2024-10-14, Rebecca

2024-10-14 ARK RAF-RAD

Tanggapin ninyo ang liwanag at pag-ibig ng Espiritu Santo ngayon at magpasawalang hanggan.

Iisang mithiin ng tao, ang magtamo ng kaligtasan

Marami ang iniibig ng tao na kaniyang makamtan, mahawakan ng kaniyang mga palad, maihakbang ng kaniyang mga paa at maisagawa ng kaniyang katauhan. At sa maraming ito, naroroon ang iisa na mithiin, ang siya ay magtamo ng kaligtasan. Kaligtasan sa maraming bagay at pangyayari.

Hindi ibig ng tao na siya ay magkaramdam o magkasakit nguni’t sino ang makaiiwas sa karamdaman? May tao ba na sa kaniyang pagkabuhay hanggang sa kaniyang kamatayan ay hindi dadapuan ng karamdaman? At Kung ito ay mayroon, siya ba ay mapalad at doroon sa kataga na dakila?

Iyan ay buhay na may nakapaloob na mga aral at araling ang inihahayag ay katotohanan. Kung ang tao sa bawa’t karanasan ay nakapaloob ang mga gawa, dito kaya maituturing na nakapaloob at nakabatay ang pagtatamo ng kaligtasan?

Ang kaligtasan sa suliranin nakasalalay sa bawa’t igagalaw ng tao

Ang kaligtasan sa suliranin hindi lamang sa karamdaman, nakasalalay at nakasandig sa bawa’t igagalaw ng tao. Kung ang tao ay hindi magbibigay ng pansin at pag-uukol sa kabuuan ng kaniyang katawan, ano ang magkukulang? Ang pangangalaga ba dito? Ang pagkalinga? Ang pag-aaruga?

Kung ito ngayon ang siyang magkukulang, ano ang magiging hantungan ng bawa’t ginagawa at isinasagawa ng tao, sapagka’t siya ay nagkukulang ng pangangalaga sa templo ng Diyos? Hindi ba at naririyan, ang magiging bunga ay karamdaman?

Sa karamdaman bumabangon ang pagkatao, pagkatuto sa pagkukulang ng tao sa kanyang katawan

Samakatuwid, hindi nailigtas ng tao ang kaniyang sarili sa pagkakaramdam. At mula doon may bumabangon sa kaniyang pagkatao, ang pagkatuto, ang pagka-unawa na mayroon siya ng pinagkukulangan sa kaniyang katawan.

Samakatuwid, ang lahat ng bagay dinama mo man ang hindi karapat-dapat na ibinunga ng iyong paggalaw naroroon pa rin at nakapaloob ang layunin ng tao na matamo niya ang kaligtasan. Ipinangusap doon ng Panginoon bilang kaniyang pag-ibig, bilang paalala at paggunita, kung ano ang magiging kalagayan ng buhay sa Sandaigdigan. Ang Kaniyang pangungusap: Huwag magulumihanan ang inyong mga puso.

Samakatuwid, naroroon na ang pagpapa-unawa at pagpapatanaw na, ang buhay ay hindi lamang nasasangkapan ng mga kalagayan at mga bagay na magiging kaiga-igaya sa pandama, sa paningin ng bawat isa.

Sapagka’t kung taglay ng tao, sapagka’t siya ay isisilang sa mundong ito naroroon sa kaniyang pagpapatuloy ang magiging kahayagan, papaano niya dadalhin at pamamahalaan ang buhay na sa kaniya ay ibinigay?

Pagkukulang at kasalatan sa tunay na pagka-unawa ang dahilan ng pagkakamali

At sapagka’t nagkukulang at nagsasalat sa tunay na pagkaunawa, marami ang nagkakamali, nguni’t ang baitang na ito ang siyang nagbubukas ng kamalayan ng tao upang mauunawaan niya ang kalagayan ng kaniyang kabuuan; makilala niya kung ano ang bahagi ng bawa’t isa na kinakailangang kaniyang kunin at kinakailangan din na kaniyang adhikain.

Samakatuwid, iyan ang magiging kabuuan, ang mga bagay na hindi inaasahang darating upang ipadama na bawa’t kaniyang ginagawa, bawa’t kaniyang iginagalaw maging ang tibukin ng kaniyang puso at damahin ng kaniyang damdamin, maging ang bawa’t kislot at pagbubuo ng kaniyang isipan naroroon ngayon ang mga bahagi nagpapaunawa, paano matatamo ang kaligtasan.

Mga suliranin na bahagi ng karanasan bubuksan ang kakayahan ng tao na pamahalaan ang kanyang sarili

Kaya nga may suliranin, may daluyong at hamon ng buhay na nagiging bahagi ng karanasan ng bawa’t isa. Sa kalagayang ito ay nabubuksan ang kakayahan ng tao upang pamahalaan ang kaniyang sarili. Na, sa pagbubukas na ito ay humahangga doon sa mga kalagayan na siyang sa kaniya ay nagtuturo upang siya ay matuto sa buhay na kaniyang ginagalawan.

Sa pagharap sa mga hamon ng buhay sapagka’t nasasa kaniya ang lakas, ang kaniyang ipinanglulunas ay ang paglaban. Na, ang paglaban na ito ay nakasandig doon sa kaniyang kamulatan; kung papaano siya nagising, kung papaano niya tinitingnan at tinatanaw ang bawa’t pangyayari.

Kaya nga at iba at iba ang ibinibigay na panlunas ng tao sapagka’t ito man ay isang uri ng karamdamang kaniyang dinadala. Lumalaban na, nang dahil sa kasalatan at kakulangan ng pagka-unawa nagagalit, napopoot sa mga bagay na sa kaniya ay dumating bilang siyang isinagawa at iginagalaw ng tao.

Kung gayon, naroroon ba ang kaligtasan? Ang kapayapaan mawawala ba? Ang katahimikan ng kaniyang sarili naglalaho ba? Hindi ba iyan ay mga larawan ng buhay na, kung sadyang susuriin, sadyang ang kaligtasan sa lahat ay matatamo ng tao, sapagka’t matututuhan niya ngayong i-ayos, itumpak, ituwid, ilagay sa tamang daan ang kaniyang kabuuan mula doon sa kung papaano kinakailangang magbuo ang kaniyang pag-iisip.

Lakas na binuo ng pag-iisip ang mag-aatas kung ano ang igagalaw ng tao

Sapagka’t ang pagbubuong ito ang siya ngayong magpapatakbo at magpapagalaw sa bawa’t sangkapin ng kaniyang laman. Siyang mag-aatas at mag-uutos; kung papaano niya igagalaw ang kaniyang mga bisig, kung papaano niya rin igagalaw ang kaniyang mga kamay. Ito ba ay magiging kasangkapan upang manira at maniil ng kaniyang kapwa, sapagka’t iyon ang naging kabuuan ng lakas na dumaloy ay ipinadaloy sa isang pag-iisip?

Kaya at ang tao, hindi iniibig na siya ay makasakit; hindi iniibig na siya ay makapatay; hindi iniibig na siya ay makapaniil ng kaniyang kapwa, nguni’t ito ang siyang nagaganap. Kung gayon, hahanaping muli ang kaligtasan.

Mga kalagayan at hamon ng buhay na, kung ang tao ay lumalaban sa mga bahaging ito, ang inihahantad at ipinakikita ay kung ano ang mga kaalaman at karunungang sa kaniya ay naipon at kaniyang nakilala, kaniyang naunawaan at natutuhan.

Panatilihin ang kapayapaan at maiiwasan ang karamdaman

Na, kaya dumating hindi ba hinihingi ang isang patotoo, may alam ka na, isabuhay mo at unti-unti mong ilagay sa matuwid na kaparaanan sapagka’t diyan mo lamang matatamo ang kaligtasan sa kagulumihanan. Kaya at nananatili ang kapayapaan at katiwasayan sa iyong pagkatao at maiiwasan mo rin ang karamdaman.

Ano ang isinudlong sa pangungusap: Huwag magulumihanan ang iyong puso, na siya kanyang kasagutan upang matutuhang ituwid ng tao ang kaniyang sarili at hindi hanapin ang magbibigay ng katwiran doon sa kaniyang dinadama?

Sapagka’t hinahanap ng tao ang mga katwiran na magbibigay ng katarungan sa kaniyang dinadala at magbibigay ng katiwasayan sa kaniyang dinadama. Ang pagpapatuloy: magsisampalataya kayo sa Diyos, magsisampalataya naman kayo sa Akin.

Nguni’t paano ito masusunod? Paano ito magkakaroon ng puwang at daan upang sa kaniyang pakikipamuhay ang kaniya ngayong mapaghari sa kaniyang puso; ang pananalig, ang pananampalataya sa Diyos at sa Panginoon? Kailangan ba na alamin, ano ang pananampalataya?

Kabuuang dala-dala ng buhay at mga sangkap na ibinigay sa tao

Paano ang pananampalataya sa Diyos at sa Panginoon? Ano ang mga galaw at mga hakbang na ang itinatayo at itinitindig ay ang pananampalataya sa Diyos? Saang bahagi kailangang dalhin ng tao ang kaniyang sarili upang ang kaniyang lakaran at ipatanaw siya ay nananampalataya sa Diyos?

Iyan ang kabuuang dala-dala ng buhay. Iyan ang mga sangkap na sa kaniya ay ibinigay. Iyan ang mga larawang ipinatatanaw upang ang lahat at bawa’t isa, sa sandaling magising at mamulat sa iisang katotohanan doon ngayon tatahak at hahakbang ang kaniyang mga paa upang ang marating ang kaligtasan ng kaniyang sarili.

Kaligtasan ng isang kaluluwa, paggalaw na naka-ayon sa batas

Ang kaligtasan ng kaniyang kaluluwa sapagka’t bawa’t kaniyang igagalaw wala ng magiging pananagutan, sapagka’t ang lahat ng ito ay naka-ayon, nakapaloob sa batas na siyang humahawak, siya rin na nagbibigay ng kahatulan kung ano ang dapat na mangyari sa buhay ng bawa’t tao sapagka’t iyan ay bahagi na ng kaniyang panahon mula pa sa kaniyang pagsilang hanggang doon sa abutin niya ang kaniyang kamatayan.

Kaya nga at kung hindi man malabanan ng tao ang bahagi ng kirot at sakit na ito, hindi ba at naroroon pa rin ang pag-ibig niya na siya ay hindi manatili sa kagulumihanan at sa kawalan ng kapayapaan. Kaya nga tinatalikuran at tinatalikdan ng tao ang kaniyang tungkulin sa kaniyang sarili, bigyan ito ng pagkatuto.

Yaman ng diwa ang gagabay upang hindi maligaw ng landas ang tao

Nililimot at ipinagwawalang bahala ang bawa’t karanasang sa kaniya ay dumarating. Samantalang ang mga bahaging ito na sangkap ng buhay ang siya ngayong mga daan at mga landas upang matupad ang layunin ng isang kaluluwa na mapayaman ang kaniyang sarili, mapasagana ang kaniyang sarili, bigyan ng yaman ang kaniyang diwa, ang kaniyang isipan ng mga karunungan at kaalamang siyang sa kaniya ay gagabay upang hindi siya maligaw ng kaniyang landas.

Pasasaganain ang damdamin ng pag-ibig at pagmamahal upang malabanan ang kirot at sakit na kaniyang dinadama. Matamo ang katiwasayan at katahimikan sapagka’t sa gayong kalagayan nagkakaroon ng puwang ang liwanag upang siya ngayong humawak sa kaniyang isipan na siyang magbibigay ng kapasyahan kung ano ang kaniyang igagalaw at kung ano ang kaniyang isasagawa.

Kung ang lahat ng ito ay magiging malinaw sa pagkaunawa ng bawa’t isa, katotohanan, katotohanan lahat ay magtatamo ng kaniyang kaligtasan. At iyan ang pagpapadama kung bakit mahalaga ang buhay na walang hanggan.

Ito ang aking sa inyo ay inihahandog upang maunawaan ng inyong mga sarili, kayo ang kararapat-dapat na magpatakbo ng buhay at hindi ang kabuuan ng buhay ang siyang sa inyo ay magpatakbo at siyang sa inyo ay mamahala sapagka’t iyan ang inyong kalayaan, iyan ang inyong karapatan.

Ang lunas sa karamdaman ay matatag na pananampalataya

Kaya nga ang pagpili sa daang inyong tatahakin, ang pagpili sa landas na inyong tatalaktakin at tutugpahin doon ngayon ninyo ilagay ang kahayagan, ang kalunasan sa karamdaman ay ang matatag na pananampalataya. Kaya at iyon ang pinagsama: Huwag magulumihanan ang inyong mga puso, magsisampalataya kayo sa Diyos, magsisampalataya naman kayo sa Akin.

Hanggang dito at muli tanggapin ninyo ang pag-ibig at liwanag ng Espiritu Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Arkanghel Raphael.

Centro Ilaw ng Sanlibutan

Talaytayan, Kpd. Rebecca Dungo


Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia