2023-07-01, Rebecca
“Habag ang ibig ko at hindi ang hain.”
Maghari sa lahat at bawat isa ang liwanag ng Espiritu Santo ngayon at sa magpasawalang hanggan.
Anoman ang uri na isasagawa ng bawat tao na may kinalaman sa kanyang pananalig, pananalig at pagmamahal sa Diyos ay kapwa nagiging mahalaga ang haing mang ito ay maging ukol sa materyal nakapaloob pa rin ang pananalig at pag-ibig na tao sapagkat ito ay ini-uukol niya sa kanyang kinilalang sa kanya ay nagbigay ng buhay.
Kaya nga, sa Unang Tipan o sa Lumang Tipan, isang mahalaga at dakila na pagpapatotoo ng pagsamba sa Diyos ay ang pag-aalay ng mga bagay na susunugin tulad ng hayop, nasusunod na naroroon ang inilalarawan ay ang kakayahan at kaantasan bilang unang baitang upan makaalis sa kamangmangan.
Datapwa’t ang habag ay kaalinsabay na tinataglay at kanyang dinadala ngunit ito ay kulang upang maunawaan ang lalim ng pagsamba sa Diyos. Kaya nga, ang pagpapatotoo at pagbubukas ay ginawang bahagi ang larawan ng isang Ama at ng isang anak na ang hain, na hinihingi ay ihandog ang kanyang anak upang sunugin.
Hindi ba naririto ang pagpapatotoo ang pag-ibig sa anak at ang pag-ibig sa Diyos, kung isang uri ng habag na kinakailangang ibigay ng puso, pinili para sa Diyos at kanyang kaalamang kailangan niyang maghain sapagkat iyon ay magiging patotoo na siya ay sumasamba sa Diyos, nananalig sa Diyos.
Kaya nga at isinaisang-tabi ang awa at pag-ibig na kinakailangang manatili o mamaibabaw sa kanyang anak at ito ay kanyang tinanggap ng buong-buo na kanyang ihahain sapagkat hinihingi ng Diyos.
Pagkakaiba ng hain sa habag
Iyon ang pasimula upang bigyan ng pagkakaiba ang hain at habag, kaya nga, sa bandang huli hindi baga nangusap ang Diyos, ‘Ito ang inyong ihain para sa akin at mayroon ng hayop na sa kanya ay ipinatanaw upang iyon ang kanyang ihain. Hindi ba naririyan ang pagmumulat upang maunawaan ng tao, ano ba ang halaga, ano ba ang pagkakaiba ng hain na mayroon ng habag ng habag na wala ng hain ukol sa materyal na kanyang ibibigay.
Kaya nga at kapupunan inilagay at inilarawan sa bagong tipan sa panahon ng Panginoon na nangusap, “habag ang ibig ko at hindi ang hain,” ngunit kapwa ito ibibigay ng tao, ang habag ay kapwa magaganap at ipagkakaloob ng bawat isang nanampalataya na may Diyos at may Panginoon na sa kanila ay gumagabay.
Ano lamang ibig mabuksan na sa pagkakaloob ng tao, ibigay ng buong-puso, ibigay ng may pagkaunawa sa iisang katotohanan, ibigay ng may pagkaunawa sa isang katotohanan, ibigay ng may paggalang at buong katapatan.
Kaya nga sampu (10), may kabuuan na kung inyo ngayong taanawin naroroon ang pasimula at pag-antas ng tao upang maunawaan ang katotohanan ng tunay na buhay. Ang isa (1) at ang bilog (0), o ang kawalan na sa pamamagitan ng 0 hindi ba ang ipinakikita ay ang kawalan?
Ang diwa ng Sero (0)
Ang kawalan ang simula ng lahat ng bagay, ang kawalan ay simula ng pagsulong, ang kawalan ay magiging pasimula ng pag-unlad, ang kawalan ay magiging pasimula ng pagpupunyagi ng tao upang siya ay maganap sa kanyang sarili, at ang kawalang ito naroroon ang gabay ng isa (1).
Ang diwa ng Isa (1)
At iyan ang sagisag ng Dios, buo Perpekto sa kanyang kahayagan na kung saan sa pagkakaloob ng tao ibibigay ang lahat ngunit hindi ibinibigay na ang dala at kahayagan ay kamangmangan sa kanyang pagka-unawa sapagkat ang kamangmangan sa kanyang pagka-unawa.
Kamangmangan sa pagka-unawa at layunin
Sapagkat ang kamangmangan sa kanyang pagka-unawa, ang hain na ihahandog, nagbibigay ng dahil mayroon ng dala-dala sa kanyang sarili ang ibig na ipakita ay pagbabalatkayo, pagpapaimbabaw, panlilinlang na kaya ibinigay ay upang siya ay purihin, upang matamo ang karangalan, upang siya ay kilalaning mabuti at matuwid datapwat ang puso ay kulang sa tunay na katapatan at pag-ibig para ihandog sa iisang Dios.
Kaya nga, ano ang larawang ibinigay na kaugnay ng habag ang wika, “sa isa na naroroon, nananalangin at nakaharap sa dambana na ang atas na kung ikaw ay may kaalit at kaaway, iiwan mo ang dambana at ikaw ay makipagkasundo sa iyong kaalit.”
Mayroong pagkaunawa ng mabuting pagsasagawa ngunit hindi sapat
Iyan ang habag at iyan din ang hain na kung saan ang bawat isa ay patotoo na mayroon siya ng pagkaunawa sa mabuting pagsasagawa, ngunit, may kulang na hindi magiging sapat na ito ay isipin, adhikain lamang ng tao ngunit kulang sa tunay na paggawa.
Hinahangad at minimithing siya ay makaganap, siya ay makapaglingkod, siya ay makapagkawanggawa ngunit hindi iniibig na mabawasan ang yaman na kanyang tinagtaglay. Hindi iniibig na magkulang ang kanyang pinaghirapang yaman na dahil dito hindi baga doon din inihayag at ibinigay ang pagmumulat sa isang binatang mayaman na nag-iibig na makaparoon sa kaharian ng Dios.
Na, ang wika, “kung ibig mo na marating at makapunta sa kaharian ng Dios, ipagbili mo ang lahat ng iyong yaman at ipamahagi mo sa dukha.” Naroroon ngayon ang pagpapa-unawa; magbigay ka, gumaganap ka, ibinibigay mo ang iyong kakayahan ukol sa materyal na bagay.
Mga bahagi ng tunay na pag-ibig
Ngunit hindi dapat kaligtaan na sa paghahandog nito, naroroon pa rin ang bahagi ng tunay na pag-ibig na lumilingap sa lahat ng nalulugmok, lumilingap sa lahat ng naliligaw, sa lahat ng naliligaw, lumilingap sa lahat ng nangangailangang buksan at handugan ng liwanag.
Ang diwa ng ikapu o ikasampu
Ngunit ang pangangailangan ng liwanag ay maging buo sa inyong kabuuan kaya nga ibigay mo ang 10 o ikasampu sapagkat ibibigay mo nang buong-puso na naroroon dala mo ang kaalaman bakit ka nagbibigay, batid mo ang kaunawaang bakit mo nilalayong magbigay, magkawanggawa at maglingkod.
Nalalaman mo kung ano ang dapat na maging hantungan ng lahat ng ito sapagkat sa pagbibigay mo naroroon ang hain at kung nauunawaan mo ang tunay na layunin at katotohanang nakapaloob sa haing ibibignay, naroroon ang habag na nangungunang habag.
Sapagkat kung wala ng pag-ibig ang tao, hindi siya makapagbibigay kung ano ang bahagi na nasasa kanya. Kaya nga, sa ganitong kahayagan naririyan nag-aaral kayo ng ukol sa kabanalan, nag-aaral kayo ng ukol sa pagpapakabuti, nag-aaral kayo ukol sa pagpapakalinis at pagpapakawagas.
At sa inyong pag-aaral naroroon ang layunin na maihayag at mailapit sa inyong buhay ang bawat inyong natutuhan, samakatwid ang mithiin ninyong mailapat sa inyong buhay ang inyong natutuhang hain.
Ang paghahandog ay di lamang dahil sa iniatas, kungdi dahil ang tao ay anak ng Dios
Paano ninyo ikakambal at ikakabit ang habag na ito ay gagawin ninyo hindi dahil lamang sa inyo ay iniaatas at isang kautusan. Sapagkat ikaw ay nag-aaral, kungdi, nauunawaan mo na ito, kaya mo ginagawa ay sapagkat ikaw ay anak ng Dios, kalarawan at kawangi ng Dios at nababatid mong iyan ang pangangailangan sa pagpapakadalisay at pagpapakawagas.
Sapagkat naroroon ang kautusan, “Anomang inyong gawin sa inyong kapwa,” ang wika, “ay ginawa mo sa akin, at ang ginawa mo sa akin ay ginawa mo na sa aking Ama na nagsugo sa akin.”
Iyan ang kabuuan, iyan ang ika-10 na bahagi na kinakailangang maunawaan ng tao na sa pagbibigay ng hain iaalinsabay at mangunguna ang pag-ibig sapagkat nauunawaang iyon ang karapat-dapat na iyong isagawa.
Ang tunay na paghahandog sa kapwa at sa Dios
Sapagkat naroroon ang iisang kautusan, ang pag-ibig na ihahandog mo sa iyong kapwa at iyan man ay naging kahingian ng Dios na katumbas ng hinihingi ng Panginoon na nangungusap, “sambahain ninyo ako sa pagka-Espirito at katotohanan.”
Kinakailangang kasama ang puso sa bawat pagsasagawa ng tao
Ang pinakamababaw na ipinakita, ang Ama at Anak, ang pagsasagawa ng tao ay hindi nararapat na malakipan ng pagpapaimbabaw, ng pagkukunwari, ng panlilinlang, ng pandaraya sapagkat naririyan ang ibubunga at larawang ikinikintal, hindi kasama ang puso sa bawat isinasagawa ng tao.
Kaya at ang kasulatan din ang nagbigay ng larawan at siyang nangusap, “laging nasasa inyo ang mga dukha at nangangailangan ngunit wala ang inyong puso sa akin.” Hindi ba iyan ang mga bahagi ng patotoo kung bakit hiningi ng Panginoon habag ang kailangang Niya at hindi ang hain.
Sapagkat ang pagbibigay ng kanyang buhay, pagbibigay ng kanyang lakas, pagbibigay ng kanyang kaunawaan, pagbibigay ng kanyang kapangyarihan upang ang pinakamatuwid na kanyang natututuhan ang siya ngayong magawa at hindi ang mga bahagi na mayroon, uulitin ko, ng pag-iimbot, ng pagpapaimbabaw, na kapalaluan, ng panlilinlang.
Sapagkat kung ito man ay bahagi ng isang galaw hindi ba naroroon din ang pangungusap, “ibinibigay at inihahayag ang liwanag ngunit kaliwanagan nga baga ang kanyang tinataglay o ang liwanag ay kadiliman, at nagiging kadiliman.”
Ang pag-aaral ay pag-unawa; pagbibigay malay, pagkilala, pagbubukas sa sarili
Ito ang akin sa inyo ay inihahalayhay ay upang madama ngayon ninyo ang pag-aaral ay pag-unawa; pagbibigay ng malay sa kanyang sarili, ang pag-aaral ay pagbubukas sa kanyang sarili, ang pag-aaral ay pagkilala sa kanyang sarili, ang pag-aaral ay pagbibigay buhay sa lahat ng mga aralin na karapat-dapat na kanyang isagawa sapagkat ito ang habag at kung hindi ito nagagawa, naroroon ibinibigay ang hain sapagkat walang palya sa pag-aaral.
Kailanman ay hindi kinaliligtaan ang makakinig ng aralin ng mga tunay na buhay ngunit sa pagdinig na ito walang kamay na naglalahad upang makagawa, walang paang humahakbang upang marating ang dapat niyang kapagkawanggawaan.
Walang pag-iisip na nagbubuo upang humapit ng malinis na lakas na ibibigay at ibabahagi sa lahat ng nagkukulang walang puong ipinagkakaloob upang ipadama ang kanyang habag lahit sa pamamagitan ng isang panalangin na kung may nakikitang mayroon ng nagkukulang naroroon sa kanyang sarili.
Nananalangin, “Ama loobin mo po na mabuksan ang diwa ng taong ito upang maunawaan niya, kung ano siya bilang anak ng Dios.” Iyan ang habag at hain na magkasama na ibinibigay ng isang may mulat na kaisipan at may mulat na kamalayan upang maunawaan ang buhay ay kinakailangang malasap niya ang katas na ito.
Kailangang madama ang liwanag na ibinibigay ng buhay at kung paano ito pamamahalaan
Ang buhay na sa kanya ay ibinigay ay kinakailangan madama niya ang liwanag na ibinibigay nito. Ang buhay na sa kanya ay ipinahiram ay kinakailangan na maunawaan niya kung paano pamamahalaan ito upang ang tunguhin iisa ang pag-ibig at karunungan na siyang sa kanya ay magdadala sa kaharian ng Dios.
Mayaman ang aralin ng tunay na buhay, ang aralin ayon sa Espirito
Dahil diyan, madadama ngayon ninyo kung gaano kayaman ang aralin ng tunay na buhay, madama ngayon ninyo kung gaano kayo pasasagain ng iyong pag-aaral. Madadama ninyo at mauunawaan ninyo kung papaano kayo sa araw-araw ay pinupunuan ang inyong kaban ng yaman ng kaluwalhatian.
Upang sa pamamagitan nito ang laging maghari ay ang busilak na pag-ibig sa kanyang puso na kapag ngayon ay kanyang isinabuhay katulad ng Dios kapag ipinalaganap ang araw at sikat ng araw ang lahat, masama man o mabuti kapwa binibigyan, kapwa pinagkakalooban.
Kapag ibinigay ang ulan, lahat ay nagtatamo nito, maging ang tuyong lupa, ang bitak na lupa ay nagkakaroon nito at maging naroroon man ang lupa ay sagana may ulan pa ring tinatanggap upang manatili na siya ay sariwa at maging karapat dapat upang maging matabang lupa na siyang tatamnan at magbubunga ng sagana.
Dakila ang pag-ibig kapag inihahandog sa kanyang kaibigan
Iyan ang kahalagahan at kadakilaan ng bawat pangungusap na sa inyo ngayon ay inihayag sapagkat naroroon iisa ang ipinadadama, iisa ang inilalarawan, iisa ang ipinatatanaw nagiging dakila ang pag-ibig kapag ito ay ihahandog alang-alang sa kanyang kaibigan.
Hanggang dito ako at damhin ngayon ninyo kung gaano ang liwanag na sa inyo ay naka-abot upang madama rin ninyo kung gaano na kayang sambitin ng inyong pag-iisip upang ang liwanag ay magsilbing buhay na gigising sa bawat sistema at organo ng inyong katawan upang ang kanyang igagalaw at kanyang ihahantad ay iisang ganapin, iisang tungkulin, iisang tuparin, masunod ang Kanyang kalooban. Sapagkat ang paghahabilin ay naririyan din at ibinigay, “Ama sa mga kamay mo inihahabilin ko ang aking Espirito.”
Muli maghari sa lahat at bawat isa ang liwanag ng Espirito Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Raphael, paalam.
Centro Luwalahti ng Dios sa Kataastaasan
Rebecca Dungo
Comments
Post a Comment