2022, Rebecca, Koleksyon-Apostol Pablo, Sikograpiya

 

 

 

 

 

 

2022-05-29 APO PAB-RAD

Sumainyong lahat ang biyaya ngayon at hanggang sa wakas.

Inyo bang matatanggap na ang buhay ay puno ng pagpapasya? Na, sa bawat nilakaran at patuloy na nilakaran ay laging may pagpapasyang kailangang gawin sapagkat may landas na hindi maaarimg hindi tahakin.

At sa landas na ito'y laging dalawa ang kanyang nagiging kahayagan sapagkat iyan ang kaganapan ng buhay. Kaya at ang wika ng kasulatan, “itinatanim na may kasiraan; binubuhay na mag-uli na walang kasiraan; (1 Cor 15:42) itinatanim na may katawang ukol sa lupa; binubuhay na mag-uli na katawang ukol sa espiritu.” (1 Cor 15:43)

Kung may katawang ukol sa lupa ay may katawang ukol sa espiritu. Ipinahihiwatig kaya na sa kahayagan ng buhay sadyang kinakailangang masaktan kapag may pagsubok na inihahanap ng kanyang pananagumpay?

Sapagkat kung paanong tinaglay ninyo ang larawang ukol sa lupa, ay tataglayin din naman ninyo ang larawang ukol sa langit. Dahil diyan, ang wika pa, sa isang sandali, sa isang kisapmata, sa huling pagtunog ng pakakak: “sapagkat tutunog ang pakakak, at ang mga patay ay mangabubuhay na maguli na walang kasiraan, at kayo'y babaguhin.” (1 Cor 15: 52 (1978)

Sapagkat kinakailangan na itong may kasiraan ay magbihis ng walang kasiraan, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan. Kung gayon, sa pagpapasyang gagawing saan dapat nakatuon ang inyong mga paningin? Itututok lamang ba sa inyong sarili? Kung ganito ang mangyayari may makukuha bang karagdagan? May makapagpupuno ba sa kakulangan?

May buhay ba na maititindig o ang katuparan ng nakasulat, pagka itong may kasiraan ay mabihisan ng walang kasiraan? At itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan kung magkakagayon ay mangyayari ang wikang nasusulat, nilamon ng pagtatagumpay ang kamatayan.

Kaya kayo'y magsitatag, huwag makilos, na laging sumasagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon. Sa ganito ko iniiwan ang mithiing sumainyong lahat ang biyaya ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Apostol Pablo.

 

2022-05-01 APO PAB-RAD

Sumainyong lahat ang biyaya at kapayapaan ngayon at hanggang sa wakas.

Sa baitang ng pagsulong at ebolusyon ng espiritu ay isinangkap ang iba't-ibang uri ng karanasan sapat upang buksan ang kamalayan ng diwa ng kaluluwa at nang sa gayon ay magkaroon ng kapamahalaan ang espiritung ihagkis ang taglay niyang karunungan at katangian.

Upang patatagin ang pananampalataya sa Ama at Panginoon at upang siya ring maging pasimula sa sumisibol na pag-ibig na ang taglay ay ang adhikaing makapagbigay ng dapat na liwanag upang ang katugunan sa paghahanap ng katotohanan ay matugunan at makamit nang walang magiging hadlang.

Samakatuwid gagalaw ang buhay ayon sa mithiin ng kaluluwa at bubuo ng mga bahaging lilikha ng kaugnayan upang ang matupad ang kahingian sa kahayagan ng baitang ng pagunlad. Dito ngayon lalangkap ang dalawang kalagayang laging kakambal ng pagsulong ang pagbabago at ang pagantas ng kalagayan ng espiritu.

Ano ang pagbabagong mithi? Ito ba ang pangungusap, na inyong ulinigin sapagkat ang wika, “kayo nga'y magsitulad sa Dios, na gaya ng mga anak na minamahal; at magsilakad kayo sa pagibig, gaya rin naman ng pagibig ni Cristo sa inyo, at ibinigay dahil sa atin ang kaniyang sarili, na hain at handog sa Dios upang maging samyo ng masarap na amoy." (Efeso 5:1-2)

Kaya dahil sa baitang ng pag-unlad, nararapat nating pakatantuin ang mga bagay na naririnig, baka sakaling kayo'y makahagpos. At dahil din sa pag-unlad ang lahat ng mga bagay na nakikita at nadarama ay makapagpatibay, at ang bawa't pagsalangsang at pagsuway ay tumanggap ng matuwid na parusa na kabayaran.

Sapagkat sa batas ng pagsulong walang igagalaw na hindi may kalapat at katugon na bunga na ang sangkap na gagamitin ay pagbabago at pagdaan sa baitang ng ebolusyon upang ang antas ng kaalaman sa bahagi ng espiritu ay magbigay daan sa landas ng kabanalan at kawagasan.

Kung gayon, magpatuloy sa kasakdalan at huwag ilagay na muli ang pinagsasaligan ng pagsisi sa mga patay na gawa at ng pananampalataya sa Diyos. At dahil sa kahingian ng pagsulong, ang mga bagay ay gagawin, kung ipahihintulot ng Diyos.

Sa ganito ko kayo iniyaangat upang ang mithi ninyo na may baitang na marating ay maagapayanan ng pagibig na aking sa inyo'y iniaalay. Sumainyong muli ang biyaya at kapayapaan ngayon at hanggang sa wakas. Apostol Pablo, Paalam. 

 

2022-04-13 APO PAB-RAD

Sumainyong lahat ang biyaya at kapayapaan.

Ano ba ang hatid ng dilim sa inyo? Takot ba? Kagulumihanan ba? O matibay na pananalig na pagkatapos ng dilim ay may liwanag na sisilay?

Ang dapat bang asahan sapagkat nalukob ng kadiliman ay ang saad ng kasulatan na, magsisipasok sa inyo ang mga ganid na lobo, na hindi mangagpapatawad sa kawan; at magsisilitaw sa mga kasamahan ninyo ang mga taong mangagsasalita ng mga bagay na masasama, upang mangagdala ng mga alagad sa kanilang hulihan.

Kaya't aking ipinamamanhik na, mangagpuyat kayo, alalahaning sa aking paggawa ay hindi ako naglikat sa gabi at araw na maikintal ko sa inyong puso at maiyukit sa inyong diwa ang salita ng biyaya, na nakapagpapatibay, at makapagbibigay sa inyo ng mana sa kasamahan ng lahat na mga pinapaging banal.

Datapuwat, sa kaunawaang meron kayo, kayo'y pinayaman sa kanya, sa lahat ng mga bagay sa lahat ng pananalita at sa lahat ng kaalaman. Na hindi dahil sa laganap ang kadiliman ay walana kayong matatanaw na liwanag.

Ano pa't kayo'y hindi nagkulang sa anomang kaloob; na nagsisipaghintay ng paghahayag ng ating Panginoong Jesucristo; na siya namang magpapatibay sa inyo hanggang sa katapusan sapagkat siya ang binuhay na mag-uli sa mga patay.

Kung gayon, sa liwanag at sa kadiliman ay may iba't ibang paggawa, datapuwat iisang Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat. Sinasalita ko Ang mga bagay ng kahinaan upang ako'y magkaroon ng lakas sa inyo.

Ito ang kahayagan ng aking pagibig na laging nagiiwan ng biyaya at kapayapaan mula sa Ama at sa Panginoon ngayon at hanggang sa wakas. Paalam, Apostol Pablo....



2022-04-04 APO PAB-RAD

Sumainyong lahat ang biyaya at kapayapaan.

Maaari bang pagbatayan ng magandang uri ang panlabas na kaanyuan? Kung ito'y bunga, nakita mong makinis, maganda ang kahayagan ng bunga, masasabi mo na ba na matamis at masarap ang lasa o katas ng bungang kahoy na iyon?

Hindi kaya masasabi mo lamang ito kapag pinitas mo na at tinikman o kinain na? Tulad din ng magkaiba ba ang kinikilala sa inuunawa? Magkaiba rin ba ang pinagtatapatan sa iginagalang at sinasabi sa ibig sabihin? Ganoon din kaya ang dinirinig sa pinakikinggan?

Katulad ng ipinahihiwatig ng aralin ang titik ay pumapatay ngunit ang diwa ang nagbibigay ng buhay. Kaya nga may patay na ibinabangon mula sa libingan upang ang mga hindi nagkulang sa anomang kaloob; na nagsipaghintay ng paghahayag ng ating Panginoong Jesucristo; na siya namang magpapatibay sa inyo hanggang sa katapusan, upang huwag kayong mapagwikaan sa kaarawan ng Panginoong Jesucristo. (1 Corinto 1:7-8)

Dahil dito, ipinangungusap ko sa inyong, “hindi ako isinugo ni Cristo upang bumautismo kundi upang mangaral ng evangelio: hindi sa karunungan ng mga salita baka mawalan ng kahulugan ang krus ni Cristo” (1 Corinto 1:17). Kaya't ang may pakinig ay makinig, ang may pangunawa ay umunawa.

Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyong lahat. Apostol Pablo, Paalam


2022-03-13 APO PAB-RAD

Sumainyo nawa ang biyaya buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Mahalaga bang makapagtaglay ng yaman ang inyong mga diwa? Ano ang buting idudulot nito sa adhikain ng inyong mga kaluluwa? Magiging sagana ba ang biyaya ng Panginoong inyong tatamuhin? Ano ang uri ng lakad na kailangang malarawan sa buhay ng nagtataglay ng diwang mayaman?

Hayaan ninyong sa inyo'y aking ipangusap ang ganito: bagaman nang una ako'y naging mamumusong, at mang-uusig; at mang-aalipusta: gayon ma'y kinahabagan ako, sapagkat yao'y ginawa ko sa di pagkaalam sa kawalan ng pananampalataya (1 Timoteo 1:13). Ito kaya Ang nararapat upang hangaring maging mayaman ang diwa?

At kung ito'y makamtan bigyang patotoo ninyo kung sadyang naging katotohanan ang nasulat na nagwiwika ng ganito: At totoong sumagana ang biyaya ng ating Panginoon na nasa pananampalataya at pag-ibig na pawang kay Cristo Jesus. (1Timoteo 1:14)

Tinanggap kong ako ay mapalad sapagkat ako'y kanyang kinahabagan upang sa akin na pangulong makasalanan, ay boong pagpapahinuhod niya, na halimbawa sa mga magsisisampalataya sa kaniya, sa ikabubuhay na walang hanggan.

Kaya nga buong kaluguran kong ipinangungusap na: Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kailan man. (1 Timoteo 1:17)

Kaya't aking sa inyo'y iniaaral na manaing (dumaing), manalangin, mamagitan, at magpasalamat na patungkol sa lahat ng mga tao upang mangabuhay na tahimik at payapa sa boong kabanalan at kahusayan.

Sa ganyang liwanag at pagibig nag-iiwan ako ng biyaya mula sa ating Ama at Panginoon ngayon at hanggang sa wakas. Apostol Pablo, Paalam

2022-03-06 APO PAB-RAD

Ang biyaya ng Diyos at ng Panginoon ang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas. Sa anong kalagayan ninyo ibig na dalhin ang inyong buhay? Sa inyong iibiging pagdalhan, may patay bang makababangon sa kanyang libingan? May buhay bang maliliwanagan upang ilarawan ang kaalaman at kaunawaang kung saan nabubo ang dugo?

Kayo na mga may bukas ng kamalayan ang mga patay na bumangon mula sa libingan upang liwanagan ni Cristo. At kayo'y binuhay niya, nang kayo'y mga patay dahil sa inyong mga pagsalangsang at mga kasalanan. (Efeso 2:1)

Kung bubuksan ninyo ang inyong mga puso malalarawan sa inyong kamalayan ang nilakaran ninyo noong una ayon sa Lakad ng sanglibutang Ito, ayon sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway. (Efeso 2:2)

Malinaw pa ba sa inyong gunita na kayo ng ibang panahon ay nabubuhay sa kahalayan ng inyong laman, na inyong ginagawa ang mga pita ng laman at ng pag-iisip, at kayo noon ay mga katutubong anak ng kagalitan gaya naman ng iba. (Efeso 2:3)

Ngunit ang Diyos palibhasa'y yaman ng awa, dahil sa malaking pagibig Niya ay binuhay kayo kalakip ni Cristo bagaman kayo'y mga patay dahil sa kasalanan. Kaya nga sa pamamagitan ng biyaya kayo'y nangaligtas. (Efeso 2:5)

Masdan ninyo kung sino kayo ngayon, masdan ninyo kung paano kayo iniligtas sa pamamagitan ng biyaya at ng pananampalataya. Damhin ninyo kung ano ang dapat maging pagkakaiba ng mga kamay ninyo ngayon sa mga kamay ninyo noon; kung paano dapat na malarawan ang naidulot ng biyaya sa inyong mga paa ngayon na iba sa biyayang tinamo ng inyong mga paa noon.

Buhay ang inihandog datapuwat kamatayan ang dapat ibalik bilang pagpapatotoo nagtamo kayo ng liwanag. Ang buhay ay inihinga sapagkat siya'y naparito, at ipinangaral ang kapayapaan sa inyong nalalayo, at ang kapayapaan sa nangalalapit. Sapagkat sa pamamagitan niya kayo'y may pagpasok sa isang Espiritu rin sa Ama.

Kaya nga ang saad ng kasulatan, kayo'y hindi na nga mga taga ibang lupa at mga manglalakbay kundi kayo'y mga kababayan na kasama ng mga Banal, at sangbahayan ng Diyos. Na, sa kaniya'y itinayo naman kayo upang maging tahanan ng Diyos sa Espiritu. (Efeso 2:19)

Sa ganyan ninyo bulihin ang kalagayang sa inyo'y pinagdadalhan sapagkat ang dala na ninyo ngayon ang katuparan ng nasusulat, “Noong kayo'y mga bata pa nagsasalita kayong tulad ng mga bata, pumupunta kung saan ibig ngunit ngayong iniwan na ninyo ang pagiging bata, dadalhin kayo kung saan hindi ninyo iniibig."

Ito ang aking sa inyo’y inihandog bilang pagibig ng aking espiritu na maghahantad ang biyaya at pag-ibig ang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas. Paalam, Apostol Pablo.

 


2022-02-27 APO PAB-RAD

Sumainyong lahat ang biyaya mula sa ating Ama at Panginoon ngayon at hanggang sa wakas.

Tinatanggap ba ninyong kayo'y mga patay na binuhay at bumangon mula sa libingan? Dinggin ninyong mataman ang pangungusap na ito na itinala sa kasulatan: Kung kayo nga'y binuhay na kalakip ni Cristo ay hanapin ninyo ang mga bagay na nangasa itaas na kinaroroonan ni Cristo, na nakaupo sa kanan ng Diyos (Colosas 3:1).

Paano ninyo ito isasakatuparan? May dapat ba kayong ilagak? Katulad ba ng winika sa kasulatan na ang pahayag ay ganito: Ilagak ninyo ang inyong pag-iisip sa mga bagay na nangasa itaas, huwag sa mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa (Colosas 3:2).

Sapagkat, ang pagpapatuloy ng pahayag ng kasulatan, kayo'y nangamatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo. Samakatuwid pagka si Cristo na inyong buhay ay mahayag, ay mahahayag nga rin kayo na kasama niya sa kaluwalhatian (Colosas 3:2 Tesalonica 2). Ano ngayon ang dapat na mahayag?

Ipangungusap ko ngayon na, patayin ninyo ang inyong mga sangkap ng katawang nangasa ibabaw ng lupa, pakikiapid,karumihan, masasamang pita, masasamang nasa, at kasakiman, na iya'y pagsamba sa diyos-diyosan. (Colosas 3:5)

Ang mga bagay na iyan ang lumikha ng kagalitan ng Diyos sa mga anak ng pagsuway. Iyan ang nilakaran ninyo noon. Muli ko ring ipangungusap na layuan ninyo ang mga ito: galit, kapootan, paghihinala, mga salitang kahalayhalay, pagbubulaan, pagpapaimbabaw, panunungayaw sapagkat kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na nagbabago ayon sa larawan niyaong lumalang sa inyo. (Colosas 3:8-10)

Sa ganito ninyo angkinin ang pagiging mapalad sapagkat naging sagana na ang biyayang magiging yaman ng inyong mga diwa. Tanggapin ninyong muli ang biyaya buhat sa Ama at Panginoon ngayon at hanggang sa wakas. Paalam, Apostol Pablo

 

2022-02-13 APO PAB-RAD

Ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na Ama ng lahat at ng Panginoon Ang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas.

Ang wika ng Panginoon, "Ama, dumating na ang oras; luwalhatiin mo ang iyong Anak, upang ikaw ay luwalhatiin ng Anak (Juan 17-1)." Ang larawan kayang ipinatatanaw sa wikang ito ay makita na at maunawaan ninyo mga tao na kinakailangan nang may tabing na mahapak sa templo.

Ang pangangasiwa ng Espiritu

Sapagkat kayo ay aming mga sulat, na nasusulat sa aming mga puso, nakikilala at nababasa ng lahat ng mga tao; hindi isinulat ng tinta, kundi ng Espiritu ng Diyos na buhay, hindi sa mga tapyas ng bato, kundi sa mga tapyas ng pusong laman.

Samakatuwid, nadarama baga ninyong kayo'y pinangangasiwaan ng Espiritu, pinangangasiwaan ng buhay at hindi ng kamatayan na nasusulat, at nauukit sa mga bato, ay nangyaring may kaluwalhatian. Ngunit paanong hindi lalong magkakaroon ng kaluwalhatian ang pangangasiwa ng espiritu?

Sapagkat kung ang pangangasiwa ng kahatulan ay may kaluwalhatian, ay bagkus pa ngang higit na sagana sa kaluwalhatian ang pangangasiwa ukol sa katuwiran. Kaya nga dahil may nakatabing sa templo, hindi mabuksan ang kamalayan sa katotohanang ang pinaluwalhati ay hindi pinaluwalhati sa bagay na ito, ng dahil sa kaluwalhatiang sumasagana.

Ito ba ang karapatdapat na inyong maunawaang hanggang sa mga araw na ito kailan man at binabasa ang mga aklat ni Moises, ay may isang talukbong na nakatakip sa inyong mga puso. Datapuwat siyasatin ninyo na kailan man at magbalik sa Panginoon ay maaalis ang talukbong.

Muli kong ipangungusap na ang mga walang talukbong ang mukha na tumitinging gaya ng sa isang salamin sa kaluwalhatian ng Panginoon, ay nagbabago kayo sa gayon ding larawan mula sa kaluwalhatian hanggang sa kaluwalhatian na gaya ng mula sa Panginoon na espiritu at tatanggap ng biyaya at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Apostol Pablo


2022-02-06 APO PAB

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na Ama ng lahat at ng Panginoon ngayon at hanggang sa wakas.

Magbubuhat ka ng bato upang iakyat sa mataas na bahagi ng lupa, gaano ang lakas na kailangang mong ihanda? Lakas lang ba ang kailangang gamitin sa pag-aakyat ng bato sa mataas na bahagi ng lupa dahil may taning na araw o panahon na dapat mong matapos ang atas.

Sa narinig mong taning nag-alinlangan ang iyong pag-iisip at puso, may ibubunga ba ito sa lakas na taglay ng pisikal mong katawan? Kung gayon, matuwid ba na maunawaan mo ngayon ang kahalagahan ng ipinangusap ng Panginoon Jesucristo, "Huwag magulumihanan ang inyong puso: magsisampalataya kayo sa Diyos, magsisampalataya naman kayo sa akin." (Juan 14:1)

Ano ba ang magagawa ng pananampalataya? Unawain ninyo ang turing kong ito; "Bagama't naaalaman na ang tao ay hindi inaaring-ganap sa mga gawang ayon sa kautusan, maliban na sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo, tayo rin ay magsisampalataya kay Cristo Jesus, upang tayo ay ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, at hindi dahil sa mga gawang ayon sa kautusan: sapagkat sa mga gawang ayon sa kautusan ay hindi aariing- ganap ang sinomang laman." (Galacia 2:16)

Kung maunawaan ninyo ang wikang ito, magkaroon pa ba ng taning ang inyong gampanin o kailangan pa ba sadyang lagyan ng taning ang tuparin ng inyong mga kaluluwa. Ito ang pag-ibig ng aking espiritu na siya kong sa inyo ay iniiwan kaalinsabay ng adhikaing sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na Ama ng lahat at ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Apostol Pablo, Paalam

 

2022-01-23 APO PAB-RAD

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na Ama ng lahat at sa Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Saan kayo susuling kung makita ninyong sa inyong paglalakbay ay wala ng daang madadaanan dahil dumating na kayo sa hanggan? Babalik ba kayo upang muling landasin ang daang inyo nang napagtagumpayang lampasan?

Ano ang inyong gagawin? Ang bumalik ay isang kaparaanan ngunit paano mo dadalhin ang mga uri ng tunggaliang dinanas mo na sa paglalakbay sa nagdaang mga tugpahin? Suriin ninyong mataman ang kasaysayan ng isang Lot na iniligtas sapagkat naging matuwid.

Ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal sa tukso at maglaan ng mga di matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom. Ang hangganan ba ay ang paghuhukom? Ano ang diwa ng paghuhukom? Sino ang huhukuman? Sino ang magbibigay ng paghuhukom? Saan huhukuman?

Sa ganyan ko inilalakip ang hangganan ng daan upang inyong maunawaan na nang nasain ko nga ang marating ang hangganan ako bagay nag-atubili na magpatuloy? O, ang mga bagay na ninasa ko, ay mga ninasa ko baga ayon sa laman; upang magkaroon sa akin ng oo, oo,at ng hindi, hindi.

Sapagkat maging gaano man ang mga pangako ng Diyos ay nasa kaniya ang oo; kaya nga naman nasa kaniya ang Siya nawa sa ikaluluwalhati ng Diyos sa pamamagitan namin na nagnasang kayo ay mangagsitatag.

Dahil dito ay ipinamamanhik ko sa inyo na papagtibayin ninyo ang pag-ibig sa kaniya. Sa huli ay ipinangungusap ko sa inyo na sapagkat sa mga iniligtas at sa mga napapahamak ay masarap tayong samyo ni Cristo sa Diyos; na sa isa ay samyo mula sa kamatayan sa ikamamatay; at sa iba ay samyong mula sa kabuhayan sa ikabuuhay.

Muli ay tanggapin ninyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na Ama ng lahat at sa Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam

 

Lot Genesis Chapters 11-14 and 19 

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

-o0o-

 

2022-01-16 APO PAB-RAD

Sumainyo ang biyaya ng Diyos na Ama ng lahat ng Panginoon ngayon at hanggang sa wakas.

Katotohanan bang may biyaya sa kasalanan? Kung mayroon anong biyaya ang masusumpungan sa kasalanan? Nangangahulugan ba na sa kasalanan naroroon ang buhay? Ngunit anong buhay ang tinatangkilik ng kasalanan? Ang dala ng kasalanan ay kamatayan, ito ba ang biyayang nakalaan sa kasalanan? Paano namamatay ang sinomang nagtataguyod ng kasalanan?

Kung gayon, inyong bulihin ang pangungusap na ito na nagwiwika, “Datapuwat layuan mo ang masasamang pita ng kabinataan, at sunduin mo ang kabanalan, ang pananampalataya, ang pag-ibig, ang kapayapaan, kasama ng mga nagsisitawag sa Panginoon mula sa pusong malinis.” (2 Timoteo 2:22)

Malulugmok ang mga tao sa pagiging maibigin sa salapi, maibigin sa kanilang mga sarili, mayayabang, mga mapagmalaki, mapagtungayaw masuwayin sa mga magulang, mga walang turing, mga walang kabanalan, mga walang katutubong pag-ibig, mga walang paglulubag, mga lilo, mga matitigas ang ulo, mga maibigin sa kalayawan kaysa mga maibigin sa Diyos. (2 Timoteo 3:2-4). Diyan nangalulugmok ang puso ng mga anak ng Diyos.

Subalit ang kaligtasan ay para sa lahat, kaya nga ang biyaya ay hindi lamang para sa manggagawa ng matuwid kundi gayundin sa mga manggagawa ng kalikuan. Kung gayon, sa matuwid ay may biyayang nakalaan, sa mga makasalanan ay may biyaya ring makakamtan. Kaya nga lahat ay ililigtas ng Panginoon sa bawat gawa ng masama, at iingatan sa kaniyang kaharian sa langit.

Sumainyo nawa ang kaluwalhatian magpakailan man. Siya nawa. Apostol Pablo, Paalam

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

-o0o-

 

2022-01-09 APO PAB -RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at sa ating Ama at Panginoon na si Jesucristo na sa kaniya ang kaluwalhatian. Siya nawa.

Ano kaya ang dapat na simulan kung ibig mapasok ang diwa ng kaluwalhatian? Ang iyong pag-iisip kaya? Ang damdamin o ang kalooban? O ang puso ng iyong espiritu? Ngunit saan mo masusumpungan ang puso ng iyong espiritu?

Ito kaya ay ang iyong mithi na paglaya o pagkapagot sa tali ng kamangmangan? Kung gayon inyong unawain ang pangungusap na ito upang masumpungan ang daan patungo sa kaluwalhatian: Sapagkat sa pamamagitan ng Espiritu sa pananampalataya ay naghihintay ng pangako ng katuwiran (Galacia 5:5). Kayo ay tinawag sa kalayaan; huwag lamang gamitin ang inyong kalayaan, upang nagbigay kadahilanan sa laman, kundi sa pamagitan ng pagibig ay mangaglingkuran kayo.

Kaya nga sinasabi ko sa inyo na Mangagsilakad kayo ayon sa Espiritu, at hindi ninyo gagawin ang mga pita ng laman. Sapagkat ang laman ay nagnanasa ng laban sa Espiritu, at ang Espiritu ay laban sa laman; sapagkat ang mga Ito ay nagkakalaban; upang huwag ninyong gawin ang mga bagay na inyong ibigin. (Galacia 5:16-17)

Sa ganito ko kayo ginagabayan upang maunawaan ninyo na kung kayo ay pinapatnubayan ng Espiritu, ay wala kayo sa ilalim ng kautusan (Galacia 5:18), at kung kayo ay wala sa ilalim ng kautusan kayo ay kalag sa kasalanan. Samakatuwid, hahanapin pa ba ninyo kung nasaan ang puso ng inyong Espiritu upang inyong maunawaan.

Ang biyaya at pagibig ng Diyos na siyang Ama ng lahat at ng Panginoon ang siyang sumasainyo ngayon at magpasawalang hanggan. Apostol Pablo....Paalam. 


Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

-o0o-

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia