1969-1993, Koleksyon - Apostol Juan
1993-12-19
Ang liwanag na dala ng isang tala ay masilayan ninyo at sa pamamagitan ng liwanag na ito ay makilala ninyo ang inyong sarili, kaalinsabay ng inyong mga pagkatao upang kayo ay makagawa ngayon at sa lahat ng panahon.
Sa tuwi haharap ang tao sa salamin, bukod sa mukha at panlabas na kaanyuan sapagkat siya ang totoo sa kanyang sarili naaninagan niya ang pansariling pag-agam agam sa pag-aalinlangan at pagkatakot.
Aaminin ko na siya ay hindi naging tapat sa kanyang tungkulin at hindi sa lahat ng sandali ay nagpakatotoo sa kanyang pananampalataya at pagiging bulag. Bagaman at bulag ang kapaskuhan sa paligid, ang nagmimistulang publikano na dinadagukan sa dibdib sapagkat hindi pa handa ang pagkatao sapagkat kulang ng isang mesiyas.
Sa kabila ng paulit-ulit na pakikipag-aral ang maraming ulit ng pagdiriwang ng anibersaryo at ang kanyang tungkulin nagmimistula na nag-aalinlangan at nagpapatumpik-tumpik sa paggawa na hinihingi sa isang Espiritista. Maraming ulit na nagpapalit ang taon, kung ginagawa ng palatuntunan tutuparin sa loob ng isang taon. Subalit ngayon na malapit nang magwakas ang taon...At ngayon ay mangangako na naman ang isang abang kaluluwa. Makakahabol pa ba ang aking kapatid? Makapagmamadali pa ba gayong malapit na ang dapithapon... gayong dalawa na ang kulay ng inyong buhok na unti-unti nang tinatakasan ng lakas ang bawa't ugat sa katawan?
Mga minamahal ko sa pag-aaral ng Espiritismo, lagi kayong ay pag-asa dahilan sa mga taong higit sa lahat ay umaasa at upang bigyan ng pag-asa ang bawat isa sa inyo, na maiba-iba ang inyong mithiin sa kapaskuhan sa pagsilay ng isang mesiyas at makapanghalina sa pagtataguyod ng pangakong susundin buong taon.
Saan nga ba tutungo ang isang salita o lipon ng mga salita na nakatatak sa Banal na Aklat. Nakatipon-tipon ang mga matatanda at....naroroon ang isang pulang baka handang sunugin katabi sapagkat hindi na madala ng matandang ito ang mga kahihiyan sa kanilang mga pagkakasala.
At gayon nga ang nangyari, sinunog ang isang baka walang nakita sa aming pagkukulang subalit dumating ang mga kabataang lalaki, tinipon ang abo mula sa sinunog na baka, kumuha ng lino at sipogo at itinali sa patpat at inilibot ang abo sa lahat ng tao na nakapagsisi nang labis sa kanilang mga pagkakasala. Ito nga ang dalahin na ginanap ng Panginoon.
Pulang baka, sagisag ng pag-ibig at pagpapakasakit. Kulay pula, kulay din ng kapaskuhan. Na sa Paskong darating ay lakipan ninyo ng pagtitiis at pagpapakasakit. Susunugin ang kalayawan ng katawan, susunugin ang walang kapintasang baka katulad ng ginawa sa Panginoon Hesukristo sa mga pagkukulang.
Pinatay upang makapagbigay ng kaligtasan upang ang isang nabubuhay ay magbigay ng halimbawa upang ganapin ang mga sumpa ng mga nauna sa kanya.
Subalit ang kabataan ang susunod na buhay ay nagkakatipon-tipon upang sinupin ang abo at upang sa pamamagitan ng abong ito kung iisipin sa mga taong nagkamali ay nagising sa kanilang mga pagkakasala.
Kabataan, sagisag ng bagong buhay, sagisag ng bagong lakas upang sa inyo at sa lahat ng dako upang ituwid ang matandang pagkakamali at upang sa batang ito ay gumitaw ang isang tunay na kaligtasan.
Mga minamahal ko, sa pag-aaral ninyo ng Espiritismo, maraming bata, masdan ninyo ang inyong mga sarili na sa inyong palad nakasalalay ang kinabukasan upang sa darating na panahon, kayo ang magtaguyod ng pagdiriwang ng katulad nito.
Hindi mag-aatubili sa pagsasalita at sa pagsasagawa sapagkat sa inyo nakasalalay ang bukas. Nang makapaglingkod sa Paskong darating ang matandang halimbawa ay kalimutan na ang labis na pagmamahal sa sarili ay iwaksi-waksi ninyo ng pagkakabaha-bahagi.
Ang nais ninyong pagmamahal sa buhay na panandalian na nagbigay sa inyo sa landas ng buhay. At kung paano ang kulay pula na sa buhay ng Panginoon Hesukristo ay naging simula ng pagtitiis at pagpapakasakit. Pagdating ng kapaskuhan magkaroon ng pagpapakasakit na ang pangangailangan upang isilang ang tunay na kaligtasan.
Mga kapatid ko, kumuha sila ng sipogo at lino at itinali sa kahoy at ito ang ginamit na pambigkis sa abo. Lino isang uri ng telang ibinabalot sa patay at ang sipogo, isang halamang pampagaling ng karamdaman.
Sa Paskong ito, ang laman na magiging patay balang araw ay may isang bulok. Isama ninyo ang isang dakot na makapaggagamot ng karamdaman ng inyong Espiritu. Pinagsama ang dalawang ito upang kung maalala ng tao ang kahinaan ng loob ay, ang laman ay mauwi sa kamatayan. At ito ang gagawin ninyo hindi lamang sa Paskong darating kungdi araw-araw
Mga minamahal ko, bilang pagbati sa inyong pagdiriwang tulad sa winika ng Panginoon, Siya ay paparito hindi para sa kapayapaan kungdi para sa pagkabahagi-bahagi.
Dala-dala niya ang apoy at sana mapagningas ito na doon nakalukob ang kapayapaan. Sinabi niyang hindi siya ang dahilan kung bakit naparito kungdi sa pagkabaha-bahagi. Ano ang mga sandaling ito sa inyong pagktao?
Isipin ninyo kung kayo ay nabubuhay sa dalawang daigdigan, bahaginan ninyo lang ang isang kailangan ng laman. Akitin ninyo ang inyong mga kapatid.
Bahaginan ninyo ang mga kailanganin ng daigdigan. At kapag ito ay inyong nagawa, patuloy silang mga kabataan kung hndi ang tunay nakaluwalhatian.
Dalahin ninyo sa pagdiriwang na ito ang apoy upang makita ang maalab na hangaring maipagpatuloy ang pag-aaral ng Espiritismo at adhikain nawa ng bawat isa sa inyo ay ang makatupad sa salita ng Diyos at mabuhay sa Kanyang kalooban.
Muli ang pag-iibigan, kababaang-loob ang maghari sa inyong lahat ngayon at magpakailanman. Paalam, ang inyong lingkod, Apostol Juan.
1986-03-28, TE
Sumainyo ang pagpapala ng mga langit, maghari sa bawat isa sa inyo at sa sangkatauhan ang kapayapaan.
Mga kapatid, lagi na ay hinahanap ng tao ang singit na mapaglalagyan ng kanyang sarili upang siya ay maging bahagi ng kabuuan, upang siya ay huwag maiwan ng sumusulong ng mga bagay.
Buhat sa pasimula hanggang sa pagpapatuloy sa kapanahunang pangkasalukuyan, pinipilit ng kabihasnan ng mga tao na noon ay siya pa ring maging ngayon, na lagi nang ang mga bagay na hindi nau-ukol sa kanya.
Sapagkat siya ay mayroon na ng tinanguang pananagutan sa kanyang pagkatao na siya ay gagawa at magsasakatunayan ng nau-ukol sa kanya ng hindi maaaring damputin ng iba at ipanaghili sa kanino pa man.
Matutuhang damputin ang sariling pananagutan upang magkaroon ng pagkaka-unawaan
Kaya nagkakaroon ng di pagkaka-unawaan at naghahari ang malaking kaguluhan sa daigdig ay dahil da mga bagay na ito na hindi na matutuhan ng taong damputin ang kanyang sariling pananagutan at ito ay isulit sa panahon.
Dahil dito ay lagi nang ipina-aalala sa inyong mag-isip, mag-aral, magmasid at magpakatalino sapagkat ito ang kinakailangang maging kalasag ng kanyang pagkatao sa malawak ng lakbayin ng buhay buhat sa may kamalayan hanggang sa pag-aagam-agam, hanggang sa matagpuang muli ang kamalayang hinihingi ng katupara ng kanyang tungkulin.
Ang mga winika ng Dakilang Guro sa Golgota
Iniisip ninyo ang magpatawad na palasak na iyong sinasabi. Ibibigay ko sa inyo ang halimbawa sa pamamagitan ng isang maikling paglalahad sa inyo kung paanong hindi maaaring magpatawad ang tao at kung papaanong siya ay maaaring magpatawad.
Bakit nagkaroon ng puwang sa kahayagan ng drama sa Golgota ang salitang ito? Sino ang nagsasalita? Kanino ini-uukol?
Mga minamahal, ang kadakilaan ng Dakilang Guro ay ipinakilala sa katuparan ng Kanyang bawat sinalita, ng kanyang ninasa at piniling sinakop. Dahil dito ay paanong mangyayaring maibasbas sa sangkatauhan ang mga katagang, "Ama ko, patawarin mo sila."
Ito baga ay maaaring salitain ng may bigat ng kapangyarihan, ng karunungan at pag-ibig ng hindi nananagana dito at pinanghahawakan? Sino ang naka-aalam? Sino ang nagtataglay ng kayamanan ng pag-ibig na iyan? Sino ang naka-aarok ng katarungang kinakalasag ng pagkakilala sa kaalaman ng sangkatauhan?
Ang makasalanan ay walang karapatang humihingi ng kapatawaran ng kapwa, tanging ang Dakilang Guro lamang
Ang "iniciado," ang Dakilang Guro ng sangkatauhan, ang may karapatang magpatawad, ang may kapangyarihang humingi ng karapat-dapat para sa kanyang mga iniibig sapagkat Siya ang nakakakilala, Siya ang nakababatid, Siya ang naka-aarok ng antas ng sangkatauhang inihihingi ng awa sa Kanyang Ama sa langit.
Kung ikaw ay makasalanan, palalo at maninirang-puri, kung ikaw ay mamamatay-tao at mapaghasik ng kalagiman, kung ikaw ay laginang taga-usig at tagalikha ng masama sa gitna ng sambayanan, itinatanong ko sa iyo, o tao, anong karapatan mong humingi ng kapatawaran sa kapakanan ng iyong mga kapwa?
Ang Ama, ang Anak, at ang Espiritu Santo ay tagsulok na nahahayag sa bawat kaganapan at katuparan ng tungkulin ng isang kalagayan. Ang Ama ay kinakatawan ng Anak at ang Anak ay kahayagan ng Espiritung buhay ng Espiritu Santo.
Kaya at dahil dito ay sa mga katagang binigkas, "Ama ko patawarin mo sila," naroroon ang ambil ng kapangyarihan ng Kanyang pagka-"iniciado' sa karunungan at pag-ibig na idinampulay sa sangkatauhang ito tanda ng kaganapan ng Kanyang tungkulin.
Sapagkat hindi sana naganap at natupad ang misyon ni Hesukristo sa ibabaw ng lupa hangga at hindi nasakop at nasaklaw ang kaunawaan at kaalamang taglay ng sangkatauhang kinakailangang bakahin, iangat at padakilain sa mata ng katotohanan.
Ang mayroong kapangyarihan na mag-alis ng kasalanan o kamalian ay ang maaaring magsabi, "pinatatawad kita"
Kaya nga mga kapatid, bago ninyo isipin man lamang na sabihing," pinatatawad kita," tanungin mo muna ang iyong sarili kung ikaw ay karapat-dapat sa salitang ito. Kung ikaw ay mayroon ng kapangyarihan na mag-alis ng kasalanan o kamalian ng iyong kapatid.
Malibang sa ikaw ay maging karapat-dapat na mailagay sa antas na "inciado" hindi ka makapag-aambil ng kapatawaran sapagkat hindi mo pa kayang limutin ang kamalian at ang kahinaan na inakma mong patawarin sa buhay na iyan.
Hindi mo maaaring patawarin ang iyong sarili sapagkat ang "iniciado" lamang ang nakapagpapatawad. Ano kung ganoon ang inyong kailangan? Ang kailangan mo ay limutin muna ang gawang masama.
Itanim sa puso at kaisipan sa lahat ng sandali ang kagandahan ng pag-ibig, na kinakailangang magkaroon ng "chain reaction" sa lahat ng inyong mga alagatain sa panahon ng inyong pakikipamuhay, sa panahon ng pagtupad ng inyong tungkulin.
Saan ipagsasama ang tao na magnanakaw at mamamatay-tao? Isinama baga sa langit? Isinama baga sa impiyerno gayong ang taong ito ay nabuksan ang kanyang pag-iisip na ang kanyang nagawa ay hindi karapatdapat, na mayroon siyang balaking magbagong landas, magbagong buhay?
Ano ang paraiso, hindi salangit, hindi sa lupa, hindi sa impiyermo
Saan ipagsasama ang taong ito ng Mananakop? "Ngayon din ay ipagsasama kita sa paraiso." Hindi sa langit, hindi sa lupa, hindi sa impiyerno, kungdi sa paraiso. Ano ang paraiso kung magkagayon?
Ang paraiso ay sagana sa kayamanan ng kalikasan gaya ng nakapaliligid sa inyo sa kapatagang iyan. Ang paraiso ay magkaroon ng kaginhawahan, mayroon ng kasaganaan, mayroon ng hubad na pagkakilala sa mabuti at masama.
Bakit doon ipinagsama ang taong ito? Sapagkat kinakailangang ang kasamaan, ang kamalian, ang katampalasanan ng kaugalian ay mahuhubdan ng lahat ng bagay na makapagpapapangit sa kagandahan ng kalikasang nakapaligid sa kanya.
Kinakailangang sirain, iwasak at durugin ang laman at buto upang manatili ang buhay na hubad sa kagaspangan inialok ng katawang-lupa, upang siya ay magpasimulang tumalunton sa landas kung saan naroroon ang kasaganahang inia-alok ng mga bagay na dapat na kanyang pag-aralan at lasapin, makita ang kagandahan na kalikasan, mapag-aralan ito, at sa kanyang pananagano ay mapag-isip niya ang mabuti at masam, ang dapat at hindi niya dapat gawin.
Muli at muling pagksasakatawang-laman, katuparan ng pagbabayad-utang
Ano ang bumubuo sa bagay na ito? Dito ay pumapasok ang muli at muling pagkakataon upang siya ay magdamit ng katawang-lupa sa katuparan ng kanyang pagbabayad-utang sa katuparan ng kanyang pag-aaral upang maunawaan niya ang hindi niya nalalaman, sa katuparan ng kanyang tungkulin na hindi niya naisakatunayan na kinakailangan na kanyang isagawa alang-alang sa ikamumulat ng kanyang sarili.
"Babae, naririyan ang iyong anak, lalaki, naririto ang iyong ina." Mga minamahal na kaluluwa, sa gitna ng kabuhayang mabibigkis ng panahon at mga dako kung saan tutuparin ang tungkulin ng tao sa kanyang pagpapakabuti, ito ay kinakalasag ang babae at lalaki.
Sagisag ng Espiritung may buhay at ang kaluluwang buhay
Ang lalaki ay ang Espiritung may buhay at ang babae ay ang kaluluwang buhay. Tinatamnan ang babae ng mga bihin ng sangkatauhan nang dahil sa pagpaparami, sapagkat upang mabigyan ng pagkakataon ang mga ipinagsama sa paraiso ng dakilang Mananakop.
Ang babae ay sagisag ng matabang lupa kung saan ang mga binhi ng sangkatauhan na manunuparan ng kanilang tungkulin, na mag-aaral at magpapatuloy sa katuparan ng mahalagang misyon alang-alang sa kaganapan.
Dahil dito ay tinatanaw ng babae ang lalaki buhat sa kanyang Ama hanggang sa kanyang kataling-puso, hanggang sa kanyang magiging supling o anak, ng tanaw na pagbababala. Narito ang pagawaan kung saan kinakailangan kong tupdin ang aking tungkulin.
Ang Ama ay kikilalaning kapangyarihan na siyang mag-uutos at huhubog
sa akin, kapangyarihan ng pag-iisip at ng pagbabalak. Sa kataling-puso
ay ang alagatain ng pag-ibig kung saan inaakit ang pagmamahal na walang
maliw, ng pag-ibig na makituwang.
Makibalikat sa pagpasan ng
mabigat na dalahin ng kabuhayan sa lupa ng isang magsing-giliw, sa
pagdala ng isang pamilyang binubuo ng mga anak at ng mga hinlog na kung
ang mga dalahing ito ay madadala sa kawastuan at kagandahang asal,
mailalagay sa katumpakan ang kaalamang nag-aaral ng nau-ukol sa
pananampalataya sa Diyos at ng pag-ibig sa kapwa ng tulad sa pag-ibig sa
sarili.
Ito ay katuparan ng tungkulin ng babae na siyang dinadaliri ng Mananakop sa pagtuturo sa mga lalaki,"Hayan ang inyong ina," sapagka't ang mga bagay na dalisay at wasto ay nanggaling sa sinapupunan ng isang babaing nagiging ina, bilang palatandaang ini-alay sa inyo ng kalikasan ang isang malusog na sanggol na wala ng bahid ng kakulangan.
Ang lalaki ang palatuntunan ng isang kabahayan, siya ang haliging magiging patigas ng tahanan, siya ang hahanap ng kabuhayang panglaman at pangdiwa ng kanyang mga kaanak. Ito baga ay natutupad sa samahan ng mga tao? Ito baga ay naalagata ninyo, mga ginigiliw na kaluluwa?
Kung ang magiging saligan at siyang laginang saligan ng nakararami sa inyo ay likas na pangkaraniwan ang magsing-giliw ay magkaroon ng mga sanga at magbunga na marami na hindi man lamang pinaghahandaan ng kalikasang dapat na ialok at iambil sa mga batang ito upang sila ay binyagan ng inyong mayamang diwa, ng inyong diwa na makaDiyos.
Kinakalimutan ng ina at ng ama pakainin at bihisan ng tahanan kungdi ang mga sanggol o mga magiging taong ito ay tungkulin nilang akayin sa landas ng kabanalan sa pamamagitan ng magandang halimbawa ng kanilang pagsasama at pagtitinginan.
Kinakalimutan ng lalaking sa kanyang paghayo sa paghahanapbuhay ay mayroon siyang taling tanikalang hindi maaaring humiwalay sa tahanang ito at sa kanyang mga anak, na siya ang kinatawan ng tahanang ito at sa kanyang niluwalan.
Na dahil dito ay siya ang palatandaan, siya ang palatuntunan kung ano siya sa kanyang mga kaanak, at kung ano ang kanyang mga kaanak sa kapisanan ng Kanyang nilalang. Ito ang pananagutan ng babae at lalaki.
"Ako ay nauuhaw." Napakadaling tuparin ang kahilingang ito na sa pagka-uhaw ng isang nilikha ay bigyan mo siya ng pamatid-uhaw, datapwat sa kalagayan ng dakilang Mananakop ay talsik ang ano mang bagay na maaari ninyong ialay na nanggaling sa lupa, naikatas ng lupa, at napawis ng laman.
Pluwido unibersal nalilikha ng tao kung mayroong tumpak na pakiki-ugnay sa Diyos
Kung gayon ay ano ang kailangan ng Mananakop sa kanyang pagka-uhaw? Ang Mananakop ay uhaw sa Espiritu ng buhay ng bawat isa sa inyo. Uhaw ang Mananakop sa pluwido unibersal na nalilikha lamang ng tao kung siya ay mayroon ng pakiki-ugnay nang tumpak sa Diyos.
Magnetismo unibersal kung ang tao ay naka-aakit at nakakalikha ng mataas na bibrasyon
Uhaw ang Mananakop sa magnetismo unibersal na kung ang tao ay mayroon ng malasakit, ng pakikibahagi, nga pakiki-isa, ng pagdamay sa kanyang mga kapwa, ang pakiki-ugnay na ito ng pag-iisip, damdamin at kalooban ng tao, ay umaakit na makalikha ng bibrasyon upang ang magnetismo unibersal na ito ang siyang mai-alay ninyo sa kauhawan ng Mananakop.
Mga kapatid, ito ang halimbawa lamang ng ini-aalay ng sangkatauhan sa kanyang Guro at Mananakop, na sa buong isang taon ay siya ay manggagawa ng masama, tagalabag ng kautusan, tagasira ng palatuntunan ng kabanalan. At pagdating ng mga ganitong araw ay nagsasabi: "Ako ay nagpakasakit, nagpepenitensya, upang ako ay maging karapatdapat sa kaligtasan."
Ano ang ini-alay ng sangkatauhan? Suka, na sa kanyang kaasiman kung ito ay malagok ay naka-aasim ng mukha, nakasisinok at nakapagdudulot ng kabagabagan. Ito ang suka na lagi na ay ipina-iinom ninyo sa Mananakop sa Kanyang pagkabayubay sa krus magpahangga ngayon.
Ganito ang aking sabi sapagkat maaari bagang makalag magpahangga ngayon. Ganito ang aking sabi sapagkat maaari bagang makalag ninyo sa pagkapako sa krus ang Mananakop sa Kanyang pagkabayubay sa krus magpahangga ngayon.
Ganito ang aking sabi sapagkat maaari bagang makalag ninyo sa pagkapako sa krus ang Mananakop na wala kayo ng kalasag, ng pambunot ng kanyang mga pako, nawala kayo ng kumot na pangsalo sa kanyang lupaypay na katawan?
Talim ng pag-iisip, pananampalataya, matatag na paninindigan sa simulain ng pag-ibig
Ano nga ang mga kinakailangan? Kinakailangan, mga kapatid, ay ang talim ng pag-iisip, ang higpit ng pananampalataya, ang katatagan ng paninindigan sa simulain ng inyong sinasampalatayanang mabuti. Ito ang mga kailanganing ng Mananakop upang Siya ay tunay na inyong makalag sa kanyang pagkabayubay sa kruz.
Dahil dito ay ano ang ina-asahang isigaw? "Ama ko, bakit mo ako pinabayaan?" Ang tanong: Dumaing nga ba si Hesukristo sa mga pahirap at sakit na Kanyang tiniis at dinanas nang dahil sa pagsakop ng sangkatauhan? Kung siya ay dumaing siya ay hindi Diyos. Ngunit ano ang kahulugan ng Kanyang hiyaw, "Ama ko, bakit mo ako pinabayaan?"
Gaya ng aking sinabi, ang tatsulok ng eternidad ng Diyos Ama, Anak at Espiritu Santo ay solido, hindi maaaring ilayo ang isa sa isa magpakailanman. Kung sa kapanahunan ng pagkabayubay sa krus ni Hesukristo inihiyaw niyang bakit siya pinabayaan ay sapagkat itinatanong ng laman ni Hesukristo na bakit pinahintulutan, itinatanong ng hirap at sakit ni Hesukristo na bakit siya pinabayaan, "Ama ko, bakit mo ako pinabayaan?"
Samakatwid baga ay si Ako na nagdanas ng hirap at pasakit ay tumupad ng kanyang tungkulin, ginampanan ang papel na ini-ukol sa kanyang kalagayan ng Ama na waring lumayo ang Ama sa Anak kaya si Ako ay naghirap at dumaing, datapwat ang kalikasan ng mga bagay ay hindi maaaring sirain ang batas.
Kapag iyong pinukpok iyan ay masasaktan, kapag iyong tinaga iyan ay masusugatan, kapag iyan ay iyong inihampas, iyan ay malalasog, kapag iyong sindihan, iyan ay masusunog, kapag iyong inilubog sa tubig na iyan ay malulunod.
Mayroon bagang kahiwagaan, na higit sa kahiwagaan ng buhay ng bawat isang nilikha sa ibabaw ng lupa, ang kalagayan ni Hesukristo sa kapanahunan ng pagtupad ng kanyang tungkulin? Wala, sapagkat kung mayroon ng kahiwagaan na sa gitna ng pagpapahirap, at hampas, at paglapastangan sa kanya ay hindi niya maramdaman ang sakit.
Hindi niya maramdaman ang kirot nga kanyang mga sugat, hindi niya naramdaman ang pagkasiphayo, upang sakupin ang sangkatauhan. Naghirap si Hesukristo, naramdaman niya ang sakit, naramdaman niya ang kirot, naramdaman niya ang pagkasiphayo ng kanyang karoonan sa kanyang pinaninindigang mabuti. Kaya siya ay humiyaw,"Ama ko, bakit mo ako pinababayaan?"
At matapos ang mga bagay na ito ay sinabi niya: "Ama ko, sa mga kamay mo inilalagak ko ang aking Espiritu." Alin ang mga kamay ng kanyang Ama? Ang kamay ng Ama ay ang Ama at ang Espiritu Santo at ang naglagak sa mga kamay na ito ng dakilang eternidad ay ang karoonan ng Anak, at diyan nangyari ang kabuuan ng kasaysayan.
Inilagak ni Hesukristo sa mga kamay na ito ng dakilang Eternidad ay ang karoonan ng Anak, at diyan nangyari ang kabuuan ng kasaysayan. Inilagak ni Hesukristo ang Kanyang sarili sa katarungan at pag-ibig ng Diyos na Kanyang Ama sa langit.
At dahil dito ay naghari ang pananagumpay ng pagkabayubay na mag-uli buhat sa mga patay, at iyan ang inani ng kasakitan at pagpapahirap ni Hesukristo na naani ng sangkatauhan.
Dahil sa katarungan at pag-ibig ng Diyos siya ay binibigyan ng pagkakataong makapagbayad-utang hanggang sa kanyang kaganapan, na malimutan niya ang kanyang mga kasalanan at kamalian, at matutuhan na niya ang pagpapatawad sa kanyang mga kapwa.
Sa wakas ay sinabi, "Ama ko, naganap na." Alin ang naganap si Hesukristo? Naganap ang Kanyang dakilang panalangin: "Ang Ama at ako ay iisa, ang Ama at ako ay sumasainyo." Ang aking sinasalita ay sinalita ng aking Ama na nasa langit. Ang aking mga ginawa ay sa hinuhod ng akong Amang nasa langit kaya ko nagawa."
Dahil dito ay ang kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos ang binuhay hanggang sa pagkakataong ito, mga kapatid, upang kayo ay magpatuloy, mag-aragl at magsumikap na pag-aralan sa ibang kaparaanang gaya ng aking kaunting salaysayin ini-ulat sa inyo ngayon. Kung paanong ang sangkatauhan ay tinubos sa kasalanan ng dakilang Mananakop.
At durugtungan ko ng maliit na kataga. Kailangang ang tao ay magtagumpay sa kamatayan.At durugtungan ko na maliit na mga kataga. Kailangang ang tao ay mamatay na mayroon ng diploma na kagitingan sa kabanalan, sapagkat maliban dito ay ang tao ay hindi magkakaroon ng kaluwalhatian sa buhay na walang hanggan.
Maghari sa inyo ang kapayapaan at tanggapin ninyo ang kaliwanagan buhat sa mga langit ngayon at magpakailanman. Paalam, Apostol Juan.
Mga Termino
idinampulay -
nalalasog
1982-01-16, SC
.. ng tungkulin ng tao sa loob ng templong ito kung hindi mayroon din lalo't higit ang paglilinis ng inyong isipan. Sapagkat ang anibersaryo ng lunduyan na nangangahulugang nagsasaya at nagagalak upang sumapit muli ang malaking kaarawan ng ginagampanan ng bawat isa sa inyo sa katuruan ng Espiritismo; datapwat kung ang inyong isipan ay malayo sa anibersaryo ng templong ito, anong kahina-hinayang ang inyong mga dala-dala, anong kahina-hinayang ang inyong pagkaka-unawa sa loob ng simulain na inyong itinataguyod.
At katotohanan-katotohanang ang bawat isa na nakapag-iiwan ng kanyang tinatangkilik at nakagugol upang ipakilala lamang niya sa kanyang pananampalataya na sa kabila ng lahat ng kanyang paghihirap ay pilit pa rin siyang naninindigan at kanyang kinakaya ang mga kaukulan upang siya mapadako lamang sa loob ng tipanan ng kapatiran at anibersaryo na malaon nang panahong kinukunan ng iba't-ibang kaunungan bilang isang Espiritista.Datapwat kung ito ay wala sa inyo, nasaan ang pananampalataya ng taong isang Espiritista? Nasaan ang pag-iiwan ng inyong mga tinatangkilik? Nasaan ang mga panahon na kailan pa maipakikilala ng bawat isa, samantalang ang katulad nito ay ano sa isang Espiritista upang magkaroon ng bahagi sapaga't ito lamang ang natatangi upang dito kayo magsalo-salo.
Sapagkat ang kasalukuyang inyong mga ginagawa ay isang hapag ng Panginoon na inyong kinukunan at ipinakikilala sa kapaligiran na kayo nga ay isang matatag na mag-aaral na nakasumpong ng dakilang simulain na pinagtitibay ng bawat isa upang kayo ay makagawa sa inyong mga pananagutan.
At kung ito kailanman ay hindi ninyo mapaghahandaan, ano sa inyong sarili ang mga katulad nito bilang magkakapatid na nakakikilala nang pananampalataya o tuparin sa inyong pagiging Espiritista sa loob ng katuruang ito.
Mga kapatid ko, bilang sa kayo ay sugo ng Panginoon, alalahanin ninyo na ang inyong sarili kailanman at ang tao gumagawa ay huwag ninyong ipagkait ang inyong sarili sa inyong pananampalataya upang panindigan ng bawat isa. Kailan pa kayo makikilala ng Panginoon kung ang lahat ay hindi ninyo babalikatin sa inyong mga tungulin o tuparin?
Bagaman at katotohanan, nalalaman niya bilang tao na naririto sa kapatangang-lupa, dito maipakikilala ninyo ang tunay na pananampalataya sa bawat isa at dito rin siya mayroon ng pananagutan sa bawat isa sa inyo. Datapwat kung wala kayong magagawa sa kanya, ano ang sukatan sa inyo bilang mananampalataya?
Sapagkat katotohanan nga na ano ang Espiritismo sa lihim na pag-aaral tungo sa Espiritu ng katotohanan? Ano ang buhay ng isang nakakikilala at naka-uunawa? Sa lahat ng sandali materyal o espirituwal ay kinakailangan ang paghahanda ng tao, kinakailangan ang paglilingkod ng isang mag-aaral at mananampalataya sapagkat nalalaman baga ninyo marahil, ay hindi ninyo maiibigan ang inyong paghihirap.
Datapwat dahil sa lakas ng pagkaka-unawa ng inyong espiritu na nasa katawang-laman, sa lihim na tuparin ng bawat isa, kayo ay manunuparan at mananaliksik sa buhay na ito kung kaya nga at ang inyong pinag-aaksayahan na oras ay kadakilaan sa harap ng Panginoon.
Datapwat kung ito ay wala sa inyo ang paghahanda sa materyal at sa Espiritu ay katotohanan na kahina-hinayang kayong mga Espiritista kung sa maliit na mga sandaling ito na kayo ay magkikita-kitang magkakapatid at mapaliligaya ninyo ang templo na inyong kinukunan ng iba't ibang kaunungan na naa-ayon sa espiritu, at kayo ay hindi ninyo magampanan, ano kayong isang Espiritista?
Kailan pa kayo, kailan pa ninyo magagamit sa inyong sarili ang inyong mga tungkulin at tuparin kung ang mga sumandali na ganito na kaarawan na dapat kayong magsama-sama sa kaligayahan ng inyong lunduyan, o lunduyan ng lahat, ay kayo ay nagkukulang dahil lamang sa pang-materyal na bagay.
Alalahanin ninyo na kailanman at ito ay inyong pinaggugugulan ng panahon, ay katotohanang ito ay mahalaga sa pananampalataya nasa inyo ay inuunawa at sinasampalatayanan. Papaano kayo matatawag na mananampalataya kung ang mga ganito ay tiklop ang inyong mga isip, tiklop ang inyong mga salapi sa inyong lukbutan?
Kailan ninyo maihahandog ang pagiging karapat-dapat ng bawat isa? Alalahanin ninyo ni kahit dalawang talento na nanggaling sa kalinisan ng inyong puso at inyong pinaggugulan, maihandog, ay isang karapat-dapat sa Panginoon.
Datapwat sa inyong kaliitan ang kadamutan ay pilit pa rin ninyong inilalagay ang inyong sarili at hindi ninyo ini-aangkop sa hinihingi ng pagkakataon ng pananampalataya bilang magkakapatid, ano sa inyong sarili ang inyong napag-aaralan bilang mananampalataya sa loob na katuruan ng Espiritismo?
Sapagkat katotohanan nalalaman ng Panginoon na kayo ay hindi pantay-pantay, nalalaman Niya kung hanggang saan ang mga pagsubok na inyong nauunawaan sa inyong sarili.
Ang mga katulad nito ay isang pagsubok na ipinadadama sa isang mananampalataya, datapwat kung maililigtas ninyo ang mga pagsubok na ito sa inyong pagsasama-sama, hindi baga kayo ay may mga ngiti sa labi?
Sapagka't kayo ay nakapanindigan bagaman at kayo ay mga dukha ay pilit din naninindigan at naglilingkod sa paglilingap ng kaarawan ng templo na sa inyo ngayon ay kinukunan ninyo ng malaking pag-aaral sa kalihiman ng katuruan ng Espiritismo?
Mga kapatid ko, iyan ang bautismo sa inyong isipan na kailanman ay bumibigat sa tao ang pang-unawa dahil sa kaliitan ng natutuhan sa kanyang sarili ay ang pananampalataya ay bumibigat at pumipigil.
Sa kalawakan ng katuruan ng simulain ay kinakailangang palawakin ng bawat mananampalataya sapagkat bahagi ng pananampalataya ang mag-ukol ng panahon sapagkat iyan ang hinihingi, maging sa banal na aklat.
Mga kapatid ko, pag-aaral, marami pang kakulangan ng isang Espiritista, marami pa ang nag-aaral na hindi pa nauunawaan ang kanyang tungkulin sa kanyang sinasampalatayanan. Ang katuruang Espiritismo ay hindi maaaring hindi maging pakitang-tao lamang, sapagkat kayo ay nag-aaral hindi sa tao kungdi kayo nag-aaral sa espiritu.
Bagaman ang isang espiritu ay hindi ninyo nadadama, ni hindi ninyo nakikita, datapwat ang mga itinuturo sa pananampalataya ng tao, “mapalad ang ma mananampalataya na hindi nakakakita ng walang pag-aalinlangan kaysa sa makakakita at nag-aalinlangan.
At bagaman at mayroon kayong ganito, ano kayong mga naririto na napalulukob sa katuruang o kalooban ng templong ito? Hinahangad baga ninyo na kayo ay maging mapalad bilang mananampalataya? At kung wala kayo sa mga ganitong mga adhikain papaano kayo magiging isang Espiritista sa buhay ninyo?
Samantalang ang hinihinga ng katuruan ng Espiritismo ay pagliliwanag sa kanyang diwa, sa ibabaw ng lahat ay nagiging sulo ang karunungan upang mangibabaw sa inyong isipan, damdamin at kalooban.
At kung ito ay mg paimbabaw na pananampalataya ay alalahanin ninyo ang inyong mga sagutin; alalahanin ninyo ang inyong mga tungkulin ay ang inyong budhi ay tumututol at sapagkat ang kaluluwa at Espiritu sa lihim ng katuruang Espiritismo ay siyang naghahangad ng pagsulong.
Hangga at siya ay nabubuhay sa laman ay siya ang humahanap ng pagbabago ang laman upang ang kanyang espiritu ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sapagkat katotohanan ang laman ay nabubulok at sumasama sa alabok, datapwat ang Espiritu ang siyang may buhay na walang hanggan. At ito ang pinag-aaralan ng katuruan ng Espiritismo kung kaya nga at dukha at mayaman, sa paningin ng Panginoon kayo ay pantay-pantay.
Sapagkat sa Kanya ay walang mayaman at walang mahirap, kaya nga at kayo ay pinagkalooban sa ibabaw ng lupa kayo ay makapag-iwan ng inyong mga tinatangkilik at manindigan kayo sa inyo ay itinalaga ng pananampalataya ng Panginoon.
Maglinis kayo ng isipan, damdamin at kalooban sapagkat iyan ang tungkulin ng isang Espiritista, sa tuwi-tuwina ay paggawa sa kanyang tipanan upang ang mga Batlaya ay kanyang matawagan, at ang mga hatid na karunungan ay maging isang lagusan sa inyong pagiging Espiritista.
Datapwat ito ay hindi nabubuksan sa inyong isipan at kayo ay mananalig lamang sa inyong karunungan at akala, ay katotohanan nga, papaano ninyo mapatututuhanan ang biyaya ng karunungan ng Espiritismo kung ang tao ay nagpipinid ng kanyang sarili. Kaya ito ay mabubuksan lamang ayon din sa gawa ng isang mananampalataya, susulong at ito ayon din sa pananampalataya at panunuparan ng tao.
Datapwat kung ito ay iaasa lamang ninyo sa bibig at sa mga pananalita na magaganda at pananalumpati at ito ay kulang sa gawa ng malinis ninyong mga budhi, ay gaano nang taon, ilang taon sa kasalukuyan ang templong ito na kinukunan ninyo at sinasaluhan ng bawat isa at pinagkakaisahan sa mga uri ng kahiligan ng tao, datapwat malinis ba sa inyong isipan, damdamin at kalooban.
Mga kapatid ko na napululukob sa pananampalataya sa dakilang simulain ng karunungan ng Espiritismo, isuko ninyo ang inyong pagkakilala, ang inyong isipan, damdamin at kalooban; kung oras ng ganitong tungkulin ay walang sinuman sa inyo ay marunong kungdi ang pantay-pantay na nag-aaral sa dakilang Ama at kung sino ang kanyang hirangin na magkaroon ng biyaya sa panunungkulan o pag-akay sa kanyang kapatid.
Alalahanin ninyo ang inyong sagutin kung bakit ini-atang sa inyo ng Panginoon ang mga bahaging iyan, upang maging lagusang liwanag hindi lamang sa inyo kungdi gayon din sa kapaligiran sapagkat kahina-hinayang ang isang Espiritista na lilisan sa kapatagan na walang nagniningning na liwanag na maipapabahagi sa kanyang mga kapatid.
Mga kapatid ko, ang bawat isa sa inyo ay ang adhikain ay kayo ay makapamahagi at makagawa sapagkat sa inyong pagkaka-unawa kung bakit kayo naging isang matatag at matitibay na mananampalataya ng templo ng katuruan ng Espiritismo, marahil, iyan ang adhikain ng bawat isa sa inyo; datapwat hanapin ninyong lahat kung papaano ito magliliwanag at magniningning hindi lamang sa inyo kungdi gayon din sa inyong mga kapatid at mga kapaligiran.
Kaya nga mga kapatid ko, bilang isang Espiritista, hari nawa ay maliwanag ang inyong pananampalataya, huwag ninyong pairalin ang damdamin ng tao sapagkat ang paghihirap ng panahon ito ay damdamin lamang ng laman.
Datapwat ang paghahanda ng isang Espiritista ay kaligayahan sa kanyang pananampalataya, at kung ito ay hindi pairalin ng isang Espiritista, kahina-hinayang ang inyong tungkulin kung hindi ninyo maipakikilala.
Saan ninyo maipakikilala ang inyong tungkulin? Pagdating sa ganitong karalitaan ay makulimlim baga ang inyong pananampalataya? Hindi na ninyo mapagniningas sa harap ng tao, mga kapatid ko, kayo ay nagkakamali, kayo ay nalalabuan.
Alalahanin ninyo ang isang babaeng bao sa dalawang talento na kanyang ipinaghirap ay ibinigay pa sa Panginoon. Iyan ang karapat-dapat, bunga ng paghihirap, sa kabila ng inyong paghihirap na ginagawa ng inyong pagtatalik ay ipinag-iimpok na ninyo ang mga panahon katulad nito ng Anibersaryo ng Lunduyan ito.
Hindi ba iyan ang kalugod-lugod sa harapan ng Diyos at sa harap ng tao, at gayon din sa templong ito? Bagaman kayo ay isang dukha ay hindi pinahahalagahan ang inyong pagiging dukha kundi kayo ay nagpapakilala pa rin sa kabila ng lahat ng naghihirap at naglilingkod sa pananampalataya alang-alang sa Ama na Siyang sinasampalatayanan ng lahat ng mga Espiritista.
Sapagkat Siya ang Diyos, tungo sa karunungan at pag-ibig, iyan ang Ama na iniibig ng lahat ng mga Espiritista. At kung ito ngayon ay kayo ay nasaan ang iba sa inyo mga kapatid, damahin ninyo ang inyong sarili kundi kayo madidikdik ng inyong pananagutan sa mga sumadali na katulad nito.
Mga kapatid kong nagsisipag-aral, dapat ninyong liwanagin pagdating sa pananampalataya ang inyong sarili. Huwag ninyong panlalabuin sapagkat kayo ay templo ng Panginoon sa kanyang dakilang simulain na siyang magpapakilala ng pangunahin at pagiging batayan ng mga taong nangangailangan ng tulong.
Datapwat kung ito ay inyo pang ililigay ang inyong sarili sa mga bahagi yan ng inyong tungkulin, kailan pa ninyo maaalala ang inyong pananampalataya? Samantalahin ang panahon hangga at dumarating sa inyo ang taon ay walang makapagsasalita ng sasapitin ng bawat isa; sapagkat kayo ay tumatahak ngayon sa mga tahakin na madidilim na kalakaran ng kapatagang ito.
Datapwat sa isang Espiritista, ang lahat ay maliwanag sapagkat ang inyong pananampalataya kailanman ay hindi makapagbibigay nang ikapaghihirap ng inyong kalooban.
Kungdi bagkus, kaya kayo ay naririto ay mayroon kayo ng mga patotoo sa inyong mga sarili kung kaya at inyong binabata at tinitiis ang inyong mga tungkulin at tuparin at ikinagagalak ang mga taong ganito na sumasapit ang kaarawan ng taon na siyang tumatanda at humahaba upang kakunan ng bawat isa ng kalihiman na na-uukol sa inyong kaluluwa o Espiritu.
Iyan ngayon ang daan na sa inyo ay inilalagay ko at inihayag bilang isang propeta. Sana ay palaging lilinisin ang inyong isipan, damdamin at kalooban. At sapagkat kayo ay naging isang Espiritista, nangangahulugan kayo ay nasa pagbabagong buhay.
Nasa paggawa kayo sapagkat kayo ay mayroon nang sinasampalatayanan at kinikilala kung kaya at bawat isa sa inyo ay alalahanin ang inyong tungkulin at pananagutan ay huwag ninyong ilalagay sa laman ng bawat isa bilang mananampalataya.
Kung hindi ang panlaman ay ika-anim na araw, at ang ika pito ay para sa Diyos naman. Tungkulin ng isang Espiritista na mayroon ng pananagutan na siya ay makapaglingkod sa ikapitong araw sapagkat hindi tao ang sa inyo ay naghalal kungdi ang inyong Espiritu na siyang may sumpa sa harap ng Ama, purihin ang Kanyang pangalan.
At sana ay maghari sa bawat isa at nang ang kagulumihanan ay hindi manaig sa isang Espiritista, ang mga pagnanasa ay hindi dapat manatili at ang mga pag-iimbot ay hindi dapat maghari ka kanyang kalooban. Sapagkat kayo ay iisa sa harap ng Panginoon, may kani-kaniyang tungkulin sa Espiritu at katotohanan.
Datapwat ang katotohanan ay kailangan kayo ay magsipaglingkod ng bukal sa inyong mga puso at wala kayong aantaying ganti sapagkat ang ganti ninyo ay naruroon sa Ama, purihin ang Kanyang pangalan. Iyan ang isang Espiritista, na siya ay maglilingkod nang walang hihintaying ganti.
Huwag ninyong pagaspangin at bigyan kalagayan ang inyong sarili sa katuruan ng Espiritismo na pina-iiral ng dakilang simulaing ito. Pilit na isuko ninyo ang inyong sarili kailanman at gumagaspang na, ang inyong pagsusuri ay ipailalim ninyo upang huwag bumigat ang inyong tungkulin sapagkat kayo ay ga Espiritista na mayroon ng Lema; ang lahat nang sa inyo ay ipinatutupad sa dakilang simulain ng katuruang ito.
Kaya at kayo ay magpapakahirap ng walang anumang ganti na mag-aangat o magnanasa kung hindi bagkus ialay ninyo sa Dakilang Ama ang inyong sarili at katauhan upang ang biyaya na kinukuha ninyo sa kanya ay manalaytay sa inyong puso, isipan, damdamin at kalooban.
Upang kayo ay makatulong sa sangkatauhan sapagkat iyan ang katuruan ng Espiritismo, sa ibabaw ng lahat ay paggawa at paggawa ng isang Espiritista. At kung ito ay hindi ninyo maaaring pairalin, ano pa kayong mananampalataya sa harap ng Diyos at sa harap ng lunduyang ito?
Kaya mga kapatid kong nagsisipag-aral, magkaroon sana kayo ng malinis na hangarin at tungkulin upang magningning at hindi mangulimlim ang templo, upang kayo ay siyang pagbubuhatan ng kaningningan ng lunduyan ng dakilang simulain sa harap ng Diyos at sa harap ng tao.
Dapat ninyong malaman kung sino kayo na ngayon ay naririto at nagtotoo kung kayo ay Kanyang iniibig, kung kaya kayo naman ay umiibig sa Kanya. Alalahanin ninyo ang mga sandaling katulad nito, ano sa isang mananampalataya ang kadakilaan ng biyaya na sa inyo ay pinasisibol at pina-uunlad sa inyong kahilingan.
Datapwat kung ito ay tiklop sa inyo ang mga bagay na iyan at hindi ninyo maihayag sa inyo-inyong sarili, ano ang sasabihin sa inyo ng Dakilang Panginoon? Sasabihin sa iyo ng Panginoon; “Ang sinoman sa akin ay ikinahihiya, ay siya man ay ikahihiya ko sa aking Amang nasa langit. At kung hindi ninyo iniibig ang inyong mga kapatid, ay hindi ko rin kayo iibigin ng aking Amang nasa langit.”
Kaya mga kapatid ko na ngayon ay napapaloob sa pananagutan ng kalakaran ng Espiritismo, kailanman ay hindi maaaring mangibabaw ang sa tao sapagkat alalahanin ninyo na ang nagtuturo ay Espiritu at hindi ng tao. Dapat kayong maghanda at sanggunihin ang mga batlaya nasa sa inyo ay tumutulong.
Datapwat kung hindi ninyo nau-unawaan kung paano ang pagsangguni, ang kabigatan ng pananampalataya sa inyo ay sadyang malayo at maghihirap kayo bago ninyo masumpungan bilang isang Espiritista.
Kaya marami ang Espiritista na bumabagal at hindi sumusulong, ang sangguni sa mga Espiritu ay kailanman ay hindi mapaginterisan na hanapin at saliksikin sa kanilang mga pananahimik.
Sapagkat katotohanang mabigat manuparan ang isang Espiritista sa pagdadala ng kanyang tungkulin kung hindi niya nalalaman ang kaunawaan at kabatiran ng kanyang sinasampalatayanan.
Datapwat ang isang Espiritista ay nagtotoo at nananampalatayang buhay ay nalalaman niyang lahat ang mga kaparaanan na dapat niyang gawin sa kanyang pinananampalatayanan.
Sapagkat alin ang lumalaki sa isang Espiritistang nagtototoo? Ang lumalaki sa inyo ay ang pananampalataya ninyo kaya nagpapalakas sa inyong katawan, nagpapasigla, limiliksi at nakapagbibigay sa kanyang kapwa ng iba't ibang mga pananalita na naayon sa batas ng katuruan ng Espiritismo.
Sapagkat ang pananampalataya ninyo ay mula pa sa Ama kung kaya at nasisiyasat niya ang inyong ginagawa, kung kaya at mananatili at nawawalan kayo ng kagulumihanan sapagkat ini-aambil ninyo ang lahat ng pananampalataya sa inyo ay gomugobiyerno kung kaya nga at kayo ay hindi nagpapaliban ng pananampalataya sa oras ng mga tungkuling ganito.
Mga kapatid ko na nagsisipag-aral, sadyang ang laman ay mahina at marupok sa kanyang kalagayan, datapwat ang matibay na pananampalataya ng tao ay hindi nagbibigay ng kahinaan, hindi nagdudulot ng karupukan sapagkat ipinag-aadya kayo sa lahat ng pagkakataon.
Kung dumarating ang panghihina ng laman ng tao sa kanyang kalagayan, lumalakas ang pananampalataya ninyo sapagkat naghahari sa bawat isa upang ipakilala sa Ama ang kanyang paninindigan.
Kaya at mapapalad kayong mananampalataya kung paninindigan ninyo ang inyong sarili sapagkat kayo ay pinagkalooban ng Ama, hindi lamang sa isang taon kung hindi habang dumarating ang taon.
At kayo ay gumagawa ay palaging ang taong ito, ay makapagsasabi sa inyo ng iba't-ibang uri ng inyong gawain sapagkat ang taon ng inyong pagkakaunawa ay lumiliwanag ang taon sa buhay ng tao sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya.
Iyan ngayon ang iiwan ko sa bawat isa at inaasahan ko na maghari sa inyo ang kapayapaan, pag-iibigan ng lahat at bawa't isa at lalo na sa mga taong darating ay maipadama sa inyo ng Ama ang kaarawan ng taon na nagliliwanag sa inyong isipan, damdamin at kalooban.
Maghari ang biyaya ng dakilang Ama ngayon at magpakailanman; sa panglan ng Ama, sa pangalan ng Anak, sa kapangyarihan ng Diyos Espiritu Santo. Paalam, Juan Bautista.
1969-10-08
Magandang gabi po mga kapatid, sa pangalan ng Ama at ng Anak, ako ay sumasainyo at ninanasa kong ako makatulong sa bawat isang naghahangad ng kanyang mga kahinlog ngunit makakapos kayo sa panahon na kinakailangang kayo mamahinga kaya ang kanilang mga daraanan sapagkat wala ng panahon na sila ating pagbigyan.
Kaya nga, mga kapatid, ang aking ihahabilin sa inyon kung sakali dumating na ang araw na pangangailangan na kayo ng inyong mga hinlog, sana ay huwag kayong makalimot sa inyong pagdalo sa ganitong pagkakataon.
Sapagkat sadyang ang inyong mga hinlog nangangailangan kayong makipagdaupang-diwa kaya lamang wala ng panahon at kinakailangan nang lahat at bawat isa sa inyo ay mamahinga.
Kaya hanggang dito ako at ninanasa ko na kayo ay magkaroon ng lakas ng loob na muling magbalik sa ganganitong mga pagkakataon upang kung sakali ang inyong mga hinlog ay mbigyan ng isang pakultad ng sa kanila ay nangangalaga ay makapagpa-abot sa inyo ng mga katagang kinakailangang wikain, bakit kaya ang aking mga hinlog ay hindi makarating. Naririto sila mga kapatid at hindi nawawalay sa kabatlayan ngunit wala ng panahon para sa kanila at kinakailangan nga ang pamamahinga.
Hanggang diyan at pagpalain tayo ng Poong Maykapal, ngayon at magpakailanman. Ang inyong kapatid, Juan Bautista.

Comments
Post a Comment