1995-2000, Koleksyon- Antonio de Padua

 


 

 

 

 

 

 

2000-11-19, RAD

Ang kaangkinan ng kaluluwa na itinago

Ang liwanag na nagmumula sa kaitasan ang siya nawang sumainyo magpakailanman!

Ang isang bagay bagaman bago, kapag itinago mo nang matagal na panahon hindi baga maluluma? Ang isang kasuotan kapag natago sa mahabang panahon namumula, nawawala sa uso kung inyong turingan. Nagkakaroon ng mga bahagi ng pagbabago bagaman hindi ito ang kanyang pasimula.

Kung gayon, ganito rin ang kalagayan ng tao, ang kalagayan, ang kaangkinan ng kanyang kaluluwa na sa isang sandali na itinago mo, hindi mo ginamit, hindi maaari na hindi magpakita na siya ay nagkakaroon ng pagbabago.

Ang pag-iisip ay kinakailangan pang dalhin at ang mga pagpapaunlad ng mga bahaging ito katuwang at katulong ang mga bagay na kasama at bahagi ng buhay.

Ang damdamin ay kinakailangan din na paunlarin at ang mga bahagi ng karanasang ay katuwang upang matamo niya ang kaunlaran. Ang isang pagkatao ay gayon din.

Kaya nga at ang lahat ng bagay na naririto sa sandaigdigang ito ay katuwang ng tao upang matamo niya ang pagsulong sa kabuuan ng kanyang kalagayan. Sapagka’t ang lahat ng iyan ay katulad ng isang hasaan na ang bagay na mapurol kapag inihasa ay tumatalim.

Ang larawan ng buhay ay hasaan ng isang pag-iisip upang mula roon ay maragdagan ang kaalaman at karunungang nasa sa kanya. Sapagka’t sa karagdagang ito ay nagiging malawak ang diwa na kanyang mababatid, malawak ang diwa, na kanyang makukuha.

At sa pagkahawak na ito ay naroroon ngayon ang pagtubo ng isang lakas upang sa pamamagitan ng kanyang pagsusuri at pagsisisyasat ay makita niya at makilala niya ang kanyang sarili.

Mula sa kahinaan na kanyang tinataglay, mula sa kakulangan na naroroon sa kanyang kabuuan, lahat ng ito sa pamamagitan ng paglawak ng kanyang kaunawaan ay kanya ngayong masasaklaw at diyan nagsisimula na nahahawakan at nasusupil ng tao ang kanyang kabuuan upang dalhin sa iisang landas, ang matuwid at katumpakan kung ito ngayon ang inyong kikilalanin.

Ang larawang inyong natutunghan, ang damahin na inyong nadarama ay iisa lamang uuwi sa pagkakaloob ng liwanag at kapayapaan sa kabuuan ng tao.

Sapagka’t sa pamamagitan ng bahaging ito makikita at madarama ng lahat ng mayroon nang nawawala at sadyang mayroon ng mawawala.

At kung ang mga bahaging ito ay ganap na makita na nawawala hindi baga magsisimula ang lahat upang hanapin ang tunay nakaparaanan kung papaano ang nawawalang ito, ano ang nawawala? Unang-una, ang kapayapaaan sa pagsasama ng bawa’t nilalang ng Diyos ang katiwasayan ng isang pag-iisip, ang kapayapaan ng bawa’t pamumuhay.

Kung ito ngayon ang siyang mawawala ay magsisimulang gumising ang tunay na karapatan ng isang kaluluwa upang hanapin at ibalik ang nawawalang ito.

Kaya at kung naririyan sa pagbabalik na ito ay dala-dala ang aral na kanilang nakuha. Dala- dala ang mga bahagi at butil ng buhay siya ngayong magpapatibay at magpapatatag upang ang mamayani ang tunay na katwiran, ang katotohanang naroroon ang kalayaan ng lahat ng tao, ang katotohanang naroroon ang liwanag at pag-ibig ng Diyos.

Kaya nga sa mga bahaging ito hinahasa ang tabak na dalawa ang talim upang sa bahagi ng pagganap ng kanyang tungkulin domoon ang bahagi ang pagputol ng mayroon na ng magiging kasaysayan at mayroon nang kabuluhan upang iangat ang kalagayan ng isang kaluluwa.

Lahat ng bagay ay magpapagising sa inyong damdamin, lahat ng kahayagan ay magpapagalaw sa inyong pag-iisip sapagka’t ito ang sadyang kinakailangang mangyari at maganap sa kabuuan ng tao.

Sapagka’t sa kanyang pagkagising ay doon magkakaroon ng puwang ang mataas na kamalayan upang matutuhanng damhin ng lahat at bawa’t isa na ang kanyang pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa ay hindi sapat na kunin lamang ang para sa kanya kung hindi ang kinakailangan ay makilala niyang sa pagkuha niya ng para sa kanya ay laging naroroon ang bahagi ng kanyang kapwa.

Laging naroroon ang bahagi ng pagpapatotoo na siya ay lalang ng Diyos, laging naroroon ang bahagi na ang lahat ng kanyang nakukuha at natatamo sa daigdigang ito ay nagiging kapakipakinabang kapag mayroon ng buhay na iniaalay hindi upang mamatay kung hindi ang buhay na ito naroroon ang pagtatamo ng tao sa kaligtasan sa pagkakasala.

Ito ang magiging batas sa kanyang sarili, na siyang susupil, siyang papali upang ang ugat ng lahat ng bawa’t pangyayari, ang kasakimang naruroong sa lahat at bawa’t isa ay tumabang. Mawalan ng lasa at maging katulad ng katuparan sa Banal na Aklat na itatapon sa labas ng bahay upang yurakan.

At kung ito ang siyang magaganap sa bahaging ito ng damahin at damdamin ng lahat at bawa’t isa ang kasakiman upang makakuha ng para sa kanya, samakatwid, doroon ngayon ang bahagi sa puwang ng kanyang aalisan o inalisan ang ilalagay ay ang bahagi ng pag-ibig na kumikilala, ang sakit na ginagawa sa kanyang kapwa ay sakit na sa kanya rin babalik.

Sapagka’t ang nagtatanim ng ano mang halaman ay siya ang una na aani ng bunga nito ang naghahasik ng anumang bagay ay siyang sadyang kukuha ng lakas nito at sa mga bahaging iyan, ang lahat ay hindi maaaring makakuha ng para sa kanya at ang bahaging ito na kanyang makukuha ang siyang munting liwanag na makapagpapabago sa kalagayan ng kanyang pagkatao.

At naririyan ang pagsulong na matatamo ng inyong sarili sapagka’t naririyan din ang magiging pagbangon ng tunay na katotohanan na ang ibibigay lagi ninyong naririnig, “ang kalayaan para sa isang kaluluwa”.

Sapagka’t siya ang magsisimulang magkalag sa tali ng kamangmangan, magsi-simulang magkalag sa tali ng kamalian na kanyang laging isinasagawa, magsisimulang magkalag sa kabuuan ng kanyag sarili upang pagkatapos nito ang kunin at ang kanyang itanim ang bahagi ng matuwid ayon sa saligan na naroroon ang bakas ng paninindigan.

Kaya nga at muli, sa isang kabuuang dadalhin ng bawa’t isa at sa ganitong kaparaanan sa kalayaang ibinigay ng Diyos na kung saan ang tao ay gagalaw at gagawa ayon sa kakayahan ng isang tao bagaman hindi naging kompleto o buo ang bahagi ng pagkaunawa na sa kanya ay ibinigay kaya nga at hindi perpekto.

Naging bahagi ng tao ang pagkakamali at sa lahat ng mga ito iyon ngayon ang nagiging daan upang kung bakit ang tinutungo ay ang karumhan datapuwa’t sa pamamagitan ng karumhang ito ay doon bumabangon ang kalagayan ng isang kaluluwa sapagka’t doon nagigising at doon nadadagdagan doon napupuno at nahuhusto ang karunungan at kaalamang kinakailangang tangkilikin ng isang kaluluwa.

Kaya nga sa pamamagitan ng mga aral na kanyang nakukuha doon siya naglilinis, sapagka’t hindi maaari na mabali ang katitikang ito “sa malinis ka naggaling kaya nga ikaw ay uuwi at babalik na dala-dala at taglay-taglay ang kalinisang ito”.

At naroroon ang halaga sapagka’t ginawa mo at natamo mo ang kalinisang ito hindi sa pamamagitan ng lakas ng iba kung hindi sa pamamagitan ng iyong sariling pagsisikhay, sa pamamagitan ng inyong sariling paggawa, sa pamamagitan ng inyong sariling paghahanap na ang tangi mong nagiging gabay ang liwanag na kanyang ibinibigay at ang karanasan na ipinahihintulot na maging bahagi ng inyong buhay.

Ito ang aralin ng buhay na nagiging sapat upang manatiling naroroon ang kapayapaan ng isang kaluluwa hindi naliligalig sa kanyang nakikita, hindi nakapagbibigay ng poot sa kanyang nadarama, hindi nakagigising ng kagaspangan ng lakas sa lahat ng kahayagan ng kanyang nadarama, nama-masdan, naririnig, kung hindi ang mga bahaging ito ay lalong nakapagbibigay ng puwang upang makilala niya ang kabuuan ng kanyang sarili lalo niyang madama kung ano ang matwid, lalong nagbibigay ng isang malinaw na larawan upang madama niya at makilala niya kung ano ang kanyang tungkulin sa lahat ng mga bahaging ito kaya’t naroon ang pagtubo at pagsibol ng tunay na pag-ibig.

Nagbibigay at naghahatid ng liwanag sa gitna ng kadiliman nagbibigay at naghahasik ng pagmamahal kung nasasaan ang pag-aalitan, nagbibigay at naghahandog ng paggalang kung nasaan ang pagdidigmaan ng matuwid o ng karunungan, sa bawa’t karunungan.

Sapagka’t naroroon ang bahagi ng tungkulin niya sa kabuuan ng kanyang kaluluwa, naroroon ang kanyang pagkaunawa sa kabuuan ng lahat ng ito, naroroon pa rin at nanalig na ang mamamaibabaw ay hindi kaisipan, ang damdamin ng tao kung di ang kaisipan at pag-ibig ng Diyos.

Ginigising ang sambayanan, ang bawa’t Pilipino, upang matuto mula sa kanilang karanasan na kung saan sa pagpili ng kanilang mga pinuno o namumuno sa bansa na kanilang sinilangan hindi mamamaibabaw ang salapi, ang katanyagan, ang kapurihan at lalong mamaibabaw ang pag-iimbot at kasakiman kung hindi ang mamaibabaw ang hangarin ang mithiin ang pag-ibig na ingat ang kalagayan at diwa ng lahat ng tao upang ang makilala iisa ang gagawa at hugis ng kanyang buhay at hindi maaaring hingin niya at iasa sa iisa lamang.

Ito ang bahagi ng karanasan na sa inyo ay inhahatid upang mula roon ay matuto ang lahat at bawa’t isa kaya nga na ang kahirapan na inyong dinarama ay bahagi ng hasaan na kinakailangang magpatalim at magpa-unlad sa kaangkinan ng isang kaluluwa, isang hasaan na hindi maaaring itapon sapagka’t iyon ay sadyang pangangailangan.

Isang hasaan ng hindi maaaring itago sadyang pangangailangan sa buhay, isang hasaan na hindi kinakailangan mawalan ng kabuluhan kung hindi ang isang hasaan na kanyang pangangalagaan kanyang mamahalin, kanyang pahaha-lagahan sapagka’t doon nagmumula ang pag-unlad ng kanyang sarili, doon magmumula ang pagsulong ng kanyang kabuuan mula sa kasiraan na kinalalagyan.

Kung ito ang mama-maibabaw sa lahat at bawa’t isa, walang titingin sa bawa’t bagay at pangyayari na naroroon ang paghatol upang alisin at pawiin ang kapayapaang kinakailangang manatili sa kabuuan ng sangkatauhan.

Kung hindi sa bawa’t pagmamasid ng kanyang mata, sa bawa’t pakikinig ng kanyang taenga at sa bawa’t pandama na doroon sa kabuuan ng kanyang pagkatao iisa ang kanyang ibibigay, iisa ang kanyang ibabahagi at iisa ang kanyang ipagkakaloob, ang pagkaunawa.

Na ang lahat ng ito ay bahagi ng pagsulong, bahagi ng pag-unlad at lalong bahagi ng kalayaang dinadala, tinataglay at isinasagawa ng tao, datapwa’t sa huli naroroon ang kanyang hangganan, naroroon ang kanyang katapusan at sa pamamagitan ng hangganang ito, naroroon pa rin ang kalagayan at karapatan ng isang kaluluwa, lagi ninyong naririnig at paulit-ulit namin sa inyo ay ibinigay upang tumimo sa bawa’t isipan, tumimo sa bawa’t damdamin, tumimo sa bawa’t kalooban at gayon din sa kabuuan ng inyong pagkatao na, “sa pamamagitan ng inyong pakikipamuhay sa daigdigang ito kayo ay naroroon sa palihan, naroroon sa pandayan, hinuhubog, kinikinis, pinipino”.

Sapagka’t naririyan ang halaga ng iyong tinataglay at naririyan din ang magiging halaga ng bawa’t gawa na iiwan ng iyong sarili sa mundo na inyong ginagalawan at inyong kinalalagyan. Kaya nga at laging may bakas na iniiwan upang maging halimbawa at parisan ng sa inyo ay susunod at ano man ang bahaging ito hindi maari na hindi na mayroon ng mabuti na nakapaloob upang ang lahat ng nabubuhay ay sa iisa doon ibabalik, sa sinapupunan ng iisang Diyos na mayroon ng dala-dala na kalinisan at kawagasan sapagka’t ito ang kanyang pasimula kung kaya at naroroon din ang pagpapatuloy at naroon din ang wakas.

Kung gayon, bigyan ninyo ng kapayapaan ang kabuuan ng inyong sarili, upang sa kapayapaan sa inyo ay mananatili magkaroon ng lakas ang inyong paghingi sa Diyos, magkaroon ng lakas ang inyong paghingi sa Kanya, magkaroon ng lakas ang inyong pagtawag at pagtuktok sa kanya, sapgka’t kung kayo ay tumatawag at tumutuktok na punong-puno ng kaligaligan, ang kabuuan ng inyong sarili, lagi may hadlang, matabang, mahina ang lakas na inyong pinaiimublog at ipinadadala sa kaitasan.

Kung gayon, araw araw man gawin ng tao ang pananalangin at paghingi sa Diyos, nguni’t laging naroroon ang kabuuan ng kanyang sarili sa bangin ng pagkakasala laging naroroon ang kabuuan ng kanyang sarili sa mga bagay na lumalabag sa kanyang batas, lumalabag sa kanyang kautusan.

Ang mga pangyayari at karanasang ito ay hindi mapapawi kung hindi magpapaulit-ulit sapagka’t hanggang hindi natutuhan ng tao ang aral na sa kanya ay ibinibigay ay hindi siya iiwan ng mga pangyayaring ito kailanman.

Kaya nga sa isang sandali at mayroon ng makukuha at matutuhan ng lahat at bawa’t isa na ipagbabago ng kanyang sarili mula sa kamalian papunta sa pagtutumpak ng lahat ng bagay asahan ninyo naroroon ang hangganan ng lahat ng bagay at sa hangganang ito naroroon ang tunay na liwanag at ang kapayapaan ay sa inyo ay ibinibigay,

Kaya nga, kapag nanatili ang katibayan at katatagan ng isang pananampalataya, anumang uri at bigat ng pagsubok na nasasa inyo, hindi maaari na hindi ninyo malampasan sapagka’t iyan ay magiging katulad ng isang bundok na magkakaroon kayo ng kapangyarihan upang utusan, “ibig ko lumipat ka sa kabilang ibayo ng dagat” at sa puno ng sikomoro maibabigay ninyo ang isang lakas upang ito ay utusan, “ibig ko ikaw ay lumipat sa kabilang ibayo ng dagat”.

Ito ang akin ay sa inyo inihahatid upang ipadama, walang bagay na mangyayari sa ibabaw ng lupa na hindi para sa kapakanan at kapakinabangan ng kalagayan ng bawa’t kaluluwa at kapahintulutang ito na ibinibigay ng Diyos ay hindi upang ilagay sa kapariwaraan ang buhay at kalagayan ng tao kung hindi ito ay ipinahihintulot na maganap sapagka’t naroroon ang magiging pagkatuto ng isang kaluluwa upang muli ay kanyang kilalanin at kanyang damhin mayroon siya ng kanyang tungkulin ay ang tungkuling ito ang kinakailangan na kanyang itanim “sapagka’t Siya at ang Diyos ay iisa”, ang wika ng Panginoon.

Kaya nga at lahat ay Anak ng Diyos may bahagi ng kanyang kapangyarihan, may bahagi ng kanyang kaangkinan, at ang mga bahaging ito ay sa kanya ibinigay hindi upang mawalan ng kabuluhan, kung hindi upang ito ay malinang, mapa-unlad, mabigyan ng pasulong, sapagka’t naroroon ang kanyang magiging kaligtasan.

Maghari nawa sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang kapayapaang buhat sa mga langit!

Ako pa rin ang inyong kapatid na lagi sa inyo ay umaalalay, lagi na sa inyo ay maghahatid ng pag-ibig sapagka’t naririto ang kamalayan ng isang kaluluwa. Paalam, Antonio de Padua.

 

2000-03-26, RAD

Kapayapaan buhat sa mga langit ang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas.

Ang kabuuan ng inyong pagkatao ay makikita mo na ito ay kahalintulad ng isang pamilya na binubuo ng isang bayan-bayanan. Na, sa kabuan ay naroroon ang isang Ama at isang Iana at ang Anak na siyang bunga ng kanilang pagsasama.

Sa sandali na ang pagsasama ng isang Ama at Ina ay natatali ng pagkakaunawaan, ng pagbibigayan, ng pagkakaisa at pagmamahalan, marahil ang kanyang mga anak na siyang bunga ng kanilang pagsasama ay magkakaroon ng kahayagan ng pag-iibigan.

Datapwat kapag sa pagsasamang ito ay laging namamaibabaw ang pag-aalitan, ang paghhidwaan, ang di-pagkakaunawaan at kawalan ng pagkakaisa sa layuning maituwid ang kanilang mga anak ang tumatanggap ng bunga ay ang kanyang mga anak.

Hindi ba ganyan din ang kalagayan ng inyong sarili? Naririyan ang isang laman, isang kaluluwa na naroroon ang tatlong kaangkinan ng kung ituturing ito ang Ama, ito ang Ina. At sa bahaging ito kapag nagkaroon ng kakulangan ng pagsasandugo ang dinarama ng isang pagkatao ay kawalan ng kapayapaan. Kakulangan ng liwanag at kawalan ng pintigin na may kabanalan.

Sa buhay na ito, laging nakakabit ang pagkakamali na kadalasan ay humahangga sa kanyang ipagkakasala na isang tali ng kapighatiang dinadama ng bawat isa. Ngayon, ano ang kailangan upang manatiling naroroon ang kapayapaan sa inyong kabuuan? Hindi baga ang tali ng karunungan at pag-ibig sapagkat ito ang siyang patungo sa kaharian ng mga langit?

Kung ang langit ay ang kapayapaang kinakailangang damhin ng isang pagkatao na naroroon ang kanyang gabay, ang kanyang patnubay at iyan ang dahilan bakit kayo ngayon ay nag-aaral, upang mabuksan ang inyong kaisipan, damdamin at kalooban na makakilala ng inyong tungkulin habang kayo ay nabubuhay sa ibabaw ng lupa.

Kaya nga sa bahaging ito nagiging kasangkapan, ang sangkapin ng isang laman upang umunlad ang kaunawaan ng isang pag-iisip, ang kapayapaan ng isang damdamin at ng isang kalooban. Kaya ang lahat ng makikita maging pangit o hindi, kapakipakinabang o hindi, mabuting karapat-dapat o hindi, lahat ng iyan ay magbubukas ng kaalaman upang may makilala at maunawaan sa mabuti.

Kaya nga walang masasayang sapagkat ang lahat kung inihayag ay may kadahilanan, may kasanhian at sa bawat inihahayag ay may kadahilanan, at sa bawat kasanghiang ito laging naroroon ang bunga bakit ito ay nagaganap at ipinahihintulot maging karanasan sa lupa. Kung gayon ang kaalamang nasasainyo ang siya nga n nagbibigay daan upang ang tao ay matuto.

Ang karunungang nakukuha sa inyong karanasan ang siyang magtitimbang ng lahat ng bagay at sa bahaging ito ay laging naroroon at hindi maaaring hindi kasangkot ang isang damdamin at kalooban. Kaya at sa Banal na Aklat ay laging nagpapahiwatig ang kasaysayang inihantad ng Panginoon sa nagwiwika ang isang alagad, “ Panginoon, ano ang marapat kong gawin upang matamo ko ang kaharian ng langit?”

Ito ang kinakailangan na inyong tangkilikin sa inyong sarili sapagkat hanggang ang tao ay kulang ng kababaang-loob, laging may sugat sa kanyang puso, may hiwa sa kanyang damdamin sa anomang bagay na makikita, maririnig at madarama.

Ngunit sa isang sandali na ang tao ay matutong tumanggap sa kanyang kabuuan at naroroon ang kababaang-loob, lahat ng ito ay nagiging katulad lamang ng isang pagkain na ang ibinibigay ay lakas ng buhay. Kung gayon, sa pag-aaral ng kalihiman ng buhay at ang katotohanang ang lahat ay dinadala sa iisang lundo, ang pagkaunawa na ang lahat ng bagay ay pangangailangan ng tao sa kanyang pag-unlad.

Lahat ay pangangailangan ng tao sa kanyang pagsulong na ang mga ito ay tungod sa kanyang kawagasan. Kung naririyan ang isipan, damdamin at kalooban, walang bagay na hindi magiging kapakipakinabang at may ibibigay na ang tutunguhin ay iisang lundo, ang pag-ibig.

Kung gayon, ito ang ugat ng lahat tungo sa kabanalang hinahangad ng bawat kaluluwa. Naririyan ngayon ang pagsasama ng isang laman at kaluluwa na sa kanilang pakikibaka ipagtatagumpay ang mabuting minimithi at ang layunin ng tinanguan sa harap ng Diyos.

Kung gayon, ito ay binubuo, ang moral ng tao. Kapag ikinabit ang pangangailangan ng sanlibutan bumababa ang moral na kanyang tinataglay sapagkat ang lahat ay maaaring ipagpalit dahil sa pangangailangan ng isang lamang at naririyan ang pakikipaglabang ng laman at ang isang kaluluwa.

Kaya nga, sa lahat ng sandali ay laging naroroon at hinihingi ang bukas na pang-unawa at pagkakilala upang magawa ninyong tanggapin ang buhay sa mundong ito kung naroroon ang pakikibaka lagi ring naroroon ang paghahangad na pamamaibabaw ng tunay na katwiran at ng katotohanang ang bunag ay kalayaan ng isang kaluluwa.

Samakatwid, sa dalawang bagay laging nakalagay at nakasalalay ang isasagawa ng tao. Naririyan ang pagtakal ng kaalaman at karunungag dala-dala ng kanyang kaluluwa. Kung gayon, sa lahat ng bahaging ito walang pangungusap na ang magiging lundo ay ang kapayapaan ng kanyang kaluluwa, pagtutuwid ng kanyang mga gawa at ang pagkakilala sa kanyang sarili.

Samakatwid, sa iisa pa rin humahangga ang bawat pangyayari, sa kabuuan ng mga bagay sapagkat iyan ang pasimula, iyan din ang pagpapatuloy at iyan din ang magiging kawakasan. Lahat ay paglilinis sa kabuuan ng tao.

Sa sandaling naroroon na na ang kalinisan sa kabuuan ng tao, ang inyong pag-aaral at paghahanap ay maghahatid sa inyong pagsulong. Napakagandang daan upang mabuksan ang kalagayan ng bawat nag-aaral upang ang lahat ng bagay ay maging makabuluhan at madamang may tungkulin sa pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa; tungkulin na magturo ng matuwid, magpakilala ng kabutihan at magbigay ng halimbawa upang makilalang lahat ay anak ng Diyos.

Kung gayon, bawat isa sa isang sandaing magkaroon ng bukas na kaisipan makikita niyang walang kaganapan na hindi ang ibibigay ay kaliwanagan at kabuuan ng kanyang pagkatao at kapayapaan ng kanyang kaluluwa. Kaya at pahalagahan ninyo ang bawat pangyayari sapagkat iyan ay bahagi ng pagpapakilalang naroroon ang karagdagang kaalaman sa kanya ay ibinibigay.

Ito ang bahaging aking sa inyo ay iniiwan. Maghari nawa sa inyong mga puson ang liwanag at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Antonio de Padua.

 

 

2000-01-23, RAD

Tanggapin ninyo ang liwanag na nagbubuhat sa mga langit nagyon at hanggang sa wakas.

Sa napakadakilang sandaling ito, ibig kong maging bahagi ako sa pang araw-araw na pakikipamuhay ng bawat isa. Upang ako ay maging bahagi ninyo, kinakailangan akong pumaloob sa gawain na kinasanayan ninyo na itinuring ninyong bahagi na ng inyong buhay.

Kinakailangang bigyan ng liwanag, kapayapaan ang kaluluwa at pakainin ang katawang-laman ang mga anak

Bawat ama at ina ay naghahangad nang pinakamaganda para sa kanyang mga anak. Sampu ng pagkain na ihahain sa hapag ang pinakamaganda, pinakamasustansiya at pinakamasarap na bahagi ang pagsaluhan ng mag-anak.

Mauna ang aralin ukol sa kaluluwa at karagdagan ang kaisyahan sa isang masarap ng pagkain

Sa bahaging ito ay doon ko ibibigay ang lundo at diin ng aralin ng buhay na naroroon ang kay Caesar at naroon din ang para sa Diyos. Kaya at ang kasulatan ay nangungusap, “Unahin mo ang sa kaitaasan upang ang sa lupa ay maging karagdagan.” Kaya at magsasama, mag-uugnay hanggang sa dumating ang pagkakataong babalik ang bawat isa sa kanyang pinanggalingan.

Paglilinis ng kaluluwa ay katumbas ng paglilinis ng isda ay para sa Diyos

Ang sinomang naghahain tulad ng isda, niluluto ito upang malasahan ang linamnam o sarap ng kanyang lamang-loob. Kung inyong pag-aaralan naroroon ang buhay na tinataglay ng isang isda. Walang sinomang nag-iibig na maghain ng isda na kakainin na naroroon ang hasang at ang kanyang bituka sapagkat ito ay hindi inalis.

Kapag kinain ng sinoman ay malalasap ang kanyang pait, samakatwid, ang bahagi ng paghahandog na kanyang ibibigay ay masisiyahan ang sa kanya ay kakain kaya natutuhan ng kanyang kaalaman na ito ay linisin upang pagkatapos ay lutuin sa ibig niya.

Kung ito ang buhay na kinakailangang naroroon ang bahagi ng bagong pag-asa sa bawat isinasagawa ng inyong sarili ay laging naroroon ang isda ay bahagi ng isang laman upang makapagbigay ng lakas ng kasiglahan ang bahagi ng paglilinis na kanyang isasagawa ay para sa Diyos sapagkat naririto ang kalagayan at katuparan ng bawat layunin ng isang kaluluwa.

Ang pagkain ng pinakamasarap na lasa ay para kay Caesar

Kung ito ngayon ang bawat sandali na ipinakikipamuhay ng bawat tao, ang laman ng bawat isa ang naroroon at nagtatamo na pinakamasarap ng lasa na kapag nakain ng sinoman ay masisiyahan at mapapawi ang kanilang kagutuman.

Kung ito ngayon ay bahagi ng buhay, ang pagkakilala, ang pagka-unawa na kinakailangang matamo ng lahat at bawat isang mag-aaral sa katotohanan, ito ang napakadakilang laman na kinakailangang ipakain ng inyong sarili upang makitang naroroon ang katotohanan.

Sa bahaging ito na magbibigay ng kaalaman, kinakailangang alisin mo ang hasang, ang bituka pagkatapos ay iyong linisin at naroroon na ang kaganapan ng mga bagay na siyang magiging tagumpay na minimithi ng inyong kaluluwa. Hindi ba ito ang para kay Caesar?

Ang mapait na bituka ng isda ay tulad ng maruruming dala-dalahan ng kaisipan, damdamin at kalooban ng tao

Kaya nga at kung ang hasang at bitukang ito na nagbibigay na pait sa isang isda na iluluto kapag inalis ay siyang bahagi na dala-dala ng tao, ang kanyang maruming kaisipan, maruming kalooban, ang naroroon sa kanyang puso na hindi karapat-dapat sapagkat sumisira at nagwawasak ng kapayapaan ng tao, ng kaliwanagan ng pag-iisip, ng pagka-unawa ng isang diwa na siya ay tunay na anak ng Diyos.

Sa bunga ng pagkakilala sa sarili at patotoo ng karanasan, susulong ang kalagayan ng tao

Kinakailangang ito ay alisin at hindi maging bahagi ng isda upang sa pagluluto ng sinoman ang malasap ay ang kapaitan kung hindi ag sarap at linamnam ng kanyang laman. Ang bunga ng kanyang pagkakilala, ng kanyang pagka-unawa.

Na sa pamamagitan ng bungang ito ay naroroon ang napakadakilang patotoo, napakahalaga ng pag-aaral, ang pagsusuri. Sapagkat sa ganitong kalagayan ang tao ay sumusulong at umaangat sa kanyang kalagayan at naroroon ang katuparan ng tunay na magulang na nag-iibig ng magandang kinabukasan ng kanyang mga anak.

Isang munting paalala, laging bahagi ang paglilinis sa lahat ng bagay materyal o espiritwal

Ngayon, sapat na baga ang pagkakilala ninyo sa inyong sarili upang sa kanyang kasapatan lagi ninyong madama na laging bahagi ang paglilinis sa lahat ng bagay. Kung bahagi ang paglilinis naroroon laging mangunguna ang pagbibigay ng tao ng pagkakataon sa bahagi ng para sa Diyos.

Kung ito ang siyang makikintal sa inyong isipan mauukit sa inyong puso bawat isa ay gagalaw at magsisimulang humakbang patungo sa kanyang tagumpay. Bawa isa ay matutuong magbukas ng kanyang nakapinid na palad upang ipadamang naroroon ang kahandaan sa pagpapala at pagbibigay ng pag-ibig sa kapakanan ng nakararami.

Ang mga bahaging ito ay buhay na ginagalawan ng bawat tao at sa pamamagitan niyan nawa ay ang lundo at diin ng araling sa inyoay inihahantad ay laging maging sariwa sa puso at diwa ng lahat at bawat is upang maging bahagi ng inyong buhay.

Ang gintong butil na natutuhan ay makita sa paggawa upang mahayag ang isang katotohanan, mga bahagi daraanan ukol sa kaganapan ng perpeksiyon

Sapagkat ang mag-aaral ay kinakailangang lumakad sa kanyang natutuhan sapagkat naroroon ang kahayagan na nagkaroon ng kabuuan ang kanyang pagkakilala at pagka-unawa sa iisang katotohanan, sa tungkulin at tuparin ng kanyang kaluluwa na humihingi ng puwang at pagkakataon upang maging bahagi ng para kay Caesar na kinakailangang mabuhay, mamatay at muling mabuhay at pagkatapos sa huling baitang na naroroon ang kaganapan ng perpeksiyon.

Ito ang bahagi na aking sa inyo ay inihahandog at mula sa bawat ganapin ng tao, sa buhy ng isang ama at ina, ng isang magulang makilala niya ang mga sangkapin tio ng laman ay mga anak na kinakailangang bigyan ng liwanag, ng kapayapaan sapagkat ito ang ginagamit sa kanyang pakikipamuhay na sa bawat biyaya na kanyang ibibigay naroroon ang magiging kalagayan ng isang kaluluwa.

Maghari nawa sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang liwanag at kapayapaan buhat sa mga langit. Paalam, Antonio de Padua.

 

1995-06-07, GPL

??? ng inyong mga tahanan sa paligid ng lahat at bawa't isang nakakakilala ng kahalagahan ng iniwanan ng Dakilang Panginoon.

Magpapatuloy ang tao sa paggawa ng nauukol sa kabutihan at kabanalan sapagka't iyan ang layunin ng lahat at bawa't isa. Sapagka't ang inyong mga kaluluwa o espiritu ay galing sa Ama, kaya't ito ay babalik sa Amang may dala-dalahan ng utos at itinaguyod ng lahat at bawa't isa upang panindigan ang kadakilaan ng katotohanan ng mga aral ng Panginoon.

Mga iniibig na kapatid, baybayin ninyo ang inyong buhay at pakakilala. Kung kayo na nga ba ay nakatutupad ng mga aral at tungkuling lagi nang iginagawad ng Kabatlayaan sa inyong kalagitnaan. Kayo kaya ay nakapagpatuloy na isakatotohanan ang kadakilaang inyong hinahangad?

Mga iniibig na kapatid, sa pamantayan ng pag-aaral ng tao ay lagi na nag-uumigting ang kahalagahan ng pag-aaral at tungkulin subali't ang tao ay nakapahina sa gawi ng kabanalan at lagi nang pinahahalagahan ng tao ay ang kahinaan at ang pagpapahalaga sa kanyang sarili. Subali't kayo ay matatagal nang nag-aaral at nalalaman na ninyong hindi ang kadakilaan ng inyong natutuhan. Pahigitan ninyo ang nauukol sa kabanalan at pag-ibig at paglilingkod, ang paggawa ng mauukol sa kabutihang lagi nang itinuturo sa palatindigang ito.

Huwag ninyong bayaang manghina ang inyong mga diwa. Bayaan ninyo ihigit ang kadakilaan ng pananampalataya at gawin ang mga bagay na mabuti lagi nang itinuturo sa palatindigang ito.

Mga iniibig na kapatid, sa kalagitnaan ng buhay ng mga tao, kailan pa itataguyod ang mga dakilang aral? Kailan pa isasagawa ang magpapa- hingapahingan sa inyong mga sarili? Naririnig ang mga aral subali't hindi maipagpatuloy ang paggawa. Subali't sa paggawa nakikilala ang kadakilaan ng lahat at bawa't isa at sa paggawang ito doon nagkakaroon ng tanda sa kaitaasan kung kayo nga ang mga manggagawa ng Panginoon na nagpapatuloy na isakatunayan ang inyong natutuhan.

Mga iniibig na kapatid, huwag kayong magsasawa, bayaan ninyo sa inyong mga sariling unti-unting maitaguyod ang inyong natutuhan at maitindig ag kadakilaan ng inyong pag-aaral at pananampalataya upang kung dumating ang mga dakilang araw ng Panginoon sa inyong mga buhay ay mayroon na kayo ng mga baunang madadala sa harap ng dakilang Amang Makapang- yarihang naghihintay sa lahat at bawa't isang marunong umuunawa at gumawa ng mga bagay na mabuting kanyang iniiwanan sa kapatagang ito.

Mga kapatid, magpapatuloy kayo sa paggawa, magpapatuloy kayo na umunawa, sapagka't ito ang dakilang aral na maisakatunayan ng lahat at bawa't isang mag-aaral ng katotohanang ito na iniwanan ng dakilang Amang Makapangyarihan.

Kapayapaan ang inilalagak ko sa inyong mga puso ngayon at magpakailanman. Paalam, Antonio de Padua.

 

 

1995-06-04, FBT 

 

Tanggapin ninyo ang liwanag na nagmumula sa Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga minamahal na kapatid, kailan nadama ng tao at nakilala ang kahalagahan bilang isang nilalang na nag-aaral ng katuruang ito? At kailan din nagawa ng tao na ang kanyang natutuhan ay maipadama niya sa kanyang mga kapwa at maisakatuparan ng kanyang sarili?

Kailan pa man ang isang nilalang ay makarinig ng magagandang parating ng kaitaasan? Kailan pa man at narinig ng isang nilalang ang kahalagahan ng tungkulin ng bawat isa, ang mga araling ipinagkakaloob?

Nalalaman ko na hindi ang lahat ay natatanggap at magagawa ngunit kinakailangang pagsikapang gawin sapagkat ano ang magiging kahalahagan ng inyong pagpapagal at pagpapagod?

Ano ang magiging bunga ng inyong pakikipag-aral kung hindi ninyo tatangapin at hindi ninyo magagawa ang mga ini-aaral ng kabatlayaan? Kailan din ninyo madamang kayo ay kaagawan ng mga bagay na inaasahan ng kaitaasan?

Madadama ninyo ang katotohanan sa pintig ng inyong pagkatao; kung kayo ay nagbigay at hindi kayo naghintay ng kagantihan, kung nagawa ninyong tanggapin ang upasala ng inyong kapwa na hindi kayo nagdaramdam, kung ang lahat ng inyong pagkaunawa ay naipagkaloob ninyo sa inyong kapaligiran, nagsisimula ng magawa ng inyong sarili ang mga ipinagkaloob na aralin ng kabatlayaan.

Hanggang kailan ang panahong yaon, mga iniibig na kapatid? Ang panahon ay nagiging ganito sa kanyang kaayusan. Kung magkakaroon man ng iba’t ibang uri ng takbo ng kalikasan ng panahon ay sa kanyang sariling tiyaga ay kailangang tuparin. Ang iba’t ibang uri ng kalikasang nagaganap sa kapatagan ay hudyat lamang kung sadyang buhay ang lahat ng kumikilos.

Na katulad ninyong mga nilalang na may panahon ng kabataan, may panahon ng kasalukuyan at kinabukasan. Hindi maaaring itakda sa inyong mga sariling kayo ay mananatiling manggagawa ng mabuti habang hindi kayo ang nagsisikap na maging isang mabuting mangagawa.

Habang sa inyo ay ibinibigay, ang madala na kayo ay magkawanggawa ngunit hindi kayo gumagawa. Ang lahat ng iyan ay magiging baunang dalda-dala sapagkat ang isang mabuting nilalang hindi man siya turuan, siya ay gagawa at kikilos ng naayon sa kabutihan.

Ihalimbawa ninyo ang loob ng paaralang ito o ang lunduyang ito. Dinadakila at pinahahalagahan ng maraming nilalang. Maging saglit ay nanangarap na maging isang mabuting bubong ngunit ang lililim sa bubong na ito ay may kani-kaniyang damdamin. May mga lumililim sa bubong na ito na hindi nagkakaroon ng kababaang-loob at kahinahunan.

Maraming nilalangang dumarating sa lilim ng bubong na ito, mayroon ng iba’t ibang uri ng hangarin sa buhay. Ngunit katotohanang katotohanang sinasabi ko, sa paglilim ninyo sa bubong na ito, sa inyong katapatan, hindi ninyo kanawa-nawang madarama o matatanggap ang hinihingi ninyo sa kabatlayaan. Manapa ay magdaraan kayo sa maraming sakit ng kalooban.

Kung ang hihilingin ay kayamanang pangkapatagan ay nagkakaroon kayo ng pagdaralita sapagkat habang hindi ninyo nadarama ang pagdaralitang iyan ay hindi ninyo maalaman kung ano ang kahulugan ng mga kailangan.

Hindi ninyo masasabing kayo ay sadyang nagkaroon na ng kabanalan sa ilalim ng bubong na ito. Ngunit sasabihin ko sa bawat isa sa inyong magiging makasalanan sapagkat sa kabila ng inyong pagka-unawa ng hatid ng kaitaasan ay kababaang-loob, ngunit, kayo ay hindi marunong gumawa.

Nauulinigan ninyo at naririnig ngunit hindi magawa na inyong sarili. Kung gayon, lalo kayong naging makasalanan sapagkat ang nakakalam ng kabutihan at hindi gumagawa ng mabuti na mayroon ng kabanalan.

Mga iniibig na kapatid, ang panahon at kayo ay iisa, ngunit kayo ay mayroon na ng makaling biyaya sa lahat at bawat isa sapagkat sa mga kataong ganganito nalalaman kong nag-iwan kayo ng inyong nga gawain sa inyong tahanan upang katagpuin ang kaitaasan.

Naritito kayo sapagkat naghahangad kayo ng kapanatagan ng inyong sarili at ang inyong mga hangarin mapanuto kayo sa pakikipamuhay sa daigidig. Naririto nang dahil sa kirot ng inyong laman ay inihihingi ninyo ng tulong upang mapagtiisan ninyo at lalong karapat-dapat na mawala ang karamdadam upang kayo ay makapagpatuloy sa inyong pagtupad sa inyong mga tungkulin.

Kaya nga, pinakaiibig na kapatid, muli at muli isinasamo ko sa lahat at bawat isa sa inyo na huwag ninyong gawing taguan ang inyong kahinaan ang alin mang panig ng lunduyan.

Huwag ninyong gawing isang hingahan ng inyong mga sama ng loob at kalungkutan. Sapagkat ang lilim ng bubong na ito ay daan naghihimlay sa mga nilalang na nais gumawa ng mabuti nguni’t mahirap isagawa ng kanyang sarili.

Naririto ang bubong na tio upang hingan ninyo ng tulong na maging malakas kayo, maging mabuti kayo ng makapagpalaganap ng banal na wika ng Panginoon. At sa lahat ng sandali ang inyong mga pagkilos, ng inyong mga pangungusap ay hindi ninyo pababayaan na maging maramot kayo sa mga nagugutom.

Lalo na kayong mga kabataan na nagsisimula pa lamang umugit ng dakilang simulain sa sangkatauhan. Maraming pagsubok ang darating sa inyo at hindi na magmumula sa malayong dako kung hindi sa mga kapatid ninyong kasalo-salo sa pinggan ng pag-aaral, mga karugtong at ng inyong kaligayahan at kalungkutan sa ngalan ng simulaing ito.

Darating ang mga bagay na hahamon sa inyong kaalaman at katatagan ang tangi kong ihahabilin sa inyo, mga iniibig na kabataan, maging kasingtibay kayong lalong pinakamatibay na daigidig maging kasing amo kayo tulad ng mga kalapati, ngunit maging matalino kayo katulad ng serpiente.

Iyan ang inyong pag-aralan, ang kababaan ay isang palatandan ng kabaitan. Ang taong mabait kailan pa man ay hindi mataas sa kanyang puso.

Iyan ang pag-aralan ninyo iangkop ninyo sa inyong mga katauhan. Iyan ang aking iniiwan sa inyo at magharing ganap ang kapayapaan at liwanag ngayon at magpakailanman. Paalam…

 

1995-04-02, GPL

Saganain kayo ng kapayapaan at liwanag ngayon at magpakailanman.

Sa buhay at pag-aaral ng tao ay lagi ng kaakibat ang pag-aalinlangan sa mabuting bagay na itinuturo ng kabatlayaan. Bakit kaya ang tao kapag nau-ukol sa mabuti ay lagi nang nag-aalinlangan at hindi maipagpatuloy ang magandang layunin ng kanyang diwa samantalang ang diwang ito ang siyang nanggaling sa Ama, na, ang lahat ng mabuting bagay ay bahagi ng Amang Makapangyarihan?

Subali't ang isang kaluluwa paglagay sa isang katawang laman ay lagi nang nanghihina at ang laging pinahahalagahan ang isang kalamnang lagi nang naghahangad ng kalayawan at kagandahan. Kung ang tao lamang ay pahihigitan ang kanyang diwa sa pagka-espiritu, marahil walang malulunod sa kahinaan kung hindi itataas ang kadakilaan ng pag-aaral at pananampalataya.

Sapagka't ang mga banal na alagad ng Panginoon lagi ng nakasubaybay sa lahat at bawa't isa at iginigiit ang kadakilaan at kagandahang maisakatunayan ng tao. Subali't napakahina ang isang kalamnan upang pagbigyan ang kadakilaan ng isang kaluluwa. Ganyan ang tao. Kayo mga mag-aaral ng katotohanan ito ay bahagi ng katunayan ng pagka-espiritu.

Mga iniibig na kapatid, kailan pa kaya dadakila ang isang kaluluwa kung lagi na ang isang kalamnan ang pahahalagahan ng tao? Kinakailangang itindig ang kadakilaan ng pananampalataya at isakatunayan ang mga bagay ng mabuting natutuhan ng tao. Huwag mag-atubili sa paggawa ng mabuti. Lagi ng ito ang isinasaysay ng kabatlayaan at tuparin ang magagandang adhikain ng inyong mga diwa sapagka't ito ang magpasawalang hanggan.

Ito ang madadala ng tao sa dako pa roon. Ito ang pagkaing hindi mapapanis. Subali't ang tao ay napakahina. Nagwiwika ng kabanalan at lagi nang pinahahalagahan ang kahinaan ng tao sa kapatagang ito.

Mga iniibig na kapatid, dakilain ninyo ang inyong mga diwa. Itaas ninyo ang inyong pananampalataya at manindigan upang isakatotohanan ang mga kadakilaang inyong natututuhan sa mga sandaling ito.

Magpatuloy kayo sa inyong pag-aaral. Huwag kayong magsasawa hanggang hindi naisasagawa ang mga bahagi ng pag-aaral na inyong natutuhan sapagkat ito lamang ang tanging bahagi na madadala ng inyong kaluluwa kung dumating ang araw at pagkakataon.

Kapayapaan ang muli kong inilalagak ngayon at magpakailanman. Paalam, Antonio de Padua.

 

1995-03-01, GPL

Saganain ang lahat ng mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Sa buhay at pag-aaral ng lahat at bawa’t isa ay malabis ang pagnanasang matutuhang  maisagawa ang mga bagay na napag-aaralan.  Mapapalad kayong mga naghahanap sapgka’t ang mga naghahanap ay nakasusumpong ng mga bagay na kanyang hinahanap sa kaharian ng katotohanan.

Ganyan ang tao na nagnanasang mabuhay at makitalad sa kapatagang lupa upang dagdagan  ang kanyang pag-aaral at makilala kung papaano maisasakatunayan ang binigyan ng lakas sa buhay na iyan.

Hindi lamang nabuhay ang tao upang magpakasawa ng kaligayahan sa daigdig na ito kung hindi ang lahat ng mga bagay sa tao ay mga araling dapat madama ng lahat at bawa’t isa.

Ang mga nangyayari sa buhay  na ito sa inyong ma sarili, mga pag-aaral at kung kayo ay natututo na  sa inyong mga pag-aaral, marahil  kayo na ang nagbibigay ng magandang kahulugan  sa mga tisod na nadaraanan ninyo sa buhay na ito.

Ganyan ang tao, hindi kung makakita ng bato ay dadamputin at ipupukol ng lalong malakas sa kanyang kaaway sapagka’t kayo ay mga mag-aaral ng katotohanang ito ay ang  malalambot na bagay ang kinakailangang ibigay, isubo sa mga taong hindi nakau-unawa ng kahalagahan ng buhay na ito kung bakit ang tao ay nabuhay sa kapatagang ito ay upang palihin at maipakilala ang kanyang kakayanan sa kanyang napag-aralan.

Ganyan ang mga nag-aaral na kinakailangang isagawa ang mga natutuhang mga bagay na mabuting siyang pangangailangan at sandigan ng siang kaluluwa sapgka’t kung kayo ay makakita ng mga bagay na hindi maganda at dadagdagan  pa ninyo ng lalong ikapapangit ay isang  kasalanan.

Tulad din ng pagsasalin-salin sabi kung sa inyo ay may nagbalita ng mga bagay na hindi maganda ay kinakailangang bigyan gn magandang paliwanag ng kababaang-loob at pag-ibig , hindi ang pagsusulsol na lalo pang mag-alab ang galit ng inyong kapwa.

Sa paaralang ito ay napakatagal na ang ito ang itinuturo, napakatagal nang ninanasa ng kabatlayaan ang kalambutan ng inyong mga kalooban subali’t wari ko ay hindi pa lubusan naisasagawa ng mga kapatid ang kanilang  pinag-aaralan sapgka’t pinahahalagahan ang isang katawang laman na naghahangad ng kayabangan at pagkakilala, kataasang siyang tinatawag sa sarili.

Subali’t kung kayo ay magpapakababa, kung kayo ay magpapasan ay isang kaganapan ng tungkuling inyong sinumpaan bago kayo nanaog sa kapatagang lupa na kayo ay gagawa ng mabuti at  hindi mag-uukol ng masamang kahulugan sa inyong mga kapwa.

Dakila ang mga araw  na ito ng ala-ala ng pagpapakasakit ng dakilang Panginoon upang gisingin at ipakilala sa sangkatauhan ang kahalagahan na ginampanan ng dakilang Anak ng tao.

Kung kaya at muli at muli ay ginigising ang sangkatauhan upang alalahanin.   Hindi lamang alalahanin, kung hindi isagawa ang mga bagay na tinanggap sa dakilang Panginoon.

Ang pagpapakasakit at pagpapatawad, ang pag-aaglahi na hindi ginantihan ng mga kataga kung hindi ang kababaang-loob at  pag-big ang siyang pinaghari at ang pananalangin na patawarin ang sa kanila ay gumawa ng hindi karapat-dapat.

Ganyan sana, mga iniibig na kapatid ang magampanan ng lahat at bawa’t isa upang ang inyong kaluluwa ay mabusog sa magagandang gawa at maging baunan ng inyong diwa kung dumating ang dakilang araw ng Panginoon kung kailan ang kadakilaang  hinahangad ng lahat ay bawa’t isa ay magampanan ang bawa’t tungkulin nakapataw sa inyong mga balikat.

Kapayapaan ang inilalagak ko sa inyo, ngayon at magpakailanman!  Paalam, Antonio de Padua.

 

1995-02-22, GPL

Saganain ang lahat ng mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman.

Kinakailangang itaas ang mahahalagang paggawa at tungkuling dapat gampanan ng inyong mga sarili

Sa buhay ay pag-aaral ng tao ay lagi nang malabi ang pagnanasang matutuhan at maitaguyod ang mga banal na adhikain ng inyong mga diwa kung kaya at sa mga sandaling tulad nito ay naririto kayo upang busugin ang inyong pagkakilala at pag-aaral sa hatid ng kabatlayaan na lagi nang nakahandulong sa inyong mga diwa ang mga bagay na mga kabutihang itunuturo ng kabatlayaan.

Mapapalad ang naghahanap sapagkat nasusumpungan ang tunay na adhikain ng kanyang diwa na maisakatunayan ang mga banal na aral ng Panginoon kung kaya at sa mga sandaling ito ay naririto kayo nalalaman ninyong ang kabatlayaan ay laging naghihintay at naghahangad na maitaguyod ninyo ang mga banal na adhikain ng inyong mga diwa na makagawa ng lalong karapat-dapat na kabutihang hinahangad ng inyong mga kaluluwa.

Mga iniibig na kapatid, paulit-ulit ang kabatlayaan upang ihayag ang katotohanan at kadakilaang hinahangad ng lahat at bawat isa subalit kayo lamang ang nagtatamad-tamaran sa inyong paggawa.

Lagi nang hindi nakapagpapatuloy sa mabuting adhikain ng inyong diwa, lagi nang antala ang inyong paggawa sapagkat sadyang ganyan sa buhay ng ito sapagkat ito ang daan ng katotohanan ay lagi nang ang kahinaan ang siyang naghahari sa lahat at bawat isa sapagkat ang kapatagang ito ang siyang palihan ng inyong mga diwa o kaluluwa.

At sa pamantayan ng pag-aaral ay kinakailangang itaas ang mahahalagang paggawa at tungkuling dapat gampanan ng inyong mga sarili at huwag bayaang lagi nang naka-ukilkil sa inyo ang kahinaan sapagkat ang kahinaan ito ay hindi magdudulot ng kaginhawahan kung dumating ang mga dakilang araw ng Panginoon.

Kinakailangang itaas ng tao ang kanyang pag-aaral at pahalagahan ang mga tungkuling tinuturo upang magampanan ang pagkakawanggawa at pag-ibig na lagi nang nakaduldol sa inyong mga isipan sapagkat nalalaman ninyong ito ang daan tungo sa Panginoon.

Mga kapatid, magpatuloy kayo, huwag kayong magsasawa sapagkat sa mga sandaling tulad nito ay mayroon maliliit na butil na natatanim ang inyong mga pagkakilala at unti-unti ay nakatitipon kayo ng mga dakilang paggawa at pag-aaral at kung dumating ang mga dakilang araw ng Panginoon ay doon ninyo nadadama ang mahahalagang ginawa ninyo at naitaguyod sa buhay na ito.

Kaya at kinakailangang ang lahat at bawat isa ay huwag magsasawang magpatuloy sa mga dakilang aral at pag-aaral at maitaguyod ang dakilang paggawa at mga halimbawang lagi nang itinuturo ng kabatlayaan sa inyong kalagitnaan.

Kapayapaan ang muli kong inilalagak sa inyong mga pagkatao ngayon at magpakailanman. Paalam, Antonio de Padua.

 

1995-02-19, FBT

Saganain kayo sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon at ang liwanag ng Espiritu Santo ang tumanglaw sa inyo ngayon at magpakailan man!

Mga iniibig na kapatid, mga minamahal na mag-aaral na unti-unting nauunawaan ang tungkulin ng bawa’t isa sa kanyang pakikipamuhay sa daigdigang lupa. At higit sa lahat nagpupuri ako at nagpapasalamat sa dakilang Manlalang sapagka’t kayong mga kapatid ko ay hindi naduduwag, hindi nanghihinawa

Sa mga panahong ganganito ng inyong pag-aaral at pagtitiyaga ay doon ninyo unti-unting hinahangad nananam-palataya kayo at nananalangin, gumagawa ng nalalaman ninyong makabubuti sa inyo at sa inyong kapwa. Nguni’t mayroon ng mga pagkakataong nababagabag ang inyong mga pagkatao sanhi ng hindi ninyo maipaliwanag na nagaganap sa inyong pagkatao.

Sa kabila ng inyong katapatan ay sumasalisi ang kamalian, sa inyong pagpapakababa ay nagkakaroon kayo ng hahandulong na kataasan. Sa gitna ng iyong paghahangad ng kaliwanagan na inyong tugpahin ay hinahadlangan kayo ng pusikit na karimlan. Bakit?

Ang mga tanong ninyo sa inyong mga sarili, lalo akong nagtitiyaga ay lalo akong nabibigo. Ito baga ang kapangakuan ng dakilang Aman?

Mga iniibig na kapatid, tanggapin ninyo ang aking ihahabilin, kung kayo ay marunong na at natututo, doon ninyo makikita at mararanasan ang mabibigat na suliranin sapagka’t kinakailangang na ang inyong katalinuhan ay maghayag.

Ang hindi matugunan ng mga mangmang ay tutugunin ng marurunong. Hindi maaaring ibigay ang isang makapal na aklat sa isang hindi marunong bumasa. Hindi magtatakda ng mga araling mabibigat sa hindi maalam gumamit ng kanyang katalinuhan. Alin baga ang inyong pinag-aaralan, mga iniibig na kapatid? Ang kabanalan baga?

Ang kabanalan ay hindi maaaring pag-aralan ng tao na hindi pamumuhunanan ng maraming hirap at pagpapakasakit lalong-lalong hindi ninyo maaaaring itakwil ang mga nilalang na nagbibigay sa inyo ng mga suliranin at pagsubok sapagka’t kailan ninyo ipamamalas ang inyong mga natutuhang tumangkilik mag-akay ng naliligaw.

Hindi lamang sa mangmang nagkakaroon ng naliligaw kung hindi higit doon sa nakaalam ng batas sapagka’t kung papaano itinataguyod ang batas ng isang matwid na batas na dulot ng kakayahan ng tao ay sa tao rin may kaalaman sa batas ang naliligaw sapagka’t nalalaman ng kanyang sariling maalam siyang magtuwid kung kaya at maaari ding iliko. Nauunawaan baga ninyo ako, mga minamahal?

Magmula sa mga nagdadala ng bigat ng inyong kalipunan hanggang sa inyong mga kapatid na walang sawa nang pagtitiyaga, pag-aaral at pagtataguyod, inuulit-ulit ko, ang mga titik na inyong pinag-aaralan ay pakalimiin ninyo sapagka’t nagkakaroon ng mga sandali ng pagaagam-agam ang inyong mga kapatid na mag-aaral. Bayaan ninyong maging mangmang kayo sa gitna ng nagrurunung-runungan.

Bayaan ninyong maging magmang kayo kung ang inyong kamangmangan ay tungo sa isang mabuting adhikain at kapayapaan ng inyong sarili at ng inyong mga kapwa.

Huwag kayong maging marunong na sumasakit at humihiwa sa damdamin ng inyong mga kapwa. Huwag kayong maging marunong upang mahadalangan ang magandang layunin ng inyong kapaligiran sapagka’t saan ninyo matatagpuan ang pag-ibig?

Saan ninyo madadama at maipadadama ang katotohanang kayo ay bahagi ng isang pag-aaral na mayroon na ng adhikain patungo sa karunungan at pag-ibig. Karunungan ay hindi magiging isang ganap na karunungan kung hindi kasangkapan ng pag-ibig. At ang isang pag-ibig na walang talino o karunungan ay magiging mangmang. Kinakailangang magkasandugo sapagka’t kayo ay dumadakila sa Amang Makapangyarihan na puspos ng karunungan at pag-ibig.

Iniibig na pangulo, nawa ay magpasimula ka na ng pananawagan sa iyong mga kapatid na kanilang matapat na hangarin kung sino ang naghahanda upang maging kasangakapan o maging kasangkapan sa panggagamot kaalinsabay ng inyong kasangkapang lalaki.

Marami kayong kapatid na naririto kuwag mong labis na hanapan ang iyong mga kabatlayaan kung hindi pagpagunitaan mo sila at sila ang hahanap ng pangangailangn ng kani-kanilang mga sarili.

Tandaan ninyo, mga kapatid, sinuman sa inyo ay walang karapatan na mangusap o magkakaroon ng mga damdaming hindi naayon sa pag-ibig sa inyong harapan. Uulit-ulitin ko, huwag kayong manghihina at maduduwag sa maraming pagsubok.

Higit pa sa riyan ay aabutin ninyo upang masukat kung hanggang saan ang inyong tibay at ako ay nagpapagunita upang kayo ay magkaroon ng kaunting alalay sapagka’t malulungkot ako kung matatapuan ko na ang inyong lipunan ay nababawasan. Malulungkot ako sa Silahis ng Pag-ibig ay lumalabo ang kanyang silahis. Lagi ninyong pabayaan na ang silahis na ito ay may liwanag na taglay na aakit diyan sa inyong mga kapatid na humahanap ng liwanag sa tuwi-tuwina.

Mahalin ninyo ang mga pinasimulan ng mga nagsiyao at naghanda para sa inyo-inyong kinabukasan at gayon din kayo pagsikapan ninyong kayo ay maging malinis, maging matatag ang inyong samahan upang sa mga susunod na henerasyon magugunita kayo ng inyong mga binigyang daan.

Iyan ang aking inilalagak sa inyo at kung mayroon kang, iniibig na pangulo, naipon na mga kapatid at saka ninyo isangguni kung sino ang makapagtitiyaga sapagka’t ang magkaroon ng tungkulin, lalong laol na sa pagiging kasangkapan ay hindi isang bagay na magdudulot ng kasiyahan, kaligayahan at kayamanan sa kanyang sarili. Kung hindi isang kasangkapan ang magdadala ng maraming bigat, magdadala ng maraming tungkulin nguni’t kung kanyang maitataguyod ng buong katapatan ay doon niya madadama ang katotohanan sa dako pa roon.

Iyan ang aking inilalagak at nawa ay maghari sa inyo ang kapayapaan ngayon at magpakailanman! Paalam,Antonio de Padua.




 

1995-01-08, GPL

Saganain kayo ng kapayapaan at kadakilaang lagi nang nasa inyong isipan.

Pag-aaral, mga katagang lagi nang ninasa ng bawat sarili na matuklasan at maisagawa ang mahahalagang araling lagi nang nakahandulong sa bawat pagnanasa ng tao. Dakila ang mga aralin lalo pa sa marunong umunawa ng mahahalagang araling itong lagin nang nakahandulong sa bawat isipan ng mga mag-aaral.

Kaya at sinasabing mapapalad ang marurunong umunawa sa mga katagang lagi nang binabanggit ng kabatlayaan upang maisakatunaya ang mga aralin.  Sa pagka-unlad at pagkasulong ng panahon, sana ay dinala ng ng lumang panahon ang kahinaan ng tao.

Kung ang kadakilaan at katatagan ng isang pagkakilala maisasagawa, maisasakatunayan ng bawat saril na naghahangad na makagawa ng mabuti ang tao. Lagi na lamang kayang paghahangad ang sasa inyong mga isipan?  At sa itinuturo utay-utay na paggawa ay hindi makasunod ang bawat sarili.

Sinasabing mapapalad ang naghahanap at nakasusumpong, subalit lagi kayong naghahanap at nasusumpungan na ninyo ang katotohanan at kadakilaan ng  pag-aaral  subalit hindi masabi ng inyong mga sariling mapalad kayo sapagkat lagi na kayong nagkukulang sa  pagtupad ng mga tungkulin.

Mga tungkuling dapat gampanan ng inyong mga pagkatao, mga pag-aaral lagi nang itinuturo upang maisakatunayan ang mga bagay na pinag-aaralan subalit magpahanggang sa ngayon sahol pa ang bawat sarili.  Hindi pa ganapang masunod ang layunin ng mga diwa ng pagkakilala.

Lagi nang huli ang pagsasakatunayan ng mga bagay na natutuhan.  Lagi na ang kahinaan ang naghahari sa bawat diwa ng tao subalit nalalaman kong kayo ay marurunong na. Kayo ay matatalino at nauunawaang lagi ng nakabudbod sa inyong mga diwa.

Mga iniibig na kapatid, sa panahong ito o sa taong ito ay sana a maging bukas ang diwa at paggawa ng tao upang ang inyong mga natutuhan ay banay-banay na maisakatunayan upang ang dakila ninyong pagnanasa ay hindi mauwi sa mga tungkuling dapat gampanan ng lahat at bawat isa.

Mga kapatid, lagi na lamang kayang maghahangad makagawa, subalit ayaw isakatunayan ang gawain at pagkakilala upang maging ganap na alituntunin ng inyong diwa o kaluluwa upang madala ninyo ang mga bagay na mabuting inyong natutuhan at maisagawa ng ganapan.

Hindi ko sasabihing utay utay ang paggawa sapagkat kayo ay matagal ng mag-aaral.  Kinakailangan  sa bawat saglit ay may bahagi ng pagkakilala at paggawa ang tao upang magampanan ang dakilang hangarin ng inyong mga diwa o kaluluwa sapagkat ito lamang ang tanging madadala ng bawat kaluluwa sa dako pa roon.

Kapayapaan ang inilalagak muli, ngayon at magpakailan man!  Paalam, Antonio de Padua.

 




Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia