1980, Koleksyon - Ina ng Sangkatauhan








1980-12-10, GPL
 
Ang kadakilaan nagmumula sa Panginoon ang sumainyo ngayon at magpakailanman!

Mapalad na araw ng katalagahan na nakahimlay sa isang sabsaban ang sanggol sa belen, dito natala ang buhay ng sanggol, nagitlahanan ang lahat ng pastol dahil sa isang tala na doon ay sumikat.  Ang lahat sa bayan at lunsod, nagsipagdiwang.

Sa buhay na ito ay mahirap timbangin kung alin ang dapat na alalahanin sapagka’t ang paggawa na siya pa mandin lalong daan upang ang tao ay magising. Ano ang ating lagi nang gugunitain kundi tutupad sa mga tungkulin?

Tungkulin ng isang Ina sa kapatagang-lupa

Mabigat ang dalahin ng isang ina upang makatupad sa tungkuling nakatang sa kanyang balikat, walang kasing hirap at bigat na maging isang ina sa kapatagang-lupa sapgka’t lahat ng tiisin ay nadarama at nalalasap ng isang ina kung nakikita ang paghihirap ng kanyang anak.

Subali’t kung ang isang ina ay nakatutupad ng kanyang tungkulin, ibinigay ng Amang Makapangyarihan, napakaligaya ang madadama sapagka’t sa daan ng katuwiran ng tao, kinakailangan managumpay ang katotohanan uoang ang tanglw o ilaw ng isang ina sa kanyang tahanan ay masunod.

Subali’t sa kapatagang-lupang ito ay punong-puno ng luha at hinagpis o isang timbangan kung papaano maituturo at magaganap ng isang ina ang isang mabigat na tungkulin sa kanyang mga bunso na sa panahong ito ay laging kaakibat ng agam-agam ang isang ina sapagka’t mabigat dalhin ang isang anak sa kanyang paglaki kung kailan minamasdan sa sangkatauhang ito, husto na ang isip ng isang anak ay saka pa nagiging mabigat na dalahin ng kanyang mga magulang.

Kaya at winiwika kong mabigat maging isang ina sa kapatagang ito bagaman at ako ay hindi ko dinanas ng tulad na dinaranas ninyo, bagaman mabigat ang aking naging dalahin dahil sa tungkulin nababaw sa balikat ng aking anak upang mabigay halimbawa sa sangkatauhang ito, upang maging karapat-dapat ang kanyang mga iniwang mga bakas sa inyong kalagitnaan.

Nagtiis ang aking anak sapagka’t iyan ang kaloob ng kanyang Ama. Subali’t sa natatanaw ko ay lalo kayong higit na nagdadala ng bigat kaysa akin, sapagka’t iba ang anak sa panahong ito, kungdi matunton ang landas na kinakailangan daanan upang matuwid kung saan dako kinakailangan
.
Mga iniibig kong anak, ihanda ninyo ang inyong mga sarili at sa mga dalang dinadala ng inyong mga sarili, kinakailangang dagdagan pa ang paghingi ng tulong sa Amang Makapangyarihan upang ang landas na inyong tataluntunin at maituwid ang inyong mga bunso ay maging isang karapat-dapat na landas na maalwan at maliwanag sapagka’t nadama kung ano ang hirap ng isang ina subali’t natatanaw ko laging mabigat ang tungkulin ng mga ina sa ngayon sapagka’t ang mga anak ay lihis at sumusuway sa kanilang mga magulang.

Mga iniibig kong mga bunso, dagdagan ninyo ang inyong pagpapakasakit upang marating ninyo ang bundok ngkatagumpayan ng inyong pag-aaral upang madama ninyo ang kaluwalhatian magpasawalang hanggan sapagka’t iyan ang aking taguri at hinihintay ko kayo, mga iniibig kong bunso sa dulo ng landas na aking paghihintayin upang maging dapat kayo sa ating Amang sumasa langit.

Kapayapaan ang aking iniiwan sa inyo at ang kadakilaan ng inyong mga kaluluwa ang siya nawa ninyong kamtin ngayon at magpakailanman, paalam! Ang Bulaklak sa Jerico

 

1980-10-22, NP

Ang kapayapaan ang maghari sa lahat at bawat isa na naririto!

Sa bawat pintig ng inyong puso ay inyo bagang nagugunam-gunam sa inyong sarili na kayo ay isang nilikha ng Panginoong Maykapal at naririto sa balat ng lupa upang tumupad ng kanyang mga banal na utos, "ibigin ang inyong kapwa, pag-ibig na walang pagtatangi?"

Alin sa inyo o sino sa inyo, kung sa inyong puso ay may pag-ibig sa inyong mga kapwa ng tapat? Tanungin sa inyong sarili, linisin ang inyong mga puso, tarukin ninyo sa kaibuturan ng puso kung sa inyong pag-ibig sa inyong kapwa ay kayo ay umiibig nang walang pagtatangi.

Huwag kayong salawahan, huwag kayong maging mapili sa taong inyong hahatdan ng inyong pag-ibig na iyan. Alin sa inyo, tanungin ninyo ang inyong mga sarili, ako nga ba ay umiibig sa aking kapwa nang walang pagtatangi?

Mga kapatid, ang isang tao ay hindi lamang iibig sa kanyang kapwa, sa kasama, sa kanyang kahinlog; hindi nga, kungdi ang pag-ibig na ito ay dapat ipamudmod sa lahat ng tao na wala kayong kikilalanin kung ano ang kanyang katungkulan na ginagampanan dito sa ibabaw ng lupa. Kung kayo ay umiibig ay iibigin ninyo ang inyong kapwa na tulad ng inyong sarili.

Mga kapatid, ang mundong ito ay lubhang puno ng mga sigalot ng mga tao sa sariling tahanan, sigalot ng tao sa kanyang pamahalaan. Kaya't ang kahilingan ko sa bawat isa ay ang inyong taimtim na dalangin lubha pa nga sa sandaigdigang ito na ngayon ay lubhang nanganganib sapagka't ang tao ay walang puksa sa kanilang pagpapatayan, pag-iiringan ng mga tao.

Bakit nga ipinahihintulot ng Ama ang mga ganitong pagkakataon. Ito baga ay dulot o sadyang ipinagkaloob ng ating Ama sa mga tao upang ito ay sila ay bigyan ng aral o kaya ay ipinaratating ng aking Ama upang kayo ay puspusan nang mag-ibigan sa bawat isa?

Subali't ano pa kayang hirap ang ipararating ng aking Ama na nasa mga langit upang ang mga tao ay bigyan ng aral, upang ang sandaigdigang ito ay maging mapayapa?

Ano pa kayang hirap ang dadanasin at ibibigay ng ating Amang nasa langit upang ang mga tao ay puspusang nang magmahalan, mag-ibigan upang ang daigdig na ito ay magin isang daigdig na mapayapa?

Kaya nga at hinihiking sa bawa't isa tuwing ako ay tumitindig sa inyong harapan kungdi ang inyong pagdalangin na nawa ay ang sandaigdigang ito ay maging payapa.

Iyan lamang at ang basbas ng aking Ama sa tuwina ay ipinararating ko sa inyong lahat at sa buong daigdig.

Ina ng Sangkatauhan

 

1980-07-02, NP 

Kapayapaan ang maghari sa lahat at bawat isa ngayon at magpa¬kailanman!

Bakit nga kaya kayo ay nagpupumilit at nagpupumiglas na makinig sa mga ganitong pagkakataon? Bakit kayo ay nagtitipon tipon sa mga ganitong pagaaral? 

Alamin ninyo at tanungin ang inyong mga sarili kung bakit, bakit ako maging dapat na sabihin isang tunay na mag-aaral ng Espiritismo? Kung tunay nga na mag-aaral ng lihim na katuruan ito, ay bakit hindi pa ninyo tuntunin inyong mga sari-sarili na ako bilang isang nag-aaral ng Espiritismo ay ako ay magpapakabait, ako ay hindi na mag-iisip ng masama sa aking kapwa; aking tutuparin ang mga inuutos na sampung utos ng aking Mahal na Ama.

Mga kapatid alam natin na ang sampung utos ng Diyos ay nauuwi lamang sa iisa na ito Pag-ibig subalit mga kapatid, ating bang natutu¬pad na ating ibigin ang ating kapwa ng taos sa puso? 

Ating bang natutupad na ibigin ang ating mga kaaway? Ating bagang natutupad sa ating panalangin na tuwing ating sasambitin ang kataga sa Ama Namin na patawarin nawa ang ating mga kaaway, patawarin nawa ang sa ating ay nagkasala at atin ding patawarin ang sa atin ay nagkasala. 

Ito kaya mga kapatid ay ating natutupad? Kung hindi, ay simulan na natin simula sa gabing ito na tuparin upang sa gayon ay tayo ay malapit sa Ama.

Iyan na lamang ang aking munting banggit sa gabing ito at kahit manawari’y sa mga gabi ako ay muling magbababa ng munting aral sa inyong lahat at kahit manawari’y kayo ay muling naririto upang, makarinig ng mga banal na pangungusap ng mga Batlaya. Paalam, ako ang inyong Ina, ANG INA NG AWA

Norma Padilla, Sanayan Sa Tuwiran

 

1980-04-02, NP

Miyerkules Santo

Ang banal na bendisyon na nagbubuhat sa aking Ama na nasa mga langit ang siyang ibinabasbas ko sa lahat at bawa't isa na naririto!

Mga kapatid, sa sandaling ito ay nalalaman natin at pinagmumuni-muni at pinagninilay-nilayan ang dakilang buhay ng aking Anak, at siya nga ay ipinanganak dito sa ibabaw ng lupa at Kanyang daranasin ang katakot-takot na hirap at sakit upang kayong tao ay tubusin sa pagkakasala.

Subali't ito ay isinakatuparan tuwing ganitong kaparaanan, ito nga ay ating isinasagawa subali't ano ang kabuluhan kung bakit natin isinasagawa ang mga banal na pagninilay-nilay sa mga ganitong araw.

Inyong itanong sa inyong sarili kung bakit ang karamihang mga tao ay sa ganganitong panahon kanilang isinasakatuparan ang pagkamatay, sa ganganitong panahon lamang lubos nilang pagninilay-nilay, ang pagdadalamhati sa ating Panginoon, na siya ay napako sa krus.

Bakit nga sa ganganitong panahon lamang kayong nagninilay-nilay? akit hindi natin gawin ang ating tunay na pagkakristiyano sa lahat ng araw, sa lahat ng sandali maging ito ay sa loob at labas ng Centro?

Bakit lubos ang inyong paggalang, lubos ang inyong pagsasakatuparan sa mga ganitong mga araw? Bakit hindi nating gawin na ang lahat ng araw ay maging Mahal na Araw, sa paggawa natin at lubos na pag-aaral.

Laging isakatuparan ang tinatawag na muli at muling pagkabuhay. Itanong ninyo sa inyo-inyong sarili, isinasakatuparan ang pagka-Kristiyano. Sa ganitong araw lamang baga dadalangin?

Sa ganganitong araw lamang lubos na dadakilain at sasariwain sa ating alala ang katakot-takot na kaparusahan, katakot-takot na paghihirap ng ating Panginoon nang Siya ay mapako at mabayubay sa krus?

Hindi ba ninyo nadarama sa inyong mga buhay na simula sa kanyang pananalangin mula nang Siya ay dakpin, simula nang Siya ay iharap sa mga manananggol, ay dala-dala ang mga tiisin at nang Siya ay ipako sa krus au lumuha at nagdalamhati?

Bakit hindi ninyo gunamgunamin sa inyong sarili, sapat na ba na kayo ay dumalangin, magpakasakit at magpakahirap sa mga ganitong mga araw?

Sapat na ba ang inyong pagpipinetensya, sapat na ba ang araw na hindi ninyo pagkain at pagsawata ng mga paggawa ng masama, sapat na baga ang mga iyan?

Gunamgunamin sa inyong isipan, pag-isip isipan ninyo ang mga bagay na ito.

Sa sandaling kayo ay naririto ay tulong-tulong, aking mga bunso, maging malinis ang inyong diwa upang ang dakilang Anak ay maligayahan sa inyong mga isinasakatuparang pagtupad sa tuwi-tuwina.

Ang pakikipag-aral ay isang mabisang sandata sa lahat at bawat isa. Manalangin kayo sa inyong pag-alis sa lunduyan, manalangin kayo lagi na.

Ito lamang at nawa ay ang bawat isa ay makatupad at ang espiritu ay maging malinis. Kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanman, paalam, Ina ng Sangkatauhan.

1979-12-05, NP

Taimtin na Panalangin

Biyayain kayo ng mga dakilang pagpapala na nagbubuhat sa Amang Makapangyarihan, ngayon at magpakailanman!

Mga kapatid, panahon na upang inyong limiin at pag-aralan sa inyong mga sarili kung kayo ay may naging pagkukulang sa inyong diwa. Sa lahat baga ng sandali ng inyong buhay, sa bawa't pintig ng inyong puso ay laging isinasaisip na kayo ay gumawa nang mabuti sa inyong kapwa?

Maging sa inyong pag-iisip, sa inyong mga salita, sa inyong mga panalangin, kayo baga ay taimtim na nananalangin sa inyong kapwa? Taimtim baga kayong humihingi sa Poong Maykapal na ang panalanging ito ay umabot sa kalangitan upang ang isang tao na may karamdamdam ay inyong pahatdan ng lunas sa pamamagitan ng pag-iisip?

Kayo baga sa sandali ng pananahimik bago matulog o gumising, ay dumadalangin sa Poong Ama ng mga bagay na hinihiling ay hindi pansarili kungdi ang kapayapaan ng lahat?

Kayo baga ay taimtim na dumadalangin sa aking Ama kung kayo ay nasa pook ng paghihirap? Kayo baga ay taimtim na dumadalangin at humihingi ng awa sa aking Ama sa inyong pangangailangan?

Naawa ako, ako ay nagugulumihanan kung sa inyong mga pananahimik, kung kayo ay dumadalangin para sa inyong sarili lamang o kaya para sa inyong pamilya lamang.

Iyan ay hindi nararapat, mga kapatid, sapagka't kung kayo ay umiibig, kayo ay umibig nang walang pagtatangi at ang pag-ibig na ito ay hindi nararapat lamang sa loob ng inyong kahinlog kungdi ang pag-ibig na iyan ay ipamudmod sa lahat ng kapatid.

Mga kapatid, sa inyo bagang pakikisalamuha sa inyong kapwa ay naisip baga ninyong kayo ay gumawa ng mabuti sa inyong pakikitungo sa inyong mga kapwa? Napag-isip isip na baga ninyo ang dapat ninyong idalangin at ibigin ang aking kapwa? Ito baga ay inyong nagagawa sa lahat ng panahon? Mahirap baga, mga kapatid, na ito ay gawin?

Kung ito ay inyong ginagawa sa araw-araw, ay ito ang magiging ilaw ng inyong buhay at ito ay hindi mahirap gawin. Ang pag-ibig ay lubusang madarama, ang pag-ibig ay laganap kaninoman, ang pag-ibig ay dapat ipamudmod sa lahat ng dako, sa lahat ng tao.

At huwag kayong magtatangi kung gaano ang inyong pag-ibig sa inyong sarili, kung gaano ninyo kamahal ang inyong mga anak, kung gaano ninyo kamahal ang inyong mga kabiyak ng puso, kung gaaon ninyo kamahal ang inyong mga kamag-anak, dapat itong pag-ibig na ito at pagmamahal ay ipamudmod at ibigay sa lahat ng inyong kapwa maging ito ay hindi ninyo kaano-ano.

Ito lamang, mga kapatid, at harinawang itong aking munting pangaral na ito na ibinababa ay nawa'y inyong magawa. Hinihiling ko sa lahat na inyong idalangin ng buong taimtim ang kapayapaan ng buong daigdig. Ito na lamang at ako ay magpapaalam.

Ako ang inyong Mahal na Ina, ang Ina ng Sangkatuhan.

 

 

1978-03-24, GPL

Awit

Sa paghahanap ko sa aking mga anak, sa hirap kong laging siyang karamay, naliligayahan yaring aking dibdib kung magunita ko, araw na sasapit, ang laht ng tao sa buong daigdig ay malalangkom ng inyong pag-ibig. Kaya kayong mga minamahal, magpatuloy kayo sa inyong pag-aaral.

Panginoon nating nagbuwis ng buhay upang kayo ay maakay. Nahahabag ako kung pababayaan ang inyong sarili sa di pag-aaral, huwag magpakalasing sa mundong ibabaw baka kayo ay maligaw.

Mga minamahal na anak ng aking kaluluwa, mga pinagpala ng Panginoon, lagi nang nananagano sa karangyaan sa kapatagang-lupa, magsibangon kayo, tulad ng sinabi ng Panginoon, na dalhin ninyo ang inyong mga higaan upang maging ganap ang kapayapaan sa inyong mga sarili.

Mapapalad kayo na nakasusumpong at sa paghahanap ay natagpuan ang batisang siyang laging dinadaluyan ng mga banal aral ng dakilang Ama, at kung kayo ay hindi magpapabaya ay hindi kayo magsisisi kung dumating ang araw ng ating Panginoon.

Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo aking mga anak at nalalaman kong hindi kayo lalayo upang masukob sa aking balabal. Kapayapaan muli at paalam...Ang Bulaklak ng Herusalem

 

1977-03-20, GPL

Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman.

Ang araw ng kadakilaan ng pag-alaala ng isang Ina sa inyong bunso, upang halinain ang isang dakilang pananampalataya at masumpungan ang diwa ng pagganap sa Amang Makapagyarihan.

Tulad ng mga nagdaaang panahon ng pagsunod sa kalooban ng isang Ama, ang nagbunsod sa akin upang tanggapin ang isang dakilang pananampalataya, at sa aking bisig at kaluluwa, damdamin at malagay sa akin ang maging ina.

Maligayahan, sapagkat nalalaman ang kaganapan ng tungkulin at tiisin, bagaman at nalalaman ko na napakabigat na dalahin ang ini-atang sa pagkatao, tinanggap kong maging Ina ng aking bunso, at magpakasakit at kung ano ang kasakitan at dalahin ay nalalaman ang aking tungkulin at ang nakababaw sa balikat ng aking anak.

Mga anak, nasisiyahan ako at ito ay ibinigay ng Dakilang Ama, sapagkat nalalaman kong ako ay karapat-dapat sa aking tuparin, kaya at ibinigay ito. Kayo man ay gayundin, kung maatang ang dalahin, isigaw sa ilang tinatanggap ang kaparusahan sapagkat ang dalahin ng anak ay lalong mabibigatan ang Ina.

Isasagawa at dadalhin ang bigat ng tungkulin. Naliligayahan ako kung aking natatanaw ang isang Inang nagpapakasakit, ngunit ang isang Ina na naghihimagsik sa anak, ay nanlulumo ak sapagkat nalalaman nalugmok ang isang ina.

Ganyan kayo na tanggapin ang isang tungkulin sapagkat ito ang napakagaan at mabibigat na dalhin ang tungkulin. Nalalaman namin mga kapatid na kayo ang mga tulog, hindi lamang Dakila ang Panginoon, kungdi dakilain at sambahin, sapagkat ito ang kadakilaan.

Kapayapaan ang inilalagak ko sa inyo. Paalam, ang inyong Ina ng Sangkatauhan. 


 

Mga mabuting gawa na isinasakatuparan, pag-iimpok sa darating na panahon

Kapayapaan nawa ang maghari sa lahat at bawat isa na naririto!

Mga kapatid, hindi lingid sa akin kung bakit kayo ay nangaririto sa gabing ito, marahil, ang isang dahilan ay upang kayo ay maglinis ng inyong mga kaisipan, diwa at kalooban, upang mahugasan ang inyong mga kaluluwa na siyang maghahatid sa inyo doon sa kaitaasan. Kayong lahat na nangaririto ay magtitiyaga upang mag-aral ng diwa ng katotohanan ng Espiritismo. Bakit nga kayo ay nagtitiyaga at napaparito?

1977-01-19 NP

 
Ngunit sa lahat nang ito ay ano ang kabuluhan ng inyong pagparito kundi ito ninyo isasakatuparan sa tuwi tuwina. Hindi lamang sa salita kayo magsasakatuparan, kungdi ito ay inyong isakatuparan sa gawa at hindi sa salita. At ng iyan ay inyong maisagwa bakit nga hindi, kung inyong lilinisin, lubha pa kung inyong didibdibin na ito ay inyong isasakatuparan.

Kung kayo ay nangaririto ay magsitahimik kayo at manalangin ng taimtim at humingi ng tulong sa mga batlaya na inyo ngayong maisakatuparan ang inyong minimithi ng inyong kalooban. Huwag ninyong isa-isang ang pag-aaral ng Espiritismo sapagkat, upang hindi kayo magsisi sa darating na panahon, kayo ay magsipag-impok.

Ano nga ang iimpukin? Hindi ang salapi, kungdi ang mabubuting gawa na isinasakatuparan, ng pagtulong sa anong paraan? Ang pag-ibig na iyan ay maisakatuparan ninyong lahat kung kayo ay may pag-ibig na walang pagtatangi sa kapwa. Ito ang aking munting maiiwan na pangaral sa inyo sa gabing ito at kahit manawari ay kayong magsawa sa pagparito sa pakikipag-aral sa mga batlaya.

Iyan na lamang at ako ay magpapaalam sa inyong lahat. Kapayapaan ang akin pinasasapit na muli sa inyo.

Ina ng Awa






 

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia