2024-02-25, Rebecca

Tanggapin ninyo ang liwanag, biyaya at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan!

Nakilala at nauunawaan ng tao, na sapagka't nasasa kaniya ang buhay kailangan niya itong igalaw; kailangan niyang ipakita na may halaga ito sa pamamagitan ng kanyang paggawa. 

Nang dahil sa ang tao ay nasa baitang ng kanyang kalayaan, ang bawa't paggawa na gaganapin ng bawa't isa ay iniyaayon at iniyaangkop sa kanyang madadala, sa kanyang kakayahan, sa karunungan at kaalamang kanyang nasimpan at naunawaan.

Kaya nga't ang kalagayang ito ay naglagay doon sa antas antas at baibaitang na kahayagan ng tao. Sa antas- antas na iyan doon tumatanggap ang bawa't isa ng kaukulang bunga na kanyang mga ginawa ayon sa naging kasanhian nito.

Na dahil dito, kung inyo ito ngayong nauunawaan, kaya ba ninyong bantayan ang bawa't ihahakbang ng inyong mga paa? Kaya ba ninyong saliminin ang bawa't pagbuka ng inyong mga kamay at paglalahad ng inyong mga palad?

Kaya ba ninyong unawain ang bawa't mabubuo sa inyong isipan? Kaya rin ba ninyong arukin ang bawa't salita na lumalabas sa inyong mga bibig? Sapagka't ang kahayagan at kaganapan nito ang siyang magpapakilala at magpapaunawa kung sino ka? kung paano mo tinanggap na ikaw ay anak ng Diyos?

Kung paano mo tinanggap na kinakailangang bilang kanyang anak ay pumaloob sa kanyang kautusan? Kung paanong sa buhay na sa iyo'y ipinahiram, doon mo bigyan ng patotoo at pagpapatunay na pinahahalagahan mo at dinadakila ang buhay na ito, na, ngayon ay iyong tinataglay. Hindi ba diyan kayo ngayon nakapaloob?

Iyan ang layunin ng inyong sarili. Diyan ninyo tinituklas at hinahanap kung ano ang magiging misyon ng inyong espiritu, sapagka't sa lupa dito ninyo ngayon aalamin, dito ninyo tutuklasin kung ano ang gampanin at tuparing kinakailangang sa inyo'y mamasdan sapagka't tinanggap ninyong kayo'y anak ng Diyos.

At iyan ay mga salamin ng buhay. Sa bawa't pagmulat ng inyong mga mata pagbabalikwas ninyo mula sa inyong higaan, pagtindig at pagtayo ng inyong mga paa nakaharap na kayo sa maraming salamin na unang nilikha ng Diyos. Ang kalikasan ay salamin ng tao; ang kabuuan ng kalikasan ay salamin ng tao; ang kaganapan sa sangkalikasan ay salamin ng tao.

Na, kung saan kapag bukas ang isang kamalayan at bawa't kaganapan at bawa't kahayagan ay kanyang tinutunghan makikilala ngayon niya, Sino nga baga ako sa buhay na ito? Mauunawaan niya na sa bawa't pag-ihip ng hangin ay naroroon umaalinsabay ang lakas at enerhiyang siyang daladala ng kanyang Espiritu.

Na, sa bawa't halamang tumubo hindi maaaring hindi ito magbigay at magpakita ng buhay kung wala ng naghasik. At ang tao ang manghahasik sa lupa. Hindi ba't katotohanan ding sa buhay hindi iisa lamang binhi at hindi iisa lamang buto ang itinatanim at inihahasik sa lupa?

Samakatuwid, sa kahayagang iyan, ang tao man ay salamin ng lahat at bawa't isa, na kung ano ang kanyang namamasdan doon ngayon niya kukunin kung ano ang karapatdapat na kanyang galawan upang ang kanyang maging hantungan ay ang kaharian ng Diyos.

Kung gayon, masdan ninyo ang inyong sarili, ano ang sa inyo'y nagpapagalaw? Ano ang inyong sinisinop upang kayo'y makagawa? Ano ang inyong binubuksan upang kung kayo'y tumawag marinig ninyong mayroong sa inyo'y tutugon?

Ano ang pinto na kailangang katukin upang mamasdan ninyong mayroong sa inyo'y magbubukas? Ano ang inyong kinakailangang hanapin upang ang inyong matuklasan ay ang katotohanang sa inyo ay makapagpapalaya sapagka't ang katotohanan ang makapagpapalaya sa pagkakatali't pagkakagapos ng isang diwa? Hindi ba iyan ay mga kaalaman at mga karunungang magpapasagana sa lahat at bawa't isa? Pikpik, siksik,liglig at umaapaw. 

Ngunit ano ang magiging halaga at kabuluhan nito kung ang kanyang kasaganaan ay magiging tulad lamang ng tulyapis na tatangayin ng hangin? Magiging tulad lamang ng dayami na pagkatapos na anihin ang butil ng palay ay itutumpok sa isang dako na dapat niyang kalagyan? Ano ang magiging halaga ng lahat ng kaalaman kung ang lahat ng ito ay magiging sagisag lamang ng isang tambong inuuga ng hangin sa ilang?

Kaya't sa mga ganyang uri doon ninyo mahahanap nang buong katapatan at buong kababaang-loob, "Ako nga'y alagad ng Diyos; alagad ng Panginoon; ako nga'y anak ng iisang Ama," sapagka't kung hindi gayon masasabi bang kayo sapagka't ipinangusap, "Ako ang tunay na pastol; at ang tunay na asno sa tunay na pintuan doon dumadaan. "

Samakatuwid, sa bawa't paglabag ng tao, sa bawa't pagtatakwil ng tao sa mabuting kanyang naunawaan, kanyang natutuhan, hindi kaya itinatakwil niya ang kanyang Ama? Hindi kaya, bagama't sinasambit ng bibig, "sinasamba kita", ngunit taliwas sa gawang ipinakikita at inilalarawan, hindi kaya masasabing ganyan ba at iyan bang karapat-dapat na maging pagsamba?

Mga bahagi ng pangungusap ng taong hindi nakauunawa; mga bahagi at kalagayan ng pangungusap ng tao na binuo ng kanyang pag-iisip na pinid pa ang kamalayan ukol sa tunay na katotohanan. Kung gayon, hiwalay kayo dito?

Samakatuwid, katotohanan, kayo nga'y anak ng Diyos; katotohanang kayo nga ay kanyang mga alagad, sapagka't naroroon ang inyong nagiging pagpupunyagi na ang bawa't kautusan, bawa't aral, bawa't bahagi ng halimbawang ipinakita at inilagda ng iisang Panginoon sinisikhay ninyong ito ay isagawa.

Lahat ng iyan ay lakas ng inyong pagkatao. Lahat ng iyan ay buhay ang ibibigay. At kung buhay ang ibibigay ang pangungusap,"Walang pinakadakilang pag-ibig kung hindi ang ibigay ng tao ang kanyang buhay ng dahil sa kanyang kaibigan."

Hindi ba iyan ang inyong tungkulin? Nariyan ang dakilang gampanin ng inyong Espiritu; naririyan ang kahayagan ng tunay na pagpapatotoong naunawaan ninyo, paano kayo mananampalataya at sasamba sa Diyos.

At ang lahat ng kahayagang ito, batid ninyong kung may kasanhian, may bungang kakamtan. At ang bawa't bunga na kakamtan ay ang ayon sa kanyang iginalaw sapagka't naroroon ang batas, "Bawa't galaw ay may ganting galaw."

Kung gayon, diyan kayo tumindig; diyan kayo bumangon; diyan ninyo buksan ang inyong mga puso; diyan ninyo ilagay ang inyong mga damdamin upang kayo'y makaganap doon sa kahingian ng Panginoon,"Habag ang ibig ko at hindi ang hain."

At kung ang habag ay kalarawan ng pag-ibig, ito ang binhing itatanim ninyo sa inyong mga puso upang magbunga ng kaluwalhatian; magbunga ng kawagasan. At ano ang mga ito? Lagi ninyong dinadalit. Lagi ninyong ipinangusap; lagi ninyong iginagabay sa inyong pakikipamuhay, ang bunga ng Espiritu.

At sapagka't ang lahat ay wala pa roon sa kasukdulan ng kanyang pagkaunawa upang ang karunungan at pag-ibig na siyang salamin at siyang saligan upang makarating sa kaharian ng Diyos ay hindi pa ganap. Ngunit ilan lamang sa mga ito kung inyo ngayong maisasabuhay, hindi baga naririyan, kailanman ang kaligayahan ay hindi papanaw?

Sapagka't ang kaligayahang inyong matatamo'y hindi kaligayahang pinag-ipunan at pinagpunyagian ng laman na mayroon ng kanyang hangganan, kung hindi ang mga ito, ang tatanggap ang kanyang Espiritu.

At kung ang Espiritu ang umani ng kaligayahan, anoman ang inyong makita, taliwas man sa inyong paniniwala, patakaran at prinsipyong inyong tinataglay, sapagka't nagtamo ng tunay na kaligayahan ang inyong Espiritu.

Lahat ng iyan hindi magiging mabigat upang maging pasanin ng inyong mga sarili, kung hindi lahat ng iyan ay aariin ninyong mga baitang upang kayo'y dalhin sa tunay na pagsulong upang kayo'y makarating doon sa pag-unlad na siyang pinakamimithi sapagka't siyang misyon ba kinakailangang tugaygayin at talaktakin ng tao, ang matamo niya ang perpeksyon.

Iyan ang inyong misyon sa inyong buhay. Ngunit napakadaling ito'y ipangungusap datapuwa't hindi tinataya ang kaluwalhatian at kawagasan sa pamamagitan lamang ng salita kung hindi sa pamamagitan ng gawa. At iyan ang kinakailangang laging nagtatambal.

Sapagka't kung ang gawa ang magbibigay at maglalarawan ng kahayagan ng pag-ibig, kung papaano ngayon isinasagawa at mga kaparaanang ginagamit upang mailarawan ang pag-ibig, iyan ang karunungan.

Kaya't hindi kailangang maghiwalay, laging sila'y magkatambal, karunungan at pag-ibig ang patungo sa kaharian ng mga langit. Iyan ang mga salamin na sa inyo'y ipinatutunghay.

Datapuwa't kinukuha ng tao ang salamin na kung saan sa kanyang pandama waring siya'y nakakulong; waring siya'y nagiging alipin: waring naroroon ang kakapusan at kasalatan sa tunay na pagkaunawa kung paano niya isasagawa ang isang kahayagan na sistematiko, maayos, tumpak, at baibaitang na proseso sapagka't iyan ang 'Palapahaman ng Buhay'.

Kung gayon, ang aking sa inyo'y iiwan, kunin ninyo ang binhi ng kapayapaan upang sa bawa't inyong makakasalamuha, sila ang bukid na inyong tatamnan ng binhi ng kapayapaang inyong dala-dala. 

At kung ang kapayapaan ang maghahari, hindi baga naroroon ang magiging magandang ugnayan; naroroon ang magiging magandang pagsasama; naroroon ang magiging mabuti, maayos at magandang pakikipamuhay? Paano pa kung daragdagan ng kabutihan, ng kabaitan, ng pagdisiplina sa kanyang sarili, ng pagiging mahinahon, banayad, ng kababaang-loob.

Iyan ang bubuo ng matibay at matatag na pananampalatayang magbibigay ng kapangyarihan, utusan mo ang bundok, ibig ko lumipat ka sa kabilang ibayo ng dagat, at siya'y tatalima. Utusan mo sng Puno ng Sikomoro, ibig ko mabunot ka at ito'y mabubunot.

Iyan ang mga binhi na kapag inyong dinala sa bawa't mabigat na dalahin at mabigat na pasanin sila ay puno ng Sikomoro na kapag inutos mo, sapagka't nasa iyo ngayon ang kapangyarihan, ibig ko mabunot ka.

Ibig ko ngayong huwag manatili ang mababang alitigtigin at mababang pintigin upang ako'y dalhin sa aking ipagkakasala, kung hindi magawa kong maunawaan ang lahat ng bagay ay aking ipagiging mapalad, sapagka't hindi na ako maghahanap ng pagkakawangawaan sapagka't sa araw-araw pa lamang at sa unang araw pa lamang ng iyong paggawa, nakaharap na ang taong iyong paglilingkuran at iyong pagkakawangawaan.

Ngunit tinatanaw mo ba ito sa isang maliit lamang na kaha ng posporo? At kung ito'y tatanawin mo doon sa maliit na kaha ng posporo, ganyan ngayon magiging kaikli ang iyong pangunawa; ganyan ngayon magiging kaikli ang iyong pagpapaumanhin; at ganyan din magiging kaikli ang pagpapatawad na ibibigay mo para sa kanya sapagka't ang iyong salaming ginamit ay kaha ng posporo.

Datapuwa't sa kanyang kaliitan ipinadama at ipinakilala na hindi kailangang mawalan ka ng pagasa. Hindi kailangang tanawin mo ang iyong sariling ikaw ay kasinliit ng kaha ng posporo, sapagka't inilagay ang kanyang kakambal, bagaman ito'y maliit din ngunit sa kanyang dulo kapag iyong sinindihan ang ibubunga ay liwanag sa pusikit na kadiliman.

Na, kapag ikaw ay nagugutom mayroon ka ng apoy na ipansisindi bilang panggatong upang makaluto ka ng masarap na pagkaing ihahain sa hapag kainan. Iyan ay mga bahagi ng salamin na kapag inyo ngayong nakita, mangungusap kayo,"kaya pala lahat ng sanggol iisa ang namutawi sa kanilang mga labi, anoman ang uri ng kanilang kabihasnan at lahing kinabibilangan iisa ang ipinarinig,"UHA".

Bakit? Samantalang iba't iba ang lahi, iba't iba ang kulay, iba't iba ang kultura ngunit iisa ang inilarawan at inihayag, "UHA". Ipinatatanaw ba na doon din kinakailangang magbukas ng pag-iisip ang bawa't isa upang tanggapin na sa pagkakaiba't iba ng kaalaman.

Sa pagkakaiba't iba ng karunungan ng tao'y hindi maaring hindi hindi mayroon ka ng magandang makukuha upang maging baitang mo at maging hagdan mo sa iyong pag-unlad at sa iyong pagsulong sapagka't pasasaganain nito ang iyong pag-iisip upang managana rin ang karunungan at kaalamang maibabahagi mo sa iyong kapwa, at diyan magiging malawak ang bukid na iyong tatamnan. Ngunit, kapag ito'y tumubo, sumibol at nagbunga hindi ba't kayo rin ang siya ngayong aani?

Kaya nga, ibinigay ang kalayaan upang kayo ang magpasya sa inyong sarili. Saan ninyo dapat dalhin ang inyong buhay? Saan ninyo ilalagay ang inyong buhay? Saan ninyo gagamitin ang karunungan at kaalamang sinisikhay ninyo na inyong matamo? Ang yaman sa sanlibutan, saan ninyo ito gagamitin?

Iyan ang kahayagan upang ang bawa't isa ay magsimpan nang katatagan at katibayang kailanman hindi siya mabubuwal, sapagka't pinasagana niya ang kanyang pag-ibig sa kanyang puso; pinasagana niya ang kaalaman at karunungan sa kanyang pag-iisip.

Na, sa pagsasama nito nakabubuo ng isang maganda, tumpak at maayos na pagpapasya at desisyon."Ito ang gagawin ko sapagka't ito ay ayon sa kalooban, sa batas at kautusan ng Diyos, ayon sa batas at kautusan ng lupa.

Kaya nga't ang wika, "Ang talian sa langit ay tatalian sa lupa; at ang kalagan sa langit ay kakalagan sa lupa," sapagka't bawa't galaw ay may ganting galaw. Ang magkasala sa tao ay may kapatawaran, ngunit ang magkasala sa espiritu santo ay walang kapatawaran. 

Ito ang aking sa inyo'y iniiwan, mga bahagi ng pagtakal at pagtaya sa inyong kaunawaan upang maunawaan ngayon ninyo saan ninyo ilalagay ang bawa't karunungan at kaalamang sa inyo'y inihahandog bilang pag-ibig ng iisang Ama, ng iisang Panginoon.

At ng bawa't kahayagan ng matuwid at ng bawa't kahayagan ng mabuti upang masinop ninyo ang inyong buhay at nang sa gayon kapag dumating ang isang sandaling tanggapin ninyo ang bunga kailanman wala kayong pagsisisihan. 

Kailanman hindi masasawi ang inyong puso; kailanman hindi ninyo madadamang kayo'y nagdadalamhati sapagka't alam ninyo ang bunga kayo ang nagtanim. Iyon ang uri ng butong inyong itinanim kaya't iyon din ang uri, ang lasa at katas ng bungang inyong aanihin.

Samakatuwid, sa halip na kayo ay magdamdam ang sasainyong mga puso, ang pagpapasalamat. “Salamat po sapagka't ibinigay mo sa akin ang gabay upang ang lakas at panahong akin ngayong dinadala't tinataglay pa mailagay ko sa tunay na larangan ng paggawa.”

Ito ang aking sa inyo'y iniiwan, at muli, tanggapin ninyo ang biyaya, liwanag at kapayapaan buhat sa kaitaasan ngayon at magpasawalang hanggan. Ako ang sa inyo'y gumabay at naghandog ng pag-ibig. Ang Espiritung Mangaaliw, Paalam.

Centro The Fruits of the Holy Spirit

Talaytayan-Rebecca Alcaraz Dungo

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia