1980, LVS, Koleksyon-Apostol Pablo

  

 

 

 

 

 

 

 

1977-11-06

Ang taong walang pagkakilala ay magpapabalik-balik ng matagal na panahon

Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang ganap na kapayapaan ngayon.

Mga iniibig na kabig ng Dakilang Panginoon, mga mag-aaral na nagnanasang iwanan ang inyong mga tahanan at hanapin ang karagdagan ng sanglibutan, mapapalad kayo na sa mga ganitong pagkakataon ay binibigyan ninyo ng halaga ang inyong mga sarili.

Iniwanan ang tahanan at nabibigkis kayo sa isang katotohanan sapagka’t ang tao kung walang pag-aaral ay wala ng pagkasulong, ang kanilang mga buhay. Kaya sinabi ng nakaraang namamahayag, ang taong walang pagkakilala ay magpapabalik-balik ng matagal na panahon.

Di katulad ng mag-aaral na nagkakaroon ng pagkasulong, at ito ay nadadama kung kayo ay nakagawa ng hiwalay sa inyong pag-aaral, hindi baga ang inyong mga sarili ay inu-ukilkil ng pagsisisi at dinadampulayan ng kabatlayaan at nagugunita ang ganitong pagkakataon, inaakay ang inyong kaluluwa at pagkatapos ay kayo ay nadadapa.

Mga iniibig na kapatid, sinabi, mahalaga ang pag-aaral sapagkat hindi kailangan ang iba pang mga kapatid ang magpagunita, kundi sa sarili, kung papaano itindig ang dakilang simulain.

Magpatuloy kayo mga iniibig na kapatid, at huwag magsasawang hanapin ang lalo at lalong kadakilaan at kung papaano kayo mag-aaral at natututo, ay lalong lalawak ang pag-aaral, kung siya ay lalong gumagawa.

Ito lamang ang aking maitutulong sapagkat marami ang mga kapatid ang kailangan maghandog ng mga butil na kanilang pag-aaral.

Kapayapaan ngayon at magpakailanman, paalam….


1977-10-26

Saganain kayo sa dakilang pagpapala ng mga langit, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga pinakaiibig, sagana ang mga sandali sa mga dakilang aralin sapagkat ang mga kaluluwa ay panayang naghahayag kung papaano makatutupad sa kanyang pag-aaral, kung papaano nagkaroon ng isang dakilang pananamapalatay upang maging dapat sa layunin.

At kayo na mag-aaral ng Espiritismo ay nalalaman kung papaano makakatulong sa mga kadakilaan na maihayag ng mga kapatid upang minsan pa ay maliwanagan ang mga kaisipan, at magkaroon ng tanglaw at matagpuan ang liwanag.

Mga kapatid, magpatuloy kayong tumutulong hindi man sa sangkapatagan kungdi sa lahat, sapagkat kung papaano ang paghangad  ng may laman na magkaroon ng liwanag, gayon din ang mga kaluluwa ay nauuhaw sa liwanag, at maging ganap.  

Hanggang dito ako at inaasahan ko ang pagpapala ng isag Ama at maging ganap.

-o0o-

1977-10-12

Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman.

Mga iniibig na kapatid, hanggang saan ang lalim na kinadoroonan ng ugat ng pagkakilala sa inyong pagkatao? Gaano katibay ang inyong pananalig sa isang dakilang Manlilikha, dakilang Kapangyarihan na siyang hantungan ng lahat ng kadakilaan ng tao sa kapatagang-lupa?

Bakit nagkakaroon ng mga nilikhang pinag-aalinlanganan ang isang katotohanang mayroong isang Diyos? At bakit mayroong mga nilikha ang nagiging pulot-gata ng mga labi ang mga pagdalangin sa Diyos?

Isang makapangyarihan na humihigop upang tuklasin ang mga bagay na kanilang hahagdanin upang kanilang madama at mahayag na ang Diyos ay punong-puno ng pag-ibig. 

Ang pag-ibig baga ng Dakilang Manlilikha ay nauunawaan ng bawat isa sa aking mga kapatid na ito ay pantay-pantay anoman ang antas ng pagkatao sa kapatagang-lupa, at nauunawaan ang lahat ng pinagpupunyagian ay dahil ang pagkakilala na may higit na tumatanglaw sa inyong pagkatao?

Hindi kayo magsasawa kailanman sa mga pagkaing inihahatid sa inyo na nula sa kabatlayaan. Bibigyan ninyo ng magandang pahalaga ang lahat ng mga bagay na mayroong kaugnayan sa inyong pagkakilala ngunit hindi ko sinasabi ang pag-ibig at paglilingkod ng mga tao sa kanyang kapwa ay may hangganan, at hindi nga, sapagkat kung nauunawaan ng isang nilikha ang kanyang kaligtasan ay nasasalayalay sa paninindigan ng maraming nilikha.

Mga pinakaiibig na mga mag-aaral, gawin ninyo ang mga bagay at ihanda ninyo na makapaglingkod sa inyong mga sarili, at makapaglingkod din kayo sa inyong mga kapatid, at kung madama ang sariling tibukin, hindi baga ninyo panghihinayangan ang maikling sandali at panahon?

Mga iniibig na kapatid, magpapatuloy kayo ng inyong pakikipag-aral at ako ay maghahatid ng isang kapayapaan at kaliwanagan ng pag-iisip sa bawat isa kung handa ang inyong damdamin sa isang kapayapaan at doon ninyo madadama ang hilahis ng kabatlayaan. Uulit-ulitin ko na magkaroon ng tatag pa paninindigan sa lahat at bawat isa at sa lahat ng panahon.

Iyan ang iiwan ko, maghari ang ganap na kapayapaan at mahigpit na tali ng pag-iibigan ang sumainyo ngayon at magpakailanman, paalam.

 

1977-04-08

Pagpalain kayo, kayong mga hinirang sa ibabaw ng lupa!

Paulit-ulit ang paggunita ng sangkatauhan sa dakilang kasaysayan ng Mananakop. Ang kasaysayan ng Guro ay kasaysayan ng lahat at bawat isa sa inyo, ng katauhan. Ang kasaysayang ito ay maaaring dalhin sa lahat ng kapanahunan at antas ng karunungan ng tao.

Ang kasaysayang ito ay maaaring i-agapay sa lahat ng mga kaugalian ng taong nabubuhay sa balat ng lupa at ito ay maaari ring ihambing at makitunggali sa mabilis na takbo ng kabihasnan ang kasaysayan ng Dakilang Guro na inyong paulit-ulit na ginuguinita ay kasaysayang nagbabalik upang maranasan ng bawat isa sa inyong nabubuhay sa balat ng lupa na kayo at ang Mananakop ay hindi magkalayo, sapagka't ang Dakilang Mesiyas ay hindi nilikhang tangi, pagka't ang kanyang ginawa ay magagawa ninyo at ang kanyang sinapit ay sasapitin din ng lahat at bawa't isa sa inyo.

Ngunit ang inyong paggunita sa Dakilang Mananakop ay hindi ninyo maaaring maitampok, hindi ninyo maaaring bigyan ng lubos na pagdakila sa inyong pagkatao, kung ihihiwalay ninyo sa inyong gunita ang kabanalan at alamat ng kanyang pagsilang sa maliwanag bilang isang Hesus.

Mga iniibig na kapatid, buhat sa angkan ni David, ang Patriarka Jose na naging ama ng dakilang Sanggol na Kabanalan na sumilang sa sabsaban na tinatawag ninyong isang anluwage. Ang Patriarka Jose na hindi lamang sumusukat sa bawat kaalaman na kanyang naabot, kung hindi sa bawat galaw ng kanyang mga bisig, sa bawat kaalaman na maaaring ibinhi sa kanyang mga bunso at sa kanyang paligid, sa kanyang naabot na karunungan sa ikatatatag ng isang kapamahayang kanyang uugitan, sa ikagaganda ng isang tahanang siya ang magiging pangulo.

Ang kanyang minamahal na Ina, ang Birheng Maria, na isang manghahabi sang-ayon sa Kasulatan, ay isang butihing ina na hindi natatakot sumalasa sa maraming gabi ng Kanyang pagpupuyat; sa pangangalaga ng kanyang Dakilang bunso, sa paghubog sa kanyang magandang kaugalian, sa paghabi ng magandang damit na kanyang isusuot sa minamahal na anak, isang pananamit na buhat sa kamusmusan ay maaaring dalhin hanggang sa Siya ay mag-iwan ng katawang-laman.

Ito ang damit ng kabaitan, mga iniibig na kapatid, larawan ng mga ina na mayroon ng mga bunso na sa bawat pag-alo sa kanyang mga anak ay walang inia-ambil kung hindi ang magandang tinig ng awitin ng kabaitan at kagandahang-ugali.

Sapagkat kung ang ibibinhi ninyo sa inyong mga anak ay ang kalayawan at ang malabis na pagkagumon sa banig ng bisyo, o dili kaya ay maaari ninyong ibayad ang inyong mga pagpapagal at pagpupuyat upang magkaroon lamang ng kaginhawahan ang inyong sarili.

Mga kapatid, ano ang magiging kahihinatnan ng inyong mga minamahal na bunso, kung hindi sila ay magiging malaking alalahanin ng inyong pagkatao? Sila ay magiging kasakitan ng inyong kalooban sapagkat ang ibig ninyong hubugin sa kanilang pag-uugali ay hindi ninyo magawa.

Sapagkat hiwalay sila sa inyo at ang daloy ng pag-ibig na bumibigkis sa magulang at anak ay hindi matatamo ng sinumang nilikha, ng sinumang bunso at magulang na hindi nag-aabot ang kanilang mga damdamin, hindi nabibigkis ng walang hanggang pagmamahalan sa isa at isa. Ang larawan ng inyong Mahal na Birhen sa Kasulatan at Ina ng dakilang Guro na ina-alaala sa kasalukuyan ay isang larawan ng kawalan ng bahid-dungis sa kanyang pagkatao.

Ibig kong ipagunita sa inyo, mga iniibig na kapatid, na ang mga titik na inyong natutunghayan sa Banal na Aklat ay maaaring mamatay, sapagkat ibig kong malaman ninyo na ang diwa ay lagi nang nagbibigay-buhay sa bawat mga kataga na inyong matutunghayan sa pagkasilang na ito ng Dakilang Mesiyas.

Ibig kong tawagan din ng pansin ang lahat at bawat isa sa inyo, mga iniibig na kapatid, kayong nananangan sa inyong tinatawag na karunungan na hatid ng mga pagsasaliksik na nadadama, ng mga bagay na nililisa ng isipan ng mga tao, ibig kong huwag kayong manangan sa mga bagay ng materya sapagkat nalalaman ninyong ang lahat ng mga bagay na ito ay maaring lumipas, mawala, at ang mananatili magpakailanman ay ang diwa.

Dahil dito, mga iniibig na kapatid, isasa alang-alang ninyo ang mga pangyayaring naganap sa Bethlehem kung kailan kinailangan ang pagsasandugo ng isang ama at ng isang ina upang malikha ang katawang-laman ng isang tao.

Sinasabi ko sa inyo, mga iniibig na kapatid, na ang kabuhayan ng Dakilang Hesus ay naiiba sa kabuhayn ninyong mga tao sapagka't mayroon kayo ng mga magulang at lipos kayo sa maliwanag at nanggaling kayo sa sinapupunan ng inyong ina.

Sinasabi ng Banal na Kasulatan na ang ina ay nagdalang-tao at ito ay anak ng Espiritu Santo, na nagbigay ng pag-aalinlangan sa diwa ng materyalista. Ibig kong ihatid sa inyo sa mapalad na hapong ito ang mga kaugalian ng mga panahong yaon, kung kailan ang mga katayuan ng bawat tao sa panahon ng Dakilang Hesus ay nagtatalik upang hanapin ang tunay na liwanag sa kanilang pagkatao.

Sapagkat noon ay naghahari sa kanila ang isang paniniwala katulad ng pangunang paniniwala ninyong mga taong nabubuhay sa balat ng lupa, na ang inyong mga pananampalatayang mga relihiyon ay mayroon ng kani-kanyang mga alituntunin na sinusunod.

Noon, nga mga kapatid, palibhasa ay kinikilalang guro at pinamatalino ang inyong tinatawag na Jose, siya ay taga-akay at naging puno ng mga nilikha sa dakong yaon. Tinawag siyang "rabbi," tinawag siyang hari, tinawag siyang guro, sapagkat siya ay mayroon ng angking katalinuhan.

Ang kanyang minumutyang kabiyak, si Maria, ay mayroon ng pamagat na "birhen" sa kanilang sambahan sapagkat ang kanilang paniniwala noon, kahit na makapagluwal ng sanggol ang isang birhen, palibhasa ay kabiyak ng pangunang magiting na tao sa kanilang lipunan, siya ay mananatili sa kanyang pagkabirhen, katulad ng pananatili ng inyong minamahal na pangulo at pagdakila sa kanyang kabiyak sa buhay.

Kahit na siya magluwal ng maraming bunso, hangga't hindi pa siya nakapagluluwal na anak na lalaki, sa kanilang paniniwala ay birhen pa rin ang kabiyak ng kanilang puno, nang panahong yaon. Kaya nga sinasabi ninyo, at natutunghayan, na ang Birheng Maria sa kanyang pagluwal ng sanggol ay isang birhen, iyan ay matatanggap ng katalinuhan ng bait ng bawa't taong nakaa-alam ng kaugalian ng panahon ng Mananakop.

Kunin naman ninyo sa diwa ang, "Anak ng Espiritu Santo." Ang karunungan ng tao sa balat ng lupa ay nag-uulat na mayroon ng mga bunsong maaaring mailagay sa sinapupunan ng isang ina na hindi madudungisan ang kanyang puri.

Alalaong-baga ay hindi nagkakaroon ng kabiyak ng puso, at ito ay natatanggap na siyensya ng tao, nagdaraan ito sa kanilang mga pagsusuri, at kung magkakagayon, mga kapatid, matatanggap ninyo na hindi maliwag na ang isang angkan na mayroon ng mga banal na pinagwagiang alitigtigin sa kanilang pagkatao ay makapagbinhi sa kanilang sinapupunan ng isang dakilang sanggol, na hindi na kinakailangang madungisan ang puri ng bawa' isa sa kanila, ang pagkatao ng Mahal ng Birhen, upang iluwal ang dakilang sanggol na ito ng kabanalan sa kanyang sinapupunan.

Hindi baga matatanggap ng inyong bait, mga kapatid, at ito baga ay makagugulo sa inyong mga isipan, makapagpapabawas baga sa kadakilaan ng inyong pagsamba sa Dakilang Guro ang Kanyang pagkaluwal sa maliwanag, sa mga katagang ito ay anak ng Espiritu Santo at hindi anak ng inyong Patriarka Jose?

Mga kapatid, kayong tumatalakay sa diwa, kayong nananangan sa mga bagay na hindi nakikita at nadadama, kayong hindi makagagambala sa inyong diwa at hindi kayo matitisod sa ganitong mga kataga na inyong naririnig at natutunghayan sa Banal na Aklat, sapagkat walang nangyayari na hindi karapat-dapat mangyari sa isang nilikha, lalong lalo pa kung ito aysa ikatutupad ng isang dakilang misyon alang-alang sa ika-aangat at ika-uunlad ng sangkatauhan.

Mga kapatid na mag-aaral at kumakadlo sa dakilang batisang ito ng karunungang lihim, ang Mananakop, sa Kanyang pagkaHesus, ay lumaki at nahubog sa isang magandang palihan ng kabaitan, ng karunungan at pag-ibig na walang maliw.

Sa Kanyang pakikitalad sa maraming pagpapakasakit at kabuhayang Kanyang dinanas at maraming mga pagsasanay na kanyang natamo ay humantong siya sa isang pagpapakasakit na inyong ginugunita sa kasalukuyan.

Maiino ninyo na hindi lamang ang mga kataga na Kanyang binanggit sa ituktok ng bundok ang nilalaman ng ebanghelyo ng Kanyang buhay. Mayroong mga tagpo sa Kanyang buhay na maaaring makatawag ng inyong pansin, tulad ng lagi nang pagsabat sa Kanyang katauhan ng mga karanasang paulit-ulit ay nagaganap sa Kanyang buhay.

Ang bilang ng tatlo ay laginang kasaliw ng mga pangyayari sa Kanyang buhay. Ang bilang ng tatlo ay lagi nang kasaliw sa Kanyang mga karanasan, sa Kanyang mga kahirapan. Kung natatandaan ninyo, mga kapatid, siya ang ikatlo sa kanilang pamilya. 

Ang bilang ng 3 ay kasaliw nang Siya ay ipagkanulo ng Kanyang alagad, nang Siya ay hatiran sa mga hukom, nang Siya ay pahiran ng birang sa Kanyang mukha, na ang tatlong larawan ay nakintal noon. Makailang ulit Siyang nasubasob? Tatlong beses, na hila-hila Niya ang krus.

Tatlo, ang ibig sabihin mga kapatid, tatlo sa bilangan, pag-iisip, damdamin ng isang kaluluwa. Tatlo, pag-iisip na kadamdaman ng espiritu at peri-espiritung bumubuo sa isang tao. Tatlo, mga karunungan, kabanalan, pag-ibig na siyang nakapupuno sa Kanyang pagkatao sa pagganap ng dula ng buhay na inilarawan sa kasaysayan na inyong natutunghan.

Ano pa at ang bilang na ito ay mayroon ng lihim sa Kanyang pagkatao. Pagkatapos ng ganap na ikatatlo nang Siya ay mag-iwan ng Kanyang bihisang-laman. Nang Siya ay namatay, 33ang kanyang gulang. Nang siya ay ipinagkanulo ng Kanyang minamahal na alagad ay sa halagang 30 putol ng pilak.

Ang mga ito ay tanda na ang bilang na ito ay kailanganin ng bawat isa sa atin. Ang pagkaka-agapay ng tatlo at tatlo na siyang kabuuan ng taon ng Kanyang pagsilang sa balat ng lupa ay palatandaan ng isang karunungan, kahayagan ng isang kaalamang maliban ang isang diwa.

Sa Kanyang unang tatlo na binubuo ng tatlong sagisag na Kanyang kaluluwa, malibang mapisan ang isang diwa sa isang kapatagang-lupa ay hindi maaaring matagpos ang maiinam na balakin ng isang diwa, kung mananatili lamang ito sa Kanyang bayan.


Ang pagkatapos ng lahat ng mga alagatain ng isang diwa na binabalangkas sa kaitaasan ng Kanyang bayan ng magagandang alagatain ng isang diwa, ay hindi magkakaroon ng kaganapan kung hindi siya mabubuhay sa isang katawang-laman at makikitalad sa balat ng lupa.

Pagkatapos na siya ay mabuhay, pagkatapos na siya ay makitalad at dumanas ng maraming mga danasin, maging ito ay mapait o matamis, maging ito ay nagdudulot ng kaligayahan o kasiphayuan, kabiguan o pananagumpay.

Matapos na ang tao ay makatupad ng kanyang mga tungkulin sa balat ng lupa, ay nag-aagapay ang dalawang tatlong ito, at ito ang kaganapan ng bawa't misyon ng tao, ng bawat diwa, na nanaog sa balat ng lupa.

Mga kapatid, ang Mananakop ai itinaas ng mga Hudyo sa ituktok ng bundok, ipinamalas sa Kanya ang kalawakan ng sanglibutan, ini-alok sa Kanya ang napakaraming kayamanan sa daigdig, ngunit ang Dakilang Mananakop ay tumugon, "Satanas, humayo ka sapagkat nasusulat, ang sasambahin ko ay ang akin lamang Diyos!"

Kaya sa gayon ay walang nagawa ang mga Hudyo na sa Kanya ay nag-aalok. Ibig lamang ipakilala, mga iniibig na kapatid, na ang sinumang nilikha na mayroon ng matibay na pananampalataya sa kanyang sarili at nakatagpos na sa lahat ng mga pagsubok sa buhay na iyan, na alalaong-baga ay naka-angat na buhat sa kababaan ng kanyang tinatawag na pagbabayad-utang at siya ay nakatagpos sa kanyang tungkulinbilang paglilikom sa lahat ng mga kasanalan.

Sa lahat ng kamalian at kamangmangan ng kanyang mga kapatid, siya ay hindi na muling mahuhulog gaano man ang pag-aalok ng kanyang mga paligid, gaano man ang pag-uyam sa kanya at pag-alipusta ng kanyang mga kapwa.

Mga kapatid, ang kalakhan ng sanglibutan ay napakaliit para sa isang nilikhang hari ng mga hari, hari ng mga karunungan at kabaitan at pag-ibig sa balat ng lupa, sapagkat ang isang banal na diwa ay sumasakop, buhat sa kailaliman, sa ibabaw at sa kaitaasan ng sangkalakhan, ng sangnilikha.


Sapagkat ang ina-alagata niya ay ang pagkasulong at pagka-unlad ng mga nilikha buhat sa ilalim ng lupa, hanggang sa himpapawid, maaaring maabot ng kanyang mga mata, maaaring masaklaw ng kanyang damdamin, at ito ay tumutukoy pa rin sa lahat ng buntala, sa kutitap ng mga bituin na inyong tinitingala sa dilim ng gabi.

Mga kapatid, ito ay tanda na nagpapakilalang ang bangko na kanyang inupuan ay napakaliit, kapos na kapos sa harap ng kabanalan na taglay at kaangkinan ng kanyang sarili. Ini-upo siya sa isang bangkong kahapos-hapos, maliit upang pamahalaan at sakupin ng dakilang Anak ng Tao ang ika-uunlad ng bawat isang nilikha na nabuhay at naghangad ng kanyang pagka-angat at pagka-unlad.

Sa labingdalawang nga alagad, mga kapatid, na katayuan ng bawat manunuparan ng utos ng Dilikha, ay mayroon pa rin ng alagad na nagnanasang magbili sa kanya sa 30 putol ng pilak, at ito ay si Hudas Eskariote.

Nang mga panahong yaon ay lagi siyang nakaririnig ng mga aralin ni Hesus, gayunpaman ay nagkaroon ng damdamin ang kanyang alagad na siya ay ipagkanulo, na siya ay ipagbili, sapagkat nagbabalik sa kanyang damdamin ang isang paghahangad sa layaw at kaginhawahan sa buhay.

Nagsasawa na rin siya sa maraming mga pagpapakasakit, kaya at sa alok ng isang saserdote na sa halagang 30 putol na pilak na magiging kapalit ng kanyang kaginhawahan, sapagkat mabibili niya ang lahat ng kanyang maibig, sa alok ng kamangmangan ng mga tao sa naipong paulit-ulit na mumunting kabanalang naipon sa kanyang pagkatao na narinig sa kanyang Panginoon, ang kanyang naipon ay naiwaldas, ipinagpalit ng Hudas na iyan ang kanyang naipong bait sa taginting ng pilak.

Hindi baga ito nangyayari sa inyo, mga iniibig na kapatid? Hindi baga ninyo nararamdaman na paminsan-minsan at kadalasan ay natatakpan ang inyong mga paningin ng kislap ng ginto?

Naipagpalit ninyo ang kagandahan ng mga aralin ng kabanalan sa isang saglit ng ligaya sa buhay na iyan. Ganyan din ang naging katayuan ng dakilang Hudas na yaon, na sa kaibigan niyang nagbalik ang laya at layaw ng kanyang mga minamahal, na sa akala niya ay mabibigayn ng lalong kaligayahan kung matutubos sa pagka-alipin ang kanyang mga minamahal, ay nasilaw ang kanyang mga mata sa kislap ng pilak na ito.

Upang pagkatapos ay matagpuan niyang bigo ang kanyang hangarin sapagka't sa bawa't taginting ng pilak sa kanyang mga palad, ang naririnig niya ay mga matutulis na punglo na bumabaon sa kanyang puso.

Sapagkat ang init ng putol ng pilak sa kanyang mga kamay ay apoy na tumutupok sa kanyang damdamin at ito ay nagdudulot sa kanya ng lalong kabalisahan at pagsurot sa kanyang budhi, tandang nagpapakilala, mga kapatid na ang kapayapaan ng tao, ang kaligayahan ng tao, ang kasiyahan ng kanyang sarili at ang kabanalan ng katauhan ay hindi maaaring bilhin ng salapi.

Hindi, mga iniibig na kapatid, manapa ay ito ang tutupok sa kaligayahan, ito ang magwawasak ng inyong magagandand alalahanin, na mga magagandang balakin ng inyong kaluluwa. Kaya at sa pangyayaring naganap kay Hudas ay nasumpungan niya ang lalong kasakit-sakit sa kanyang buhay, hanggang sa siya ay naka-isip magpatiwakal.

Mga kapatid, iyan ang larawan ng bawat isang nilikha na nabubuhay sa kapatagang ito. Hindi lamang ang mga karanasang sinapit ng Dakilang Guro ang larawan ng bawat isa sa inyo, kung hindi ang bawat alagad na sumusunod sa kanyang mga batas ay laginang kaakibat ng mga pagsubok sa lahat ng sandali.

Kaya at habang ang tao ay napapaloob sa bilog ng inyong tinatawag na kapalaran, sa inyong mga diwa ay ng karma ng inyong natatamo ang bawat ganti ng inyong mga galawin, na nagbabalik sa inyo ang bawat igkas na inyong pinaniniwalaan, maging ito ay masama o mabuti, ang tao ay hindi maaaring makaligtas sa hibo ng kalansing ng pilak, sa hibo ng tukso ng inyong mga paligid.

Kaya kailangan, mga iniibig na kapatid, lalo pa kayong nakabanaag ng liwang ng katotohanan, kung gaano kalaki ang inyong kinakailangang pag-iingat, kung gaano kalaki ang nararapat ng puhunanin ng bawat isa sa inyo, sapagkat laginang naka-abang sa inyo ang sundalo na laginang pakikidigmaan, lagi ninyong pakikitunggalian sa lahat ng sandali, at iyan ay kaakibat ng inyong pagkatao, iyan ang damdaming mapag-imbot, iyan ang mga damdaming makukutim ng tao.

Habang ang tao ay nagnanasang maka-akyat sa ituktok ng Kalbaryo ng pananagumpay, habang siya ay nagpapakabuti, hindi siya ligtas sapagkat napakahirap nang umakyat, mabilis ang pagkabulusok at lagi nang kailangan ang matitibay na bisig upang kayo ay makapangunyapit sa matutulis na bato ng mga kasakitan, ng mga pag-upasala at pag-uusig ng inyong mga kapatid.

Mga iniibig na kapatid, sa maraming tagpo na nagaganap sa buhay ng Mananakop, sa inyong pagdidili-dili ay ibabaki ninyo sa kalagayan ng bawat isa. Ang wika ko ay nasusulat sa Banal na Aklat , "Higit sa aking ginawa ay gagawin ninyo," sapagkat ang Mananakop ay hindi nilikhang tangi sapagka't kung magkagayon ay mawawasak ang katarungan ng Dilikha, at ang magwawasak ay ang karunungan ng tao. Kailangan ninyo ang magpakatalino, mga kapatid.

Sa ibabaw ng lahat ay kailangan ninyong malaman na ang karunungan ng Diyos ay kinakailangang mangibabaw sa karunungan ng mga tao. Ang kaligtasan ay matatamo ng tao sa pamamagitan ng mataimtim na pananampalataya at ang pananampalataya ay nakakamit ng tao sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan.

Hindi ninyo ito mabubulaanan, mga kapatid, sapagkat sa sandali na maramdaman ninyo ng mayroon ng isang alitigtigin kayo, isang alitigtiging naghahanap, isang alitigtiging nagnanasang tumuklas, isang alitigtiging hindi matahimik sa inyo hangga't hindi ninyo natatagpuan ang katiwasayan ng inyong budhi, nagnanasang magbagong-buhay, iyan ay talsik ng liwanag na sumasainyong mga tao, kayong mga mananampalataya sa iisang Diyos.

Sinakop ng Mananako ang lahat ng mga karunungan, ang lahat ng mga relihiyon sa daigdig, sapagkat ang ipanalaganap Niya ang pag-ibig na walang pagtatangi, sapagkat ang sinasamaba Niya ang Diyos sa Kanyang pagka-Espiritu at katotohanan, samantalang ang ibinabandila at inilalako na kaligtasan ng mga relihiyon ay kaligtasang nabibili ng salapi ng tao.

Nalalaman ninyo, mga kapatid, na ito ay salat sa katotohanan, sapagkat ang alinmang bagay ng inilalako ay hindi totoo. Ang totoo ay yaong hindi natin nadadama, yaong walang kulay at walang hugis, yaong nabubuhay magpakailanman.

Kung magkakagayon, mga iniibig na kapatid, kayong kumadlo sa batisan ng karunungan, kayong lagina ay nakiki-ugnay sa kabatlayaan, mananatili sa inyo ang buhay ng Mananakop.

Paulit-ulit ninyong dadalitin upang sariwain sa inyong alaala na kayo ay mananampalataya, dumadakila at sumasamba sa Kanya sa pagka-Espiritu at katotohanan, nahahandang sumunod sa Kanyang mga yapak.

Ngunit lagi na ay mangangailangan kayo ng talsik ng liwanag buhat sa kaitaasan, lagi na ay mangangailangan kayo ng tinig na susubaybay sa lahat ng sandali sa inyong buhay upang kayo ay hindi maligaw, upang kayo ay hindi madala ng mga tukso sa inyong mga paligid.

"Higit sa aking ginawa ay gagawin ninyo. Sapagkat ako ay kanilang pinag-uusig, kayo man ay pag-uusigin din. Sapagkat ako ay nagpatawad, kayo man ay magpatawad din. Sapagka't ako ay nagparaya sa kanilang paglapastangan sa akin, kung kayo ay lalapastangin, kayo man ay magpaparaya rin, kayo man ay sasambit ng patawad, kayo man ay lilimot sa lahat ng kapaitang nilikha ng inyong kapwa sa inyo."

Sapagkat iyan ang katuparan ng kanyang winika pagkatapos na siya ay dalhin sa ituktok ng bundok. Kayo man ay aakyat din sa ganyang kataasang ng bundok sapagkat ang layunin ng bawat diwang nabuhay sa kapatagang-lupa, sa maraming kapatagan na inyong pakikipagtalaran, ang layon ng diwa ay ang pagka-unlad.

Malibang kayo ay makatagpos sa lahat ng mga pagsubok, makapagbayad kayo ng inyong mga pagkaka-utang at makagawa kayo ng maraming mga kabutihang siyang kaparaanan upang ang tao ay ma-angat at ma-unlad, ay saka pa lamang kayo makararating sa ituktok ng bundok kung saan maririnig ninyo ang dagundong sa inyong dibdib.

Sapagkat gigimbalin ang inyong pagkatao at sa inyng pagdatin sa ituktok ng bundok, nanganga-hulugang kayo ay nagtagumpay sa lahat ng inyong kahinaan. Diyan ninyo maririnig, "Ito ang sinisinta kong anak na lubos kong kinalulugdan.”

Mga kapatid, ito ang ibibigay ko sa inyo sa mapalad na hapong ito upang sariwain sa inyo ang magagandang tagpo sa buhay ng Mananakop, upang ito ay magsilbing pampasigla sa inyong mga nawawalang ng pag-asa, upang lalo kayong pasiglahin, kayong mayroon ng kasiglahan at sakbibi ng pagahangad na makatulong sa inyong mga kapatid.

Para sa inyong mapaghanap ng mga katibayan ng pagmamatuwid, ibig kong maglaro ang inyong diwa, ibig kong mag-aral kayo sa inyong sarili, sa gabi ng inyong pag-iisa, upang maramdaman ninyo ang Mananakop ay nasa inyong piling kailanpaman at Siya ay inyong kakailangangin.

Sapagkat ako, kayo at tayo ay iisa ang kaunawaan, ang dakilang kabanalan, at malasap ang kaligayahan sa piling ng Dakilang Manglilikha na lahat ng bagay, samantalang ngayon, ang ating katayuan sa buhay na ito ay wala pa tayong aasahan. Kailangan pa tayong magsama-samang gumawa.

Tatapusin ko ang aking banghaying ito sa pamamagitan ng paghalina sa lahat at bawat isa sa inyo, hindi lamang sa paggunita at pagdalit sa kasaysayan ng Dakilang Guro, ng Dakilang Mesiyas, kung hindi unti-unti nating sanaying ikampay, isadula at isabuhay ag kabuhayan ng Mananakop sapagkat Siya at tayo ay iisa, iisang larawan sa harap ng Panginoon na umiibig nang walang pagmamaliw sa lahat ng bawat isa sa atin.

Maghari sa inyo ang mahigpit na pag-iibigan sa isa at isa pagkat iyan ang kaparaanan sa ikatatagpo ninyo ng liwanag na susubaybay upan kayo ay makagawa sa ika-uunlad ng kaluluwa. Kapayapaan, kapayapaan, kapayapaan!

1977-02-27

BC

Sa kalooban ng bawat isa sa inyong lahat, mga kapatid, at ang patnubay ng Diyos ay laging sumainyo.

Mga kapatid ko, ang dalangin ko sa inyo mga kapatid, ang pagtupad ng inyong tungkuin, ay may kaganapan sa inyong Ama. Huwag sanang maghari sa inyo ang tungkol sa mga bagay na hindi kanais-nais, sapagkat kapatid, ang Diyos na tumutugaygay sa inyo sa lahat ng inyong gawa, ay alam ninyong lahat ang inyong gawain sa buhay.

Wala kayong maitatago sa Kanya, kaya at sana, huwag mawalan ng kabuluhan ang lahat. Labis sana kayong nakahanda sa pangyayari sa buhay upang sa gayon ang mga pagsubok na dumating sa inyo, ay maharap na may lakas ng loob at maluwag na tanggapin sa kalooban ng Diyos sa pang araw-araw na buhay.

Mga kapatid, ito ang maibibigay ko sa inyo, ang paghahanda tungkol sa inyong kaluluwa, at huwag higit ang kabuhayan sa buhay na ito. Mga kapatid, ito lamang ang maibibigay ko sa inyo at sana ay mabunga ang mga gawa sa mga araw na darating, at hindi mawalan ng katuturan, upang maging ganap ang mga pagtanggap ninyo ng biyaya ng Diyos.

Sa inyong lahat mga kapatid, kapayapaan sa inyong lahat at maghari ang buong katahimikan sa inyong puso, sa loob at labas ng lunduyan. Ang inyong kapatid...

GPL

Saganain ang lahat sa dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang ganap na kapayapaan, ngayon at magpakailanman!

Mga iniibig na kapatid na lagi na naghahangad na matunton ang dakilang landas na dinaanan ng Panginoon upang magbigay ng mga pag-aaral at tungkuling nababaw. Mapapalad kayo mga iniibig na kapatid, sapagkat malakas ang inyong katawang laman, at natagpuan ninyo ang isang simulaing siyang magtuturo ng mga bagay na pag-aaral.

Kung paano maisasagawa ang mga pag-aaral at magpapatuloy ang karagdagan sa ganitong pagkakataon at laging ihanda ang inyong mga sarili upang ang mga batlaya ay hindi mabigo sa pagsasabog ng mga dakilang biyaya ng dakilang Panginoon. Kung papaano naghinhintay na kayo ay bigyan ng pag-aaral at kagamutan, ay gayon din ang kabatlayaan, sa sandaling ito ay naghihintay sa mga kapatid upang ang nagmumula sa kaitaasan ay sumainyo.

Mga mag-aaral ng katuruan, sinasabi kong mapapalad ang ganitong pagkakataon sapagkat iniwan ninyo ang inyong mga tahanan upang makipagtagpo sa kabatlayaan. 

At sa mga sandaling ito, ang biyaya ay magpapatuloy na ibinibigay ng kabatlayaan at kung kayo lamang ay mayroong mga pangmalas ay mamamalas ninyo kung paano ang mga biyaya ng katawang lamang ito na inihuhulog upang ang kagamutan ng katawan-lamang at ng diwa ay matagpuan ng inyong mga sarili.

Mga minamahal na kapatid, ang dakilang Panginoon ay nagkatawang-tao at hinahap ang mga mayroong karamdaman sa laman at sa diwa, tulad ng mga kapatid, ng isang Magdalena, na hinalina ng kababaan.

Sinabi sa Banal na Aklat na pinaalis ng Panginoon sa katawan ng may karamdaman ang mababang espiritu, subalit magpahanggang ngayon ay nagaganap pa ang mga bagay na ito sapagkat hindi pa natutupad ng mag-aaral ang pakiki-ugnay sa dakilang Ama.

Hindi pa nagaganap ang pakiki-ugnay sapagkat mahina pa ang inyong pagkakilala, bagaman ang pagkatao ay umuukilkil ang kadakilaan ng Panginoon. Bagaman mayroon mga espitiru sa inyong umaalaga, gumigiit din ang kababaan nito, ang panghihina ng pag-aaral.

Kung matatanggap na, ay hindi susulpot ang kahinaan ng pag-aaral. Mananatili na kayo sa kadakilaan lalo pa sa mga dakilang araw kung kailan gugunitain ang kadakilaan ng Panginoon, kung kailan gugunitain ang kasalanan ng isang Magdalena. Magsipagbangon kayo mga kapatid, kung ang isang Magdalena ay nagkasala, at pinatawad, ay sino pa kayo na hindi gasinong nagkasal na hindi patawarin?

Mga kapatid, magpatuloy kayo sa landas ng Panginoon, hindi sa landas ng kahirapan sapagkat ang Panginoon ay hindi dumaan sa hirap at sakit upang maganap ang tungkulin. Ganyan din kayo mga kapatid, huwag babayaan ang tungkulin.

Kapayapaan ang iniiwan ko ngayon at magpakailanman, paalam.

 

1977-01-27

Saganain ang lahat sa dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang ganap na kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga iniibig na kapatid na lagi na naghahangad na matunton ang dakilang landas na dinaanan ng Panginoon upang magbigay ng mga pag-aaral at tungkuling nababaw sa inyong mga balikat. Mapapalad kayo mga iniibig na kapatid sapagkat malakas ang inyong mga katawang laman, at natagpuan ninyo ang isang simulain siyang nagtuturo ng mga bagay na pag-aaral.

Kung paano maisasagawa ang mga pag-aaral at magpapatuloy ang karagdagan sa ganitong pagkakataon at laging ihanda ang inyong mga sarili upang ang mga batlaya ay hindi mabigo sa pagsasabog ng mga dakilang biyaya ng dakilang Panginoon.

Kung papaano naghihintay na kayo ay bigyan ng pag-aaral at kagamutan, ay gayon din ang kabatlayaan, sa sandali ito ay naghihintay sa mga kapatid upang ang nagmula sa kaitaasanang sumainyo.

Mga mag-aaral ng katuruan, sinasabi kong mapapalad ang ganitong pagkakataon sapagkat iniwan ninyo ang inyong mga tahanan upang makipagtagpo sa kabatalayaan.

At sa mga sandaling ito ang biyaya ay magpapatuloy na ibinibigay ng kabatlayaan at kung kayo lamang ay mayroon mga pangmalas ay mamalas ninyo kung paano ang mga biyaya ng katawang laman na ito na inihuhulog upang ang kagautan ng katawang laman at ng diwa ay matagpuan ng inyong mga sarili.

Mga minamahal na kapatid, ang dakilang Panginoon ay nagkatawang tao at hinanap ang mga mayroong karamdaman sa laman at sa diwa, tulad ng mga kapatid, ng isang Magdalena, na hinalina ng kababaan.

Sinabi sa Banal na Aklat na pinaalis ng Panginoon sa katawan ng may karamdaman ang mababang espiritu, subalit magpahanggang ngayon ay nagaganap pa ang mga bagay na ito sapagkat hindi pa natutupad ng pag-aaral ang pakiki-ugnay sa Dakilang Ama.

Hindi pa nagaganap ang pakiki-ugnay sapagkat mahina pa ang inyong pagkakilala, bagaman ang pagkatao ay umuukilkil ang kadakilaan ng Panginoon. Bagaman mayroong mga Espiritu sa inyo ay umaalaga, gumigiit din ang kababaang ito, ang panghihina ng pag-aaral. Kung matatanggap na, ay hindi susulpot ang kahinaan ng pag-aaral.

Mananatili na kayo sa kadakilaan lalo pa sa mga dakilang araw kung kailan gugunitain ang kadakilaan ng Panginoon kung kailan gugunitain ang kasalanan ng isang Magdalena. Magsipagbangon kayo mga kapatid, kung ang isang Magdalena ay nagkasala, at pinatawad ay sino pa kayo na hindi gasinong nagkasala na hindi patawarin.

Mga kapatid, magpatuloy kayo sa landas ng Panginoon, hindi sa landas ng kahirapan sapagkat ang Panginoon ay hindi dumaan sa hirap at sakit upang maganap ang tungkulin. Ganyan din kayo mga kapatid, huwag babayaan ang tungkulin.

Kapayapaan ang iniiwan ko ngayon at magpakailanman, paalam.




Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia