2024-08-30, Rebecca
2024-08-30 SAN ANT-RAD
Liwanag at kapayapaan sa kaitaasan ngayon at magpasawalang hanggan.
Ang paggawa ng bawa’t tao kung minsan ay nagkakaroon ng kinalaman ang kanyang kinamulatan. Kung ano ang kinamulatan ng isang bata at yaon din ang ipinamulat ng isang magulang, naroroon ang pagsibol ng isang kaalaman kung papaano siya ay gagawa sa kanyang buhay.
Samakatwid, kung ang kinamulatan ay isang uri ng pundasyon ng paggawa, marahil ay magiging maganda kung ang bawa’t magulang ang ipinamulat ay ang pag-ibig sa Diyos. Ang paggalang at pagpapahalaga; sa magandang kaugalian, sa magandang kaasalan, upang sa kanyang pakikitalad sa buhay ito ang kanyang lakarin.
Datapwa’t sadyang naroroon laging dalawang bahagi ang kailangang matanaw ng bawa’t isa. Na, sa dalawang bahaging ito doon ngayon maghahawan ng landas upang makita ng isang musmos kung alin ang tama at kung alin ang mali. Kung alin ang mabuti na karapat-dapat at alin ang mabuti na hindi karapat-dapat.
Diyan ngayon nagbubukas ang isang kamalayan upang ang hanapin ng tao ay ang kanyang magiging gabay, ang kanyang magiging patnubay, na kung saan siya ay dadalhin doon sa mabuting layunin ng Diyos, ng dalawa na siyang hantungan ng bawa’t isa na nabubuhay sa lupa.
Na dahil diyan, sa mumunti na magandang magagawa ng tao, hindi baga doon mahahango ang salita ng kabayanihan. Sa mababaw na mga larawan na ipinatatanaw, nangyayari sa pang-araw araw na karanasan ay naroroon ang kabayanihang ngagawa ng isang kaluluwa na mayroon na ng hangarin at naging layunin sa kanyang sarili; siya ay maging mabuti, siya ay maging matuwid , siya ay makagawa nang lalong ikabubuti.
At kung ito ngayon ang siyang mauunawaan sa isang sandali na ang tao ay nagpakasakit, na ang kanyang paggawa ay maging bahagi ng kanyang kapwa, kasakdalan na kanyang isa-isang tabi ang kanyang kaligayahan, hindi baga ito ay maituturing at maitatawag na kabayanihan sa kanyang sarili lalo na kung ito ay para sa ikabubuti ng lahat at bawa’t isa.
Ang isang magulang na nagsisikap at nagsisikhay upang maitaguyod ang magandang kinabukasan ng kanyang mga anak. Nagsisikap at nagpupunyagi na ang kanyang mga anak, ay kanyang maturuan doon sa landas ng kabutihan. Hindi ba iyan ay matatawag at maituturing na isang kabayanihan, naisasagawa ang isang magulang sa pang-araw araw na kanyang pakikipamuhay sa lupa?
Ano pa nga na naroroon ang layunin mabigyan kaligayahan at kasiyahan ang kanyang pamilya. Na sa bawa’t pag-aatang at pangalang ibinibigay bagaman ito ay nagiging mabigat para sa kanya nguni’t nang dahil sa pagmamahal ay isina-isangtabi ang kanyang kalagayan bilang isang kabataan, hindi ba iyan ay maituturing at maitatawag na isang kabayanihang nagagawa ng inyong pagkatao?
Na, naroroon sa musmos na pagkakilala, nakita ng isang anak na ang kanyang ina ay walang humpay sa paggawa, dumudulog sa kanyang magulang, hiningi, aking ina ako na po ang gagawa, ako na ang magsasaing upang magkaroon tayo ng kainin. Hindi ba iyan ay isang mababaw, isang maliit na maituturin at maitatawag na isang kabayanihang nagagawa ng isang musmos sapagka’t naroroon pa ang kanyang kakayahan.
Nguni’t sa kanyang munting kakayahang ito, ano ang sa kanya ay tumutubo at sumisibol; ang pag-ibig, ang pagmamahal, ang paglilingkod, ang pag-aalala, ang pagmamalasakit sa kapakanan ng kanyang magulang. At iyan ay bahagi ng isang mababaw na kahulugan ng kabayanihan na hindi maaari na kapag iyong ngayong tinanggap mula ngayon, marami kayong mababaw na kabayanihan sisikhayin at sisikapin na magawa ninyo sa loob ng inyong tahanan.
Ang bawa’t mag-aaral na naririto ay nakagagawa ng kanyang kabayanihan sa kanyang sarili. Naririto kayo na naroroon ang layuning mabigyan ng pagkain ang inyong kaluluwa, nabubuo ang kaalaman ng inyong isipan, ng inyong mga diwa upang sa inyong pakikipamuhay, makitang nasasa inyo ang magandang halimbawa bilang tunay na anak ng Diyos. Hindi ba iyan ay magiging kabayanihan para sa inyo?
Sinusupil ninyo ang kahingain ng inyong pagkatao, sinusupil ninyo na kayo ay makatulong, sinusupil ninyo ang bawa’t kahingian ng materyal ninyong pagkatao, hindi ba iyan ay maituturing ninyo na sa sandaling ito na kayo ay nag-aaral nakagagawa kayo ng munting kabayanihan?
Hindi ninyo hahanapin ang malalim na kabayanihan, sapagka’t kailan ninyo ito maisasagawa? Samantalang kung doon sa maliliit at mumunting bagay na nagagawang magpakasakit, naroroon ang pagmamalasakit sa kapakanan ng iba, naroroon ang pagpapahalag sa magiging kapakinabangan ng iba ayon sa kanyang ikatutuwid at kanyang ikabubuti. Iyon ay isang kabayanihan ng inyong maisasagawa.
Ang pagdisiplina ninyo sa inyong sarili mula sa inyong pananalita sinusupil ninyo na kayo ay makapagbigay ng isang salitang makasusugat at makasasakit sa damdamin ng inyong kapwa, hindi ba iyan ay maituturing na kabayanihan na magagawa ninyo sa inyong pang-araw araw ng buhay?
At kung ito ay mumunti, hindi baga na iyan ay madadagdagan hanggang sa ang bunga maging malaki, at mula sa malaki naroroon na ang kanyang kabuuan na magpapakita kayo ay mag-aaral at sa inyong natutuhang ito, naroroon ang pagmamahal at pagmamalasakit sa inyong sarili na kayo ay makagawa ng pinakamabuti sapagka’t iyan ang magpapatotoo, kayo nga ay nag-aaral sa kalihiman ng buhay.
At iyan ay mga bahagi ng bunga na inyong aanihin, na kung kayo ngayon ay magtitiyaga, hindi maaari na mayroon kayo na aanihin sa mga araw na darating. At ang aanihin ninyong ito ang kapakanan ng inyong sarili na kung saan naroroon ang isang pag-iisip ay laging mayroon ng tanglaw ng liwanag na kanyang madadala.
Ang kanyang damdamin ay laging nagkakaroon ng kapayapaan sa kanyang kalagayan. Ang kanyang kalooban ay magkakaroon din na mga ipon na kung saan naroroon ang kanyang magiging paninindigan kung ito ang tama; ito ang kanyang lalakaran, ito ang kanyang ipagpapatuloy, ito ang kanyang pupunyagian at sisikhaying mapagtagumpayan.
At kung ito ang mali, ito ang kanya ngayong sisikhayin na huwag ng maisagawa sa takbo ng kanyang pakikipamuhay. Ganyan ang kabayanihan na magagawa ninyo sa inyong sarili na kung saan, kapag ito ay inyong isinagawa, hindi baga ang inyong kapaligiran magagawa ninyo ngayon na mapagbago ang inyong kapaligiran kung mayroon man karumhan ay magagawa ninyo ngayon na unti-unting makita kung ano ang halaga ng kalinisan ng pakikipamuhay sa sandaigdigang ito sapagka’t iyan sa inyo magsisimula, sa inyo ay ang magpapasimula sapagka’t kayo ay nagkaroon ng bukas na kamalayan kung ano ang karapat-dapat na inyong isagawa sa inyong pakikipamuhay.
Na dahil diyan, iyan ngayon ang inyong ipagpatuloy, iyan ang siya ninyo na lagi na ay ilagay sa inyong lukbutan upang kung papaano na sa inyo ay ipinagkaloob ay maraming aanihin nguni’t at kakaunti ang mang-aani.
Magalak kayo at matuwa kung kayo ang kakaunti na napabilang doon sa aani ng bunga sapagka’t iyan ang biyaya na inyong makakamtam na lagi kayo ay matuto magpahalaga hindi lamang sa kapakanan at kapakinabangan ng inyong kabuuan kung hindi, lalo at higit sa kapakanan ng nakararami, upang kung ano ang liwanag, kung inyong mataglay ay siya rin liwanag na inyong maibigay at maipagkaloob sa inyong kapaligiran.
Kung ano ang gabay na sa inyo ngayon ay ipinagkakaloob at nadama ninyo, ito ang siyang nagbibigay ng lakas, iyan din ang maging gabay na inyong maibahagi at maihandog sa inyong kapwa at sa inyong kapaligiran sapagka’t diyan kayo unti-unti nagpapakita kayo ay naka-unawa na paano kayo magiging tunay na bayani at makagawa ng kabayanihan sa inyong mga sarili sa kabila ng inyong kamusmusan at doon din sa pagkakaroon ng buong kamalayan upang itaguyod ang tunay na katotohanan.
Ito ang akin sa inyo ay iniiwan at muli sumainyo ang kapayapaan, ngayon at magpasawalang hanggan. Antonio de Padua, paalam.
Comments
Post a Comment