1995, Koleksyon - Arkanghel Raphael


 

 

 

 

 

 

 

 

 

1995-11-20, FBT

Sumainyo ang mga dakilang biyaya na nagmumula sa mga langit, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailan man.

Mga iniibig na kapatid,ang mga ganitong sandali kung kailan kayo’y nagkakatipon sa isang dakilang nasain na maragdagan unti-unti ang biyayang sumasa inyong pagkatao. Humihiling kayo’t dumadalangin sa dakilang Ama ng mga bagay na kinakailangan ng inyong pagkatao.

Una at higit sa lahat ay malayo kayo sa ano mang kapahamakan at pagkakasala, sampu nang sa karamdaman, ng mga biyayang kakailanganin ninyo sa pang araw araw na kabuhayan, ng karagdagan pang biyaya sa inyong pagkatao upang hindi kayo makadama ng pagkagutom at pagkauhaw.

Sa inyong mga dalangin, mga minamahal na kapatid, mayroon ako ng hinahanap at sa tuwi tuwina ay inu-ulinig na ang mga bagay na inyong hinihiling buong-puso baga ninyong tinataan ang kaunti nito sa inyong mga kapwa. Lalong lalo na sa mga nilalang na hindi nakapagbigay kasiyahan sa inyong pagkatao.

Linisin ang sarili bago manalangin

Kung kayo ay hihiling sa Panginoon ng mga bagay na inyong pangangailangan linisin muna inyong ang inyong sisidlan. Linisin ninyo at alisin ninyo ang mga yagit na pumupuno sa inyong pagkatao.

Tiyakin ninyo sa inyong sariling pagkatao ay mayroon kayo ng kalinisan at hindi kayo magiging pabago-bago sa lahat ng pagkakataon. At sa inyong paghiling sa dakilang Panginoon maipagkakaloob baga sa mga nilalang na ito ang mga dakilang nasain at dakila rin baga kung madama ng kanilang pagkatao ang katutohanan.

Nawa ay nauunawaan ninyong lahat na ang isang dakilang kaluluwa na mayroon ng lalong karapatan sa lahat ng bagay ay maidalangin baga ninyo kung kailan siya’y nabayubay sa krus. Naidalangin baga ninyo ang kaligtasan sa panahon ng pag-uusig ng tao. Kayo baga ay nakadama na ng pangingirot ng inyong mga sikmura? At kung kayo ay nananagana ay nagugunita baga ninyong mayroon kayo ng mga kapatid na nangangailangan ng higit na pangangailangan?

Kayo baga ay nasisiyahang mabusog habang sa inyong kapiling ay mayroon ng nagdarahop at nagugutom? Nasisiyahan baga kayo na kayo ay maalwan at wala kayo suliraning dala-dalahan sa inyong pagkatao samantalang ang kaibayo ninyo ay mayroon ng mabibigat na dalahin. Kung naging mapalad man kayo na hindi kayo tumanggap ng tiisin sa buhay na iyan ngunit' kayo ay nakatulong sa mayroon ng mabibigat na dala dalahan. Kung kayo ay nakapagpakain sa mga nagugutom at hindi ninyo pinanghinayangan.

Kung nag-abot kayo ng kaputol na tinapay sa inyong kapwang hindi na ninyo binabanggit pa katutohanang katutohanang sinasabi ko mga iniibig, na ang pagpapala ng dakilang Panginoon ay higit sa biyayang kakamtan ninyo sa kapatangang-lupa ng mayroon ng sukat na halaga sapagkat hindi mawawala at mapapanis.

Kung inyong pagtutuunan ng pansin sa bawa't sandali ng paghingi ng sino mang nilalang sa inyo sa kabatlayaan ay higit ninyong nanasaing tinanggap ninyo itong may luha sa inyong mga mata ngunit may kagalakan ang inyong puso at nawa ay ang isang handog ng sino man sa inyo buong kasiyahan ninyong iaabot ng inyong mga palad nguni't nakapinid ang inyong mga labi.

Subalit kinakailangan din buksan ang mga labing iyan upang ipahayag sa sangkatauhang ito ang pagtulong ay hindi masama ang paglilingkod at hindi kayo pababayaan ng kabatlayaan. 

At nawa ay maipadama ninyo at madama nyo sa lahat at bawat isa ngayon at magpakailan man. Paalam, ang Patnubay, Arkanghel Raphael.

 

1995-09-27, FBT

Biyayayin kayo ng dakilang Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailan man.

Mga minamahal na kapatid, minsan pa ay ipagugunita ko sa lahat at bawa't isa sa inyo ang simulaing ito ay pangalagaan. Ang bawa't katarungan ay karagdagang kaalaman.

Ang simulaing ito ay hindi isang paralan sa pagkukulang ng sinuman. Kung hindi ang simulaing ito hahawi sa kamangmangang nagbibigay ng kasukulang katugunan sa mga katanungan ng inyong mga sarili.

Hindi kayo pababayaan ng kataruang ito sa kamangmangan. Pilit kayong iaahon sapagka't ang tunay na layunin at pagsulong kung kaya at sa pagkaaba ng tao, ito ay hinihilang paitaas. Ang kamangmangan ng tao ay nawawala kailan pa man at pinagsisikapang mag-aral at matuto.

Huwag ninyong bayaang maging pang palipas-oras ang panahon na inyong ini-uukol sa mga pagtitipong ganganito. Manapa ay ilagay ninyo sa inyong kaisipan at ibaon sa ubod ng inyong pagkakilala sa bawa't panahon na inyong inu-ukol sa pakikipag-aral ay magkakaroon kayo bawas sa inyong mga pagkakamali. Unti-unting nawawala ang mga damdaming hindi nau-ukol sa isang tunay na Kristiyano.

Mga minamahal na kapatid, bawa't kataga ng kabatlayaan ay natutudla sa inyong kaisipan, damdamin at kalooban. Magkaroon kayo ng lakas na bakahin ang inyong kamangmangan. Magkaroon kayo ng damdaming makapagkawanggawa at lagi nang lahat ang inyong mga palad upang kayo ay tumulong sa inyong mga kapwa.

Katotohanang katotohanan sa pagdulot ninyo sa inyong mga lukbutan, sa pag-aabot ninyo ng mumunting barya sa palad ng mga kapos ay alalahanin ninyo sa inyong sarili ay nagdagdag kayo ng isang baitang upang kayo ay maka-akyat kung saan matatagpuan ninyo ang inyong kapanatagan.

Kamusta na kapatid?

Sumandali ay ilagay ninyo ang inyong mga sarili sa isang katayuang kayo ay nakalimlim sa isang mlawak ng palanas na ang inyong tinutuntungan ay mga buhanging nagkulay puti na tinatanglawan ng sikat ng araw.

Manahimik kayo at dalhin ninyo ang inyong kaisipan sapagka't kung kayo ay marunong magpailanlang ng inyong kaisipan ay walanag mahiwaga at walang mga bagay na hindi ninyo matatagpuan. Matutuhan ninyo kung ano ang sanhi ng iba at ibang uri na dala ng kalikasan sa sangkatauhan.

Matatagpuan ninyo at masusundan kung saan nagsisimula ang walang humpay na daloy ng buhanging hindi ninyo maaabot kuruin nguni't kung kayo nasasa kapanahunan gayun din na pinalaot ninyo ang inyong kaisipan sa pamamagitan ng inyong pananampalataya ay maaabot ninyo kung hanggang saan ang kalaliman at lung papaanong ang mga daloy na iyan na magbibigay ng iba at ibang uri ng landas na wari bagang mayroon ng dalang kalagiman sa tao.

Pumupuksa ng maraming uri ng hayop, pumupuksa ng maraming mga nilalang. Papaano madadama at maipadadama ng isang nilalang kung hanggang saan niya maiiwasan at kung kailan niya maiaahon ang kanyang sarili...

Mga minamahal na kaptid, maraming uri ng kaaliwan ang nakapapalunod sa tao. At higit sa lahat magiging maligaya ang tao sa kanyang masaganang pamumuhay nguni't masdan ninyo ang timbon ng mga kapatid na nagtataguyod ng simulaing ito hindi makapamayagpag, hindi makapagmapuri sapagka't siya rin ang tutugon kung sino siya ngayon at kung sino siya kahapon.

Ngayon, kung niloloob ng Panginoon ang mga kapatid ay makatatagpo ng isang baunan na kalililiman ng maraming nilalang at kung papaano ito magsisimula ng inyong pananampalatayang may gawa.

Iyan lamang ang aking iiwan at ang kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailan man. Paalam. Ang Patnubay.

 

1995-09-13,  FBT

Pagpalain ang lahat sa mga dakilang biyaya ng Panginoon, ngayon at magpakailanman.

Mga ginigiliw na kapatid, ang nakakahalintulad ninyo ay yaong mga nilalang na nagsisipaghangad na marating ang ituktok ng bundok. Marami kayong magkakapatid na bumabalak at nagbabalak umakyat sa bundok na iyan.

Ang iba ay bago pa lamang humahakbang na pataas, sa kahinaan ng pananalig ay kusang nagbabalik sa ibaba sapagka't unti-unti ang pag-akyat at mahirap nguni't ang pagbagsak o pagbalik sa ibaba ay madali. Kaya at mamamasdan ninyo kung ang inyong katayuan sa kasalukuyan.

Kung ilang kayong magkakapatid na naririyan nawa ay dagdagan ninyo ang lakas ng inyong pananampalataya na magkaroon ng matibay na tungtungan ang inyong mga paa at makahawak ng buong tatag ang inyong mga kamay sapagka't maraming dawag, madaling mapagod sa isang saglit ng pagkakamali ay nabubulid kayo at mababalik sa inyong pinanggalingan.

Samantalang habang kayo ay papaitaas ibayong hirap ang inyong titiisin. Katulad din ng inyong dinadanas sa kapatagang-lupa, iba't ibang uri ng tiisin ang tinataglay ng tao nguni't mag-aatubili kayo at inyong pakatatangan ang inyong mga sarili sapagka't hindi kayo makakatikim ng kaginhawahan at hindi mararating ang lupang pangako na kayo ay lumalakad sa patag.

Na kayo ay nasa katayuang maligaya, hinding hindi nga ninyo makakamtan ang kaligayahan pangkaluluwa na kinakailangang pamuhunanan ng maraming hirap ng kalooban at ng katawang laman upang sa gayon ay inyong mapagtagumpayan ang ukol sa kabilang buhay.

Ano ang aking maipaglilingkod? Pinagsisikapan ng bawa't nilalang na ang kanyang sarili ay kanyang mailagay sa katayuang wasto. Masinop at higit sa lahat ang paghahanda ng kanyang kinabukasan, nasa abot ng kanyang kutad na pag-iisip na an lahat ng bagay sa daigdig na maaaring maangkin ng tao ay isa ng kaligayahan.

Nguni't sa mga nag-aaral at manunuklas ng karunungang lihim, hindi magiging batayan ng kanyang kaligayahan ay ang mga bagay na naabot ng mga palad. Ang pinakahahangad ng bawa't nilalang na may wastong pag-iisip at pagkilala sa pananampalataya, maipakilala ng kanyang sarili sa kanyang kapaligiran ang kanyang mataimtim na pananalig sa amang makapangyarihan.

Maipakilala ng isang mananampalataya na siya ay nagtototoo, hindi lamang sa pangungusap kung hindi gagawin at gagawin ng isang nilalalang ang mga bagay na kinakailangang gampanan ng isang mabuting nilalang sa kapatagang-lupa.

Matutuhang magpatawad sa kanya ay nagkasala. Matutuahng magpakain ng mga nagugutom. At kung bilang gugunamgunamin ng isang nilalang ang katuturan ng buhay ay maaabot niyang ang lahat ng bagay na kanyang hinahangad ay masusumpungan niya sa kanyang pakikipag-aral.

Kailangang maipakilala ng isang taong siya ay mayroon ng paggalang sa dakilang Amang Makapangyarihan. Mayroon siyang pag-ibig sa kanyang kapwa na walang pagkukunwari. Nauunawaan niya ang sa kanya ay nagkakasala.

Ano pa at ang mga bagay na nais ninyong maganap ng nau-ukol sa kabutihan, magsimula kayo, mauna kayong magdala at magpamalas sa inyong mga kapwa na kayo ay nakaluklok sa inyong mga luklukan na mayroon ng mapanatag na kaisipan.

Mayroon kayo ng panatag na kalooban, kumakain kayo na mayroon ng kapayapaan at nakadadama kayo ng kabusugan. Ang lahat ng iyan ay madadama ng isang nilalang na patuloy na umiibig at naglilingkod sa kanyang mga kapwa.

Iyan ang aking inilalagak, magharing ganap ang kapayapaan ngayon at magpakailanman. Paalam, ang inyong patnubay, Arkanghel Raphael.

 

1995-07-06, FBT 

Sumainyo ang dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga iniibig na kapatid, maaari baga ninyong tugunin sa lihim ang aking katanungan, maaari kayong tumugon sa inyong mga sarili sapagka't hindi kayo ipagkakanulo ng inyong mga damdamin.

Ang aking katanugnang ay ito, "papaano ninyo natatanggap ang simulaing ito sa inyong mga puso"?

Samantalang sa sandaling maunawaan ninyo ang simulaing ito at inyong pag-aralan ay unti-unti nabubuksan ang inyong pagkakilala, nauunawaan ninyo ang nakatagong lihim sa likod ng inyong mga pagkatao.

Nag-aaral kayo at nagtataguyod, naglilingkod at nakikipag-isa bilang magkakaptid nguni't dumarating sa inyong mga buhay ang ibat'ibang uri ng pagsubok na wari bagang siyang nagiging katugunan sa inyong pagpapakasakit.

At kung kayo ay magiging mahina ay matitisod kayo at maaari ninyong mabigkas, "ano na ang simulaing pinag-aaralan ko at hindi na ako nakaahon sa maraming pagsubok?" Ano na ang aking naging pagkukulang samantalatang ako ay tumutupad?

Bakit nadadama ko pa ang mga bagay na taliwas sa aking inaasahan, minsan pa ay nadarama ninyo na habang kayo ay naglilingkod at gumagawa ng mabuti ay sa lagi pa rin kayong nalalagay sa ilalim ng mga tukso na nagpapahina sa inyong katauhan?

Mga pinakaa-iibig na kapatid, ang simulaing ito ay magtanim kayo, magtanim at alagaan ninyo ang pananim sapagka't kakaunti na ang binhi at kinakailangang mamunga upang magkaroon na pagugulangin na magiging binhi sa darating na mga panahon.

Masdan ninyo ang lipunan ng mga kabataang nabibilang sa hanay ng pinagpala ng kabatlayaan, masdan ninyo sa kanilang mga kasiglahan, masdan ninyo ang inyong kapatid na nagsisipagbalik-loob sa dakilang simulaing tinanggap ang mga bagay na kinakailangang tanggapin ng tao.

At sa unang pagkakataon, bayaan ninyong madagdagan ko pa ang pahiwatig huwag ninyong bibigyan ng ikasasama ng loob o ipagdaramdam sapagka't diyan nakasalang ang pamamatnugutan ng kanyang xxxx.

Sumainyo ang pagpaala ng Panginoon, ngayon at magpakailanman! Kapayapaan ngayon at magpakailanman! Ang Inyong Patnubay, Arkanghel Raphael.

 

1995-06-18, FBT 


Pagpalain kayo ng dakilang Panginoon, sumainyo ang kapayapaan ngayon at magpakailan man!

Mga minamahal na kapatid, mga iniibig na magulang at lalong higit sa mga minamahal na bunso, kung ang simulain ng Espiritismo ay dinadakila ng bawa't isa sa inyo sapagka't ito ang nagbibigay ng mga halimbawa at palatandaan kung papaano ninyo natuklasan ang tunay na Diyos natatanggap ninyo ang mga tungkulin ninyo sa inyong mga kapwa.

Nagagawa ninyong tumupad ng inyong tungkulin bilang mga magulang at mga kapwa ng inyong mga kapatid. Nadadama ninyo kung ano ang kahalagahan ng mabuhay na mayroon na ng pananampalataya. 

Nauunawaan din ninyo kung hanggang saan ang hangganan ng pagka-unawa ng tao. Naririto kayo sa mga sandaling ito sapagka't nalalaman ninyong isang sandali kung kailan itinakda ng Panginoon ang mga pagkakataong ganganito na kayo ay magsalo-salo sa iisang hapag. 

Ang lahat at bawa't isa sa inyo ay mayroon ng kani-kaniyang dalahin sa buhay na iyan. Sapagka't hindi gaganda ang takbo ng isang kapamahayan kung wala nang iba at ibang uri ng dala-dalahan ang mga tao.

Mayroon sa kabila ng katapatan, kasipagan at kaunti ng tumupad sa kanyang tungkuling nakadadama pa ng maraming uri ng pagkabigo. Sa kabila ng kanyang mga kapwa ay nakadadama pa rin ng paminsan-minsan ng kawalan ng tiwala ng kanyang mga kapatid. Sa kabila ng kanyang mga pagsisikap sa pamumuhay na iyan ay nagdarahop pa rin ang kanyang sarili. Sa kabila ng kanyang pagtulong at pagsubaybay maging sa kanilang sariling kahinlog at kanyang mga kapatid ay hindi pa rin makatanggp ng kasiyahan ng bilang kagantihan sa kanyang mga paglilingkod.

Mga kapatid, patotoo kung sa kapatagang ito ay kayo ay nagtanim at inani na ninyo ay wala na kayong hihintayin sa dako pa roon.Kung gayon, higit pang mapalad ang nagsipagtanim at nagsi-pagharimuhunan ng kabutihan sa dakong ito ng kapatagan na hindi natikman ang tamis ng kanilang mga itinanim sapagka't sa dako pa roon kung saan ang bangan ng Panginoon ay lagi nang napaglalagyan ng lahat ng mabubuting kawan ng kanyang mga gawa sa kapatagang ito ay dalisay ang kaniyang magiging katugunan sa lahat ng kanyang mga katanungan sa daigdig.Mapapalad din ang mga magulang na katulad ng isang inahing manok na nakapag-aakay ng buong sinop sa kanyang mga sisiw.

Gayon pa man, kung mayroon man ng hindi pa nakapag-aakay hindi ito nangangahulugang hindi siya isang mabuting magulang hindi pa napapanahon upang mabuksan ang kaisipan sapagka't katotohanang- katotohanang sinasabi kong ang simulaing ito madaling matanggap at madaling maunawaan ng ma nilalang na mayroon na ng mga binhi ng una pang panahon. Mayroon ng naka-ukit sa kanilang pagkatao at sa kapanahunan sa ngayon ay unti-unting umuusbong sa kanilang unawa ang tunay na layunin na pangkaluluwang simulain.

At kayong mga magulang na hindi pa ganap na tumitikim ang inyong mga bunso ng tunay na pagkain ng kaluluwa ay darating at darating ang panahon sa pamamagitan ninyo ay maka- dadama ng kaunting hasik ang inyong mga supling.
Sapagka't kinakailangang sa mga supling ng bawa't magkasuyo sa lihim at sa hayag ay inyong iaambil ang kanilang mga katauhan, sa mga ugaliin, sa mga tuparin ng kanilang mga pagkatao bilang isang tunay na Kristiyano. Kahabag-habag ang mga nilalang na nanagana sa buhay laman subali't nagugutom sa pangangailangan ng kaluluwa.

Sapagka't madaling makalasing ang pangkapatagang pang kabuhayan.  Madaling makalimot sapagka't walang kirot ng pagtitiis kung hindi nanagano sa kasaganahan at kaligayahang pangkapatagan.  Kung ang isang nilalang ay nasa panahon ng kanyang pagdarahop at mga tiisin, bumubukal na sa kanyang kaisipan at pagkatao ang makipag-ugnay sa kaitaasan. Diyan ninyo masusundan ang isang nilalalang na humihingi at dumadalangin ng buong taimtime sa kanyang puso.

Sa kapanahunan ng karamdaman ng tao, sa kapanahunan ng maraming tiisin na bumabalot sa kanyang sarili doon pa lamang nagbabalik-loob ang kanyang pagkatao kung saan maaaring isandal ang kanyang mga tiisin, kung saan kinakailangang humingi ng alalay at matupad niya ang kanyang tungkulin ng buong giting sa gitna na maraming kahirapan.

Mga kapatid ko, ang simulaing ng Espiritismo ay patuloy na nakadambana ang kanyang simulain at ang kanyang mga alituntunin na hindi pagsasawaan ng isang nilalang na mayroon ng sariling pagsisikap.

Hindi gagawin ng simulaing ito na isampa natin sa kanya ang tiisin, hindi gagawin na isang panabing sa kanyang mga tiisin, hindi gagawing panabing ang simulain ng Espiritismo ang maraming kamalian at lalong-lalong hindi niya gagawing panabing ang kahihiyan ng kanyang pagkatao sapagka't nakagawa siya ng mga bagay na hindi angkop sa tunay na mag-aaral ng katuruang ito.

Manapa ay hahangarin ng isang nilalang na nasa sa kaniyang kamalian ay magkaroon ng susumbat upang siya ay magigising. Manapa ay ibigin ng isang ng isang mag-aaral ng si mulaing ito na siya ay nasa ilalim ng pagdarahop sa buhay na iyan sapagka’t doon siya masusukat kung sa kabila ng kanyang mga tiisin ay mayroon pa siya ng bahagi at makapaglingkod at makapag-abuloy ng kanyang natutuhan.

At naririyan ang kadakilaan at kadalisayan ng isang pag-iimpok na hindi inagapayanan ng mga pangkabuhayang pangkapatagan maliban sa isang kaalaman sa isang dalisay na pananalangin pag-aambil at mabuting hangarin ng kapwa sa kapwa sapagka't iyan ang tunay na layunin ng simulaing itong nagkaroon ng pagkakaisa.

Mga pinakaiibig na kapatid, mga minamahal na mag-aaral ng katuruang ito, itanaw ninyo ang inyong pananaw na iyan ang makatatanaw ng mga bagay na hindi nagiging kasiyahan subali't diyan magsisimula ang inyong pag-aaral.

Ang mga pangit na tanawin, ang mga kahabag-habag na tanawin sa sandali na kayo ay nagtototoo sa inyong tungkulin ay magiging simula ng pagbubukas ng tunay na kagandahan ng mga bagay na nauukol sa kaluluwa.

Magpapatuloy kayo, hanapin ninyo ng buong sinop at linis ang kabuhayang pangkapatagan. Katulad din ng pagpipigil ng kayamanang pangkaluluwa at ang lahat ng bagay ay magiging karagdagan.

Hindi kayo iniwang ulila kung hindi kayo ay iniwang naririyan na mayroon ng kalayaang bumalangkas at bubungan ang isang bubong na mayroon ng pagpapala sa lahat at bawa't isa na sa Kanya ay hihiling.

Iyan ang aking ipinagkakaloob at nawa ay maganap sa inyo ang kapayapaan at ang mahigpit na tali ng pagkaka-unawaan ang bibigkis ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.

 

1995-06-07, EB

Sumainyo ang kapayapaan ngayon at magpakailanman.

Mga iniibig na kapatid, gaano kalaki ang timbang ng katagang Espiritista? At gaano lahaba ang paglilingkod ng isang tunay na nag-aral ng katotohanan at nananalig na hindi sa salita nakikita ang katotohanan ng natututuhan ng tao kung hindi sa gawa.

Mga bigkasin na katagang saksing patotoo sa bawa't isang nag-aaral na hindi ninyo maangkin ang alin mang bagay na ninanasa sapagka't kayo ay bahagi ng Amang Makapangyarihan upang ang sanlibutang siyang malakas umakay sa isang nilikhang nagtototoo lumalawak ang kaalaman ay hindi makapagpatuloy ng dahilan sa mga bagay na hindi niya maiwasan ang kababaan at hindi matanggap ang katotohanang siya ay bahagi ng lupa.

At kung dumating na ang panahon ang katawang iyan ay nag-iiwan ng isang bakas at makatotohanang gawain, maging kasalanan man at maging kabutihan man hindi maikakaila ng isang kaluluwang nga-iwan ng laman sapagka't mapuputol ang kasaysayan at kadakilaan ng pag-aaral ng tao. Kung kaya nga at ang bawa't isa at naghahangad ng kabuhayang walang hanggan. Nguni't bakit hindi nananatili ang buhay na ito, mga iniibig na kapatid?

Sapagka't iba at ibang uri ng daigdigan ang kailangang magampanan ng tao upang ang pinakadiwa at kasaysayan ng buhay na iyan na gagamitin ng tao ay bahagi ng Amang Makapangyarihan kung kaya nga at sa madaling salitang lagi nang tinutunhay sa Banal na Aklat ng mga ebanghelistang hindi makatkat sa kanialng pagkatao ang isang panatang mananatili ang kataga na nabasa sa Banal na Aklat nguni't ang diwa at katotohanan ang dapat pag-aralan ng isang ebanghelista.

Mga iniibig na kapatid, hindi ko kayo pinanghihina sa pag-aaral, nguni't ang isang katotohanang hindi matanggap kaagad ng isang nag-aaral ay ang maraming tiisin at siyang gagabay upang makamtan niya ang kanyang pananagumpay kung kaya nga at saan nakikita ang pinakadiwa ng pag-aaral ng isang espiritista?

Mga minamahal na kapatid, pag-aralan ninyo sapgka't hindi kayo mga mangmang sa panahong ito. Hindi kayo mamamanata ng paniniwala sapgka't ang lahat ng bagay maging natala man sa unang aklat ng mga unang henerasyong nagdala ng hirap at tiisin sa buhay na iyan, mga bagay na inangkin ng kanyang pagtitiyaga.

Mga bagay na pina-aaralan sa alin mang pananampalataya nguni't bakit nagpapakasakit ang isang espiritista at ano ang hinahanap upang makit ang katotohanan at naghahangad ng buhay ng walang hanggan. Buhay na walang hanggan na siyang magsasalaysay ng kaganapan ng tiisin ng tao, ng kalungkutang siyang magsisilbing gabay upang magsikap ang tao at kakamta ang kaligayahang walang hanggan, kung kaya nga at hindi sa salita nakikita ang gawa kugn hindi sa mga pag-aaral at natututuhan niya sa alinmang paaralan ng itinatag ng Dakilang Kristo na nagbigay ng magandang halimbawa.

Mga iniibig na kapatid, magpatuloy kayo sa inyong pagsusuri at pag-aaral sapagka't ang nag-aaral ay natututo at ang nagsusuri ay lumalawak ang kaalaman at pinakadiwa na banal na panatang pagpapakabuti ng isang kaluluwang nabuhay at mabubuhay pa kung saan ang daigdigan kailangang pagbayaran ng tao ang kahuli-hulihan beles ng kanyang pagkaka-utang.
Maging ito man ay kamatayan ay tatanggapin ng tao sapagka't ang kamatayan ang pumuputol ng alinmang kasalanan ng taong nagpapatuloy sapagka't ang lupa ay bahagi ng maraming pagkakasala ng tao kung kaya nga at ang sanlibutang ito ang pandayan ng bawa't isang may buhay at lakas at ng katalinuhan upang lumawak ang kaalaman ng tao.

Kapayapaang ang aking iiwan sa lahat at bawa't isa ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.

 

1995-06-04, FBT

Tanggapin ninyo ang liwanag na nagmumula sa Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga minamahal na kapatid, kailan nadama ng tao at nakilala ang kahalagahan bilang isang nilalang na nag-aaral ng katuruang ito? At kailan din nagawa ng tao na ang kanyang natutuhan ay maipadama niya sa kanyang mga kapwa at maisakatuparan ng kanyang sarili?

Kailan pa man ang isang nilalang ay makarinig ng magagandang parating ng kaitaasan. Kailan pa man at narinig ng isang nilalang ang kahalagahan ng tungkulin ng bawa’t isa, ang mga araling ipinagkakaloob.

Nalalaman ko na hindi ang lahat ay natatanggap at magagawa nguni’t kinakailangang pagsikapang gawin sapagka’t ano ang magiging kahalahagan ng inyong pagpapagal at pagpapagod?

Ano ang magiging bunga ng inyong pakikipag-aral kung hindi ninyo tatangapin at hindi ninyo magagawa ang mga ini-aaral ng kabatlayaan? Kailan din ninyo madamang kayo ay kaagawan ng mga bagay na inaasahan ng kaitaasan?

Madadama ninyo ang katotohanan sa pintig ng inyong pagkatao; kung kayo ay nagbigay at hindi kayo naghintay ng kagantihan, kung nagawa ninyong tanggapin ang upasala ng inyong kapwa na hindi kayo nagdaramdam, kung ang lahat ng inyong pagkaunawa ay naipagkaloob ninyo sa inyong kapaligiran, nagsisimula ng magawa ng inyong sarili ang mga ipinagkaloob na aralin ng kabatlayaan.

Hanggang kailan ang panahong yaon, mga iniibig na kapatid? Ang panahon ay nagiging ganito sa kanyang kaayusan. Kung magkakaroon man ng iba’t ibang uri ng takbo ng kalikasan ng panahon ay sa kanyang sariling tiyaga ay kailangang tuparin. Ang iba’t ibang uri ng kalikasang nagaganap sa kapatagan ay hudyat lamang kung sadyang buhay ang lahat ng kumikilos.

Na katulad ninyong mga nilalang na may panahon ng kabataan, may panahon ng kasalukuyan at kinabukasan. Hindi maaaring itakda sa inyong mga sariling kayo ay mananatiling manggagawa ng mabuti habang hindi kayo ang nagsisikap na maging isang mabuting mangagawa.

Habang sa inyo ay ibinibigay, ang madala na kayo ay magkawanggawa nguni’t hindi kayo gumagawa. Ang lahat ng iyan ay magiging baunang dalda-dala sapagka’t ang isang mabuting nilalang hindi man siya turuan, siya ay gagawa at kikilos ng naayon sa kabutihan.

Ihalimbawa ninyo ang loob ng paaralang ito o ang lunduyang ito. Dinadakila at pinahahalagahan ng maraming nilalang. Maging saglit ay nanangarap na maging isang mabuting bubong nguni’t ang lililim sa bubong na ito ay may kani-kaiyang damdamin. May mga lumililim sa bubong na ito na hindi nagkakaroon ng kababaang-loob at kahinahunan.

Maraming nilalangang dumarating sa lilim ng bubong na ito, mayroon ng iba’t ibang uri ng hangarin sa buhay. Nguni’t katotohanang katotohanang sinasabi ko, sa paglilim ninyo sa bubong na ito, sa inyong katapatan, hindi ninyo kanawa-nawang madarama o matatanggap ang hinihingi ninyo sa kabatalyaan. Manapa ay magdaraan kayo sa maraming sakit ng kalooban.

Kung ang hihilingin ay kayamanang pangkapatagan ay nagkakaroon kayo ng pagdaralita sapagka’t habang hindi ninyo nadarama ang pagdaralitang iyan ay hindi ninyo maalaman kung ano ang kahulugan ng mga kailangan.

Hindi ninyo masasabing kayo ay sadyang nagkaroon na ng kabanalan sa ilalim ng bubong na ito. Nguni’t sasabihin ko sa bawa’t isa sa inyong magiging makasalanan sapagka’t sa kabila ng inyong pagka-unawa ng hatid ng kaitaasan ay kababaang-loob, nguni’t, kayo ay hindi marunong gumawa.

Nauulinigan ninyo at naririnig nguni’t hindi magawa na inyong sarili. Kung gayo, lalo kayong naging makasalanan sapagka’t ang nakakalam ng kabutihan at hindi gumagawa ng mabuti na mayroon ng kabanalan.

Mga iniibig na kapatid, ang panahon at kayo ay iisa, nguni’t kayo ay mayroon na ng makaling biyaya sa lahat at bawa’t isa sapagka’t sa mga kataong ganganito nalalaman kong nag-iwan kayo ng inyong nga gawain sa inyong tahanan upang katagpuin ang kaitaasan.

Naritito kayo sapagka’t naghahangad kayo ng kapanatagan ng inyong sarili at ang inyong mga hangarin mapanuto kayo sa pakikipamuhay sa daigidig. Naririto nang dahil sa kirot ng inyong laman ay inihihingi ninyo ng tulong upang mapagtiisan ninyo at lalong karapat-dapat na mawala ang karamdadam upang kayo ay makapagpatuloy sa inyong pagtupad sa inyong mga tungkulin.

Kaya nga, pinakaiibig na kapatid, muli at muli isinasamo ko sa lahat at bawa’t isa sa inyo na huwag ninyong gawing taguan ang inyong kahinaan ang alin mang panig ng lunduyan.

Huwag ninyong gawing isang hingahan ng inyong mga sama ng loob at kalungkutan. Sapagka’t ang lilim ng bubong na ito ay daan naghihimlay sa mga nilalang na nais gumawa ng mabuti nguni’t mahirap isagawa ng kanyang sarili.

Naririto ang bubong na tio upang hingan ninyo ng tulong na maging malakas kayo, maging mabuti kayo ng makapagpalaganap ng banal na wika ng Panginoon. At sa lahat ng sandali ang inyong mga pagkilos, ng inyong mga pangungusap ay hindi ninyo pababayaan na maging maramot kayo sa mga nagugutom.

Lalo na kayong mga kabataan na nagsisimula pa lamang umugit ng dakilang simulain sa sangkatauhan. Maraming pagsubok ang darating sa inyo at hindi na magmumula sa malayong dako kung hindi sa mga kapatid ninyong kasalo-salo sa pinggan ng pag-aaral, mga karugtong at ng inyong kaligayahan at kalungkutan sa ngalan ng simulaing ito.

Darating ang mga bagay na hahamon sa inyong kaalaman at katatagan ang tangi kong ihahabilin sa inyo, mga iniibig na kabataan, maging kasingtibay kayong lalong pinakamatibay na daigidig maging kasing amo kayo tulad ng mga kalapati, nguni’t maging matalino kayo katulad ng serpiente.

Iyan ang inyong pag-aralan, ang kababaan ay isang palatandan ng kabaitan. Ang taong mabait kailan pa man ay hindi mataas sa kanyang puso.

Iyan ang pag-aralan ninyo iangkop ninyo sa inyong mga katauhan. Iyan ang aking iniiwan sa inyo at magharing ganap ang kapayapaan at liwanad ngayon at magpakailanman. Paalam…

 

 

1995-04-30, FBT

Sumainyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!


Mga minamahal na kapatid, nais kong ang kabuuan ng isang maliit na bubong ng pananampalataya ay maging isang busilak na kaanyuan. Magkaroon ng nagkaka-isang damdamin, magkaroon ng kaisahang hindi dahil sa inyong pagiging mananampalataya kung hindi isang tunay na damdamin ng magkakapatid.

Walang pinakamagandang tanawin, maging sa dako pa roon hangang sa kapatagang lupa ang inyong matanaw na ang inyong mga anak, kapatid ay nabibigkis ng mabuting pagsasamahan.

Sapagkat kung tapat at mabuti ang inyong samahan ay doon sumisibol ang tunay na pag-ibig na maka-Diyos, paggagalangan, pagbibigayan, wala ng pataasan, maging sa inyong pang-araw araw ng kabuhayan. Hayaan ninyong ang kababaan ang siyang manatili na doroonan ng inyong pagkatao. Hindi kayo madarapa kung marahan ang inyong paglalakad. Hindi kayo maaaring pagdamdaman ng inyong kapaligiran kung ang inyong mga dila ay walang talim.

Sapagka’t ang bawa’t kataga na nagmumula sa inyong mga labi, kinakailangang magkaroon ng tamis ng isang patak ng pulot ng pulot-pukyutan.
Magkaroon ng isang maliit na halina ng amoy ng isang bulaklak na mag-aakit at magbibigay kaliwanagan sa inyong paligid.

Mga kapatid ko, sa panahon ng inyong pag-aaral, sa panahon at mga sandali ng inyong pagbibigay sa inyong mga kapatid ng karagdagang paksa lalong-lalo na sa isang katuruan na hindi nagmumula sa dunong ng tao.

Nais kong masaksihan ng inyong lipunan na kayo ang magkakapatid na nagpaparaya, ang bata sa kanyang nakatatanda at ang matanda ang nakakunawa sa mga nakababata sa kanyang kapanahunan.

Huwag ninyong pababayaan na kayo ay magkaroon ng tinig at katagang maaaring humiwa o magbigay ng alalahanin sa inyong mga kapatid na nag-aaral.
Alalahanin ninyo, mga minamahal, kayo ay hindi magkakasama sa iisang bubong, mayroon kayong inyo-inyong pinanggalingan.

Ang bawa’t isa ay mayroon na pananabik na makatagpo ang kanyang kapatid sa dakong ito. Busugin ninyo sila ng inyong magagandang kaalamang ituturo.
Pawiin ninyo ang kanilang kauhawan sa kanilang mahabang lakbayin sa pamamagitan ng magagandang aral ng kabatlayaan na hindi nila nauulinigan.
Ang bawa’t pagkain na inyong ipagkakaloog sa inyong mga kapatid ay bayaan ninyong ikalusog ng kanilang kaisipan at diwa. Habang naririto kayo sa loob ng bubong na ito, walang karapatan na bigkasin ninyo sa inyong mga labi ang hindi makapagbibigay ng kaligayahan.

Bayaan ninyong mabusog ang inyong mga kapatid sa kanilang hinahanap na katuruan. Bayaan ninyo silang maglunoy sa batisang mayroon nang kalamigan.
Huwag ninyo silang bayaang manatili sa init ng araw dahil sa hindi nila nadama ang kanilang hinahanap nang sila ay dumako sa pook na ito.

Bawa’t isa sa kanila ay umaasam na makatatagpo ang dakilang simulain at ang kabatlayaan ay daratinfg sa kanilang kalagitnaang magbibigay sa kanila ng kaaliwan.
Ang lahat at bawa’t isa ay hindi sa pangungusap na mayroon na mga bagay na hindi mauunawaan ng kanyang mga kapatid.

Bawa’t isang mananalumpati, bawa’t sino mang magbibigay ng kuro-kuro ibibigay ninyo nang may pag-ibig, ibigay ninyo nang may paggalang upang sa gayon ay mapatotohanang ito nga ang bubong na kinakailangang pagtipunan.

Hindi man kayo iisa ng pananampalataya ay magkakaroon ng ugnayan, sapagka’t ibinigay ninyo ang para kay Caesar at ibinigay ninyo ang para sa Panginoon.

Iyan ang aking iiwan, kapayapaan ngayon at magpakailanman. Ang inyong patnubay, Arkanghel Raphael.
 
 
1995-04-23, FBT
 
Pagpalain kayo ng dakilang Panginoon, sumainyo ang kapayapaan ngayon at magpakailan man!

Mga iniibig na kapatid, patuloy at hindi kayo nanghihina at lalong hindi ninyo naiwaksi sa inyong damdamin at kalooban ang mga araling ibinababa sa inyo ng kabatlayaan.
Mga araling napapanahon na aagapay sa inyong pansamantalang pakikipamuhay sa inyong daigdig.

Sa inyong kalagitnaan, mga iniibig na kapatid, nagkakarooon kayo ng pakikipag-ugnayan sa isa at isa. Kung mayroon man ng mga sandali na hindi nagtagpo at magka-ayos ang simula ng inyong pagniniig, darating at darating ang sandali na ang lahat ay magsasalong ng kanyang kataasan sapagka’t nadama ng kanyang sariling habang nagpapakababa ang tao ay lalong daragdagan ang lihim na biyaya ng Panginoon.

Matyagan ninyo sa inyong pang araw-araw na kabuhayan, mga iniibig na kapatid. Kung inyong matuklasan na walang laman ang inyong mga lukbutan. wala kayong pagkaing isusubo sa inyong bibig sampu ng inyong mga bunso nguni’t hindi kayo nagdadala ng pagkabagot, wala kayong sinisisi nguni’t mayroon kayong lihim na dalanging hindi kayo pababayaan ng AMA.

Habang naroroon kayo sa katayuang nagdarahop ang inyong pagkatao ay lalong tumitibay ang inyong pagkapit sa puno ng ubas upang hindi kayo malayo munti man. Darating at darating ang sandali na matatagpusan ang inyong suliraning panlaman sapagka’t pinagkalooban kayo ng buhay at lakas.
Mayroon kayong ikabubuhay at ang pagkatandaan ng aking mga minamahal na kapatid, bayaan ninyong sa pawis ng noo manggaling ang inyong kakainin sapagka’t makabubusog at makalulusog sa inyong mga pagkatao.

Huwag ninyong isipin na yumakap sa isang malaking puno na hindi ninyo maaaring mapag-abot ang inyong mga kamay. Lagi ninyong ilagay ang inyong katauhang kayo ay nabubuhay sa kapatagang ito na kaakibat ang pag-ibig at pagmamahal sa Manlalang.

Ang mga suliraning magkakapatid, ang suliraning panlipunan ng mga tao ang lahat ng iyan ay hindi ninyo dadalhin hanggang sa inyong pagtulog, hindi ninyo isasalo sa inyong dukhang pagkain sapagka’t hindi ito mga suliranin kinakailangang ihadlang ninyo sa inyong paggawa, sa inyong paglilingkod.
Bayaan ninyong malutas ang suliranin sa pamamagitan ng isang matalinong pag-aaral, isang matalinong pagkukuro at isang mapayapang damdamin. Kayong magkakapatid na nag-uugpong ugpong, nagkakapit kamay at nagtataguyod ng inyong ng inyong mga tungkulin at ng mga bagay na inyong ina-akalang ika-uunlad ng inyong lipunan.

Magmatiyag kayo, huwag ninyong bigyan ng anomang bagay na makahahadlang sa inyong magagandang layunin sapagka’t sa panahong ito ay kayo ang manggagawa. Darating ang panahon na ang susunod sa inyo ay magkakaroon ng susundang magandang halimbawa upang madama nila ang tamis ng inyong mga pagsisikap. Iyan ang aking hinahangad sa aking mga kapatid na mayroong tungkulin sa inyong lipunan.

Hinahangad ko ang kanyang kasiglahan sapagka’t habang ang tao ay bumabalikat ng mabibigat na dalahin ay lalong nagpapakasigla at nagpapalakas sa tulong ninyo mga kapatid ko. Alalayan ninyo, subaybayan ninyo sa pamamagitan ng pag-aambil ng mga lakas sa inyong katauhan at hindi kayo pababayaan ng kabatlayaan.

Makikiisa kayo, bawa’t katagang namumulas sa inyong labi ay magbibigay ng lakas sa bawa’t isa. Huwag ninyong pabayaang malaglag ang mga bungang bubot sapagka’t ito ay pakikinabangan Iyan ang akin sa inyo ay iniiwan.

Ang kapayapaang muli at mahigpit na tali ng kapayapaan ngayon at magpakailan man! Paalam, Arkanghel Raphael.


 
 
1995-04-19,  RAD  
 
Liwanag ng ang siya nawang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas.

Ang pag‑aaral sa katuruan ng Espiritismo ay humihingi ng malawak na pagsusuri at pagsisiyasat. 

Sapagkat ang nakapaloob sa bawat katuruan ay tumutungkol sa Ciencia, Pilosopika, moral. Tatlong kalagayan na naroroon at ipinaloloob ang kabuuan ng taong naroroon ang kalagayan at kaantasan ng isang kaluluwa. 
 
Kaugnay ng bahaging ito ang kaangkinang kanyang natamo sa pamamagitan niyaong mga karanasan na kanyang nakuha at nadama sa mulit‑muling buhay at iyan ang kabuuan ng mediumnidad. Nakasalig din sa bahaging ito ang kabaitan na kinakailangang taglayin ng bawat isa sapagkat naririyan ang kahulugan ng kaantasan tungo sa isang paggawa.


Ngayon, tinutuklas ninyo ang lalong malalim na bagay; ang lalong malawak na kaalaman sapagkat iyan ang tumutungkol sa kalagayan ng pagiging kasangkapan o sisidlang hirang. 

Ang katulad ninyo ang alulod na siyang tatanggap ng tubig ng ulan. Na, kung ang alulod na ito'y mayroon ng karumhan, sa pagpatak at pagdaloy ng ulan kasama ito na aagos at matatangay.

Dahil dito, naririyan ngayon ang paghahanda na kinakailangang ganapin ng lahat at bawat isa sapagkat ang tumatanggap at siyang tatanggap ng lakas unang‑una ay ang kaisipan ng nag‑aaral.

At kung ang kaisipang ito'y may dala‑dala sa kanyang sarili hindi maaari na sa kanyang pagtanggap at pananalaytay ng lakas hindi madadala at mahahayag ang dala‑dala ng isipan, ang tibukin ng kanyang puso; ang nilalaman ng kanyang damdamin at kalooban. Kaya nga't iyan ang binibigyan ng kapayapaan at ng katahimikan.

Tantuin ninyo na hindi ang lahat sa kanyang pagdaloy ay magiging mabanayad. Hindi ang lahat sa kanyang pananalaytay ay naroroon ang ganap‑ganapang kalinisan sapagka't dumadaan sa isang kasangkapan. Kaya nga't ang wika suriin ninyo ang bawa't katuruan na ibinababa ng kaitaasan.

Alamin ninyo kung saan kayo dinadala at saan kayo dadalhin ng katuruan na inyong tinatanggap at sa inyo'y ipinagkakaloob. Sapagkat katulad ng inyong narinig, “Marami ang lilitaw na anti‑Kristo at mga bulaang propeta at maging ang mga hirang ay ililigaw.

Dahil dito, ilakip ninyo ang katapatan sa inyong mga puso. Ilakip ninyo ang kababaang‑loob. Ganap‑ganapan ninyong limutin ang sanglibutan sa sandali ng inyong pagganap sapagkat iyan ang tagubilin ng Panginoon katulad ng nakasulat sa banal na aklat na ang pangungusap ng Panginoon, “Upang ipakilala sa inyong hindi mahalaga ang sanglibutan tumindig kayo at magsialis tayo rito”.

Hindi ba iyan ang kanyang pangungusap? Ano baga ang sanglibutan na dala‑dala at madadala ng isang talaytayan sa sandali ng kanyang pagganap?

Ito ang mga bahagi ng karanasan na dinama ng isang pagkatao. Ang suliranin sa kanyang buhay. Ang suliranin sa tahanan na kanyang iniwan. Ang dala‑dala ng isang isipan na may kaligaligan. Ang naroroon sa kanyang damdamin na kanyang nakita at inihayag ng kanyang kapwa.

Ang mga bahagi ng kanyang natanaw namasid narinig at nadama. Ito ang mga bahagi ng sanglibutan na siyang binibigyan ng pagsasanay upang sa sandali ng pagtupad ng isang kasangkapan buong puso na maibigay at maipagkaloob ang kabuuan ng kanyang pagkatao.

Dahil dito, katulad ng daloy ng tubig sa kanyang pananalaytay ito'y tuluy‑tuloy, mahinahon, banayad sa kanyang pag-­agos at may kalinisang tinataglay. Suriin ngayon ninyo ang kabuuan ng inyong sarili. Maging matalino kayo sa pagtanggap ng lakas na sa inyo'y umuugnay. Sapagkat hindi ang lahat ay naroroon sa kanyang tunay na liwanag.

Hindi ang lahat ay naroroon sa kanyang tunay na kabuuan kung hindi ito'y bahagi ng sukal at dawag na kinakailangang mabuksan sapagka't ang kaangkinan ng bawat isa ay katulad lamang ng bukid na may kaalinsabay na mapanirang damo.

Na, sa bahagi ng pagbubungkal hindi ba iyan ay inaalis unti‑unti, banay‑banay. Kaya nga't sa patuloy na pagsasanay, sa patuloy na pagganap, sa patuloy na pagpapakasakit ng bawat isa upang siya ay maging ganap na sisidlang hirang ng Panginoon ang lahat ng ito'y magkakaroon ng kaayusan, nang katumpakan.

Huwag lamang ninyong lilimutin ang liwanag na kinakailangang iyalakbay ninyo sa inyong paggawa, sa pakikisalamuha sa inyong kapwa at sa inyong pakikipamuhay sa mundong lupa. Naririto ang malawak na aralin na kinakailangang saliksikin ng inyong mga sarili.

Huwag ninyong ituon sa malaking bahagi niyaong kaalaman ang kabuuan ng pagsasagawa ng isang kaluluwa kung hindi ituon ninyo sa mga bahagi na siyang nagiging hadlang at siyang nagiging sukal upang makapagpatuloy ang mabuting binhi sa kanyang pagtubo.

Lahat ng ito'y naroroon bahagi ng kaangkinan ng isang kaluluwa. Bahagi ng isang sangkapin ng pagkatao. Kaya't iyan ang inyong pakalinisin. Iyan ang inyong lagi na'y babantayan upang ang tunay na mediumnidad ang siyang mamaibabaw. Uulitin ko, ang katuruan ng Espiritismo'y humihingi ng malawak at masusing pagsisiyasat sapagkat ang kalihiman ng buhay ang nakapaloob sa bahaging ito.

Ang kasangkapan ay haligi ng isang samahan. Siyang bahagi na nagtatayo niyaong kabuuang ito. Siya rin na nagiging dahilan ng kanyang pagbagsak, yang pagguho at pagkawasak.

Kaya nga, tatagan ninyo ang inyong pananampalataya. Maging katulad kayo ng serpiyente ngunit maging maamong katulad ng kalapati. Dalawang bahagi na kina­kailangang lakaran ng bawa't isa upang matamo ang tagumpay. Dalawang bahagi na kinakai­langan ninyong hakbangan sapagka't naririyan ang kabuuan ng buhay.

Buong kataimtiman na, inyong hingin, nawa'y maging karapat‑dapat kayo sa tunay na mediumnidad upang ang, tunay na liwanag ang siyang mamaibabaw at maghari sa kabuuan ng pagsasagawa ng lahat at bawat isa.

Suriin ninyo ang bawat pangungusap na sa inyo'y lumalabas at sa inyo'y nanalaytay sapagka't buhat doon ay uunlad ang karapatan ng isang kaluluwa. Madadama ninyo kung saan ang kulang at ito'y mabibigyan ninyo ng kapupunan. 

Madarama ninyo ang kahinaan at ito ngayon ang inyong bibigyan ng kalakasan. Madarama rin ninyo kung nasaan ang bahagi ng kadiliman at diyan ngayon ninyo ilagay ang tunay na kaliwanagan.

Dahil dito, buong puso ninyong simpanin ang bawat aralin na sa inyo'y ipinagkakaloob. Maging bahagi ng inyong buhay ang pagpapakabuti sa kabuuan ng inyong sarili sapagkat diyan lamang magkakaroon ng daan at puwang ang malinis na magnetismo na kinakailangang mamaibabaw sa lahat ng pagkakataon, sa lahat ng sandali at sa lahat ng panahon upang siyang magpatotoo kayo nga ang sisidlang hirang na siyang magkakalat ng salita ng Diyos.

Ito ang maliit na bahagi na aking sa inyo'y iniiwan at muli kong uulitin nawa'y huwag kayo ang maging mga hirang na ililigaw ng bulaang propeta sapagka’t naririyan ang magiging kalagayan ng isang kasangkapan, sa aba ng isang kaluluwa.

Maghari nawa sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang pag‑iibigan, kababaang‑loob, pagkakawanggawa at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Arkanghel Rafael.

 

1995-04-12, RAD

Kaliwanagan buhat sa Espiritu Santo ang siya nawang sumainyo ngayon at magpakailanman!

Ang pag-aaral at pagduklay ng mediumnidad ay napakadakila na tuparin ng isang kaluluwa. Hindi ito katulad ng kanin na isusubo na iluluwa kapag napaso. Hindi rin ito katulad ng isang lamok na kapag napagod ay aalis na wala nang maiiwan sa kanyang sarili.

Ang tinutugpa ninyo ay ang kalihiman ng buhay, ang karapatan ng isang kaluluwa na ang katulad ay ang sisisid sa ilalim ng dagat upang makuha ang mahalagang perlas. At sa pagsisid na inyong isasagawa, hindi baga larawan ng buhay? Maging ang saplot sa katawan ay angkop sa tuparin ng inyong gagampanan. 

Ang perlas ay hindi maaaring pumaibabaw sa tubig upang madali na makuha ng sinomang nag-aaral. Kung hindi kayo ay kinakailangang magpakasakit, magsanay at mag-aral na sa ilalim ng tubig kayo ay makatatagal na hindi hihinga nguni’t hindi kayo mamamatay.

Na dahil dito, hindi sa iisang saglit ay makukuha ninyo ang pagtitipan ng inyong kaangkinan. Hindi sa iisang oras at sa iisang panahon makukuha ninyo at malilimpi ang sangkapin ng inyong katawan. Kung hindi iyan ay isinasagawa sa maraming sandali.

Sa loob ng isang Linggo, hindi baga sadya lamang kinakailangan na magkaroon kayo ng bahagi upang ilimpi ang kaangkinan ng inyong kaluluwa, ang sangkapin ng isang pagkatao upang sa isang sandali ng tunay na labanan katulad ng pagkakataong ito ay naroroon na at magiging magaan upang pumaimbulog ang isang kaisipan.

Hindi lakas ang magpapaimbulog ng inyong kaisipan na kung saan ay nakatuon sa iisang layunin, hindi ang kayo ay makapangusap kung hindi ang magiging layunin ninyo ay mabigyan ninyo ng kapayapaan ang sangkapin ng inyong pagkatao dadalhin ang kaangkinan ng inyong kaluluwa.

Dahil dito, bahagi ng isang nag-aaral ang pagpapalinis at pagpapadalisay ng tibukin ng kanyang pagkatao at upang ito ay maganap ay naroroon iiwas kayo na magkaroon ng magaspang na lakas na dadalhin ng inyong pagkatao. Saan ngayon nagbubuhat ang magaspang na ito?

Una ay sa mga kaugalian na kinakailangang masupil, ang galit, ang inis, ang yamot, ang pag-uukol ng kaisipan sa inyong kapwa na wala ng batayan sa katotohanan. Ang paggalaw ng mayroon na ng karahasan, lahat ng mga bahaging ito ay umaakit ng magaspang na magnetismo upang maging mabigat na pagsupil sa isang sangkapin maging bahagi rin ng inyong mga sandali at ng inyong panahon ang katitikan ng banal na Aklat sapagka’t ang pagtunghay sa bawa’t tala na naroroon ay makapagbibigay ng malinis na lakas sa kabuuan ng inyong pagkatao, makapagbubukas ng liwanag sa inyong mga diwa.

Na dahil dito ay naririyan ang paghahandog ng inyong buhay alang-alang sa inyong kaibigan. Kaya nga isinasagawang mayroon ng katapatan sa kanyang puso, Isinasagawa na mayroong dala-dalang kalinisan ng kanyang kaisipan. Isinasagawa ng may matibay na pananampalatayang hindi siya ang gagawa at gumagawa kung hindi ang naroroon sa kaitaasan sa pamamagitan ng pag-ibig ng Panginoon.

At sa inyong pakikipag-aral kung papaano na ang Diyos ay mayroon ng kautusan at mga batas ang tao man sa lupa ay mayroon ng kautusan at batas na kinakailangang bigyan ng pagtalima. Hindi maaari na hindi masakop ang katawang laman naririyan magi ang pagkain ay kinakailangang inyong timbangin sapagka’t iyan ay kinakailangan maging timbang.

Hindi kayo kakain ng mabibigat na bagay o mabibigat na tingahin. At kung maaari sa sandali ng inyong pakikipag-aral ang katamtaman lamang ang inyong kakainin na mayroon ng pagitan ng oras bago kayo tumupad o gumanap at kung ang lahat ay mayroon ng sining ang pag-aaral man ay kinakailangan magkaroon ng sining sa kanyang kabuuan.

Kuruin ninyo ang harpinong ay isang kasangkapang may lakas na itinutuwang at ipinagkakaloob upang maging matatag at matatag ang pananahimik ng isang diwa. Datapwa’t naririto ang pagkamulat ng isang kaluluwa.

Ngayon, kung ibig ninyong madama ang pagtabon ng lakas, magi ang inyong pag-upo ay nangangailangang magkaroon ng sining. Ang likod ay hindi lapat sa kanyang likmuan upang magpahingalay sapagka’t ang pagdaloy ng lakas ay maging ganapan at tuloy-tuloy at walang hadlang.

At kung ang pananampalataya ay naroroon sa kanyang mga paa, marahil ay dito rin nagmumula at nagsisimula ang magaspang na lakas na mananalaytay sa kabuuan ng sangkapin ng isang nag-aaral.

Kaya nga at kung kayo ngayon ay naka-upo, upang magkaroon ng higit ng tibay at tatag, ang kanan ninyong paa ay nakakrus sa inyong kaliwa na wari bagang naroroon ang pagduduop at pag-uugnay ng kanyang mga lakas na siya ring susupil upang ang mababang lakas ay makapanalaytay sa kabuuan ng iyong pagkatao.

Datapwa’t ang mga bahaging ito, katulad ng titik kung mayroon man ng kabuluhan hindi ang kanyang diwa sapagka’t ito ang siyang nagbibigay ng buhay. Alalahanin ninyo, marami ang manggagawa nguni’t kakaunti ang hinirang sapagka’t hindi ang lahat ay nakapagbibigay ng matapat na tuparin sa kanyang sarili.

Dahil dito, bagaman kayo ay nasa sanglibutan ang wika at panalangin, “iniaalis ko kayo sa masama”. Kaya tanungin ninyo ngayon ang inyong sarili gaano kahalaga at gaano kadakila ang inyong layunin upang duklayin ang kadakilaan ng mediumnidad. Gaano mang tatag na naririyan sa inyong puso, upang magawa ninyo ngayon na sa inyong pagpapasimula, kayo ay makapagpatuloy nang wala ng magiging wakas.

Ang sinimulan ninyo aking uulitin, ay isang bahagi ng kaalaman na hindi magiging katulad ng isang batang nakikipaglaro ang inyong mga talon, kung hindi isang pananagutan na mayroon ng ganting galaw na kinakailangang inyong maunawaan.

Dahil dito, pakalimiin ninyo ang kabuuan ng inyong sangkapin, mag-ukol kayo ng bahagi sa bawa’t panahon ng inyong ipinakikipamuhay, paglilimpi ng inyong sarili.

Na dahil dito, diyan ngayon magbubuhat unti-unti ang pagaan ng pagpapaimublog ng kaangkinan ng inyong kaluluwa.

Hanggang ang tatlo ay hindi nag-uugnay hindi ninyo madarama na mayroon ng lakas na nakapananalaytay sapagka’t ito ang siyang una na sinasanay hindi ang pagtanggap ng pangungusap kung hindi ang sinasanay kung paano ililimpi at bibigyan ng kapayapaan ang kabuuan ng kanyang pagkatao.

Kapag ito ngayon ang siya ninyong naganap, siya ninyong nagawa, kung sadyang nasasa inyo ang karapatan, ito ay mabubuksan. Hindi lamang sa pangungusap kung hindi bawa’t bahagi na naroroon ang karapatan ng isang kaluluwa ay mabubuksan sapagka’t ang wika, "sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan”, naririyan ang bawa’t lakas nagsisimula sa pagsupil sa kabuuan ng kanyang sarili na ano man ang inyong madama ang kagat ng lamok, ang ingay ng inyong naririnig kapag nasanay ang isang sangkapin sa kanyang kapayapaan, lahat ng ito ay mawawalan ng kabuluhan sapagka’t hindi madarama, ni hindi madidinig ng kanyang sarili.

Dahil dito, unti-unti, banay-banay, ang lahat ng iyan ay naisasagawa ng isang kaluluwa. Humihingi kayo at kayo ay bibigyan, tumawag kayo at kayo ay didinggin, humanap kayo at kayo ay makasusumpong.

Huwag ninyong lilimutin ang mga bahaging ito sapagka’t bawa’t galaw at kilos ng inyong sarili ay isang uri ng paghingi. At kung sadyang hihingi ninyo ang kayo ay maging sisidlang hirang ng dakilang Panginoon, magmula ngayon babantayan ninyo ang kabuuan ng inyong pagkatao.

Katulad ng tubig hindi malakas sa kanyang pagdaloy, katulad ng agos ng tubig ito ay tuloy-tuloy, banayad, walang gatol sapagka’t naririyan ang kabuuan ng malinis na lakas na kinakailangang manalaytay sa isang pagkatao. Dahil dito, muli kong uulitin, hindi nakukuha sa iisang saglit ang paglilimpi gn kanyang sarili, Hindi makukuha sa isang saglit ang pagbibigay ng kapayapaan sa kanyang sarili. Ito ay ginagawa at isinasagawa sa bawa’t araw hanggang sa dumating ang takdang sandali na kung saan ay gaganapin ang kanyang tuparin.

Ito ang karagdagan na akin sa inyo ay ibinibigay upang ang layunin at adhikain ng inyong kaluluwa ay magkaroon ng katuparan. Ito lamang, maghari nawa sa inyong mga puso at sa lahat ng tao ang pag-iibigan kaliwanagan at kapayapaan. Paalam, Arkanghel Raphael.

 

1995-04-05, FBT

(Kasaysayan ng isang Guro ng Kanyang kapanahunan)

Biyayain kayo ng dakilang Panginoon, maghari ang kapayapaan lagi na.

Mga minamahal na kapatid, kung natatanaw ko ang inyong kabilugan, nadadama ko ang kasiyahan sa kabila ng inyong alagatain sa buhay-laman. Sa kabila ng maraming kabagayan na maaaring makapigil sa inyo ay hindi kayo nadadala kung di bagkus nagsusumigasig kayong makarating na wari bagang naririto ang lalong pinakamasarap na pagkaing ikabubuhay ng inyong mga sarili.

At sa inyong mga dakilang pananampalataya sa Amang Makapangyarihan ay taus-puso akong dumadalangin nawa ay ang lahat ng bagay na nagpapabigat sa inyong mga balikat ay unti-unti nang maibsan.

Tinatanaw ko hanggang da inyong pagtulog, sa mga pagkakataong kayo ay dumadako kugn saan ang pook na maaari ninyong hanapan ng inyong ipag-aapdong-buhay. Sinusubaybayan ko rin ang kislot ng inyong mga pag-iisip, ang mga sandali ng inyong pakikitungo sa inyong mga kapwa.

Kung nadadama kong mayroon ng pagpapahalaga sa inyong mga sarili, sa inyong pakikitungo sa inyong mga kapwa ay naliligayahan ako nguni't kung kayo ay aking natatagpuan na mayroon kayo ng galit o sama ng loob o mga bagay na hindi karapat-dapat angkinin ng isang espiritista ay ako ang unang nababagabag at hindi ko nalalaman kung papaano ang mga bagay na maaaring ipagkaloob at ipadama ng kabatlayaan sa inyo sa kalagitnaan ng mga sandaling hindi kayo maka-unawa at hindi ninyo maunawaan ang inyong mga kapatid.

Mga minamahal, sang-ayon sa kasaysayan ng isang Guro ng Kanyang kapanahunan, at gayon din sa pagbuhay ng mga kapatid o mga nilikha mayroon na ng maraming panahon na ipinagsaya at ipinagkaloob upang itaguyod ang isang kasaysayan ng buhay ng Mananakop, napapanahon ang panahong ito sa pag-aayuno.

Napapanahon ang mga panahong ito hanggang sa darating na kaunting panahon kung papaano ipinakita ng Anak ng Tao ang isang kababalaghan na ang tubig ay naging alak. Kung papaano Niya napahimpil ang unos sa karagatan at kung papaanong kumadlo ng maraming isdang ikabubuhay ng mga disipulo.

Papaano ang buhay ng isang nilikhang hindi nililingon ang kanyang pinanggalingan. Paano na ang inyong mga sarili kung hindi ninyo isasakatuparan ang ipagkakaroon ng kapayapaan. Ikapagkakaroon at ikatututo ng bawa't isa sa Dakilang simulaing ito.

Humayo kayo at magpatuloy, hanapin ninyo ang mga bagay na maaaring ikaligaya ng inyong paningin at ang mga bagay na maaari ninyong tipunin at baunin upang sa mga sandali ng inyong pagkaguton ay mayroon kayo ng ipamamatid sa kagutumang iyan.

Mga minamahal na kapatid, ang mga bagay na ipinagkakaloob ko ay hindi lamang sa isang tao kungdi sa lahat at bawa't isa sa inyo. Hini ako magtatangi kung hindi ako ay magiging pantay-pantay na katulad ng aking sinundan.

Iyan lamang ang aking maipagkakaloob.

Sumangguni ang pangulo...

Minamahal na kapatid, sa inyong hinahangad ay lalong makabubuti at makiinam at ngayon nais kong bigyang liwanag sa lahat ng mga sanayan ang katuparan bagaman at pinahihintulutan ko kayo ng dalawang uri.

Ngayon ibinibigay ko sa inyo ang tanging maipagkakaloob na hindi kayo magdaramdam sapagka't ito ang katotohanan. Mahaba na ang panahon na kinakailangan ninyong mag-isip, magtiyaga at mag-aral.

Alam kong lahat kayo ay darating at darating ang panahon kung kailan ang isang buto ng halamang mabasa ng tubig sa dibdib ng lupa ay tutubo at uusbong. Ngayon sa inyong kapanahunan...

Ikaw na pangulo, pinahihintulutan ko upang minsan pa ay madama ninyo ang maging katayuan ng nag-aaral gayon din ang isang kapatid na lalaki na kasangkapan na sa pagtulong sa mga may karamdaman ay binibigyan ko pa rin sapagka't nalalaman kong maraming karagdagan na dadating sa inyong bumbunan, mga biyayang nagmumula sa kaitaasan.

Kayong dalawa ay binibigyan ko na ng kalayaan upang pagyamanin ang inyong mga sariling tungkulin sa mga darating na panahon ay hindi ninyo nalalaman unti-unting tutubo ang buto ng halaman sa inyong pagkatao.

Sa mga kapatid na babae, ang dalawang kapatid na may mga tungkulin sa loob ng lunduyan bilang mga tagapangalaga ng mga bagay maaaring magpatuloy nguni't kinakailangan kong ibigay sa inyo ang tunay na disiplina na magmula sa susunod ninyong pagsisimula ay inyo ng babaguhin ang kaanyuan ng inyong mga sarili, unang una sa inyong mga kasuotan.

Pag-aralan ninyo at ilagay sa wastong matuwid, hindi kayo nagiging trabahador ng lupain upang kayo ay mag-ayos ng katulad ng isang karaniwang manggagawa. Magbihis kayo ng ayon sa isang magandang kaasalan alalaong baga ay ang tunay ng kasuotan ng isang babae ang unang taglayin lalong lalo na sa mga pagsasanay at gayon din sa pagtupad ninyo ng inyong mga tungkulin sa loob ng lunduyan.

Ang kapatid na nangangalaga sa kanyang kasuyong may karamdaman, pinuputol ko muna subali't hindi ko pinuputol ang kanyang pakikipag-aral. Ang akin lamang pinuputol ang ang kanyang pagsasanay upang maging kasangkapan.

At ang iba ay magpapatuloy, lahat ay magpapatuloy sa gabi ng inyong nais na kung wala mang mabuksang mediumnidad sa alin mang panig ng kanyang pag-aaral katotohanang katotohanang ang biyaya at pagtulong ninyo sa mga may karamdaman ay madaragdagan at ipagkakaloob sa inyo nang buong-puso.

Ang mga ibang nagsasanay na hindi nakatutupad sa takdang sandali ay maaari na ring magpahinga upang maihandang ganap ang kanilang mga sarili nguni't hindi nangangailangan na hindi sila tutupad ng kanilang pakikipag-aral. Nauunawaan mo ako kapatid na pangulo?

Lalong lalo ka na, minamahal ng kapatid, tahasan kong sasabihin sa iyo kung ang kaliwa mong balikat ay may pasan sa sandaling mabuksan ang mediumnidad sa inyong pagkatao ay dalawang balikat mo ang magpapasan. Mayroon din na pang-unawa ang kabatlayaan...

Sa materyal ka man tumulong at darating din ang panahon na mapapailalim ka sa espirituwal na gawain. Samantala ay ang mga papel at lapis na inihanda ng mga kapatid kung hindi man sila nagsisipagsanay ay huwag ninyong aalisin sa inyong pinaglagyan. At ang lahat ng sanayan sa darating na pagpupulong ay magsisimula sa hapag.

Ang magkakaroon ng pahiwatig sa hapag ay hindi na magpapatuloy sa parlante. Ang makatanggap sa parlante ay hindi na magpapatuloy sa pagiging eskribiyente. At ang isang eskribiyente ay kinakailangang magkaroon ng talino at hindi bumuway ang kanyang sarili sa panahon ng kanyang pagbasa ng lahat ng kanyang naitala.

Iyan ang aking ipinagbibilin sa inyo. At kayo ay gagamit ng mga sandali na aking pinagkaloob sa buong magdamag ng Miyerkules. Iyan lamang, kapayapaang muli ngayon at magpakailan man. Ang inyong Patnubay, Arkanghel Raphael.

 

1995-04-02, FBT

Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon. Sumainyo ang ganap na kapayapaan ngayon at magpakailanman.

Mga ginigiliw na kapatid, kung aking matanaw na unti-unting natitipon kayong magkakapatid dahil sa naghahanda kayo ng pagkaing hindi napapanis. Kung kayo man ay kumikilos at gumagalaw sa lipunan ng mga tao, nalalaman kong mayroon kayong tanging sandali sa ikawawasto ng lahat at bawa't isa.

Sapagkat natatanaw ng bawat isang mayroong mga pagkukulang lalong-lalo pa ang mga kapatid na may tungkulin sa mga paslit. Tungkuling kinakailangan nilang buong tiyagang gampanan sapagka't iyan sa darating na panahon kung mayroon ng mga binhi sa darating na panahon ang binhing iyan tutubo.

Minamahal na pangulo, na tumutupad ng kanyang tungkulin. Maging matalino ka, mapagkumbaba, gamitin mong lagi... Sinupin ang inyong mga sarili sapagka't ang bawa't sandaling nagdadaan sa buhay ng tao ay kinakailangang madama na bawa't nilalang upang sa gayon ahindi maiiwan ang kani-kanilang tungkulin.

Huwag ninyong ipagpalit sa isang pirasong tinapay sapagka't sa kapatagang ito ay iisa lamang ang hangarin ng bawa't isa. Ang tunay na tutunguhin ng bawa't nilalang. Magpakatalino ka inuulit ko, minamahal ng kapatid.

Huwag mong pababayaan ang mga nasa likuran mo ay matisod at madapa sa bawa't paghakbang mo. Lagi mong lilingunin ang nasasa iyong likuran sapagkat unti-unti pa lamang tumatalunton sa inyong dinaraanan. Sa bawa't paglalakbay ay dumarating ang kapanahunan ng pagkauhaw.

Maghanda ka rin ng sarong lilinisin mo at siya mong ikakadlo ng tubig ng buhay. Lawakan mo ang iyong pang-unawa. Sikapin mong laging panuin ng pag-ibig ang iyong sisidlan upang ang bawat isa na sumusunod sa iyo ay makapagpatuloy sa anino ng...

Nawa ay maghari ang kapayapaan at liwanag na nagmumula sa Panginoon ang sumainyo ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.

 
 
 
1995-03-12, FBT  

Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, saganain kayo sa buhay Espiritu at sa buhay laman.

Mga ginigiliw na kapatid, ang lahat at bawa’t isa sa inyo ay humihingi sa dakilang Panginoon ng mga bagay na kinakailangan ng inyong mga sarili. Kayo ay naka-uunawa na kung ano ang inyong hinihingi.

At sa Panginoon kailan man ay hindi nagiging maramot sa lahat ng nilalang nguni’t ang nagiging pasubali ko kung karapat-dapat o hindi ang mga bagay na hinihingi.
Katulad din sa isang magulang, mapagmahal man siya at mapagbigay sa kanyang mga bunso kung ang kanyang hinihiling na nalalaman niyang maaaring ipagkaloob sapagka’t maramot ang kanyang magulang ay hindi ipinagkakaloob.

Sapagka’t higit na nauunawaan ng isang magulang kaysa sa kanyang anak kung ano ang kahihinatnan at ano ang magiging bunga. Walang nais na mapahamak ang anak. 
Ganyan ang katayuan ng mga nilalang sa daigdig na ito.

Kung kayo man ay nagdaraan sa mahigpit na pasubok at ng suliranin sa buhay, humingi kayo at huwag magdamdam kung hindi pag-aralan ninyo ang lahat ng nagaganap sa inyong buhay.

Sapagka’t dumarating ang mga panahon na kinakailangang subukin ang tatag ng inyong mga sarili. Dumarating ang mga sandali kung kailan kinakailangang mapitas na ang isang bunga at maaari ng maging binhi sa darating na pagkakataon.

Nguni’t kailan man ay huwag ninyong iwawala sa inyong mga kaisipan, damdamin at kalooban, kayong mga tikom na at mayroon na nang kandili ng kabatlayaan. Kayo na nakakarining ng mga araling nau-ukol sa kaluluwa.

Kung sa inyong katayuan bilang isang mag-aaral ay natutuhan ninyong maglingkod sa inyong kapwa, kung matutuhan ninyong magbigay ng buong puso, katotohanang katotohanang sinasabi ko, mga minamahal, habang kayo ay nagtatanim ng mabuti kayo ay aani.

Sapagka’t kailanman ang mabuting binhi ay magiging isang mabuting puno at ang mabuting puno ay magiging matibay at mamumunga sapagka’t ang mga katuruan ng Ama ay hindi maaaring baguhin ng panahon.

Ang lahat ng pangaral ng Panginoon ay hindi maaaring isa-isang tabi ng bawa’t isa sa inyo. Ang kanyang iniwang talata, kumatok kayo at kayo ay pagbubuksan, humingi kayo at kayo ay bibigyan, nguni’t iyan ay kung sa inyong pag-aaral ay hindi kayo mabibigo sa tamang paraan ng inyong paghingi sa sandali ng inyong pagkatok, sapagka’t kinakailangang ang tao ay sumunod tulad ng nag-aaral.

Hanapin ninyo ang maliliit na butil ng araling nakalagay sa inyong pagkatao. Huwag kayong manghihinawa, huwag din kayong maduduwag sa gitna ng maraming pagsubok. Humayo kayo at magpakatatag, makibaka kayo sa kamangmangan upang ang katalinuhan at pag-ibig ay mabuksan sa inyong pagkatao.

Walang maliwat na pag-aaral na hindi malulunas sapagka’t ginagamit mo ang bawa’t talino. Dinadama ko ang damdamin ng bawa’t isa sa inyo. At nalalaman ko rin ng mayroon kayo ng mga dala-dalahan bago kayo dumating sa inyong mga likmuan.
Mga kapatid na kalalakihan, huwag ninyong ilalayo sa inyong mga sarili ang kahinahunan, maging kayo ay nakahimpil at ang inyong katayuan kaysa sa inyong mga kapatid. Panatilihain din ninyo na kayo ay pantay nguni’t huwag kayong magpakababa nang dahil sa pangsariling karunungan kung hindi ang kaloobang mababa.

Nguni’t ang inyong katayuan ay lagi ninyong ilalagay sa dapat ninyong kalagyan sapagka’t ang mababa sa simulaing ito ay tinitignan kung hanggang saan ang inyong natututuahn at kayo ay hindi maaaring magkamali sapagka’t sa bawa’t sandali ay umuugnay kayo sa Panginoon. Magpatuloy kayo, ibigay ninyo sa Panginoon ang inyong mga sarili at ang lahat ng inyong pangsariling pangangailangan ay ipagkakaloob sa inyo.

At aking mga kapatid na kababaihan, nagiging kapantay na rin kayo unti-unti ng kalagayan ng inyong mga kapatid na lalaki. Kung naka-angat man ang kanilang sarili nang dahil sa sila ay lalaki at mabigat ang kanilang pinapasan, kinakailangang kayong mga kapatid na kababaihan ay maging dingding kayong panabing upang ang isang tahanan ay magkaroon ng pangkanlong sa init at ulan.

Kayo ay lalong higit na uugnay sa lihim, maghahatid ng kapayapaan, aakit ng kahinahunan sapagka’t ang bawa’t isang nabuhay sa kapatagang lupa ay mayroon ng kanikanilang tungkulin, mayroon ng kanikanilang bigat at gaan ng dadalhin upang patutuohanang ang bawa’t nilalang na nabubuhay sa kapatagang lupa ay hindi lamang mag-aaral kung di kinakailangang matutuong magbukas ng palad.

Iyan ang aking iiwan at nawa ay magharing ganap ang kapayapaan sa buong daigdig at sa inyong magkakapatid mahigpit na tali ng pagsasamahan ngayon ay magpakailanman! Paalam, Arkanghel Raphael.



1995-03-05, FBT

(Bawa't paghakbang papaitaas ay lalong dumarami ang mga bagay na humahadlang)

Saganain ang lahat sa mga biyaya na pangkaitaasan ngayon at magpakailan man.

Mga minamahal na kapatid, kung ang mga pagkakataong ganganito ay matatanaw ng kabatlayaan, katotohanang katotohanang sinasabi ko, mga minamahal, wari kayong unti-unting umaakyat upang marating ninyo ang tuktok ng pananagumpay sa kaluluwa.

Ganun pa man sa bawa't paghakbang ninyo sa papaitaas ay lalong dumarami ang mga bagay na humahadlang at pilit kayong ibinababa sapagka't diyan masusubok kung gaano kayo katibay humawak sa puno ng ubas. 

Sa bawa't paghakbang ninyo na patungo sa magandang layunin ng inyong mga sarili ay hindi ninyo maitatangging makakatagpo ninyo at makakasalubong sa buhay na iyan ang mga nilalang na siyang hahamon ng inyong paninindigan.

Mga nilalang na maaaring maging kasangkapan upang lalo kayong magpakatalino. Sapagka't hindi kayo mamumuhunan ng poot, hindi kayo mamumuhunan ng pagpapakahina upang ang kabiguan ang madama ng inyong mga pagkatao.

Ang dahan-dahang paghakbang nguni't tiyak ang bababaan ng inyong mga panyapak ay higit na nakatitiyak ng kanyang patutunguhan kaysa padalos-dalos at biglaang paghakbang na maaaring maghatid sa di ninyo namamalayan ay bangin na maaari ninyong kahulugan kung kayo ay hindi nananangan sa kabatlayaan at ang inyong pinanananganan ay ang inyong mga karunungang pangkapatagan.

Ang karunungang pangkapatagan na walang pag-ibig ay hindi magkakaroon ng pananagumpay. Ang pag-ibig na walang karunungan ay isang mangmang sapagka't hindi ninyo nauunawaan dahil sa inyong pagka-ibig sa inyong sarili, hindi pa ninyo nasuri ang inyong pagkatao kung karapat-dapat na nga kayong managumpay.

Karunungan at pag-ibig ay kinakailangang magsandugo upang kayo ay hindi magkaroon ng pagkaligaw at malayo kayo sa matataas na hangatin ng talong labag sa kabutihang asal.

Mga minamahal na kapatid, mga pinaka-iibig na kapatid na nagmumula sa iba at ibang dako, at sa iba at ibang lunduyan na inyong nililiman. Nawa ay magpatuloy kayo, nawa ay maging mahigpit ang tali ninyong magkakapatid, saan man kayo nagsimula.

Sa lahat ng lunduyan na inyong patutunguhan na mayroon kayo ng pagtitiyaga, mayroon kayo ng mga dalangin ng pananagumpay ng kaluluwa ng tao, katotohanang katotohanang sinasabi ko na kayo ay may taglay ng biyaya sa inyong pagbabalik sa inyong mga tahanan.

At higit sa lahat ay pinagugunita ko sa inyo mga kabataan, hanapin ninyo ang mga kaparaanang kinakailangan upang madulutan ninyo ng kasiyahan ang inyong mga magulang. Kung hindi man kayo ang mag-aabot ng limpak-limpak ng kabuhayan, mapalad naman kayo sapagka't butil-butil ng karunungan at kabanalan ang inyong pinagsisikapang tipunin upang maging pahiyas ng inyong mga kaluluwa.

Mga pinaka-iibig na kapatid, mga minamahal na kabataan, puhunanan ninyo at samantalahin sa inyong kapanahunang may lusog ng katawan ng mga mangmang sapagka't kayo ay patuloy na nag-aaral sa ilalim ng kabatlayaan.

Nawa ay humigpit ang bigkis ng kapatiran. Nawa ay madama ninyo ang kalamigang hinahatid ng dakilang Panginoon upang kayo ay makagawa at maka-akit ng kabutihan sa iyong kapaligiran. Ang kataasan, ang mapanghangad ng kayamanan ng kapatagang ito ay makadadama ng kabiguan sa labis na pag-ibig sa sarili.

Kapayapaan ang maghari ngayon at magpakailan man. Ang inyong kapatid na mag-aaral, paalam, Arkanghel Raphael.

1995-03-01,  FBT

 ... pagpapakasakit ng dakilang Mananakop, nawa ay magkaroon kayo ng maliit na binhi na maiiwan sa inyong pagkatao. Ang paulit-ulit na paggunita sa Banal na Kasaysayan ay makapagbibigay sa inyo ng karagdagang tibay ng pananalig sa Panginoong pagpapakasakit. Sapagkat ang pagpa-pakasakit ng tao ay hindi lamang sa kanya kung hindi gayon din sa kanyang mga kapwa.

Mga iniibig na kapatid, nais ko sanang bigyang babala ang mga kapatid na nagnanais magkaroon ng kani-kanilang tungkuling o dili kaya ay maghanda ng kanilang pagsasanay kung madamang kaparaanan ng mediumnidad na sa kanila ay ipagkakaloob.

At darating din ang panahon na lahat ng pananampalataya sa kapatagang lupa ay sisingaw at sisingaw sa kanilang kalipunan ang maghahatid sa kanila ng mga dakilang mensahe ng kaitaasan. Ang mga bagay na iyan ay unti-unting mauunawaan sapagkat magmula pa noong dakong una hanggang sa kasalukuyan ay sa matibay na panalangin ay makadadama ng kaginhawahan munti man. 

Tawagan muli ang mga naunang nagsanay at nais ipagpatuloy at gayon din magkaroon kayo ng bagong aral sapagkat sa panahong ito ay malaki ang pangangailangan sa mga kasangkapan o mga talaytayan na tapos na ang panahon ay maraming kung saan kinakailangang makarating sa paturuang ito.

At aking itinatagubilin lalong-lalo na sa mga bata, huwag bayaan, lalong makasisid ang kapatid, ang mga bata sa panahon sapagkat maraming pagkain ang mga batang hindi nauukol sa kanilang mga sarili. At ang matamis na pagkain ay nakapagturo upang hindi madaig ang mga bata ng karamdamang inihahatid ng panahon.

Iyan ang aking iniiwan sa lahat at bawat isa. Kapayapaan ngayon at magpakailanman! Arkanghel Raphael.

1995-02-22, FBT

"Pag-ibig sa sarili ugat ng karamutan na pumipigil sa tunay na mithiin ng isang manggagawang maglingkod"

Pagpalain kayo ng dakilang Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman.

Mga ginigiliw na kapatid, kung natatagpuan kong mga hungkag ang inyong mga likmuan, sa dako ng mayroon ng mabibigat na tungkulin, hindi ako naghahanap sapagka't nauunawaan ko ang kalagayan ng inyong kalagitnaan, na ito ay kinakailangang itabi ninyo sa inyong mga kaisipan, damdamin at kalooban.

Kung nangungulila man ang inyong mga likmuan nang dahil sa mga bagay na ang kadahilanan ay pagkabalam sa pangkaraniwang katayuan, wala kayon pananagutan sapagka't nagsisikap kayo at dala ng mahigpit na pagkakataon kung kayo ay nababalam.

At nauunawaan ko rin kayo, na kung siya man ay nasa kanyang kinadoroonan nagugunita niya ang mga sandali ng kanyang pagtupad ng tungkulin na mayroon ng pag-agam agam.

Nguni't kung ang inyong pagkabalam o ang hindi ninyo pagtupad ng tungkulin nang dahil sa pagmamahal ninyo sa inyong mga sarili. Alalaong baga ay hindi ninyo pinahintulutan na dumako ang inyong sarili sapagka't hindi ninyo matagpuan ang inyong mga pangangailangan dala ng inyong mga pagkukulang at lalong lalo nang magiging kasalanan ninyo sa dako pa roon na kung kayo ay nabalam sapagka't mayroon ng mga dala-dalahang hindi ninyo maibaba.

Mga minamahal na kapatid, hanggan saan at papaano ninyo maipapaliwanag na kayo ay hinihingan ng katotohanan sa inyong mga pag-aaral. Lalong lalo na kayong mayroon na ng mahabang karanasan nauunawaan ninyo ang loob at labas ng simulain nguni't sa inyong pagkatao ay hindi kayo nakagagawa ng mga gawain may katapatan bilang isang Espiritista.

Hindi lamang ang kamukha ng kayamanan ng iba o umaangkin ng mga bagay na hindi kanya ang kasalanan. Ang paghahangad ng mga bagay na hindi niya pinaghirapang itatag ay hindi siya magpasalamat. Kaya nga, mga minamahal na kapatid, bilang mag-aaral ng simulaing ito, magpakababa kayo, magpakalinis kayo at magpakatalino sapagka't iyan ang lalong isang panahon upang kayo ay pumaimbulog sa dako pa roon ng lalong karapat-dapat na pakikipamayanan sa kaitaasan.

Naglilingkod kayo sa inyong kapwa, tanungin ninyo sa inyong sarili kung ito ay buong katotohanang inyong isinasakatparan. Tanungin ninyo ang inyong sarili kung wala nga kayong bahid na karamutan, sapagka't iyan ang pumipigil sa tunay na mithiin ng isang manggagawang maglingkod kailan pa man at hindi nawala ang ugat ng karamutan at pag-ibig sa sarili, hindi kayo makapagpapatuloy na makapag-kawanggawa at magbigay sa inyong kapaligiran.

Magpapatuloy kayo may karunungan, magpapatuloy kayong may kalakasan, matibay ang inyong paninindigan na kayo ay magiging isang mabuting Kristiyano. Hindi ninyo tatanawin ang pangit na ginagawa ng inyong mga kapwa, sapagka't sa kapanahunan ng paggawa ng kamalian, hindi ito nalalaman ng isang manggagawa.

Sapagka't kung binabalak ng isang nilalang ang lumabag sa mabuting batas na kaasalan, darating at darating sa kanyang sarili ang kalaban o kakambal ng isang umaawat at isang nag-iiwi. Iyan ang pakatandaan ninyo, mga iniibig na kapatid.

Sa kamalian at maging sa mga gawang kamalian ng inyong mga kapwa ay hindi ninyo susukatan. Huwag ninyong hahatulan sapagka't ang lahat ng bagay na nagaganap ay maryoon ng kani-kanilang ganting galaw pagdating ng panahon.

Sapagka't ang lumalabag sa gintong asal ay hindi pagkakamali. Sapagka't ang bawa't isa ay mayroon ng kani-kaniyang kaasalan at kaisipan. Mayroon siya ng mga sandaling maaari niyang madama kung alin ang paggawa ng kamalian at magkakaroon ng masamang bunga.

Gayun pa man kung siya ay nadadaig ng kanyang kapaligiran, ang udyok ng mga bagay na hindi magbibigay liwanag sa kanyang pagkatao, diyan na kinakailangan na ito pagsabihan, buong kapayapaang isipin kung papaanong ang isang tungkulin ng biyenan gumabay ng mga sanga...

Ganyan ang tao, sagana sa lahat ng bagay nguni't hindi nagbubunga ng maganda sapagka't kulang at kulang sa pag-aasikaso ng isang manggagawa.

Iyan ang aking iniaalay sa lahat at bawa't isa ngayon at magpakailanman. Ang Patnubay.

1995-02-15, FBT

Pagpalain kayo sa mga dakilang biyaya na sumasainyo ngayon at magpakailanman!

Mga iniibig na kapatid, sa aking paglalakbay ay nadama ko ang kalamigan, nadama ko rin kung papaano kinakailangag magpatuloy sa mga bawa’t nasaing mabuti ang bawa’t isa sa inyo.   Wala na ang mga gumagamit sa inyong mga pagkatao sapagka’t ang dakilang Guro ng Sangkatauhan ay patuloy at patuloy.

Mga kapatid ko, huwag ninyong pabayaan ang maliliit na sandali ng inyong buhay.  Hahanapin ninyo ang landas kung papaano nakakabalam sa inyong paglalakbay at ako ay umaasang matatagpuan ninyo,  mga minamahal na kapatid, ang singaw ng panahon ay makapaghahatid ng bagabag nguni’t umasa kayo kinakailangang mabigyan ng panahon upang makapagdili-dili ng  kahit na sino a nino man. 

Walang naghahangad ng mineral, walang naghahangad ng mga bagay na maaaring ipamuksa sa kanyang kapwa.  Magpapatuloy kayong tumutuklas ng karunungang panglangit at hindi maglalaon at kayo ay maging masigasig sa kaliitan ng dahon ng bilang na iyan.  Magsisimula ang marami ang banayad, nguni’t humayo kayo at ang magandang layunin ng inyong kinakailangan.

Mga kapatid, lubhang maraming abala nguni’t ang uuwi sa Panginoon.  Magpapatuloy kayong gumawa ng mabuti sa gitna ng kaliitan  ng nilkhang iyan.  Tuloy ipagugunita  ko sa inyo, magbukas kayong muli kaalisabay ang inyong mga pananalangin at ako ay minamatyagan ko ang mga kapatid na naririto gayon din ang mga wala.  Sinasaliksik  ko ang kabutihan ng magagawa ng tao at  magkaroon kayo ng sadyang sandali ng sa pagtuklas sa inyong karunungan.

Kapayapaang muli at paalam… Ang inyong kapatid sa simulain, ang inyong Patnubay, Arkanghel Raphael.

 

1995-02-01, FBT

Sumainyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, ngayon at magpakailanman!

Mga minamahal na kapatid, bayaan ninyo na aking pag-ukulan ng panahon ang lahat at bawat isa sa inyo. Sinisiyasat ko ang kaibuturan ng inyong mga puso. Sinisiyasat ko rin kung gaano natitigmak ng mga hatid ng mga kabatlayaan ang inyong pagkatao.

Patuloy ninyong matyagan ang mga panawagan na pawang magiging kapakinabangan ng inyong kaluluwa at katawagn laman sapagkat ang tao ay nilalang upang kilalanin ang sarili at kilalanin ang kanyang kapwa.

Pag-aralan ninyo, mga minamahal ng kapatid ang tunay na takbo ng pag-aaral sa simulaing ito. Ang mumunting kabutihang inyong nagagam-panan ay siyang liwanag na ipagkakaloob ng kabatlayaan upang inyong maihayag kung saan nagkakaroon ng katiwasayan ang bawa’t isa kailan pa man at makatutupad ng tungkulin.

Magpapatuloy kayo sa inyong pag-aaral na mayroon na ng kahinahunan na mayroon ng ganap at mahusay na madadalumat na madama ninyo ang lahat ng mabuting magiging kasiyahan na hatid ng kabatlayaan.

Humayo kayo at magpatuloy at sa mga sandali, bibigyan ninyo ang pahalaga ang pag-aambil sa may mga karamdaman na pawang nagtitiis sa inyong lahat.

Kapayapaan ang maghari, ngayon at magpakailanman! Arkanghel Raphael

 


1995-01-25, RAD

Kapayapaan ang siya nawang sumainyo ngayon at hanggang sa wakas.

Hayag na katotohanan sa kaganapan ng buhay ng tao na kung ikaw ay huhukay ng ginto hindi baga habang ito ay lumalalim lalong nagnanasa na makakuha. 

At sa isang sandali na ikaw ay makakuha ng ginto sa inyong paghuhukay hindi maaari na ikaw ay tumigil sapagka't ito ay nakapagdudulot ng kasiglahan sa iyong sarili.

At kung ito ngayon ang igagawi ninyo na katumbas ng pag-aaral ng inyong isinasagawa ang katulad ninyo ay dumuduklay ng mga ginto na isang hiyas na pinakikinabangan ng inyong sarili. Makapagtatawid ng inyong kagutuman, makapapawi ng inyong kauhawan, makapag-iibis ng kahirapang dinadama ng inyong kalagayan. 

Na ang mga iyan ay isang biyaya na kapayapaan ang idudulot sa inyong diwa. Na dahil dito, nakapagbibigay ng lakas upang lalo kayong magsikhay, lalo kayong magsikap na hindi isa lamang ang inyong mataglay at inyong makilala ang maunawaan kung hindi maging malawak ang kaalaman na dadalhin ng inyong diwa.

Datapwat ang pag-aaral sa kalagayan ng tao ay inilalagay sa isang kalagayan ng mayroon nang ligalig, inilalagay sa isang kalagyan na laging mayroon nang hadlang na kinakailangang niyang hakbangan, inilalagay sa isang kalagayan na laging may dilim na kanyang sasalungatin, laging mayroon nang bigat na kanyang papasanin.

Na dahil sa mga ito, sa halip na makapagdagdag ng lakas sa kanyang kabuuan pinapanghina ang isang diwa, pinapanghina ang kayang katatagan, ng kanyang pananampalataya, ang tibay ng kanyang paninidigan kaya at sa pagdating ng mga pasubok, nadarama ang mga bigat ng kanyang dinadala.

Ngunit kung inyo lamang lalawakan ang inyong natatanaw, ang inyong naririnig, ang inyong nadarama, makikita ninyo at inyong madarama na ang inyong isinasagawa ay isang dakilang tungkulin at isang dakilang tuparin na siyang sa inyo ay gagabay upang huwag mawasak ang isang tahanan.

Madadama rin ninyo na ang magiging bunga ng iyong pagisikhay ay katulad ng isang gamot na siyang magpapagaling sa karamdaman na inyong tinataglay na kung matamo ninyo ang kagalingan, hindi na kayo makadadama ng kayo ay naruroon sa kadiliman kung hindi kayo ay laging nasa kaliwanagan.

Hindi na rin ninyo madaramang kayo pala ay mayroon nang mahinang mga tuhod kung hindi laging may lakas upang kayo ay humakbang, lumakad upang marating ninyo ang tahanang binubuo ng inyong mga kaluluwa.

Nadarama rin ninyo na laging mayroon ng pintuang bukas na sa inyo ay naghihintay upang magbigay at maghandog ng kapayapaan sa inyong isipan na nadidimlan. Hindi baga ang mga bahagi at kalagayang ito ay sapat upang makagising ng inyong damdamin, sapat upang maka-antig sa inyong kalooban na patuloy ninyong kilalanin ang inyong sarili.

Patuloy ninyong damhin ang kahalagahan at kadakilaan ng inyong pagsisikhay. Patuloy ninyong kilalanin at unawain ang karunungan pala ng kalihiman ng buhay ang siyang daan patungo sa kaharian ng Diyos. Ang mga bahagi palang ito ang siyang sa inyo ay magbibigay ng sapat na larawan upang matanggap ninyo na napakaganda ang buhay at napakasarap ang mabuhay sa sandaigdigan.

Ang luha ay mawawala, ang hinaing ay mapapawi, ang paghahanap sa kawalan ang magkakaroon ng katugunan, ang paghahangad ay magkakaroon ng kasiyahan sapagka’t makasusum-pong ng katotohanan.

Dahil dito, sa inyong pagpapatuloy lagi ninyong damhin na naruroon ang mahalagang biyaya na inyong makukuha at inyong matatamo sa inyong paggawa. Kilalanin ninyo na naroroon ang magiging daan upang marating ninyo ang dako na kinakailangang ninyong pasukan.

Na dahil dito, mananatiling buhay sa inyong puso ang paghahangad na kayo ay matuto hindi sa bahagi ng isang katawan kung hindi matututo sa mga bahagi at kalagayan kung papaano isasagawa ang pag-big na inyong inu-unawa at kinikilala sa panahon ng inyong pakikipamuhay sa ibaba ng lupa.

Dito ako, hihinto upang bigyan ng sukat ang isang bahagi ng pag-ibig ng isang kaluluwa. Hindi iniibig na ito ay tanggalin nguni’t ako ay iibis pansamantala upang ibigay ang tinig ng isang kaluluwa na naruruoon ang malaking paghahangad na sa inyo ay magbahagi ng kanyang karanasan na natunghan, natanaw, natamo sa sandali ng kanyang paglalakbay.

1995-01-25 ARK RAF-FBT

Sumainyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, magahri ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga iniibig na kapatid, habang nakikilala ng tao ang mga bagay na kinakailangang kilalanin ay lalong karapat-dapat na kilalanin muna niya ang kanyang sarili sapagkat nasusuri ag lahat, natatanaw ang lalong pinakamalayang tanawain. Ngunit ang hindi matanaw at hindi makilala ay ang sariling katauhan.

Gayon pa man ay darating at darating ang panahon kung kailan ang mga bagay na gan-ganyan ay inyong mauunawaan sa kapanahunang ito ay patuloy ang mga pamamaraan na hindi karapat-dapat sa kanyang mga kapwa.

Nagagawa ng isang nilalang sa kanyang kapwa; na mayroon ng mga nilalang na hindi matutuhang umibig sa kanyang kapwa, subalit, sa katotohanan ang panahon ay nagpapatuloy at darating ang mga sandali ang mga buto na halamang nagsimula sa bunga ay malaglag sa kaibuturan ng lupa at doon magsisikhany tumubo.

Ngunit hindi tutubo ang isang halaman kung walang patak ng hamog ang isang nilalang kung hindi mauunawaang kinakailangang magawa ng maraming nilalang sa gitna ng kanilang pagdarahop sa buhay na iyan ay matutuhan lamang nilang bigyang kasiyahan ang kanilang mga sarili.

Hanapin ninyo ang karapat-dapat na tungkulin ng isang kapatid sa kapatid upang madama ninyo ang katotohanang sadyang darating at darating ang kapanahunan.

Iyan ang aking inilalagak at naghahangad ako ng isang kapayapaan ngayon at magpakailanman! Paalam, ang inyong Patnubay, Arkanghel Raphael.





 

 

 1995-01-04, FBT

Ang mga dakilang biyaya at pagpapala ng Panginoon at higit sa lahat sumainyo ang mahigpit na tali ng pagkakaunawaan, pag-iibigan, ngayon at magpakailanman!

Mga ginigiliw na kapatid, natiklop na o itiniklop na ninyo ang pahina ng isang yugto ng panahon? Na sa bawat pahina na inyong itinupi ay diyan nakatala ang mga bagay na inyong naging karanasan maging iyan man ay malungkot, maging iyan man ay masaya.

Iisa lamang ang kahulugan kung kaya nakahugis upang ilagay sa isang katayuang hindi matatapon, maingatan.  At ngayon ay unang yugto ng isang bagong panahon aliwalas ang unang pahina at higit sa lahat ay nais kong maging maayos ang inyong panulat at maitala ninyo ang darating; pinakamahalaga, pinakamaganda na inyong magiging karapatan.

Unang una, hatid ng Panginoon, subaybay ng kabatlayaan, at pangatlo, ang inyong mga karanasan at kapakinabangan sa inyong pag-aaral at pagtupad ng inyong tungkulin.

Nawa ay maunawaan ninyo ang mataos na hangarin ng kabatlayaan sa bawat pagniniig ninyong magkakapatid.  Sinusubaybayan kayo, binibilang at kung magkakaroon ng isang anak na hinahanap hindi lamang sa loob na ito kungdi kung saan ay nalalaman ng kabatlayaan, kayo ay nasusundan. Nasasaliksik ng kabatlayaan hanggang sa huling tibukin ng inyong mga puso.  Ito ang inyong tatandaan, mga ginigiliw na kapatid. 

Ang simulain ay mamahalin at igagalang, tutupdin ang lalo at pinakamataas na kahalagahan ng kanyang mga turo.  Hindi babayaan na madumihan ng gaano man bahid na dumi sapagkat paano ninyo matataglay ng buong kasiyahan sa dako pa roon kung kayo ang inyo-inyong mga dala-dalahan ay mayroon ng bahid at hindi ganap ang kalinisan.

Ang bawat isa sa inyo, mga ginigiliw na kapatid, ay magtotoo magmula sa pinakakaunting kapatid na nagsisiyasat at nag-aaral ay malaki ang pagkakataon na makapag-abuloy ng kanyang lakas at pagkakilala tungo sa isang mapayapa at maganda na karoroonan ng inyong mga kaluluwa.

Magmahalan kayo sapagkat iyan ang pinakabuod ng tunay na damdamin ng magkakapatid sapagkat kung ang pagmamahalaga ay mawawala sa inyong dibdib, paano ninyo maipadadama ang katotohanang manunuparan kayo ng batas ng dakilang Panginoon?

Ang inyong mga kapatid na walang pagka-unawa at lumalaboy sa sariling palad, huwag ninyong pagkaitan ng inyong mga pagkandili sa pamamagitan ng pag-aambil sa bawat isa sa ikapapanuto ng kanilang mga diwa at mga pagkukulang na kinakailangang matagpusan ng nilalang na iyan at diyan kayo magkakaroon ng mga tungkulin upang idalangin ang kanilang ikapapanuto at ipanalangin ninyo sa mga bagay ng kahinaan.

Magpapatuloy kayo ng buong kasiglahan at nais kong susugan lahat ng inyong mga kapatid ay mayroon na ng malayanag pagkakatatong bigyan ninyo sila ng puwang, antigin ninyo ang kanilang damadming kinikimkim sa kanilang mga sarili, ang kanilang mga kaalaman hinahabi nila sa iba at ibang pag-aaral ay bayaan ninyong ibahagi kayo at mabahagian ninyo ng lalong karapatdapat na aralin ng kabatlayaan.

Iyan ang aking hinahangad at nawa ay maghari sa inyo ang isang kapayapaan, kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman! Ang inyong Patnubay


 

 

1995-01-01, FBT

Sumainyo ang dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga iniibig na kapatid, nagpupuri ako at nagpapasalamat sa Dakilang Manlilikha at lahat at bawat isa sa inyong naririto na nagsasalo sa dulang ng Panginoon ay Kanyang ginagabayan, sinusubaybayan sa inyong mga mithiing masapit ninyo ang pook na kayong magkakapatid ay mayroon ng kasiyahang magsasalo, magtatagpo bilang pangunahing araw sa yugto ng panahon.

Nawa ay maging mayayamang butil kayo ng inyong pagtupad ng inyong mga tungkulin ay maging simula ang mga sandaling ito na mayroon kayo ng kasiglahang maitaguyod ninyo sa gtina ng maraming pagsubok na daraan sa inyo inyong mga buhay.

Mga iniibig na kapatid, nais kong sa unang araw, sa unang yugto ng panahon, kungdi man ninyo magawa sa unang gising ng inyong sarili, malaki pa ang pagkakataon na inyong maisagawa ang aking ihahabilin bilang isang alaala ko sa inyo at patotoo hindi ko kayo pinababayaan.

Ang pananahimik sa isang pook na hindi maliligalig

Sa ganap na ikatlo ng hapon sa araw na ito ay tandaan ninyo, mga iniibig, manahimik kayo sa isang pook na hindi kayo maliligalig kung hindi buong kapayapaang maki-ugnay kayo sa kaitaasan at manalangin.

Ito ang aking iaambag sa inyong mga pangangailangan at banggitin ninyo ang mga katagang itong mayroon ng maalab na pagnanasang gumawa. Mayroon ng isang damdaming nakahandang magpakatibay at magpakatatag.

Mayroon isang damdaming nakahandang magpakatibay at magpatatag. Magkaroon ng isang kaloobang hindi padadaig sa init ng isang simbuyo at isang pag-iisip na lagi ng aliwalas upang ang kanyang patataksikan ay magkaroon din ng kapayapaan.

Ito ang aking ihahabilin, na babanggitin ninyo sa sandaling kayo ay nakahanda na. Itikom ninyo ang inyong mga palad ng buong higpit sapagkat kayo ay hihiling ng mga bagay na pangangailangan ng inyong tunay na pagkatao.

Panalangin:

Dakilang Panginoong Makapangyarihan sa lahat, mga banal na Espiritung sa amin ay umaalakbay subaybayan Mo kami, Ama bigyan Mo po ako ng lakas sa pagkakataong ito na ako ay makatupad ng aking tungkulin unang-una sa aking mga bunso at kahinlog, sa aking mga kapwa at nauunawaan kong pag nagawa ko ang mga bagay na ito ako ay naroroon na sa inyong kaharian at tumutupad na ako ng aking tungkulin.

Panginoon, una at higit sa lahat, humihiling ako ng lahat ng mga bagay na buong-pusong maipagkakaloob sa aking mga anak, sa mga kahinlog ko, ang kapayapaan ng kaisipan, katatagan ng damdamin, kaloobang mapayapa at hindi mapagnasa ng mga bagay na maghahatid sa kanya sa kapinsalaan.

Liwanagan Mo ang isip ng bawat isa sa gitna ng paghihikahos ng aking mga kapwa ay huwag mo silang pabayaan maligaw ng landas, kungdi,isugo mo Panginoon, ang banal na alagad. Sa kanila ay ipa-isip ang karapatdapat at matagpuan nila ang pangangailangan nila ng buong kalinisan at kapayapaan.

At ako ay humihiling at dumadalangin na ipatong Mo sa aking bumbunan na magbigay lakas sa aking kaisipang gumawa ng mabuti sa aking mga kapwa. Ipatong mo Panginoon sa aking mga balikat ang bagay na mabigat na hindi madadala ng aking mga anak alang-alang sa pag-ibig at pagmamahal ng magulang sa kanyang anak.

Dadalhin ko Panginoon, upang mabigyan ng magandang halimbawa ang aking mga bunso at higit sa lahat ang aking kapaligiran. Kung ako ay makatupad sa aking tungkulin, hindi ko pagsasawaan kailanman at ang iyong banal na pagpapala ay lumalagana sa buong daigdig sa lahat at bawat isa. Siya nawa.

Mga minamahal na kapatid, sa kabila ng maraming tinanggap na alala ng mga nagmamahal sa inyo isama ninyo ang aking alaala upang sa gayon ay dumami ang inyong matanggap. Ingatan ninyo ang aking inihabilin sapagkat kapilas niyan ang aking matiim na pagnanasang magkaroon kayo ng katatagan sa lahat ng bagay maging sa kaligayahan, maging sa kabiguan ay kasama ninyo ako.

Pagpalain ang lahat sa dakilang subaybay ng Panginoon. Maghari ang pag-iibigan at pagkakawanggawa, ngayon at magpakailanman!

Arkanghel Rafael

Saganain kayo ng katotohanan at kadakilaang hinahangad ng lahat at bawat isa, ngayon at magpakailanman!

Ang pag-aaral, mga dakilang hangaring maisakanutayan ang bawat talata ng katotohang binabanggit ng kabatalyaan kung kaya at sa mga sandaling ito naririto kayo upang busugin ang inyong mga diwa ng mahahalagang araling lagi nang nakahandulong sa inyong mga diwa.

Banay-banay na pinagnanasaan ng lahat at bawat isang mananampalataya ang maisakatunayan ang kadakilaan ng pag-aaral at pag-ibig na lagi nang binabadha sa palatindigang ito, sapagkat kayo ay matagal nang nag-aaaral ng katotohang ito.

Bayaan ninyong sa inyong diwa ay manatili ang paninindigan ng katotohan ng inyong napag-aaralan. Huwag kayong magpalinga-linga, huwag ninyong bayaang ang inyong diwa ay maglaro sa kababaan kungdi ang katotohan at kadakilaan pag-aaral at pananampalataya ng tao, at maitindig sa pamamagitan ng paggawa ang inyong natutuhan.

Sapagkat sa daan ng kadakilaan at katotohanan ay diyan ang pagkatisod at pagkadapa. Huwag maging mahihina ang inyong pang-unawa. Huwag ninyong bayaang matisod kayo sa mga bagay ng kahinaan. Kinakailangang tatagan ng lahat at bawa't isa ang kanyang sarili.

Bayaan ninyong maglaro ang inyong diwa sa ganap na kabanalan at kabutihang hinahangad ng inyong diwa o kaluluwa. Bayaan ninyong ang kahinaan ay magpatuloy sa kanyang sarili at itindig ninyo ang kadakilaan ng inyong pag-aaral at pananampalataya, sapagka't napakarami ang manunukso, ang kahinaan sa kapatagang lupa.

Kung kayo ay hindi magpapakatatag sa inyong mga sarili sa aba ng inyong pagkakilala at pag-aaral madadapa kayo, matitisod kayo sa kapatagang ito sapagkat diyan minamalas ng kabatlayaan kung ano ang mga manggagawa ng Panginoon nagtototoo sa inyong pagkakilala at tungkulin at hindi ninyo pinapansin ang mga bagay na ikatitisod ng inyong sarili.

Pataasin ninyo ang antas ng inyong pagkakilala. Bayaan ninyo ang mga walang kabuluhang bagay ay malayo sa inyong mga diwa at patatagin ang bawa't sarili sa kadakilaan ng inyong natutuhan sa palatindigang ito sapagkat ang nagtuturo sa inyo ay ang mga banal na alagad ng Panginoon upang hindi kayo maligaw.

Subalit kung kayo ay magpapakaligaw sa inyong sarili at pupulutin ninyo ang kababaan ay kayo rin ang nagpabaya sa inyong tungkulin at pag-aaral. Kinakailangang ang tao ay manindigan sa paggawa ng mabuti sa kanyang kapwa.

Kinakailangang ang tao ay sa katotohanan ng kanyang natututuhan at di babayaang madapa, matisod ang kanyang sarili sa mga walang bagay na hindi dapat intindihin ng tao at itindig ang kadakilaang inyong natututuhan.

Huwag kayong magwalang bahala. Huwag ninyong sasabihing kayo ay tao lamang at diyan ay iginigiit ninyo ang kahinaan. Kaya't kinakailangang ang bawat mananampalataya ay manindigan sa katotohan at kadakilaan ng kanyang natututuhan upang maging dapat kayo sa harap ng Amang Makapangyarihan.

Kapayapaan ang muli kong inilalagak ngayon at magpakailanman. Paalam

 

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia