1996-2000, Koleksyon - Arkanghel Raphael
2000-11-19, RAD
Ang liwanag ng Espiritu Santo ang sumainyo.
Katotohanan, nakakapagpalaya sa kamangmangan
Ano ang katotohanan? Nadama ba ninyo na ang inyong ginagalawan ay katotohanang nakapagpapalaya sa kamangmangan? Ang lahat ng inyong nakikita sa sandaigdigan ay nalulukob ng katotohanan?
Katotohanan na kung magkaminsan ay binubuhay at pinapatay ng kalikuang naroroon sa kabuuan ng mga tao? Katotohanang kung magkaminsan ay tinatakpan, sinisiran, winawasak ng kahingian ng tao ayon sa sanlibutan?
Pagmasdan ninyo ang kabuuan ng inyong sarili. Napakarami ang katotohanang inihahantad ng kabuuang iyan. Mula sa inyong mga mata naroroon ang maraming katotohanang inyong tinitingnan.
Sa pakalikha ng Diyos sa bahay ng isang kaluluwa ay naroon ang maraming lihim na kinakailangang kalagan. Bakit dalawa ang mga bahagi ng sangkapin ng laman na ipinagkaloob sa inyo?
Hindi ba sapat ang isang mata upang kayo ay makakita? Hindi baga sapat ang isang tainga upang kayo ay makarinig? Hindi baga sapat ang isang butas ng ilong upang kayo ay maka-amoy? Hindi rin baga sapat ang kabuuan ng bibig na isa lamang ang naririto at kayo ay makalalasap? Ang mga bahaging ito ay isang katotohanang ang ibinibigay sa bawat isa.
Tumitingin ang tao sa maraming bagay na naroroon sa kanyang kapaligiran at naroon ang paggalaw ng kanyang isipan. Kapag pangit ang kanyang namasdan inihahayag ang kalagayan ng isang pag-iisip, ng isang damdamin, ng isang kalooban, ng prinsipyong tinatangkilik ng kanyang buhay. Ito ay katotohanan na inihahayag sa pangit na kanyang namasdan.
Paghatol, sanhi ng pagpatay ng katotohanan na nararapat ang mabuhay
Ano ang bahaging nabubuhay? Ang likong pag-iisip ng tao. Kaya nga’t kung minsan ay humahatol sapagkat ang katotohanang nararapat mabuhay ang siyang pinapatay. Sa kabila ng mga ito ay naroroon ang isang katotohanang ibinibigay, hindi ang lahat ng maganda para sa iyo ay iyo lamang makikita.
Hindi ang lahat lamang na masarap sa iyo ang iyong malalasap. Hindi ang lahat lamang ng ibig mo ang siya mong makakamtan kung hindi sa kabila ng mga bahaging ito ay naririyan ang dalawang mukha ng buhay.
Laging naririyan ang dalawang bahagi ng buhay na kinakailangang mai-angkop, maglakip sapagkat mula sa pagkakalakip nito ay naroroon ang magiging pagsulong ng karapatan ng isang kaluluwa. Kaya nga kung makikita ang katotohanang ito ay magiging malaya ang tao.
Papaano ipakikita ang katotohanan ay isang kalayaan
Sa halip na magalit sa kanyang nakita, sa kanyang narinig at nadama na hindi naging ayon sa kabuuan at sa kahingian ng kanyang sarili, sa halip na ang ibunga ng kanyang nakita, narinig at nadama na hindi naging kaaya-aya sa kanyang paningin, hindi paninira at pagwasak, sapagkat tinamo niya ang katotohanang siya ay magkakaroon ng kalayaan. Bubuka ang bibig magbibigay ng pangungusap hindi upang magwasak kung hindi upang bumuo ng pag-iibigan.
Hindi baga ito ang kinakailangang makita ang hindi karapat-dapat sapagkat doon ka magiging mahalaga; naroroon ang magiging kaganapan at kahayagan ng iyong sarili at ng iyong buhay, sapagkat ang wika ng Panginoon, “Hindi ako naparito dahil sa mga matuwid kung hindi dahil sa mga makasalanan.”
Datapwat ito ang itinatakwil, nilalayuan, ang masasamang ito na hindi niya nakikilalang ang kabuuan ng kanyang sarili: Sino siya? Ano ang kanyang tungkulin? Saan siya paroroon?
Kung ang lahat ng katotohanang ito ay mabubuhay sa inyong kabuuan, madarama ninyong kung mahalaga ang matuwid lalong mahalaga ang mga liko sapagkat ito ag magbibigay na kahalagahan sa buhay na inyong tinataglay at naririto ang katuparan ng inyong layunin at ng inyong mithiing kayo ay makagawa ng lalong pinakamabuti.
Pagpapala sa isang hindi matuwid na nagbagong-buhay
Kaya nga ang paglaya na kanyang matatamo ang siyang mabibigay ng puwang upang mabuhay ang tunay na pag-ibig na sa kanyang pakikipamuhay ang hinahanap ang kanyang bubuuin, ang kanyang itatayo mula sa kanyang pagkakalugmok.
Ang kanyang hinahanap ang mga bagay na paggagamitan niya ng kanyang kaalaman, ng kanyang kaunawaan. Dahil dito ay naroroon ang kaligayahan sa kanyang puso kapag nakapagpapala ng isang hindi matuwid na magkaroon ng pagbabagong-buhay.
Sa katuparan ng Espiritismo, ang isang mag-aaral na nakauunawa ay hindi nagtatakwil sinoman kung hindi ang lahat ay pinagyayaman sapagkat sa pamamagitan ng mga bahaging ito ay ipauunawa niyang siya ay anak ng Diyos at kung ang kasulatan ang nangungusap na iisa ang mabuti ay Diyos lamang, ano ang pagkakilala ninyo sa Diyos?
Ang kaugnayan ng tao sa buhay na kanyang tinataglay
Ano ang pagkaunawa ninyo sa kaugnayan ng tao at sa buhay na kanyang tinataglay? Isang tali baga na kukunin kung madamang siya ay nangangailangan saka lamang idudugtong? Isang tali baga na sa kanyang paghingi at hindi naibigay ay maaaring sumbatan?
Isang tali baga na nagpapakilala na sa sandali ng kaligayahan at pagtatamasa ng kaligayahan ay puwede niyang iwan ang Diyos na nagbigay ng buhay at biyayang nakamtan? At kapag nakahiga sa banig ng karamdaman ay saka mo kikilalaning may Diyos pala na iyong tinalikdan?
Kung ang mga bahaging ito ay mga katotohanang makapagpapamulat sa inyo iisa ang inyong gagalawan: walang pait, walang pakla, walang askad at walang pagpapaimbabaw kung hindi ang ilalakip ang katapatan sa pagdadala ng kanyang tungkulin.
Pagkamulat sa larawan ng tunay na buhay at papuri sa pag-ibig ng Diyos
Sa bawat karanasan na kanyang dinarama ay iisa ang ibubuka ng kanyang bibig. “Salamat Panginoon. Salamat Amang Makapangyarihan sa lahat sapagkat ako ay iyong iniibig at ang patotoo na ako ay Iyong iniibig. Dinadala mo ako sa isang bahaging bagaman at tiisin siyang nagmulat ng aking mga mata upang makilala kong ako pala ay isang katotohanan na larawan ng tunay na buhay.”
Kung gayon, mahalaga baga sa inyo ang katuruan ng pag-ibig? Kung mahalaga saan ninyo kinakailangang dalhin? Kung naging dakila, anong patotoo ang kinakailangang ninyong ibigay? Katulad baga ng isang bagay na lulubog, lilitaw? Marahil ay hindi. Kung hindi sa bahagi ng katotohanang ito ag laging mananatili ang simulain ng Espiritismo, ang pag-ibig na walang hanggan.
Kaya’t walang itinangi sinoman. Mabubuhay na ang kanyang paka-unawa na ang kanyang gagawain sa kanyang kapwa ay ginawa niya sa Panginoon at ginawa niya sa Diyos na sa kanya ay nagbigay ng buhay.
Ano ngayon ang inyong pagkakilala sa mga bahaging ito ng katotohanan? Mga bahagi baga ng lapok na papel na dapat itapon o ito ay mga bahagi ng pira-pirasong larawan na kinakailangang pulutin at pagtagni-tagniin?
Ang isang moog ay nakikilala ang uri ng sa kanya ay isinangkap kung ito ay mahina, malabnaw o malapot at may katibayan kapag sa pagdaan ng unos ay nakatagal at hindi nasira. Ipinakita kung paano siya binuo at ginawa.
Ang simulain ng pag-ibig at katotohanang, simulain ng Panginoon mula sa una hanggang sa wakas
Kung ganoon, ito ay mga bahagi ng karunungang naroroon ang pinakamagandang katotohanang hindi maaaring sirain ang simulain ng matuwid at lalong hindi maaaring sirain ng simulain ng pag-ibig sapagkat ito ang simulain ng Panginoon ay mula noon hanggang sa wakas.
Iyan ang nalilihim sa bawat isa sa sandali ng paggawa sapagkat kadalasan ang tinitingnan ang kalagyan ng kanyang sarili kung nasasaktan, naibibigo, hinahatulan, hinuhusgahan, pinabababa sa paningin ng bawat isa.
Datapwat kung naroroon ang katotohanan at pinalaya ka na, nasasaiyo pa rin ang kapayapaan at madarama mong iisa ang sa iyo ay nagkukupkop, ang Ama na naroroon sa lahat ng dako. Ito ang simulain ng Espiritismo.
Patayin man ay may buhay na ibinibigay na nagiging liwanag ng isang hindi nakakakita. Patayin man ay may pagkaing naipalalasap, may tubig na maipaiinom sapagkat naroroon ang napakadakilang kapangakuan ibinigay ng Panginoon ang sinomang makatikim ng tubig na ito ay hindi na mauuhaw kailanman. Ito ang simulain ng Espiritismo.
Ito rin ang kahalagahan ng pag-aaral na inyong isinasagawa at lalong naririto ang Kanyang kadakilaan sapagkat sa inyo ay ibinibigay, “Masunod ang kalooban Mo at huwag ang sa amin.”
Maghari nawa sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang liwanag ng diwa, pag-ibig sa kaligtasan ng kanyang kaluluwa sa pagkakasala. Paalam, Arkanghel Raphael.
2000-11-05- RAD
Liwanag ng Espiritu Santo ang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas!
Naaalala pa ba ninyo sa ating pag aaral nang minsan ay ayain ko kayong
pumunta sa ilog upang lumangoy? Ano ang inyong sasabihin? Iisa kaya ang
magiging kasagutan ninyong lahat? Opo, sasama kami. Oo, sasama ako.
Wala kayang magsasabi hindi ako handa? Hindi ako sanay lumangoy baka
malalim ang tubig, baka ako malunod? Hindi ba ito ang buhay? Iba’t iba
ang kalagayan bagaman iisa ang sitwasyon, iisa ang kalagayan datapuwa’t
iba’t iba ang diwang ibinibigay. Iba’t iba, ang nilalaman ng puso na
inihahayag. May mababaw, may malalim; may malawak, may makitid. Ito ang
kabataan.
Kung gayon, sa bahaging ito sa kanyang pangungusap, ano, pa ang dahilan
upang magbigay ang isang puso, "Huwag ninyong hamakin ang inyong
kabataan". Isang uri ng pag aaral at isang uri ng paglusong na
kinakailangang gawin ng bawa’t isa sapagka’t sa bahaging natutuklasan
naroroon ang pagtalima sapagka’t mayroon kayong nauunawaan at mayroon
kayong makikilala sa halaga at sa diwa ng bahaging ito.
Sa kanyang katitikan, ang anyo, ang gulang, ang kalagayan ng isang tao
ay tinitingnan na isang kabataan at dito kayo ngayon susunod. Ano ba ang
mas kinikilala upang magbigay ng isang diwa na ang magiging lundo hindi
ninyo sila hahamakin?
Sabi ninyo salat sa kaalaman. Oo, sapagka’t kulang sa karanasan, mura pa
ang isipan sapagka’t ngayon pa lamang pumapaloob, sa takbo ng buhay.
Mahina sa pagdadala ng isang pananagutan.
Kaya nga at ang isang magulang ay nagungusap, “Kinakailangan kung
maitaguyod ang paggawa. Kinakailangan kong magsikap sa paghahanap-buhay
sapagka’t mayroon pa akong mga anak na bubuhayin sapagka’t hindi pa nila
kayang buhayin ang kanilang mga sarili.”
Kung ito ngayon ang dahilan at katanungang kanilang dala dala, bakit
nagaganap ang paghatol? Ang pagpula? Bakit tinintingnan nang may
kahinaan ang kabataan?
Naririto ang pagtakal sa kanilang kakayahan. Dito kayo ngayon
kinakailangang lumusong hindi sa mababaw na tubig kung hindi sa may
kalaliman. Bakit ka nakarating sa kalagayan ninyo ngayon? Maitatakwil
baga ninyo ang bahaging ito? Bakit ka nakatatayo nang may katatangan
ngayon? Hindi baga nang dahil sa kakulangan ng isang kabataan?
Bakit kayo nagpupunyagi at nagsisikhay, upang makaalam at makapagdagdag
ng karunungan sa inyong diwa? Hindi baga nang dahil sa mga mahihinang
iyan?
Samakatuwid, hindi paghatol ang kinakailangan. Hindi paghusga ang
nararapat ibigay at ibahagi kung hindi pagbuhay sa isang paninindigan,
pagsisikhay upang lalong magpatuloy, pagpupunyagi upang makalpas at
makaalis sa kanyang kalagayan sapagka’t dahil sa mga bahagi at
kalagayang ito nadarama ngayon ninyo kung bakit mahalaga ang inyong
tungkulin.
Nang dahil sa mga kalagayang ito, mayroon kayong mapatototohanan sa
inyong sarili. Nang dahil sa isang kahinaan na inyong namasdan matatakal
ninyo kung hanggang saan ang inyong kaalaman sa larangan ng pagsasagawa
lalo na sa pagkakaloob ng pag-ibig. Kung wala ang mga ito, magkakaroon
baga ng halaga para sa inyo ang inyong sarili?
Kung wala ang mga bahaging ito magiging mahalaga baga ang inyong
karanasan? Kung wala ang mga kalagayang ito, may salamin pa ba kayong
babakasin at pag aaralan sa kinabukasan?
Kaya nga ang lahat sa buhay ng tao ay isang dakilang aral ng kabuuan ng
kaharian ng langit. Naroroon at ipinauunawa ay ang lapok na lapok at
marahil ay pilas na pilas ng papel, ang pag ibig na siyang simulain ng
Panginoon at siya ring simulain ng tunay na buhay.
Kung gayon, sa inyong sarili ay naroroon ang kabataan. Dala dala ng
lahat. Pinagpapala ng lahat. Naninindigan upang sa mga pagsubok na
dumarating ay maipagtagumpay niya ang pagkakilala niya sa kanyang
tungkulin.
Ikaw ay kabataan na mabubuhay kung ang larawan ng kabataan ay ang
pagkatakot sa pagdadala ng isang pananagutan. Sapagka’t naroroon ang
bahagi ng kataasan sa kanyang sarili, "Hindi ko makakaya ang bahaging
ito. Ayoko nito. Ayokong tumanggap at lalong hindi ko madadala ang
tungkuling ito sapagka’t hindi do kayang gampanan".
Hindi baga hinahamak ninyo ang kabuuan ng inyong sarili? Hinahatulan
ninyo ang maaaring magawa ng iyong pagkatao? Ang kinabukasan baga para
sa inyo ay dumating na?
Hindi, samakatuwid, ito ang kabataan na kung naroroon ang kalagayan ng
lahat at bawa’t isa sa halip na ariin ninyo na isang kapintasan na
itutakwil ng inyong sarili upang kayo ay gumawa ng lalong pinakamabuti
ay pahahalagahan ninyo sapagka’t iyon ang magiging tuntungan ng inyong
pagkatao upang kayo ay umangat.
At sa inyong pagkakilala iyon ang magiging baitang na inyong sasampahan
upang matamo ninyo ang matibay na pmanampalataya. Hindi baga nang dahil
sa kalagayang iyon ay binubuksan ninyo ang inyong pag iisip? Sinisikap
ninyo na makaalam?
Samakatuwid, karunungan ang sa inyo ay ibinibigay. Kaalaman sa tunay na
buhay ang ipinagkakaloob upang pagkatapos sa kanyang pagsasagawa ay
naroroon ang pagkakaloob ng pag ibig.
Kaya nga at karunungan at pag ibig ang patungo sa kaharian ng mga
langit, hindi ba ito ay bahagi ng inyong tungkulin? Bahagi ng isang
kalagayang kinakailangang tangkilikin ng isang nag aaral sa kalihiman ng
buhay. Ano ang magaganap sa kasalukuyan? Larawan baga ng kabataan?
Oo, larawan ng kabataan at kamusmusan sapagka’t naroroon ang mga galaw
kaalinsabay ang tayog ng isang pag-iisip kaalinsabay ang tayog ng isang
karunungang dinala at nakuha sa paaralang bayan.
Kaalin¬sabay din ang bahagi ng kalagayan at karapatan ng isang kaluluwa.
Kaalinsabay din ng kahayagang dala dala ng bawa’t isa, kabuuan at
kasaysayan ng isang kaluluwang lumalakad sa ibabaw ng lupa upang
maipagwagi ang tanging karapatan, ang makuha ang perfeccion.
Kabataan, sapagka’t kulang ng kababaang loob. Nguni’t ang kabataan ay
sagana sa kababaang-loob. Totoo nga kaya ang bahaging ito?
Ang karanasan at kanilang larawan ang siyang magpapatotoo. Dito ninyo
takalin ang kaalaman ng inyong sarili sapagka’t isang larawan na
naroroon ang napakalaking diwang ibinibigay.
Mahalin ninyo at pahalagahan ang inyong pagiging kabataan na hindi
lamang sa kanyang pisikal na kalagayan, kung hindi ang kanyang malalim
na diwa. Ito ang aking sa inyo ay iniiwan.
Maghari nawa sa inyong mga puso at sa sangkatauhan ang liwanag at
kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan! Paalam, Arkanghel Rafael.
2000-09-24, FBT
Pagpalain kayo ng dakilang pag-ibig, kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanman!
Mga ginigiliw na kapatid, ang isang pagkakataong katulad nito na kayo ay naghanda na kumain sa pagkaing inihain ng kabatlayaan. Katulad din na ang isang inanyayahan nauunawaan ninyo na hindi kayo magugutom.
Bayaan ninyo na ang aking ina-alay na pagkain sa inyong hapag ay hindi ninyo tanggihan at lalong ipagwalang bahala. Bayaan ninyong unawain ang aking sasabihin. Namnamin ninyo kung ano ang lasa at kung hindi ninyo maibigay ay hindi ninyo itatapon sapagkat maaaring dumating ang mga sandaling ito ay hahanapin ninyo.
Ang lahat at bawat isa sa inyong magkakapatid ay may kani-kanyang dalahin sa buhay ng iyan. Mayroon kayong mga pagsubok na hindi ninyo maunawaan. Nagagawa ninyong magalit sa inyong kapwa ng walang katuturan. Nagagawa ninyong itakwil ang inyong pinakamatalik na kaibigan; ang inyong kahinlog nang dahil sa inyong pagkilala sa mga bagay-bagay.
Mga kapatid, unawain ninyo ang akin sa inyo ay ipinararating. Sa isang sandaling kayo ay nakipagtipan sa inyong kaibigan na kayo ay hindi tumupad sa inyong tipanan, dumating ang pagkakataon na kayo ay hindi naging matapat sa inyong pagtitipan.
Hindi nakatupad ang isang nilalang naririyan na ang kanyang malayang pagkukuro at pag-unawa. Hindi niya dadalhin ang kagalitan at bibigyan ng mga paratang sapagka’t hindi naunawaan sa hindi pagdating ay may kadahilanan.
Sa bawat isa sa inyo, huwag ninyong ilalagay na may pagkukulang, hindi matutugunan ang inyong mga kahilingan sapagkat unawain ninyo kung may higit na pangangailangang isakatuparan kung kaya natutupad din na may karagdagang biyaya.
Walang taong nais sumira sa kanyang pangungusap. Walang tao na mayroon man ng mahirap na kaisipan at baog sa pagka-unawa ay hindi gagawin ang bumigo sa kanyang kapwa at lalong hindi kayo magiging matalas upang magbukas ang mga labi na pananalita.
Hindi kayo magiging matalim na maaaring magbigay ng paghatol sa pagkukulang ng inyong mga kapwa. Alalahanin ninyo sa tuwi-tuwina na kayo ay may malawak na pag-iisip, na ang lahat ng bagay na maabot ng inyong paningin ay inyong pag-aaralan.
Lawakan ninyo ang inyong mga galaw. Isa-isip ninyo hindi kayo magiging maligaya sapagkat may mga dakong ang mga nilalang ay hindi nagkakaunawaaan at ang mga kahabag-habag na mga paslit na hindi pa nakararating sa kanilang paroroonan ay nahahadlangan na at nagtamo na ng paghihiganti ang kanilang mga pagkatao. Magpapatuloy kayo sa inyong mga gawain.
Kapayapaan ang aking iiwan ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Arkanghel Raphael.
2000-03-26, FBT
Pagpalain kayo ng dakilang pagpapala at maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman.
Mga minamahal, ang inyong pakikitalad sa buhay ng iyan ay mararamdaman ninyong kayo ay may sandali na kinakailangang itaguyond magmula sa pagkakabubong ng isang kapayapaan ng tahanan: may tungkulin upang mabuo, maging matapat at maging maayos ang kabuuan ng inyong mga sarili.
Kung kayo ay isang ina ay sisikapin ninyong maging isang mabuting ina at magkaroon ng isang kahayagan na ang ina ay siyang ilaw ng tahanan; may karapatang hanapin kung ano ang nais ng kanyang mga bunso at tungkuling mahandugan ang kanyang kabiyak ng isang maayos na pakikipagkaisa upang mapagtuwangan ang bigat ng kanilang tungkulin.
Kung kayo ay isang ama ng isang kabuuan ng inyong tahanan; haligi ng tahanan na sandigan ng inyong mga bunso at pagkakatangan ng kabuuan ng isang balangkas upang maging matatag.
At kayo mga anak, ay may tungkulin hindi lamang ang busugin ang inyong sarili sa pagkain ng laman at kaanyuan ng inyong pagkatao sapagkat kayo ang tanging nag-uugnay sa ama at ina. Kung kaya at kayo ay laging may tibay na sa kanila ay magdudugtong upang hanggang sa dako pa roon ay maging matibay ang bigkis ng inyong pagiging isang mag-anak.
Ang lahat ng iyan ay isang baitang lamang upang makiala ng tao kung ano ang pag-ibig; kung ano ang tungkulin bilang isang nilikhang nabubuhay sa daigdigan; mapalawak ninyo ang inyong paggalang sa inyong kapwa tao, magawa ninyong maibigay ang inyong damdamin sa landas ng buhay.
Mahalin ninyo ang bawat nilalang na nakabababa sa inyong mga gulang katulad ng tunay na bunso. Inyong ituring na isang kapatid at karugtong ng inyong buhay na hindi ninyo pagnanasaang gawan ng masama kung hindi bagkus makatutulong kayo upang maging mabuting mamamayan.
Maging bahagi kayo ng lipunang inyong kinabibilangang hindi lamang sa mga gawaing pangtao kung hindi sa lahat ng makapag-aabuloy sa inyong kaluuwa sapagkat ang lahat ng bagay sa daigdig na ito ay kinakain ng apoy. Ngunit ang may matatag na pananampalataya ay ipagkakaloob sa kanyang kapwa nang buong taimtim at hindi nga sisirain ang mga bagay na may kabuluhan.
Magpapatuloy kayo sa inyong pinasimulan at maging mabuting magkakapatid sa bawat isa. Ang kapatagang ito ay magkaroon ng mabuting nilalang sa buhay na ito at sa buhay na walang hanggan. Iyan ang aking iniiwan, naghahangad ako ng kapayapaan ng inyong kaluluwa.
Paalam, Arkanghel Raphael.
1999-08-20, RAD
Ang liwanag ng Espiritu Santo ang siyang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas!
Sa lahat ng nilikha ng Diyos na nakikita, at namamasdan ay naroroon ang ibinabahaging karapatan upang mamaibabaw ang kapangyarihan ng tao. Sa kalagayang ito ng tao, na Kanyang nilalang, ang itinuring na may pinakamataas na uri sapagkat may kaangkinang dinadala ni maaaring magamit sa kanyang pagawa.
Kaya nga at ang tao ay may kapangyarihan upang mag-isip, magsaliksik, magsuri, mag-aral, at magtimbang upang pagkatapos ay magpasiya siya at sapagkat siya ay gagawa. Ang bahaging Ito ang ikinatangi ng tao sa hayop na likha ng Diyos sapagkat nagilap. At sa sandali ng pag-iisip ng tao ay naroroon ang dalawang lakas na kanyang inihahantad, ang pino at ang magaspang; Ang liko at ang matuwid; ang dilim at ang liwanag.
Mga bahagi ng katotohanang nagpapakilala na siya ay may bahagi ng pagka-espiritu ng Diyos kaya at hindi maaaring hindi dumating ang isang kalagayang siya'y makakakilala kung ano ang matuwid o ang mabuti. Sapagkat mula sa kanyang pagkabata, ay naroroon na ang pagbibigay ng bahaglng ito. Naroroon na ang pagmumilat ng isang magulang sampu ng simbahang, kanyang kinaaniban, ano ang masama? Ano ang mabuti? Ano ang matuwid? Ano anq liko?
Kaya nga at laging nag-uugnay ang batas ng Diyos at ang batas ng lupa. Datapwat sa kabila ng mga ito ay bakit nagaganap ang pagpapatayan? Bakit naroroon ang paglaganap ng mga gawaing lumalabag sa batas ng Diyos sa kabuuan ng tao sa kanyang nilalang at itinuring na siyang may pinakamataas na uri sapagkat marunong mag-isip, marunong magsuri, marunong magtimbang?
Kung gayon, ang diwa ng katotohanan ang nagmumulat sa lahat at bawat isa. Ang antig ng mabuti ang siyang mag-aakay upang kilalanin ng tao, alin ang daang matuwid, alin ang daang liko?
Datapwat sa katotohanan lahat ng ito ay may ugat na pinanggalingan kung bakit natakpan ang matuwid, ang mabuti. Hindi baga iyan ay kaangkinang dala-dala ng inyong sariIi? Ang pagnanasa na ito ay nakalagay sa dalawa: ang mabuting pagnanasa at ang maruming pagnanasa na kung ilalagay ninyo ay naroroon sa palad ng pag-ibig.
Kapag ang taoy nagnanasa ng nauukol sa sanlibutan, ang maiiwan ay ang pagnanasa ng na-uukol sa kapakinabangan ng kanyang kaluluwa, Bakit? Sapagkat ang mga bahaging ito'y ang magbibigay ng lakas.
Nagnanasa ang tao na makaalis sa kahirapan kaya at ang iniibig ang makapagtatamo ng kasaganahan sa kanyang buhay. At kung ang kasaganaan ay titimbangin sa dami ng salaping hahawakan anong lakas ang sa kanyang mabubuo?
Hindi baga kapag ito ang nagkaroon ng lakas sa kanyang pusor sapagkat kulang ang pananaw nang na-uukol sa katotohanan buhay at ng tunay na liwanag na sa kanya ay susubaybay and pag-iimbot, ang kasakiman, matututong magsamantala sa kanyang kapwa, kukuha ng hindi sa kanya sapagkat naroroon ang kabuuan ng lakas na nasain ang bahagi ng lupa, upang madama ang kapangyarihang dala-dala ng kanyang pagkatao.
Kaya at natatakpan ang matuwid, nabibigo ang kamalayan na mabuti na ipinakilala ng lipunan, ang pagkaing isinubo ng magulang, ang lakas na ipinagkaloob ng simbahang nagpakilala ng pagtuturo sa iisang Diyos sapagkat ang iniibig ay ang pagnanasang hinahawakan ng kanyang mga kamay sapagkat iyon ang mag-aalis ng kanyang karalitaan, mag-aahon sa kanyang kalagayan at maaaring mag-utos, “Gawin mo ito". Hindi ba iyan ang katotohanan ng buhay?
Samakatuwid, naroroon ang lakas na ito sa kabuuan ng tao. Hindi kayo naiiba sa kalagayang ito. Mayroon kayong mithiin at nasain sa inyong buhay. Ngunit paano kinakailangang gumalaw ang pagkatuto ninyo sa katotohanan? Paano kinakailangang maangkop ang karunungang sa inyo ay binuksan sa pamamagitan ng inyong pag-aaral? Narlrito ngayon ang kabuluhan ninyo.
Dito kayo nagiging mahalaga sapagkat kayo’y nasa ibabaw ng lupa naghahangad ng bahagi ng lupa ngunit nakapaloob sa salita ng Panginoon, " Hindi ko kayo inaalis sa sanlibutan ngunit iniingatan ko kayo buhat sa masama". Ano ngayon ang pagnanasang nasasa inyong mga puso? Nagnanasa rin ba kayo ng mga na-uukol sa sanlibutan?
Ngunit nagagawa baga ninyong i-angkop at iugnay ang inyong kabuuan upang ang pagnanasang ito ay maging tunay na pag-ibig na handang magbigay ng kanyang buhay dahil sa kanyang kaibigan? Ang bahaging ito ay napakadakila kung maisasagawa ngunit katotohanan ding wala pang handang magbuwis ng kanyang buhay katulad ng isang Hesus na inaalay ang buhay upang ipakilalang naroroon ang kaligtasang matatamo ng isang kaluluwa.
Kung ang buhay ay pagsasagawa, ito ang buhay na inyong iaalay alang-alang sa kalagayan ng inyong kaluluwang nagkakalag ng tali ng kamangmangan. Ito ang buhay na iaalay ninyo sa inyong kaibigan sapagkat ang kaibigan ay iligid ninyo ang inyong mga mata, antigin ninyo ang inyong mga puso, gisingin ninyo ang kaalamang dala-dala ng inyong pagkatao.
I-ugnay ninyo ang karapatang natamo ng inyong kaluluwa at madarama ninyong nagawa ninyong iyan ay ang inyong buhay dahil sa inyong kaibigan. Masdan ninyo ang mga batang raririto. Kasama ninyo sa tuwing makikipag-ugnay kayo, sa kaitaasan. Masdan ninyo ang kanilang kalagayan, kayo ay nakaupo at kumukuha ng aralin ng buhay.
Naririyan ang mga bata na naroroon sa kanilang kalayaan sapagkat ito ang kanilang nakilala na malaya sila, sa kanilang pagkilos sapagkat hindi pa maaaring mag-isip ng may kalawakan upang unawain na sa mundong ito napakukupkop ang bawat isa sa lakas na ibinigay ng Panginoon upang manatiling naroroon sa kabuuan ang liwanag.
Kung ang pagkatuto ninyo ay siyang magiging tanggulan ng inyong sarili, katabi ba ninyo ang inyong mga anak upang sila ay maligtas? Kasama ba ninyo upang sumulong ang kaalaman ng kanilang kaisipan? Hindi ba naririyan ang pag-aalay ng buhay dahil sa inyong kaibigan?
Ito ang inyong suriin at kilalanin sapagkat kayo ay tao, ang may pinakamataas na uri sa lahat ng nilikha ng Diyos. Tao na hindi nararapat maging kahanay ng mga hayop. Tao na siyang may pinakadakilang turing, “Kalarawan at kawangis ng Diyos”.
Ito ang aking sa inyo ay iiwan. Maghari nawa, sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang liwanag at diwa at pag-ibig sa inyong kaligtasan.
Paalam, Arkanghel Raphael.
1997-07-20, RAD
Liwanag at biyayang nagmumula sa mga langit ang siya nawang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas.
Sa kabuuan ng pagkakilala ng sangkatauhan na siya ay isang lalang na binigyan ng buhay, ng bahagi ng karunungan na kanyang magagamit sa panahon ng pakikitalad sa ibabaw ng lupa na, siyang daan upang magkaroon ng katuparan ang mithiin at tuparin ng isang kaluluwa ay hindi maaaring hindi magkaroon ng pag-uukol, ng hinaing sa iisang ugit na kinilala niyang doon nagmumula at doon nanggagaling ang lahat ng nasasa kanya.
Kaya at kung madama na may kulang ay humihingi; kung mamasdan na wala siya at mayroon ang iba ay naghahanap upang siya ay makasumpong. Anoman ang bahaging nagaganap sa kanyang buhay ay idinudulog at inihahain sa harap ng dakilang Diyos.
Isang patotoong naroroon sa kaibuturan ng puso ng bawat tao na may isang Makapangyarihang hindi nagpapabaya. Ang lahat ng ito ay nakapaloob sa iisang batas – ang batas ng pagsulong.
Nang dahil sa batas na ito, ang tao ay namumulat sa iisang katotohanana; nakakakilala at nakakaunawa na hindi pala lahat ng bagay ay kinakailangan ang paghingi at pagtanggap lamang kung hindi ang kinakailangan ay matapos na makilala mo ang karapatang humingi nang wala sa iyo at ito ay iyong tinanggap ay matuto kang magpasalamat, kumilala na sa iyong kaliitan ikaw ay pinagkalooban.
At ang pasasalamat na ito ay hindi sa pamamagitaan lamang ng labi at ihahayag ng salita kung hindi sa pamamagitan ng paggawa na naroroon ang bahagi ng kanyang kapwa sapagkat ito ang kapatdapat sapagkat ang pangungusap, “Anoman ang iyong gawin sa iyong kapwa ay ginawa mo sa Panginoon at ang ginawa mo sa Panginoon ay ginawa mo sa Ama.”
Kung ito ang sa inyo ay maiiwan, mauunawaan ninyong ang bawat kalayaan ay may kakambal na pananagutan. Sa pananagutang ito ay naroroon ang tungkulin ng isang kaluluwa na siyang nagpapadakila sa kabuuan ng tao. Ang nagpapakilala at tumatanggap nito ay ang kanyang pangalan.
Kaya nga at walang taong walang pangalan. Mula sa pangalang ito ay doon ngayon gagawa at bubuo ng isang mahalagang kasaysayan ang isang kaluluwa na kikilalanin ng marami. Mula sa kanyang taglay na pangalan ay doon ihahantad ng tao ang kalagayan ng isang kaluluwa; ang kanyang naabot, ang kanyang nadala na karanasan na naipon na naroroon ang karunungan at kaalamang kanyang tinamo sa panahon ng kanyang pakikipamuhay sa ibabaw ang lupa. Kaya nga mahalaga ang pangalan sapagkat ito ang sinusuri, ang tinutunghan at nagdadala ng kaunlaran ng isang kaluluwa.
Datapuwat sa Espiritismo, kung ito ngayon ay ilalagay sa isang kalagayan ng na-uukol sa mediumnidad, sa bahagi nang pagganap ng isang talaytayan sa pagbibigay ng paglalagda ng pangalan ng isang Espiritu Comunicante, ang hindi pa buo ang pagkakilala ay nagtatamo na nang kasiyahan, nang kapayapaan ang kanyang sarili sa lagdang ibinigay.
Ngunit kung ang titingnan at tatakalin ay ang pangangailangan ng isang kaluluwa, ang pag-unlad ng isang diwa, ang pagkakabukas ng kamalayan upang dakilain at pahalagahan ang kanyang tungkulin ay hindi nababatay sa pangalang ibinigay ng Espiritu Comunicante kung hindi ito ay nababatay sa diwa nang pahayag na kanyang ipinagkaloob sa kalagitnaan ng magkakapatid.
Nababatay sa pag-ibig na nakakabit na kakambal ang karunungan at kaalaman na kanyang ibinigay sa kapahintulutan ng Panginoon. Mula riyan, ang pag-iisip na pinondohan ng lahat ng nagaganap sa isang sangkapin ang siyang mag-aaral na magtanong sa kanyang sarili sa pamamagitan ng kanyang mga narinig, “Saan ako dadalhin ng mga bahaging ito?
Doon baga sa isang kalagayan na kung saan ay magbabago ang aking masamang gawa? Dinadala baga ako doon sa kamangmangang tinataglay ng aking sarili na kaya kong bakahin? Dinadala baga ako doon sa isang kalagayang nagpapatotoo ngayong ako ay isang tunay na anak ng Diyos na maaaring kakitaan ng mabubuting mga gawa at mabubuting mga kaugalian?”
Ito ngayon ang mga bahaging inyong kunin. Hindi na ang pangalang inilagda ang gumaganap kung hindi ang bahagi ng kanyang diwa, ang bahagi ng pag-ibig na nanuot sa puso upang kilalanin ang mabuti na siyang simulain ng Diyos.
Napakalawak ang bahaging ito at sa isang kulang nang katatagan ay hindi maaaring hindi mag-alinlangan at kung naroroon pa ang kakulangan sa pagsasaliksiik at sa pag-unawa ay marami ang kanyang katitisuran.
Ngunit kung iyan ay mga bahagi ng katotohanang makapagpapalaya sa inyong diwa, sa isang naghahangad nang pagsulong ang bahaging ito ay magiging patibayan ng kanyang sarili; patatagan ng kanyang pananampalataya at sukatan kung paano dadalhin ang kanyang pananampalataya. Sa isang sandali na ito ang mabuo, ang isang mag-aaral ay magiging katulad ng isang sisidlang buo, matibay at matatag, malinis na magiging pag-asa ng bayan sa kinabukasan.
Kaya nga, ang pakikipag-aral sa simulain ng buhay ay humihingi nang kaunawaan, nang kahandaan ng kanyang sarili sapagkat sa kahandaang ito ay doon siya tatanggap at magkakaroon ng pinakamaliit na tanglaw ng liwanag.
Kung ang pangalang inilalagda ay hindi mahalaga mayroon kaya nang maaalis sa gawi ng mag-aaral na kung minsan ay siyang pumipigil upang magpatuloy ang pagsulong? Ang karaniwang nagaganap kapag hindi iniibig ng isang mag-aaral ang isang kasangkapang kanyang naririnig at gumaganap ng tungkulin ay iniiwan, nililisan at tumatayo mula sa kanyang likmuan sapagkat hindi niya ibig ang kasangkapang kanyang naririnig. Hindi ba naririyan ang kamangmangang taglay ng bawat isa?
Naroroon pa rin ang kakulangan nang kaunawaan na, kapag hindi mataas ang pangalang inilagda ito ay katulad lamang ng hanging nagdaan na dumapyo sa kanyang katawan ngunit walang naiiwan. Hindi ba iyan ay isang katotohanang ang pagtakal ay idinadaan sa taas ng pangalang gumagamit sa talaytayan at hindi sa laman ng pahayag o diwang nakapaloob sa pahayag?
Kaya nga namamali na tanggaping iyon ang tunay na kapupulutan niya ng magandang aral dahil sa mataas na pangalang inilagda ng Espiritu Comunicante. Sapagkat kung ang Ama at Panginoon ay nagbigay nang kapahintulutan sa mga bahaging ito, sino ka ngayon mag-aaral upang hatulan at ilagay sa iyong isipan na iyon lamang ang tunay na talaytayang dapat tanggapin upang ikaw ay magpatotoo sa kadakilaan ng simulain ng Espiritismo?
Ang karaniwan kayang mga espiritu at mga espiritu pamiliyar ay walang pag-ibig na sa inyo ay naibibigay at hindi na kinakailangan sapagkat iyan ay nagaganap? Paano sila makapagbabahagi ng nasasa kanila; makapagpapadama at makapagbibigay ng bahaging nasasa kanila sa daigdig na kanilang kinalalagyan upang ang kanilang ibabahagi ay maging daan sa pagbabago?
Paano sila matutulungang magtamo ng liwanag at kapayapaan kung ang pagbabatayan ay ang mataas na pangalang kanilang inilalagda na siyang tanging pahahalagahan at di ang diwa? Ang pinaguugnay sa inyo ay ang laman sa laman; diwa sa kapwa diwa; may kahapon at kasalukuyan at hinaharap. Na, sa pamamagitan ng kahapon ay may kasalukuyan at dahil sa kasalukuyan ay may hinaharap.
Dahil dito, ang bahaging inyong dinadama ay kunin ninyo sa diwa. Walang mababa sapagkat lahat ay may diwang ibinibigay upang magbago ang isang kaluluwa. Walang mataas sapagkat ang kakayahan ng espiritu ay ipinadadaloy sa mga kasangkapang may kanikaniyang antas ng mediumnidad.
Bawat isa ay may kapintasan ngunit totoo rin namang bawat isa ay may katangiang tinataglay. Kaya nga at sa halip na hatulan at husgahan ang liko ay ituwid; ang kulang ay punan at huwag kunan bagaman ang nakasulat,”Ang wala ay hindi na bibigyan kundi ang nasasa kanya ay kukunin pa.”
Ipinagkait na baga ng Ama na hindi tumanggap ng ulan ang isang liko? Ipinagkait na baga ng Ama na siya ay mabuhay kung siya ay mapagkasala? Liko man o mapagkasala man tumatanggap ng Kanyang pagibig. Sino ka ngayon tao upang tingnan ang kalagayan ng iba samantalang ito ay nagiging karapatdapat sa paningin ng Ama?
Kaya nga lahat ay bahagi ng pag-aaral. Lahat ay sa iisa rin lumulundo sapagkat iisa ang batas na ibinibigay –ang batas ng pagsulong. Kaya’t ang lahat ay dumadaan sa kanikaniyang kalagayan ayon sa kanyang kaantasan at iyan ay pagibig at katarungang inihahantad ng katuruan ng Espiritismo.
Dahil dito, sa isang talaytayang gumaganap ay naroroon ang kinakailangang paghahanda ng kanyang sarili--- ang higit na pagsupil sa kanyang kabuuan, ang higit na pagpapakasakit na kinakailangang itayo sa kanyang sarili sapagkat ang katuruan ng Espiritismo ay nabuo nang dahil sa mga talaytayan.
Ang pananagutan ay sadyang napakalaki sapagkat siya ang halimbawang tinatanaw ng marami. Kaya at hindi isang laro na karapatdapat sa isang pandama ng isang gumaganap; hindi isang tungkulin na kapag nabigatan ay iyong ibabagsak; hindi isang tungkuling katulad ng kaning isinubo na kapag napaso ay iluluwa; hindi katulad ng gamit na kapag naluma ay itatabi sapagkat ito ang kanyang buhay, ang kanyang kabuuan ng kanyang pananagumpay.
Nang dahil dito, ang lahat ng kanyang galaw kung titingnan at ilalagay ang kadakilaan ng tungkulin, walang talaytayang magwawalang bahala at magiibig na may panagutan ang kanyang sarili. Ang mga talaytayan ang una at higit na kinakailangang kakitaan ng pagpapahalaga sa simulaing kanyang itinataguyod.
Ang talaytayan ang siyang una at higit na kinakailangang manguna sa magagandang mga gawa at magandang halimbawa; siyang una at higit na mag-aakay sa mga naliligaw at hindi siya ang aakayin sapagkat siya ang naliligaw.
Kung ito ngayon ay bahagi ng pagibig ang lahat ay kikilos at magbubuo, mag-aangat ng kanyang mga kamay at mga paa upang itindig ang tunay na katayuan ng katotohanang makapagpapalaya sa isang kaluluwang nakatali sa kamangmangan at pagkakasala.
Napakaganda ng buhay lalo na kung naroroon ang sapin-saping karanasan. Napakaligaya ang mabuhay lalo pa at ang dinadama ay ang mga tiisin. Napakasarap at napakatamis mabuhay lalo pa at sa iyo ay may humahatol at humuhusga sapagkat doon mo mapatutunayan kung ano ang iyong daladala at kung sino ka.
Lalong napakasarap mabuhay kung ang dumarating na karanasan sa iyo ay mga pagsubok na gigising sa iyong diwa, sa iyong kamalayan, sa iyong damdamin at sa iyong kalooban. Napakasarap ang lahat ng ito sapagkat doon binubuo ang kalalagayan ng isang kaluluwa; doon dinadagdagan ang pangangailangan ng isang diwa, doon pinupunan nang katatagan ang isang pananampalataya.
Samakatuwid, kung iyan ang kinukupkop ng isang mag-aaral ay haharap ka sa isang daigdig na may tunay na kaligayahan at kasiyahan sapagkat ang kapaypaan ay hindi maaalis sa kalagayan ng isang kaluluwa.
Sa patuloy na pag-inog ng buhay iisa lamang ang maiiwan, ang pagpapaubaya at ang pangungusap, “Ama, naganap na.” kung ito ang susuriin sa bawat karanasan ay madarama ninyong mahalaga pala ang mabuhay at lalong magiging mahalaga kung matututong magdala ng pananagutan.
Sa hanggang dito at maghari nawa sa inyong mga puso at sa sangkatauhan ang pag-iibigan, kababaang-loob, pagkakawanggawa at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Raphael
1996-06-02, FBT
Sumainyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman.
Mga minamahal na kapatid, ang lahat at bawat isa ay naghahanap at patuloy na maghahanap. Mayroon ng ilan at mayroon ng mga pagkakataon na kayo-kayong mgg-aral ay naghahanap pa ng uri ng inyong magagawa. Kayo ay naghahanap sa inyong magkakapatid ng kani-kaniyang kakayahan ng nauukol sa inyong pag-aaral.
Hinahanap ninyo ang kaunlaran ng bawat isa at kung lahat at bawat isa sa inyo na maaaring magmahal sa kanyang pagkakilala ay magdaan sa isang pagsusuri at pagsusulit. Ang maalam pagdating ng pagsubok ay mayroon na kamaliang hindi makatagpos ay magkakaroon ng inaakalang pagkabigo sa kanyang pag-aral.
Ngunit ang isang mahinang mag-aaral hindi man siya makatagpos ay malalaman niyang sadyang mahina ang kanyang sarili at maraming aralin ang hindi niya makakayanan.
Kaya at ang aking hinihiling sa lahat at bawat isa sa inyo, hindi ninyo tatanawin ang tao sa kanyang pangungusap, hindi ninyo iaangat ang inyong paghanga sa bawa’t nilalang na mayroon ng kakanyahan sa kanilang mga sarili.
Nababatid na baga ninyo ang inyong mga dalahin? Mga ama at ina kayong nakapabigay ng magandang katugungan sa inyong pag-aaral upang ang mga nilalang na hindi makapagpatuloy, nagkakaroon ng pagka-usyami ang pag-aaral.
Sapagkat hindi pa madama at matanggap ng kanyang sarili mayroon ng mag-aaral na nalalaman ang lahat ng iyan subalit mayroon pa rin ng hinahanap na walang iba kung hindi ang katuparan ng isang pag-aaral na nalalaman ang kanyang pinag-aaralan ngunit hindi natutupad ng kanyang sarili kung kaya nag-aalinlangan ang kanyang pagkatao na masabi siya ay walang kaalaman lalong-lalo na sa mga bagay na kinakailangang tuparin ng isang nilalang sa daigdigang lupa.
Matunghayan man ninyo, mailagay kayong lahat sa inyong kaisipan ang
nilalaman ng Banal na Aklat ngunit ang inyong pag-iisip ay mga bagay na
maaaring magpahina sa inyong mga pagkatao. Katotohanang-katotohanang
sinasabi ko, mga minamahal na kapatid, nadala baga kayo ng mga titik?
Ngunit
ang paggawa at pagsasakatuparang ang sadyang kinakailangang
pagpakasakitan ng tao. Lahat at bawat isa sa inyo ay nagpapatuloy,
bumibilang na kayo ng mahabang panahonng inyong pakikipag-aral.
Nawa ay makatipon sa inyong pagkatao ang maliliit ninyong natutuhan upang kung dumating ang takdang panahon ang katuparan, ang katapan ng inyong mga natutuhan ay maisagawa ng inyong mga sarili.
Hahanapin ninyo sa inyong mga sarili ang kabutihan, gayon din sa inyong mga katauhan hahanapin ang kagandahan ng gawain na napili ninyong isagawa. Hindi ninyo hihintayin ang inyong mga kapwa na maunang gumawa sapagkat magkakaroon kayo ng pag-aalinlangan.
Ngunit kung kayo ay gumagawa ng naayon sa matwid, kayo ay kumikilos ng naayon sa kagandahang asal, katotohanang matatanggap ninyo ang kapalitan ng inyong mga kapwa. Ang kamalian ng inyong mga kapwa ay matutuhan ninyong pagpaumanhinan sapagkat kayo sa inyong sarili ay makakaunawa.
Humayo kayo at magdagdag kayo ng pag-aaral hanggang kayo ay pumalaot at makipagtali sa kanyang talino kung hindi nandidiyan kayo sa kalagitnaan at kayo angmagpadama ng pag-ibig at pagmamahal sa inyong mga kapwa sapagka’t ng lahat ng inyong nasa mundong ito ay babalik at babalik sa inyo.
Huwag kayong magtanin ng isang bungang may maasim na lasa upang hindi kayo magsisisi. Hanapin ninyo ang binhing kinakailangan ninyong isubsob sa dibdib ng lupa, isang binhi na walang lungkot na bunga, may tamis na ipag-aapdong buhay ng inyong mga sarili upang kayo ay magtagumpay sa kapatagan.
Kapayapaan, Arkanghel Raphael.
1996-05-19, FBT
Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, kapayapaan ngayon at magpakailanman.
Mga iniibig na kapatid, kung papaano ang kaliit-liitang pagkain ng bawa’t isa sa inyo ay hindi ninyo pinagsasawaan at laging hinahanap ng inyong mga panlasa, anoman ang maging katambal nito ang namumukod ang kanyang katangian sapagka’t iisa siyang uri ng pagkaing hindi ninyo malilimutan. Gayon din ang mga bagay na ukol sa kaluluwa.
Kung gaano man ang inyong danasin at suliranin sa buhay, ano mang uri
ng kapamuhayan ang inyong nagampanan sa kapatagang-lupa, hindi ninyo
maaaring malimutan at lalong hindi ninyo mailalagay sa isang tabi na ang
inyong mga natutuhang pinag-aralan.
Magpasimula sa mga batang paslit na nagpasimula sa kanilang pag-aaral sa payak na katayuan. Maging sa kasalukuyang pakikipamuhay hanggang sa dumating ang takdang panahon kung kailan ang tao na nakakadama na ng unti-unting pagbabago ng kanyang katayuan sa kanyang pakikipamuhay ay hindi niya maaaring burahin sa kanyang pagkatao ang tatak ng katotohanang siya ay isang nilalang na mayroon ng tungkulin sa kanyang mga kapwa.
Mayroon siyang dapat panagutan sa harap ng Panginoon kung hindi makagagawa ng mabuti at makapaglilingkod sa kanyang mga kapwa. Sa katayuang ninyong lahat, mga minamahal na kapatid, sino ang makapagwiwikang siya ay nakatapos na ng kanyang tungkulin?
Sino sa inyo ang may lakas loob na makapagwikang, “ang lahat ng katuruan ay kanyang natutuhan.” Matatanggap na natutuhan ninyo nguni’t ang hahanapin ay ang inyong paggawa sapagka’t naririyan ang larawan ng katotohanang kailan pa man ang natutuhan ay nagawa, alin ang binigyan ng daan na magkaroon ng butil ng kaalaman ang kanyang pagkatao at inilagay sa larangang ng paggawa at kung gumagawa ang tao ay lalong maghahanap.
Habang gumagawa ang tao at nakikitang ang kanayang ginawa ay isang kagandahan, hahanaping pilit ang karagdagan sa kagandahang iyan at kung ang tao ay makalikha ng pangit sa kabila ng magandang araling natutuhan ay hindi niya naisagawa ng buong kaayusan at ang pangit na bagay ay sisikapin pa rin niyang mapaganda, may babawasin at may idadagdag upang sa gayon ay magkaroon ng kabuuan.
Ganyan kayo, mga minamahal ko, sa kabila ng inyong pag-aaral at pagpapakasakit ay dumating ang iba’t ibang uri ng pagsubok sa buhay na iyan na kinakailangang maunawaan ng tao na ang pagsubok na iyan ay kinakailangan ninyong panagumpayan. Hindi ninyo papanghinain ang inyong kalooban ni lalong hindi ninyo lilimutin ang lahat ng bagay ay mailalagay sa isang tabi at darating ang sandali na ito ay inyong hahalukayin. Ang hindi ninyo nauunawan ay pilit ninyong uunawain.
Ganyan ang kabuhayan ng tao. At ang mga nilalang na nandito nakapaglingkod sa Panginoon ay maaaring magkaroon ng katanungan, isang katanungang magpapatotoo na siya ay nakapaglingkod at naibig niya ang Panginoon ng buong taimtim upang maisagawa ninyo at mapatotohanan ninyo na kayo ay lingkod ng Panginoon at ginagawa ninyo ang Kanyang kalooban.
Nagawa na ba ninyong dalawin ang may mga karamdaman sa kanilang kinararatayan at nabigyan ninyo ng pag-asa? Nagawa na baga ninyong dalawin ang mga napipiit ngang dahil sa mga kahinaan na dinalaw ninyo na walang anomang bagay sa inyong kaisipan kungdi ang pagkahabag at pagka-awa sa kanilang kahinaan na humantong sa kanilang mga katayuan.
Natutunan na baga ninyong idalangin ang mga taong malabis ang pagkakamali at pagkaligaw sa buhay na hindi ninyo nakitaan ng kabutihan?
Kung kayo ay nakasalubong ng isang bangkay sa gitna ng daan na
ihahatid sa kanyang huling hantungan, matutuhan baga kaya ninyo na
tumayo ng ilang saglit at ihatid ang taimtim na dalangin?

Comments
Post a Comment