2020-2022, Rebecca, Sikograpiya, Apostol Santiago

 




 

 

 

 

 

2021-11-07, RAD

Sumainyong lahat ang biyaya ng kalangitan.

Ang aralin ng buhay ay pinatingkad ng katotohanang may buhay na walang hanggan. Ibig bang sabihin maaaring isilang ang buhay na walang magiging kamatayan? Kung gayon masasabing taliwas sa pagkaalam ng bawat tao na may hangganan ang buhay na taglay ng bawat isa. Na, sa lupa lahat ay may katapusan.

Kung gayon ano ang buhay na maaaring isilang na walang kamatayan! May landas ba na makapaghahatid sa walang hanggang buhay? Ano ang landas na iyon na ang hantungan ay walang hanggang buhay? Paano matatamo ang buhay na walang hanggan?

Ang bugtong na anak ng Diyos ay naglarawan ng kamatayan. Ngunit inilarawan din Niya ang pagtatamo ng buhay na walang hanggan. Ang kalagayang ito ay ipinangako sa bawat anak ng Diyos na kanyang makakamtan.

Paano ito mapapasainyo yayamang ito ay ipinangako sa bawat isa? Naririyan ngayon ang kadakilaan ng bawat inyong mga magiging paggawa na ang tanging namumuno sa puso ay iisa, pag-ibig. Narito kaya ang daan ng buhay na walang hanggan, sa pag-ibig?

Muli iniiwan ko ang walang hanggang biyaya sa lahat. Paalam, Apostol Santiago.



 

 

2021-10-03, RAD

Sumainyo nawang lahat ang biyaya ngayon at magpasawalang hanggan.

Ang buhay ay maihahalintulad sa isang laro. Isang laro na walang sinomang may ibig na matalo o mabigo dahil lahat ng kalahok ay nangangarap na manalo. Dahil sa layuning ito, marami ang naliligaw sa pagtahak sa tama at matuwid na daan. 

Iuugnay ko ang saad ng kasulatan na nagwiwika: ang nagpapakataas kung bumagsak ay lagapak. Ang ayaw o hindi marunong tumanggap ng pagkatalo ay nagtataglay ng kaugaliang mataas. Kung gayon, sa inyong hinagap, ano ang buhay na itataguyod o kakamtin ng mga taong ang dala-dala ay kataasan o kapalaluan? 

May kapayapaan ba na makakamtan at liwanag na sa kanila ay tatanglaw? Ang tala ng kasulatan: Ang Diyos ay sumasalangsang sa mga palalo datapwat nagbibigay ng biyaya sa mga mapagkumbaba (Santiago 4:6). Kaya at ang pangungusap: ang nagpapakababa ay itinataas. 

Kung gayon, muli ninyong dinggin ang pangungusap ng pag-ibig: "Pasakop kayo sa Diyos; datapwat magsisalangsang kayo sa diablo, at tatakas siya sa inyo. Magsilapit kayo sa Diyos, at siya'y lalapit sa inyo. Mangaglinis kayo ng inyong mga kamay, kayong mga palalo at makasalanan: at dalisayin ninyo ang inyong mga puso, kayong mga may dalawang akala.  Kayo'y mangagpighati, at magsihibik, at magsitangis: inyong palitan ang inyong pagtawa ng paghibik, at ang kagalakan ng kalumbayan. Mangagpakababa kayo sa paningin ng Panginoon, at kanyang itataas kayo (Santiago 4:7-10)."

Ang kahulugan ng lahat ng ito ay ang pananagumpay ng lahat at bawat isa sapagkat kayo ay itataas niya. Iyan ang hatid kong pag-ibig sa inyong lahat. Paalam.



 

 

 

2021-09-26, RAD

Sumainyo nawa ang biyaya mula sa Ama at Panginoon ngayon at hanggang sa wakas. 

Ang mga mata ay nagtataglay ng liwanag, liwanag na ipinagkaloob upang sa kanyang paglakad ay makita ang daang matuwid. Ngunit maaari bagang dalawang magkaibang daan ang makita ng mga mata sa liwanag?

At kung magkagayon, ano ang iiral at siyang mangingibabaw sa damdamin at kalooban ng bawat nilalang? Magiging katulad ba ng dila na tulad ng bukal sa isa lamang siwang ay binubukalan ng matamis at maalat?

Namnamin ninyo at pakasuriin ang pangungusap na ito ng kasulatan: maaari baga, ang saad ng kasulatan, na ang puno ng igos ay magbubunga ng aseitunas (olibo), o ng mga igos ang puno ng ubas? Hindi rin naman babalungan ng matamis ang maalat na tubig. (Santiago 3:12)

Datapuwat kung ang mga mata ay may bagay na nakita, ang laman ng puso at isipan ang ipinahahayag ng dila. At ang lalabas doon ang siyang maghahantad kung ano ang kanilang laman. Kung gayon, sino ang marunong at matalino sa inyo? Ipakita niya sa pamamagitan ng mabuting kabuhayan ang kaniyang mga gawa sa kaamuan ng karunungan. 

Samakatuwid sa ganyang hakbang naipakikita ng bawat isa ang kahalagahan ng kanyang layunin sa Diyos at ang bunga ng kaniyang mga gawang inihayag sa liwanag ay matatanim sa kapayapaan. 

Ito ang pangungusap ng pagibig na aking sa inyo'y iniiwan. Ang biyaya ay sumainyo nawang lahat.  Paalam, Apostol Santiago.

 



 

2021-08-29, RAD

Mabiyayang bati ng pag-ibig ang inihahatid ko sa inyo ngayon at magpakailan pa man. 

Minsan na ninyong tinanggap ang ganitong aralin: kung sa inyo'y namamayani ang hirap, sakit at bigat ng pasanin, ang kailangan bang dapat gawin ay pagsuko, pagtalikod o pagtakas? Kung ito ang inyong gagawin, ano ang buhay na inyong itataguyod? Kaligayahan o kalungkutan? Kapayapaan o kaligaligan? Pagtatali o pagkakalag? Anomang suliranin na inyong susungin kapag tinakasan o tinalikuran mo suliranin pa rin. 

Mananatili iyong bahagi ng iyong buhay na, parang anino may pagkakataon at kalagayang ito'y bumabalik. Kapag pinagtiisan mo, hinarap mo katulad ng pagtitiis na ginawa ni Job, at inyong nakita ang pinapangyari ng Panginoon, kung gaano ang lubos na pagkahabag at pagkamaawain ng Panginoon.

Kailangan ba na inyong maunawaan ang ganitong pangungusap; nagbabata baga ang sinoman sa inyo? Siya'y manalangin. May sakit baga ang sinoman sa inyo? Ang atas, ipatawag ninyo ang mga matatanda sa Iglesia; at ipanalangin nila. At ang panalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa maysakit, at ibabangon siya ng Panginoon: at kung nagkasala siya, ay ipatatawad sa kanya. 

Ganito ninyo pag-aralan at pakalimiin ang buhay na itinaguyod ng mga sari-saring karanasan. Kung gayon, ang aking bahagi na nagpapadama ng pagibig ay ito, humingi siya ng may pananampalataya, na walang anomang pag-aalinlangan: sapagkat yaong nag-aalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabi-kabila. 

Ito ang handog ng aking espiritu na siya ko ring iniwan bilang pagbati sa labindalawang angkan.  Paalam, Apostol Santiago.

 

2021-08-22, RAD

Ang biyaya ang bati ko sa labindalawang angkan. Anong pasimula ang aking maidaragdag sa isang punong sisidlan? Nakikita ba ninyo ang inyong mga sarili ay tulad ng isang sisidlang puno? 

Anomang pagtatangka na may maihandog sa isang sisidlan di magkakaroon ng daan kung makita ng magbibigay na ito ay puno. Kung ganito ang magiging kalagayan ng inyong pag-iisip, matatanggap ba ninyo ang pangungusap ng pagibig tulad ng sa inyo'y aking ipangungusap," Mangagpakababa kayo sa paningin ng Panginoon, at kaniyang itataas kayo." (Santiago 4:10)

Mangaririnig din kaya ninyo na aking ipinangungusap na ang pagdating ng Panginoon ay malapit na, ano ang inyong gagawin? Kayo'y puno, kaya baga kayo'y nangakikipag-away at nangakikibaka; kayo'y wala, sapagkat hindi kayo nagsisihingi. Kayo'y nagsisihingi, at hindi kayo nagsisitanggap, sapagkat nagsisihingi kayo ng masama upang gugulin sa inyong kalayawan. (Santiago 4:3, 1978)

Kung gayon, sa pagmamasid ninyo sa inyong kabuuan, hangad kong makita ninyo ang inyong kapunuan, ang mga bagay at adhikaing siyang nakapuno sa inyong kabuuan; adhika kong maunawaan ninyo at masumpungan kung ano ang kailangan ninyong ibigay sa inyong mga sarili upang mabawasan ang pagiging puno ng sisidlang inyong daladala.

Sa ganitong mga kahayagan sinisikhay kong ako'y makapasok sa inyong mga kalooban upang ako'y may maging pakinabang sapagkat ang sinomang sa inyo ay nalilihis sa katotohanan, at siya'y papagbaliking loob ng sinoman ay makapagligtas ng isang kaluluwa sa kamatayan, at magtatakip ng karamihang kasalanan. (Santiago 5:19-20)

Ito ang aking sa inyo'y handog at ako'y nag-iiwan ng biyaya mula sa iisang Diyos ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Apostol Santiago.

 

2021-08-15, RAD

Ang tao ay malaya sa lahat ng ibig niyang gawin. Sapagkat ang Ama ay binigyan ng kaniyang kalayaan upang mabuhay. May dapat kayang maunawaan sa pagkakaloob na ito ng kalayaan?

 
Kapag malaya ka marami kang mapagpipiliian, may kalayaan ka para pumili ng kung ano ang gusto mo? Kaya at kung ano ang piliin mo, doon nakabatay ang kung ano ang nangyayari sa buhay mo? Ang kalayaan ba na ipinagkaloob sa tao ang nagpapatanaw ng pagiging mabuti at makatarungan ng Diyos?
 
Samakatuwid, ang kalayaan tinamo ng bawat tao ang siyang magdidikta kung ano ang magiging kapalaran o kahihinatnan ng buhay ng bawat kaluluwa.
 
Kung gayon, ang Diyos ba ang nagtatakda ng kapalaran ng tao, o kayong mga tao ang gumagawa at nagtatakda ng inyong sariling kapalaran?
 
Samakatuwid, manaig sa inyong mga puso ang ganitong pangungusap, ihiwalay ninyo ang lahat na karumihan at ang pag-apaw ng kasamaan, at tatanggapin ninyo na may kaamuan ang salitang, itinatanim,na makapagligtas ng inyong mga kaluluwa.
 
Kung gayon, maging tagatupad kayo ng salita, at huwag tagapakinig lamang, na inyong dinadaya ang inyong sarili sapagkat ang nagsisiyasat ng sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatiling gayon,na hindi tagapakinig na lumilimot, kundi tagatupad na gumagawa, ay pagpapalain ang taong ito sa kaniyang ginagawa.
 
Muli, akong si Santiago ay bumabati sa labindalawang angkan na nasa Pangangalat. Paalam.

 

 

 

 

2021-08-01, RAD

Ang biyaya mula sa Ama na ating Diyos ang lumukob sa inyong mga puso at diwa ngayon at hanggang sa wakas.

Ipaubaya ninyong ako'y magpasimula sa ganito: kung ang inyong pananampalataya ay itutulad sa lubid na gagamitin upang mag-ahon ng nabulid sa malalim na hukay, anong kalagayan ng lubid ang kailangan? May dapat bang tanawin o isaalang- alang? Ganito ba kung ang gampanin ay maiahon ang inyong kalagayan sa pagiging tao? Anong klase ng lubid ang inyong kukunin?

Tulad ba ng sinabi sa Banal na Aklat na nangungusap, "Magsikuha kayo ng boong kagayakan ng Dios, upang kayo'y mangakatagal sa araw na masama,at kung magawa ang lahat, ay magsitibay. Magsitibay nga kayo, na ang inyong mga baywang ay may bigkis na katotohanan, na may sakbat na baluti ng katwiran. At ang inyong mga paa ay may pangyapak na paghahanda ng ebanghelyo ng kapayapaan." (Epeso 6:13-15)

Ganito ang larawang hatid ng inyong mithiing kayo'y mangaligtas sa tali ng pagkakasala. Kung gayon, ano ang lubid na inyong kailangang ihanda at kunin? Ang kalasag kaya ng pananampalataya, na siyang ipapatay ninyo sa lahat, ng nangagniningas na suligi ng masama. At magsikuha rin naman kayo ng turbante ng kaligtasan at ng tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Dios. (Epeso 6: 16-17, Ang Dating Biblia 1905)

Minithi ba ninyo ang mga kalagayang ito? Paano ninyo itinaguyod ang inyong buhay sa inyong pakikitalad sa lupa?

Ang buhay na inyong itinaguyod kung ang ipinagtamasa ng buhay ay ang kayamanan sa lupa, at kayo'y nangagalak; inyong pinataba ang inyong mga puso sa araw ng patayan. Inyong hinatulan, inyong pinatay ang matuwid; hindi niya kayo nilabanan.

Kung gayon, mangagtiis din naman kayo; pagtibayin ninyo ang inyong mga puso, sapagkat ang pagparito ng Panginoon ay malapit na. Sa ganito ko kayo hinihikayat: huwag kayong mangagupasalaan laban sa isa't isa, upang kayo'y huwag mahatulan; sapagkat narito ang hukom ay nakatayo sa harapan ng mga pinto (Santiago 5:8-10).

Maningas kayong manalangin sapagkat ang pananalangin ng pananampalataya ay magliligtas sa bawat isa, sa mga may sakit, at ibabangon siya ng Panginoon: at kung nagkasala siya, ay ipatawad sa kaniya. (Santiago 15:15).

Ganito ninyo ihanda ang lubid na inyong kakailanganin sa pagaahon sa inyong mga sariling pagkatao na nabubuhay sa lupa. Ito ang pagibig at pananampalatayang aking sa inyo'y ipinadarama upang matanggap ninyo ang biyayang kaloob ng Ama at ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Paalam.

 

1995-03-01, CM

(Pagbabanghay ng "AMA NAMIN")

Sa kabanal-banalang sandaling ito, puspusin kayo ng kaliwanagang nagmumula sa kaitaasan, mga minamahal na kaluluwa.

Kakaiba ang pag-aaral ng Simulain ng Espiritismo, kakaiba ang pagsamba na isinasagawa ng mga mag-aaral ng Simulaing ito. Ito ang pangunahing banggit ko sapagka't napapansin kong lalo at higit, habang kayo ay natututo ay ibayo pang karunungan ang hinahangad na matuklasan ng lahat at bawa't isa.

Ang wika ko'y kakaiba ang pag-aaral ninyo sapagka't hindi lamang gumagamit kayo ng pluma at papel upang itala ang mga araling hatid ng kabatlayaan, kung hindi nagsisikap kayong tuklasin ang aralin na sa inyo ay ibinababa sa pamamagitan ng paglilinang ng inyong pag-iisip, sa pamamagitan ng paglilinis ng inyong mga pagkatao at sa pamamagitan ng paggawa ng sangkaping iyan ng katawang laman na inyong at isinasabuhay sa daigdig na ito.

Kakaiba rin ang pamamaraan ng pagsamba sapagka't hindi lamang kayo nagtutungo sa ilalim ng banal na bubungang ito upang dalitin ang mahahalagang panalanging maaaring buoin ng iyong kaisipan kung hindi nagnanasa kayong magkaroon ng kapayapaan ang sandaigdigang ito sa pamamagitan ng pagbigkas ng mga katagang lagi na ay kinagugutuman ng tao, ang mga kataga ng kabanalang humahaplos sa pagod na diwa ng lahat at bawa't isa.

Samakatuwid, mga iniibig na mga kaluluwa, sa isang mayroon ng pagka-unawa sa simulain ng Espiritismo, ang pag-aaral ay hindi lamang pagtatala, pagbasa ng mga aklat ng kabanalan. Ang pagsamba ay hindi lamang pananalangin, kung hindi isang pagsasagawa na matutunan ang tunay na kabaitan na siyang maghahatid sa isa't isa sa tunay na kahandaan ng kanyang kaluluwa pagsapit ng panahon na siya ay dapat nang magsulit sa Dakilang Diyos na lumkiha sa sangkatauhang ito.

Sa kataong ito mga iniibig na mga kapatid sa isang malawakang pag-aaral at pagsamba, at sasabihin ninyong hinahmon ng kabatlayaan ang karunungan ng inyong kaisipan at ang kakayahang makapanambahan kayo ng buong puso at kaluluwa sa Espiritu at Katotohanan. Kung lilingunin ng lahat at bawa't isa , ang pag-aaral na ito'y nabuksan na sa inyo marami ng panahon ang lumipas ng isang kamag-aral ninyong nasa kabila ng libingan na naghahangad na malaman ninyo ang tunay na pagsamba, ang tunay na pananampalataya, ang tunay na pananalangin.

Ano nga nga panalanging itinuro ng Dakilang Guro sa mga alagad at sa pulutong ng mga tao. Ang isang simpleng panalangin na ang wika'y maghahatid sa tao ng tunay na pakiki-ugnay sa Dakilang Diyos. At ang panalanging ito ay nalalaman ng lahat at bawa't isang nilikhang tao. Ang wika ay:

Ama Namin, nasa mga langit ka; Sambahain ang Pangalan Mo; Dumating ang kaharian Mo; Gawin nawa ang Iyong kalooban kung paano sa langit, gayundin naman sa lupa.

Samakatuwid, ang wika ng Guro-nasa langit ka, sambahin ang pangalan Mo. Ano ang pangalan ng Dakilang Diyos sa kaitaasan? Nalalaman kaya ng tao ang kanyang sinasamba kung ang pangalan ng Dakilang Diyos na sa kanya ay lumikha ay hindi niya nakikilala.

At paano darating ang kaharian ng Diyos kung ang tao sa kanyang pagkabuhay sa daigdig na ito ay bulag sa tunay na pananampalatayang kailangang kanyang makilala. At ano ang kahariang ito ng Diyos na hinihingi ng tao sa bawa't sandali ng kanyang pananalangin sa lupalop na ito ng lupa. Ano ang kalooban ng Dakilang Diyos na ninanasa ng tao na hindi maisagawa kung paano sa langit at gayundin naman sa lupa?

Samakatuwid mga minamahal na mag-aaral ng Espiritismo, kailangang magduyan kayo sa isang malawakang pag-aaral upang maunawaan ang mahahalagang banggit na ito sa isang panalangin na dinadalit ng tao.

Sambahin nawa ang pangalan mo- samakatuwid kailangang sambahin ng tao ang dakilng pangalan ng Diyos, ang Kanyang kabanalan, ang Kanyang kaluwalhatian, ang Kanyang katarungan, ang Kanyang pag-ibig at ang Kanyang kapayapaan sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti at dakila.

Darating ang kaharian ng Diyos sa ibabaw ng lupa kapag ang tao ay kumikilala ng kabaitan, ng katarungan at magsasabuhay ng makatotohanang katalinuhan ng kanyang pag-iisip. Masusumpungan at darating sa lupa ang kaharian ng Diyos kung gagawain ng tao ang pagpapakabanal, ang pagpapakabuti, at ang pag-ibig, makakamtan sa lupa ang kaharian ng mga langit.

Ang dugtong pa:
“Ibigay mo sa amin ang aming kakanin sa araw-araw; ipatawad mo sa amin ang aming mga kasalanan; Gaya naman namin na nagpapatawad sa mga nagkakasala sa amin; Huwag mo kaming ipahintulot na madaig sa tukso; bagkus iligtas mo kami sa pagkakasala sapagka't iyo ang kapangyarihan, ang kaharian, ang kaluwalhatian, magpakailan man.”

Ano ang pagkaing hinihingi ng tao. Ano ang kapatawarang hinahangad ng bawa't nilikha sa katawagang tao. Ang pagkain na hinihingi ng tao, sa isang pag-aaral na makatotohanan, ay walang iba kungdi ang mabubuting gawa, ang mga banal na adhikain, ang makatarungang simulain. Iyan ang kinagugutuman sa araw-araw ng tao.

Ang hinihinging kapatawaran ng tao sa Dakilang Diyos ay ang kapatawarang lagi na ay hinahangad ng tao, ang maabot ang karunungan at kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng makalupang hangarin ng lahat ng bagay na makalupa. Sapagka't lagi na ay hinahangad ng tao na magkaroon ng mga kayamanang maiiwan niya sa pusod na ito ng kalupaan.

Ang isang mahalagang banggit – “gaya rin ng pagpapatawad sa mga nagkasala sa amin,” nagpapatawad na kaya ng totohanan ang tao sa kanyang kapwa na sa kanya ay nakagawa ng munti pagkakasala? Kapag ang tao ay nagpatawad sa kanyang kapwa ng totohanan, idadalangin niya ang kapayapaan ng pag-iisip ng sa kanya ay nagkasala; idadalangin niya ang kalusugan ng isa kanya ay umupasala.

Bakit sinasabing huwag ipahintulot sa tukso? Alin ang tuksong ito, mga iniibig na mga kaluluwa, na kinakailangang kilalanin ninyo bilang mag-aaral ng Simulain ng Espiritismo. Ito ay walang iba kungdi ang inyong sariling pagkatao. Ito ang makapagliligtas sa lahat at bawa't isa sa inyo sa pagkakamali.

At kung matutunan ninyo mga iniibig na kapatid ang tunay na kaparaanan ng pagpapatawad, ang tunay na pagbibigkis ng panalangin, kakamtin ninyo ang kapangyarihan, ang kaluwalhatian at kapayapaan ng Dakilang Diyos na sa atin ay lumikha. Maaaring sabihin na ng inyong dila ang SIYA NAWA.

Pagpalain kayong lagi ng Dakilang Diyos na nasa mga langit. Ito ang araling iniiwan ko sa inyo. Sa inyo'y namatnubay,

Ipagpatawad ninyo ang paggamit ko ng ganitong kahabang sandali. Ito ay sapagka't nalalaman kong dapat ninyong malaman ang kaibhan ng inyong pag-aaral sa Espiritu at ang pagsamba ng mga mag-aaral ng katotohanan. Paalam, Apostol Santiago.

 

1994-06-29, RAD 

Pag-ibig sa kaligtasan ng kaluluwa sa pagkakasala

Sumainyo ang biyaya at kapayapaang nagbubuhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Kung mamasdan ninyo ang kapaligiran, marami kayong makikita na batayan upang maging matatag ang pananampalataya na inyong tinataglay. Maraming pamantayan ang ipinagkakaloob ng Di-Likha upang maunawaan ng tao kung paano siya lalakad sa buhay na kanyang ginagalawan.

Masdan ninyo ang inyong pinagdaanan, hindi baga naririyan yaong mga bato na sa pagkakilala ng tao makapagbibigay kapinsalaan sapagkat nakakatisod at nagiging dahilan upang siya ay masaktan, may maliliit, may malalaki at mayroon din ng pino.

Datapwat sa paglakad ng tao hindi baga ang mga batong ito na nasa lansangan at dinadaanan ng bawat isa ay itinuturing na pangkarinawan kaya at ito ay hinahakbangan at nilalampasan.

Ilagay ngayon ninyo ang bahaging ito sa pag-aaral na kung ang mga batong ito ay katumbas ng mga hadlang na hinaharap at sinasalunga ng bawat isa na naglalayong makarating sa kaharian ng Diyos, hindi baga ang inyong isasagawa ang bahaging ito ay inyong hahakbangan, inyong pupulutin upang itabi at ilagay sa isang lugar na kung saan ay hindi kayo mapipinsala at masasaktan.

Kung ito ngayon ang mga pagsubok, magaan at mabigat, samakatwid, sadyang bahagi ng buhay ng bawat tao. Datapwat ito ay ipinahintulot na madama at maging karanasan ng bawat isa hindi upang kayo ay dalhin at akayin sa kahinaan ng inyong pananampalataya, hindi doon sa inyong ikaliligaw kung hindi ibinibigay upang maging katuwang sa pagmumulat ng inyong mga mata upang kayo ay makakita ng liwanag.

Ipinagkakaloob ang mga bahagi na may kirot, ang mga bahagi na may hapdi, ang mga bahagi na nagbibigay ng sakit sa isang damdamin at sa isang kalooban hindi upang kayo ay magkasala, hindi upang magkaroon ng poot sa inyong puso, hindi upang magkaroon ng isipan ng mga bahagi na ikapipinsala ng kanyang kapwa.

Kung hindi upang ipakilala ng lahat at bawat isa na kayo ay naka-uunawa at nakakikilala ng kahalagahan ng pagpapaumanhin, ng pagpapatawad and kabuuan ay pag-ibig sa kaligtasan ng inyong kaluluwa sa inyong pagkakasala.

Dahil dito, kung naririyan ang yugto ng pakikipag-aral ng bawat tao sadyang nakararating sa kanyang paroroonan bagaman naroroon ang maraming hadlang hindi nagiging dahil upang huminto ang kanyang sarili.

Hindi nagiging dahilan upang ilugmok ang isang pagkakilala. Hindi rin nagiging dahilan upang ang kasiglahan na naroroon sa kanyang isipan, naroroon sa kanyang diwa upang patuloy na hanapin ang isang katotohanan na siyang sa kanya ay makapagpapaligaya.

Dahil dito, iyan ang mga bahagi dala-dala ng sandaigdigan. Karamdaman, suliranin, bigat ng buhay, mga bahagi na sadyang kinakailangang hakbangan ng isang kaluluwa sapagkat sa pamamagitan ng mga ito, doon lamang niya matatamo ang kanyang kaligtasan at doon din niya matatamo ang kanyang kaluwalhatian.

Ngayon sa ganyang uri ng kalagayan, hindi baga sisikapin ninyo na kayo ay maging matibay, sisikapin ninyo na kayo ay maging matatag, sisikapin ninyo na kayo ay maging malakas sapagkat nababatid ninyong kayo ay naroroon at nakakulong sa maraming bahagi na susukat at tatakal ng kaalaman at karunungan na inipon at nasimpan ng inyong kaluluwa.

Hindi ninyo maaaring ipaghati ang inyong pagka-unawa sa kabuuan. Lalong hindi ninyo maaaring ipaghati ang pag-ibig na inyong kinamulatan. Lalong hindi rin ninyo ipaghati ang bahagi ng buhay na mayroon pag-asa sa inyo ay ibibigay sapagkat ang hantungan, aking uulitin, ay kawagasan.

Kaya at patuloy na nakikipamuhay ang tao dala-dala sa kanyang sarili ang pinakamaliit na pag-asa na sa kanyang pagkakatindig, madapa man siya ay mayroon ng sa kanya ay magtatayo dala-dala ang pinakamaliit na pag-asa masugatan man siya ay maryoon ng gamot na sa kanya ay makapagbibigay ng kalunasan upang ito ay maghilom.

Masaktan man siya naroroon ang pagka-unawa at pagkakilalang ang lahat na ito ay bahagi lamang ng kahapon ng isang kaluluwang kinakailangan na kanyang madama at kanyang maranasan sapagkat doon siya ngayon magbabalangkas at doon din siya gagawa ng mga kaparaanan upang maging bahagi ng kanyang kinabukasan ang magandan buhay at kaliwanagan.

Ganito ang kalagayan ng bawat nag-aaral sa kalihiman ng buhay. Kaya nga at hindi kayo iniiwang nakalugmok sa kahinaan. Hindi kayo iniiwang nakalugmok sa banig ng karamdaman. Lalong hindi kayo iniiwang nakalugmok na ang inyong pananampalataya ay mawawalan ng kabuluhan.

Kung hindi kayo ay itinatayo, kayo ay ibinabangon, binibigyan at nilalagyan ng suhay upang manatiling nakatindig sapagkat mayroon kayo ng kinakailangang ipagtagumpay sa inyong kalagayan at sa bahaging ito.

Diyan ngayon nagiging mahalaga at magiging makabuluhan ang buhay para sa inyo sapagkat kayo ay gumagawa, lumalakad, na nababatid ninyong mayroon kayong mabubuo na magiging bahagi ng isang kaluluwa na siyang sa kanya ay magbibigay ng kaliwanagan at kapayapaan sa kabilang daigdigan ng buhay.

Hindi baga ang mga bahaging ito kung inyo ngayong idilidilihin ay sapat upang kayo ay gumising, sapat upang kayo ay tumanaw sa inyong lalakaran at madama ninyo na marami pala kayong kinakailangang pulutin sa inyong sarili na kinakailangang mabuo sapagkat sa kanyang pagkabuo naroroon ang isang kaligayahan na inyong madarama sapagkat kayo ay nagtagumpay.

Ito nawa ang maging bahagi ng inyong paggawa na siyang magiging timbulan ng inyong kaluluwa upang manatiling naroroon kaagapay niya at katuwang niya ang isang laman sa pagganap ng kanyang tungkulin sapagkat ito ay isa sa layuinin kung bakit naririto at nabubuhay sa sandaigdigan.

Dahil dito, nawa sa inyong paglakad manatiling naroroon ang liwanag sa inyong mga mata upang makita ninyo ang bawat bahagi ng inyong hahakbangan, na inyong kinakailangang iwasan.

Makita ninyo ang bawat lubak na kinakailangang inyong tambakan, ang bawat bahagi na mayroon na bukal na kinakailangang inyong hawanin at kung iyan ngayon ay bahagi ng inyong tungkulin, samakatwid laging naroroon, buhay at gising ang inyong kamalayan upang kilalanin naririyan ang kahalagahan at kadakilaan ng bawat paggawa na inyong isasakatuparan sa sandaigdigang ito.

Taglayin ninyo ang pinakamaliit na pananampalataya at maging matibay ang inyong pananalig na sa isang sandali na kayo ay mawawalan, mayroon ng ipapalit sapagkat ipinadadama ninyo kayo ay mga nilalang na iminulat sa katotohanan sa pamamagitan ng inyong karanasan at ang bahagi ng ibibigay hindi maaari na hindi maging kaganapan ng layunin ng isang kaluluwang marating ang kaharian ng Diyos.

Ito ang mga bahagi ang akin sa inyo ay iniiwan, maghari nawa sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang pag-iibigan, kababaang-loob, pagkakawanggawa at kapayapaan, ngayon at magpasa walang hanggan. Paalam, Apostol Santiago.

 

 

 

1994-01-05,  RAD

Sumainyo ang kapayapaang nagbubuhat sa mga langit, ngayon at hanggang sa wakas!

Simula ng pagsilang ng tao sa pamamagitan ng pag-aandukha ng mapagpalang mga magulang iminulat ang paniniwala paniniwala at pagkakilala at kamalayan ng isang bata sa iisang Diyos. Na ang pagmumulat na ito ay pinatibay at pinalalatay ng iba't ibang uri ng pananampalataya na kanyang kinabibilangan, hanggang sa ang tao ay maghanap sa kanyang sarili kung ano ang tunay na katotohanan.

Datapwa't sa bahaging ito katulad ng inyong narinig, bagaman may tinataglay na kaalaman ang isang kaluluwa nabibigyan ng isang laman upang makipamuhay sa lupa, salat pa rin at kapos ang magiging kaunawaan at kaalaman kung ang kanyang hiling ang kalakhan ng kabuuan ng iisang Diyos.

Dahil dito, iyan din ang ipinamulat at ipinakilala ng isang Hesus sa pamamagitan din ng inyong narinig na siyang nakatala at nakasaad sa Banal na Aklat na kung saan iyan ang tao, iyan ang kanyang bahagi, iyan ang kanyang kaugalian ng lahat at bawa't isa na naghahanap ng kalakhan ng isang bagay.

Naghahanap ng kalaliman ng lupa, ng isang kaalaman nguni't hindi nakikita ang dala-dala ng kanyang kabuuan. Hindi nakikita ang bahaging naroroon sa kanya. Na ang mga bahaging ito ang siya ring kabuuan ng kanyang hinahanap.

Na ang nasasa kanya at dala-dala ng kanyang sarili ang siya rin na larawan na kanyang sarili ang siya ring larawan ng kanyang iniibig na matunghayan. Kaya nga at sa tagpo ng isang Felipe at ng isang Hesus na nagtanong, “Panginoon ipakita mo sa amin ang Ama at sukat na ito sa amin.”

Nangangahulugan lamang na ang tao ay nagsisikap na abutin ang pinakamatayog na kaalaman sa kanyang kalagayan, nguni't ang karapat-dapat na maging pasimula upang madama ang katotohanan ng bahaging ito ay hindi namamasdan at hindi nakikita kaya't ang pangungusap bg isang Hesus, “Di yata at matagal mo na akong kasama'y hindi mo ako nakikilala, ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Paanong sinasabi mong ipakita mo sa amin ang Ama? Kung hindi gayon gamitin sa pamamagitan ng mga gawa.”

Kung ito ngayon ay kinikilala ng sangkatauhan, katotohanan na sa pisikal na kaanyuan ang isang Hesus ay tao na nakipamuhay sa ibabaw ng lupa. May laman, may buto, may dugo na umiinog sa kanyang kabuuang tao sapagka't nakikita, nahihipo, nadarama.

Nguni't ang dala-dalang laman na ito, ang naroroon sa kanyang kabuuan, ang pagka-Espiritu ng isang Diyos. Kaya at hindi baga nangusap din, “Ako at ang Ama ay iisa”? Na kung ang katitikan at literal na kataga ang pagbabatayan Siya ang Anak, Siya rin ang Diyos.

Nguni't iyan ang kataga na nakapaloob doon sa pangungusap, ang titik ay pumapatay nguni't ang diwa ang siyang nagbibigay buhay. Kaya nga at alin ang titingnan at kinakailangang tingnan sa lahat at bawa't isa? Ang kahayagan ng kanyang gawa, ang larawan na kanyang ibinibigay at inihahantad sa kalaganapan ng sandaigdigan.
Ito ang nagpapakita Siya at Ama ay iisa. Iisa ang layunin, iisa sa adhikain, iisa sa mithiin at iisa sa prinsipiyong tinataglay na kinakailangang ipakilala at ihantad sa sandaigdigan. Layunin ng Diyos na buksan ang kamalayan ng tao sa pamamagitan ng kanyang sariling kaunawaan, ng kanyang sariling pagsisikhay.

At siya ring layunin ng iisang Panginoon kung kaya nga at nagbigay ng mga aral na makapagbubukas ng diwa at kabuuan ng kanyang sarili. Iisa ang adhikain na maipadama, naroroon ang dakilang bahagi sa kanyang kabuuan na magiging gabay sa sandali ng kanyang pagsasagawa upang hanapin ang kawagasan.

Ganito rin ang dakilang Panginoon sa larawan na kanyang ipinagkakaloob na sa pamamagitan ng mga bahagi ng tuparin nagpadilat ng mga bulag, nagpalakad ng mga lumpo, bumuhay ng patay. Lahat ng iyan ay diwa na kinakailangang unawin at kilalanin ng bawa't isa.

Nguni't sa pamamagitan ng ganoong bahagi hindi baga matanggap na Siya rin ay isang Diyos. Ang tao ay isa rin Diyos, kaya nga at ang wika kayo man ay mumunting Diyos. Sapagka't dala-dala ninyo ang bahagi ng pagka-Espiritu ng Ama na nagbibigay ng buhay sa lahat at bawa't isa.

Katulad lamang ng isang pagwawanki na kung ang Diyos ang kabuuan ng kalakhan ng isang karagatan. Kunin mo ang bahagi ng kanyang tubig at ilagay mo sa isang sisidlan, hindi mo masasabing ito ay hindi bahagi ng dagat.

Ganito din ang bawa't pangyayari, alisin mo doon sa dagat ang tubig may nabago ba at may nawala ba sa kaangkinan? Dala-dala rin niya ang kaangkinang pang katangian nang dagat nguni't hindi sa kanyang kabuuan, hindi sa kanyang kawagasan.

Ito rin ang katumbas ng iniibig na kilalanin ng tao, pinag-aaralan, pinagtatalunan, pinag-aalinlangan. Nguni't kung damdamhin nagpapakita at naglalarawang sadya ng kakapusan ng pagka-unawa sa iisang katotohanan.

Kung ilalagay ngayon sa sagisag sadyang naroroon ang katotohanan, sapagka't kung ang Diyos ay karunungan, ang Hesus ay pag-ibig, hindi baga kinakailangang iyan ang maglangkap at mag-ugnay? Dahil dito, hindi maaaring hiwalay ang bawa't bahagi upang tingnan at kunin ang kanyang kabuuan.

Dahil dito, ang may bukas na kamalayan sa pagka-unawa sa gawaing na-uukol sa ikawawagas ng kanyang kaluluwa ang hinahanap kung ano ang nasasa kanya na kinakailangang paunlarin, kinakailangang linangin, kinakailangang pulutin, ito ang pagtutuunan ng kanyang panahon.

Sapagka't buhat diyan hindi maaari na hindi maging malawak at maging malalim ang kaalaman ng isang kaluluwa. Sapagka't doon manggagaling ang isang karunungang magpakilala ito nga ang Hesus, ito nga ang Panginoon. Katulad din ng pagkamulat ng isang mata sa sandali ng pagkabayubay ng isang Hesus na kung saa ay tatanggapin abg kanyang damdamin na kumilala at mangusap ito nga ang tunay na Anak ng Diyos.

Dahil dito kinakailangan baga na hanapin ang malaking bagay na hindi nalalaman at nakikilala kung alin ang nasasa inyo. Damhin ninyo kung ano ang dala-dala ng inyong sarili upang madama ninyong naroroon ang bawa't bahagi ng hinahanap ng tao.

Katulad lamang sa sandaling ito, naka-akibat nakalangkap ang layunin ng inyong kaluluwa. Ang mga sikat ng liwanag na magiging bahagi ng inyong pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa. At sa layuning ito mula sa inyong pagkakaupo, itanong ninyo sa inyong sarili, ano ngayon ang dala-dala ng inyong isipan, ng inyong damdamhin? Ano ang napapaloob sa inyong kalooban?

Ang mga bahagi baga na magpapatingkad sa tagumpay ng mithiin ng isang kaluluwa upang madama na nagkaroon ng katuparan ang layunin ng inyong sarili sa inyong pagpunta at pagdako sa loob ng lunduyan?

Dahil dito, diyan lamang ay madadama ninyo kung nababaog ang inyong tungkulin. Diyan lamang ay madadama ninyo at ganap na inyong makikita kung ano kayo sa inyong kalagayan; kung ano ang pagsulong ng inyong kalagayan, kung ano ang kamalayan na inyong ginagawa, kung ano ang pagkabukas sa inyong inihakbang at ikinampay ng inyong mga kamay.

Dahil dito, ganyan pinagiging-iba ang nag-aaral sa kalihiman ng buhay sapagka't bawa't bahagi ay kinakailangang madama ng inyong sarili na ang lahat ng iyan at mga sangkap na kinakailangang ilangkap pang mabuo ang dakilang layunin ng Espiritu.

Ngayon sa bahaging ito, naroroon ang ilang bulag na mata ay makakita. Ang walang lakas na mga paa upang itindig ang kanyang kabuuan ay magkakaroon ng katatagan. Buhayin ninyo at gisingin ang pananampalataya na likha ng kaangkinang dala-dala ng inyong sarili.

At sa pagkabuhay ng mga bahaging ito, hindi maaari na hindi kayo humakbang, hindi maaari na hindi kayo lumakad, hindi maaari na hindi kayo bumuo sapagka't iyan ang tungkulin ng isang mag-aaral sa kalihiman ng buhay.

Ang kinakailangan lamang na sa inyo ay humiwa ay katapatan sa inyong pagkakilala sa iisang katotohanan. At ito ngayon ang magiging gabay upang ano man ang inyong madama, saan man kayo makarating, ang inyong gagalawan, iisa ang iinugan ng inyong buhay at ito ay ang paggalang at pag-alinsunod sa batas at kautusan ng Diyos. 

Maging ang batas at kautusan sa lupa sapagkat ang lahat ng ito ay mga daan na kinakailangang pagtagumpayan ng lahat at bawat isa upang matamo ang kabanalan, ang kawagasan ng adhikain ng isang kaluluwa.

Dahil dito, diyan nabubuo ang lahat kaya nga at kilalanin ninyo ang inyong sarili sapagkat ito ang pinakadakila at pinakamahalaga na maisasagawa ng bawat isa sapagkat dumoon ang liwanag at kapayapaan na siyang lagi na ay ibinibigay, hinihiwa ng sino mang sinusugo sa sandali ng inyong pakikipag-aral.

Kaya nga at kung inyong dadamhin, kayo ay dinadala sa bahaging ito na dahil diyan mula sa pasimula hanggang sa pagwawakas iisa ang ibinibigay at iniiwan, “liwanag at kapayapaan ang sumainyo.” Gayun din ang pangungusap ng dakilang Panginoon.

Maghari nawa sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang pag-iibigan, kababaang-loob, pagkakawanggawa at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Apostol Santiago.

 

1993-05-16,  RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaang nagbubuhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas!

Ang talinhaga ng buhay, “ang trigo na hindi namumunga”

Sa panahon na ang tao ay hihingan ng kanyang natutuhan, ang kanyang katulad ay isang bahay na itinayo at binuo na ang lahat ng bahagi ay naroroon sa kanyang kabuuan, na ito ay kinakailangang sirain upang ipakilala kung gaano katibay at katatag ang kanyang tungkulin.

Sa buhay ng tao ay ganyan din, maliban na magtamo ng kasiraan ay hindi madarama na mayroon pala niyaong pagkukulang sa kanyang kabuuan; maliban na ito ay mangalat hindi madarama na mayroon pala ng katotohanang hinahanap ang kanyang sarili. Sa katotohanan, dala-dala ito ng kanyang kalagayan.

Dahil dito, kung naririto ang kalagayan ng bawat isa, marahil ang timbulan na kinakailangang mataglay ng inyong sarili ay ang bahagi ng larawan na inihayag ng isang Hesus, na naririto ang malawak na pag-aaral sapagkat ang talinhaga ng buhay ay nakaugnay.

Inihayag at inihalintulad ng kasaysayan sa kanilang paglalakad nakita ang trigo na hindi namumunga sapagkat hindi panahon ng kanyang pamumunga ngunit hinahanapan ng kanyang bunga at ng hindi makasumpong ay nangusap, “ Ibig ko huwag ka ng magbunga.”

Ngayon ilagay ninyo sa kabuuan ng inyong sarili at madarama ninyo kung paano ang kalagayang ng katotohanang itinatayo ninyo sa inyong mga puso.

Kung naririto ang diwa na kinakailangang mabuksan sa inyong kaluluwa, damhin ninyo at diyan nakasalig ang matibay na pananampalatayang kinakailangang maihantad sa inyong paggawa upang sa bawat sandali ay madama ninyong ang lahat ng inyong pangangailangan ay ibinigay na.

Ang lahat ng bagay na mag-aangat sa isang kalagayan ng isang kaluluwa ay naririyan na at kaalinsabay ninyo sa panahon ng inyong pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa.

Kinakailangang lamang na inyong tuklasin; inyong galawin upang makita at mapatotohanan ninyong kayo ay dinadala sa iisang kabuuan. Naririto ang katuparan ng kadakilaan ng kanyang pangungusap, “Darating ang panahon na ni sa bundok na ito ay hindi ninyo sasambahin ang Diyos kung hindi sa pamamagitan ng pagka-Espiritu at katotohanan.”

Kung kayo ngayon ang tunay na mananamba, samakatuwid diyan ninyo ipakikita na lumalakad at lumalandas ang inyong mga sarili.

Dahil dito, ang nagpapatuloy ay may nararating. Ang nagpapasimula ay may wakas na nagiging hantungan at nawa ay matagpuan ninyo ang lahat ng mga bahaging ito upang maging tagumpay ang layunin ng isang kaluluwa sa panahon na kanyang pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa.

Ito lamang ang akin sa inyo ay maiiwan at maghari nawa sa inyong mga puso ang tali ng pag-iibigan, liwanag sa kanyang kabuuan, kapayapaan sa sandaigdigan ngayon at magpakailaman. Paalam, Apostol Santiago.

 

1993-03-03, RAD

Ang liwanag at kapayapaang nagbubuhat sa mga langit ang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas!

Ang mga karanasang nagaganap at ang mga kahayagang namamasdan ay hindi maaaring itanggi ng naruroon ang layunin ng Diyos, na ang tao ay malagay sa isang kalagayan na may kaayusan, may kalinisan at may katumpakan.

Kung ito ang dadamhin ng bawat isa, walang makikita na magbibigay at magdudulot ng sakit sa kanyang kalooban. Wala ring makikita at natatanaw upang sa kanya'y mag-akay na humatol sa bawat kakulangang isinasagawa ng kanyang kapatid, ng kanyang kapwa, sa kanyang kapaligiran.

Sapagkat ang lahat ng ito ay daan upang buksan ang bawat isipan; daan upang antigin ang bawat damdamin at daan din upang buksan ang isang isipan upang makilalang ang lahat ay pinapagsama hindi upang ibaba ang isa kungdi upang pabayaan, upang tulungang umangat sa kanyang kalagayan.

Ganito ang ibinibigay ng bawat pagtuturo sa katuruan ng Espiritismo. Kaya nga't sa inyong samahan, kung kayo'y binubuo ng iba't ibang uri ng kaantasan ng bawat kaluluwa bawat isa ay may katangian sa kanyang sarili at bawat isa rin ay may kakulangan sa kanyang sarili at kung may katangian ang bawat katangiang iyon ngayon ang siyang pauunlarin upang maging huwaran ng bawat kapatid at ang pagkukulang na nasasa inyo.

Oo, hindi maaari na hindi makita ngunit sa larangan ng pag-iibigan hindi ito ang bibigyan ng bigat kung hindi hahanapin ang kalutasan sapagkat iyan ay katulad ng damit na kung magkaroon ng punit ang titingnan hindi ang kakulangan.

Ang kapintasan, ang bawat kamalian, ang punit ay lumalaki, ang punit ay humahaba at kung hindi magagawang tahiin at tagpian ang gawak ang siyang magbibigay daan upang magka-watak-watak ang isang samahan.

Dahil dito, kinakailangan ang pag-iibigan, kaya nga't naroroon nakasulat, "Ang may malakas na pananampalataya ay hindi isinama sa mahihina upang hatulan kung hindi isinama upang ang mahina ay magkaroon ng gabay at magkaroon ng kakapitan." Hindi ba iyan ang pag-ibig?

Kinakailangan ang pagdadamayan ng bawat isa; ang pag-uunawaan, ang pagbibigay ng kanyang damdamin na naruroon ang pagpupuno at hindi ang paghahanap ng bawat kakulangan.

Dahil dito, nasa kamay ng bawat tao, ng bawat lipunan ang ikinagaganda at ikinabubuo ng isang samahan. Katulad din ng samahang itinayo at itinindig ng isang Hesus na kung saan ay naruroon iba't ibang uri ng katangian ang nasasakanyang kapaligiran.

Hindi baga at inihantad ng kasaysayan na mayroon ng sa kanya'y nagtatawa, nagkanulo at sa panahon ng kanyang pangangailangan siya ay iniwan?

Kung ito ngayon ay isang kalagayang naghahantad sa kalihiman ng buhay papaano ninyo gagamitin ang inyong pinag-aralan? Paano ninyo ibabahagi ang kaunawaang nasasa inyo? Papaano ninyo ibibigay ang karunungang tinanggap?

Naririyan ang pagkakilala ng bawat isa. Naririyan ang pagsusuri ng bawat isa. Naririyan ang pag-aaral na isasagawa. Kilalanin man ninyo at tandaan na kayo'y katulad ng isang hiyas na habang tinatapyasan ay lalong tumataas ang kanyang uri, ang kilatis, lalong naruroon ang ningning. Higit ito kung dadamhin ng bawat pagsubok at suliranin. Dinaragdagan ang karunungang matataglay ng isang kaluluwa.

Ngayon, sa bawat sakit na inyong nadarama, kung hahanapin ninyo ang pagsulong ng inyong kaluluwa ang lahat ay magiging bukas para sa lahat. Wala kayong itatapon.

Wala kayong wawalain ng kabuluhan. Lalong wala kayong pawawalan ng kahalagahan kung hindi ang lahat ay nagiging mahalaga para sa inyo; magiging matamis maging ito man ay humihiwa sa puso o sumusugat sa inyong damdamin.

Iyan ang magiging matamis sapagkat dahil doon nasusukat kung gaano katatag ang pananampalataya. Hindi baga ngayon, bawat pangyayari kaya may kapahintulutan ang dakilang Ama sapagkat mabuting mithiin na pagdadalhan sa tao?

Dahil dito, iisa ang pinaglalagyan sa bawat nag-aaral, doon sa isang kalagayan na makita man ang kakulangan, makita man ang kapintasan ang mananaig sa kanyang puso, sa kanyang damdamin ay ang pag-ibig.

Sapagkat natutuhang unawain at kilalanin ang kakulangan ng kanyang kapwa at sa pamamagitan ng pang-unawang ito'y makikilala rin at mauunawaan ang nakasulat sa Banal na Aklat na, "Hindi siya magtatagpi ng lumang kayo sa bagong kayo."

Sapagkat nakikilala ang kakulangan ng kanyang kapwa ay bahagi nga pag-ibig sa kanyang puso, na hindi magagawang tagpian ang bagong damit ng lumang kayo sapagkat sa pag-uugnay hindi maaaring hindi magbatakan at sa pagbabatakan, masisira at mawawasak ang isang samahan.

Ito nawa ang kilalanin ninyo upang maipakilalang kayo ang manggagawa ng tunay ng pag-ibig. Matutuhan ninyong ipakilala at ihayag na kayo ang manggagawa ng katotohanan; kayo ang manggagawa sa ubasan ng dakilang Panginoon.

Dahil may puwang ang bawat pagkukulang at pagkakamali sa inyong puso. inyong ibabahagi ang pagpupuno at pagtutuwid; ang liwanag at hindi kadiliman; kapayapaan sa sandali ng digmaan. Saan kayo ngayon lalakad? Saan gagawi ang tao?

Anong kalagayan ang susulingin ng kanyang sarili kung ang dilim ay pupunan ng kapwa kadiliman; kung ang mali ay gagamutin ng kapwa kamalian; kung ang kasamaan na nakikita ay daragdagan ng kapwa kasamaan; kung ang isang pagkukulang ay ibibigay ay paghatol na nagwawasak ng kapayapaan ng damdamin?

Ano ang magiging kalagayan ng isang samahan? Ano ang magiging kalagayan ng tao na nabubuhay sa lupa?

Iyan ngayon ang dahilan bakit nagaganap ang bawat pangyayari upang magkaroon ng linaw ang mata na makakita bawa't isa ay may karapatan upang hanapin ang kanyang sariling kaligtasan.

Dahil dito, walang makapagsasabi na ang sa kanya ang matuwid. Wala ring makatitiyak na ang sa kanya ang katotohanan. Lalong wala ng maaaring makapangusap na ang kanyang nakitang isinasagawa ng kanyang kapwa ang liko, na dahil dito iisa ang itinuturo, matupad ang kautusan ng isang Hesus, "Mag-ibigan kayo sa isa't isa."

Ito ang kabuuan ng pagtuturo. Ito ang diwa ng Hesus. Ito rin ang layunin ng inyong pagpapatuloy, maipagkaloob ang inyong sarili sa pag-ibig na siyang buhay na ginagalawan ng isang Hesus mula sa kanyang pagsilang hanggang sa kanyang pagpapatuloy, hanggang sa kanyang kamatayan.

Kung ito ngayon ay inyong binabakas, samakatuwid, handa ang inyong sariling tumanggap ng ano mang uri ng karanasan na sasainyo. Sa inyong pagtanggap, magiging bukas ang inyong isipan, bukas ang inyong damdamin at ang inyong kalooban.

Bukas ang inyong kabuuan upang tumanggap ng iba't ibang uri ng lakas na ang kabuuan ng kalinisan ng inyong sangkapin na naruroon ang kadakilaan ng isang pananampalataya. Ito ang mga bahagi na aking sa inyo'y iniiwan sa sandaling ito.

Muli kong uulitin, maliban sa pag-ibig walang samahan na makatatayo at makapagpapatuloy. Buwagin mo ang bahaging ito at mawawasak ang pagsasama ng lahat at bawat isa.

Dahil dito, kung mahalaga para sa inyo ang samahan, ng inyong sarili, bawat kakulangan hindi ang paghahanap ng kapintasan ang doroon kung hindi ang kalunasan at kaliwanagan upang magpatuloy ang pag-ibig.

Maghari nawa sa inyong mga puso at sasangkatauhan ang kaliwanagan ng diwa, kapayapaan ng damdamin, katiwasayan ng kalooban, pag-ibig sa inyong tungkulin ngayon at magpasawalang hanggan.

Paalam, Apostol Santiago

 

1988-04-01, IB 

Biernes Santo 

Sumaatin nawa ang diwa ng pagpapakasakit ng dakilang Anak ng Tao, maghari ang kapayapaan lagi na.

Kay tagal kong inasam sa maraming pagkakataon na mabuklat ko sa inyong kalagitnaan ang abang kasaysayan ng pagkatao, hindi upang ako ay tanghalin na isang hari, hindi upang ako ay mapaukit sa inyong gunita, sapagkat narinig ko sa bibig ng dakilang Mananakop ang mga katagang, "walang itinanghal na bayani sa kanyang bayan."

Sa pagkakataong ito ay nalalaman kong ang koronang maaaring iputong sa ulo ng Tao bilang pagkilala sa kanya na may hawak na kapangyarihan, upang makilala sa sanlibutang ito, manapa ay ang koronang tinik na bawat isang patak ng dugo na mamalisbis sa ulo ng sinumang puputungan nito ay isang bakas na maiiwan sa kapatagan ng lupa upang panuntunan ng mga kaluluwang sa kanya ay nakamasid at susunod.

Mga iniibig na kapatid, napatitik sa Banal na Kasulatan na ako ay binansagan na "anak ng kulog," isang mapusok na tao at walang pangimi sa kanyang kapwa, at dahil sa salin at saling kabuhayan, sa maraming buhay na aking tinahak bago ko nakatagpo ang dakilang Anak ng Tao, sasabihin kong ako ay mayroong panata sa aking sarili.

Ang aking ama na si Sebedeo ay isang matuwid na lalaki, at sa aking kamusmusan ay hindi ko siya kinakitaan ng anumang kabalasikan. Ang kanyang pagiging mangingisda ay buong pagpapakumbabang kanyang isinabuhay.

Siya ay matiyaga at masipag; at ang pinakapahinga niya sa maghapon ay ang paghahayuma ng lambat, at hindi pa halos sumisilay ang liwanag sa araw-araw ay naroon na siya sa kanyang bangka. Sa aking kamusmusan ay nabanaagan ko ang isang kawalan ng pag-asa.

Naitanong ko sa aking sarili kung bakit ako na isang musmos ay mayroon ng kakaibang damdamin. Wala ako ng tiyaga na katulad ng aking ama. Pangahas ako at matapang. Madali akong magalit, at dahil diyan alo ay tinaguriang "anak ng kulog."

Nang ako ay sumapit sa pagbibinata, minsan ay natanaw ko ang isang lalaki na nakasakay at naka-upo sa isang bangka, at bagaman at ako ay malayo sa kanyang kinalalagyan sa tabi na pampang ay narinig ko ang maliwanag ang kanyang tinig. At katulad ng dalawang alagad na nauna ay binigkas niya sa akin ang mga katagang, "gagawing kitang mamamalakaya ng tao."

Hindi ko naunawaan kung bakit sa aking narinig na mga kataga ay iniwan ko ang aming maralitang dampa, sumunod sa kanya hanggang sa siya ay ipadakip ng mga saserdote, pahirapan at mag-ibis ng kanyang laman.

Ang aking ina, palibahasa ay hindi isang relihiyosang tao at kung pumunta man siya sa templo ay kung araw lamang ng pangilin at hindi siya palasimba ay may kadulasan ang dila, at natatandaan ko ang mga sandali na boung kapangahasang sabihin sa dakilang Anak ng Tao, na kung maaari ako at aking kapatid ay ilagay sa kanyang kanang luklukan at kaliwa.

At ako ay hindi nagkaroon ng lakas ng loob na sansalain ito, sapagkat sa aking pagsama sa pangaral ng dakilang Hesus ay naroroon ang isang damdaming punong-puno ng paghahanap ng katarungan sa aking isinasabalikat na gawain.

Ang wika ko, kung ako ay hinirang na alagad, ako ay higit na mapalad kaysa kanino mang nilalang at karapat-dapat ako sa papuri ng aking mga kapwa alagad, at dahil diyan ay namutawi sa bibig ng aking ina ang isang kaisipang ako ay malagay sa kanang luklukan ng dakilang Hesus.

Ang taong nagnanasang mataas ay magpakababa, ang maging lingkod ay hindi maaaring maging dakila

Subalit narinig ko ang kanyang tinig na nagsasabi: Ang sinumang nagnanasang mataas ay kinakailangang magpakababa; ang sinumang nagnanasang maging lingkod ay hindi maaaring maging dakila. Kailangan na ang tao ay makilala ang kanyang sarili na siya ay hindi maaaring maging higit sa kanyang Panginoon sapagkat siya ay isa lamang haligi.

At dahil diyan namighati ang aking pagkatao at ito ay nalalaman long siya ay nabubuhay pa, ata maraming pagkakataon na ako ay kabilang sa mga alaga na nag-aalinlangan, nakikipagsang-usapan, at sa marami ring pagkakataon ay narinig ng Mesiaya ang aming mga pagsasang-usapan.

Ang mga talaytayan, may pangitain, nakakarinig ng tinig mula sa malayong lugar, nakatatanggap ng pangaral sa  pamamagitan ng pag-iisip

Mga iniibig na mga kapatid, sa sandaling ito ay nais kong ipahiwatig sa lahat at bawat isa na kung sa kalagitnaan ninyo ngayon ay tinatawag ninyong isang talaytayan ang isang kasangkapang ginagamit ng sinumang Espiritu, nang aming kapanahunan kung kami ay nakakakita ng mga pangitaing hindi nakikita ng pangkaraniwang mata, kung kami ay nakakarinig ng tinig ng isang taong nagsasalita sa isang malayong lugar, kung natatanggap namin sa pamamagitan ng pag-iisip ang mga paalala at pangaral ng dakilang Hesus, ang sabi ng marami kami ay napupuspos, ng Espiritu Santo. Sa inyong katawagan sa kasalukuyan kami ay mga talaytayan.

Nang lumisan ang dakilang Hesus, ako ay apatnapung taong gulang at wala akong sinikap sa araw-araw na ginawa ng Diyos kung hindi ang maglibot sa maraming lansangan, kausapin ang lahat ng nakasalamuha sa daang aking pinatutunguhan. Tumatayo ako sa mga nasaksihan at mabuting balitang ibinigay ng dakilang Anak ng Tao.

Salamat sa Diyos at sa aking maliit na kakayahan libu-libong mga Hudyo ang aking napapaniwala at nabigyan ng pananampalataya, apat na libo silang lahat. At ako ay nagpatuloy, ginaygay ko ang maraming malalayong pook, hinahap ko ang mga ulilang balo at ang mga ulila, sapagkat natitiyak kong sila ay hindi nakaka-unawa sa kadakilaan ng isang taong isinugo mula sa kaitaasan.

Umabot ako sa edad na pitumpo, at sa gulang na iyan kung kailan ang aking mga buhok ay mapuputing lahat at hindi na sapat ang lakas ko upang magalugad pa ang maraming pook. 

Ipinasya ko na tapusin ang huling sandali ng aking buhay sa piling ng mga sawing-palad na mayroong mga karamdaman na nakatira sa madidilim na kuweba, sa mga kapatid na pinandidirihan ng lipunan sapagkat ang wika ay ang kanilang kasakitan ay nakakahawa. Diyan natatapos ang aking maikling talambuhay sa panahon nang lumisan ang dakilang Hesus.

Hindi ko malilimutan, mga iniibig na mga kapatid, ang mga aralin na ipinagkaloob sa amin ng dakilang Hesus, ang pangitain sa bundok kung kailan ang kanyang liwanag ay sapat na upang ako ay masubasob sa lupa at hindi ko ito matignan.1

Ang katauhan ng dakilang Kristo ay hindi maaaring pagmasdan ng sinumang nilalang na may magaspang na alitigtigin sa kanyang pagkatao. Ang Kanyang tinig ay sapat na upang makapagpalambot sa sinumang imbi at lapastangang taong kanyang natatanaw.

Ang Kanyang tinig, tila ito isang kulog na dumadagundong, naka-aabot sa malalayong lugar, at maging ang kanyang bulong ay isang malakas na tinig na aalingawngaw sa pandinig ng sinumang bukas ang pandinig. Ang Kanyang pangungusap ay tumitimo sa kaibuturan ng kaluluwa.

Pagkakita sa sarili kung ano at sino siya sa maraming muli at muling pagkabuhay at paano ginising ng tinig ni Hesukristo

Hindi ko rin malilimutan na sa kanyang pagkabayubay sa krus ay humagulgol ako ng panangis, sa pagkakita sa aking sariling ako pala ay isang butil ng alabok sa lupang kinakailangangang yurakan ng maraming ulit upang sa ganyan ako ay magising.

Magising ang isang katauhang naging palaboy ng lansangan, naging isang mamamatay-tao, naging mapang-usig, naging isang imbing mangangalakal, naging isang abugadong walang pangimi kung magsakdal.

At sa salin-saling kabuhayan aking natandaan na bago ako naging Santiago, isa akong nakakulong sa monasteryo sa isang malayong bayan ng Tibet, sa isang kabundukan kung saan wala kayong maririnig kungdi ang ihip ng hangin at awit ng mga ibon.

At sa kabila ng katotohanang aking pinagdaanang buhay marami at libu-libong taon na ang nakalilipas, ako ay namanata na kung bibigyan ako ng pagkakataon ng dakilang Ama, ang wika ko ay uubusin ko ang aking buhay sa paglilingkod sa mga tao, sa bilang ng mga taong aking nilapastangan at niyurakan sa kanilang mga karapatan.

At kung gaano ang dami ng bilang mga mga Hudyo na aking na-akit sa pagkilala sa dakilang Anak ng Tao ay ganyan din karami ang bilang ng mga taong aking pinagkakautangan sa mga pinagdaanang buhay.

Mga iniibig na mga kapatid, ako at kayo ay hindi iba. Huwag ninyong sabihing ako ay mapalad sapagkat ako ay hirinang na alagad. Kayo man, sa inyong kalagayan sa kasalukuyan.

Kung kayo man ay walang pangimi sa paglapastangan sa inyong mga kapwa, kung kayo man ay mga babaing nagbibili ng aliw sa mundong ito, kung kayo man ay nag-iimbot sa mga ari-arian ng inyong mga kapwa.

Kung kayo ngayon ay nagadadalawang akala sa pagyakap sa isang simulaing natunghayan ng inyong pagkatao, mamanata kayo ng ilang ulit, maraming beses, at idalangin ninyo ang inyong mga kaluluwa, sapagkat darating ang panahon kung kailan ang tao ay magiging sakdal.

Ang tao ay daraan sa maraming kabuhayan  upang maging isang sakdal

At kung siya ay maging sakdal ay makakahalintulad siya ng dakilang Guro ng Sangkatauhan. Kung inyong tinatanggap ang kanyang winikang, "Ako ang daan, ako ang katotohanan, at ako ang ilaw; ang sinumang nagnanasang pumaroon sa kaharian ng aking Ama ay kinakailangang magdaan sa pamamagitan ko."

Samakatwid, mga iniibig na mga kapatid, bawat isa sa atin, bawat isa sa inyo, ay daraan sa maraming kabuhayang i-uukit ng inyong pagkatao, na kung kayo ay mabuti at matuwid na mamamayan sa kasalukuyang ito ay magandang baunan ng inyong pagkatao.

Ang mga katulad ng taong hindi sakdal at ang kasasapitan

Subalit kung kayo ay katulad ng mga Pariseo na mapagkunwari, katulad ng mga Eskriba na hinahanap ang katarungan ng mga langit, katulad ng mga Saduceo na mapagpanggap sa katotohanan, kung kayo mga iniibig na mga kapatid, ay maryoon pa ring dala-dalahan ng mga kahinaan sa inyong mga sarili, mahihirapan kayo sa bigat ng dala-dalahan ng inyong pagkatao sa araw ng bukas.

Ang koronang tinik na isasaksak sa inyong mga ulo, ang bawat dugo na papatak sa inyong mga pisngi, ay palatandaan kung papaanong kinakailangang kayo ay magdala ng hirap at sakit sa pagdadala ng krus na inyong pinapasan sa kasalukuyan.

Ang mga baitang tungo sa kasakdalan

At kinakailangan ninyong mabata, sapagkat kayo nga katulad ko noong una ay kinakailangang maging sakdal, kinakailangang kayo ay lumandas ng matuwid, sapagkat walang itinatangi ang dakilang Ama sa Kanyang mga nilalang.

Bawat isa ay magiging guro ng kanyang kapwa, bawat isa ay magiging alagad na nangangaral sa mga ilang, bawat isa sa inyo kinakailangang ipako sa krus sapagkat kayo ay anak ng dakilang Diyos.

Ang pagsariwa at pag-aalaala sa buhay ng dakilang Mananakop ay isang kasaysayan ng hindi ginawa ng tao, hindi ito bunga ng kanilang mga kaisipan, kung hindi ito ay kasaysayan ng bawat isa sa inyo. 

Kung inyong tinatanggap ang katotohanan na ang inyong mga Espiritu, ang tunay na tao, ay nagmula sa Kanya, babalik nang sakdal. Hindi kayo maaaring makabalik kung hindi kayo magdadaan sa buhay ng dakilang Guro ng sangkatauhan.

Ito, mga iniibig na mga kapatid, ang alaalang iniiwan ko sa inyo, at ang kasaysayan ng isang alagad ay walang katuturan kung ito ay hindi ninyo kapupulutan ng magagandang aral. 

Tayo ay mga anak ng Diyos

Ang bawat isa sa atin ay mayroon ng kasaysayan. Pag-aralan ninyo, pag-aralan natin ang ating mga sarili at makikita natin ang katotohanan, kung hindi man ngayon, pagdating ng araw, na tayo ay anak ng Diyos.

Karunungang hindi humahanap ng katarungan sa mga pangyayari

Maghari sa inyo ang kapayapaang hinahanap ng inyong mga kaluluwa, ang pag-ibig na walang pag-iimbot, at ang karunungang hindi humahanap ng katarungan sa mga pangyayari. Paalam, Apostol Santiago.

---------

1“Katotohanang sinasabi ko sa inyo na may ilan na nangakatayo rito na hindi titikim ng kamatayan sa anumang paraan hanggang sa kanilang makita muna ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian.”

‘Ano kaya ang ibig sabihin ni Jesus?’ ang pagtataka marahil ng mga alagad. Mga isang linggo ang nakaraan, ipinagsama ni Jesus sina Pedro, Santiago, at Juan, at sila’y umakyat sa isang mataas na bundok. Marahil iyon ay kinagabihan, yamang ang mga alagad ay nangag-aantok. Samantalang nananalangin si Jesus, siya ay nagbagong-anyo sa harap nila. Ang kaniyang mukha ay naging kasinliwanag ng araw, at ang kaniyang mga kasuotan ay pumuting katulad sa ilaw.

Pagkatapos, may dalawa, na makikilalang sina “Moises at Elias,” ang lumitaw at nagsimulang makipag-usap kay Jesus tungkol sa kaniyang ‘paglisan na magaganap sa Jerusalem.’ Maliwanag na ang paglisan ay tumutukoy sa kamatayan ni Jesus at pagkatapos ay ang kaniyang pagkabuhay-muli. Samakatuwid, ang pag-uusap na ito ay nagpapatunay na ang kaniyang abang kamatayan ay hindi isang bagay na dapat iwasan, gaya ng ibig na mangyari ni Pedro.

Lubusang nagising na ngayon, ang mga alagad ay nagmasid at nakinig nang may buong pagtataka. Bagama’t ito ay isang pangitain, para bang tunay na tunay ito na anupa’t si Pedro ay nagsimulang sumali sa eksenang iyon, at nagsabi: “Panginoon, mabuti sa atin ang tayo’y dumito. Kung ibig mo, ako’y gagawa rito ng tatlong tabernakulo, isa ang sa iyo at isa ang kay Moises at isa ang kay Elias.”

Habang si Pedro ay nagsasalita, isang maningning na alapaap ang lumilim sa kanila, at isang tinig buhat sa alapaap ang nagsabi: “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan.” Pagkarinig nila sa tinig, ang mga alagad ay nagpatirapa. Subalit sinabi ni Jesus: “Magsitindig kayo at huwag matakot.” Nang kanilang gawin nga iyon, sila’y walang nakitang sinuman maliban kay Jesus.

Sa kanilang pagbaba sa bundok kinabukasan, iniutos ni Jesus: “Huwag ninyong sabihin sa kaninumang tao ang pangitain, hanggang sa ang Anak ng tao ay ibangon sa mga patay.” Dahil sa si Elias ay naroon sa pangitain, isang tanong ang bumangon sa isip ng mga alagad. “Bakit nga,” ang tanong nila, “sinasabi ng mga eskriba na kinakailangang pumarito muna si Elias?”

“Pumarito na si Elias,” ang sabi ni Jesus, “at hindi nila siya nakilala.” Subalit, ang tinutukoy ni Jesus ay si Juan Bautista, na tumupad ng isang papel na nahahawig sa ginampanang papel ni Elias. Si Juan ang naghanda ng daan para sa Kristo, gaya rin ni Elias na naghanda ng daan para kay Eliseo.

Anong laking pampatibay-loob ang pangitaing ito, kapuwa kay Jesus at sa mga alagad! Ang pangitain ay, wika nga, isang patiunang pagpapakita ng kaluwalhatian ng Kaharian ni Kristo. Sa katunayan, nakita ng mga alagad “ang Anak ng tao na pumaparito sa kaniyang kaharian,” gaya ng ipinangako ni Jesus may isang linggo bago noon. Pagkamatay ni Jesus, si Pedro ay sumulat tungkol sa kanilang ‘pagiging mga saksi sa kaluwalhatian ni Kristo samantalang sila’y kasa-kasama niya sa banal na bundok.’


Mga Termino

mamalisbis

mamamalakaya

 

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia