1986, LVS, Koleksyon - Sagar
1981-09-09, FBT
Sumainyo ang dakilang basbas ng nagmumula sa kaitaasan ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na alagad ng pananampalataya, mga ginigiliw na manggagawa sa pataniman ng Panginoon, mga pinakamamahal na nagsasabalikat ng dakilang tungkuling kinakailangang pagtiyagaang maitaguyod hanggang doon kung saan ang hanggahanan ng mga bagay na materyal at espiriuwal.
Mga ginigiliw, saan ko dadalumatin ang mga katagang ibubusog ko sa inyong mga diwa? Saan ko pupukulin ang lalong pinakamabangong bulaklak ng pag-asa na maaaring maidulot ko sa inyong mga harapan?
Saan ako dudulang ng pinakamahalagang hiyas na maipagkakaloob ko upang kayo ay magkaroon ng kasiyahan sa gitna ng maraming balakid na inyong kinakaharap sa daigdig na iyan upang maipagpatuloy lamang ninyo ang inyong dakilang mithiin, maipagpatuloy lamang ninyo ang pangangalap ng mga bagay na nauukol sa kaluluwa?
Ang tanong ng lalong higit na nakararami, ano ang simulaing inyong dinadakila? Ano ang uri ng katuruan na inyong dinadakila? Simulain ng Espiritismo, paaralan ng diwa, simulain ng Espiritismo na siyang simula at wakas ng isang pag-ibig na walang daya sapagkat sa lukom ng simulaing ito ay matatagpuan ninyo na kung sino ang kaaway ay siyang pinatatawad at minamahal.
At hindi rin naman itatakwil ang kaibigan kungdi ito ay minamahal ng katulad ng isang kapatid, isang kahinlog at kaagapay sa buhay na iyan. Sapagkat kung ang tao nag-iisa sa kanyang pakikipamuhay ay hindi masusukat kung sino siya, kung hanggang saan ang kanyang pagiging isang ganap na nilikhang kung papaanong maipakilala ng tao na siya ay nagtotoo at dumadakila sa isang Makapangyarihan.
Baog ang isang nilikhang walang kaibigan, baog ang isang nilikhang walang tinatawag na kaaway ngunit hindi ito nangangahulugang dakila ang makipag-away sa kanyang kapwa.
Bilang pagdadagdag at susog sa araling ibinababa ng kabatlayaan, makilala ninyo kung hanggang saan ang inyong kahinaan, hanggang saan ang lakas ng inyong pagtitimpi at maipakilala ninyo ang haba ng inyong pamantayan sa pagiging isang tunay na Espiritistang nag-arral sa daigdig na iyan.
Ano ang salapi? Ito ay kailangan ng tao sa maraming pamamaraan. Ano ang lagat ng kalayawan sa daigdig? Ang lahat ng iyan ay bahagi ng buhay at ka-agapay ng pagiging isang tao.
Ngunit hindi ito nangangahulugang ito ay magiging lalong masama at hindi nangangahulugang ito ang pinakamabuti. Ito ay salig pa rin sa pag-aaral ng isang nilikha kung papaanong magagawa ng isang tao na ang kalayawan sa daigdig ay maging isang kasangkapang magagamit sa lalong ikabubuti at ikalalakas ng kanyang pagkatao sa gawi ng kabutihan.
Ang salapi at kayamanan na dinudulang at pinaghihirapan ng taong tipunin at hanapin, ito baga ang tunay na kayamanan? Bagaman sa bilang ng maraming kayamanan at salapi ay nagkakaroon ng maraming uri ng kapahamakan, ng maraming uri ng kalapastanganan ng tao sa kanyang kapwa tao.
Ngunit sa isang nilikhang napagkalooban na ng katotohanan, ng katotohanan ng buhay na kanyang susuungin, minamahal niya ang kayamanan ngunit hindi nang dahil sa kanyang sariling ika-aangat sa buhay na iyan.
Sapagkat kung wala siyang kapwa, kung wala siyang mga kapatid na maaaring mapaglingkuran at maabuluyan ng mga bagay, magiging maligaya baga ang isang nilikha sa kanyang pag-iisa na kapiling ang bunton ng kayamanang hindi makapagdudulot ng kasiyahan kung ikaw ay walang kapiling at walang kahalubilo sa daigdig.
Ang isang sentimong makapagpapaligaya sa inyong kapwa, ang isang maliit na bahagi ng inyong tinatangkilik, nang dahil sa inyong pagiging mapalad nang higit sa inyong kapwa na inyong ipinagkaloob ay higit sa kapalaran at higit na kaligayahan ang kakamtan ng inyong pagkatao.
Ang isang dukha, ang isang nagdarahop sa buhay na iyan ay kinakailangan bagang malungkot? Hindi nga, mga minamahal na kapatid, sapagkat kung sa kabila ng pagdaraop ng isang nilikha ay tanggapin ng tahasan ang kanyang pagka-unawa, madala niya ang kanyang sariling ang pagdarahop ng iyan ay bahagi ng isang pakikipamuhay.
Matiyak ang kanyang sariling madadala niya mayroon siya ng malakas na damdaming makikibaka na hindi gagawa at hindi lilikhan ng anomang mga bagay na maaaring magpadilim sa kanyang kinabukasan.
Sapagkat katotohanang katotohanang sinasabi ko, hindi kasalanan ang pagdarahop ng isang tao at hindi rin kasalanan ang maglingkod at magkawanggaw sa kanyang kapwa sapagkat diyan nasasalay ang kanyang kaligayahan at kaligtasan.
Sapagkat sa katuruan ng simulaing inyong tinataguyod ay ibinabandila ang labas sa kawanggawa ay walang kaligtasan, ang labas sa kababaang-loob ay walang kapayapaan. Humayo kayo mga minamahal na manggagawa sa pataniman ng Panginoon, humayo kayo mga dakilang mananampalataya sa pangalan ng inyong pagkakilala.
Ipagpatuloy ninyo ang pagtalaktak sa landas na iyan na hindi pawang patag sapagkat kinakailangan mabagtas ninyo ang mga dawagan upang sa gayon, ay masabing kayo ay tunay na manggagawa na mayroon ng kaalamang bigyan ng magandang puwang ang kanyang sarili at maibulaos sa lalong isang kaaya-ayang kinabukasan sa kapangyarihan ng Ama at sa lahat ng mabubuting gawa.
Iyan ang aking ipinagkakaloob at inilalagak sa aking mga kapatid , sa ngalan ng inyong dakilang Patnubay na aking kinatawan sa pagkakataong ito. Ako ay sumasainyo at naghahangad ng kapayapaan.
Sagar
Kpd felipa B. Torres
-o0o-
1956-03-16, FBT
Sumainyo ang dakilang pagpapala ng mga langit lagi na!
Mga iniibig na Kristiyano, ulit ulit na binubuhay at binibigyan ng
magagandang kahulugan ang katotohanan ng paglilingkod. Inaalalayan ang
inyong mga pagkukuro upang banay-banay ay makilala ninyo kung hanggang
saan at kung ano ang malilikhang kadakilaan ng paglilingkod ng tao sa
kanyang mga kapwa, at higit ay sa Amang makapangyarihan. Subali’t
nangangamba pa rin, nanghihina pa rin ang inyong mga sarili.
Kayo pa rin ang mga nilikhang nadadaig ng pag aalinlangan upang makagawa
ng mga dakilang tungkulin na sa dako pa roon ay inyong sinumpaan na
isasakatuparan sa kapanahunang ito. Sikapin ninyo, mga iniibig na
kapatid, pa mapaghandaan ang nau-ukol sa inyong kaluluwa. Bayaan ninyong
mahango sa mga kamaliang kinasasadlakan ng inyong pagkatao.
Alalahanin ninyong sa dako pa roon ay walang nagiging matingkad kung
hindi ang kawagasan at kabanalang nagampanan ninyo at naisakatuparan sa
kapatagang iyan. Ang anomang kayamanan at katanyagan sa kapatagang itong
inyong ginagalawan ay hindi magiging baitang sa pagsampa ninyo sa
paggawa ng ukol sa kaluluwa; maaaring sa kapatagang iyan lamang
magkaroon ng magandang kulay sapagka’t iya’y bahagi ng kalamnan, at sa
dako pa roon ay walang nalalabi kung hindi ang magagandang likhain ng
inyong sarili.
Kung kayo ay ang mga nilikhang nagkakaroon ng mga pagkakamali at
nangakalilikha ng mga bagay na ina-akala ninyo at napag-aralan ninyo sa
kasalukuyan na lihis sa landas na patungo sa Panginoon, may panahon pa,
mga iniibig na kapatid. Huwag ninyong lubusin ang pagkakamali
Magsibalikwas kayo at magbangon.
lwanan ninyo ang himlayan na maaaring kahantungan ng inyong sarili, kung
hindi ninyo lalayuan, ng kaguluhan ng diwa at hindi magpapahintulot na
makalikha kayo ng mabuti kundi bagkus, hihikayatin kayo sa panghihinamad
na makatupad ng inyong tungkulin: unang una sa Amang Makapangyarihan,
at gayon din, sa inyong mga kapwa.
Mangag-ibigan kayo sa isa at isa! Isang dakilang araling iniwan sa
kapatagang iyan at sa sangkatauhan! Hanggang kailan magkakaroon ng
magandang Iarawan at katuparan ang mga katagang iyan ng Panginoon?
Inaasahan ko na sisikapin ninyo na isagawa iyan, mga iniibig na
Espiritista; sapagka’t kayo ay nag-aaral upang matuto at gumawa.
Hanggang dito ako at hinahangad kong maghari ang ganap na kapayapaan ngayon at magpakailanman.
Paalam, SAGAR
Kpd Felipa B. Torres
1955-04-06, PP
Bumabati ako ng magandang umaga sa inyong lahat, mga kapatid, at nawa maghari sa inyong mga puso ang ganap na kapayapaan!
Sa mapalad na umagang ito, saan ko man idako ang aking paningin ay wala
akong namamalas kung hindi ang malaking kasiglahang nag-uumagpaw sa puso
ng mga nilikha saan man dako naglipana ang mga kapatid na ang bakas ng
kaligayahan sa kanilang mga puso ay nadadama at namamasdan ko, paano ay
ang mapalad na umagang ito ay siyang sagisag ng muling pagbabalik sa
Diyos ng kaluluwang nanggaling sa kanya, siyang sagisag ng muling
pagkabuhay sa pananampalataya at pagtitindig, katotohanang, ang lahat ay
kinakailangang magkaroon ng kasiglahan sa muling pagkabuhay ng
katalinuhang nabibinbin sa pagkatao ng lahat at bawa’t isang nilikha sa
kapatagang lupa.
Kung ito nga ay ganito, mga iniibig na kapatid, paano ninyo mapananatili
sa inyong puso ang maalamat na kasaysayang naganap na hindi pa
naglalaon sa inyong pagkatao, halos nadadama ko pa, mga iniibig na
kapatid, ang mga kahapisang nabadha sa lahat at bawa’t isa na mga
nilikha, maging ang aking mga kapatid sa simulaing ito ng Espiritismo,
maging ang mga kapatid sa labas ng simulaing ito sa ibang uri ng
pananampalataya.
Halos hindi pa naglalaon at umaalingawngaw pa sa pandinig ng
sangnilikhang ito ang mga hirap at sakit na itinaguyod ng Dakilang
Lumikha sa pagpanaog sa kapatagang lupa. At natatalos ninyo, mga
iniibig na kapatid, na ito ay upang hanguin tayo sa kamangmangan ng
pagkakilala upang mabigyan tayo ng halimbawang kinakailangang
alinsunurin ng lahat at bawa’t isa sa atin.
At dahil dito, tinatawagan ko ang mga kapatid na espiritista, ang mga
nagdadala ng bigat ng pananagutan ng simulaing ito, ang lahat ng mayroon
ng mabibigat na tungkulin sa lipunan ng Espiritismo kinakailangang
maunawaan ang kahalagahan at kadakilaan ng kasaysayang iyan ng Anak ng
Tao.
Kung sa bagay, mga kapatid, nalalaman kong bukas na bukas ang inyong
pagkakilala sa alamat na iyan ng tanging sinugo nguni’t kinakailangan pa
ring magpaulit ulit sa inyong pandinig at kinakailangan na rin matitik
sa inyong puso ng buong katapatan sapagka’t ang mundong ito ng
sanglibutang mapang-akit sa mga bagay na nakahahalina at nakababalino sa
tungkuling kinakailangang itaguyod ng tao sa lupa.
Ito na ang panahon, mga iniibig na kapatid, na sa gitna ng pag-aaral sa
simulaing ito inyong maipakilala ang kadakilaan ng sanhi ng pagpanaog
ng Anak ng Tao sa lupa.
Ito na ang panahon, mga kapatid ko, na kayo ay manguna sa landas na
tinalaktak ng inyong paligid sapagka’t ang mga kapatid na labas sa
simulain ay totoong nalilibang sa alingawngaw ng sanglibutan at dahil
dito kayo ang aakay sa kanila, kayo ang magbibigay ng mabubuting
halimbawa sa mga kapatid na naliligaw ng landas ng buhay.
Kung dumarating ang mahigpit na pagsubok sa tao kadaLasan nagkakaroon ng
malaking kahinaan sa sarili, nakalilimot sa katotohanan, maging ito
mayroon ng pagkakilala sa katotohanang ito nguni’t sasabihin ko sa inyo,
mga kapatid ko, na lagina ng maghahanda kayo sa lahat ng kataon na lagi
nang tatagan ang inyong mga tuhod sa pagsalunga sa matatarik na bundok
ng pagpapakasakit sa buhay na iyan.
Huwag kayong magimgimbal, hindi kayo aasahang gimbalin ng anumang
pagsubok, maging katampalasanang dulot ng kapwa, ang lahat ng ito
ituring na dakilang, biyaya ng inyong pagkatao para sa ikasusulong ng
inyong diwa.
Mga kapatid, magpakatibay kayo sa pananampalataya sa Diyos at manalig
kayong ang pumapasok sa kanyang bakuran nasasakop niya nguni’t ang hindi
ay labas sa kanyang pag-aandukha.
Kapayapaan ang inilalagak ko sa lahat at bawa’t isa sa inyo lagi na at
nawa ang mapalad na umagang ito ay magsilbing tanglaw sa inyong puso at
makapagbigay ng panibagong sigla, ng panibagong adhikain ng bagong
paggawa patungo sa pagbabagong buhay. Paalam.
Tanggapin ang dakilang basbas ng mga langit at nawa, maghari sa inyong mga puso ang ganap na kaluwalhatian!
SAGAR
Kpd Paulina Pajardo
-o0o-
Mga Termino
Nakababalino -nakababalisa, nakawawala ng sigla
Pag-aandukha- pagkakandili

Comments
Post a Comment