2024-03-16, Rebecca

2024-03-16 ARK GAB-RAD

Tanggapin ninyo ang liwanag, pag-ibig at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan.

Ang tao ay maituturing na behikulo ng lahat ng pangangailangan upang sumulong at umunlad ang kalagayan ng bawa't Espiritu. Isang behikulo na ang dala-dala ay ang larawan at kawangis ng Diyos. Isang behikulo na nagpapatanaw na ang buhay sa kanyang pagpapatuloy ay may mga proseso na dinadaanan upang matamo ang kawagasan.

At sa kahayagang ito, naroroon ngayon ang kaugnayan ng daigdig na siyang panirahan ng tao, na kung papaano ngayon na pinatatakbo ang behikulong ito, paano ito ginagamit, paano ito dinadala doon sa iisang hantungan, naririyan ngayon ang bawa't larawan ay pangangailangan sapagka't iyan ay mahalaga at dakila sa pag-unlad.

Datapuwa't sa ganitong uri, ang daladala ng bawa't isa ay ang ayon sa kanyang nakuha sa kanyang pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa, ang iba't ibang uri ng karanasang ang daladala ay karunungan at kaalaman.

Ito ay mga kahingian upang ang tao ay makarating doon sa kanyang hantungan na katulad ng aking ipinangusap, "ang lahat ay kinakailangang humantong at dumako doon sa kanyang kaluwalhatian at sa kanyang kawagasan sapagka't iyan ang batas ng buhay.”

Ngunit laging naroroon, dalawang bahagi at dalawang kalagayan ang nakahantad sa lahat at bawa't isa, kaya't sa kasaysayan ay ipinakita't ipinatanaw kung ano ang dapat kunin at dapat dalhin ng tao, ang batang asno at ang luma o matandang asno.

Sagisag ng batang asno

Na, kung iyan, ay uri ng sasakyan na kinakailangang kunin ng lahat at bawa't isa, nasa inyo na ngayon ang bukas na kamalayan upang makita kung ano ang katotohanang sa inyo ay makapagpapalaya; nasa inyo na ngayon ang karunungan upang ibigay ang liwanag na tatanglaw sa inyong mga daan; nasasa inyo na ngayon ang bahagi ng kaunawaan upang ang buksan ay ang inyong puso na ang daladala ay pag-ibig. Sapagka't iyan ang sinagisag ng batang asno na siyang sinakyan at kinuha ng Panginoon sapagka't iyan ang kanyang ginamit sa kanyang pakikipamuhay sa lupa, ang pag-ibig.

Na, ang pag-ibig na ito ay nangusap at kanyang itinuro na kakaiba doon sa dalang simulain ng matandang asno na katulad ng buhay sa kahayagan ng isang Moises sa kanyang panahon, ngipin sa ngipin, mata sa mata.

Na, inilarawan ng Panginoon na habang ang tao ay umaantas at bumabaitang sa kanyang kaunawaan naroroon din ang paglaya ng kanyang diwa, naroroon din ang paglaya ng kanyang kapaniwalaan, naroroon din ang paglaya ng kanyang simulain na hindi kailanman mananangan, na kung ano ang sa inyo'y ginawa, kung gaano ito kabigat iyon din ang iyong igaganti.

Sapagka't ang simulaing binubuksan at iminumulat ng Panginoon, unawain mo ang nagkakamali, unawain mo ang nagkukulang at nagsasalat sa karunungan, unawain mo ang mga taong walang alam kung paano niya ibibigay ang larawang siya'y anak ng Diyos, siya'y kalarawan at kawangis ng Diyos.

Unawain mong ang lahat ng bagay sa sandaigdigan ay mga baitang upang ikaw ay punan, upang ikaw ay dagdagan, kaya't anoman ang iyong nakikita ay mga salamin ng buhay, na siyang sa iyo'y gagabay at magsisilbing katig sapagka't iyan ay pampatibay sa isang bangka na naroroon sa karagatan at naglalakbay.

Kung gayon, isang hamon ang kaalamang nasasa inyo na. Isang hamon ang karunungan na naunawaan at kinuha na ninyo. Isang hamon ang kamalayang sa inyo'y nabuksan upang inyong ipadala sa sandaigdigan ang pinaka malinis na daloy ng kaisipan at pinaka malinis na daloy ng inyong damdamin upang siyang magbigay ng kapayapaan sa sandaigdigan at magbigay ng liwanag na tatanglaw sa bawa't diwa na naroroon sa karimlan.

Isang hamon sa inyong sarili upang maunawaan din ninyo na kung kayo ngayon ay dumadamang nakatayo na kayo, matibay na kayo, matatag na kayo, ano ang pangungusap ng Banal na Aklat,"Huwag na ninyong sikaping kayo ay mabuwal pa."

Sapagka't ito ay panibagong pagharap sa mga hamon ng buhay; panibagong pagharap doon sa isang kalagayang muli kayong magpapakatatag, muli kayong magpapakatibay, muli kayo ngayong maninindigan.

Samantalang kung naroroon na ang nasasa inyo'y palalaguin ninyo; ang nasasa inyo na, na inyong nauunawaan ay sisikhayin at pagpupunyagian na mailagay nang unti-unti, banay-banay, inot-not, sa larangan ng pagsasagawa.

Iyan ay magiging katulad ng isang punongkahoy na sumibol sa lupa, lumaki naging matibay at pagkatapos naghayag na mayroon na siyang pag-asa sapagka't iyon ang kanyang panahon siya ay mamumulaklak ay pagkatapos siya ay mamumunga. Iyan ang dala ng batang asno. Iyan ang behikulo ng diwa.

Iyan ang larawan ng isang simulaing hindi nakatali doon sa kanyang matandang paniniwala, na ang buhay at ang sandaigdigan ay Mundo ng luha at pighati. Ito ang matandang asno na ipinakita ng Panginoon na kinakailangang iwan ng lahat at bawa't isa.

Sapagka't kapag ito ang hangga ngayon ay naroroon, tinatangkilik, tinataglay, pinagpapala, damhin ninyo sa inyong mga puso, ano ang sa inyo ay ibabalik? Kalakasan ba ng inyong paninindigan at ng inyong panampalataya upang madala ang lahat ng pangyayari sa buhay o kahinaan upang kayo'y ilugmok?

Kaya't laging naroroon ang batang asno ay simbolo't sagisag ng bagong pag-asa. Ang batang asno ay sagisag at simbolo ng bagong buhay. Ang batang asno ay sagisag at simbolo ng matibay at matatag na pananampalataya sapagka't nasasa kanya ang kakabit nito, pananampalataya at pagibig sapagka't ang pag-ibig ang kahayagan ng tunay na pagsasagawa.

Na, doon ka ngayon hahatulan, doon ka susukatin. Hindi sa pamamagitan ng matatayog na salita, bagama't ito ay pangangailangang matutuhan at maibahagi ng tao sa kanyang kapwa, sapagka't iyan ay isang kalagayan at kahayagang kayo'y naglilingkod; kayo'y nagkakawanggawa; kayo'y nagbubukas ng kaisipan upang ang maraming naroroon sa kadiliman ay makaahon at maliwanagan.

Ngunit kulang at mananatiling kulang sa mahabang panahon, kung mananatili lamang ito na isang pangungusap at isang salita sapagka't kailangang ito'y magbigay ng isang larawang natutupad at nagaganap ang salita ng tao ukol sa pagpapakabuti at ukol sa pagpapakabanal.

Kinakailangang mabuo ang isang larawang ang salita ay mayroon ng ini-aahon sa malalim na bangin sapagka't siya'y nahulog dala ng kanyang kasalatan at kamangmangan. Napakahalaga at napakadakila ang salita sapagka't naririto ang kapangyarihan upang sunugin ang kamangmangan at pumatay rin ng karunungan at kaalamang kinakailangang mataglay ng tao upang siya ay maunlad.

Kung gayon, hindi ba iyan ang inilalarawan? Kaya't ang Kanyang ginalawan ay pag-ibig. Na, nangusap at nagturo,"Kung ikaw ay binato ng bato, gantihin mo ng tinapay," sapagka't iyan ang pag-ibig na mayroon ng pagkaunawa sa matuwid ba paggawa.

Iyan ang pag-ibig na mayroon ng pagka-unawa doon sa isang landas na ang tutunguhin ay ang kaharian ng Diyos, sapagka't ang matutupad ay ang kanyang kalooban at hindi ang kalooban ng laman. Kaya nga't ang pangungusap na ito, kapag laging dala-dala ng puso, hindi ba't laging may puwang ang pang unawa sa lahat ng inyong nakikita? Hindi ba't laging naroroon, marunong kayong magpaumanhin? Lalong marunong at handa kayong magpatawad.

Na, ang pagpapatawad na ito ay pagbibigay ng inyong pag-ibig na kung ano ang mayroon kang pinakamabuti at pinakamatuwid sa iyong puso, iyon ang ibibigay mo at ihahagkis mo sa lahat ng kasamaang iyong nakikita; sa lahat ng karahasang iyong namamasdan; sa lahat ng uri ng hindi karapatdapat na mga iginagalaw ng tao at siyang inihahasik sa sandaigdigan.

Sapagka't kung mayroon ng isa, ang wika, sapagka't nagtanong ukol sa paggunaw sa Mundo. At ang kasagutan,"hanggang mayroon ng isang taong mabuti at matuwid, kailanman hindi na gugunawin ang Mundo."

Ilan kayo ngayon dito na daladala ang simulain ng tunay na pag-ibig? Ilan kayo rito na naroroon at sumisibol sa puso ang pag-ibig at pangunawa sa nagsasalat at nagkukulang sa tunay na karunungan? Hindi lamang isa.

Kayo ang asin ng lupa

Kung gayon, kayo ang asin ng lupa na may katangian. Naroroon ang alat na nasasa inyo. Huwag ngayon ninyong pabayaang ito'y tumabang sapagka't ang sa kanya'y babalik, ang wika, kapag tumabang ihahagis sa labas ng pinto at yuyurakan. Walang sinomang mag-iibig na ito'y mangyari sa karunungan at kaalamang nasasa kaniya na. Walang sinomang nag-iibig na ito ang sa kanya'y mangyari, sapagka't natamo na niya ang liwanag.

Napatunayan na niya sa malaon ng pakikipamuhay kung papaanong ang liwanag siya'y inakay doon sa kanyang kaligtasan at hindi sa kanyang kapahamakan. Ang bahaging ito'y iniyaangkop at ikinakambal doon sa kung papaano ninyo tatanawin ang buhay; papaano tatanawin at mamasdan ang bawa't galaw nito, ang bawa't kahayagan nito, ang bawa't katuparan nito.

Sapagka't sa kanyang pagtanaw at sa kanyang pagmamasid sa kahayagang ito ng buhay doon siya hahakbang;doon siya lalakad; doon siya magbubuka ng kanyang mga palad at doon din niya ikakampay ang kanyang mga bisig.

Kaya nga,lahat ng bagay sa sandaigdigan ay napakahalaga. Lahat ng bagay sa sandaigdigan ay mga baitang at hagdan upang matamo at makamit ng isang kaluluwa o ng bawa't Espiritu ang kahingian, ang kanyang pangako na siyang dahilan kung bakit siya isinilang dito sa mundong ibabaw.

Kaya nga, kung ibig ninyong madama ang kapayapaan magkakalag kayo ng tali sa inyong sarili. Kakalagan ninyo ng gapos ang inyong sarili. At sa pagkakalag na ito ay hindi maaaring hindi ninyo dalhin ang larawang iniwan ng Panginoon, ang kukunin ninyo'y ang batang asno at hindi ang matandang asno.

Sapagka't ito ang siyang kailangan sa bawa't inyong magiging paghakbang, ang larawan bilang isang tunay na anak ng Diyos na mayroon ng kanyang larawan at wangis na inyong ipinatutunghay at diyan ang tagumpay ay inyong makakamit. Na dahil dito, doon ngayon ay wala ng makapag-aalis ng kaligayahan, ng kapayapaan at ng liwanag sa inyong katauhan.

Ito ang aking sa inyo'y inihahandog sa pagsilang ng isang bagong simulain; sa pagsilang ng isang bagong pag-asa; sa pagsilang ng isang bagong buhay, sapagka't nagsisimula kayo ngayon sa pagkamulat ng inyong mga kamalayan. Unang-una kilalanin at bantayan ang inyong mga sarili sapagka't diyan nakasalalay ang unang hakbang tungo sa tunay na pagsasagawa.


Ito ang aking sa inyo'y iniiwan. Tanggapin ninyo ang pag-ibig, liwanag at kapayapaan buhat sa mga langit ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Gabriel, Paalam.


Centro Balon ni Jacob

Talaytayan, Kapatid Rebecca Dungo

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia