2024-01-28, Rebecca
2024-01-28 ARK GAB-RAD
Paksa: Hebreo 10:24-25
“24- Sikapin din nating gisingin ang damdamin ng bawa't isa sa pagmamahal sa kapwa at sa paggawa ng mabuti. 25 - Huwag nating kaliligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon, gaya ng nakasanayan Ng iba. Sa halip, palakasin natin Ang loob ng isa't isa, lalo na ngayong nakikita nating malapit na Ang araw ng Panginoon.”
Pag-ibig at kapayapaan ang bumalot sa lahat at bawa't isa ngayon at magpasawalang hanggan.
Sa isang tahanan nabubuo at naibibigay ang kaligayahan kapag may sanggol na isinilang. At ang sanggol na ito ang nakapagpupuno sa nadaramang kulang ng isang ina at ng isang ama o ng magkabiyak, sapagka't doon ay nadama may buhay na nalikha upang maging katuwang sa pagpapalaganap ng pag-ibig at pagmamahal.
Kaya't ang sandaling ito ay kaligayahan para sa lahat, sapagka't may buhay na ipinatanaw na magiging pangako ng liwanag sa kinabukasan. At ang sanggol sa kanyang kalagayan walang dala kahit anong mataas na kaalaman; walang dala na katulad ng bawa't nilalang na hininog na ng panahon, ngunit kayang magpuno sa isang damdamin, kayang magpaluha sa isang puso; kayang magdagdag ng lakas, at kaya ring magbigay ng liwanag.
Samakatuwid, kung iyan ang larawang sa inyo'y inihahatid kupkupin ninyo ang mga sanggol na hindi nagdalawang isip upang punuan ang isang lundo na inyong kinikilalang naroroon at nananahan ang Panginoon.
Na, dahil diyan bawa't isa ay karugtong ng inyong puso; bawa't isa ay katimbang ng inyong layunin; bawa't isa ay asin na may alat na ibibigay upang ang nakahaing pagkain kapag inyong tinikman madarama ninyong buo ang kanyang lasa, may masarap na sa inyo'y maihahandog.
Kung gayon, paano ipinakikita ng magulang ang kanyang pagmamahal sa isang sanggol? Hindi baga ito'y dinadala ng kanyang dalawang bisig? At kung ang dalawang bisig na ito ay katumbas ng Ama, katumbas ng Panginoon hindi ba iyan ngayon ang siya ninyong ilalagay sa inyong puso na sa bawa't pangyayari, sa bawa't kahayagan.
Sa bawa't kalagayan nasasa inyo ang Ama at nasasa inyo rin ang Panginoon na kailanman hindi magpapaubayang madama ninyong may ligaya, may pag-ibig, may pagmamahal, may liwanag at kapayapaan sa inyo ay i-aalay.
At iyan ang halaga ng pagtitipon, sapagka't ang nagtitipon hindi lamang ang pagsasamasama, kung hindi sa bawa't pagtitipon ay naroroon ang pagsusubi ng liwanag; naroroon ang pagsusubi ng mga binhi na kapag itinanim sa lupa hindi maaaring hindi may sisibol na halaman.
At kung ito ang siyang kahayagan na kinakailangang matanaw, ang kahayagan ninyo, ang kalagayan ng lundong ito ay isang malawak na bukirin, pinitak, na ang bawa't isa ay may buto o binhing inipon sa kanyang sarili. At ang binhi at butong ito na nasasa inyo ngayon siya ninyong ihahasik sa lundong ito, sapagka't ito ang bukirin ng Panginoon.
Samakatuwid, kung naririyan ang diwa ng bawa't isa, hindi sasayangin ang binhing nasasa kaniya. Hindi ipagwawalang bahala ang butong naipon niya sa kanyang pagsisikhay at pagpupunyagi. Hindi pababayaang ito'y mabulok nang walang kabuluhan, kung hindi ang isasagawa.
Sapagka't kung naunawaan na ang kanyang pupunan at tatamnan ay ang bukirin ng Panginoon, na bawa't binhi ay napakahalaga at napakadakila, sapagka't hindi lamang ang buhay ninyo ang siyang magtatamo ng sagana kung hindi ang marami, mula sa may laman hanggang doon sa wala na ng laman sapagka't nagiwan na ng kanyang bihisan sa lupa.
Gaano ngayon kahalaga ang pagtitipon sa bawa't sandali na katulad nito? Gaano kahalaga ang pagsasamasama ng bawa't kaluluwa? Kaya't naririyan,ang pagtatanim upang may anihin pagdating ng kapanahunan.
At kung ang lahat ay magsasaka, ibig ba ng magsasaka na dalawa lamang ang bunga na kanyang anihin? Iibigin ba ng isang magsasaka na ang lawak ng bukirin ay tatlong buto lamang ang ihahasik sa lupa?
Iibigin ba ng isang magsasaka na sa bawa't araw na sa kanyang pagdalo doon sa pitakan ay makitang tatlo lamang butil ang siya niyang pangangalagaan at siya niyang aarugain? Iibigin baga ng magsasaka na sa pagdating ng panahon ay makita na ang kanyang itinanim ay kulang ang bunga sa kanyang inaasahan?
Mga bahagi ng larawang itutuwid. Mga bahagi ng kalagayan na pag-aaralan at susuriin. Mga bahagi ng paggawa na tatanawin, sapagka't kung mahalaga ang paggawa bawa't isa ay sadyang gigising mula sa kanyang pagkakatulog.
Bawa't isa ay magsisikhay na buksan ang kanyang damdamin upang madama ang halaga ng bawa't handog na ibinibigay at ipinagkakaloob mula sa kaitaasan. Kung ang lahat ng iyan ay mga sanggol, mula sa mga bisig ipinadama at nadama ang iisang kahayagan, ang pagmamahal, ang pag-ibig.
Na ang pagmamahal at ang pag-ibig na ito, kung nakawala na sa pagiging sanggol at naging munting bata, ngunit hindi pa nakalalakad iiwan ba ng ina at ng ama sa kanyang kalagayan? Kung hindi pa nakalalakad, pababayaan ba ng ina at ng ama na ito'y manatili na naroroon lamang sa loob ng tahanan na hindi gumagalaw?
Hindi baga naroroon at ibibigay ang kanyang kalinga, tuturuan ang sanggol I ang munting bata na siya ay makatayo, siya ay makatindig? At sa kalagayang ito, ano ang magduduop at ano ang bahagi na siyang maglalapat?
Ang mga kamay, sapagka't kukunin ng isang ina ang kamay ng anak upang ito'y itindig at itayo. Sa pamamagitan niyan naroroon ngayon, upang makahakbang aakayin, na hindi bibitiwan sapagka't daladala pa rin at bitbit ang kanyang mga kamay na siya'y katuwang at kasabay sa paghakbang.
At kung ngayon ay nakalalakad na ang batang ito iiwan pa rin baga ng ina at ng ama o ng sinomang naroroon sa loob ng tahanan? Hindi baga naroroon pa rin at nakabantay? Sinusubaybayan? Minamasdan?
Tinatanaw upang kung makitang kapag ito ay nabuwal may kamay na sa kanya'y magbabangon; mayroon sa kaniya ay magtitindig; mayroon sa kanya'y aalalay; may magpapadama na hindi siya nag-iisa at kailanman ay hindi siya mag-iisa, sapagka't mayroon siya ng kasama?
Dito ba natatapos ang pagtitipon? Sa ganito rin bang kalagayan kailangang matapos ang pagtitipon, sapagka't malakas na ang mga paa, mabilis na ang kanyang paglakad, lumalayo na sa dako ng tahanan, tapos na ba at pagot na ang tungkulin ng bawa't isa sa sanggol na siyang bunga na inyong itinanim na anihin ninyo pagdating ng araw?
Hindi baga naroroon pa rin ang inyong puso? Aalamin, ano ang kulang? Ano ang kailangang maging karagdagan? Ano ang kailangang ipuno? Ano ang kailangang buksan? Ano ang kailangang ibalot upang madama ng bawa't isa, ang sakit ng kalingkingan ay sakit ng buong katawan.
Sa ganyan ko kayo ngayon binubuksan upang madama ng inyong mga sarili, na kung ang bahagi ng inyong mga bisig ay ang Ama at ang Panginoon pababayaan ba ninyong ito'y walang magawa? Pababayaan ba ninyong ito'y mapilay?
Pababayaan ba ninyong ito'y maputol? Pababayaan ba ninyong walang mga bisig na kapitan ng inyong mga anak? Naririyan ang bawa't bahagi, sapagka't damdamin ang ginigising; damdamin ang binubuksan.
Ano ba ang damdaming ito na kailangang magising? Ano ba ito upang maunawaan ninyo, na sa bawa't araw damdamin ang siyang sa inyo ay bumubuhay; damdamin ang siyang sa inyo'y nagbibigay ng lakas; damdamin ang siyang sa inyo'y nagbibigay at naghahandog ng liwanag; damdamin ang siya ngayong nagkakaloob ng karunungan at kaalaman upang mula doon may Samuel na makarinig ng atas, lumakad ka.
Sapagka't ang damdaming ito ay ang pag-ibig at pagmamahal na i-aalay ninyo at ibibigay ninyo sa inyong kaluluwa. Pagmamahal sa inyong sarili. Pagmamahal sa inyong kaligtasan. Pagmamahal sa inyong kabuuan upang ang layunin ng inyong kaluluwa maibigay ninyo ng buo; maibigay ninyo ng may tatag at tibay ng panampalataya at paninindigan.
Kapag ang nawala ay ang pagmamahal at pag-ibig, ano na ang buhay? Papaano na ang buhay? Saan na tutungo ang buhay? Paano mabubuo ang buhay kung walang pagmamahal at pag-ibig bagman naroroon ang karunungan?
Kung gayon iyan ang pinakamahalaga at pinakadakilang taglayin ng lahat at bawa't isa. Pagmamahal sa kaisahan. Pagmamahal sa sinumpaan. Pagmamahal sa pangakong binitiwan. Pagmamahal sa pag-asang ibinigay na maaasahan ka upang itayo at itindig ang tahanan ng Diyos.
Pagmamahal sa kabuuan nito. Pagmamahal sa ikatatatag at ikatitibay nito. Pagmamahal sa ikalalago nito. Pagmamahal sa ikapagiging sagana ng bawa't pagsasama sa sandali na nakadulog sa harapan ng Panginoon. Pagmamahal sa lahat ng bahagi na tinanggap bilang tungkulin ng isa at isa. Ito ang halaga ng pagkaunawa kung bakit kayo'y nagsasama- sama.
Bakit kayo'y may pagtitipon na kinakailangang maganap? Bakit may kaisahang kinakailangang ipatanaw at gawing larawan upang maging huwaran ng magandang pagsasama sa loob ng tahanan? Kung gayon, iyan ang magandang aral na sa inyo'y inihandog at inihatid, sapagka't walang pangyayari sa balat ng lupa na hindi mayroon nang mabuting ninanasa ang Dios.
Na, dahil diyan, punuin ninyo ang inyong puso ng kaligayahan, at kaligayahan ang siya ninyong maibibigay. Punuin ninyo ng pag-ibig ang inyong puso at pag-ibig ang inyong maihahandog at maipagkakaloob.
Punuin ninyo ng kapayapaan ang inyong puso, ay kung naroroon ito, anoman ang makita ninyong sigalot, ang kapayapaan pa rin ang iiral at siyang mamamaibabaw sapagka't ang kapayapaan ang daladala ng inyong sarili. Sa ganyan ngayon nabubuo ang halaga ng bawa't aralin, sapagka't ang bawa't aralin ay katulad ng pagkain na kapag pumasok sa loob ng inyong katawan, lakas at buhay ang ibinibigay.
Na, dahil diyan, sa bawa't sandali, habang kayo'y nakatayo, habang kayo'y nakahahakbang, habang kayo'y nakalalakad, habang naroroon pa ang kaliwanagan sa inyong pag-iisip, habang naroroon pa ang kapayapaan sa inyong kaluluwa isipin na ninyo, may kinabukasang darating.
Bagaman kayo'y nabubuhay sa kasalukuyan may kinabukasan na siyang maghahantad kung ano ang inyong binuo, kung ano ang inyong iginalaw, kung ano ang inyong ginawa, kung ano ang inyong itinanim sa kasalukuyan, sa kinabukasan doon ninyo makikita ang bunga ng inyong pagpapagal.
Na, dahil diyan, sasainyong diwa, na ang buhay ay laging nakalagay sa tatlong karil: ang nagdaan, ang kasalukuyan at ang hinaharap. Na, ito'y tulad ng kadenang dugtong- dugtong na kung ano ang kanyang naging kahapon ay magiging salamin sa kasalukuyan, at ang naging salamin sa kasalukuyan ang siyang magiging kahayagan para sa kinabukasan.
Iyan ngayon ang aking sa inyo'y iniiwan at inihahandog upang madama ng lahat at bawa't isa kaylanman walang pagsisikhay, walang pagtitiyaga, walang pagpapakasakit, at walang mithiin ba ang itinatayo ay pag-ibig at pagmamahal na hindi magbubunga upang may buhay na isilang, at sa buhay na isinilang, ang nalupug at nawala ay ang kamatayan.
Ito ang aking sa inyo'y iniiwan. Muli ay tanggapin ninyo ang liwanag, pagibig at kapayapaan buhat sa iisang Ama at sa iisang Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Gabriel, Paalam
Centro El Espiritismo Talaytayan
Kapatid Rebecca Dungo
Comments
Post a Comment