2023-07-01, Rebecca

Habag ang ibig ko at hindi ang hain.”

Tanggapin ninyo ang masaganang biyaya ng Dakilang Ama, sumainyo ang walang hanggan liwanag, kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan.

Mga iniibig na aking mga kapatid, mula sa pinakahamak na alabok na inaakala ng tao’y walang kahalagahan, ang tao, ang alabok na ito’y binigyan ng buhay at pinahayo ng Amang Makapangyarihan.

Dahil sa Kanyang walang hanggan karunungan ay ibinahagi ito sa tao na Kanyang binigyan ng buhay. Ang walang hanggan pag-ibig ay kaalakbay nito na kanyang ibinigay upang ito ay kanyang magamit sa kanyang paglalakabay.

At dahil dito, aking iniibig na mga kapatid, tinatanong ng tao, bakit nagaganap ang isang hamak at ang isang makapangyarihan ay totoong damhing di naararapat magkasama sa kanyang kabuuan.

Kayo na mag-aaral sa paturuan ng buhay at alam ninyo ang kasagutan, “patungo sa Dios sa pamamagitan ng karunungan at pag-ibig.” Samakatwid baga, at kung nananaig sa inyo ang karunungan at pag-ibig hindi na magaganap at mangyayaring gawin ninyo ang hindi nararapat at karapat-dapat.

Subalit bakit ito nagaganap sa isang kalagayan na ang mga bagay na dapat iwasan ay kanya ring naisasagawa at naisasakatuparan? Samakatwid baga, aking mga iniibig, ito ay hindi masasabing walang kabuluhan at walang kapakinabangan.

Subalit ang lahat ng iyan ay nagdudulot ng mga kaalaman sa baitang ng pag-aaral, sa baitang ng pagsulong at kaunlaran ng tao, kanya itong dadamhin sa kanyang buhay.

Samakatwid baga, aking mga iniibig, ang lahat ay nagaganap at magaganap, at ginaganap ng tao ay pawang sa ika-uunlad at ikasusulong ng kanyang kabuuan. Kung paano, sa paaralan ng Espiritismo, inyong matutunghayan, “patungo sa Dios sa pamamagitan ng karunungan at pag-ibig.”

Samakatwid baga, aking mga kapatid, bilang tao pinagkalooban ng buhay ng Ama muli sa hamak ng inaakalang alabok magiging karapat-dapat kayo sa Dakilang Ama at Panginoon kung ang karunungan at pag-ibig na inaakala ninyong magiging gabay upang kayo ay maging totoo at maging karapat-dapat sadyang katotohanan ito.

Subalit, kailangan ninyong masuri, makilala, mapag-aralan ang lahat ng mga bagay ay upang maunawaan ninyo ang kahalagahan ng inyong mga pinagmulan. Samakatwid baga, aking mga iniibig na kapatid, patuloy ang tao sa pagsasaliksik at pag-aaral.

Marami siyang natutuhan at nababatid na pawang nagdudulot sa kanya ng ika-aantas ng kanyang katauhan. Subalit ang lahat kayang ito ay magiging marapat ay karapat-dapat?

Oo. sapagkat ito ay baitang na ikasusulong ng kanyang katauhan patungo sa kabanalan hanggat hindi nauunawaan ang mga bagay-bagay sa kanyang kinaroroonan ay hindi niya malalaman kung ito ay para saan, at kung ano ang idinudulot nito sa sangkatauhan.

Dahil diyan, aking mga iniibig na mga kapatid, sa paturuan ng Espiritismo sinasabi, “ang kamangmangan at maling paniniwala ng tao ang naghahatid sa kanya sa mga bagay na di karapat-dapat,” kung hindi niya mararamdaman ang mga kamangmangang ito ay hindi siya magiging matalinong mag-aaral sa kanyang katauhan.

Hindi siya maghahatid ng mga bagay na ina-akal niyang makabubuti sa ika-aantas ng kanyang sarili. Sa bahaging ito aking mga kapatid, marami man kayong kaalaman, batid man ninyong sabihin ang lahat ng mga bagay ay masumpungan at napag-aralan.

Kung ang mga bagay na ito ay hindi ninyo binigyan ng tunay na kahalagahan sa inyong mga buhay, hindi pa rin masasabi kung kayo ay natuto at nagkaroon ng kapakinabangan.

Kaya nga, aking mga iniibig, mula sa pinakahamak na alabok na pinagkalooban ng buhay ng Dakilang Ama, binigyan siya ng kalayaang humayo sa sanlibutan at ang paghayo niya sa sanlibutang ito ay doon siya natatak.

Doon niya naunawaan, doon niya nabatid na ang tao pala ay magiging marapat lamang at karapat-dapat kung maunawaan niya at malaman ang lahat na mga bagay na kanyang narating ay pawang sa ikasusulong at ikaa-uunlad ng kanyang kabuuan.

Kaya nga, aking mga iniibig, sinsabing, “Huwag kayong humatol upang ikaw ay huwag hatulan.” Huwag mong gawin ang mga bagay na hindi karapat-dapat upang hindi mo madama ang lahat ng ito na iyong ikatututo at ika-uunlad.

Subalit dahil sa katigasan ng kalaaman at kaunawaan ng tao at pagnanasa.Pagnanasa niyang unawaan ang lahat ng mga bagay, ang lahat ng bawal, ang lahat ng hindi karapat-dapat na kanyang isinasagawa at kanyang isinasaalang-alang, sasabihin ng isang tao, ito ay hindi nararapat at hindi makakabuti.

Subalit kung hindi niya mararanasan ang ibubunga ng kanyang mga mga pagkakamali at mga pagkukulang, hindi niya mababatid na ito ay hindi nararapat na kanyang isagawa at isakatuparan.

Ang tao na isang matalino at mapagsuri at mapag-aral, hinahanap niya ang ang kaparaanang siyang ikasusulong ng kanyang katauhan at bilang mga mag-aaral at nakasumpong sa paaralan ng katotohanan ang una ninyong binabaka yaong kamangmangang sumasainyo at naghahatid sa inyo ng mga bagay na inyong ipinagdurusa.

Bakahin ang kamangmangan at ang maling paniniwala. Ito ay nasasaad sa paaralan ng Espiritismo, subalit ito baga ay napapansin ninyo at nagkakaroon kayo ng katanungan.

Paano ko mababaka ang kamangmangan at maling kapaniwalaan?

Hanggat hindi ninyo sinusuri na ang inyong mga ginagawa ay nakakasama at nakapagdudulot na hindi karapat-dapat, hindi ninyo malalaman na kayo ay nakagagawa ng mga kamangmangan at maling paniniwala.

Samakatwid baga, ay mayroon naituro sa inyo ang mga bagay na iyan. Mayroon kayong nasumpungang kaalaman upang makaiwas sa mga bagay na inyong ikapagkakasala at tinatawag na kasalanan, ang makagawa kayo ng mga bagay na ikabubuti ng inyong pagkatao ay nagawa ninyo ang mga bagay na ito sa inyong kapwa-tao.

Paano magaganap ang lahat ng ito sa inyong katauhan aking mga iniibig?

Malibang maunawaan ninyo, kayo ay nagkaroon ng buhay hindi upang angkinin ang buhay na ito na kungdi ninyo maipaglingkod at maging karapat-dapat at masasabi lamang kayo ay naglilingkod at nagiging karapat-dapat kailan pa man na gagampanan ninyo ang inyong mga tungkulin na kayo ay kawangis at kalarawan ng dakilang Ama.

Nagaganap, pagka ang lahat ng ito sa isang tao at hindi niya ibig, tahasan kong sinasabi sa lahat at bawat isa hindi ninyo nagampanan ang bahaging ito sapagkat patuloy kayong bumibitaw at nakakagawa ng pagkukulang at mga pagkakasala.

Humahatol kayo sa lahat ng inyong namamasid na inaakala ninyong pakukulang at pagkakamali sa inyong mga kapwa. Kung sumasainyo ang tunay na karunungan at pag-ibig hindi ninyo gagawing humatol at gumawa ng mga bagay na ikasasakit pa ng damdamin ng sino pa man.

Kungdi, habag na iiral sa inyong kaisipan damdamin at kalooban sapgkat siya ay hindi pa namumula sa isang katotohanan na siya ay may tungkulin bilang kawangis at kalarawan ng sa kanya ay nagkaloob ng buhay.

Paano masasabi ng tao kung siya ay kawangis at kalarawan ng Diyos?

Kailan pa man kung ang karunungan at pag-ibig ay hindi niya nagagampanan sa kanyang buhay, kailan pa man ang pag-ibig na iyan ay nakasikil at nakatago sa kanyang lukbutan, kailan pa man ang karunungan ay hindi pa niya isinasa alang-alang sa kanyang sarili sapagkat naroon pa ang kanyang paghatol sa mga bagay na kanyang nakikita; kamalian at mga bagay na pagkukulang ng kanyang kapwa.

Madaling magsalita at mangusap ng mga bagay-bagay subalit ang pinakamahirap ay maunawaan niya ang kanyang sarili ang may bahagi ng kakulangan. Mahirap tanggapin ng tao na siya ay kawangis at kalarawan ng Diyos sapagkat siya man sa kanyang sarili ay hindi niya ganap na napagkikilala na ang karunungan at pag-ibig ay nasa kanya pang kabuuan.

Paano masasabi ng tao na nasasa kanya ang karunungan at pag-ibig?

Kung nasa kanya pa ang paghatol at sa mga bagay na kanyang nakikitang mga pagkukulang at may pagkakamali, masasabi lamang niya siya ay kawangis at kalarawan ng dakilang Ama.

Kailan pa man at ang habag, ang pang-unawa at pagiging makatarungan ng tao ang umiral na siyang magawa sa kanyang buhay ay doon pa lamang niya masasabing gumitaw na ang bahagi ng pagiging tao sa kanyang kabuuan.

Tao templo ng Omega, Omega na walang hanggan karunungan at pag-ibig. Ito baga ay inyong nasusuri at napag-aaralan bilang mga mag-aaral? Sa lahat baga ng pagkakataong hindi na kayo nakahahatol at nakasusukat sa mga nakikita ninyong pagkakamali ng inyong mga kapwa?

Imbes na ang habag ang umiral sa inyong mga kalooban at damdamin at maghatid ito ng kaalaman at upang ito ay makapgbukas sa kanila ng kaunawaan. Aking mga iniibig, suriin ninyo at pag-aralan ang inyong sarili kung kayo nga ay masasabing kalarawan at kawangis ng dakilang Ama.

Kung ang mga paghatol at mga pag-uusig ay hindi na ninyo isasagawa, kung ang mga bagay na karapat-dapat na inyong nakikita nagagawa na ng inyong kapwa ay natutuhan na ninyong pahalagahan at tanggapin ang lahat ng ito sa inyong mga buhay, masasabing kayo na nga, kayo ay isang nabuksan ng kaalaman tungo sa kabutihan at kabatiran.

Sapagkat hangga’t hindi pa ninyo masasabi kayo ay kawangis ng ating dakilang Panginoon, sapagkat ang kawangis at kalarawan ng ating dakilang Panginoon angkin Niya ang walang hanggang karunungan at pag-ibig sa lahat ng sandali Kanyang pinagaganap at pinalalaganap ito.

Wala na sa kanya ang paghatol, wala na sa kanya ang pagnanasa na siya ay kilanlin at purihin sapagkat siya ang higit sa lahat ang nakababatid kung sino ang karapat-dapat sa kanyang kabuuan.

Samakatwid baga, aking mga kapatid, masasabi lamang ang tao ay namulat sa katotohanang kung lahat ng kababaan ay hindi na niya isinasagawa at isinasakatuparan.

Kung ang lahat ng inaakala niyang mabuti kanyang pinagsusumikapang gampanan sa kanyang sarili ay doon pa lamang masasabing tunay siyang natututo at nagkakaroon ng kaganapan bilang isang mag-aaral sa paturuan ng buhay, bakahin ang kamangmangan at maling paniniwala.

Paano ninyong masasabing kayo nga ay naroon na?

Na, nagsusumikap na mabata ang lahat ng uri ng kamangmangan at maling kapaniwalaan kung patuloy kayong nakakakita pa ng mga kapangitan at mga pagkakamali ng inyong paligid ay hindi pa ninyo masasabinnb nasa inyo ang karunungan at pag-ibig at ang ating dakilang Ama.

Ganyan ko kayo hinahalina, aking mga kapatid, bilang mag-aaral, ganyan ko ninanasang tanggapin sa inyong sarili na hindi kayo narito upang kayo ay maging panginoon sa inyong mga kapatid na nag-aaral at naghahanap ng katotohanan, kungdi, malalaman lamang na kayo ay kaisa, kamanggagawa.

Kung ang pag-ibig at pang-unawa ang inyong isasagawa ngayon at magpasa walang hanggan. Ito ang sa inyo ay maihahandog at ibibigay sa bawat kagulumihanan ng pag-aaral ngayon at magsawalang hanggan.

Hanggang dito ako, sumainyong muli ang walang hanggang kapayapaan, liwanag ng katotohanan ang sa inyo ay manatili sa lahat ng sandali ngayon at magpasawalang hanggan.

Ang inyong kapatid sa dakilang Ama at Panginoon, Arkanghel Miguel, paalam.

Centro Lualhati sa Dios sa Kataastaasan

Gloria Santiago

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia