1980, Koleksyon - Maria Magdalena

 

 

 

 

 

 

1980-04-02, FH

Ang banal na pagpapala ang siyang iniiwan ko sa puso at diwa ng lahat at bawat isa!

Mga minamahal na mag-aaral na malaon nang nagsisikhay ng ikabubusog ng kanilang mga diwa, naririto kayo upang humanap ng katiwasayan ng buhay, upang sumandaling lisanin ang inyo-inyong mga tahanan. Sa pagpasok sa loob ng paaralang ito, sumandaling iniwan sa isang sulok ng paaralang ito ang inyong mga pang araw-araw ng gawain upang maging matatag kayo sa oras ng inyong pag-aaral.

Naririto sa inyong harapan ang lahat ng inyo-inyong mga tagasubaybay sapagkat kayo ay pinili upang alalayan ang lahat at bawat isa, kung kayo nga ay natutukso sa oras ng inyong panunuparan. Sapagkat ang mga tuksong iyan ay biglang papasok upang kayo ay suwagin. Dapat ninyong ganapin sa mga sandali ng inyong pag-aaral ang inyong mga natutunan.

Kung naaabot lamang ninyong magkakapatid ang isang matarik na gulod kung saan kinakausap ko ang inyong Guro, ay marahil kayo ay maghihinagpis habang kayo ay umaasam ng matamis ng dulot niyan.

Ngunit kung kayo lamang ay maalam tumanggap ng kabiguan na habang tinatalaktak ay nakangiti ang inyong mga labi at hindi bumibigkas na kayo ay nahihirapan kung hindi bagkus maipadama na kayo ay isang mag-aaral na maalam sumunod sa dinaanan ng Dakilang Guro.

Mga minamahal na kapatid, sino sa inyo ang hindi maalam tumanggap ng kirot na dumarating sa kanyang buhay? Papaano ninyo magagampanan ang mga pagsubok na hindi kailanman dumarating? Nakalimutan baga ninyo kung sino kayo, kung bakit kayo naririto sa sandaigdigang ito?

Mga minamahal na kapatid, magpuri kayo at magpasalamat sapagkat ipinadarama sa inyo na ang inyong mga panaghoy ay dinidinig ng kaitaasan upang inyong suungin ang lahat ng misyon ng inyong buhay hanggang kayo ay mayroon kamang na maikakampay, magpakatapat kayo sapagkat kayo kailanman ay hindi pinabayaan ng kaitaasan.

Marahil, kung kayo lamang ang dumanas ng aking dinanas, marahil kayo ay tuluyan nang tatalikod sa inyo-inyong mga tungkuling gagampanan. Naging malakas ang aking sarili sa mga sandaling kaligayahan, sumandali ang marubdob kong hangarin, ang lumasap ng walang hanggang kaligayahan.

Subalit ang lahat ng ito ay nauwi sa wala, nagisnan kong ako ay inuusig ng aking budhi, na ako pala ay isang babaeng makasalanan. Ipinagkaloob ang aking pagkababae sa mga kalalakihan, limpak-limpak na lumalasap ng kasaganaan sa buhay.

Nadama ko ang lahat ng iyan at ako ay inantig sa aking pagtulog. Ganoon pala, ang madilim ay pinag-uusig at hindi napali at totoong ako ay tumawag sa Dakilang Panginoon kung papaano ako maipakikita ang aking pagsisisi. At ngayon, hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin ang mabigat na aking nagawang mg kasalanan. Kahiman at ang Diyos ay marunong magpatawad, nadarama ko sa aking sarili na ako ay isang babaeng marumi, ang lahat ng pagkakilala sa akin ng mga tao.

At kayo, mga minamahal na kapatid, magpakatibay, huwag kayong padadaig sa isang tukso na lagi nang naka-alalay sa inyo. Kailanman ay huwag kayong makakalimot na mayroong isang Amang Makapangyarihan sa lahat.

Hinahangad ko sa aking mga kapatid na isalalay ang kanilang mga diwa upang kamtin ang pagkain ng buhay, ang lahat at bawat isa sa inyo ay isalalay ang diwa upang huwag kayong madala ng mga tukso sa oras ng inyong panunuparan.

Ang kapayapaan ang sumainyo at inilalalagak ko, paalam, Maria Magdalena.

 

 


Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia