1995-2023, Koleksyon - Moises
2022-05-22, RAD
Topic:
Genesis, Paglikha
Pagibig at kapayapaan ang maghari sa lahat at bawat isa ngayon at magpasawalang hanggan.
Ang kahayagan sa kabuuan ng sandaigdigan ay nagpapakilala na kaakibat nito ang karunungang taglay ng tao, ang siyensya. Ano ba ang siyensya o agham? Kung ilalagay sa paglikha, ito ay nangangahulugan ng isang sistematiko, maayos na pagkakahanay ng mga kaalaman.
At kung ang kaalaman at karunungan ay biyayang inihandog ng Diyos sa bawat isa, samakatuwid, ang lahat ay sadyang may kabuuan ng pagiging diyos. Kaya nga at ibinigay ang kanyang taguri na kalarawan at kawangis ng Diyos.
Paglikha, na ang ipinadadama ay buhay; pagkakaloob ng buhay sa kabuuan ng isang panahanan. At kung ang panahanang ito ay tatanawin, oo, ang sanglibutan o ang sandaigdigan ay siyang pinaninirahan ng tao.
Na, doon ang kanyang pinakasimula at pinaka ugat kung bakit inihayag ang paglikha ay nang dahil sa ito ay naroroon sa kadiliman. Kaya nga't ang pangungusap, ibig ko magkaroon ng liwanag, upang ang kadiliman ay magkaroon ng kanyang tunay na buhay ay taglayin nito ang liwanag.
Samakatuwid, kung dadamhin at susuriin, inilarawan na at ipinahahayag ng Diyos ang tao ay lalagay at doroon sa dalawang kalagayan, kalagayang panlupa at kalagayang pang espiritu. Kaya nga, ang unang ipinagkaloob ayon sa tala ng kasaysayan ay ang mga bagay na materyal na kailanganin ng tao.
Ano ang ibig ipadama ng Diyos at kaalamang ibig niya na mabuksan sa tao? Bakit ang materyal na kahayagang ito at ang pangangailangan ng nauukol sa lupa ang siya Niyang unang ginawa? Hindi ba upang ipaunawa na ang tao sa kanyang pakikipamuhay hindi magugutom, na sa kanyang pakikipamuhay ang lahat ay may kalunasan, ang lahat malulutas sa lahat ng kanyang magiging suliranin?
Sa materyal na kahayagan, nagugutom ka, may mga halaman, may puno na may bungang maipantatawid gutom; may lupang matatamnan ng mga binhi na may aanihin pagdating ng araw. Nauuhaw ka, may tubig na bumabalong na iyong maiinuman sapagkat iyan ay pangangailangan ng tao.
Kung ito ang Kanyang ibig na buksan sa bawat isa, saan dapat na ilagay ang bawat puso? Saan dapat na gamitin ang karunungan na ipinagkaloob sa lahat? Oo, ginagamit sa paghahanap ng kanyang ikabubuhay para sa laman. Ginagamit para magkaroon ng magandang kinabukasan o ng magandang hinaharap ang kanyang buhay.
Sa ganyang mga kalagayan kung dadamhin, napakalaking biyaya ang inihandog ng Diyos upang makapamuhay ang bawat tao na may kapayapaan. Ngunit sadya lamang kung ang simula'y kadiliman, ang ibig sabihin ay naroroon ang bawat isa sa kanyang kamusmusan, sa kawalan at kasalatan ng pagkakilala at pagkaunawa sa kadakilaan ng sa kanya ay pagkakalalang.
Nagiging salat upang maabot ang tunay na kaalamang sa kanya'y makapagpapaunawa, binigyan ka ng buhay hindi maaaring hindi ibigay ang iyong ikabubuhay. Kung gayon, diyan nag-uugat ang suliranin ng tao.
Datapuwat sa kanyang patuloy na pakikitalad sa iba't-ibang uri ng karanasan na kanyang dinama, dinadanas at nilalakaran, hindi ba at sadya lamang doo'y unti-unti ang kadiliman ay nahahawi at napaparam sapagkat dumarating at humahalili'y ang liwanag.
Ang liwanag ay sagisag ng pagka unawa sa buhay na iyong daladala: saan ka nanggaling? Saan ka paroroon? Ano ang layunin mo bilang tao sa mundong ibabaw? Iyan ang liwanag na kanyang nilikha.
Sapagkat sa pamamagitan ng ganyang uri ng kahayagan, doon ngayon mabubuksan ang diwa, ang isipan, ang damdamin at ang kalooban ng bawat tao. Kapag naunawaan kung saan nanggaling hindi maaaring hindi tutugon upang may pag-aaral at araling mabubuksan, kaya nga siyensya.
Bahagi ang pag-aaral, ang pagsusuri, ang pagsasaliksik, ang paghahambing, ang pagaanalisa sa bawat bagay na sa kanya ay nakahantad, ang pagkilala, ang pagbubukod, ang pagtitimbang, ang pagtakal, ang paglalapat, ang pagsasagawa.
Nilalang vs. Nilikha
Kaya nga ang tao ay isang siyensya sa kanyang kabuuan. Tao, nilalang hindi nilikha sapagkat magkaiba ang katagang nilalang at nilikha. Ang nilikha ay doon sa materyal na bagay na hindi pinagbuhusan ng kanyang buong kaalaman, ngunit ang nilalang ibinuhos ang kanyang buong kaalaman, ginamitan ng karunungan at pag-ibig.
Nilalang
Kaya nga, nilalang, nilala, hinabi ( weave). Na, naroroon ang iba't-ibang bahagi at uri ng kanyang baitang, ng kanyang pag-inog upang ang kabuuan ng tao ay ipakita na siya ay kawangis at kalarawan ng Diyos.
Ano sa kabuuan ng tao ang larawan at kawangis ng Diyos? Hindi ang pisikal niyang kaanyuan, kung hindi, kung ang katangian ng Diyos ay Espiritu, ang Espiritu ang kawangis at kalarawan ng Diyos sa kabuuan ng tao.
Hindi nakikita, hindi nahihipo ngunit nadarama. At kung ito ngayon ang kanyang bahagi, ang pag-ibig at karunungan, iyan ang nasasa tao. Ang pag-iisip, ang damdamin, ang kalooban, sagisagin ng isang kaluluwa.
Ngunit kung ito man ay sagisagin ng kaluluwa ngunit kung walang espiritu na sa kanya'y mamamahala at mangangalaga, ang kaluluwang ito'y magiging katulad din at kahanay ng laman, walang magagawa sa kanyang kalagayan at sa kanyang sarili sapagkat ang Espiritu ang nagbibigay ng lakas, nagbibigay ng liwanag at siyang nagbubukas upang ang karunungang nasasa kanya magamit niya sa pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa.
Nilikha
Sa ganyan inihahantad ang paglikha. Pagbubuo ng buhay; pagbubuo ng bawat kaangkinang daladala ng tao; pagbubuo ng bawat sangkaping kinuha mula sa alabok; pagbubuo upang ang dalawang laman ay maging isa.
Kaya't ang pangungusap sa Banal na Aklat, dalawang laman na pinapagisa. Pinagsama ang lamang mula sa lupa at ang kaluluwa na naroroon ang bahagi ng pagka-Espiritu ng Diyos. Tao, nangangahulugang siyang talsik ng Alpha at ng Omega.
Munting bahagi ng Diyos, munting hasik ng simula at ng katapusan, ng nakaraan at ng kasalukuyan. Diyan ninyo ngayon buksan ang inyong diwa upang maunawaan ninyo ang inyong halaga at ang kadakilaan ng inyong buhay.
Diyan ninyo buksan ang inyong pag-iisip upang lumabas ang kanyang kapangyarihan, magamit ninyo upang supilin ang mababang pintigin ng laman. Diyan ngayon ninyo ihantad ang dakilang biyaya at handog na sa inyo'y ipinagkaloob upang pagkatapos ay makapagpaunawa kung saan kayo nanggaling doon din kayo babalik.
Ito ang kahayagan. Kaya't bawat isa'y sagisag ng kaangkinan ng Diyos. Bawat isa ay simbolo ng Kanyang kapangyarihan. Bawat isa ay kahayagan ng Kanyang daladalang kakayahan, na kung makikilala't mauunawaan ng bawat kanyang nilalang, katotohanan, katotohanan, ang buhay ay magiging isang kahayagan ng siyensya o agham, na dala ang sistematiko, maayos na halayhay at pagkakahanay ng karunungan at kaalamang angkin ng iisang Diyos.
Ito ang aking sa inyo ay inihahatid upang maunawaan ninyong sa inyong bawat paggalaw at paggawa kayo'y lumilikha ng maraming bagay; lumilikha ng dilim sapagkat naroroon pa ang kamangmangan.
Ngunit lumilikha upang mahantad ang liwanag sapagkat sa bawat bunga ng inyong ginawa ay mayroon ng sa inyo'y babalik. Lumilikha ng mabuti sapagkat kayo'y bahagi ng Diyos. Ngunit nang dahil sa kalagayan ng pagiging salat sa kaalaman sa tunay na buhay, ang kamangmangan ang namamaibabaw na ang inihahantad ay ang kanyang ipinagkakasala.
Na, doon ay hindi maaaring hindi may maging pananagutan pagdating ng araw. Samakatuwid, kung ang lahat ng ito ay inyong tatanggapin, mula ngayon na nadama ninyong kayo'y nabubuksan bilang mga anak ng Diyos lilikha kayo ng mga bagay, ng mga gawa at mga landas na ang inyong mararating ang kaharian ng Diyos na ang daladala, ang karunungan at pag-ibig sapagkat iyan ang sangkap upang kayo'y makarating sa kaharian ng mga langit.
Hanggan dito at maghari sa lahat at bawat isa ang dakilang pagibig at kapayapaan mula sa Ama at sa Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Ako ang sa inyo ay gumabay na nag-iiwan ng aking pagibig. Paalam, Moises.
Lunduyan El Espiritismo
1977-08-24, FVA
Ang kapayapaan ang siyang bati at ang biyaya mula sa Diyos Ama at sa ating HesuKristo ang siyang magbigay sa kanyang sarili nang dahil sa kasalanan upang kayo ay iligtas.
Sinabi ni Hesus, na magsiyao sa sanglibutan at ipangaral ang Ebanghelyo at gawin ninyo na alagad ng lahat ng bansa at siyang bendisyonan hanggang sa katapusan. Ang lahat ng mga bagay ay ating ginagampanan nang dahil sa Ebanghelyo upang kami ay makasama at makabahagi. Hindi baga ninyo nalalaman na ang tumatakbo sa takbuhan ay nagsisitakbong lahat, ngunit isa lamang ang nagtatamo ng gantimpala.
Magsitakbo kayo at gumawa, upang kayo ay magsipagtamo ng gantimpala. Ang bawat tao ay nakikipaglaban sa palaruan, ay mapagtiis sa lahat ng mga bagay upang siya ay magkamit ng putong na mayroon pagkasira.
Ngunit kayo na walang pagkasira, gaya ng ipinahayag ni San Pablo sa Taga-Korinto, “Sa ganitong paraan ako ay tatakbo na hindi gaya ng nakikipagsapalaran, sa ganitong paraan ako ay susuntok na hindi gaya sa hangin, at aking inihahampas ang aking katawan at aking sinusupil sa pagpangaral sa iba, na ako man ay isang lingkod.”
Kaya nga at ang sinoman na nag-iisip na siya ay nakatayo ay mag-iingat at huwag siyang labis na magtiwala sa sarili at baka siya mabuwal sapagkat hindi dumarating sa sinoman ang tukso na hindi makakayang tiisin, ngunit ang Diyos ay tapat na hindi idudulot na kayo ay tuksuhin na hindi makakaya at kalakip ang tukso upang ang tukso ay matiis.
Huwag sabihin ng sinoman, ako ay tinutukso ng Diyos, sapagkat ang Diyos, kailanman ay Diyos at hindi tumutukso sa tao at lalong siya ay hindi nanunukso sa sinoman. Hindi baga ninyo nalalaman ang saro ng pagpapala ay akin pinagpala, at ang tinapay na aking pinagputol-putol, hindi baga ito ang pagkakaisa ng katawan ni Cristo?
Ang tunay na putong ng buhay
Ang bawat tao na nagnanais na makasalo sa paaralan ng buhay, ay nagtitiis ng maraming mga bagay upang mahayag sa kanyang katauhan ang tunay na putong ng buhay. Ang aking sinasabi ang mga hain baga sa mga Diyos-diyosan ay may kabuluhan o ang Diyos-diyosan ay may kabuluhan?
Subalit aking sinasabi mga iniibig, na lahat ng mga bagay na ginagawa ng hentil ay kanyang inihahain sa mga demonyo at hindi sa Diyos at hindi naming ibig na kayo ay magkaroon ng pakikipag-isa sa mga demonyo sapagkat hindi maaaring makisalo sa dulang ng Panginoon at sa dulang na mga demonyo.
Kaya’t huwag ninyong tignan ang inyong mga sarili kungdi ang sa nakararami na gaya naming na hindi naming tinitignan ang aming sariling kapakanan kungdi ang sa lahat upang ang lahat ay mangaligtas, upang ang sinoman magnanais na umibig sa buhay ay magtigil ang kanyang dila sa kasamaan at ang inyong mga labi ay huwag magsalita ng masama.
Hanapin ninyo ang katuruan, talikdan ang kasamaan, hanapin ang mabuti at hanapin ang kapayapaan, at ito ay susundin, huwag ang masama ay gantihan ng masama. Ang alipusta ay aalipustahin, kungdi gantihan at pagpalain sapagkat ang Panginoon, ang kanyang paningin ay sa matwid, at ang kanyang pandinig ay nasa matwid. Ang wika ng Panginoon, ay laban sa paggawa ng kasamaan.
Kaya nga iniibig, huwag kayong mangatakot at huwag manlupaypay, yaman tinanggap ninyo ang putong ng buhay, sapagka’t sino ang aapi sa inyo kung kayo ay mapagmalasakit sa mabuti?
Sa katapus-tapusan, mga pinak-iibig magkaisa kayo ng akala, mabuklod kayo ng iisang tali ng pag-ibig at mamuhay kayo sa kapayapaan na patungkol sa Panginoon. Sa alinman bagay na inyong gagawin, ay gawin sa ating Panginoon HesuKristo ngayon at kailanman.
Sumainyo muli ang kapayapaan at ako ay nagpapaalam, ang inyong kapatid sa iisang Diyos na buhay.
Moises

Comments
Post a Comment