2024-10-05, Rebecca
2024-10-05 APO PAB-RAD
Sumainyo nawa ang biyaya, liwanag at kapayapaan ngayon at hanggang sa wakas.
Ang kabuuan ng galaw sa Sandaigdigan ay mga bahagi ng nota ng isang musika, na, kapag pinagsamasama naroroon ang ganda na dala ng buhay. Naroroon ang mga biyayang inihahandog sa buhay.
Pananampalataya ini-aangat ang kaalaman sa karunungan ng tao
Ito ang mga nota ng pananampalataya na, kapag lumikha ng tunog i-aangat ang kaalaman at karunungang dala ng tao tungo sa isang pagka-unawa na ang bawa’t igagalaw ay magiging salamin ng buhay sapagka’t ito ang kasaysayan ng kaligtasan.
At diyan ngayon nakapaloob na ang bawa’t pangyayari at kahayagan ang siyang nagtitimbang, naglalagay sa balanse ng kahingian ng tao. Inilalagay ng bawa’t pangyayari ang katarungan upang ang sinomang lumalabag ay hindi maaaring hindi mabatasan.
Ang tumatalima nagpapatuloy dala ang liwanag na tatanglaw sa landas na daraanan na may kapayapaan
Nguni’t ang tumatalima at umaalinsunod makapagpapatuloy na dala niya ang kaniyang liwanag na siyang tatanglaw sa landas na kaniyang dinadaanan upang makapanatili na ang naghahari sa kaniyang puso ang kapayapaan. Ito ba ay sa lupa lamang na maaaring maganap at mangyari? Samantalang laging naroroon nakalagay sa bilao ng timbangan ng buhay at kamatayan.
Sapagka’t kung ang buhay ang pagbubukas kung ano ang landas na kinakailangang buuin at tahakin ng isang kaluluwa, ang kamatayan ang siya ngayong magdadala. Ang kamatayan ang siya ngayong maghahantad at magbubukas kung ang panahon ng kaniyang pagsilang at nilakarang buhay ay natupad at naganap ang tungkulin na siya niyang sinumpaan.
Halaga ng pag-alala at tuparin ng isang Espiritung naghubad na ng bihisang-laman
Kung gayon, kapwa mahalaga kaya at minimithi ng taong magpatuloy ang buhay. Sa pagpapatuloy na ito, doon ngayon tumatahak ang gampanin at tuparin ng isang Espiritu. Na, sa kaniyang paglisan sapagka’t naghubad na ng bihisan ukol sa laman mahalaga ba at magiging mahalaga ang pag-alala sa kaniya? Ang paggunita sa buhay na kaniyang nilakaran? Ang muling ibalik ang mga kalagayan at kahayagang sa kaniya ay bumuo bilang tao na nabuhay at nakipamuhay sa lupa? Mahalaga ba ito?
Kaya nga, itinatambal at ibinibigay ng tao ang isang panahon upang ang lumisan sa lupa ay alalahanin. Ano ang kailangang alalahanin at manatili sa gunita bilang pagbabalik sa buhay ng isang yumao? Ang kaniya bang naging tagumpay? Ang marami na mga pangarap ba kaniyang naabot? Ang karangalan na sa kaniya ay isinuob?
Oo, bahagi ito, nguni’t kung ang pagsulong at pag-unlad ng isang kaluluwa o ng isang Espiritu ang siyang kinakailangan, nagiging mahalaga ang pag-alala sa yumao kung ang mga bahagi na kaniyang natamo ay itinatambal, papaano niya nakuha ang tagumpay?
Paano niya nakamit ang kaniyang mga pinangarap sa buhay? Papaano niya natamo ang karangalang hangga ngayon ay ginugunita ng marami? Ano ang naging kaparaanan upang ito ay mapasa kanya. Ito ba ang ipagiging dakila ng pag-alala sa isang yumao?
Sapagka’t ang bawa’t kaparaanan na babalik doon masisilayan at masisilip kung ano ang baitang na kaniyang tinuntungan; kung gaano ang taas at bilang ng baitang ng hagdan na kaniya ngayong nilampasan at kaniyang nahakbangan na dala-dala sa kaniyang puso ang kababaang loob.
Natamo ng bawa't isa sa lupa ay sa kanyang pagpupunyagi at sa pag-ibig ng Diyos
Na ang bawa’t kaniyang natamo sa lupa ay hindi sa kaniya nagmula lamang, kung hindi ito ay bahagi ng kaniyang pagpupunyagi. Bahagi ng kaniyang pagsisikhay. Bahagi ng kaniyang pagpapakasakit upang ipakikala't ipaunawa ang lahat ay nasa palad ng Diyos. Ang lahat ay nasa pag-ibig ng Diyos. Ang lahat ay naroroon sa katarungan at kapangyarihan ng Diyos.
Na, kung ito ang mauunawaan marahil ay walang sinomang magmamalabis sa kapangyarihang kaniyang tinataglay, sapagka’t sa kaniyang sarili tulad ng naitala sa Banal na Kasulatan, walang magagawa ang tao malibang ipahintulot ng Diyos.
Ang pag-ibig ay nagpapaunawa sa katitikan ng batas, sandaigdigan ay nakatali sa mga batas
Kung ito ngayon ang magiging batayan ng bawa’t isa lalakad ang tao na naroroon ang katapatan upang unawain ang bawa’t batas na sa kaniya ay lumulukob. Sapagka’t ang Sandaigdigan ay nakatali sa mga batas na, kinakailangang siya ngayong mamahala sa bawa’t isa.
Ang batas na kaalakbay ang kaalaman at karunungan, at ang pag-ibig sapagkat ito kapag pinagsama ang bawa’t bahagi na igagalaw ng tao naroroon magiging pinakamalapit sa katotohanan. Kaya nga, ang pag-alala sa yumao ay hindi sa kadakilaan at karangalang kaniyang nakamit.
Kung hindi, doon sa mga pagpupunyagi at mga pagpapakasakit na kaniyang nilakaran at hinakbangan alang-alang sa kahayagan ng katotohanan kaalakbay ang pag-ibig, sapagka’t ang pag-ibig ang siyang nagkakalag sa tali ng bawa’t suliranin. Ang pag-ibig ang siyang nagpapaunawa sa bawa’t katitikan ng batas na dapat masunod sa pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa.
Buhay ng mga lumisan, kasaysayan ng sandaigdigang tularan ng magandang bihisan at kasuotan
Kung gayon, kasaysayan ng Sandaigdigan ang buhay na ito ng mga lumisan. Kasaysayang sasalaminin. Kasaysayang gagawing padron upang makabuo ng magandang bihisan at kasuotan. Kasaysayan na siyang magiging pundasyon ng diwa upang bawa’t magiging pagpapasya at pamamahala sa kaniyang sarili, ang naroroon ang kaniyang magiging kaligtasan sa pagkakasala.
Bawa’t aralin ipinapakita ang galaw, bawat gawa ay pinsel na gumuguhit ng larawan
Na dahil diyan, bawa’t aralin ng buhay ay ibinibigay at ipinakikita, sapagka’t ang galaw na ito, ang bawa’t gawa ng bawa’t isa ay tulad ng canvas na kung saan ang kaunawaan, ang kaalaman, ang katangian ng tao ang siya ngayong pinsel na ipinangguguhit upang ipakita ang larawan ng pag-iibigan na siyang kautusan ng Diyos.
Kung iyan ang daloy ng buhay, ang tanong na aking sa inyo ay iiwan upang ito ay matupad sapagka’t iyan ang kasulatang ginaganap ng bawa’t tao na nagbibigay ng katwiran sa kaniyang sarili upang ang kaniyang ginawa ay magkaroon ng katarungan, ang pangungusap, "Kailangan bang gumawa ng masama upang dumating ang mabuti?"
Ito ang aking sa inyo ay iniiwan upang mula sa katanungang ito doon ngayon mabuksan ang malay, ganito pala kinakailangang kilalanin ko ang aking sarili. Muli, sumainyo ang biyaya, liwanag at kapayapaan ngayon at hanggang sa wakas. Apostol Pablo, Paalam
Talaytayan, Kpd. Rebecca Dungo
Comments
Post a Comment