung kayo lamang ay susunod sa paggabay ng mga kabatlayaan at ng dakilang Panginoon.

Ang bawat paghakbang na ginagawa nang bawa't isa sa kalupaang ito ay nagkakaroon ng kapayapaan, nagkakaroon ng kaigihan, at nagkakaroon ng pagkakaisa na kung papaanong inyong paggawa sa inyong laman at paggawa ninyo sa Espiritu ay dumuduon lamang sa mabuti at karapat-dapat sa harapan ng dakilang Ama.

Paano pa nga baga higit, kung ang lahat ng bagay na inyong ginagawa ay itutuon nyo sa inyong pag-aaral sa paturuan ng diwa? Anong kasiyahan, ang sa inyo'y maipagkakaloob nang pag-aaral na yaon? Tunay nga na hindi maihahambing sa anumang kasiyahan na inyong magaganap bilang isang tao at bilang isang laman.

Ngunit papaano nga ipagkakaloob sa bawat isa ang kaluwalhatiang iyan, kung walang lakas na gustong umabot, at walang mag-aaral na nais matuto.

Akin ngang mga iniibig na mga kapatid, kagaya nang binanghay sa inyo ng unang Batlaya, ibigay ninyo ang inyong paglilingkod nang may katapatan sapagkat kung ang bawat isa ay magpapatuloy nang may pag-aalinlangan, wala ngang kaunlarang maipagkakaloob sa inyo ang dakilang Diyos. Wala nga na kaluwalhatian at walang kapayapaan sa inyo ay magbibigay gabay habang kayo'y naririto sa buhay sa laman.

Kaya nga sa bawat panahon na kayo ay naglilingkod sa harapan nang dakilang Ama, ihanda ninyo ang inyong mga sarili sa pakinig. Ihanda ninyo ang inyong mga damdamin sa pagdama. At higit na ihanda ninyo ang inyong mga katawan upang bigyang buhay ang mga aralin na sa inyo ay ipinagkakaloob ng mga kabatlayaan.

Hindi ko na nga pagkakalaukin ang aking bahagi sa mapalad na umagang ito. Ngunit bago ako lumisan ay nais kong mag-iwan nang isang mabuting balita...

Pangulo: Narito po sa Kawikaan 133, chapter 16 at 17, sabi po dyan, "Ang kaniya namang mga saserdote ay susuotan ko ng kaligtasan, at ang Kaniyang mga banal ay magsisihiyaw nang malakas sa kagalakan."

Panghuli 17, "Di aking pamumuhiin ang sungay ni David, aking inihanda ang ilawan, aking pinahiran ng langis"

Nawa ang bahaging iyan ang magsilbing aral sa inyo na inyong bibigyan nang malalim na pag-aruk nang inyong pang-unawa at nang pagpapatuloy na kung papaano sa inyo ay aking ibinanggit ang katapatan ay inyong mabigyan din ng buhay ang bawat salita na inyong narinig na nagmula sa Banal na Aklat.

Paalam, ang inyong kapatid na sa inyo ay nagbigay nang mga aral sa mapalad na umagang ito. Arkanghel Miguel.

 

2007-08-26, EB

Kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailan man.

Mga iniibig na kapatid, ang paghahanap ng tao ay nauukol sa kanyang katapatan. At ang katapatang ito ang magbubunsod sa tao upang matagpuan niya ang isang pananampalataya mayroong kadakilaan, mayroong pagtitiis na hindi maaaring takasan nang lahat na naghahangad ng katuruang lihim.

Hindi ako magkakaroon ng kagalakan mga iniibig na kapatid habang dumarating sa bawat isang may tatak ng karunungan at pag-ibig ay nanghihinamad at wala sa luklukang ito. 


Gayun pa ma'y, humayo kayo mga iniibig na kapatid, sapagkat wala mang maraming nakaluklok sa luklukang iyan, maraming kaluluwang nag-iwan ng laman. Binabalikan ang maraming pagkukulang na kaniyang nagawa. At sino ang magsasabing mababayaran nila ang munting beles nang kanilang pagkakautang?

Kaya nga at ang tao'y dumating ang panahon, binigyan ng pagkakataon nang Amang Makapangyarihang, hindi marunong magparusa sa Kaniyang mga anak. Kung di binibigyan ng pagkakataon na ang lahat at bawat isang may buhay na gaganapin sa kapatagang lupa'y mapino ang kaniyang pagkakilala. Matutuhan niya ang kamalian at ang katuwiran na mayroong pag-ibig na hindi maaaring limutin ng lahat at bawat isa.

Mga iniibig na kapatid, ang kasalanan ay siyang dahilan nang pagsisisi ng tao. Hindi ako nagnanasang kayo ay magkasalang lagi, kung hindi matakot kayo sa gawa ng pagkakamali. 

Sapagkat yan ang dapat katakutan ng tao, at hindi ang magandang simulain nang lahat ng pananampalataya ng tao isinasagawa. Sa kabila nang maraming alagatain at alalahanin nagbibigay ng hadlang sa magandang layunin ng katawang laman. 

Kayo ay hinirang ng Panginoon, hindi upang bigyan nang lahat ng biyaya at kaligayahan. Kung hindi, hinirang kayo upang mapag-aralan ninyo ang bawat banggit ng kabatlayaan ang ugat nang Espiristismong hindi nawawala sa lahat ng uri ng pananampalataya ng tao. Kung hindi ipagpapatuloy ang ugat na iyan upang sumupang ang mga dahong berdeng siyang magbibigay nang pag-asa sa tao.

Sapagkat marami ang marunong, ngunit mangmang sa katotohanan. Ang marunong na ito ang sisira ng daigdigan ng mga hugis. Sapagkat sa karunungang kanilang natutuhan ay hindi ang karunungang makabubuo, kung di ang makasisira ng mga bagay na nadama nila at nakita sa kapangyarihan nang Amang Makapangyarihang sa lahat ng taong naghahangad ng kabutihan.

Magpapatuloy kayong hindi kayo daraing, luluklok kayo sa luklukang iyan hindi upang alalahanin ang inyong mga tahanang naiwan na walang lulukob na kapangyarihan sa kaniyang kalooban. 

Mananatili kayong hindi lagi mag-aalinlangan, ngunit kung ang pag-aalinlangang iyan ang siyang magbibigay upang kayo ay magsinop, magsikap at suriin ang mga bagay na inyong pinag-aalinlanganan.

Hindi ako masyadong makapagpatuloy ng aking kataga. Sapagkat hindi man kaarawan ng mga kaluluwang namayapa, ngunit naririto ang lahat at mayroong paghadlang sa kataga ng kabatlayaan ibinubudbod sa inyong pagkatao. 

Hindi ako makapagsabing masungit ang kasangkapan sapagkat sinusubok ang katatagan nang isang kasangkapan na kung papaanong sa ganitong kaparaanan, maging sa lipunan ng maraming tao, at mahayag lamang ang katotohanan ng batas ng Espiritismo ay walang hindi magaganap.

Sapagkat lahat ng kasangkapang gagamitin ng kabatlayaan ay idadaan sa lahat ng uri nang pagsubok. Magmula sa pakiramdam, magmula sa kaniyang mga pananaw, at mula sa pintig nang damdamin ng kaniyang kapuwa ay matutuhang ganapin ng kasangkapan o hindi man alang-alang sa kayo ay naglilingkod at nag-aaral nang katalinuhang hindi nababayaran ng salapi.

Magpapatuloy kayong mga iniibig na kapatid, pauli-ulit na ginaganap ng kabatlayaan. Humayo kayo sa iba't-ibang uri ng Lunduyan. Magkaroon kayo ng pagkakaisang dugo upang matuklasan ninyo kung ano ang uri ng pinag-aaralan sa Silahis ng Pag-ibig, at ang uri ng iba't-ibang uri ng Lunduyan na naaayon sa kanilang paniniwala at panatikong pag-ibig sa kanilang kinagisnan.

Dyan ako mag-iiwan sa inyo nang isang magandang kapayapaang idinudulot ng inyong paglilingkod sa inyong kapuwa at sa loob ng inyong tahanan. Hindi kayo maglilingkod na hihingi nang kagantihan, kung hindi, kayo ay maglilingkod nang isang Panginoong walang inindang kahirapan. 

Walang sininong nilikha ang naka-ulong ng kaniyang sariling pagkakilala kung di, ang lahat ay napantay alang-alang sa ang tunay na pag-ibig na iginagawa niya sa kapatagang lupa.

Kapayapaan ang aking iiwan sa lahat at bawat isa, ngayon at magpakailan man. Paalam, Arkanghel Miguel.


Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia