2024-09-29, Rebecca

2024-09-29 ARK RAF-RAD

Paksa: Pagsisisi

Sumainyo ang liwanag ng Espiritu Santo ngayon at magpasawalang hanggan.

Bawa’t galaw at paggawa ng tao ay laging mayroon ng kanyang dahilan, laging may layunin sa kanyang kalagayan. Sapagka’t ang pasimulang ito ang siyang magbubukas ng kanyang kabuuan upang maunawaan bakit siya ay nabubuhay sa lupa o sa sandaigdigan.


At kung ito ngayon ang siyang simula, doon ngayon hahakbang ang bawa’t isa upang hanapin at kilalanin ang kanyang sarili bilang tao na nakikipamuhay sa mundong ibabaw. At ang paghahanap na ito, ang siya ngayong magdadala upang mabuksan ang isang kamalayan.

Mabuksan ang isang pagka-unawa na kailangan niya ngayong pag-aralan, kailangan niyang suriin, kailangan niyang saliksikin sapagka’t mayroon ng pumipintig sa kanyang kabuuan na siyang wari ay tinignan ng Diyos ang kanyang budhi na siya ngayong pumipintig upang balikan ng tao ang kanyang ginawa kahapon.

Ang proseso ng pagsisisi

Paghahangad na ang tao ay magbago at makapagbago

Samakatwid, ang inilalarawan nito ay ang paghahangad ng tao na mayroon ang sa kanya ay mabago, kaya nga at, bahagi ng pagsisisi ang pagmimithi ng bawa’t isa na siya ay magbago at makapagbago at sa ganyang kahayagan, doon ngayon ang tao ay mag-uukol ng katahimikan sa kanyang sarili.

Pagsisikhay ng bigyan ng kapayapaan ang kaluluwa

Sisikhayin na mabigyan ng kapayapaan ang kanyang kaluluwa sapagka’t mayroon siya ng babalikan na kailangang mayroon ng sa kanya ay ihantad at mayroon ng sa kanya ay ilarawan, ito ba ang kanyang naging pagkukulang na nawala sa kaayusan?

Nawala sa katumpakan ang kanyang mga naging galaw? Ito ba ang mga pagkakamali na nang dahil siya ay kulang pa sa kaalaman ng tunay na paggawa ? Ito rin ba ang kakulangan ng liwanag sapagka’t nasanay ang tao na lumakad sa kadiliman?

Pag-alis sa kaugalian ng kataasan, kapalaluan ang labis na pagmamahal sa sarili

Kung ito ang bahagi ng pagsisisi na dadaanan ng tao, samakatwid, inilalarawan na ang tao ay umaalis na doon sa isang kaugalian na pagiging mataas, pagiging palalo, at labis na pagmamahal sa kanyang sarili na ang tanging tinitignan alam na niya ang lahat; nasasa kanya na ang pagiging mahusay at magaling, nasasa kanya na ang katalinuhang hindi maaaring siya ay magkamali at siya ay lumisya sa tamang tuntunin na siya ang katotohanan.

Datapwa’t; kailangan ng tao na umunlad, kailangan ng tao ang sumulong, kailangan ng tao na mula sa mababa na kanyang pagkaunawa siya ay maka-igpaw sapagka’t kailangan niyang umangat kailangang niyang umantas.

Ang pagbubukas ng puso na kahayagan ng pag-ibig na ipinagkulang sa kapwa

Kung gayon, iyan ang mga bahagi at baitang ng pagsisisi sapagka’t kung ito ngayon ay wawariin at lilimiin ang pagsisisi ay pagbubukas ng kanyang puso upang madama ang kahayagan ng pag-ibig na kanyang ipinagkulang sapagka’t ito ay hindi naging bahagi nga kanyang pakikipamuhay sa pamamagitan ng kanyang kapwa na kailangan niyang mapaglingkuran sapagka’t iyan ang katangian bilang anak ng Diyos.

Ang pagtitika sa mga nagawa na labag sa batas ng tunay ng pag-iibigan

Kung gayon, ang kabuuan nito ay pag-ahon ng tao na sa kapaniwalaan ng iba ay pagtitika sa kanyang mga maling nagawa, pagbibigay ng katapusan sa kanyang mga ginawang naging labag sa batas ng tunay na pag-iibigan.

Mga bahagi ng kahayagan na kalagayan kung saan kanyang kinamishasnan, at kinahiratian o kinasanayan na ito ay; kanyang lakaran, ang kanya ngayong hakbangan, kanyang gawin sapagka’t iyon ang sa kanya ay nagbibigay ng kasiyahan nagbibigay ng ikaginhawahan at kasaganahan.

Kaya nga at nasanay ang tao sa isang gawa na hindi nagkaroon ng bahagi upang kanya itong suriin sapagka’t ang naroroon sa kanyang puso; siya ay pinasasaya, siya ay pinaliligaya, siya ay binibigyan ng karangalan, siya ay binibigyan ng kapurihan, siya ay binibigyan ng yaman ng sanlibutan na ngayon siya ay nakahiga sa kasaganaan.

Pagsusuri sa mga ginawa ng tao upang sukatin saan siya dadalhin ng naimpok na kaalaman

Nasasanay ang tao sa kahayagang ito, kaya nga at hindi dumarating ang pagsusuri sa kanyang mga ginagawa hindi dumarating ang isang sandali na binubuksan ang kanyang pag-iisip upang sukatin at tayahin saan siya dinadala ng kanyang mga ano ang iniimpok ng kanyang mga palad ano ang tinatanaw ng kanyang mga mata ano ang dinidinig ng kanyang teynga at ano ang ipinangungusap ng kanyang bibig.

Ang bahagi ng karanasan sa iginalaw at isinagawa ng tao sa lupa

Nguni’t kalanman hindi makatatakas ang tao sa mga karanasan sapagka’t ang kanyang iginagalaw at kanyang isinasagawa sa lupa ang siya ngayon na bumubuo kung anong karanasan ang dadanasin niya sa kanyang pakikipamuhay.

At; ang karanasang ito ngayon ang siyang magtuturo, ang karanasang ito ang siya ngayon magbubukas at magmumulat, upang gisingin ang kanyang kahayagan at kabuuan bilang anak ng Diyos. Na doon; ngayon ang tao ay natututo, ngayon na mag-isip, natututo ngayon na balikan ang kanyang mga isinagawa sapagka’t may pumipintig. Aking uulitin, may pumipintig at umaantig sa kanyang kabuuan

Sa pagbabalik sa mga isinagawa may pipintig at aantig sa kabuuan ng isang tao

Na dahil dito, ang bawa’t isa ay inilalagay sa liwanag upang makita ng kanyang sarili; kung ano ang dapat niyang ayusin, kung ano ang dapat niya na punan, kung ano ang dapat niya na kalagin, kung ano ang dapat niya na tagpian, kung ano ang dapat niya na baguhin at iyan ang kahayagan na kanyang lalakaran at pagsisisi.

Kahalagahan at layunin ng pagsisisi

Sapagka’t ang pagsisisi ay paglalarawan ng paggawa na ang layon ay makita ang katotohanang sa kanya ay makapagpapalaya, ang pagsisisi ay adhikain ng kanyang Espiritu na i-ahon ang behikulong laman upang maalis at makaalis doon sa kanyang kinalugmukan.


Ang layunin ng pagsisisi bigyan ng kahayagan ang liwanag upang makita niya ngayon; kung papaano niya dadalhin at papaano niya ngayon tatanggapin ang kahayagang ibinibigay sa mundong ibabaw, kung paano niya tatanawin ang bawa’t nangyayari mula sa kalikasan.

Mula sa bawa’t bahagi na katulad niya ay binigyan din ng buhay ng Diyos, paano niya tatanawin ang ibinibigay na lakas ng mundo, paano niya tatanggapin ang kahayagang bilang siyang bunga ng ginawa ng tao.

Lalandasin ng tao ang tunay na pagbabago sa larangan ng pagsasagawa

At ito ay mga bahagi ng baitang na siya ngayon na nagpapapakilala, siya ngayon na nagpapadama upang ang tao ay dumaan doon sa isang landas na ang kanyang gaganapin ay pagtitika o pagsisisi sapagka’t siya ngayon ay nagmimithi at naghahangad na magkaroon ng tunay na pagbabago isang pagbabagong hindi ipangungusap lamang isang pagbabagong hindi aadhikain ng isipan lang isang pagbabagong hindi mimithiin lamang na hindi kailanman ilalagay sa larangan ng pagsasagawa o pagsasabuhay.

Hindi ito ang diwa na ibinibigay upang ang tao mawika at maipangusap, “nagsisisi ako,” at madadama niya ang kanyang kapayapaan kung hindi ang pagsisisi o pagsasabuhay ng lahat ng matwid na iyong natutuhan sapagka’t ang itinuro ng bawa’t karanasan.

Ang pagsisisi ay pagbubukas ng puso ng tao upang maunawaan ang layunin niya sa buhay

Ang pagsisisi ay pagdama sa kahayagan na dinadama ng iba ang pagsisisi ay pagbubukas nga kanyang puso upang maunawaan ang layon niya sa kanyang buhay, at ito kailangang dadanasin at lalakaran ng tao.

Doon kaya sa isang sandali na ang tao ay handa na, na magbago sapagka’t mayroon na ng nabuksan sa kanyang puso na natatanggap niya at naamin niya na ang kanyang isinagawa ang kanyang inisip ang kanyang isinalita ang kanyang dininig at ibinahagi sa kanyang kapwa ay hindi na-angkop doon sa mabuti at matuwid na paggawa? Dito kaya darating na ang tao ay maka-uunawang kailangan na niyang magsisi?

Kung iyan ay mga baitang at proseso na kailangang daanan ng tao, hindi kaya unang-una na sa kanya ay kailangang mabuksan katulad ng ipinangusap sa Banal na Aklat: taglayin ninyo ang kaalaman at karunungan ng isang serpiyente nguni’t kunin at taglayin ninyo ang kaamuan ng isang kalapati.

Diyan ngayon napapaloob ang kahalagahan at kadakilaan ng katagang ito, ang pagsisisi, sapagka’t bawa’t wiglang ng kanyang pagkatao ay; kanyang sinusuri, kanyang sinasaliksik, kanyang sinisiyasat, upang maging bahagi ng isang pag-aral sapagka’t nadarama niya doon siya nakagawa ng kanyang magiging pananagutan at doon din siya nakagawa, na ang naging hangganan ay kasalanan at nauunawaan din ng bawa’t isa na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan.

Ang pagmimithi ng tao na magkaroon ng katapusan ang kanyang kamangmangan

Iyan ay bahagi ng pagsisisi na nagmimithi na magkaroon ng katapusan ang kanyang kamangmangan sa tunay na paggawa upang makarating sa kaharian ng Diyos. At kung iyan ang dala ng bawa’t pag-inog ng mundo, at iyan din ang dala ng bawa’t pagsikat at paglubog ng araw.

Naroroon ang bawa’t sandali na nilalakaran ng buhay ng tao ay katulad ng isang kalagayan at isang kahayagan na ang tao sa kanyang sarili ay maging kawangis at katulad; sa layunin ng Diyos, sa adhikain ng Diyos, sa mithiin ng Diyos, na isukdol ang kaunawaan ng isang kaluluwa.

Upang sa paggaod at pakikipamuhay sa lupang ito o sa mundong ibabaw; siya ay maging bahagi hindi ng tagapagwasak at mangwawasak, kung hindi, siya ay maging bahagi ng magiging tagapagbuo ng lahat ng nasira at nawasak nang dahil sa kakulangan ng tunay na kaalaman at karunungan ng tao na kailangang maging bahagi ng kaanyang kabuuan at ng kanyang buhay.

Hangganan ng pagtitika ay ang pag-ahon sa hindi karapat-dapat na isinasagawa ng tao

Dito ngayon hahangga ang pagtitika at kinakailangang humangga ang pagtitika ng tao ang siya ay; makaalis, makakalag, maka-ahon, doon sa hindi karapat-dapat na kanyang isinasagawa sapagka’t iyan ang magiging kabuuan.

At patotoo, sadya lamang kapag naganap ang pagsisisi sa kabuuan ng sangkatauhan ang lahat ng winasak ng kamangmangan ay bubuoin ng kaalaman sapagka’t ang tao at ang isang diwa ay naroroon na at humahangga upang siya ay maging pantas, at maalam sa kanyang sarili na ang lahat ay ini-aayon sa Iisa na nagwiwika at nangungusap, hindi bago hindi luma: mag-ibigan kayo sa isa at isa.

At iyan ang tumatali upang maganap at humangga ang pagtitika ng tao doon sa kanyang kahingian madala at marating ang kadalisayan. Ito ang akin sa inyo ay iniiwan , muli sumainyo ang liwanag ng Espiritu Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Raphael, paalam.

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia