2020-2021, Rebecca, Sikograpiya, Mga Hukom ng Gintong Panahon

 




 

 

   



2021-01-24 RAD

Sakbibihin kayo ng tamis ng pag-ibig ng Ama at ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Sa ugnayan na bahagi ang paghahayag at paglalantad ng bawat kaangkinan, kakayahan, antas ng talino, lawak ng karunungan at kaalamang angkin ng isang espiritu ay tulad ng tali na ang paggamit ay ibinabatay sa uri ng paggagamitan o pagtatalian.

Ibinabagay ang uri ng taling gagamitin. Kung ang tatalian ay marami, makapal, mabigat hindi ka kukuha ng panaling manipis, makitid at madaling mapatid.

Kung ang tatalian ay kaunti lamang hindi ka gagamit ng panaling mahaba sapagkat bukod sa ito ay magiging mabagal sa pagtatali ay waring magiging sayang dahil lumalabis ang panali.

Paano kung ito ay ibabaling sa uri ng pakikipagugnay ng tao sa Diyos? Paano kung ang kalagayang ito ay i-uukol sa pagsulong sa kaunawaan ukol sa Diyos?

Kahalintulad kaya ito ng ugnayan ng ama at ng anak sa sandaling dumating na ang hangganan ng buhay ay nagkakalag mula sa kanyang pagkakatali? Tulad ng larawan ng kasaysayan ni David at ng kanyang anak na si Salomon?

Ang kasaysayang nakapaloob dito na siyang laman ng kasulatan ay ang mga habilin ni Haring David kay Salomon na nangungusap at naghahatid ng ukol sa: 

Pagpapalakas, pag-iingat sa tagubilin ng Diyos na ingatan ang kanyang palatuntunan, ang kanyang mga utos, at ang kanyang kahatulan, at ang kanyang mga patotoo, ayon sa nasusulat sa kautusan ni Moises upang si Salomon ay guminhawa sa lahat ng kanyang mga ginagawa, at saan man siya pumihit. (1 Mga Hari 2:3)

Upang papagtibayin ng Panginoon ang kanyang salita na sinasabi,

Kung ang iyong mga anak ay magsisipag-ingat sa kanilang mga lakad, na lalakad sa harap ng Dios sa katotohanan ng kanilang boong puso at kanilang boong kaluluwa, hindi ka kukulangin sa luklukan ng Israel. (1 Mga Hari 2:4)

Sa kahayagan nito, nangungusap ang katotohanan na nag-aatas gumawa kayo ng ayon sa inyong karunungan, at huwag na tulutang ang uban sa ulo ay bumabang payapa sa Sheol. (1 Mga Hari 2:6)

At sapagkat si Salomon ayon kay Haring David ay lalaking pantas ay huwag ariing walang sala: kundi bagkus ay dapat na maalaman ang sa kanya ay nararapat na gawin at anya pa ay ilusong na may dugo ang kaniyang uban sa ulo sa Sheol. (1 Mga Hari 2:9).

Sa ganitong kahayagan, arukin ninyo ngayon kung ano ang inyong kauunawaan, ang taglay ninyong kaalaman at antas ng karunungan sa harap ng Diyos at sa uri ng inyong ginagawang pakikipag-ugnay sa Kanya.

Muli ay sakbibihin kayo ng tamis ng pag-ibig ng Ama at ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, mga Hukom ng Gintong Panahon.

Pahatid Diwa

Kpd. Rebecca Dungo

 

2021-01-17, MGA HUKOM-RAD

Masasabi bang ang panahon ang naghahayag at nagtatago ng mga kaganapang hayag na nangyayari sa sandaigdigan at gayundin sa buhay ng bawat nilalang? Kung magkagayon, anong uri ng panahon ito? Ano ang kanyang itinago at gayundin ano ang kanyang ihahayag? Kailangan ba sadyang itago? Ano ang diwa ng panahon? Kailangan ba ninyo itong alamin upang makilala ng bawa't isa ang kanyang sarili?

Masasabing rin kayang ninanakaw ng panahon ang maraming magaganda at pangit na kaganapan sa buhay ng bawa't tao at maging ng sandaigdigan? Nguni't paano ito nangyayari? Paano ito inihahayag? Paano ito inilalarawan?

Kailan ibinabahagi ng panahon ang mga kalagayang kanyang itinago at ninakaw? Ang walang hanggang buhay din ba ay bahagi ng panahon na may dapat nakawin at itago? Ang mga sandali ba at pagkakataon ang ninanakaw ng panahon?

Tantuin ninyo ngayon ang bawa't panahon sa paggalaw ng bawa't tao at maging sa kanyang pamumuhay ang bawa't isa ay bumabagtas sa kanyang tugba at hindi kailan man humihiwalay sapagkat ito ay karapatan upang ipadama ang ugnayan.

Ang lahat ng mayroon at naroroon sa inyong diwa ay hahalungkatin, ibabangon, bubuhayin, bubuuin upang ang titik at diwa sa kanilang pagsasama at pagsasandugo ay makita ang larawan ng pangungusap: 

Ako at ang Ama ay iisa (Juan 10:30)

Iisang diwa, iisang puso, iisang layunin, iisang bagtasin, iisang landasin, iisang kaharian, iisang patutunguhan sapagka't iisa ang buhay na taglay dahil ang Ama at ang Anak ay iisa. Magkatambal sa lahat ng bagay, magkatambal sa lahat ng kahayagan sa mundong ibabaw, siyang buhay at kamatayan. Kaya nga at Siyang simula at siyang wakas; siyang Alpha at Omega.

Ano ngayon ang magiging kaugnayan upang maging isang uri ng paghatol na ang gantimpala o kaparusahan ay nakabatay sa bawat naging kahayagan ng paggawa? Ito ba ang itinatago at ninanakaw ng panahon sa buhay ng bawa't tao at sa lakad ng mundo?

Ito ba ang larawang kanyang ipinakikita: ang kanyang pinagmulan o pinag-ugatang buhay? Ah! walang hanggang buhay, walang hanggan din bang kamatayan? Walang hanggan din bang pawawasak, walang hanggan din bang pagbubuo? Nguni't katotohanan bang iisa lamang ang mamamayani?

Ang walang hanggang liwanag, ang walang hanggang kapayapaan, ang walang hanggang karunungan, ang walang hanggang pag-iibigan sapagkat ito ang pinag-ugatan ng lahat, ang pinagmulan ng lahat, ang ugat ng buhay.....ang Diyos, ang katotohanan, ang nag-iisa at siyang tanging mabuti sapagkat sa lupa, sa sanglibutan sa bawat nilalang walang mabuti, walang mabuti kahit isa.

Ito ang siyang kahatulan; ito ang siyang gawad ng nag-iisang hukom at dito nakapaloob ang hukuman upang ang lahat ay ihantad, ang lahat ay ihayag sapagka't yan ang siyang magiging ebidensya o patotoo na ilalantad, dilit walang iba kundi ang Ama at ang Anak sapagka't ang Ama at ang Anak ay iisa. Ito ang aming hatol bilang mga Hukom ng Gintong Panahon.

Kung gayon, sa huli ipinangungusap naming iisa ang HUKOM na inyong haharapin. Na, sa bawa't anggulo at aspeto ng buhay, sa bawa't kaganapan ng buhay ay sumusunod sa takbo ng panahon, maging sa dapat ikilos, sa dapat salitain...." Is this the why?"

Ang mga Hukom ng Gintong Panahon ay pumaloob sa mga kaalamang nakatago sa likod ng mga aralin ng tunay na buhay, nagbigay at naglantad ng mga ninakaw at itinago ng panahon. Mga ninakaw na sandali; mga itinagong sandali at pagkakataon sa kahayagan ng buhay ng bawa't nilalang ng Diyos.

Mga panahong inilagay ang lahat sa kani-kaniyang gilingan, sa kani-kaniyang linangan, sa kani-kaniyang pandayan upang pakinangin pagtibayin at patatagin, pakalinisin, patalimin sapagkat kailangang ilabas ang pagiging tunay na ginto at katatagan ng taglay niyang talim.

Kaya at laging isinusukdol at dinadala sa isang karanasang nagpapa-unawa kung ano ang nahalagang bagay na nasasa inyo at kung ano mayroon ang bawa't isa sa inyo. 

Ito ang panahong aming kinupkop na aming sa inyo ay binagtas o binigyang buhay upang inyong maunawaan ang tulay upang marating ang pag-ani ay kailangan kayong magtanim o maghasik niyaong mga dakilang binhi na itinago ng panahon upang pagulangin bago itanim sa lupa, bigyang daan ang kanyang pagsibol, ang kanyang pagtubo, ang kanyang pagyabong, pamumulaklak at pamumunga.

At sa kanyang tamang panahon ay ihantad ang iisang panahon ang naging tungkulin ay magtago at magnakaw ng nasasa kabuuan ng tao at taglayin ng sandaigdigan. Ito ba ngayon ang katotohanang nagbibigay daan upang ang lahat ay magtamo ng kalayaan?

Muli sakbibihin kayo ng tamis ng pulot-pukyutan siyang ginalawan ng katarungan ngayon at magpasawalang hanggan.

Pahatid Diwa

Kpd. Rebecca Dungo

 

2021-01-03, RAD

Balutin kayo ng tamis ng pagibig ng Ama at ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Kung sa inyong mga puso at diwa ay mayroon kayong pananalig na may propesiya at hinangad mong ito ay malaman, ano ang kailangan mong makita at maunawaan? Ang iyo bang nilakaran sa iyong nagdaan o ang iyong nilalakaran sa kasalukuyan? O ito ay ang pag-abot mo sa iyong hinaharap?

Kung ang inyong tataluntunin ay ang hinaharap malalaman mo kaya kung ano ang propesiya samantalang hindi mo alam at hindi mo nauunawaan ang nagdaan? Samakatuwid, ipinahihiwatig ba nito na kailangan mo munang maunawaan o dili kaya ay malaman ang nagdaan upang makita mo ang hinaharap at nang sa gayon ay malaman mo kung ano ang propesiya o kung ano ang nakatakda?

Kung tatayahin, mahalaga ba ang nagdaan? Sino ba ang gumawa ng tadhana at nagkaloob upang magkaroon ng propesiya na magiging bahagi ng buhay ng bawat isa? Ang Diyos ba ang nagkaloob o gumawa ng propesiya na uri ng landas na tutugpahin ng bawat kaluluwa?

O ang bawa't tao sa kaniyang sarili ang siyang gumawa ng balangkas upang maging kabuuan ay ang tadhana o takda na di niya maiiwasan? Kung ito naman ay ang Diyos ang gumawa ano ang tadhanang masasabi na kanyang ipinagkaloob?

Ito kaya ay ang kaganapan ng batas na hindi matatakasan, kung may buhay ay may kamatayan? Ito ba ang propesiya? Ang tanggapin ang buhay at pagkatapos ay dumating sa kanya ang hangganan, ang kamatayan? Datapuwa't katotohanan bang ang simula ng propesiya ay ang ihantad ang mga uri ng paghahasik o pagtatanim?

Sapagkat sa Aklat ng Panahon ay nakasulat: 

Ang naghahasik ng bahagya na ay mag-aani namang bahagya na; at ang naghahasik ng sagana ay mag-aani namang sagana. (2 Korinto 9-6). 

Ito ang laman ng bawat tadhana o propesiyang dala dala, kipkip, bitbit, pasan, at sunong ng tao. Siyang laman ng kanyang bawat balangkas na, tatalimahin, lalakaran sapagkat siyang magiging kabuuan ng kanyang buhay.

Kung gayon, ang tadhana o propesiyang igagaod ng bawa't isa ayon sa ipapasya ng kanyang puso ay ang maghahasik siya upang may anihin at gawing ito ng hindi mabigat sa loob o dahil sa kailangan: sa pag iniibig ng Diyos ang nagbibigay nang masaya.

At maaaring gawin ng Diyos na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo, upang kayo, na may laging boong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawa't mabuting gawa gaya ng nasulat, siyang nagsabog, siyang nagbigay sa dukha; ang kaniyang katwiran ay nananatili magpakailan man. At ang nagbigay ng binhi sa naghahasik at ng tinapay na pinakapagkain ay nagbibigay at nagpaparami ng binhi upang ihasik, at nagdaragdag ng mga bunga ng katwiran: yayamang pinayaman sa lahat ng bagay na ukol sa lahat ng kagandahang- loob, na nagsisigawa sa pamamagitan naman ng pagpapasalamat sa Diyos. (2 Korinto 9:8-11)

Balutin kayong muli ng pagibig ng Ama at ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, mga Hukom ng Gintong Panahon.

Pahatid Diwa

Kpd. Rebecca Dungo


2020-12-30 RAD

Kung kayang hulaan ang maaaring mangyari sa hinaharap, ano ang ihuhula mo at paano mo huhulaan kung kailan o gaano ang tagal na dapat ipamayagpag ng kabutihan at ng kasamaan? Ano ba ang sukatan na dapat gamitin upang matakal ang haba at lawak ng dapat na kanilang maging tunggalian? May sukatan ba ito? Ang kanilang pananagana o pamamayagpag, may basehan ba o dapat maging basehan? May kinalaman ba ang taglay na pananampalataya at ang kawalan ng pananampalataya?

Ikabit mo ang tagpo sa kasaysayan ng Isang Hesus at ng isang Nicodemo na ang tinutungod ay ang pagkabuhay na maguli. Na, ang naging kapaniwalaan ay hindi maaaring maipanganak ang tao kung siya ay matanda na sapagkat hindi na makapapasok bilang ikalawa sa tiyan ng kanyang ina, at ipanganak.

Ngunit ang tinuran ng Anak ng tao o ng isang Hesus, maliban na ang tao ay ipanganak ng tubig at ng Espiritu ay hindi siya makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ang ipinanganak ng laman ay laman nga; at ang ipinanganak ng espiritu ay espiritu nga sapagkat kailangan ngang kayo’y ipanganak na maguli. (Juan 3:5-7).

Dito ba nakabatay ang panahong dapat na itagal sa pagitan ng tunggalian ng kabutihan at ng kasamaan? Dito rin ba dapat isalig ang haba ng kanilang tunggalian na sasaklawin sa karanasan ng buhay ng bawat isa?

Dito rin ba masusukat ang tamang pamantayan upang masukat ang dapat itagal ng pamamayagpag ng kasamaan at ng kabutihan? Dito rin ba dapat kunin ang dapat igawad na hatol upang ilarawan na ang Anak ng sanglibutan ay sinugo upang hatulan ang sanglibutan; o dili kaya'y upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya?

Gayundin ang sumasampalatata sa kaniya ay hindi hinahatulan; ang hindi sumasampalataya ay hinatulan na, sapagkat hindi siya sumasampalataya sa pangalan ng bugtong na Anak ng Diyos. At ang kahatulan, na naparito ang ilaw ng sanglibutan, inibig pa ng tao ang kadiliman sa kanyang ilaw ang mamayani upang huwag masaway ang kaniyang mga gawa. Sapagkat ang bawat isa na gumagawa ng masama ay napopoot sa ilaw at hindi lumalapit sa ilaw, upang hindi masaway ang kaniyang mga gawa. (Juan 3:18-20)

Dito ba ngayon sa ganitong kahayagan masusukat ang ang tamang panahon ng sukat itagal ng pamamayagpag ng mabuti at ng masama? Ito ang mga araling nakahain na sapat marahil upang maunawaan ng bawat may bukas ng kamalayan ang mga kadahilanan kung bakit minsan ay nagiging mahaba ang pagsupil ng masama sa mabuti.

Balutin kayong muli ng tamis ng pulot-pukyutan ngayon at magpasawalang hanggan.

Pahatid Diwa

Kpd. Rebecca Dungo

 

2020-12-23 RAD

Balutin kayo ng tamis ng pagibig ng Diyos ngayon at magpasawalang hanggan.

Sapat na ba ang naging pamamahinga upang sa aming pagbabalik ay may liwanag nang matanaw na nakukubkob ang kabuuan ng inyong mga puso na siyang bumabalot ngayon sa inyong mga pagkatao?

Sapagkat noon kayo ay nasa pagsalangsang sapagkat ang dala ay kamangmangan, ngunit ngayon kayo ay bumabagtas na sa pagtalima sapagkat ang buhay pagka-espiritu ay nasa pagiging pantas at pumaloob na sa gawang ang larawang ikinikintal ay

Sapagka't ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumatakip sa pangangailangan ng mga banal, kundi naman umaapaw sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Diyos. Ito ba ang siyang salaming tutunghayan o tinutunghayan bilang propesiyang siyang katadhanaan ng buhay?

ang pagiging pantas.

Nagagawa na rin ba ninyong malirip na ang pantas na anak ay kagalakan sa kaniyang ama: ngunit ang mangmang na anak ay pasan ng kaniyang ina? Nauunawaan na rin ba ninyong ang kayamanan ng kasamaan ay hindi napapakinabangan: ngunit ang katuwaan ay nagliligtas sa kamatayan? (Kawikaan 10:1-2)

Na, hindi rin titiisin ng Panginoon na magutom ang kaluluwa ng matuwid: ngunit kanyang itinatakwil ang nasa (banta) ng masama (Kawikaan 10:3). 

Sapagkat siyang nagtitipon sa tag-init ay pantas na anak: ngunit siyang natutulog sa pag-aani ay anak na kahiyahiya (Kawikaan 10:5).

Nauunawaan din ba ninyong ang pantas sa puso ay tatanggap ng utos: ngunit ang madaldal na musmos ay mabubuwal?  (Kawikaan 10:8)

Sapagkat siyang lumalakad ng matuwid ay lumalakad na matiwasay: Ngunit siyang sumisira ng kaniyang mga lakad ay makikila sa kanyang paghakbang. (Kawikaan 10:9) 

Sapagka't ang uri at paraan ng paglakad ay isa ring palatandaan o pagkakakilanlan upang makilala kung sino ang salaring inu-usig, kung wala ng mga palatandaang makukunan upang makita ang nagawa niyang pananagutan.

Ito ang uri ng balangkas na inihandog upang ang pagbabalik ay maging mabunga at madamang nasa daan ng katuwiran ang buhay; at sa kaniyang landas ay walang kamatayan. (Kawikaan 12:28)

Muli ay balutin kayo ng tamis ng pagibig ng Ama at ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Pahatid Diwa

Kpd. Rebecca Dungo

 

2020-11-22 RAD

Sakbibihin kayo ng tamis ng pagibig mula sa iisang Ama at iisang Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Ang tala sa kawikaan: Ang paghahanda ng puso ay ukol sa tao: nguni't ang sagot ng dila ay mula sa Panginoon. Ang lahat ng lakad ng tao ay malinis sa harap ng kaniyang sariling mga mata: nguni't tinitimbang ng Panginoon ang mga diwa. (Kawikaan 16:1-2)

Samakatuwid kapag inukol mo sa Panginoon ang iyong mga gawa, ang iyo kayang mga magiging panukala ay matatatag? Na, ginawa kaya ng Panginoon ang bawat bagay na ukol sa kaniyang sariling wakas? Gayundin kaya ng masama na ukol sa kaarawan ng kasamaan?

Kung dadamhin ng inyong mga puso, ang tao ay may kagalakan sa sagot ng kaniyang bibig: at ang salita na ukol sa panahon, ay anong pagkabuti! Sa pantas ay paitaas ang daan ng buhay; ang maligayang salita ay dalisay, kaya't ang puso ng maituwid ay nagbubulaybulay ng isasagot: ngunit ang bibig ng masama ay nagbubugso ng mga masamang bagay. (Kawikaan 15:23-24)

Kaya at ang puso ng maituwid ay nagbubulaybulay ng isasagot: nguni't ang bibig ng masama ay nagbubugso ng mga masamang bagay. (Kawikaan 15:28)

Kung gayon, masasabi bang ang isang katotohanang, ang Panginoon ay lumalayo sa masama: ngunit kanyang dinidinig ang dalangin ng matuwid? (Kawikaan 15:29)

Gayundin ba ang magiging kalagayan ng bawat puso ng nakauunawa at hindi nakauunawa? Itanong nga ninyo sa inyong mga sarili, ano ang hinahanap ng puso niyaong nakauunawa? Ano ang kinakain ng bibig ng masama?

Sa aming pagwawakas upang mamahinga, ang gagawin naming pagtakal ay ito: matuwid bagang ang maging paggawad ng hatol kung aming ihahayag, sa maraming bagay at lakad ng buhay, ang karunungan ng matalino ang sa kanya ay nagtataboy upang maging mangmang at tahakin ang kamangmangan?

At ang matuwid ang maging hangganan ay kasalanang kanyang pananagutan? Ito ang mga Pahatid Diwang aming sa inyo ay inihandog bilang aming pag-ibig na dinama sa ating Panginoon. Ingatan ninyo at kayo ay mabubuhay ng may kapayapaan: isakatuparan ninyo at tatamuhin ninyo ang kaluwalhatian na siyang buhay na walang hanggan.

Pahatid Diwa

Kpd. Rebecca Dungo

 

2020-11-15 RAD

Sakbibihin kayo mga hinabi ng pag-ibig ng Ama ngayon at magpasawalang hanggan.

Kung ang karunungan at kaalaman ay kahalintulad ng prutas na maraming buto, magiging sagabal kaya ito sa masarap na lasang kanyang taglay? O dili kaya'y isang uri ng pagkaing kahit hindi lutuin ay maaaring kainin at masususumpungang ito'y masarap pa ring kainin?

O kaya naman ay mas masarap kainin kahit ito'y hindi pa hinog sapagkat hilaw o dili kaya ay manibalang? Ganito kaya ang kahayagang namamasdan at taglay ng karunungan at kaalamang taglay ng mga pantas at ng mga mangmang?

Ganito sa lakad ng mga matuwid at ng mga liko. Ngunit ano kaya ang maaaring pagbasihan upang makita kung paano lumalakad at gumagalaw ang kaalaman sa buhay ng pantas at ng mangmang; gayundin sa buhay ng matuwid at ng liko?

Paano rin kaya ang karunungan at kaalaman ay nagpapakita at gumagawa ng kanilang pagkakakilanlan kung kanilang ibig na itago ang kanilang identidad sapagkat di ibig na makita ni maramdaman may naging pananagutan siya? Kung gayon,masisinag ba ang lakad ng karunungan ng mga matuwid sa kanyang sariling mga mata: ngunit siyang pantas ay nakikinig sa payo ng iba?

Ang yamot ng mga mangmang ay agad nakikilala: ngunit ang kabaitan na tao ay nagtatakip ng kahihiyan. Ang nagbabadya ng katotohanan ay nagpapakilala ng katuwiran, ngunit ang sinungaling kapag sumasaksi ay pandaraya at kataksilan. (Kawikaan 12:16-17)

Alin nga ang bakas na dapat sundan? Ang uri ba ng prutas na maraming buto? O ang uri ng pagkaing kahit hindi man lutuin ay masarap na kainin? O dili kaya ay ang uri na mas masarap kainin kung ito ay hilaw lalo at manibalang?

Tulad ng taong mabait ay nagkukubli ng kaalaman: 

Nguni't ang puso ng mangmang ay nagtatanyag ng kamangmangan. (Kawikaan 12:23)

Inihahantad din ba ng kaalaman ang uri ng mga kamay na gumagawa tulad ng kamay ng masipag at ng tamad?

Mabatid kaya ninyo sa pamamagitan ng inyong pagmamasid na ang kamay ng masipag ay magpupuno: ngunit ang tamad ay malalagay sa pag-atag. (Kawikaan 12:24). 

Tulad ng matuwid na gawa: ang matuwid ay patnubay ang kaalaman sa kaniya: ngunit sa lakad ng masama ang kaalaman at nakapagpapaligaw sa kaniya. (Kawikaan 12:26).

Kaya nga at ang ipinadarama, ang buhay ay nasa daan ng katuwiran, at sa kanyang landas ay kamatayan. Damhin ninyong bumabantay ang katuwiran sa matuwid na lakad nguni't inilulugmok ng kasamaan ang makasalanan. (Kawikaan 13:6). 

Ang ilaw ng matuwid ay nagagalak; ngunit ang ilawan ng masama ay papatayin. (Kawikaan 13:9).

Samakatuwid, ang ikinikintal ng maituwid bilang pantas na naghahawak ng kautusan ay bukal ng buhay, upang lumayo sa mga silo ng kamatayan. Kung gayon, lumakad kayo na kasama ng mga pantas na tao, at kayo ay magiging pantas. (Kawikaan 13:20)

Ngunit kung ang bakas na pipiliing lakaran ay ang kasamaan ito ay kapariwaraan.Tandaan ninyong ang matuwid ay kumakain hanggang sa kabusugan ng kanyang kaluluwa; ngunit ang tiyan ng masama ay laging nangangailangan ng pagkaing ilalaman sa kaniyang tiyan. Sa ganyan ninyo ngayon tayahin ang bawat pagwawangis sapagkat ang bawat gawa kung siyang bungang kakainin siyang aanihin.

Ano ang diwa ng ginawang pasimula ng pagwawangis sa karunungan at kaalamang mayroon ang bawa't Espiritu: sa prutas na maraming buto, sa pagkaing kahit hindi iluto ay masarap kainin at sa uri rin ng pagkaing kahit hilaw lalo at manibalang ay mas masarap kainin?

Dito namin ini-aangkop at ini-uugnay ang inyong bawa't taglay na karunungan at kaalaman; kung kulang ay aming pinupunan, kung labis ay aming binabawasan upang magtimbang. 

Sapagka't ang lahat sa buhay ay timbang, sukat, hindi kulang, hindi labis kaya nga at ang perpeksyon ang mithing marating sapagka't ito ang hangganan, ang kasukdulan ng karunungan at kaalamang inihandog ng Diyos upang madamang walang magiging pag-unlad na mararating ang taong hinabi ng karunungan at pag-ibig hanggang ang pagpapanday, at paglilinang ay hindi maganap sa kanyang kabuuan.

Sapagka't ang isang bagay ay hindi matatawag na ganap hanggang hindi ito nahuhubaran, hanggang hindi ito natatapyasan, hanggang hindi ito nadudurog o nawawasak sapagkat sa ganitong mga pangyayari ay doon lalabas ang tunay niyang kabuuan sapagkat siya ay kawangis at kalarawan ng Diyos na siyang pinag-ugatan ng buhay na taglay ng bawat Kanyang nilala at hinabi.

Muli ay balutin kayo ng tamis ng pagibig ng Ama at ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.


Pahatid Diwa

Kpd. Rebecca Dungo

 

2020-11-11 RAD

Sakbibihin ang inyong mga puso ng tamis ng pag-ibig ng Ama at Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Matuwid ba na gamitin ang suka na panlinis ng ngipin at ang usok na panghilamos sa inyong mga mata? (Kawikaan 10:26)

Kung ito ay kahalintulad ng taong tamad upang unawain ang turo ng kabanalan at ng taong nagsisikhay upang buksan ang diwa at makapagsimpan ng kaalaman, ano ang sa kanila ay ibubunga ng gayong mga gawa?

Magagawa rin kaya ninyong unawain kung ano ang magaganap kapag ang ipo-ipo ay dumaaan? Kung matutunghayan nga ninyo at madarama ng inyong mga damdamin sa pagdaan ng ipo-ipo ay mawawala ang masama (Kawikaan 10:25), katatakutan ba ninyo ang ganitong pangyayarin o mimithiin ninyong ito ay dumating?

Mga uri ng kahayagan sa mundong inyong ginagalawan na bahagi ng karanasan sa yugto ng buhay ng bawat espiritu. Mga karanasang may hatid na liwanag upang ipaunawa ang daan ng Panginoon ay katunayan sa matuwid; ngunit kapahamakan sa mga manggagawa ng kasamaan. Datapuwa't ang matuwid ay hindi makikilos kailan man: nguni't ang masama ay hindi tatahan sa lupain. (Kawikaan 10:29-30)

Pakalimiin din ninyong a pngagtatapat ng mga matuwid ay patnubay sa kanila; Nguni't ang kasuwailan mga lilo ay papatay sa kanila (Kawikaan 11:3); ang katuwiran ng sakdal ay magtuturo sa kaniyang lakad (Kawikaan 11:5); 

Nguni't mabubuwal ang masama dahil sa kaniyang sariling kasamaan. Kaya nga't nangungusap ang kawikaan na pagka napapabuti ang mga matuwid ang bayan ay nagagalak; at pagka ang masama ay namamatay, may hiyawan (Kawikaan 11:10).

Nagbubunyi ang bayan sa pamamagitan ng pagpapala ng matuwid; nguni't kapahamakan sa pamamagitan ng bibig ng masama (Kawikaan 11:11). 

Kaya at tantuin ninyo kung saan walang pantas na pamamahala, ang bayan ay nababagsak: ngunit sa karamihan ng mga tagapayo ay may kagalingan sapagkat ang nasa ng matuwid ay buti lamang: ngunit ang hintay ng masama ay poot (Kawikaan 11:23).

Ito ang mga pag-ibig at karunungang inihahantad ng kawikaan na kapag nalirip, at nalulon bilang uri ng pagkain ay may mga patay na babangon sa kanyang libingan upang ihantad ang iisang kabuuan, at ipamalas ang dalang liwanag ng Panginoon at ang lahat sa kanyang pagbangon ay liliwanagan at mabubuhay ngayon at magpakailan man.

Minsan pa ay inyong pakalimiing ang mga nakaw na tubig ay matamis, at ang tinapay na kinakain sa lihim ay masarap. Ngunit hindi niya nalalaman na ang patay ay nandoon. (Kawikaan 9:17-18)

Kaya nga at inyo muling ulinigin, ang sumasaway sa mga manglilibak ay nagtataglay ng kahihiyan sa kanyang sarili: at ang sumasaway sa masama ay nagtataglay ng pula sa kanyang sarili (Kawikaan 9:7).

Bago nalikha ang lupa, ang karunungan ba ay nailabas nang wala pang mga kalaliman; nang wala pa ang mga bukal na sagana sa tubig. Bago ang mga bundok ay nalagay, bago ang mga burol? samantalang hindi pa niya nalikha ang lupa, ni ang mga parang man, ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan? Matatanggap din kaya ng inyong kaunawaan na ang karunungan ay nandoon na bago pa man itatag ang langit?

Ito ang aming pag-ibig na ibinabalot sa matamis na pulot-pukyutan upang inyong madamang ang umiibig sa Diyos ay marunong umibig sa kanyang kapwa sapagka't “ang anomang gawin mo sa iyong kapwa ay ginawa mo sa akin at ang ginawa mo sa akin ay ginawa mo sa Amang nagsugo sa akin.” Anihin ninyo ang matamis na bunga ng bawa't binhing inyong inihasik sa lupa ngayon at magpasawalang hanggan.

Pahatid Diwa

Kpd. Rebecca Dungo

 

2020-11-08 RAD

Hindi namin kailan man pagsasawaang laging maghandog ng pulot-pukyutan sa lahat ng mga nilala at hinabi ng ating Diyos ngayon at magpasawalang hanggan.

Ano ang sabihin mo kapag sinaway mo ang mangmang? Masasabi bang ang pagsaway ay isang uri ng pag-ibig? Paano ito nagiging pag-ibig? Kung ang pagsaway ay maituturing na uri ng pag-ibig, dapat ba itong makakilala ng kanyang limitasyon? Ano ang tatanggapin ng isang sumasaway sa manglilibak na iba sa matatanggap kapag ang sinaway mo ay isang pantas? May karapatan ba kayong ihingi ng pagbabago ang inyong kapwa tao kung ang naging layon ng inyong pagsaway ay upang siya ay magbago?

Sa ganito namin binubuo ang mga halayhay ng aming pangungusap na salig sa iba at ibang kawikaan ng buhay at kalagayan sa sanglibutan upang matutuhan ng bawat may bukas ng kamalayan ang tumpak na paraan ng paghanap at pagkilala niya sa kanyang sarili.

Sa ganitong rin namin kayo hinuhubaran upang maunawaan ninyo ang hatid ng tinataglay ng bawat aralin ng buhay at maunawaan ninyo kung paano isisikad ang inyong mga paa at paano ninyo ikakampay ang inyong mga bisig upang sa inyong paglangoy kayo ay makaalis sa inyong kinalalagyan sapagkat ang pagpapala ay nangasa ulo ng matuwid: ngunit tinatakpan ng karahasan ang bibig ng masama. (Kawikaan 10:6)

Hinihingi naming buksan ninyo ang inyong mga puso at unawaing isinulong na at patuloy na isinusulong pa ang inyong kaunawaan upang matanaw ninyong ang alaala ng ganap ay pinagpapala: ngunit ang pangalan ng masama ay mapaparam. (Kawikaan 10:7)

Buksan ninyo ang inyong mga isipan upang kung magbigay ito ng puwang para sumilay ang liwanag ay makapaghatid ng karunungan na siyang lumalakad ng matuwid ay ay lumalakad na matiwasay: Ngunit siyang sumisira ng kaniyang mga lakad ay makikilala (Kawikaan 10:9) at madaramang ang bibig ng matuwid, ay bukal ng kabuhayan. Gayunpaman, mauunawaan ding tinatakpan ng karahasan ang bibig ng masama. (Kawikaan 10:11)

Kung gayon, inyo kayang masumpungan sa inyong mga labi ang matuwid na karunungan na ang kabaitan ang kanyang tinatahanan at kaalaman at gunita ang siyang balangkas na hahangarin upang mabuo ang bawat baitang na siyang maghahayag bilang kabuuan ng hagdang aakyatin upang marating ang kaharian ng Diyos?

Kaya at kung mabubuksan ang inyong mga puso ay madarama ninyong sa bawat pintig nito ay dadaloy ang pagka-unawang ang gawa ng matuwid ay patungo sa buhay; datapuwat ang bunga ng dukha ay sa pagkakasala. (Kawikaan 10:16)

Tantuin din ninyong ang nasa daan ng buhay siyang nakikinig ng saway: ngunit siyang nagpapabaya ng saway ay nagkakamali.. Gayunpaman, siyang nagkukubli ng pagtatanim ay sa mga magdarayang labi. (Kawikaan 10:17-18);

At siyang nagpaparatang ay mangmang sapagkat sa mga mangmang isang paglilibang ang paggawa ng kasamaan; at gayon ang karunungang sa taong naka-uunawa.

Ganito ang uri ng mga karunungang nilalaman ng bawat kawikaan na, kung pakalilimiim buong linaw na inyong makikita, makikilala at mauunawaan kung paano ninyo itatayo ang inyong bahay. Ngunit paano nga ba ang tumpak at maituwid na pagtatayo ng bahay?

Sa ganyan namin kayo lilisanin at iiwan namin sa inyong mga puso at diwa ang walang hanggang katamisang hatid ng pulot-pukyutan sapagka't ito ang diwa, ang, katangian at kalooban ng ating Diyos.

 

Pahatid Diwa

Kpd. Rebecca Dungo

 

2020-11-04 RAD

Ang tamis ng pulot-pukyutan ang hatid namin sa inyong mga espiritu ngayon at hanggang sa wakas.

Ang nabasag na salamin ay maaari pa bang mabuo at maibalik sa kanyang dating anyo? Ano rin ba ang dapat gawin sa nabulok na ngipin? Ang panatilihing nakakabit sa gilagid o ito ay bunutin? Maaari ba itong iwangis sa karunungang taglay ng inyong mga espiritu?

Ang saad sa kawikaan: Hindi ba umiyak ang karunungan, at inilalabas ng unawa ang kaniyang tinig. Ito ba ang nakakahalintulad ng basag na salamin at bulok na ngipin? Karunungang umiiyak sa taluktok ng bundok, ng mga mataas na dako sa tabi ng daan, sa mga salubungang landas, siya ay tumatayo; o sa tabi ng mga pintuang bayan sa pasukan ng bayan, sa pasukan sa mga pintuan siya ay humihiyaw ng malakas. (Kawikaan 8:1-3)

Mataman ninyong limiin ang aming hatid: kayo ay mangakinig, sapagka't nagsasalita kami ng mga maririlag na bagay; at ang buka ng aming mga labi ay magiging maituwid na bagay, sapagka't ang bibig ay sasakbibihin ng katotohanan; at kasamaan ay karumaldumal sa aming mga labi.

Inyo ring pakalimiing mabuti na lahat ng mga salita ng aming bibig ay sa katuwiran; walang bagay na liko o suwail sa kanila. (Kawikaan 8:8)

Tanggapin ninyo ang aming mga turo at huwag pilak; at ang kaalaman na higit kaysa dalisay na ginto. Sapagkat ang karunungan ay maigi kay sa rubi; at lahat ng mga bagay na mananasa ay hindi maitutulad sa kaniya. (Kawikaan 8:10-11)

Saan nanahan ang karunungan?

Alam ba ninyo kung saan nananahan ang karunungan at ano ang masusumpungan sa karunungan? Saan lumalakad ang karunungan? Batid ba ninyo kung ano ang kaluwalhatian ng karunungan? Inari na ba ng Panginoon ang karunungan sa pasimula ng kanyang mga lakad, Bago pasimulan ang kanyang mga gawa ng una mula ng walang pasimulan?

Ang karunungan ay nandoon na bago pa man itatag ang langit

Bago nalikha ang lupa, ang karunungan ba ay nailabas nang wala pang mga kalaliman; nang wala pa ang mga bukal na sagana sa tubig. (Kawikaan 8:24)

Bago ang mga bundok ay nalagay, bago ang mga burol? samantalang hindi pa niya nalikha ang lupa, ni ang mga parang man, ni ang pasimula man ng alabok ng sanglibutan? (Kawikaan 8:25-26)

Matatanggap din kaya ng inyong kaunawaan na ang karunungan ay nandoon na bago pa man itatag ang langit? (Kawikaan 8:27)

Nang kanyang pagtibayin ang langit sa itaas; ng magiging matibay ang burol ng kalaliman: nang bigyan niya ang dagat ng kaniyang hangganan, upang huwag salangsangin ng tubig ang kaniyang utos:at madama kaya ninyo na ang sinomang nakasusumpong sa karunungan, ay nakasusumpong ng buhay, at magtatamo ng lingap ng Panginoon? (Kawikaan 8:28-29)

Ito ang mga liwanag ng pag-ibig na aming sa inyo ay inihahatid upang sa paggawad sa inyong mga gawa ay anihin ninyo ang tamis ng tunay na buhay. Ang mga mababaw na katanungan aming sa inyo ay iniwan ay maghahantad kung ano ba ang magiging halaga ng basag na salamin at bulok na ngipin kung ang naging layunin ng aralin ay makilala ang inyong sarili; maunawaan kung saan kayo dapat pumatungo at mabatid kung ano at sino ang inyong pinagmulan.

Muli ay lasapin ng inyong puso at diwa ang tamis ng pulot-pukyutan na lagi ng aming sa inyo ay ihahatid ngayon at magpasawalang hanggan.

 

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

 

2020-11-01 RAD

Bukalan ang bawa't Espirito ng tamis ng pulut-pukyutan mula sa Diyos ngayon at magpasawalang hanggan.

Kung sa buhay ay sadyang may katotohanang nakapaloob, samakatuwid dala nito ang dalawang katotohanan: ang tama o matuwid, at ang mali o liko. Datapuwa't sa kabila nito, masasabi kayang ang tamang inihantad ng buhay ay sadyang tama, at ang maling naging kahayagan nito ay sadyang mali? O ang tama ay sadyang tama at ang mali ay tama pa rin?

Mga katotohanang saklaw ang lahat ng mga iginagalaw ng buhay; sakop ang lahat ng kabuuan ng bawa't nilalang sapagka't bawa't isa ay katunayan ng Kapangyarihan ng katotohanang naghahawak ng buhay sapagka't iisa ang katotohanan, walang iba kundi ang Diyos.

Mga katotohanang kung minsan ay kailangang mapalaya sapagka't' kinakailangang mabunyag ang kanyang laman, mahayag ang kanyang pakay, ang kanyang diwang ipinahahatid, at kung minsan ay kailangang itago, supilin, at talian sapagka't may Kapangyarihang kailangang matiim, at pasibulin upang ipakita ang kanyang katatagan, ang kanyang paninindigan at pag-ibig sa kanya ay nagpahiram ng buhay.

Sapagka't ang katotohanang sumasaklaw sa kabuuan ng buhay ng bawa't nilalang ay kawangki ng mga kaalamang bumubulay sa salita ng pagka-unawa; tumatanggap ng turo sa pantas na pag-uugali, sa katuwiran, at kahatulan, at karampatan; upang magbigay ng katalinuhan sa musmos; kaalaman at pagbubulaybulay sa kabataan: upang marinig ng pantas, at lumago sa ikatututo: at upang tamuhin ng taong may unawa ang magagaling na payo; upang umunawa at ng kahulugan; ng mga salita ng pantas, at ng kanilang malalabong sabi. (Kawikaan 1:3-6)

Iyan ang mga karunungang hatid ng kawikaan sa lahat at bawa't isa upang kung alinman ang kahinatnan ng katotohanang sumasaklaw sa buhay ay may magandang bakas na maiwan upang kung tumanggap ng hatol ang bawat iginalaw ng tao ay iyon ang sadyang marapat na matanggap sapagkat walang ibang gumawa ng mga yaon kundi ang mga anak din ng Diyos.

Ang mawalan ng pag-iingat at pangangalaga sa dapat na igalaw at isakatuparan.

Kaya nga ang kawikaan ay nangungusap sa tuwina ng ganito: ilagak ninyo ang inyong pag-asa sa Panginoon ninyong Diyos: na gumawa ng langit at lupa, ng dagat, at ng lahat ng nandoon; na nag-iingat ng katotohanan magpakailan man; na nagsasagawa ng kahatulan sa napipighati; na nagbibigay ng pagkain sa gutom: pinawawalan ng Panginoon ang mga nasusubsob; iniibig ng Panginoon ang matuwid; iniingatan ng Panginoon ang mga taga ibang lupa; kaniyang inaalalayan ang ulila at babaing bao; Ngunit ang lakad ng masama ay kaniyang ibinabaligtad ito. (Awit 146:6-9)

Sa ganyan ninyo pawalan ang katotohanan kung inyong nadaramang kailangan niyang lumaya, kailangan niyang makalipad upang ang inyong anihin ay liwanag at kapayapaan; sapagkat ito ang pag-ibig ng Diyos, ang kapangyarihan ng katotohanan sapagkat iisa ang katotohanan walang iba kundi ang Diyos lamang. 

Kung gayon, tumiwala kayo sa Panginoon ng boong puso ninyo, at huwag manalig sa inyong sariling kaunawaan: kilalanin ninyo siya sa lahat ng inyong mga lakad at kaniyang ituturo ang inyong mga landas na dapat tahakin. (Kawikaan 3:5-6)

Samakatuwid, ang putong ng buhay ang inyong matatamo hanggang sa huling mga araw. Kung gayon, kung ibig ninyong mabuhay pigilan ng inyong mga puso ang salita ng Panginoon; ingatan ang kanyang mga utos at mabubuhay kayo ngayon at magpasawalang hanggan.

Lasapin ninyo ang tamis ng pulot-pukyutan ngayon at hanggang sa wakas ng inyong mga buhay.

Pahatid Diwa

Kpd. Rebecca Dungo

 

 

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia