2020-2021, Rebecca, Koleksyon-Apostol Pablo,Sikograpiya

 


 

 

 

 

 

 


 

2021-09-12 APO PAB-RAD

Sumainyo ang biyaya ngayon at hanggang sa wakas.

Ang kahulugan ba ng kadiliman ay ang pagkawala ng liwanag? Ngunit, totoo bang nawala ang liwanag kaya naghari ang kadiliman? Kung ito ang literal na kahulugan ng kadiliman, ano naman ang kahulugan nito sa diwa? Ang nasa kadiliman ba ay hindi maka-aabot sa biyaya? Ni hindi rin ba magkakaroon ng karapatan para makita ang Panginoon?

Ito ba ang dapat maunawaan ng sangkatauhan upang bumalik ang nawalang liwanag? Ang nasulat ay ganito, Sundin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng tao, at ang pagpapakabanal na kung wala ito'y sinoman ay di nakakakita sa Panginoon: Na pakaingatan na baka ang sinoma'y di makaabot sa biyaya ng Diyos; baka bagabagin ng anomang ugat ng kapaitan na sumisibol, at dahil dito ay mahawa ang marami.

Kung gayon, may mahalagang bagay na mawawala kapag ang piniling tahakin ay ang kadiliman sapagkat ang dala ng kadiliman ay ang nasa ng makutim na kalooban.  Na ang buhay na galawan ay ang mga gawang hindi sa ikaliligaya kundi sa ikalulungkot; hindi sa ikapapayapa kundi sa kabagabagan; hindi sa ikatutuwid kundi sa pagkakaligaw.

Kaya at ang aking ipinanalangin ay magsilagi nawa sa inyo ang pag-ibig. Mangilag kayo sa pag-ibig sa salapi sapagkat ang Panginoon ang nangakong, ”kailanman ay hindi ko kayo”, ang kanyang wika,”papagkukulangin, sa anomang paraan ni hindi kita pababayaan”. 

Ang aking pag-ibig ang sa inyo ay nangungusap at nagmimithing pasakdalin nawa niya kayo sa bawat mabuting gawa upang gawin ang kanyang kalooban, na gawin sa inyo ang nakalulugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesucristo; na mapasa kanya nawa ang kaluwalhatian magpakailan man.

 Ang biyaya ay sumainyo nawang lahat.  Paalam, Apostol Pablo.

 

2021-09-05, RAD


Biyaya at kapayapaan buhat sa Ama at iisang Panginoon ang maghari sa lahat ngayon at hanggang sa wakas.  

Kapag napapagod dahil sa paggawa ng mga gawaing panlupa, ano ang karaniwang ginagawa ng tao? Ano ang iniisip na kanyang gawin? Ano ang mag-aalis ng pagod na nadarama? Humihinto sa kanilang paggawa. Sa madaling salita, nagpapahinga.

Kung ang kalagayang ito ay ang kalagayan ng diwa, ng puso, ng pag-iisip, paano nito matatamo ang kapahingahan? May dapat bang suriin sa inyong pagkatao upang matamo ang kapayapaang nasa ng inyong mga espiritu? Nauunawaan baga ng inyong mga puso kung ano ang kinakailangang kapahingahan? May dapat bang labanan sa inyong kalagayan?

Kaya ba ang naging pangungusap, itabi ninyo nang walang liwag ang bawat pasan, at ang pagkakasalang pumipigil sa inyo, at inyong takbuhing may pagtitiis ang takbuhing inilagay sa inyong harapan (Hebreo 12:1).Hindi pa kayo nakikipaglaban hanggang sa mabubo ang dugo, na nakikipag-away laban sa kasalanan (Hebreo 12:4).

Tama ba na inyong ulinigin ang ganitong pangungusap: Sapagkat pinarurusahan ng Panginoon ang kanyang iniibig, At hinahampas ang bawat tinatanggap na anak? (Hebreo 12:6) 

Samakatuwid, nauunawaan na ba ninyo ang diwa ng kapahingahan upang magawa ninyong unawain ang karanasang dinadaya ninyo sa kasalukuyan? Nauunawaan na rin ba ninyo kung paano tatanggapin ang pagmamahal ng Ama? 

Ito ang aking sa inyo ay inihandog sa pamamagitan ng biyaya at kapayapaan buhat sa Ama at iisang Panginoon na hangad kong sa inyo'y maghari ngayon at hanggang sa wakas. Paalam, Apostol Pablo.

2021-06-13, APO PAB-RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa ating Ama at sa Panginoon ngayon at hanggang sa wakas.

Kung inyong tinatanggap na kapag may dilim ay may darating na liwanag, ano ang hindi ninyo pababayaang maglaho o mawala sa inyong buhay.

Sapagka't kapag iyon ang nawala paano pa ninyo ititindig ang inyong mga sarili mula sa inyong pagkakalugmok? Paano pa ninyo bibigyang buhay ang inyong pananampalataya kapag kayo ay nagpabayang iyon ay mawala?

Ang gawang iyon na dapat manatili sa inyong mga puso at diwa ay siyang kamay na sa inyo ay aakay at mag-aahon mula sa pagkakalugmok. Kaya at ang atas na dapat ninyong taglayin sa inyong mga sarili ay ito:

Manatili sa inyo ang tatlong Ito, ang pag- asa,ang pananampalataya at ang pinakadakila sa lahat, ang pag- ibig."

Nasasa inyo pa bang mga isip at puso ang pag-asa? Ano ba ang pag-asa? Paano ba ilalarawan sa inyong bawa't karanasan ang bunga ng pag-asa? Pinanghahawakan ba ninyo ito na kayo ay makaaahon sa kadiliman o karumhan?

Ang pagpapala baga ang inyong makakamtan kapag binuhay ninyo, pinanatili at pinanghawakang may bukas pang daratal sa pusikit na kadiliman? Ang wika nga sa kasulatan:

Tunay na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin kita.



Kaya at nang dahil sa pag-asa ay magagawang itaguyod ang tiisin at mabigat na pasanin. Sapagka't ang wika ng Panginoon, ang naghihintay ng may pagtitiis, ay nagtatanong ng pangako. At upang ipakita na pinaka-iibig ng Diyos na maipakita at lalong sagabal sa mga tagapagmana ng pangako ang kawalan ng pagbabago ng kaniyang pasiya ay ipamagitan ang sumpa.

Kaya at kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, huwag anya, "ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso," na gaya ng sa pamumungkahi. Kung gayon, ang magtataguyod ba ng kaganapan nito ay ang pagkakilalang habang may buhay ay may pag-asa?

Tulad ng kasaysayang inihantad sa kasulatan sa pagitan ng mga Israelitas, ng isang paraon at ng Moises. Sa ganito ko kayo ngayon binibigyan ng buhay upang patuloy na hanapin ang buhay sa gitna ng kamatayan.

At mula doon ang wika, liliwanagan kayo ni Kristo. Ito ang biyaya at kapayapaang aking sa inyo ay iniiwan ngayon at magpasawalang hanggan. Apostol Pablo.... Paalam.

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

-o0o-


 

2021-03-14 APO PAB-RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

May diwa bang nakatago sa salita? O ang salita ay isang talinghaga? May kaugnayan ba Ito sa isinaad ng kasulatan na, Ng pasimula ay verbo, at ang verbo sy sumasa Dios, at ang verbo ay Dios (Juan 1:1)?

Kung ang verbo ay katumbas ng salita, masasabi bang ang Diyos ay salita ? Kung siya ang salita, ano ang salita ng Diyos? Ang wika, ang verbo ay Dios, ano ngayon ang itinuturo ng salita? Ano ang dala ng salita? (Juan 1:2)

Ang saad pa ng kasulatan: Ang lahat ng bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya. Kaya at nasa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng mga tao. (Juan 1:3-4)

Ganito rin ang kahalintulad ng salita, siyang ilaw ng diwa, siyang buhay ng damdamin, at siyang daan tungo sa ugnayan ng mga tao. Salita na daan sa pagkakaunawaan, ng paglalapit ng bawa't damdamin nguni't kung minsan ay nagiging sanhi ng pagaalitan, ng pag- aaway at di- pagkakaunawaan.

Kung gayon, nasa salita ba ng Diyos ang katotohanan? Nguni't ano na nga ba ang salita ng Diyos upang dinggin ng bawa't taong nabubuhay? Ito ba ay lakas na nakapagbibigay ng kapangyarihan sa bawa't tao upang pamahalaan ang kanyang sarili, upang maging mapanlupig. Kayo mga anak ng Diyos, ano ang salitang binibigkas ng inyong mga puso upang maging bahagi kayo ng katotohanang hinahanap ng inyong mga espiritu.

Ito ang pag-ibig na aking sa inyo ay iniiwan ngayon at magpasawalang hanggan.

 

2021- 03-07 APO PAB-RAD


Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Mula sa kadiliman ay sumilay ang liwanag, ano ang inyong mamamasdan sa loob ng tahanan? Ang kaayusan ba at kalinisan ng kapaligiran sa loob ng kabahayan ang unang masisilayan? O ang sukal, ang kalat at karumihan ng kabahayan ang unang masisilayan?

At kung ang sukal at karumihan ang masilayan, ano ang iisipin ng isang isipan? Ano ang dadalhin ng isang damdamin? Ano ang ihahayag ng isang kalooban?

Ang katulad kaya ng inihayag ng isang Job kung bakit binigyan ng liwanag ang nasa karalitaan, at ng buhay ang kaluluwang nasa kahirapan; Na naghihintay ng kamatayan, ngunit hindi dumarating; At hinahangad ng higit kaysa mga kayamanang nakatago; Na nagagalak ng di kawasa, At nangasasayahan pagka nasumpungan ang libingan? (Job 3:20-22)

Dahil kaya ang mga bagay na inyong kinatatakutan ay dumarating sa inyo? At ang inyong pinangingilabutan sa inyo'y dumarating? Magawa kayang hanapin ng tao ang sa kanya'y nagpahiram ng buhay?

Sa isang Job, hinanap niya ang Diyos, upang ihabilin ang kanyang usap: Na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at Ng mga hindi magunita; Ng mga kamanghamanghang bagay na walang bilang:

At siyang magbibigay ng ulan sa lupa, At nagpapahatid ng tubig sa mga bukid (Job 5:8-10).

Sa ganito napansin ng Dios ang isang Job na walang gaya niya sa lupa, na sakdal at matuwid na lalake, na natatakot sa Dios at humihiwalay sa kasamaan. (Job 1:8)

Kung gayon, iibigin pa ba ninyong may liwanag na sa inyo ay sumilay pagkatapos ng paglukob sa inyo ng kadiliman? Datapuwa't sa kadiliman kayo ay ngangapangapa, nangatitisod sa bato sapagka't di ninyo nakikita nang malinaw ang inyong nilalakaran, ang inyong kalagayan ay balot ng kaligaligan.

Sa ganito naghahayag at gumaganap ang liwanag at dilim. Sa ganito rin sila nagtutuwang at nagdadamayan upang buksan ang mga matang wari ay walang liwanag na nakikita; sa ganito ring kalagayan nagagawang antigin ang bawa't damdamin at katukin ang bawa't kalooban. 

Samakatuwid, bawa't kahayagan ay waring isang tabak na papagot sa gapos ng mga anak ng Diyos; maghahawan sa mga kalat at sukal na lumilitaw at makikita kung may sumilay ng liwanag.

Kung gayon, hangarin ninyong makita ang sukal na hahawanin sa liwanag at hindi sa kadiliman. Ito ang aking sa inyo ay inihahatid upang madama ninyo kung paano mabuhay nang matiwasay bagaman at nasa kadiliman nguni't animo ay nabubuhay sa kaliwanagan.

Maghari sa inyong mga puso ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Apostol Pablo.

 

2021-02-28 APO PAB-RAD


Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Kung bibigyan kayo ng pagkakataon at karapatang makaharap at makausap ang Panginoon, ano ang sasabihin ninyo sa Kanya? Ano ang una ninyong bubuksan sa pagharap ninyo sa kanya? Paano ninyo ipasisilip sa kanya ang inyong puso?

Sa inyong unang gagawin madama kaya ninyong kayo ay bubuhayin niya mula sa mga patay? Magawa kaya ninyong iharap ang inyong kabuuan na isang haing buhay at banal, na kaaya-aya sa Diyos, na siya ninyong katampatang pagsamba.

At inyo rin na unawaing sa inyong pagharap sa kanya ay hindi kayo magsisi-ayon sa sanglibutang ito; kundi mag-iba kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti at kaaya-aya at lubos na kalooban ng Diyos.

At sa harapan ng Panginoon ay maunawaan din ng bawat isa sa inyo bilang anak ng Diyos na hindi mag-isip sa kani-kaniyang sarili nang totoong matayog kay sa marapat niyang isipin; kundi mag-isip na may kahinahunan, ayon sa kasukatan ng pananampalataya na ibinahagi ng Diyos sa bawa't isa sapagka't kung paanong sa isang katawan, ang saad ng kasulatan ay may maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ay hindi pareho ang gawain:

...ay gayon din kayo, na marami ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na sama sama sa isa't isa at may mga kaloob na magkakaiba ayon sa biyayang ibinigay sa inyo. (Roma 12:4-5)

Kaya nga at ipinagtatagubilin ko sa inyo na ang pag-ibig ay maging walang pagpapaimbabaw; kapootan ninyo ang masama; makisanib kayo sa mabuti. Sa pag-ibig ay mangagmahalan kayo; sa kapurihan ay ipagpa-una ng isa at isa ang iba; huwag maging mga tamad sa pagsusumikap; maningas sa espiritu: mapaglingkod sa Panginoon. Sa huli pagpalain ninyo ang mga sa inyo ay nagsisi-usig; pagpalain inyo, at huwag ninyong sumpain. (Roma 12:9-14)

Ito ang mga kalagayang aming adhika na inyong mabuksan sa sandaling mabigyan kayo ng karapatang makaharap at makausap ang Panginoon.

Muli sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Apostol Pablo.

 

2021-02-07 APO PAB-RAD


Biyaya at kapayapaan buhat sa Ama at Panginoon ang maghari sa inyong mga puso ngayon at hanggang sa wakas!

Minasdan mo ba at nakita kung paano ka lumalakad? Kung nagawa mo nang masdan ang iyong paglakad, ano ang kahayagang ipinatanaw sa iyo? Makita mo bang dalawa ang uri at kalagayan inihahakbang ng iyong mga paa sa bawat kanyang paghakbang?

Kung gayon, dinggin mong mainam ang pangungusap ng Gintong Aklat na naghahantad kung paano at ano ang nagagawa ng matuwid, saan dinadala ng masama ang paa ng mangmang at ng liko. Ang wika ng kasulatan: Ang karunungan ng matuwid ay makaunawa ng kanyang lakad: Ngunit ang kamangmangan ng mga mangmang ay karayaan. (Kawikaan 14:8)

Ang wika pa: Ang pantas ay natatakot at humihiwalay sa kasamaan: Ngunit ang mangmang ay nagpapakilalang palalo at timawa. (Kawikaan 14:16)

Ganito ba ninyo dinadala at pinamamahalaan ang inyong pagkatao? Unawain ninyong mainam na ang pagkatakot sa Panginoon ay bukal ng kabuhayan, upang humiwalay sa mga silo ng kamatayan. (Kawikaan 14:27). Kung gayon inyong tantuin na, ang masama ay mananangis sa kanyang masamang gawa: Ngunit ang matuwid ay may kanlungan sa kamatayan.

Inilarawan ng kasulatan ang kahingian ng taong mayaman at ng isang pulubi na si Lazaro. Hiningi ng taong mayaman sa Amang Abraham na suguin si Lazaro upang itubog niya sa tubig ang dulo ng kanyang daliri, at palamigin ang kaniyang dila; sapagkat naghihirap siya sa alab nito (Lucas 16:24).

Matamang pakinggan ng inyong mga puso ang pagibig na isinisigaw ng aking espiritu: "Mangag-ingat kayo sa inyong mga sarili: kung magkasala ang iyong kapatid, sawayin mo siya: at kung siya'y magsisi, patawarin mo siya (Lucas 17:3). At kung siya'y magkasala sa isang araw laban sa iyo, at makapitong magbalik sa iyo na sasabihin, Pinagsisisihan ko; patawarin mo siya." (Lucas 17:4).

Ganito ang kalagayang tatambad sa sandaling dumating na ang tao ay makadama ng pagkagutom. At sa pagdating nito hangarin ng inyong mga puso na manaig ang mabuting saway sapagkat ang walang unawa kung magtakwil ng saway ay aani ng karalitan at kahihiyan. Katulad ng nangyari sa mga kaarawan ni Noe, ay gayon din naman ang nangyayari sa mga kaarawan ng Anak ng tao.

Sila'y nagsisikain. Sila'y nagsisiinom, sila'y nangagaasawa, at sila'y pinapagaasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe at dumating ang paggunaw, at nilipol silang lahat (Lucas 17:27) . Kaya nga sinasabi ko sa inyo, Sa sandaling yaon ay dalawang lalake ang sasa isang higaan; ang isa'y kukunin, at ang isa'y iiwan. (Lucas 17:34)

Kaya nga magsipanalangin kayong lagi, at huwag manganglupaypay. Sapagkat darating sa inyo ang mga araw, na babakuran kayo ng kuta ng mga kaaway ninyo, at kukubkubin kayo, at gigipitin kayo sa magkabikabila. At ilulugso kayo sa lupa, at ang mga anak ninyo na nasa loob ninyo; at sa inyo'y hindi sila magiiwan ng bato sa ibabaw ng kapwa bato; sapagkat hindi ninyo nakilala ang panahon ng sa inyo'y pagdalaw. (Lucas 19: 43-44)

Ganito ko inihahandog ang ningas ng pag-ibig ng aking espiritu. Maghari sa lahat at bawat isa ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Apostol Pablo

 

2021-01-01, RAD


Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na Ama at sa ating Panginoon na si Hesucristo na sa kaniya ang kaluwalhatian.

Siya nawa Isang tanong na alam kong magiging magaan ang pagsagot. Ang tanong ay ito: May pagkakaiba ba sa kahulugan ang salitang ibinato at inihagis? Ibinato nang walang pakundangan at nang may pag-iingat? Kung ang maging salita ay ibinalibag lalo bang may magiging pagkakaiba sa kahulugan at kanilang diwa?

Kapag ibinato o ibinalibag ang bato sa tubig, ang magiging bunga ba ay tulad sa ibinato o inihagis nang may pakundangan o pag-iingat? Wari'y isang tanong nang naglalarong pag-iisip. Kung ganito ang kahalintulad sa gawa ninyong mga tao, madarama ba ninyo ang diwang ibig kong ipahiwatig?

Malalarawan ba ngayon sa inyong katauhan ang kawangis na pangungusap ng kasulatan na nagwiwika: Ito lamang ang ibig kong maalaman sa inyo, Tinanggap baga ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig ng tungkol sa pananampalataya? (Galacia 3:2)

Napakamangmang na ba kayo? Kayong nagpasimula sa Espiritu, ngayon ay nangagpapakasakdal kayo sa laman? (Galacia 3:3). Dito ngayon ninyo halawin ang pasimulang katanungang sa pagbato ng bato nang may pagiingat at nang walang pakundangan.

Makatwiran bang ipangusap ko ngayon sa inyo na, tiniis baga ninyong walang kabuluhan ang lubhang maraming mga bagay? kung tunay na walang kabuluhan (Galacia 3:4). Siya na nagbibigay nga sa inyo ng Espiritu, at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo, ginagawa baga sa pamamagitan ng mga gawang ayon sa kautusan, o sa pakikinig ng tungkol sa pananampalataya. Samakatuwid kawangis ng hawak ninyong bato, paano ninyo ito ibabahagi sa tubig?

Kung gayon inyong matamang liripin ang pangungusap na ito na sa inyo ay aking iiwan na wari ay malayo ang agwat sa diwang inihagkis ngunit ito ay larawan maghahantad sa kahalagahan ng hawak na bato at kaugnayan ng tubig na pagbabahaginan ng batong ihahagis: Sinoman ay hindi inaaring- ganap sa kautusan sa harapan ng Diyos; sapagkat, Ang ganap ay mabubuhay sa pananampalataya (Galacia 3:11) at sasakanila ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na Ama, at sa ating Panginoong Hesucristo ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Apostol Pablo.

 

2020-11-29, RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaang nagbubuhat sa mga langti ngayon at hanggang sa wakas.

Kung ang diwa ng saliata ay babanghayin at ipapaloob sa pamamagitan ng pagbubuo ng isa pang salita na nakapaloob sa kataga ng mayroon ng diwa na ihahantad, madarama ng bawat isa ang laki ng bigat, ang laki ng liwanag at lawak ng katotohanan na kinakailangang galawan, kinakailangang marating at maabot ng bawat nag-aaral sa kalihiman ng buhay.

Sa ganito ring kalagayan naroroon ang kaugnay na paniniwala at pagkakilala ng tao na ang diwa, “ Ang hindi lumingon sa pinanggalingan ay hindi makakarating sa kanyang paroroonan.”

Datapawat ang pag-aaral na kinakailangang tumimo at matanin sa kabuuan ng tao, “Ano ang pinanggalingan na kinakailangang kanyang lingunin upang sa iyong paglingon ay makarating ka sa iyong paroroonan?”

 Ang diwa ng salitang pasasalamat, sa pagbabago ng tao

Naririyan ngayon ang pagpapasalamat na kinakailangang maging bahagi ng kanyang bawat paggalaw; kinakailangang maging bahagi ng bawat paggawa ng tao.

Kung ang tao ay nagmula at nanggaling sa isang kabuuan, samakatwid , ang kabuuang ito ang kailangang lingunin sapagkat sa bahagi ng tao, ang kabuuan na pinanggalingan ay pinaghihiwalay, hinahati upang madama ang buhay ang pag-uugnay at ang buhay ay pagdurugtong.

Kaya at sa pamamagitan ng mga bahaging ito ay naroroong ipinadarama ang kalagayan ng Diyos upang ang isang kaluluwa sa pagkakaroon ng katawang-lamang gumagalaw ayon sa kakayahang dala-dala ng kanyang sarili na siyang kalagayang sa kanya ay ibinigay.

Dahil dito, ang kataga ay pasasalamat. Naroroon ngayon kung inyong dadamhin ang kabuuan ng tatlo na pinakamahalaga at naging mahalaga sa bahagi ng tao: PASA, SALA, LAMAT. Tatlong kataga, may diwang kinakailangagg ihantad at mahayag.

Kung ang kataga ay ‘PASA’ o pagpasa sa isang bahaging dala-dala na kinakailangang ibigay sa iba; kinakailangang ibahagi hindi lamang para sa kanyang sarili kung hindi para sa kanyang kapwa. At kung ito ang bahaging kinakailangang madama sapagkat mayroon ng pinanggalingang kinakailangang lingunin, naririyan kaugnay ang ‘SALA’ sapagkat iyan ay isang karapatan upang mula sa kanyang pagkakamali ay doon matuto ang tao.

Kung ito ngayon ang kinakailangang lingunin sa SALA na naisagawa sapagkat ito ang nagbunga ng ‘LAMAT’ sa kanyang kabuuan, samakatwid, ang karunungang nakapaloob ‘ANG PAGBABAGO NG TAO’.

Sa bahaging ito ngayon naririyan kinikilala ng tao ang mga bahagi na mayroon ng kaligayahang ibinibigay: umu-unlad ang buhay, nagtatagumpay sa kanyang pangarap; natatamo ang kasaganaan. Ano pa at lahat ng bahagi ng sanglibutan ay kanyang nakuha. Doon lamang ipinadaramang mahalaga ang pasasalamat.

Datapwat ito baga ang kabuuan ng paghihiwalay ng laman at ng isang kaluluwa? Ang lahat ng iyan ay nakapaloob ang ‘LAMAT’ na kinakailangang mabuo upang muli ay madama ang ‘buhay na walang hanggan’ na matamo sa pamamagitan ng naggawa ng isang pagkatao na naroroon ang katuparan ng kanyang tungkulin: “Imulat ang kang kanyang sarili sa mabuti. Ibangon at itayo ang kanilang sarili sa mababang kinalalagyan upang magkaroon nang mataas na kamalayan ukol sa katotohanan at kaliwanagan.

Mga bahagi na naroroon ang ‘SALA’, naroroon ang ‘LAMAT’ na kinakailangang magkaroon ng bahagi sa inyong paggawa. Ano ngayon ang bahagi ng paggawa na kinakailangang ibigay mo sa dalawang kalagayang ito na nilalakaran at tinatahak ng tao?

Ano ang kinakailangang ibahagi mo sa dala-dala sa ‘SALA’ na inyong nakikita? Sa ‘LAMAT’ na iyong nadama? Ano ang kinakailangan ibahagi mo upang hindi lamang ang buka ng bibig sa pamamagitan ng salitang ‘SALAMAT PO AKING AMA?’

Ito ang diwa ng katotohanan sapagkat ang diwa ng katotohanan kapag inusal hindi maaari na hindi ka babalik sa iyong pinanggalingan sapagkat ang iyong pinanggalingan, o tao, ay ang kawagasan. Ito ang kinakailangang inyong makilala upang sa bawat inyong nakikita, sa bawat galaw at kampay ng inyong mga kamay ang kabuuan, ‘paggawa ng isang pagkatao.’

Ito ang inyong kilalanin upang madama ninyong naririyan ang kadakilaan ng katagang ‘PASASALAMAT’, na hindi kinakailangang usalin lamang ng labi at nguso kung hindi kinakailangang magkaroon ng buhay na kabuuan ng tao upang ito ang siyang sa inyo ay magpagalaw. Sapagkat sa paggalaw hindi maaaring hindi makaratating sa kanyang paroroonan.

Ito ang bahaging aking sa inyo ay iniiwan at maghari nawa sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang pag-iibigan, kababaang-loob, pagkakawanggawa at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Apostol Pablo.

 

2020-09-29 APO PAB-RAD


Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Kapag tinanaw mo ang punong-kahoy at hinanap mo kung saan nanggagaling ang kanyang buhay, ano ang kasagutang iyong ibibigay? Mababaw na aralin upang matukoy kung saang bahagi ng puno magsisimula ang buhay. Ngunit saan at alin nga ito?

Gayon din ba magiging kadali kung ang paghahambingan ay ang gawa na tutukoy at magpaunawa kung ano ang matuwid at ang liko o ang mabuti at masama o ang maganda at hindi maganda o ang marapat at hindi nararapat?

Ano at alin sa inyong kabuuan bilang tao ang maghahayag nito? Ang tutukoy nito? Ang magbibigay katuparan upang ang ligalig na isipan at kawalan ng katiwasayan ng damdamin ay magtamo ng kapayapaan? Tulad ng kung may nadarama kayong may kaloob na sa inyo ay ibinigay, paano ninyo siya hahawakan o pamamahalaan? Paano ninyo siya ibabahagi upang ang pag-ibig ang umiral?

Sa ganito ako sa inyo nakikipag-ugnay sapagkat lagi kayong nasa aking puso, palibhasa ay, sa aking mga tanikala at pagsalangsangng at sa pagpapatuloy naman sa ebangelyo kayong lahat na naging kaugnay ko ay magkaroon ng bahagi sa biyaya.

Sapagkat saksi ko ang Diyos, kung gaano ang pananabik sa inyong lahat sa mahinahong habag ni Kristo Jesus.At ito ay idinadalangin ko, na ang inyong pag-ibig ay lalo at lalo pang gumana nawa sa kaalaman at sa lahat ng pagkakilala; upang unting kilalanin ang mga bagay na magagaling; upang kayo ay maging mga tapat, walang kapintasan hanggang sa kaarawan ni Kristo.

Adhikain ko na mangapuspos ng bunga ng kabanalan, na ito ay sa pamamagitan ni Hesukristo, sa ikaluluwalhati at ikapupuri ng Diyos.

Ngayon ibig ko na inyong malaman, mga minamahal kong kapatid, na ang bagay na nangyari sa lalong ikasusulong ng ebanghelyo; anopa at ang aking mga tanikala kay Kristo ay mahayag sa lahat ng bantay ng pretorio, at sa mga iba at iba pa; at ang karamihan sa mga kapatid sa Panginoon, na palibhasa ay may pagkakahiwalay sa aking tanikala, ay lalong magkaroon ng tapang upang salitaing walang takot ang salita ng Dios.

Kaya at damahin ninyo tunay na ipinangangaral ng iba si Cristo sa kapanaghilian at sa pakikipagtalo; at ng mga iba naman sa mabuting kalooban: ang isa ay ginagawa nito sa pag-ibig, palibhasa ay nalalaman na ako ay nalalagay sa pagsasanggalang ng ebanghelyo; datapuwat itinatanyag ng iba si Cristo dahil sa pagkakampi-kampi, hindi sa pagtatapat, na ang iniisip ay dalhan ako ng kapighatian sa aking tanikala. Ganito rin ba kayong may mga bukas ng kamalayan? Ano nga?

Gayon man, sa lahat ng paraan, maging sa pagdadahilan o sa katotohanan, ay itinatanyag, si Kristo; at sa ganito ay nagagalak ako, oo at ako ay magagalak sapagkat nalalaman ko na ang kahinatnan nito ay sa ating ikaliligtas, sa pamamagitan ng inyong paniniwala at kapuspusan ng Espiritu ni Kristo.

Ganito rin ba ang kahayagan ng kaloob sa inyo kapag ito'y inyong inihahayag at ibinabahagi sa buhay o nagagawa ninyong ipagapi sapagkat ang inyong puso'y nakagupiling sa mga alitigtiging panlupa na inyong nadarama at nabibigyan ng pansin?

Ang simbolo ng puno

Sapagkat sa ganang akin ang mabuhay ay si Kristo, at ang mamamatay ay pakinabang kaya at kung inyong mamasdan ang puno, may ibinabaon sa lupa upang may bahagi niya na makasulpot sa lupa; at kung ito ay makasulpot may bahagi niya na kukuha ng sangkap upang maitambal sa buhay na natamo. At upang makita rin na may sangkap na dapat kunin ang bahagi ng isinubsob sa lupa upang siya namang ugnayan ng sangkap na dala naman ng sumulpot na bahagi ng puno na sa ibabaw ng lupa.

At kung ito ay may kaugnayan sa pagtatambal ng kalupaan at ng kaitaasan at ang mabuhay sa laman ay siya kong palad, ___ ito ay magiging mabungang pagpapagal, na aywan ko kung ano ang aking pipiliin.

Gayon man ay ang manatili sa laman ay siyang lalong kinakailangan dahil sa inyo kung ito ang magiging kaparaanan ko upang kapuwa mabuhay ang bawat bahagi ng puno.

Gayon din ba ang inyong lalakaran at marapat ninyong lakaran upang managana ang inyong pagmamapuri kay Kristo Jesus sa akin sa pamamagitan ng aking pakiki-ugnay sa inyo upang hindi man kayo nabuhay sa aking panahong ay madama ko ang inyong pananampalataya sa evangelio.

At madama ko rin ang inyong kalagayan, na kayo ay matibay sa inyong espiritu, na kayo ay mangagkaisa ng kaluluwa na nagsisikap sa pananampalataya sa ebanghelyo; at sa anoman ay huwag kayong mangatakot sa kaaway, at ang kaaway na nasasa inyo ngayon ay ang alitigtiging gumigayagis hindi lamang sa ugat, sa katawan, sa mga sanga ng punongkahoy kundi halos sa lahat na ng kabuuan ng puno.

Na ito sa kanila ay malinaw na tanda ng kapahamakan, datapuwat tanda ng inyong pagkaligtas, at ito ay mula sa Diyos; sapagkat sa inyo ipinagkaloob alang alang kay Kristo, hindi lamang upang manampalataya sa kaniya kundi magtiis din naman alang alang sa kanya.

Kung gayon, nalalarawan na buhat sa inyo na kayo sa kasalukuyan ay inilalagay sa karanasan na may binubuksan upang makita ninyo ang halaga at dapat maging kagamitan at bahagi ng kaloob na kaalinsabay ng buhay ninyo sa kasalukuyan.

Sa kahulihulihan upang ilarawan ang halaga ng ugnayan at galaw ng tao, pagagapi ka ba o hahangarin ninyong lumaban upang ang kaloob na nasa sa inyo ay inyong maipanagumpay.

Sumainyong muli ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

 

2020-09-19, RAD


Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Ang lahat ng naniniwala sa sa Panginoon ay nananalig na ang Kristo ay isinugo upang ganapin ang tipan ng Kanyang Espiritu at ito ay ang ipako sa krus. Ito ang larawan ng kasaysayang ipinatunghay ng Banal na Kasulatan.

Ngayon, kaya ninyong damhin ang puhunang itinayo Niya pagkatapos na maunawaang ito ang kanyang magiging tipan? Nadama rin ba ninyong bago ito maganap ay may panlulumo siyang nadama? Ang Kanyang pagluha ba ng dugo nang siya ay nananalangin sa Hardin ng Getsemani ang patotoo?

Tanawin din ninyong dito niya binuksan ang aming kamalayan upang ipadama kung ano ang katatagan ng paninindigan at paano ito sasakbibihin ng aming mga espiritu. Dito rin niya ipinahiwatig kung paano itataguyod ang matibay na pananampalataya.

Ipinakita Niya ang malinaw na salamin upang aming matunghayan ang aming magiging kahinaan sa pagdatal ng kanyang panahon. Ipinananambitan din Niya kung ano ang magiging tanda ng pagdating ng Kanyang tipan.

Ang wika, “at pagka kayo ay nangakarinig ng mga digmaan at ng mga kaguluhan, ay huwag kayong mangasindak: sapagkat kinakailangang mangyari muna ang mga bagay na ito; datapuwat hindi pa malapit ang wakas.”

Ipinagtagubilin niya sa aming kanyang mga alagad na bago mangyari ang mga tanda ng kaganapan kung paanong siya ay huhulihin, kami man ay huhulihin, pag-uusigin, at ibibigay sa mga sinagoga at sa mga bilangguan, na kami ay dadalhin sa mga hari at mga gobernador dahil sa kanyang pangalan. Ito ang magiging patotoo sa amin na Kanyang mga alagad.

Datapuwat naroroon ang pagpapadama ng Kanyang pagibig upang manatili ang itinayo niyang katatagan ng puso at pananampalataya kaya at ipinagtagubilin Niyang pagtibayin ang aming mga puso na, huwag munang isipin kung paano ang aming isasagot. Bakit?

Sapagkat bibigyan ko kayo, ang Kanyang wika, ng isang bibig at karunungan, na hindi mangyayaring masalangsang o matutulan man ng lahat ng mga kaalit. Datapuwat kayo ay ibibigay ng kahit magulang, at mga kapatid, at mga kamag-anak, at kaibigan; at ipapapatay nila ang iba sa inyo.

Kayo ay kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan ng. At hindi mawawala kahit isang buhok ng inyong ulo.Ngunit may pangako ng kaligtasan na aming tatanggapin, sa inyong pagtitiis ay maipagwawagi ninyo ang inyong mga kaluluwa.

Ngayon, kailangang din bang buksan ko ang inyong mga mata upang matanggap ninyo ang tunay na kahayagan ng liwanag? Kailangan din bang buksan ko ang inyong mga puso upang inyong panghawakan ang lahat ng inyong naipon, nasimpan, at natutuhan?

Dinggin ninyo, oh kaluluwa ng tao; magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin; at sa lupa ay magkakaroon ng kasalatan sa mga bansa, mga matitilihan dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong; mangagsisi-panlupaypaypay ang mga tao dahil sa takot, at dahil sa paghihintay ng mga bagay na darating sa ibabaw ng sanglibutan sapagkat mangangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit.

At kung magkagayon, katulad ng aming nakita, ipahihintulot din kaya ninyong makita na ang Anak ng Tao ay napariritong nasa alapaap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

Datapuwat sinasabi ko rin sa inyo katulad ng aming tinanggap na, kung magkagayon at magpasimulang mangyari ang mga bagay na yaon ay magsitingin kayo, at itaas ninyo ang inyong mga ulo; sapagkat malapit na ang pagkatubos sa inyo.

Ang talinhaga ng puno ng igos sa Banal na Aklat

At hayaan ninyong ibahagi ko sa inyo ang talinghagang sa amin ay Kanyang ipinangusap: masdan ninyo ang puno ng igos at ang lahat ng mga punong-kahoy: pagka nangagdadahon na sila ay nakikita ninyo at nalalaman ninyo sa inyong mga sarili na malapit na ang tag-araw.

Ang kaugnayan ng puno ng igos sa ating mga sarili

Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyong nangyari ang mga bagay na ito, talastasin ninyo na malapit na ang kaharian ng Diyos.

Ipinagtatagubilin ko sa inyo ang pag-ibig na Kanyang ipinadama sa amin na nangungusap: Mangagingat kayong sa inyong mga sarili, baka mangalugmok ang inyong mga puso sa mga katakawan, at sa kalasingan, at sa mga pagsusumakit ukol sa buhay na ito, at dumating na bigla sa inyo ang araw na yaon na gaya ng silo; sapagkat gayon darating sa kanilang lahat na nanganinirahan sa ibabaw ng buong lupa.

Ang langit at lupa ay lilipas, ngunit hindi ang salita ng Diyos

Kung gayon, sasabihin ko rin ang sinabi ng Anak ng Diyos, mangagpuyat kayo sa bawat panahon, na nangagsidaing, upang kamtin ninyo ang makatakas sa lahat ng mga bagay na ito, at upang mangakatayo kayo sa harap ng anak ng tao.

Sa ganito ko kayo binubuksan upang ipamata ang kabuuan ng dapat ninyong itayo at buuin sa inyong mga sarili sapagkat ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwat ang kanyang mga sinalita ay hindi lilipad hanggang sa maganap ang lahat ng mga bagay.

Sumainyong muli ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

 

2020-09-16, RAD

Ang liwanag at pag-ibig mula sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

Ang tala ng kasulatan, kailangan bang gumawa ng masama upang makita ang mabuti? Huwag nawang mangyari. Ngunit ito ay nagiging karaniwan ng takbo ng buhay na siya ng realidad na natutunghayan. 

Ito ba ang katotohanan kanyang dala na upang ipanalo ang kasinungalingan ay kailangan mong magsinungaling? At sa paggawa nito makukuha mo ang pangarap mong tagumpay. At sapagkat hangad ng marami ang tagumpay, ginagawang instrumento ang kasinungalingan o ang pagsusinungaling.

Ito ba sadya ang katapat upang ipanalo ang gawang matuwid tulad ng ginawa ng lilong katiwala na nakasulat sa Banal na Kasulatan, ang kanyang saad, "At sinabi rin naman ng Panginoon sa kanyang mga alagad, May isang taong mayaman, na may isang katiwala; at ito ay isinumbong sa kaniya na siya ay nagsisira ng kaniyang mga pag-aari. Hiningi ng mayamang magsulit siya ng kanyang pagiging katiwala. At sinabi ng katiwala sa kanyang sarili, Anong gagawin ko, yamang inaalis sa akin ng Panginoon ko ang pagiging katiwala? Magdukal ng lupa ay wala akong kaya; magpalimos ay nahihiya ako."

Dito ngayon naganap ang kasinungalingan sapagkat lahat ng sa kanyang panginoon ay nagkautang ay siningil niya na may bawas. Ang may utang na isangdaang takal ay pinagbayad niya ng limangpu lamang, ang iba ay walongpu sa isangdaang takal.

At ang ginawang ito ng katiwala ay umani ng papuri sa kanyang panginoon sapagkat siya ay gumawang may katalinuhan: sapagkat ang mga anak ng sanglibutang ito, sa kanilang sariling lahi, ay matalino Kaysa mga anak ng ilaw.

Ganito rin ba ang ipinahiwatig sa kalagayan ng mga eskribas at Fariseo? Na kung saan ay nagpakita ng pagpapaimbabaw o panlilinlang? Ano ang panlilinlang o kasinungalingan kanilang isinagawa?

Hindi ba ang kalagayang sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwat sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat ng mga karumaldumal?

Ganito ba ang kalagayan at dakong kinalalagyan ng kasinungalingan? Ang mga taong nagsisinungaling at nagiging bulaan ay katulad baga ng lilong katiwala at ng mga eskribas at Fariseo? Papuri rin ba ang kanilang matatanggap?

Na ang ipakikita, sila ay nagtayo ng moog. Ngunit ang moog ay itinayo ang mga libingan ng propeta at ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid na.

Isa pa ring masasabing larawan ng kasinungalingan ay ang tagpo sa pagitan ng Panginoon at ni Pedro na kanyang alagad. Nang sabihin ni Pedro na kung ang lahat ay mangagdaramdam sa iyo, ako kailan man hindi magdaramdam. Ngunit sinabi sa kaniya ni Jesus, katotohanang sinasabi ko sa iyo, na sa gabing ito, bago tumilaok ang manok ay ikakaila mo akong makaitlo.

Kung gayon, sapat bang ipangusap, kayong mga ahas, kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawawala kayo sa kahatulan sa impierno?

Kaya at narito, sinusugo ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalake, at mga eskriba: ang mga iba sa kanila ay inyong papatayin at ipapako sa krus, at ang mga iba sa kanila ay inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga.

At sila ay inyong pag-uusigin sa bayan bayan upang mabubo sa inyo ang lahat sa matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay sa pagitan ng santuariyo at ng dambana.

Muli ninyong tantuin at liripin ang saad ng kasulatan, dito ay walang bato sa ibabaw ng ibang bato, na hindi ibabagsak.

Ganyan ninyo tanawin at suriin ang inyong mga sarili upang sa inyong may bukas ng kamalayan sa tunay na diwa ng katotohanan ay masumpungan ninyo ang tunay na larawan ng liwanag.

Makintal sa inyong mga puso kung ano ba ang lakas na magagawa ng katapatan; maukit sa inyong mga puso kung paano kayo na mga anak ng Diyos ay pinatitibay hindi sa kasinungalingan kundi sa pagka sumpong ng katotohanang sa inyo ay makapagpapalaya sa tali ng kamangmangan at lisyang paniniwala.

Kaya nga ipinangusap ng Panginoon sa aming kanyang mga alagad ang ganito: mangagingat kayo na huwag kayong mailigaw ninoman. Sapagkat marami ang mangagsisiparito sa aking pangalan at magsasabi, ako ang Kristo: at ililigaw ang marami.

Kung gayon, ako man sa inyo ay nagsasabi, ingatan ninyo kayong mga mulat na sa tunay na kahulugan ng katotohanan ay hindi mailigaw sapagkat pinakinggan ninyo ang kasinungalingang nilubid ng makamandag na dilang kayang sumunog ng malaking gubat. Sa ganito ko inilalarawan at ipinadarama ang nagiging bunga ng kasinungalingan.

Dalhin ninyo ng buong katapatan at pagtitiwala ang pangakong sa inyo ay binitiwan ng Panginoon na nangungusap, "Ang mayroon ng aking mga utos, at tinutupad ang mga yaon, ay siyang umiibig sa akin: at ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama, at siya ay iibigin ko, at ako ay magpapakahayag sa kanya.

Dito ngayon ninyo damhin kung paano kayo maninindigan. Ang inyong Oo, ay maging Oo, at ang inyong Hindi ay maging Hindi, sapagkat ang labas pa sa rito ay mula na sa masama.

Sumainyong muli ang liwanag at pag-ibig mula sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

2020-09-13, RAD

Ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

 

Ang adhika ng aking puso at diwa upang magpasimula ay ipangungusap sa inyo na nagpapasalamat ako sa Diyos, na mula sa aking kanunununuan, ay aking pinaglilingkuran sa budhing malinis, na walang patid na inaalala ko kayong mga anak ng Diyos.

Oh, Panginoon aking mga daing, gabi at araw, na kinasasabikan kong makita kita, na inaalala ko ang ang iyong ganapang nilakaran sa pagbagtas sa daan upang marating ang bundok ng kalbaryo; na inaalala ko ang pananampalatayang hindi pakunwari na nasa iyo.

Sa ganito ako ipinatanaw ang lahat upang mahantad ang naging kadahilanan o sanhi upang mabuksan at mahantad ang layon ng tunay na buhay, ang makamit ang kaluwalhatian. Kaya nga at kung hiningi ko na paningasin ang kaloob ng Diyos, ay dahil sa larawang ibig kong ikintal sa lahat at bawat isa sa inyo.

At ito ay ang kaparaanan upang makita ninyo ang daan sapagkat ang Panginoon ay nangusap, "Ako ang daan, Ako ang katotohanan at ang buhay". Sapagkat hindi kayo binigyan ng Diyos ng Espiritu ng katakutan; kundi ng Kapangyarihan at ng pag-ibig at ng kahusayan.

Inyong liripin, kung nang dahil sa sanhi at kadahilanan ay naganap ang kahingian sa katuparan ng batas, alin ngayon ang higit na magiging mahalaga upang tingnan mo, oh anak ng Diyos ang saligan dapat mong itayo, ang sanhi baga o ang resulta o bunga ng bawat naging hakbang at lakad ng iyong mga paa?

Sapagkat kung ang sanhi ang simula ng lahat ng magiging kahayagan sa takbo ng buhay, makikita ba at madarama kung hindi darating ang bunga ng bawat paggawa ng mga anak ng Diyos?

Kung gayon, idadalangin kong pagkalooban nawa kayo ng Panginoon na masumpungan ninyo ang kahabagan Niya sa araw ng inyong pangangailangan.

Dalangin ko pa ring pagsikapan ninyong humarap ng subok sa Diyos, mga manggagawang walang anomang ikahihiya, na gumagamit ng matuwid na salita ng katotohanan.

Datapuwat ipinamamanhik kong ilagan ninyo ang mga usapan at gawang walang kabuluhan: sapagkat ang lahat ay magpapatuloy sa kasamaan, at ang dakilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena: na sa mga ito ang mga tungkol sa katotohanan ay mangasinsay, na sinasabing ang pagka buhay na mag-uli ay nakaraan na, at ginuguho ang pananampalataya ng iba.

Gayon man ay ang matibay na pinagsasaligan ng Diyos ay nananatili na may tatak nito, nakikilala ng Panginoon ang mga kaniya: at lumalayo sa kalikuan ang bawat isa na sumasambitla ng pangalan ng Diyos.

Ito ang inyong liripin upang inyong laging maunawaan at magawang pahalagahan na hindi lamang ang laging kayo ay nananagumpay kung hindi lalo ninyong pahalagahan kung paano ninyo nakuha ang tagumpay.

Maghari muli sa lahat ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

2020-09-10, RAD


Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Laging magkasama sa buhay ang mabuti at masama; ang matuwid at ang liko. Sa ganitong kalagayan ang realiadad ng buhay ay naglalarawan na ang laging waring nananaig o namamayani ay ang liko sa kanyang pasimula at maging sa kanyang pagpapatuloy.

Ngunit gayundin ba ang nagiging kabuuan ng kahayagan hanggang sa kahulihulihan ng kanilang tunggalian upang ipakita may buhay na kailangang mawala at ang humantad ay ang kamatayan? Ano ang nasa likod ng ganitong kalagayan na sa tunggalian ay waring sadyang napasusupil ang matuwid?

Ano ang katwiran o karunungang ipinamamalas upang ang kaganapang laging ipinakikita sa pasimula ng tunggalian ay ang pagkabigo ng tama, ng matuwid, o dili kaya at ang pagkagapi ng liwanag?

Naririto kaya sa larawang ipinadama ng Haring David sa kanyang kapanahunan na sa kanyang Awit ay kanyang isinaad ang ganito: Ako ay dadaing sa Diyos na kataasataasan; sa Diyos na nagsagawa ng lahat ng mga bagay sa akin. Siya ay magsusugo mula sa langit, at ililigtas ako, pagka yaong lulunok sa akin ay dumuduwahagi; susuguin ng Diyos ang kanyang kagandahang- loob at ang kaniyang katotohanan. Ang aking kaluluwa ay nasa gitna ng mga leon: ako ay mahihiga sa gitna niyaong mga paningasan ng apoy, sa mga anak ng tao, na ang mga ngipin ay sibat at mga pana, at ang kanilang dila ay matalas na tabak.

2020-09-09 APO PAB-RAD 

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

"Mag-ibigan kayo sa isa at isa." Lumang paksain ng buhay. Masasabi ring luma at marahil ay kupas na larawan. Ngunit sa bawat yugto ng panahon sa pag-ugnay ng luma at kupas na larawang ito ng kautusan ay laging naghahantad ng bagong pananaw, ng bagong kaisipan, ng bagong pakiramdam sapagkat sa bawat araw na dumaraan laging may lumang bihisang nilalapnot upang mapalitan ng bagong kaanyuan.

Ganito ba ang pananaw mo sa kautusang ito, Mag-ibigan kayo sa isa at isa. Paano ninyo ito binibigyan ng bagong larawan at kaayusan kung sa inyong paningin ito'y luma na at kinupasan na ng kulay?

Ano ang mailalagay at maipapalit ninyong bago upang ipakita ang isang katotohanang ang inyong kaunawaan ukol sa kabanalan ng tunay na buhay ay may pag-unlad na kahahantungan?

Ano anong sangkap ang idaragdag o dili kaya ay ipapalit upang ipadama may lumang bihisang nilalapnot sapagkat may bagong bihisang isusuot?

Sapat ba na maging karagdagan ang kaalamang natutuhan na magkawangga ka sa iyong kapwa? Ngunit ano ang tunay na diwa nito? Ano ano ang tunay na diwa ng kahayagan nito?

Masasabi bang ang magbigay ng isang putol na tinapay ay kahayagan ng tunay na diwa ng pagkakawanggawa? O dili kaya ay ang magpainom sa mga nauuhaw; ang maghandog ng balabal sa mga nalalamigan; ang maghandog ng tirahan sa walang matutuluyan?

Ito ba ay sapat na upang sabihing nagawa ninyong bihisan ng bagong kaanyuan ang luma at kupas ng larawan ng kautusang, " Mag-ibigan kayo sa isa at isa?"

Sa pamamagitan ng mga gawang ito ay magagawa na ba ninyong itaas ang inyong mga kamay upang ilarawan ang pananagumpay ng inyong mga kaluluwa? Sapat na rin bang sabihin at ipangusap nagkamit na kayo ng kaligtasan?

Kung sa ganito tatakalin ang lahat masasabing napakadali ang matamo ang kaligtasan ukol sa kasalanan yayamang ang kasalanan ay namumunga ng kamatayan, at bawat kamatayan ay naghahantad na may baitang ng hagdang nasampa at nataya ang yugto ng buhay ng bawat espiritu.

Kung gayon, ito nga ang sinasabi ko sa inyo at sasaksihan sa Diyos na kayo ay hindi na mangagsisilakad ayon sa gawa ng lumang bihisan kundi sisikhayin ninyong kayo ay magsitulad sa Diyos na gaya ng mga anak na minamahal ; At magsisilakad kayo sa pag-ibig, gaya rin naman ng pagibig ni Cristo sa inyo.

At ibinigay dahil sa atin ang kaniyang sarili, na hain at handog sa Dios upang maging samyo ng masarap na pagkain ng gawang kabanalan. Dito ba hahatulan ang bawat isa kung naging angkop at magiging angkop ang bagong bihisang itatakip sa kahubdan ng laman?

Samakatuwid buong kagitingang makapangungusap ang bawat isa, hindi nabigo ang pag-ibig ng Ama sa pagpapahiram sa lahat ng buhay at pagwiwikang ang tao ay nilalang ayon sa kanyang wangis at larawan.

Ito ang handog na pa-gibig ng aking Espiritu sa lahat at bawat isa. Muli'y sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

2020-09-06, RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Ano ang damo sa kabayo? Ano ang bunga sa puno? Ano ang lupa sa binhi? Ano ang katawan sa kaluluwa? Mga pangkaraniwang tanawin ng buhay. Ngunit ano ang mga ito kung ang kukunin ay ang diwa ng tunay na buhay?

May bahagi ba ang bawat isa upang ipakita ang kahingian ng pagsulong? Katulad ba ito ng ugnayang ginaganap ng krus sa katawan ng Panginoon?

Masasabing mga pangkaraniwang tanawin ng buhay na walang sukat na diwang mapagkukunan. Datapuwat ang mga ito ang bumuo ng kasaysayan upang makita ang kaugnayan ng buhay sa kamatayan. Ipinamalas ng mga kahayagang ito ang simula ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng sanggol na isinilang sa sabsaban. Siyang simula upang ipatanaw, ano ang kaligtasan.   Paano ito magiging bahagi ng bawat paggawa na i-aakibat sa buhay at hahanggahan ng kamatayan upang ipamalas na ang lahat ay dadalhin sa kanyang kawagasan?   At kung paanong sa pagbabautismo ng isang Juan ay tinanong nga siya, na nangagsasabi, Panginoon, isasauli mo baga ang kaharian sa Israel sa panahong ito?  

At sinabi Niya sa kanila, hindi ukol sa inyo ang pagkaalam ng mga panahon o ng mga bahagi ng panahon, na itinakda ng Ama sa kaniyang kapamahalaan.

Datapuwat tatanggapin ninyo ang kapangyarihan, pagdating sa inyo ng Espiritu Santo: at kayo ay magiging mga saksi ko sa Jerusalem, at sa boong Judea at Samaria at hanggang sa kahulihulihang hangganan ng lupa.

Isang pasimula upang madama ang kadakilaan ng buhay na babalutin ng mga uri ng kani-kaniyang baitang. Mga baitang na siyang maghahantad kung bakit may lupang kailangang tuntungan ng mga paang siyang magiiwan ng bakas sa bawat kanyang paghakbang.

Siyang magiging batayan ng simula kung paano kinakailangang matupad ang kasulatan, na nang una ay sinalita ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ni David tungkol kay Judas, na siyang pumatnugot sa nagsihuli kay Jesus.

Kaya at ang kasulatan ay nagpahayag na kumuha ang taong ito ng isang parang sa pamamagitan ng ganti sa kaniyang katampalasanan; at sa pagpapatihulog ng patiwarik,ay pumutok siya sa gitna, at sumambulat ang lahat ng mga laman ng kaniyang tiyan.

Dito baga ngayon masusumpungan ang diwa upang bigyang linaw ang kaugnayan ng bawat isa sa karaniwang ipinamamalas ng mga kahayagang nagaganap sa sandaigdigan?

Kung bakit may bungang kailangang makita sa punong-kahoy; kung bakit kailangang sibulan ng iba't ibang uri ng bulaklak ang halaman; kung bakit may kaparangan at pinitak na kailangang tamnan; kung bakit may may buhay na kailangang maging bahagi ng katubigan sa mga batisan, sa mga ilog at sa karagatan.

Siya ring nagpadama kung bakit kami tinawag upang buksan ang yugto ng buhay na siyang naging ugat upang hanapin ang daan patungo sa kaligtasan ng bawat kaluluwa na siyang nagpatotoo may isinugo upang ang maging gampanin ay ang maging manunubos at mananakop ng sangkalupaan.

Sa ganito ko ngayon kinakalagan ang bawat diwa upang madama ng bawat kaluluwa ang kahayagan ng pang araw araw na kabuhayan ng bawat espiritu sa sanglibutan.

Kaya nga at ang mga Apostol ng Panginoon sa araw araw ay nagsisipanatiling matibay sa pagkakaisa sa templo, at sa pagpuputol-putol ng tinapay sa bahay- bahay, at nagsisikain sila ng kanilang pagkain na may galak at may katapatan ng puso, na nangagpupuri sa Diyos, at nangagtatamo ng paglingap ng boong bayan. At idinaragdag sa kanila ng Panginoon araw- araw yaong nangaliligtas.

Kung gayon, nauunawaan na ba ninyo ang diwang ibig kong ipahatid bakit naging katanungan? Ano ang damo sa kabayo? Ano ang bunga sa puno? Ano ang lupa sa binhi? At ano ang katawan sa kaluluwa?

Ito ang kahayagan ng pag-ibig na aking sa inyo ay inihahandog.

Maghari nawa sa inyong mga puso ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

2020-09-05 APO PAB-RAD 

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

Kung susundan mo ang bawat galaw ng buhay sa araw araw na pakikipamuhay may maganda ba itong maipagkakaloob sa iyo bilang anak ng Dios? May maganda ba itong kahahantungan? May maganda ba itong impluwensya na maihahatid sa buhay mo bilang tao na anak ng Dios?

Gayunpaman, ano ba ang pang araw araw na buhay na dapat mong galawan? Ito ba ang itinagubilin ng Diyos na isinaad ng kasulatan na magsipangaral sa bayan, at saksihan na siya ang itinalaga ng Diyos na maging Hukom ng mga buhay at ng mga patay?

Na, Siya ang pinatotohanan ng lahat ng propeta, na ang bawat sumasampalataya sa Kaniya ay magkakamit ng kapatawaran sa mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang pangalan?

O ito ay ang nakapaloob sa pangitaing naganap at nakita ni Pedro habang nananalangin na, may isang sisidlang bumababa, na gaya ng isang malapad na kumot, na, inihuhugos mula sa langit na nakabitin sa apat na sulok; at dumating hanggang sa akin: At nang yao ay aking titigan, ay pinagwari ko, at aking nakita ang mga hayop na may apat na paa sa lupa at mga hayop na ganid at ang mga nagsisigapang at mga ibon sa langit? Ito ba ang buhay sa kanyang pang araw-araw na galaw?

Dito ba dapat sumunod at pumaloob ang buhay ng mga anak ng Diyos? O ang galaw ng buhay ay ang pagsasabi, Ako ay kay Pablo; at ako ay kay Apolos; at ako ay kay Cefas; at ako ay kay Kristo.

Kung gayon, nabahagi baga si Kristo? Ipinako baga sa krus si Pablo dahil sa inyo? O binautismuhan baga kayo sa pangalan ni Pablo?

O ang pang araw-araw na galaw ng buhay ay tulad ng akin nga na pamumuhay mula sa aking pagkabata, na nang una ay inugali ko sa gitna ng aking bansa at sa Jerusalem, ay nalaman ng lahat ng mga Judio; na napagtalastas nila mula pa nang una, kung ibig nilang magsisaksi, na alinsunod sa lalong mahigpit na sekta ng aming relihion ay nabuhay akong isang Pariseo.

At ngayo ay nakatayo ako upang hatulan dahil sa pag-asa sa pangakong ginawa ng Diyos sa aming mga magulang: Dahil sa pangakong ito ay ang aming labindalawang angkan ay boong pusong nagsisipaglingkod sa Diyos sa gabi at araw, na inaasahang kakamtin.

At tungkol sa pag-asang ito ako ay isinasakdal ng mga Judio, oh hari! Bakit ito ay hindi ninyo ngayon mapaniniwalaan, kung binubuhay ng Diyos ang mga patay?

Sa ganito ba kailangang umikot ang buhay ng bawat isa? Kung ito ang magiging batayan ng galaw ng buhay saan kayo ngayon paroroon?

Sa kahulihulihan ay aking ipinagtatagubilin sa inyo na ang inyong inihahasik ay hindi mo inihahasik ang katawang lilitaw, kundi ang butil lamang, na marahil ay trigo, o ibang bagay.

Datapuwa't ang Diyos ay nagbibigay ng katawan dito ayon sa kaniyang minagaling, at sa bawat binhi ay ang sariling katawan.

Kaya nga sa pagsunod sa bawat galaw ng buhay ay mauunawaan din namang iba ang kaluwalhatian ng araw, at iba ang kaluwalhatian ng buwan, at iba ang kaluwalhatian ng mga bituin; sapagkat ang isang bituin ay naiiba sa ibang bituin sa kaluwalhatian.

At diyan nakabatay ang galaw ng buhay. Muli ay sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan. 

 


 

2021-06-13, APO PAB-RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa ating Ama at sa Panginoon ngayon at hanggang sa wakas.

Kung inyong tinatanggap na kapag may dilim ay may darating na liwanag, ano ang hindi ninyo pababayaang maglaho o mawala sa inyong buhay.

Sapagka't kapag iyon ang nawala paano pa ninyo ititindig ang inyong mga sarili mula sa inyong pagkakalugmok? Paano pa ninyo bibigyang buhay ang inyong pananampalataya kapag kayo ay nagpabayang iyon ay mawala?

Ang gawang iyon na dapat manatili sa inyong mga puso at diwa ay siyang kamay na sa inyo ay aakay at mag-aahon mula sa pagkakalugmok. Kaya at ang atas na dapat ninyong taglayin sa inyong mga sarili ay ito:

Manatili sa inyo ang tatlong Ito, ang pag- asa,ang pananampalataya at ang pinakadakila sa lahat, ang pag- ibig."

Nasasa inyo pa bang mga isip at puso ang pag-asa? Ano ba ang pag-asa? Paano ba ilalarawan sa inyong bawa't karanasan ang bunga ng pag-asa? Pinanghahawakan ba ninyo ito na kayo ay makaaahon sa kadiliman o karumhan?

Ang pagpapala baga ang inyong makakamtan kapag binuhay ninyo, pinanatili at pinanghawakang may bukas pang daratal sa pusikit na kadiliman? Ang wika nga sa kasulatan:

Tunay na sa pagpapala ay pagpapalain kita, at sa pagpaparami ay pararamihin kita.

Kaya at nang dahil sa pag-asa ay magagawang itaguyod ang tiisin at mabigat na pasanin. Sapagka't ang wika ng Panginoon, ang naghihintay ng may pagtitiis, ay nagtatanong ng pangako. At upang ipakita na pinaka-iibig ng Diyos na maipakita at lalong sagabal sa mga tagapagmana ng pangako ang kawalan ng pagbabago ng kaniyang pasiya ay ipamagitan ang sumpa.

Kaya at kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, huwag anya, "ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso," na gaya ng sa pamumungkahi. Kung gayon, ang magtataguyod ba ng kaganapan nito ay ang pagkakilalang habang may buhay ay may pag-asa?

Tulad ng kasaysayang inihantad sa kasulatan sa pagitan ng mga Israelitas, ng isang paraon at ng Moises. Sa ganito ko kayo ngayon binibigyan ng buhay upang patuloy na hanapin ang buhay sa gitna ng kamatayan.

At mula doon ang wika, liliwanagan kayo ni Kristo. Ito ang biyaya at kapayapaang aking sa inyo ay iniiwan ngayon at magpasawalang hanggan. Apostol Pablo.... Paalam

Pahatid Diwa (Sikograpiya)

Kpd. Rebecca Dungo

-o0o-

2020-09-02, RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Ano ang nasa buhay na kapag tinalikdan mo at ipinagwalang bahala ay magdudulot ng kamatayan? Sino ang makaaalam nito at may karapatang magsiyasat? Kaya ba itong ipahayag ng karunungan ng tao? Mapagkikilala ba ito maging ng sinomang pinuno sa sanglibutang ito?

Sapagkat kung nakilala sana nila ay dising di ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian: Datapuwat ang kasulatan ang nagsaad na, ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao.  Anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisi-ibig sa kaniya.

Ngunit ang mga ito ay ipinahayag sa inyo ng Dios sa pamamagitan ng Espiritu: sapagkat nasisiyasat ng Espiritu ang lahat ng mga bagay, oo, ang malalim na mga bagay ng Diyos. Bakit?

Sapagkat ang nasulat, "Sino sa mga tao ang nakakakilala ng mga bagay ng tao, kundi ang espiritu ng tao, na nasa kaniya?" Gayon din naman ang mga bagay ng Diyos ay hindi nakikilala ng sinoman, maliban na ng Espiritu ng Dios.

Ngunit ito ay inyong tinanggap, hindi ng espiritu ng sanglibutan, kundi ang espiritung mula sa Dios; upang mapagkilala ang mga bagay na sa inyo ay ibinigay na walang bayad ng Dios.

Inyong tantuin na ang mga bagay na ito ay inyong sinasalita, hindi sa mga salitang itinuturo ng karunungan ng tao, kundi sa itinuturo ng Espiritu; na iniwawangis ninyo ang mga bagay na ayon sa espiritu sa mga pananalitang ayon sa espiritu.

Datapuwat tinatanggap din ba ninyong ang taong ayon sa laman ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios: sapagkat ang mga ito ay kamangmangan sa kaniya; at hindi niya nauunawa, sapagkat ang mga yaon ay sinisiyasat ayon sa espiritu.

Ngunit katotohanan bang ang espiritu ang nagsisiyasat sa lahat ng mga bagay, at siya ay hindi sinisiyasat ng sinoman? Sapagkat sino ang nakakila ng pag-iisip ng Panginoon, upang siya ay turuan Niya?

Datapuwat nasasa inyo ang pag-iisip ni Kristo, ang saad ng kasulatan. Kung gayon nahihinuha na ba ninyo ngayon kung ano ang nasa buhay na hindi dapat talikdan ni ipagwalang bahala sapagkat kapag nagkagayon ang magiging hantungan ay ang kamatayan?

Kamatayang siyang magpapamulat sa isang diwa na bawat pagkulangan ay babalikan upang ito ay punan; at bawat pagkakamali ay babalikan upang ituwid; at bawat kasalanang ginawa ay pananagutan.

Sapagkat anomang pagkakautang ay pagbabayaran hanggang kahuli-hulihang beles. Ito ang mga salita ng pag-ibig na aking sa inyo ay inihahatid.

Muli  ay sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

2020-08-29, RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Ang pinakamahalagang paksa na kailanman ay hindi pagsasawaang pag-usapan, talakayin, pag-aralan at pagkunan ng mga kaalaman ay walang iba kundi ang ukol sa buhay.

Ngunit ano ba ang buhay? Ano ang mahalagang paksa na dala ng buhay? Ano ano ang mabubuksang karunungan at kaalaman kapag tinalakay ang buhay?

Ang nagiging kahayagan ba at kaganapan nito sa pang araw araw na karanasang nagiging bahagi ng pakikitalad ng tao sa sandaigdigan?

Dahil buhay ay pipiliin, kaya ninyong ang landas na mabuksan ay ang bigyang daan ang lahat ng dapat maganap upang mula doon ay magawa ninyong ipagkaloob na ang Panginoon ang manahan sa inyong mga puso sa pamamagitan ng pananampalataya; “upang kung kayo'y mag-ugat at magtumibay sa pag-ibig ay lumakas upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim, at makilala ang pag-ibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo ay mangapupuspos hanggang sa kapuspusan ng Dios”. (Epeso)

At dahil sa kalagayan ng buhay ano ang dapat kong sa inyo ay ipamanhik? Na kayo'y magsilakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo ay itinawag, ng boong kapakumbabaaan at kaamuan, na may pagpapahinuhod, na mangagbatahan kayo  sa pag-ibig; na pagsakitan ninyong ingatan ang pakikipagkaisa sa Espiritu sa tali ng kapayapaan.

Isang buhay, isang katawan, at isang Espiritu, gaya naman ng pagkatawag sa inyo sa isang pag-asa ng pagtawag sa inyo; isang Panginoon, isang pananampalataya, isang bautismo, isang Dios at Ama ng lahat, na siyang sumasa ibabaw sa lahat, at sumasa lahat, at nasasa lahat.

Gayun paman, ang bawat isa ay binigyan ng biyaya ayon sa sukat na kaloob ni Cristo. Kaya at sinabi niya, nang umakyat siya sa itaas ay dinala niyang buhay ang pagkabihag, at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao upang maging bahagi sa buhay na taglay ng lahat at bawat isa.

( Ngayon ito, umakyat Siya, ano ito, kundi siya ay bumaba rin naman sa mga dakong kalaliman ng lupa? Ang bumababa ay siya rin namang umakyat sa kaitaasan ng boong sangkalangitan, upang kaniyang mapuspos ang lahat ng mga bagay.)

Ito ang aking sa inyo'y inihahatid na magawa ninyong unawain at mapagtibay na kayo ay hindi na nagsisilakad pa na gaya naman ng lakad ng mga Gentil, sa pagpapalalo sa kanilang pag-iisip.

Na dahil sa mga kalagayang ito inyong iwan, tungkol sa paraan ng inyong pamumuhay na nakaraan, ang dating pagkatao, na sumama ng sumama ayon sa mga kahalayan ng pagdaraya; at tahasan kong ipinananambitan na kayo ay mangagbago sa espiritu ng inyong pag-iisip, at kayo'y mangagbihis ng bagong pagkatao, ayon sa Diyos ay nilalang sa katuwiran at sa kabanalan ng katotohanan.

Ito ang nawa ay laging umukilkil sa inyong mga budhi upang ang maiwan ang kanyang ipinangusap, taglayin ninyo ang kapayapaan aking sa inyo'y ibinibigay at iniiwan na di katulad ng ibinibigay at iniiwan ng taga sanglibutan.

Maghari sa lahat ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

2020-08-25 APO PAB-RAD

Ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ang sumainyo ngayon at magpasawalang hanggan.

Sapagkat iisa ang pinag-ugatan ng lahat, ang daigdig, ang mga bagay na nasa sandaigdigan, ang hayop at maging ang mga tao ay may ugnayang ginaganap sa isa at isa. Isang uri ng pagsasamahang may layon, may adhikain at lalong may hangaring ibig na maipanagumpay. Samakatuwid, gayon din sa iba pang kalagayan. Tulad ng kautusan, ng batas ng galaw at ganting galaw at maging ng batas ng pag-aangkop angkop o batas ng pag-uuri uri.

Dahil dito, ano ang kautusang, mag-ibigan kayo sa isa at isa sa batas ng pagsulong, na bawat galaw ay may ganting galaw? Ano ang batas ng galaw at ganting galaw sa batas ng angkupan o pag-uuri uri? Ano ang nagagawa ng mga ito sa buhay ng isang Espiritu? Ano idudulot nito sa antas na kailangang maabot o marating sa bahagi ng bawat Espiritu?

Nagkakaroon ba ito ng gampanin sa magiging antas at katangiang dapat na taglayin ng bawat kaluluwa? Nagkakaroon din ba Ito ng kinalaman sa daang tatahakin, tinahak at tatahakin pa ng isang kaluluwa sa pakikipamuhay ng tao sa sangkalupaan?

Nasasa kanila ba na kahayagan ang lakas na taglay ng buhay at lakas na mabubuo sa kalagayan ng baitang na kailangang maabot ng bawat espiritu?

Lakas na bumubuo sa mundo

Ano ba ang lakas ng mundo o lakas na bumubuo sa mundo? Ito kaya ang pangunahing kanyang taglayin na, lupa, tubig, apoy? Sangkap din ba ito ng lakas na mayroon ang tao? Ito ba ang kahayagan naglalarawan ng pagkakaisa at pagkakatulad kung bakit may bautismo sa tubig, sa apoy at sa espiritu?

Batas ng Diyos, Batas ng Ganting Galaw, at Batas ng Pag-uuri

Tatlong kalagayang hindi maaaring hindi daanan o matupad sa kalagayan ng buhay ng bawat kaluluwa. Nasa kabuuan ng mga ito.... ng kautusan ng Diyos, ng batas ng galaw at ganting galaw at maging ng batas ng pag-uuri uri ang kahalagahan ng buhay, ang kadahilanan ng buhay, ang antas na dapat maabot ng buhay, ang katangiang dapat bumalot sa buhay ng bawat espiritu.

Kung ang mga ito ngayon ay pagsasamasamahin at siyang kukunan ng buod o diwa upang sa bawat karanasan ay may pagtuturong maiiwan at sa bawat pagtuturo ay may buhay at kamatayang ipatatanaw, at sa bawat buhay at kamatayang ipatatanaw ay may larawan ng katotohanang madarama. Na siyang magpapaunawa sa bahagi ng pagkakalag at pagpagot sa tali ng pagkaalipin. Sa bawat paghagod ng kamay ng Maykapal ay makikita kung bakit ang laman o materya ay kailangang hubaran, kung bakit kailangang may makita may tabing ng templo na hinapak.   At sa paghapak ay may ipinatunghay upang makita ang bawat baitang ng buhay ay nagdadala ng katangian ng Diyos, naghahayag ng pag-ibig ng Diyos, nagbubukas ng kapangyarihan at katarungan ng Diyos.  

Gayon pa man ang isang Juan Bautista ay nangusap na hindi siya isinugo ni Kristo upang bumautismo, kundi upang mangaral ng ebanghelyo: hindi sa karunungan ng mga salita baka mawalan ng kabuluhan ang krus ni Kristo.

Sapagkat ang salita ng krus ay kamangmangan sa kanila na nangapapahamak; ngunit ito ay kapangyarihan ng Diyos sa atin nangaliligtas. Sapagkat nasusulat, iwawalat ko ang karunungan ng marurunong, at isasawala ko ang kabaitan ng mababait.

Ngunit saan naroroon ang marunong? Katulad din naman ng katanungang saan naroroon ang eskriba? Saan naroroon ang mapagmatuwud sa sanglibutang ito? Hindi baga ginawa ng Diyos ang mga kamangmangan ng karunungan ng sanglibutan?

Ipangungusap ko pa rin bilang pag-uugnay sa mga kalagayang aking inilahad sa pagpapasimula ng paghahayag ng liwanag at pag-ibig na taglay ng aking espiritu kung mayroon man.

Na sapagkat yamang sa karunungan ng Diyos ay hindi nakilala ng sanglibutan ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang karunungan, ay kinalugdan ng Diyos na iligtas ang mga nagsisisampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral.

Tatlong uri ng bautismo

Kung gayon, ang kahayagan kaya ng tatlong uri ng bautismo: bautismo sa tubig, sa apoy at sa espiritu ay paglalarawan na ang naging pangaral ng isang Juan at ang pagtuturo at pangangaral ng Panginoon ay hindi sa mga salitang panghikayat ng karunungan, kundi sa patotoo ng Espiritu ng Kapangyarihan?

Kung gayon, sino sa mga nilalang ng Diyos ang nakakakilala ng mga bagay ng tao? Ang laman ba ng tao o ang espiritu ng tao na sa sa kaniya?

Samakatuwid, nauunawaan na ba ng tao kung ano ang buhay kung wala ang mga baitang o antas na ito upang marating ang inilaang kanikaniyang tahanan?

Sapagkat Kaniyang ipinangusap, “sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan; kundi gayon ay sinabi ko sana upang maipaghanda ko kayo ng dakong kalalagyan”.

Ito ang nasa likod ng bawat pangyayari sa inyong kasalukuyang panahon na ibinalabal ang baitang ng nagdaan upang siyang maging batayan kung ang aral ng nagdaang karanasan ay may karunungan ng naabot ang bawat kaluluwa at may liwanag ng sa bawat karunungan ay tatanglaw.

Elemento ng tubig, apoy, at espiritu

At ang kalagayang ito ang kahayagan ng kasalukuyan ay siyang magiging kabuuan ng hagdang magdurugtong upang ang kautusan ng Diyos, ang batas ng ganting galaw at batas ng pag-aangkop angkop o pag-uuri uri ay siyang maging kabuuan ng tubig, ng apoy at espiritu na siyang nagbigay ng lakas sa mundo.

Upang ang elemento ng lupa, tubig at apoy ay siya ring maging lakas ng mundo sa kanyang bawat pag-inog o paggalaw at siyang naging kahayagan ng pagkakamit ng buhay iisa ang kakintalang iiwan nito, ang lahat ng mga bagay ay matuwid; ngunit hindi ang lahat ay marapat.

Ang lahat ng mga pangyayari sa akin ay matuwid; ngunit hindi ako pasasakop sa kapangyarihan ng anoman. Ganito ko siya ipinangungusap bilang larawang ibig ko sa inyo ay ipatanaw, iisa ang may kapamahalaan sa lahat ng bagay at kaganapan ng buhay sa mundong ibabaw.

Ang kautusan ng Diyos, ang batas ng ganting galaw at batas ng pag-uuri uri ang nagsisilbing kabuuan ng kahapon, ng ngayon at ng bukas na bubuo ng nga kawil na mag-uugnay at magkakabit sa bawat isa upang mabuo ang mga bahagi ng katotohanang dapat masumpungan ng lahat at bawat isa sa kanyang pakikipamuhay sa sandaigdigan na siya ring pagmumulan upang mabuo ang mga bilang ng baitang na ang magiging hantungan, ang sanhi at bunga.

Kawangis nito ang simula at ang wakas na ipinangusap, Ako ang Alpha at ang Omega; ang Simula at ang Wakas.

Muli ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ang sumainyo ngayon at magpasawalang hanggan.

2020-08-21, RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Mahal mo ba ang iyong buhay? Ano ang ginawa mo upang ipakitang mahal mo nga ang iyong buhay? Kaya ba itong patunayan ng iyong mga gawa sa halip na sa mga salita? Ano ba ang gawang matuwid bilang pagpapatunay na mahal mo nga ang iyong buhay? Ano ang matuwid na paggawa na ipinangusap ng Ama, “hanggang may isang matuwid hindi ko gugunawin ang mundo?”

Sadya bang may isang panahong inilaan ang Ama upang hukuman ang sangkalupaan o ang katotohanan, araw araw ay nagaganap ang paghuhukom tulad ng nangyari sa Sodoma at Gomora?

Kung ito ang katotohanan, paano ba ipinakikita ng bawat pangyayari na sa kasakuyang lakad ng karanasan sa araw araw ay ginaganap ang paggunaw sa sangkalupaan? Paano ito ginaganap at nagaganap?

Ulinigin mo at dinggin ang kasaysayan Ng taong mayaman na naghayag na bahagi ng lupa ng isang taong mayaman ay namunga nang sagana: at inisip Niya na sinasabi sa kanyang sarili, ano ang gagawin ko, sapagkat wala akong mapaglagyan ng aking inaning bunga?

At sinabi niya, ito ang gagawin ko: igigiba ko ang aking bangan, at gagawa ako ng lalong malaki; at doon ko ilalagay ang lahat ng aking butil at aking mga pag-aari.

At sasabihin ko sa aking kaluluwa, kaluluwa, marami ka nang pag-aaring nakakamalig para sa maraming taon; magpahingalay ka, kumain ka, uminom, matuwa ka. Ito ba ang mga patotoong maihahayag ninyo bilang pagmamahal sa buhay?

Paano kung ang marinig ninyo ay ito, ikaw na haling na mayaman, hihingin ko sa gabing ito ang iyong kaluluwa; at ang mga bagay na inihanda mo ay mapapasa kanino kaya? Ganito ba ang matuwid na dapat gawin ng isang tunay na nagmamahal sa kanyang buhay?

Kaya ang pangungusap ng Panginoon na nagpapadama sa buhay ay ito, huwag nga kayong mangabalisa sa inyong pamumuhay, kung ano ang unting kakainin; kahit sa inyong katawan, kung ano ang inyong daramitin. Sapagkat ang buhay ay higit kaysa pagkain, at ang katawan kaysa damit.

Wariin ninyo ang pagpapatuloy ng kasulatan, ang mga uwak, na hindi sila nangaghahasik, ni nagsisigapas man; ni walang bangan ni kamalig man; at sila ay pinakakain ng Dios: gaano pa ang kahigitan ng kahalagahan ninyo kay sa mga ibon?

At sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa sukat ng kanyang buhay? Kung hindi nga ninyo magawa kahit ang lalong maliit, bakit nangababalisa kayo tungkol sa ibang mga bagay?

Alalahanin ng bawat isa sa inyo ang pangungusap ng Panginoon, hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao kundi sa salita na Dios. Napagwawari ba ninyo kung ano ang salita ng Dios na ang ibibigay ay buhay?

Kung gayon, tama bang sa inyo ay ipangusap ang ipinangusap ng Panginoon, huwag ninyong hanapin ang lahat ng bagay na makabubusog sa sanglibutan at kundi ang hanapin ninyo ay ang kanyang kaharian, at idaragdag sa inyo ang mga bagay na ito. Ano itong idaragdag kapag natagpuan na ninyo ang kanyang kaharian? Ano ang kahariang dapat ninyong hanapin?

Kung gayon, ito ang panghuling aking sa inyo ay ipagtatagubilin bilang salita ng pag-ibig: ipagbili ninyo ang inyong mga tinatangkilik, at kayo ay mangaglimos; magsigawa kayo sa ganang sa inyo ng mga supot na hindi nangaluluma, isang kayamanang sa lahat na hindi nagkukulang, na doon ay hindi lumalapit ang magnanakaw, o naninira man ng tanga.

Sapagkat kung saan naroroon ang inyong kayamanan, ay doroon din naman ang inyong puso. Samakatuwid kailangang paningasan ninyo ang inyong mga ilawan upang marating ninyo ang kaharian ng Dios.

Sumainyong muli ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.


2020-08-14, RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Ano ang magandang ibinubunga ng talino, ng karunungan at kaalaman sa buhay ng bawat tao at gayundin sa antas na dapat marating ng bawat Espiritu? May mahalaga kaya itong maidudulot kaya ang tanging hiningi ni Haring Solomon ay ang magkamit siya ng karunungan?

Ang talino o karunungan kaya ang siyang magbibigay ng daan upang ang mayroon nito ay maging ganap? Ano ba ang pagiging ganap? Paano mabuhay ng ganap ayon sa diwang isinasaad nito? 

Ang ganap ay nabubuhay sa pananampalataya

Kaya nga aking sinasabi sa inyo, ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya, at dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya.

Sinasabi ko ngayon sa inyo na ang mga nangagmamarunong ay magiging mga mangmang. At ito baga ang dahilan kung bakit ang mga nangagmamarunong ay nagawang palitan ang katotohanan ng Dios ng kasinungalingan, at ang nakararami sa mga nananampalataya ay nagsisamba at nangaglingkod sa nilalang kay sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailan man?

Siya nanatili na Diyos. Kaya't sinasabi ko sa inyo ito ang inyong iwasan sapagkat kayo'y mangapupuspos nang buong kalikuan, ng kasamaan, ng kasakiman, ng kahalayan; puspos ng kapanaghilian, ng pagpatay ng kapwa tao, ng pagpapalalo, ng pagdaraya, ng mga kasamaan, ng pagupasala,mga mapanirang puri, mga nangapopoot sa Dios tulad ng mga Gentil. Mga manlalait, mga palalo, mga mapagmapuri, mga mangangatha ng kasamaan, mga masuwayin sa magulang.

Ano pa at kung sasabihin kong lahat ang nakasulat ay hindi magkakasya sa pohas ng papel sapagkat ito'y mapupuno. Ganito ba ang dapat maging hantungan at dapat kahinatnan ng talino o karunungang nasa mga tao?

Na isinaad din, ang mga taga sanlibutan ay hindi matatanggap ang mga katotohanang ito. Ang mga pangungusap na ito ngayon ang aking sa inyo ay iiwan na ang lahat ay nakasaad sa Banal na Kasulatan: 

Kapighatian at kahapisan, ang sa bawat gawa ng tao na gumagawa ng masama; datapuwat kaluwalhatian at karangalan at kapayapaan ang sa bawat taong gumagawa ng mabuti; sapagkat ang Dios ay hindi nagtatangi ng tao.

Ipangungusap ko pa rin ang ganito, "Ang lahat ng nangagkakasala ng walang kautusan ay mapapahamak naman na walang kautusan: at ang lahat na nangagkakasala sa ilalim ng kautusan ay sa kautusan din sila hahatulan."

Ang mga tumatalima sa kautusan ng Diyos ay aariing ganap

Kung gayon, hindi ang mga tagapakinig ng kautusan ang siyang ganap sa harapan ng Dios, kundi ang nangagsisitalima sa kautusan ay aariing mga ganap.

Ito ang pag-ibig na aking sa inyo ay inihahatid sa pangalan ng Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Apostol Pablo.

2020-08-12, RAD 

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

Kung ang sandaigdigan ay aalisan ng lupa, matatawag ba itong kalupaan at tirahan ng sangkatauhan? Kung ang tubig ay aalisin sa dagat, matatawag pa ba itong karagatan? Kung ang sandaigdigan ay aalisan ng hangin, may buhay pa ba itong matataglay?

At kung ang materya o pisikal na katawan ay aalisan ng kaluluwa upang dalhin ang bawat espirito sa kaniyang baitang na ang hangganan ay ang kaluwalhatian na siyang magpapatotoo sa pangakong ipinagkaloob ng Diyos may buhay pa kayang mananagumpay?

Ano ang pangakong ito na ipinagkaloob Niya sa kanyang mga nilalang? Paano ito magiging daan upang mai-angat ang baitang ng bawat espiritu? Ano ang magiging kaugnayan nito sa karapatdapat na maging antas ng bawat kaluluwa sa kanyang pakikitalad sa lupa?

Mga uri ng baitang na bumabalot sa kabuuan ng laman: mga hagdang kailan man ay hindi maaaring sampahin ni tuntungan ng bawat kaluluwa sapagkat bawat baitang ay siyang buhay na dala-dala ng bawat espiritu.

At bawat buhay ay kahayagan ng pag-ibig ng Diyos, at bawat kahayagan ng pag-ibig ng Diyos ay karanasang siyang magsisilbing daan upang may layuning matupad at mahayag at lalong may maganap bilang siyang maging kadahilanan kung bakit may buhay na ipinahiram sa lahat ng nilalang o sa sangkatauhan.

At kung ang lahat ng ito ay maglaho, magiging mahalaga pa kaya ang buhay upang pag-ingatan? May dakilang mga gawa pa kayang maituturing na siyang magpapatotoong naabot ng bawat espiritu ang kanilang adhikain? At maituturing pa rin kayang dakila ang naging kamatayan ng Cristo na siyang Panginoon?

Kung gayon, tama ba na aking wikain ngayon sa inyo ang naging sulat sa Banal na Kasulatan: “Kahit ang mga bagay na walang buhay, na nagsusitunog, maging plauta alpa, kundi bibigyan ng pagkakaiba ang mga tunog, paanong malalaman kung ano ang tinutugtog sa plauta o sa alpa?

Sapagkat kung ang pakakak ay tumunog na walang katiyakan, sino ang hahanda sa pakikibaka? Madama kaya ninyo ang diwang inihahatid ng buhay kung hindi ipangusap ninyo na dala ang mga salitang madaling maunawaan, paanong matatalos ang inyong sinasalita na bahagi ng kaganapan ng buhay? Sapagkat sa hanging kayo nagsisipagsalita.

Samakatuwid, kung inyong uulinigin ngayon ang aking sinasabi, halimbawa, mayroon nga ng iba at ibang tinig sa sanglibutan sapagkat ito ang kahayagan ng buhay at walang hindi may kahulugan datapuwat ano ito kung wala ng tunog na mapapakinggan?

Kung gayon, kung hindi ko maibibigay ang kanyang kahulugan magiging barbaro kaya ako sa nagsasalita at gumagamit ng sangkap ng buhay at ako bilang siyang maghahayag ay maging barbaro din naman sa akin?

Kaya nga isinasamo ko sa inyo bilang naka-uunawa sa bawat galaw na siyang patotoong may buhay pa na tinataglay ay manalangin na Siya ay makapagpliwanag sa pamamagitan ng wika sapagkat ito ang buhay ng bawat espiritu.

Sapagkat ako na isang Apostol ay mananalangin sa wika, ay manalangin ang aking espiritu, datapuwat ang aking sangkap ay hindi namumunga.

Kung gayon, ang bulong ng aking puso, ano nga ang hatid ng mensaheng ito sa lahat ng may buhay gayun din sa mga walang buhay..... Mananalangin ako sa espiritu, at mananalangin din naman ako sa pag- iisip: aawit ako sa Espiritu, at aawit din naman ako sa pag-iisip.

I-ukit ngayon ninyo sa inyong mga puso, yamang kahit bahagya ay nabuksan ko ang inyong mga katangiang taglay upang suriin, alamin at unawain, ano ba ang kahulugan ng tunay na buhay ay ipangungusap ko ang ganito sa inyo: huwag kayong magpakabata sa pag-iisip, gayon man ay sa kahalayan at anino ng kasamaan ay magpakasanggol kayo, datapuwat s pag-iisip kayo ay mangagpakatao.

Muli ay sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

2020-08-09,  RAD

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at hanggang sa wakas.

Kung uunawain ng hindi taga sanglibutan ang katotohanang daladala ng diwa ng pananampalataya makapananaig kaya ang katatagan ng pananampalataya? Mangyayari rin kaya na mapanatili ng hindi taga sanglibutan ang katatagan ng pananampalataya? Sino ang higit na makatatanggap ng katotohanang ito?

Ang taga sanglibutan ba o ang hindi taga sanglibutan o kapwa ang dalawang kalagayang ito ay mahihirapang tanggapin ang katotohanan lalo't ang nakapaloob ay ang buhay na babalik sa kanyang pinanggalingan, ang sa lupa ay babalik sa lupa, at ang sa kalangitan ay sa kaitaasan.

Paano ngayon lalakip ang salitang pagtanggap at ang di pagtanggap upang walang pagsinsay na umalakbay? At sa halip ang maghari ay ang pagtalima sa kalooban ng Ama bilang paggalang sa inyong naunawaang ang Diyos lamang ang nakaaalam ng lahat ng bagay at magiging kaganapan sa buhay ng lahat?

At ito ay tanda ng paggalang sa tungkuling ibinigay niya sa mga taong kanyang nilalang. Ano ang tungkuling ito? Hindi ba ang pamahalaan, ingatan at kalingain ang lahat ng kanyang nilikha at maging ng sarili niyang buhay.

Kung gayon, sangkot ba dito ay ang kakambal na batas ng buhay, ang pagaalitan at paglalabanan ng dalawang lakas na taglayin ng bawat tao. Sa kalagayang ito, ano ang sandata na siyang sagot sa mga karanasang hahandulong sa buhay ng bawat tao. Ano ang sandatang ito na magagamit upang masupil at malupig ang kaaway? Ito ba ang pananampalataya?

Madaramang may maglalaban, ang lakas sa kapwa lakas; kaalaman sa kapwa kaalaman; mithiin sa kapwa mithiin; paniniwala sa kapwa paniniwala tulad ng inilarawan ng kasulatan, mag-uumpugan ang dalawang matigas na bato upang ang mahahantad na bunga ng paguumpugan ay magpakita ng patotoo kung sino ang nagtagumpay at sino ang nabigo.

Ano ang bungang ipakikita ng paglalaban ng pagkadurog ng dalawang matigas na bato? Ano ang matigas na batong ito sa kalagayan ng buhay ng bawat isa? Dahil dito ay ipangungusap ko sa inyo na yamang nahayag sa laman, pinapaging- banal sa Espiritu, nakita ng mga anghel, ipinangaral sa mga bansa, sinampalatayanan sa sanglibutan, tinanggap sa itaas sa kaluwalhatian.

Gayon pa man ay inihayag ko sa inyo na sinasabi ng Espiritu, na sa mga huling panahon ang iba ay magsisitalikod sa pananampalataya ayon sa kanikaniyang kadahilanan, at mga makikinig sa mga espiritung mapanghikayat, sa pamamagitan ng pagpapaimbabaw ng mga tao na nagsisipagsalita ng mga kasinungalingan, na hinerohan ang kanilang mga sariling budhi na waring bakal na nagbabaga.

Kaya nga at ipinagtatagubiln ko sa inyo na itakwil ninyo ang mga kathang masasama na nililikha ng inyong mga isipan, puso at diwa at mga walang kabuluhang bagay. Sasabihin ko pa rin sa inyo ang ganito, magsanay sa kabanalan: sapagkat sa pagsasanay ng katawan ay may kaunting pakinabangan; ngunit ang kabanalan sa lahat ng mga bagay ay pinakikinabangan ng mga pangako sa buhay na ito, at sa darating.

Kung gayon, tapat ang aking pasabi sa inyo na mag-ingat kayo sa inyong mga sarili, at sa turo. Manatili kayo sa mga bagay na ito; sapagkat sa paggawa nito ay ang inyo ring sarili ang ililigtas ninyo at pati ng mga nagsisipakinig sa inyo.

Mga hindi tagasanglibutan

At sa kahulihulihan ay akin pa ring ipinagtatagubilin sa inyo bilang kayo ay mga hindi na taga sanglibutan na ang mga nagkakasala ay paalalahanan ninyo sa harapan ng lahat upang ang iba naman ay mangatakot.

Na, iwasan ninyong makaramay sa mga kasalanan ng iba: ingatan ninyong malinis ang inyong mga sarili. Sapagkat ang kasalanan ng ilang mga tao ay hayag na, na nagsisipanguna sa paghuhukom: at ang ilang mga tao naman ay kanilang sinusundan.

Gayon din naman ang mabuting gawa ay hayag: at ang mga di gayo ay hindi maaaring ilihim. Sa ganito ba malalarawan ang pag- uumpugan ng dalawang matigas na bato upang bigyang patotoo ang katatagan ng pananampalataya?

At sa ganito rin baga maipadarama kung bakit ang mga taga sanglibutan ay hindi matanggap ang katotohanang dala ng buhay? Ito ang aking sa inyo ay ikinikintal upang manatiling kayo ay buo, may matibay at matatag na pananampalatayang nauunawaan ang bawat batas na kaakibat ng buhay.

Muli ay maghari sa lahat at bawat isa ang liwanag at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

2020-08-02, RAD

Kung ang magiging layunin ng paghahayag ay magpakilala at magpaunawa ng mahalagang salita ng kabaitan o kabutihan, saan dapat simulan ang mga araling ihahayag? Sa mga bahagi kaya na may lalim, may talinghaga at waring nakapaloob sa hiwaga? O sa kalagayan ng buhay na tuwiran, walang hiwaga at talinghaga?

Ang nais kong ihayag upang maging siyang pasimula ay ang karaniwan at mababaw na pangyayaring nararansan at natutunghayan. Tulad ng inilutong pagkain na ibig mong malaman kung ano ang lasa, kung husto na ba upang maging masarap na kainin bago ihain sa dulang o hapag kainan. At upang ito ay mangyari kinakailangan muna itong tikman at hindi kainin agad bagaman kapag ito ay ginawa malalasahan din kung masarap bang kainin o hindi.

Ang puwing sa mata

Kung gayon, minarapat kong paghugutan ng mababaw na diwa ang mababaw din at karaniwang nangyayari sa tao, ang pagkapuwing ng mga mata. Napuwing na ba kayo? Kung oo, naaalala pa ba ninyo kung ano ang inyong ginawa? Kung ano ang pakiramdam na nadama ninyo? Kung paano kayo pinagalaw ng puwing na pumasok sa inyong mga mata?

Naaalala pa rin ba ninyo kung bakit ganoon ang inyong ginawa? May nabuksan ba sa iyong karunungan ang simpleng puwing na pumasok sa inyong mga mata? Mababaw na aralin, hindi ba? Katulad din ng kasimbabaw kung paano tinahak ng tao ang mali at liko-likong landas na nagdala sa pananagutan sapagkat kasalanan.

Na, dito ay dapat sanang natambad ang kahulugan ng salitang, " PASAKOP". Ang salitang ito kung ipangusap kong siyang magsisilbing puwing na makapagdudulot ng bigat sa damahin ng mga mata, pag-aralan ba ngayon ninyo, ang salitang ito ay magiging katumbas ng kandado na kapag nabuksan ay may bahay na mabubuksan?

Gagawin kong pambukas ang ganitong pangungusap, kayo ay pasakop sa palatuntunan ng tao alang alang sa Panginoon: maging sa Hari: sa kataastaasan; o sa mga sinugo man niya sa panghihiganti sa mga nagsisigawa ng masama at sa kapurihan ng nagsisigawa ng mabuti.

Sapagkat ang kalooban ng Diyos, na dahil sa paggawa ng mabuti ay inyong mapatahimik ang kamangmangan ng mga taong palalo. Lubha bang malayo ang pangungusap na ito na aking sa inyo ay ipinagkaloob sa puwing na tinaglay ng inyong mga mata? Kung gayon nga, mabuti para sa inyo. Ano ba sa inyong pang unawa ang mata sa kalagayan ng kaluluwa?

Inyo pa ring dinggin ito, huwag nawa kayong mailigaw ninoman sapagkat sa sandaigdigan ay marami ang nanliligaw, marami ang nanunukso upang kayo ay mawala sa tamang daan. Sa mga nangyayari sa kasalukuyan magiging angkop ba ang sabihin kong huwag kayong maging katulad ng mga tupang nangaliligaw; datapuwat ngayon ay mangagbalik kayo sa Pastor at Obispo ng inyong mga kaluluwa. Ito nawa ang siyang sa inyo ay mangyari mabuti nga para sa inyo. Sa paggawa ninyo nito maituturing bang kayo ang mga tunay na nagsisi-ibig sa kanyang buhay?.

Ang akin pa ring wiwikain at salita ng pag-ibig na ihahandog ay ang ganitong pangungusap, ang umiibig sa kanyang buhay ay tumatalikod sa masama, at gumagawa ng mabuti, hinahanap ang kapayapaan at Ito ang kanyang sinusundan.

Ang paggawa ng masama ay puwing na nagpapahirap sa mga mata

Sapagkat batid niyang ang mata ng Diyos ay nasa mga matuwid at ang kanyang pakinig ay sa kanilang mga daing; ngunit ang mukha ng Panginoon ay laban sa mga nagsisigawa ng masama. Ito ang puwing na magpapahirap sa inyong mga mata upang makakita ng malinaw at maliwanag. Mga karaniwang ginagawa ng tao na para sa inyo ay normal sapagkat bahagi at kasama sa takbo ng buhay.

Magtaglay ng mabuting budhi

Ariin ninyong banal ang Panginoon sa inyong mga puso: na lagi kayong handa ng pagsagot sa bawat tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasasa inyo, ngunit sa kaamuan at takot: na taglay ang mabuting budhi; upang sa mga bagay na sasalitain laban sa inyo, ay mangapahiya ang nagsisi-alipusta; sa mabuting paraan ng pamumuhay kay Cristo na ating Panginoon.

Ang mabuting kalooban sa kapatid ay pag-ibig

Ganito ang aking sa inyo ay ipinagtagubilin. Ikintal ninyo sa inyong mga diwa at i-ukit sa inyong mga puso ang ganitong pangungusap, ipamahagi ninyo sa inyong pananampalataya ang kagalingan, at sa kagalingan ay ang kaalaman, at sa kaalaman ay ang pagpipigil, at sa pagpipigil ay ang pagtitiis, at sa pagtitiis ay ang kabanalan, at sa kabanalan ay ang mabuting kalooban sa inyong mga kapatid at sa inyong kapwa, at sa mabuting kalooban sa kapatid ay ang pag-ibig. Sapagkat kapag wala ang pag-ibig kayo ay mga bulag, na ang nakikita lamang ay ang nasa malapit, sa pagkalimot ng paglilinis na kanyang dati ng kasalanan.

Lumakad ayon sa mithiin ng Espiritu ang tunay na pagsulong

Dito ninyo ngayon hugutin ang linaw na inihantad ng bawat pangyayari sa kasalukuyan na ang pagtuturong inihahatid ay kung paano dapat lumakad ang bawat kaluluwa. Lumakad kayo ayon sa kahingian at nagiging katuparan ng layunin ng inyong mga espiritu sapagkat ang mithi ay ang tunay na pagsulong.

Ito ang aking sa inyo ay inihahandog na kung matagpuan ninyong wari ay hindi angkop, walang kaisahan, hindi magka-ugnay at sa pakiwari ninyo ay watak-watak, mabuti nga para sa inyo sapagkat naririyan ang layon ng inyong mga kaluluwa upang ipadama at ipaaninaw kung ano ba ang mga katotohanang ikinukubli ng inyong hindi nakikitang kaaway.

Muli'y maghari sa lahat ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

2020-07-28, RAD

Katotohanan bang kapag sa labanan ay iniyuko mo ang iyong ulo ay ipinakita mong ikaw ay sumusuko na sa laban at tinanggap mo ng ikaw ay talunan? Na, kapag ito ay nanatiling nakayuko ang tanging matutunghayan ang lupang iyong tinutungtungan.

Ang lupa na sasagi sa iyong isipang doon ka kinuha sa lupa ka rin babalik. Lupa na may ipinahihiwatig. Para sa inyo kapag tinanaw at tinunghan ninyo ang lupa, ano ang mensaheng nabubuo sa inyong isipan? Ano ang ipinahihiwatig sa inyo ng lupang tinutungtungan ng inyong mga paa?

Ngunit kung sa labanan ay itinaas mo at itiningala ang iyong ulo, ano ang makikita mo? Mahuhulo ba ng iyong isipan may gusto kang maabot? May gusto kang makaniig at maka-ugnay? Na, may dapat kang gisingin at buhayin sa iyong puso? Na, may gusto kang makita? Na, may gusto kang hingan ng tawad? Na, may gusto kang pagsabihan ng lahat ng iyong dinadala? Na, may gusto kang pag-alayan kung ano man ang mayroon ka ngayon?

Ganito rin ba ang damahing hatid nang ikaw ay nakatungo at ang iyong tinutunghan ay ang lupang naging tuntungan ng iyong mga paa? Nadama mo rin bang may gusto kang gawin? May gusto kang maabot at marating? Anong damdamin ang sa iyo ay ginising habang nakatingin ka sa lupa? Ano ring damdamin ang sa iyo ay ginising habang nakatingin ka sa itaas at hindi na sa ibaba na lupa ang iyong makikita?

Sa gayong kalagayan magagawa mo bang sambitin,"tagumpay na ako, nagtagumpay na ako dahil naabot ko na ang langit sa pagtunghay sa itaas na iniiwan ko ang tanawin ng lupa sa ibaba na tinutuntungan ng aking mga paa?"

Masasabi mo bang may napalaya ka na? Na, may gapos ka nang nagawang kalagin sapagkat naitaas mo na ang iyong ulo! Kung gayon, magagawa mo na kayang gunitain minsan sa buhay ng isang espiritu ay may katawang ipinako sa krus at doon ay sinapit ang kanyang kamatayan para tubusin ang sala ng sangkatauhan?

Sa senaryong inilahad sa lupang tinunghayan at sa itaas na tinanaw may kaugnayan ba ang Kanyang pangungusap na itinala ng kasaysayan, " katotohanan, katotohanang sinasabi ko, ang tumanggap sa sinomang sinusugo ko ay ako ang tinatanggap, at ang tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang nagsugo sa akin?"

Kung mayroon, ano ang pangungusap na ito sa magiging pagsulong ng isang kaluluwa? Sa ganito ninyo ngayon ipaloob ang inyong puso at diwa, laman, kaluluwa at espiritu upang maunawaan ninyo ang pangungusap: kung ibig kong gumawa ng mabuti, ang masama ay nasa akin.

Muli sumainyo ang biyaya at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan.

 

2020-07-26, RAD

Karaniwan sa buhay ng bawat tao na kapag may nawawala, anoman ito, bagay na walang buhay at ang mga may buhay dahil mahalaga sa iyo at mahal mo di mo maiwasang malungkot, manlumo, mawalan ng pag-asa at nagiging mabigat sa damdamin.

Ganito rin kaya ang damdaming namamayani kapag sumagi sa inyong isipan ang pagkawala ng Panginoon dahil sa pagmamahal niya sa sangkatauhan? Sa ganitong kalagayan matatakal na kaya ng bawat isa kung gaano kahalaga ang buhay at pagmamahal?

Iba at ibang uri ng kapanahunan

Ang buhay ay nagtataglay ng iba at ibang uri ng kapanahunan na isinaad ng kasulatan. Ang wika, may panahon ng kapayapaan, may panahon din naman ng kaligaligan; may panahon ng pagtatanim, may panahon ng pag-aani; may panahon ng pagtangis o kalungkutan, may panahon ng tuwa o kagalakan.

Ano pa at ang lahat sa buhay ng bawat tao ay may kani-kaniyang uri ng karanasan na sasapitin o gagalawan ayon sa panahong umiiral. Na, ang lahat ng mga ito ay nagpapakita at nagpapadama ng mga uri ng damahin o damdamin.

At bawat uri ng damdaming inihahayag nang umiiral na panahon ay may katimbang at kalapat na uri ng karanasan na nagdadala sa antas ng karunungang bubuksan ng panahong sa buhay ng bawat isa ay nagbibigay ng daan upang bumaitang ang isang espiritu.

Na, kapag natutuhang unawain doon magmumula ang lakas, ang liwanag, ang pagkagising ng mga katangiang taglay ng bawat espiritu na ang tutunguhin ay pagsulong. Bakit? Sapagkat doon dadalhin sa magiging kaganapan ng naging layunin ng bawat kaluluwa.

Ang balangkas ng karunungan tungo sa pasulong

Ang mga damdaming ito ang magbibigay ng puwang o magsisilbing tulay upang magising ang mga uri ng emosyon na siyang magbibigay buhay sa ugnayan ng materya at ng kaluluwa. Ang mga emosyong ito ang siyang nagiging daan upang mahayag ang pitong balangkas ng karunungang lalakaran at sasampahin ng tao upang ihatid ang bawat espiritu sa kaniyang pagsulong. Ano ano ang mga ito?

Ito ay ang mag-isip, mag-aaral, matutong magtimbang, magpasiya, manindigan at gumawa. Ang lahat ng mga ito ay baitang ng karunungang siyang gagamitin ng bawat kaluluwa upang mapaunlad ang angkin niyang talino. Ang talinong ito ay bahagi ng karapatan at benepisyong ipinagkaloob sa tao.

Na, dahil dito ay may karanasang ikakambal sa pakikipamuhay ng bawat isa. Kaya at ang kalayaan ay ipinagkaloob upang mula sa kalayaang ito ay ma-ugit ng bawat kaluluwa at mapamahalaan nang maayos at matuwid ang pakikipamuhay sa lupa.

Dito rin kumakabit ang kadahilanan kung bakit binalot at nilagyan ng kani-kanyang uri ng panahon ang taglay na buhay ng materya. Gayunpaman, ang lahat ng ito ay sasaklawin at hahawakan ng pag-ibig na doon lulundo ang bawat karanasan na dadanasin ng bawat tao.

Ang pag-ibig sandigan at tulay upang marating ang pagsulong

Ang pag-ibig na siyang naging sandigan upang mabuo ang batas at kautusan ng Panginoon, "Mag-ibigan kayo sa isa at isa." Pag-ibig ang nagpapagalaw sa buhay ng bawat tao. Pag-ibig ang siyang nag-aatas upang bigyang kulay ang buhay gayundin ang kabuuan ng sandaigdigan.

Pag-ibig ang nagtututuro upang matutong magparaya, magpaumanhin, umunawa at magpatawad sa bawat pagkukulang at pagkakamaling nagagawa ng tao sa kanyang kapwa tao. Pag-ibig ang nagiging pangunahing tulay o baitang upang marating ang pagsulong. At ang nagbibigay ng daan upang ito ay matamo ay ang iba at ibang uri ng damdamin o emosyon inihahayag ng tao sa mga uri ng panahong sa buhay ng bawat isa ay siyang umiiral o naghahari.

Ngayon, kung ito ang kahalagahan ng buhay, paano kayo pinagagalaw at ginigising ng inyong damahin o emosyong sa inyo ay nahahayag? May nabubuksan bang kaalaman ang emosyong sa inyo ay sumasaklaw at naghahari sa inyong mga puso?

Ang pamamahala ng emosyon sa isang pagkatao

Paano kayo pinamamahalaan ng inyong emosyon? May binabago ba ito sa inyong pagkatao? Kung mayroon, ano iyon? At kailangan din ba ninyong matamang suriin at pag-aralan ang umiiral na damahin sa inyong buhay upang maunawaan ninyo kung saan kayo dinadala ng karanasan sinasapit ninyo sa kasalukuyan? Ang mga pagtataya at pagtakal na ito ang makapagbibigay ng maliwanag na kasagutan bakit dinadanas ninyo ang kakaibang hatid ng karanasan sa kasalukuyan?

Kung aabutin ninyo ang lahat ng aking inihayag at tinuran magagawa na ba ninyong tanawin na ang ibig ipadama at ilarawan ng Panginoon sa kasalukuyang kaganapan ng bawat pangyayari ay kung kaya na ba ng mga anak ng Diyos na pamahalaan ang kanyang sambahayan?

Ang kapamahalaan sa sarili ay kapamahalaan sa Iglesya ng Diyos

Sapagkat kung ang sinomang nga ay hindi marunong mamahala sa kanyang sariling sambahayan paanong mapamamahalaan ang Iglesia ng Diyos? Diyan nakasalalay kung paano gagampanan ng bawat isa ang pagbangon mula sa mga patay; kung paano mula sa kasiraan ay magkakaroon ng kabuuan; kung paano sa pagiging mangmang ay magiging pantas ang lahat at bawat isa sapagkat ang tanging iniibig na ipadama ng kasalukuyang karanasan ay matutupad na ba na mabuo ang pamilya ng Diyos na ibig niyang itayo sa lupa na siya Niyang kalooban na ibig niyang makita. 


2020-07-01, RAD

Kung ang mga nangyari sa nagdaan ay nangyari na; at ang mangyayari pa ay nangyari na rin; at hinahanap uli ng Diyos ang nakaraan, ano ang masusumpungan mo sa iyong pagkatao na nangyari na noon, nangyayari pa rin ngayon at siyang hahanapin ng Diyos sapagkat ito ay iyong nakaraan?

Ang pagpapayaman sa Espirituwal

Diyan mo ba huhubaran ng saplot ang iyong kaluluwa? Diyan mo ba mamalasin ang daang iyong binagtas? At lalong diyan mo ba kailangang makita na may itinanim ka na hindi mo namamalayang tumubo na pala, lumaki, yumabong hanggang maging isang malaking punongkahoy?

Ngunit sa iyong pagmamasid nakita mong hindi ito namumunga? Ano kaya ang maririnig mong ipangungusap ng Panginoon kapag ito ay kanyang nakita? Tulad kaya ng natala sa Aklat ng Buhay, "Mula ngayon huwag ka nang magbunga pa." Ganito pinalalaki at inaaruga ng bawat tao ang yaman ng kanyang sarili.

Ang pagtahak ng landas patungo sa Diyos

Yamang kapag hindi nasuri ay nagiging katulad ng isang utos at atas na hindi nasunod sapagkat hindi naunawaang ang nag-iingat ng utos ay nag-iingat ng kanyang kaluluwa, ngunit ang walang babala sa kanyang mga lakad ay mamamatay, ganito ang kanyang pagkakasulat.

Kung gayon, paano mo malalaman kung ano ang lakad ng Diyos? Katulad ng isinulat sa Aklat ng Panahon,ang wika, "Nalalaman ko, na anomang ginawa ng Diyos, nagiging magpakailan man: walang bagay na maidaragdag, o anomang bagay na maaalis: at ginawa ng Diyos, upang ang tao ay matakot sa harap Niya."

Ang nakaraan ay susi upang masukat ang pagsulong

Kaya nga at ang larawang ikikintal, ang nangyari sa nagdaan ay nangyayari na: at ang mangyayari pa ay nangyari na rin, at hinahanap uli ng Diyos ang nakaraan na." Kung ito ang katotohanan na sadyang binabalikan ng Diyos ang nakaraan sa buhay ng bawat tao, siyasatin mo at kilalanin ang iyong sarili, ano ang masusumpungan ng Diyos kung Siya ay maghanap sa iyong nakaraan?

Sa ganyang kalagayan mo ngayon sikhaying mahubaran ang templo ng Diyos upang sa Kanyang magiging paghahanap ay hindi ka matulad sa kawikaang, "Ang paghagupit ay sa kabayo, ang pamingkaw ay sa asno, at ang pamalo ay sa likod ng mga mangmang."

Ang iba at ibang uri disiplina, ng pagpapakasakit, ng mga pagsisikap ang mabisang pamamaraan ng ang paghuhubad ng templo ng Diyos, ang taong nilikha ng Diyos. Paalam.

 

2020-06-28, RAD

Katotohanan sa pagsilang ng isang tao

Ano ang pagsilang? Ano ang kadahilanan ng bawat pagsilang ng bawat espiritu? May katotohanan bang dapat mabuksan at mahayag kung kaya nga at naging daan ang pagsilang ng sanggol upang maging bahagi ng espiritu ang laman sa pakikipamuhay sa lupa? Ano ang dala-dala ng pagsilang? Ito ang mga landas na binubuksan kung kaya nga at binigyan ng daan ang pagsilang ng sanggol na tinawag na Jesus. Pagsilang na siyang nagbigay ng buhay sa salita na nangusap, “Nang pasimula siya ang Verbo, at ang Verbo ay sumasa Dios, at ang Verbo ay Dios.”

Dito ngayon iinog ang buhay, ang kalalagyan at magiging hantungan ng bawat espiritu na mananahan sa lupa. Ang larawang ikikintal ng Banal na Sanggol ang siyang susing magbubukas at maghahantad ng kadakilaang siyang taglayin ng buhay.

Mga dakilang  gawa ng pag-ibig tanging sandata at sandigan

Isang dakilang buhay na ang tanging sandata at sandigang pinagsalalayan ng mga dakilang gawa ay pag-ibig kakambal ng karunungan upang ipaunawa ang halaga ng kaligtasan. Ito ang siyang buod upang bawat karanasan na babalot sa paglaki ng buhay na kikpkip ng bawat kaluluwa ay magpatotoo inihandog ang Verbo upang maunawaan ano ba ang kaligtasan?

Paalam. 


2020-06-24, RAD


Ang biyaya ang maghari sa lahat at bawat isa.

Sino nga ba ang makaaalam kung ano ang maaaring mangyari bukas? Ipangungusap ninyo na wala. Ngunit mayroon nang makapagbabadya sa kung ano ang mangyayari bukas tulad ng kung magiging maganda at mabuti ang panahon o dili kaya'y uulan, sa pagtingin sa kalangitan ay naibabadya ang mangyayari sa panahon.

 Datapuwat ganito man ang kanyang kahayagan may ipinakikitang kakintalan ang kalagayan ito sa pamamagitan ng larawang ipinatanaw sa pagitan ng Panginoon at ng kanyang alagad na si Pedro. Na, ang wika ng Panginoon, “Pedro, sinasabi ko sa iyo, ikakaila mo akong makaitlo bago tumilaok ang manok.”

Ang pag-aatubili alit sa paninindigan

Ganyan ang kahayagan sa buhay ng bawat tao. “Nangungusap, bukas pupunta ako doon. Bukas gagawin ko ito. Bukas magbabago na ako.” Ngunit hawak ba ng bawat isa ang katiyakang dala ng bukas? Kaya at ano ang wika, “Ang maging pananalita ninyo ay, Oo, oo; Hindi, hindi.”

Inilalarawan lamang na kapag nakakilala ka na ng katotohanan panindigan mo ito. Pagtibayin mo ito sa iyong puso at hindi mo katatakutan kung may hatid itong tiisin at pagpapakasakit, na siyang ikinatakot ng alagad na si Pedro kaya ng tanungin siya kung nakikilala niya si Jesus ay nangusap ng hindi. At sa kahayagan ng tunay na buhay alin ba ang marapat na sabihin, “Bukas paparoon ako doon,” o ang sabihin, “paroroon ako doon bukas kung ipahihintulot ng Diyos?”

Ang Kalooban Mo ang masunod, at hindi ang sa akin

Ano ang kakintalang iniiwan? Ano ang pagtuturong ibig na ipahiwatig? Hindi ba ang maging taglayin ang kababaang- loob? Sapagkat ang pangungusap, “wala kayong magagawa malibang ipahintulot ng aking Ama na nasa mga langit.” Ganito ang larawang ipinatatanaw ng taong may natutunan sa kanyang pakikipag-aral sa aralin ng buhay. Ganito ang kalagayang sinisikhay na mataglay at maangkin ng napali na at nahubog ng kanyang mga karanasan.

Kaya nga iisa ang laging ipinamumulat ang pag-ibig na isinabuhay ng Panginoon. Pag-ibig na hindi lamang ang umiibig sa inyo ang inyong iibigin, kundi ang wika, “Ibigin mo sampu ng iyong kaaway, at idalangin ninyo ang sa inyo ay nagsisi-usig. Sapagkat sa paggawa ninyo ng gayon ay mga baga ng apoy ang ibubunton ninyo sa kanilang mga ulo.” Ito ang kalooban ng Diyos na siya ninyong lalakaran, ang pagpapakabanal o ang pagsisikhay na maabot ang pagiging sakdal.

Paalam... 

2020-05-04, RAD

Magandang umaga!

Kung nagawa mong matunton ang landas patungo sa buhay na katuparan ng iyong pangako, lilingunin mo pa ba ang daang tinahak mo? Kung iyong lilingunin, ano ang iyong hahanapin upang muli'y idagdag sa panibagong landas na iyong tatahakin? At kung ito ay iyong kunin at mataglay saan, mo ito ilalagay upang kapag muli mo inihalo at inilahok sa iyong buhay na nagpakita nagkaroon ng transpormasyon at ebolusyon, handa ka na bang muling lumagay sa gilingan sapagkat ang wika,"dalawa ang pasasa gilingan isa ay kukunin isa ay iiwan?"

Kung ang iyong kinuha mula sa daang tinahak at tinugpa ay makita at madama mong magiging katumbas ng Krus na papasanin, paano mo ngayon ito isasabuhay?

Tatanawin mo pa ba itong isang mabigat na tiisin upang maging kawangis ng sangkap ng asin na di dapat mawala sapagkat nakasulat, "kung ang asin ay tumabang ano ang iyong ipampapaalat?"

Nakasulat din, "Kung ang asin ay tumabang walang nalalabi kundi ang itapon sa labas ng pintuan at payurakan sa mga tao." "Life is a choice".

Ang kahulugan ba nito ay walang bawian, sapagkat ang aralin ng buhay ay di katulad ng mga batang sa paglalaro ay pwede ang bawian?

Kaya at kasali rin sa laro ang mga kasabihang bata: topo- topo barega dumila ka muna sa baga. Pagbilang ko ng 10 magtago na kayo, isa,dalawa.....ang unang makita, pung huli ka; nalambat na kita. Ngayon, makapapalag ka pa ba?

Naglawit ako ng pamansing may paing pagkain sa dulo ng kawil, inikutan mo, niligiran mo, sinisilip mo. Kung magkakaroon ka ng pagkakataon sisiyabin mo at ikaw ay nasima ng pamansing, ano ang pinagkulangan mo? Saan ka nagkulang?

Ito ba ang katumbas ng nakasulat, " gumagala ang mga Leon, magingat ka baka ikaw ay sibasibin upang kanyang maging pagkain."

Nakasulat din, " lumakad ka habang may liwanag upang kung sumapit ang dilim hindi ka lalakad ng ngangapa-ngapa."

Ang katulad ng buhay ay isang matigas na bato ng lupa. Kung ang pagsasaligan ay ang kabuuan ng isang tahanan, ang mga tipak ng batong ito ay hindi kailangang madurog sapagkat yun ang kanyang magiging pundasyon.

Na, siyang kakapitan ng bawat bahagi upang ito ay tawaging isang panahanan na siyang magiging tanggulan ng isang kaluluwa.

Isang tanggulang may layunin, may mithiin na makamit ang kanyang kaligtasan sapagkat bawat pangyayari ay may dahilan at bawat dahilan ay may karunungan itinuturo, may liwanag na daladala at lalong may baitang na ipinakikita upang ipadama ang halaga ng pagsulong.

At ang pagsulong ang kadahilanan kung bakit ang tao ay may buhay. At ang bawat buhay ay may kinakailangang mabuo upang marating ang kanyang hantungan.

At ang hantungan ay ang taning ng buhay na dapat marating at maabot ng isang espiritu. Sapagkat ang taning na ito ang siyang layon kung bakit ang lahat ay hinuhubog at kailangang mahubog. Ano ito? Ang kawagasan o ang perpeksyon?

Ito ang ultimo ng bawat karanasan dinarama ng tao, ang hantungan ng bawat karanasan. Kaya nga at sisirain ang lupa, masisira at wawalatin ang kanyang laman tulad ng larawan ng isang Judas.

Iwinalat at sumambulat ang laman ng kanyang tiyan. Ang laman ang nagkakaroon ng taning ng kanyang pakikipamuhay sa lupa sapagkat ito ay nagkakaroon ng kanyang katapusan at lumilikha ng kanyang sariling sumpa. Paano?

Sa pamamagitan ng kanyang mga gawa. Mga gawang hindi bahagi ng layunin ng kanyang espiritu, mga gawang hindi siyang katuparan ng adhika ng kanyang espiritu, mga gawang alit sa tunay na aralin ng buhay, mga gawang kabaligtaran ng katotohanan, mga gawang ang hantungan ay pananagutan.

Kaya at ang sabi, ang magkasala sa laman ay may kapatawaran ngunit ang magkasala sa Espiritu Santo ay walang kapatawaran sapagkat bawat inutang ay pagbabayaran. Pinatawad ang laman. Paano?

Ang pagdama at pagtanggap ng batas ng buhay, kinuha sa alabok muling babalik sa alabok upang ilarawan ang muling pagbabagong-anyo, pagbabagong-hugis, pagbabagong-tekstura upang muling damahin ang pagbabagong bihisan sapagkat ang tanging kapatawaran na kinakailangang makamit ng isang espiritu ay ang muling dumaan sa gilingan at ito ay ang pagmumulit-muling buhay.

Pagpapatuloy ng araling sa atin ay ipinagkakaloob. Ano ang naging saligan ng pangungusap ng Diyos upang Kanyang sabihin sa Kanyang nilalang pagkatapos ng 7 araw, " maganda at mabuti?"

Ano ang buod at tunay na kahulugan ng salitang mabuti? Ng salitang maganda gayong ang tala ng kasulatan walang mabuti, walang mabuti, wala, wala, wala kahit Isa?

Idugtong mo pa ang larawang ihahayag ng Tao sa pamamagitan ng kani-kanyang mga gawa. Nasaan ang mabuti sa bawat pagsinsay at paglabag? Nasaan ang mabuti sa bawat kasakiman, pagiimbot at kapalaluang inihahantad ng Tao?

Nasaan ang mabuti sa bawat ganaping isinasagawa ng mga tao gayong ang inilalambong ay pawang alit sa katarungan at timbangan ng kawagasan at ng kaluwalhatian? Ano ang nagiging kabuluhan ng pagiging maganda upang siyang ipangusap, " Maganda at mabuti?"

Mababaw na araling may sinusukat, may ibig takalin at lalong may ibig tayahin? Dahil ba sa inilarawan ng kasaysayang matapos bigyang laya sa Paraiso sapagkat nasumpungan ang kawalan ng pagtalima ay naging karapatdapat na upang tanggapin na ang kani-kaniyang kahatulan, sa lalaki, sa babae at sa ahas?


Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia