1995, Koleksyon - Geronimo de Guia
1995-04-05, GPL
Managano kayo sa dakilang hinahangad ng lahat at bawat isa ngayon at magpakailanman.
Dakilang araw ng paglaya ng kaluluwa ng dakilang Panginooon at ng mga mananampalataya at mag-aaral ay mayroon bagang nadama sa bawat sarili sa kahalagahan ng pagkabuhay na mag-uli ng Anak ng Tao?
Pasko ng Pagkabuhay
Naganap na ba sa inyong mga sarili ang alituntunin at kabanalan ng tungkulin ng bawat tao sa dakilang araw? Natanggap na kaya ng inyong mga sarili ang mga dakilang pagpapakasakit ng anak ng tao?
Ganyan ang ang tao sa kapatagang-lupa na nagpapakasakit alang-alang sa ika-uunlad ng kanyang kaluluwa o diwa. Ang lahat ng bagay na dumarating ay kinakailangang pag-aralan ng tao kung ano sa kanyang sarili ang dapat kalagyan.
Sapagkat kayo ay mga mag-aaral na kinakailangan ang laht ng bagay ay matutuhan sa gawa o paggawa ng mabuti. Mabuting lagi nang pinagsasanayan ng taong gawin subalit hindi makapagpatuloy at untol ang lahat at bawat isa sapagkat ang isang kalamnang nasasaktan ang naghahari sa inyong pagkatao. At kung ito ay abot ng mga mangmang na diwa ay kayo na sa inyong sarili ang ganap sa mga kasakitang dinadanas ng inyong mga pagkatao.Ganyan ang mga taong natututo sa pag-aaral. Isasangtabi ang kawalan at ang ligalig na laging naghahari sa isipan ng bawat isa ay bayaang matapon sa kalawakan at ang kadakilaan ng Amang Makapangyarihan siyang laging naghahari sa inyong mga puso at ang subaybay ng kabatlayaan ang umuntag sa lahat at bawat isang mayroon ng pagka-unawa.
Mag iniibig na kapatid, bayaan ninyo ang inyong mga sarili ay magtotoo sa katotohanan ng kadakilaan ng Panginoon. At ang araw na ito na mag-uli kung tawagin ay mabuhay sa inyong puso at diwa ang kahulugan ng pagkabuhay ng Panginoon upang manatiling ang katagumpayan ng lahat at bawat isang nag-aaral sa katotohanan.
Kapayapaan ang inilalagak ko sa inyong mga puso ngayon at magpakailanman. Paalam, Geronimo de Guia.
1995-03-12, GPL
Sumainyo ang pagpapala ng Panginoon, maghari ang liwanag at kapayapaan sa lahat at bawat isa ngayon at magpakailanman!
Mga sandaling ang tao ay nagnanasa na makapagpatuloy sa masidhing nasain ng pag-aaral at maisagawa ang mga bagay na natutuhan at napag-aaralan. Isang pagkilala ng bawat tao sa kapatagang ito sapagkat kayo ay mga mananampalayata na kinakailangang kung baga sa isang puno ng halaman pangalagaan, sinupin upang lumago at mamunga.
Iyan ang nakakatulad ng tao sa kapatagang lupa, na hindi nabuhay ang tao upang magpakaligaya, magpaka-aliw sa buhay na ito kung hindi pangalagaan ang bawat sarili upang ang kadakilaaan ng pag-aaral at pananampalataya ay maipagpatuloy.
Gumawa ang tao ng nauukol sa katotohanan sapagkat iyan ang iniwanan ng Dakilang Panginoon, ang kababaang-loob at pag-big ang sagisag ng inyong pag-aaral at pananampalataya lagi nang nakahandulong sa inyong mga diwa. Subalit kayo lamang ang nagkukulang sa pangangalaga sa inyong mga sarili upang maipagpatuloy ang inyong mga natutuhan.
Bayaan ninyong mag-patuloy na yumabong ang inyong mga pag-aaral at paggawa. Bayaan ninyong ang inyong mga sarili ay maging mababa. Huwag ninyong panatilihin sa inyong isipan ang pagpapahalaga sa inyong pagkatao kung hindi ang pagpapadakila sa inyong kaluluwa sapagka’t ang kaluluwang ito ang siyang babalik sa Amang Makapangyarihan upang makapagsulit sa mga bagay na nagawa ninyo sa kapatagang ito.
Ang lahat ng mga bagay ay pag-aaral. Kung kayo ay inaglahi ng inyong mga kapwa, pamantayan ng inyong mga sarili sa inyong pagkatuto. Ang pagwawalang bahala at hindi pagpansin sa inyo ay umaaglahi sapagkat kayo ay nag-aaral na natututo sa inyong mga pag-aaral. Itaas ninyo ang inyong paningin sa Amang Makapangyarihan at ihingi ninyo ng tawad ang sa inyo ay nagkamali.
Ganyan ang mga taong natututo sa kanyang pag-aaral. Hindi lagi na lamang itinaas ang sarili upang maging dakila sa kapatagang ito. Ang hangarin ninyo ay ang maging dakila ang inyong kaluluwa kung dumating ang tawag ng tungkuling gagampanan sa Amang Makapangyarihan sapagkat ang Ama ay naghihintay sa kanyang mga anak na gumagawa at natututo sa kadakilaang itinuturo sa palatindigang ito.
Kung kayo ay lagi nang nag-aaral subalit hindi naman natututo sa inyong mga pag-aaral ay tulad din sa pamantasan sa kapatagang lupa na hindi tataas o malilipat sa ibang grado.
Ganyan ang nakakatulad ng ating pag-aaral sa kapatagang lupa sapagkat ang lahat ng nasa kapaligiran ay pag-aaral. Pag-aralan ninyo ang inyong mga kapatid. Pag-aralan ninyo ang sa inyo ay gumagawa ng inaakala ninyong hindi nararapat.
Kaya’t ang lahat ay pag-aaral. Bayaan ninyo sa inyong mga sariling maitindig ang inyong natutuhan at magpapatuloy kayong gumagawa upang hindi masayang ang panahon sa inyong mga buhay.
Lagi na lamang tayo ay nagniniig upang ipa-alala ang mga bagay na kinakailangang gampanan ng tao. At sa mga araw na ito muli at muli ay ginigising ang sangkatauhan ipang matutuhan at maisagawa ang kadakilaan ng pag-big at kababaang-loob sapagkat ito ang gabay upang marating ninyo ang tagumpay ng inyong pag-aaral.
Hanggang dito ako at muli ang kapayapanan ang inilalagak ko sa inyo ngayon at magpakailanman! Paalam, Geronimo de Guia.
1995-01-29, FBT
Biyayain kayo ng mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal na kapatid, bigyan ninyo ng magandang bunga ang inyong mga
itinanim. Bigyan ninyo ng pataba ang lupang kinatatamnan upang maging
kapakipakinabang at hindi mawalan ng saysay ang inyong mga
ipinagtitiyaga.
Paano pa ang mga sumusunod sa inyong mga likuran? Paaano na rin ang mga susunod na mga sisingaw? Pababayan baga ninyo na dumating sa kanila ang kapanahunang wala silang nalalamang itanim. Dumating sa kanila ang kapanahunang na kanilang pakikipamuhay ay karunungang panglaman ang kanilang natutuhan at kung hindi sila makapag-aral taglay ng pagdarahop sa buhay na iyan ay ano ang kahihinatnan ng mga sisingaw na nilikha?
Kapaligirang hindi nila nauunawaan ang mababang pagkatao. Ang matanaw nila ang mga bagay na madali nilang matutuhan dala ng kanilang kahinaan, ngayon pa ay tanawin na ninyo ang inyong likuran. Ang maraming yugto ng mga nilikhang sa inyo ay susunod.
Pagsikapan na ninyong makapag-usap na mayroon ng pag-ibig sa inyong mga kapwa. Pagsikapan na ninyong makapag-abuloy ng habag sa mga kaawa-awa at lalong higit sa lahat pahalagahan ninyo ang inyong pag-aaral, namnamin ninyo ang mga hikayat ng kabtlayaan.
Huwag ninyong pabayaang ang inyong mga sariling kuro-kuro at damdamin ang mangibabaw. Sapagkat dumarating ang mga sandaling ipinagkakanulo kayo ng inyong kaalaman. May mga panahon na ang kataasan ng tao ay dumarating at hindi nauunawaan kung ano ang ibubunga ng maling paggawa at pangungusap.
Bilang mag-aaral ng simulaing ito ng katotohanan, ang lalong kapakipakinabang na taglayin ng isang mag-aaral sapagkat sa kanyang pag-aaral ay maraming matututo. Sa kanyang mga gawa ay maraming uliran na sa kanya ay tagasunod.
Alalahaninin ninyo, kayong mga magulang ang inyong mga bunso ay sumusunod sa inyo sa isang mabuting kaanyuan. Ang inyong mga bunso ay hahabulin ang mga bagay na hindi karapat-dapat kung ito ang masumpungan sa inyong mga pagkatao. Huwag ninyong pabayaan sapagkat kayo din ang makakatanaw ng kanilang magiging kahabag-habag na katauhan.
Katulad ng mga minamahal na kapatid na nagdadala ng bigat ng pananagutan ng isang lipunang gan-ganito, kung papaano kayo minamahal at dinadakila ng inyong mga kapatid. Gayon din kayo, katitisuran kung magiging mali ang inyong mga ugali at katayuan.
Bayaan ninyong maging matatag ang simulain ng Espiritismo sa pamamagitan ng inyong pagtupad sa tamang tungkulin. Bayaan ninyong maging kapakipakinabang ang kapanahunan ng inyong pag-aaral na hindi kayo katitisuran ng inyong mga kapwa.
Unang-una na ang iniibig na pangulo, lumakad ka ng matwid, mangusap ka at gumawa at susunod sa iyo ang inyong nasa likuran. At kung sakaling sa iyong likuran ay mayroon ng isang maligaw lumihis sa landas ng katwiran, mayroon ka ng karapatang lingunin, mayroon kang malaking karapatan upang akayin ang lumilihs sa mabuting alituntuning kinakailangang sundan ng inyong mga kapatid pagdating ng panahon.
Nalalaman ko na mabigat ang tungkulin ng sa inyo ay namamatnugot, kayo baga ay nananalig kung sino ang mayroong malakas na balikat ay doon ipinapataw ang bigat ng dalahin.
Humayo kayo at itanaw ninyo ang inyong paningin sa inyong kinabukasan. Humayo kayo at lingunin ninyo ang inyong nasa likuran, hindi kayo magsasawa sa pakikiugnay sa lihim sa kabatlayaan sapagkat ito ay walang tantan ang sa inyo ay magdulot.
Pigilin ninyo ang inyong tinig kung ito ay magiging isang kasangkapan upang maligalig ang inyong kapaligiran. Ang inyong mga bibig, bayaan ninyong panalaytayan ng matamis na pulot ng pukyutang umaakit ng pag-ibig sa inyong mga kapwa at bayaan ninyong ang inyong mga tinig ay maging matamis na tugtugin na ikaaaliw ng inyong mga kapatid sa laot ng kanilang pag-aalinlangan at kalungkutan.
Kung kayo ay makapagbibigay ng magandang halimbawa at madampot ng inyong mga kapwa naririyan at sa inyo ay nakikipag-aral, katotohanang, katotohanang sinasabi ko, kayo man ay kakasamahin din ng Pagninoon sa paraiso.
Bilang isang pagbibigay ng aking hangarin, bayaan ninyo na maging bukas ang pang-unawa ng lahat ng inyong mga kapatid, unahin ninyo silang bigyan ng luklukan, unahin ninyo silang bigyan ng pagkain at inyong matatanaw na sa kanilang pagkain o pakikipag-aral o paghahandog ng kanilang nalalaman ay doon ninyo mauunawaan na ang bawa’t isa sa kanila ay sadyang nakikipag-aral sa inyong lipunan.
Ngunit mayroon ng takdang salita ang sinuman sa mga kapatd na nais makipag-aral at magbigay ng kani-kanilang kuro-kuro ay huwag ninyong pabayaang lumagpas ng 10 sandali upang ang bawat isa ay magkaroon ng kani-kanyang tutuparing sandali at hindi lumabis sapagkat gaano man ang tamis ng isang pagkain, pag lumabis ito ay nagiging mapait sa panglasa ng mga kapwang makikipag-aral.
Hanggang diyan ako, at pinakahahangad ko ang inyong ganap na kapayapaan, maghigpit na tali ng pagkakapatiran ang aking ibinibigkis sa inyong mga pagkatao ngayon at magpakailanman! Paalam, Geronimo de Guia.
1995-01-25, GPL
Sumainyo ang kaliwanagan ng inyong diwa ngayon at magpakailanman!
Patuloy ang takbo ng buhay at pag-aaral ng tao upang minsan pang
maipakilala ang kadakilaan ng inyong mga hangarin makapagpatuloy sa
landas ng buhay at ng katotohanang natatanaw ng inyo inyong mga
kaluluwa.
Dito kayo binigyan ng buhay at pagkakilala sapagkat sa buhay na ito lalong mapapali ang inyong mga diwa at mapag-aralan kung papaano maipapagpatuloy ang mg dakilang adhikain ng inyong mga kaluluwa. Mapapalad kayong mga nilikhang lagi ng naghahanap sapagkat nasusumpungan ninyo ang kadakilaang iniwan ng dakilang Anak ng Tao.
At kayo ang maglalahad at magpapatuloy na gumawa upang ang kadakilaang ito ay maisakatunayan ng inyong mga sarili. Hindi lamang bibigkasin ang kahalagahan ng pag-ibig at katotohanan, kababaang-loob kung hindi isasakatunayan ng tao ang lahat ng kababaang-loob na nakahandulong sa inyong mga diwa. Hindi lagi sa mga labi lamang kung hindi ang pagtulong sa kanyang kapwa.
Ang pagpapamumanhin at pagbibigay halaga sa kanyang natutuhan. Kayo ang mga manggagawang lagi nang nagpapatuloy na gumawa alang-alang sa kadakilaang iniwanan ng dakilang Anak ng tao upang maisakatunayan ang mahahalagang tungkuling natutuhan ng lahat at bawa’t isa.
Mga iniibig na kapatid, dakilain ninyo ang inyong natuklasan sapagkat sa pamantayan ng pag-aaral, marahil ito na ang pinakamataas na antas ng pagkakilala ng tao kung ipagpapatuloy ng lahat at bawa’t isang isagawa ang mga tungkuling dapat gampanan hindi isasaisang-tabi ang mga bagay na inyong natutuhan.
Bayaan ninyong maging mga ganap kayong mag-aaral ng katotohanan at maipakilala at maipakita sa sangkatauhang ito ang kahalagahan na inyong natutuhan at tungkuling dapat gampanan ng lahat at bawa’t isa ngayon at magpakailanman!
Kapayapaan ang inilalagak ko sa inyong mga puso. Ang inyong kapatid,
1995-01-18, RAD
Ang buhay ng bawat tao ay maitutulad sa
takbo ng orasan na may tungkuling ginagaganap sa sandaigdigan. Sa bawat
pagtakbo ng kamay ng orasan naroroon ang pag-ibig at katarungan ng
Diyos. At kung ito ngayon sa kanyang paglakad ay magkaroon ng kasiraan,
hindi baga tumitigil upang sa kanyang pag-ibig magbadya na ang kanyang
galaw ay napinsala.
Kung ito ngayon ang buhay ng bawat isa, ang lahat ng kanyang madarama ay
bunga ng kanyang iginalaw. Katuparan din ng layunin ng isang kaluluwa,
kahingian na kanyang kalagayan na nangangailangan na isulong at itaas.
Kaya nga at ang lahat ay mga bahagi ng isang kalagayan na gigising sa
kamalayan ng tao siyang magbubukas ng kanyang pang-unawa upang madama na
siya ay bahagi ng pag-ibig ng Diyos.
Kaya nga ay kayo bilang nag-aaral sa katotohanan binubuksan ang inyong kaisipan upang makilala ninyo sa inyong pakikipamuhay dala-dala ninyo ang lakas, ang liwanag, ang isang kapangyarihan, ang isang pag-ibig na siyang kinakailangang maging bahagi ng sandaigdigan.
At ng dahil sa mga kalagayang ito hahanap ngayon iyan ng daan upang maging katimbang ng galaw ng inyong kapaligiran, maging kaugnay ng galaw at tungkuling ginagampanan ng kalikasan sapagkat iyan ay mga bahaging tumutulong at tumutuwang sa isang kaluluwa upang marating ninyo ang katuparan ng inyong layunin.
Masdan ninyo ang larawan ng buhay, hindi baga ang tao na natutulog at kinakailangang gisingin ay tinatapik? At kung mahimbing ang pagkakatulog ay hindi tapik lamang ang gagawin kung hindi kayo ay yuyugyugin? Kung ito ngayon ang katumbas ng bawat pagyanig na kinakailangang madama ng bawat isa, samakatwid, naroroon ang pagtuturo ay hindi higit sa nagtamo ng kapinsalaan kung hindi doon din sa mga taong sa kanya ay nagmamasid.
Sapagkat ang lahat ay kinakailangang itaas. Ang lahat ay kinakailangang buksan, ang lahat ay kinakailangang antigin upang kung inyong kinikilala at tinatanggap na sa taon na naroroon ang kaisipan ng bawat isa na may magandang ibubunga, ang lahat ay may nakikitang mayroon ng kaayusan bagaman ito kung titignan at dadamahin ay isa lamang literal na kalagayan.
At kung ang bawat hinahangad ng tao ay ang kaayusan, hindi baga kinakailangan na galawin ang lahat ng may kalikuan? Kinakailangan na galawin ang wala sa tunay na kinalalagyan? Kinakailangan na galawin ang lahat ng bagay upang matamo ang kaayusan na hinihingi ng isang kaluluwa.
Kung ito ngayon ang kalagayan ng kaisipan ng bawat tao, nasaan ang kalagayan ng kanyang damdamin? Nasaan ang kalagayan ng kanyang kalooban? Naroroon sa kaligaligan.
Ngunit hindi ito ang kanyang hinihingi, hindi ito ang kanyang minimithi, hindi ito ang kanyang hinahangad, na hindi niya nauunawaang iyan ay daan na kinakailangan sampahan ng bawat isa upang marating at matamo ang tunay na kaayusan at katumpakan upang malagay sa isang hangganang naroroon ang lundo ng tunay na pamamaibabaw ng katuruan, ng karunungan at pag-ibig at kapangyarihan ng iisang Diyos.
Hinihingi ng tao ang kapayapaan, hinihingi ng tao ang lahat ng bagay na magiging kapakinabangan sa inyong sarili datapwat hindi baga bago matamo ang kapayapaan ay kinakailangang madama ninyo ang kaligaligan?
Bago ninyo matamo ang lahat ng ito ay kinakailangang malarawan sa inyo ang mga bagay na mga kaligaligang idudulot sa inyong pagkatao sapagkat diyan ninyo kukunin ang tunay ng kapayapaan hindi tulad ng kapayapaang ibinibigay ng sanglibutan kung hindi ang kapayapaang minimithi ng isang kaluluwa ay ang kapayapaang ibinibigay ng Panginoon.
Dahil dito, pagbagsak ng mga guho, ng mga labi, hindi baga doon itatayo ang tunay na bantayog? Bawat kawasakan ay isang baitang sa kanyang pagsulong. Bawat kasiraan ay isang kabuuan sa katotohanan.
Bawat pagyanig ay isang uri ng pagbubukas ng kamalayan ng isang kaluluwa. Bawat pag-apaw ng tubig ay isang bahagi at isang kalagayan na kung saan ay namamaibabaw ay pag-ibig sa puso ng bawat kaluluwa.
Kaya nga sa isang nag-aaral, ang lahat ng iyan ay matamis na mga lasapin sapagkat iyon ang kinakailangang gumising at magpagising sa inyong kabuuan. Paano kayo makapagpapatuloy kung walang malalarawan na kinakailangang bigyan? Paano darating ang habag kung wala namang larawang ipinakikitang kailangang kayo at sila ay kahabagan?
Marahil ang pagwa-wangking iyan ay sapat upang manatiling ang tao ay nakakapit sa puno ng ubas upang sa kanyang pagkakakapit sa puno ng ubas ay manatiling naroroon at dinadama niya ang daloy, ang katas ng buhay na siyang makapagbibigay ng lakas ng kapayapaan at ng kaliwanagan.
Sa kasalukuyan na inyong ginagalawan, umalis ka sa pagkakapit at mawawalan ka ng katas na sa iyo ay magbibigay ng kapayapaan. Lisanin mo ang puno na kinakabitan at magiging katulad ng sanga na inalis sa puno at igagatong sa apoy. Luwagan mo ang pakakapit sa puno at hindi maaaring hindi ka malalaglag. Sa iyong paglaglag, hindi baga madarama mo ang bigat at sakit ng kanyang lagapak?
Dahil dito, alin ang inyong pipiliin? Alin ang inyong kukunin? Alin ang inyong paninindigan? Hindi baga ang mga bahagi na may kirot, may sakit at may idudulot na bigat kung naroroon ang ikatitibay at ikatatatag ng inyong pananampalataya.
Tanggapin ninyo nang maluwag sa kalooban at may ngiti sa inyong mga labi. Humihingi ang bawat kaluluwa ng kanyang pagsulong at kung ang kamatayan ay isang baitang ng pagsulong, madarama ng mga kaluluwang ito na lumisan sa lupa ang kanyang pagsulong.
Kaya nga kung ang lahat ng inyong titiisin ay tunay na kaligayahan, datapwat mapait sa matang tumatanaw, mapait sa matang dumadama, mapait sa isang kaluluwang tumatanggap at nagiging madilim sa kaisipan ng isang pag-aaral.
Kaya nga at ang lahat ng ito upang magkaroon ng pagkatimbang at pagkakaugnay, kailangan ang tungkuling ng kalikasan ay matupad sa lahat ng may buhay na gumagalaw.
Dahil dito, diyan ngayon ninyo kukunin ang kaalaman para sa inyong kaluluwa upang diyan din ninyo mailagay at magamit ang inyong kaunawaan sapagkat ang tangi na sa inyo ay makapagliligtas upang manatiling naroroon ang kaliwanagan at kapayapaan ng inyong kaluluwa.
Dahil dito, kung madarama ninyo na may tibay na at may tatag na ang inyong mga paa upang dalhin ang bigat ng inyong pagkatao lalo ninyo ito na patatagin at patibayin sapagkat sa inyong kasalukuyan bilang nag-aaral sa kalihiman ng buhay.
Maghari nawa sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang pag-iibigan, kababaang-loob, pagkakawanggawa at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Geronimo de Guia.
1995-01-15, GPL
Managano kayo sa kadakilaang nagmumula sa Panginoon, maghari ang ganap na kapayapaan ngayon at magpakailanman!
Patuloy ang daloy ng mga pag-aaral at mga pagnanasa maganap at magawa ang kadakilaang hinahangad ng bawat isang nag-aaral na natututo sa larangan ng buhay. At kayo mga iniibig na kapatid, nalalaman ninyong ang mga dakilang aralin na ibinababa ng kabatlayaan ay kinakailangang maisakatunayan at ganapang mapatotohanan sa bawat sarili ang paggawa ng kadakilaang itinuturo kaya at hindi kayo magpapabaya sa alinmang baybayin ng buhay.
Lagi ninyong dadamputin ang magagandang aral at pag-aaral at kayo ang magbibigay kaganapan ng mga tungkuling dapat gampanan ng tao. Huwag ninyong bayaang ang inyong mga diwa ay maligaw sa mga bagay na ika-uuntol ng inyong pag-aaral.
Isa-isang tabi ang mga bagay na hindi makapagtuturo ng kabutihan sa bawat sarili. Kinakailangang ang pamantayan ng pagkakilala ng tao ang siyang sundin at gawin ng lahat at bawat isa ang mga bagay na itinuturo ng kabatlayaan.
Mga kapatid, sa mga araw na darating, diyan masusubukan ng sangkatauhan kung hanggang saan ang naabot at pagkakilala ng tao sa kanyang pananampalataya sapagkat ang lahat ng pananampalataya ay nauukol sa Amang Makapangyarihan at pagkakilala at paggawa subalit ang tao ang siyang nagpapahalaga o nagmamalaki sa kanyang sarili na wari bagang siya lamang ang totoo sa kadakilaang hinahanap ng tao.
Kung magkagayon, mahina ang pag-unlad ng pagkakilala ng tao sapagkat walang pinahahalagahan kung hindi ang kanyang sarili at binabayaan ang ibang pagkakilala at pagka-unawa ay isa-isang tabi.
Kinakailangang ang tao ay mag-aral kung alam an niya ang tunay na paggawa at pananampalataya. Huwag uyamin ang ibat ibang pag-aaral sapagkat ang lahat ng pag-aaral ay mayroon ng kakambal na nauukol sa kadakilaan ng Amang Makapangyarihan, at ang Kanyang bugtong na Anak, at ang mga hangad nitong makagawa ng lalong mabuti.
Huwag lubhang marunong ang tao sa pagbabanghay na sinasaktan ang ibang pag-aaral. Tulad ng ibang pagkakilala na sinasabing ang dakilang Ina ay hindi isang Santa. Marahil kung kaya ipinagkaloob ng Amang Makapangyarihan na sa kanya iluwal ang isang Banal sa pagkakilala ay sapagkat mayroon din isang binhi ng kadakilaan sa kanyang sarili.
Subalit ngayon ay nagwawalang bahala ang tao. Inuuyam at inaaglahi ang pagkakilala ng tao samantalang kung mga makasalanan nga ay inuutusan ang taong ipanalangin, ipagdasal upang magkaroon ng liwanag.
Subalit gasino pa kayang hindi lalong mahalaga ang isang Inang nagdala sa kanyang anak upang makita ng sangkatauhan ang isang banal na kaluluwang nagtiis ng kahirapan at sakit upang makita ng sangkatauhan ang kahalagahan ng kababaang-loob at pag-ibig kung kaya at ito ang pinaganap sa sangkatauhan upang maisakatunayan ang kadakilaan ng pag-aaral at paggawa ng tao at ang pagtanggap ng pagpapaumanhin at pagpapatawad na sa kanya ay nagkasala.
Mga kapatid, pag-aralan ninyong mabuti, huwag ninyong bayaang kayo lamang ang tama. Kung kayo ay nag-aaral at ang mga iba ay mali, bayaan ninyong sa pag-aaral na ito ay maragdagan ang kadakilaan ng inyong pagkakilala at paggawa upang maging ganap kayong mag-aaral ng katotohanan.
Kapayapaan ang inilalagak ko sa inyong mga puso ngayon at magpakailanman! Paalam
1995-01-11, RAD
Kapayapaan buhat sa mga langit ang siyang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas!
Dala-dala ng isang tao ang karunungan na nagpapaunawa sa kanyang
kalagayan kung ano ang karapat-dapat na kanyang galawan. Sa kanyang
dala-dalang ito, kusang gumagalaw at nagpapagalaw sa kanyang kabuuan
kung dumarating ang sandali ng kanyang pangangailangan.
Kaya nga at ang tao ay humihingi sapagka’t nababatid niya na ang nasasa
kanya ay kulang. Siya ay humihingi sapagka’t nadarama niya ang
kawalan.
Ang iba ay humihingi, sa kabila na mayroon na, ng maraming biyayang
tinataglay upang ito ay lalo pang maragdagan sapagka’t ang tao ay walang
kasiyahan.
Kung walang kasiyahan ang tao, iisa lamang ang magiging kahulugan;
patuloy na aasam, patuloy na maghahangad na siya ay magkaroon ng mga
bagay na wala sa kanya at lalo pang magkaroon kahit na mayroon na.
Dahil dito, ang ganyang kalagayan ng tao ang siyang nagtutulak upang
siya ay magkasala. Ang ganyang kalagayan ng tao ang siyang umaakay
upang maligaw ng landas ang isang kaluluwa. Datapwa’t ang mga bagay na
ito ang siyang tumutulong upang umangat ang kanyang kaunawaan, upang
tumaas ang kanyang kalagayan. Kaya nga at hindi maaari na hindi magdaan
ang tao sa baitang upang siya ay humingi ng lahat ng kanyang
pangangailangan.
Dahil dito, kung ito ay isang uri na karapat-dapat maganap sa isang
nag-aaral, ano kaya ang kinakailangan na inyong hingin? Mayroon pa baga
na dapat hingin ang isang nag-aaral sa lihim ng buhay? Kailangan pa
kayang siya ay humingi upang siya ay magkaroon?
Marahil ay hindi. Sapagka’t kung kanyang mababatid, ang lahat ay nasasa
kanya na mula sa pasimula. Ang lahat ng bagay ay ibinigay upang kanyang
mapamahalaan. Ibi-nigay ang karapatan upang siya ay maging
makapangyarihan sa lahat ng hayop na gumagalaw.
Samakatwid ano ang kinakailangan?
Ang tuklasin ng tao kung ano ang nasasa kanya na kinakailangang kanyang
pagalawin, ang kilalanin ng tao kung ano ang naroroon sa kanyang bahagi
na kina-kailangang umusbong, ang makilala at maunawaan ng tao kung ano
ang dala-dala ng kanyang sarili upang ito ang siyang pagmulan ng
pagkaunawa at pagkabukas sa tunay na katotohanan. Lahat nang iyan ay
magagawa sa isang sandali na ang tao ay dumadama at dumadanas; hindi ng
kapayapaan ng kanyang sarili, hindi ng kaligayahan sa sanlibutan, hindi
ng kasiyahan na kanyang nakamtan sapagka’t ito ay katulad lamang ng
pagkaing napaparam, nauubos, napapanis, at nabubulok.
Nguni’t sa isang sandali ang tao ay dumama ng isang karanasang umiiwa ng
kanyang puso, sumusugat ng kanyang damdamin, nag-aalis ng kapayapaan ng
kanyang kaluluwa.
Ang lahat ng ito ay mga bahagi ng pagkain ng isang kaluluwa, na sa kanya
ay magtataas, mag-aangat at magdaragdag ng kanyang kaalaman, magpupuno
sa kanyang kakulangan sa pagka-unawa sa katotohanan.
Kaya nga, kung ito ngayon ang siyang tinatahak ng inyong sarili, mapalad
kayo mga nag-aaral sapagka’t kayo ay dinadala doon sa isang kalagayan
na kung saan ay mararagdagan at kaalaman ng iyong kaluluwa.
Dahil dito, kayo baga ay maliligalig at magdaramdam kung kayo ay
makatanggap ng masakit na pangungusap? Kayo baga ay masasaktan kung
kayo ay inu-uri ng inyong kapwa? Kayo baga ay mapupoot kung kayo ay
hindi kinikilala na katulad ng tao na may bahagi ng pagka-espiritu ng
Diyos? Kayo baga ay magdaramdam kung kayo ay hindi tinitignan sa
lipunan na inyong ginagalawan?
Hindi karapat-dapat na ang mabuo sa inyong kalooban ang lakas na
magpapahina sa inyong paninindigan, sisira at magwawasak ng katatagan ng
iyong pananampalataya sapagka’t ang isang umuunlad ay sadyang dito
dinadala, ang isang umaangat ay siyang diyan dinadala. Iyan ang mga
bahagi na sa inyo ay ibinibigay sapagka’t diyan magiging mahalaga ang
kaangkinang dala-dala ng kanyang kaluluwa.
Mapalad kayo sapagka’t mayroon kayo ng pagagamitan ng inyong kaunawaan.
Mapalad kayo sapagka’t mayroon kayong pagdadalhan ng karunungan na
inyong naipon sa panahon ng inyong pakikpag-aral.
Mapalad kayo sapagka’t lagi na ay mayroon kayong tinitignan at
tinatanaw na sa pamamagitan ng mga bahaging ito ay matututo na magdala
ng mabigat na tiisin ang isang kaluluwa. At kung kayo ay matututo na
magdala ng mabigat na pasanin, anoman ang sa inyo ay ibigay ang lahat ng
ito ay magiging magaan at mawawalan ng kabuluhan upang kayo ay muling
mabuwal.
Kaya nga iyan ay mga baitang ng pagsulong. Iyan ay mga daan upang
mahawan ang mga sukal sa isang tahanan. Iyan ay mga susi upang mabuksan
ang pinto ng kaangkinang dala-dala ng isang kaluluwa.
Iyan ang mga bahaging makapagbibigay ng kapang-yarihan sa inyong
pananampalataya upang ito ay maging katulad ng pinakamaliit ng butil ng
mustasang makapapapalipat sa bundog sa kabilang ibayo ng dagat.
Kaya nga, ang nag-aaral sa kalihiman ng buhay ay nananatiling may
pag-ibig sa kanyang puso, handang umunawa sa lahat ng sa kanya ay
ibinibigay; handang maging tungkod upang gumabay sa mahihinang kaluluwa,
handang maging isang kasangkapan upang patuloy na maglinis ng karumhan
ng sanlibutan. Hindi baga ninyo nadaramang ganito kayo kahalaga? Hindi
baga ninyo natatanaw na ganito kayo ka-dakila? Hindi baga ninyo
kinikilalang ganito ang kalagayan ng isang manggagawa sa ubasan ng
dakilang Panginoon?
Kung ito ngayon ang inyong madarama, laging may ngiti sa kanyang labi,
punong-puno ng kaligayahan at kasiyahan bagaman siya ay naruroon sa
gitna ng mabitgat na pagsubok, naroroon sa paghamon ng kanyang kapwa,
naroon sa pag-upasala ng kanyang kapwa.
Nananatili ang kaligayahan ng kanyang kaluluwa sapagka’t kinikilalang
doon sa kanyang kalagayan at bahaging iyong higit siyang magiging
mahalaga, higit siyang magiging makabuluhan, higit siyang magiging
dakila sapagka’t mayroon siyang mapatutunayan at maibibigay na siya nga
ay natututo sa kalihiman ng buhay.
Dahil dito, ang magaspang na lakas ay unti-unting nababawasan upang ito
ay maging pino sapagka’t sa pagdaan sa salaan, walang pagtutol ang
kaluluwa ng kanyang pagkatao.
Kaya at magiging madali ang bawa’t hakbang na kanyang isasagawa.
Magiging madali ang bawa’t kampay ng kanyang mga kamay sapagka’t iisa
ang binubuo, ang silahis ng kaliwanagan.
At naririto man ang karapatan na ibinibigay at idinaragdag sa isang
kaluluwa at iyan ang mediumnidad. kaya nga ang lahat ng bahagi sa buhay
ng tao ay pangangailangan ng isang kaluluwa. Tulad ng pagkain na
pangangailangan ng isang laman, nagbibigay ng lakas, nagdurugtong ng
kanyang buhay, nagbibigay ng kasiglahan upang siya ay patuloy na gumawa.
Ang mga suliranin, pagsubok, ang kasiphayuan sa buhay, ang tiisn, ay
bahagi ng pagkaing nagpapatibay, nagpa-patatag sa kanyang kaluluwa.
Siyang salaan na sa kanya ay nagpapapino, nagpapalinis, nagpapawagas.
Kaya nga at huwang ninyong takasan ang mga bahaging ito sapagka’t iyan
ang hinihingi ng isang kaluluwang nagmimithi ng pagsulong. Iyan ang
minimithi at hinahangad ng isang kaluluwa ng makasunod sa likuran ng
dakilang Panginoon.
Saan ninyo gagamitin ang inyong kaalaman? Saan ninyo gagamitin ang
inyong kaunawaan? Doon baga sa mga bahaging inyo nang napagtagumpayan?
Marahil ay hindi, kung kaya nga at ang lahat ng mga bahagi ng karanasan,
na kung saan nabigo ang isang kaluluwa, iyan ang kalagayan ng isang
kaluluwang sa inyo ay pagdadalhan sapagka’t kinakailangang kayo ay doon
magtagumpay.
Dahil dito, hanggang nabibigo ang isang kaluluwa, ang isang kalagayan na
ipakikilala, ang kanyang pagka-unawa sa katotohanan sa pamamgitan ng
pagdating ng kanyang karanasan hindi siya iiwan. Mananatiling ito ay
naroroon at kakabit ng kanyang buhay. Mananatiling ito ay kakambal ng
kanyang buhay. Katulad ng anino na lumilitaw kung ikaw ay naruroon sa
kadiliman.
Dahil dito, ang bawa’t bahagi na inyong dinarama ay tumutulong at
tumutuwang upang makuha ninyo at makamit ang isang kalagayan ng pagkatao
na katulad ng isang Hesus, na kung iyan ang siyang kalagayan na siyang
sa inyo ay pinagdadalhan, marahil, magagawa ngayon ninyong ihanda ang
kabuuan ng inyong sarili upang kayo ay humarap sa inyong kasalukuyang
bukas ang mga kamay upang ipakilalang naroroon ang buong pusong
pagtanggap anoman ang darating at ipagkaloob sa isang kaluluwa.
Bukas ang kanyang mga mata upang makita kung alin ang kulang na kanyang
pupunan, kung alin ang may kahinaan na kinakailangang kanyang
pangalagaan.
Magiging bukas ang kanyang pandinig upang ang bawa’t karaingan na sa
kanya ay ipagkaloob, ang bahagi ng pang-unawa ang matanggap, ang
pagpapatawad ang dumoon sa kabuuan ng kanyang sarili.
Bukas ang pakiramdam upang anuman ang maganap nananatiling naroroon ang
isang kaluluwa, handang tumulong, handang magkawangggawa, handang
magbigay ng kanyang buhay alang-alang sa kanyang kaibigan. Hindi baga
ito ang pinakadakilang pag-ibig na itunuro at ipinakilala ng Panginoon?
Dahil diyan, ang mga bahaging ibinibigay ng katuruan ng Espiritismo
upang maging magaan ang buhay para sa inyo. Sapagka’t magaan ang buhay,
magiging magaan ang pagdadala ng tungkulin ng isang kalulwa upang
marating ninyo at malaman ninyo ang tagumpay ng inyong mga layunin. Ito
ang lagi ninyong kilalanin upang nakapagbigay sa inyo ng lakas na gumawa
sa katotohanan.
Ituring ninyong katulad ng mga hiyas upang sa pagdating ng
pangangailangan ay mayroon kayong magagaamit at hindi kayo mabubuwal.
Gawin ninyo na katulad ng tubig, na sa isang sandaling makadama ng
kauhawan ay manatiling may bukal na inyong mapagkukunan na hindi
matutuyuan.
Ariin ninyong isang masarap na pagkain na sa sandali ng pagkagutom ay
mayroon kayong maibabahagi sa inyong pagkatao na makapagbigay ng
kasiyahan habang kayo ay nabubuhay sa ibabaw ng lupa.
Ang mga bahaging ito ngayon ang siyang gigising sa kaalaman at kaunawaan
likas na dala-dala ng inyong mga sarili at siyang magiging timbulan ng
inyong mga kaluluwa upang kayo ay huwag magkasala.
Ito ang mga bahagi ng pag-ibig na aking sa inyo ay ibinibigay.
Maghari nawa sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang kaliwanagan ng
diwa, pag-ibig sa kanyang puso upang maging sabsaban na handang kumadili
sa isang sanggol na ang larawan ay kapayapaan. Paalam, GERONIMO DE
GUIA.

Comments
Post a Comment