2023-12-30, Rebecca
2023-12-30 ARK GAB-RAD
Liwanag at kapayapaan ang sumainyo.
Sa pakikipamuhay ng bawa’t tao na nag-iibig na mayroon siya ng mabago sa kaniyang sarili humahanap ng kaparaanan upang ito ay kaniyang maisakatuparan. Sa paghahanap na ito, ibinibilang ang halimbawa ng paggawa na kaniyang natutuhan sa kaniyang kapwa: ang maganda, ang wasto, at matuwid na kaniyang nakikita sa kaniyang kapwa.
Ginagawang halimbawa sa pagbabago na ibig niyang sa kaniya ay mangyari. Katulad ng itinayo, kinilala ng bawa’t mamamayang Pilipino, ang isang Rizal na naghandog ng kaniyang buhay alang-alang sa kalayaang matatamo ng bayan sampu ng bawa’t mamamayan.
Sa adhikaing ito naipagkaloob at matamo ang paglaya, marami ang kinakailangang mamulat mula sa kapaniwalaang dinadala at tinataglay hanggang doon sa uri ng pananampalataya na kinupkop sa kaniyang sarili sapagka’t naririto ang maraming uri ng kapaniwalaang kinakailangang magtamo ng liwanag.
Sapagka’t mula sa liwanag na ito ang kamangmangan ay ipakikitang kailangang bakahin upang tamuhin ang pagsulong at pag-unlad. Nguni’t papaano magaganap ang adahikaing ito ng tao na mabaka ang kamangmangan samantalang sa kaniyang sarili ay hindi niya alam kung ano ang kamangmangang kaniyang dala-dala, ipinagpapatuloy at kaniyang isinasagawa sa pakikipamuhay niya sa ibabaw ng lupa.
Paano magaganap ang pakikibaka? Hindi ba ngayon kinakailangang ang mabuksan at maunawaan ay kung ano ang kamangmangang kinakailangang bakahin ng tao mula sa kaniyang sarili. At kung ito ngayon ay kaniya nang masumpungan sapagka’t mayroon na ng karunungan at kaalamang natataglay nagiging madali ang pagsasagawa sapagka’t alam niya kung ano ang kailangang bigyan niya ng buhay sapagka’t iyon ang patay. Kaya nga at ang wika sa Banal na Aklat:
Darating ang panahong ang nasa libingan ay babangon upang tamuhin ang tunay na buhay
Bawa’t pagkakasala at kamangmangan ay pananagutan ng isang kaluluwa
Sapagkat ang libingan ay ang kamangmangang kinalugmukan ng tao na siya ngayong nagiging sanhi kung bakit nakagagawa ng hindi karapat-dapat; ang kamangmangan, ang kawalan ng pagka-unawa sa tunay na katotohahan, ang kamusmusan sa kabuuan ng kaniyang katauhan ang nagiging sanhi upang siya ay magkasala at bawa’t pagkakasala ay nagiging pananagutan ng isang kaluluwa.
Kung gayon, kailangang buksan, ano ang mga kamangmangang ito? Kung ang Banal na Kasulatan ang siyang pagkukunan at gagawing batayan, ito ang unang aking sa inyo’y ipangungusap na ang wika:
Huwag kang hahatol sapagka’t sa hatol na iyong ihahatol ay doon ka hahatulan.
Nasaan ang kamangmangang nakapaloob sa pangungusap na ito na, siyang nagiging galaw at buhay na ipinagpapatuloy ng bawat tao sapagka’t salat sa pagkakilala sa kaniyang sarili? Hindi ba ang kakulangan ng kaniyang pagkakilala sa kaniyang sarili ay maituturing na isang kamangmangan? Papaano kikilalanin ng tao ang kaniyang sarili upang siya’y makaahon sa kaniyang kinalulugmukan?
Hindi ba ngayon diyan uma-agapay ang simulain ng pag-aaral na inyo nang naririnig mula noon hanggang ngayon at maaring hanggang sa darating pa na nangungusap upang kilalaninang kaniyang sarili, sino ako?
At kapag kinilala, sino ako bubuklatin ng tao ang kabuuan ng kaniyang buhay. Paano siya nagtamo ng buhay? Saan nanggaling ang kaniyang buhay? Sino ang nagbigay ng buhay na kaniya ngayong dinadala at tinataglay upang siya ay makagawa sa ibabaw ng lupa? Sino ako?
Sa pagbubukas ng kamalayan ng bawa’t isa, may lakas na tumatahan
Hindi ba napakagandang aralin, sapagka’t naroroon ang unang baitang upang buksan ang kamalayan ng bawa’t isa upang mula sa pagbubukas ng kamalayang ito ay maunawaan niyang hindi siya gumagawa sa kaniya lamang sarili kung hindi mayroon ng sa kaniya ay nanahan, may isang lakas na sa kaniya ay tumatahan upang ang layunin tungo sa perpeksyon ay maganap at magkaroon ng pananagumpay?
Kung gayon, ano ang kinakailangang makilala ng sarili upang siya ay makaiwas sa paghatol? Sapagka’t iyan kapag isinagawa nangangahulugang kulang at salat sa tunay na pagkakilala at pagka-unawa ayon sa batas ng pag-ibig at kautusang ibinigay sa kalaganapan ng bawa’t buhay. Kunin pa rin natin ang nau-ukol sa Banal na aklat na nangungusap:
Huwag mong tingnan ang dungis sa mukha ng iyong kapwa na di kaparis ng makita mo ang tahilang nakapahalang sa iyong mga mata.
Hindi ba iyan ay nagaganap at ginaganap ng tao? Nakikita ang kakulangan ng kaniyang kapwa, nahahatulan ang maling ginagawa ng kaniyang kapwa nguni’t naunawaan ba ng bawa’t isang siya man sa kaniyang sarili ay may kakulangan at nakagagawa ng hindi karapat-dapat? Hindi ba iyan ay maituturing na isang kamangmanagan?
Sapagka’t kung ang kamangmangan ay kawalang-malay, kamusmusan, kasalatan sa tunay na pagka-unawa sa diwa ng tunay na pag-ibig na nagungusap, ibigin mo ang iyong kapwa tulad ng pag-ibig mo sa iyong sarili at hindi mo ginanap, iyan ang kahayagan naroroon ka pa sa kawalang malay, naroroon ka pa sa kamangmangan.
Samakatuwid, ano ngayon ang hakbang upang mabaka ang kahayagan at kalagayang ito? Hindi ba ang unawain nagkukulang ka, nakagagawa ka rin ng mali, nakagagawa ka rin ng hindi karapat-dapat at marahil ang pagkakamali na naisasagawa ang hangganan ay pagkakasala, ano ngayon ang karapatan ng bawa’t tao upang hatulan ang kaniyang kapwang siya ay masama?
Ano ngayon ang karapatan ng tao upang hatulan siya ay hindi matuwid, samantalang sa kabuuan din ng bawat isa ay naroroon din ang mga gawang sumisinsay sa iisang batas, sumisinsay sa bawa’t kautusan, sumisinsay sa kahingian ng tunay na matuwid?
Sapagka’t: ang anomang bagay na ibigay mo at gawin mo sa iyong kapwa, ang wika, ay ginawa mo sa akin, pangungusap ng Panginoon. At ang ginawa mo sa akin ay ginawa mo sa Amang nagsugo sa akin.
Naririyan ang mga kamangmangang nakapaloob na kinakailangang maunawaan ng tao upang kaniya ring matuklasan sino siya sa kaniyang sarili? Ano siya sa buhay na sa kaniya ay ibinigay? Papaano ipakikipamuhay ang hiram na buhay na ibinigay ng iisang Diyos? At iyan ngayon ang mga bahagi na baibaitang ay nangangailangang matamang masuri at mapag-aralan.
Ang aralin ng buhay nakatuon sa kaunawaan, karunungan, gawa, at igagalaw
Kaya nga at ang aralin ng tunay na buhay ay laging nakatuon doon sa iyong gawa, doon sa iyong igagalaw, doon sa iyong nauunawaan, doon sa karunungan at kaalamang iyong tinataglay, sapagka’t kapag hindi mo nailagay sa larangan ng pagsasakatuparan naririyan pa rin ang kamangmangan.Kaya’t ang wika, ang nakaaalam nang mabuti at hindi ginagawa malaki ang palong tatanggapin.
Dahil dito, sa inyong pakikinig magiging sapat ba na inyo lamang maulinigan? Magiging sapat ba na katulad ng kahayagan sa Banal na Aklat ay: maging katulad ng isang tambong iwinawasiwas ng hangin? O ng dahil sa nagsisimula na kayong kilalanin ang inyong sarili, unti-unti gumagalaw ang inyong damdamin?
Paano ko ba pinakikitunguhan ang aking kapwa? Paano ko ba tinitingnan ang aking kapwa? Ano ba ang naibibigay ko sa aking kapwa? Ano ang mayroon ako na magiging sapat upang maging liwanag ng aking kapwa? Ano ang tinataglay ko upang ito ay maging katulad ng isang binhi na kapag kinuha ay maitatanim sa matabang lupa upang pagkatapos maitanim may magiging pangako ang kinabukasan, may bungang aanihin upang ang lahat ay lumakad sa kaliwanagan?
Nguni’t naririyan pa rin ang bawa’t isa na, kung saan sa kaniyang sarili ay nagmimithing siya ay makagawa. Nguni’t isang uri ng paniniwala na hangga ngayon ay dinadala at tinataglay sapagka’t kulang at hindi sapat ang lakas na kaniyang tinataglay.
Hindi buo ang kaniyang paninindigan, kaya nga at nangungusap: “Ibig kong gumawa, nguni’t kulang ako ng kakayahan. Ibig kong magpatuloy, nguni’t hindi ako makahakbang. Ibig ko na magbigay ng liwanag nguni’t kulang ang langis na nasa aking ilawan.”
Matutong magbukas, magkalag ng tali sa sarili, tignan ang tamang landas
Hindi ba iyan ay kamangmangan? Sino ang nagbigay ng buhay sa tao? Kanino iwinangis ang buhay ng tao? Hindi ba kawangis at kalarawan ng Diyos? Samakatuwid, may dala at taglay-taglay na kakayahan at kaangkinan ang tao upang makagawa sa kaniyang sarili? Ano lang ang kinakailangan? Matuto siyang magbukas.
Matuto siyang magkalag ng tali sa kaniyang sarili. Matuto siyang tingnan ang bawat bahagi upang sa pagtingin sa bawa’t bahaging ito ng buhay ay makita niya ang tamang landas na kinakailangang kaniyang daanan at landasin, upang pagkatapos dumoon sa kaniyang puso, hindi ako isang singaw sa lupa.
Hindi ako isang alikabok lamang sa lupa, kung hindi ako ay kawangis at kalarawan ng Diyos na kinakailangan ngayong magsikhay, magpunyagi at magsikap sa aking sarili upang pagkatapos ng mga baitang na ito ay makitang ako nga ay tunay na lalang ng Diyos.
Pagkakaiba ng Likha sa Lalang
Lalang, hindi likha, sapagkat magkaiba ang likha at ang Lalang. Ang likha ay katulad lamang ng isang bagay na minithi nang madalian. Kaya nga at winika ng Ama: Ibig ko magkaroon ng liwanag,”at nagkaroon ng liwanag.”Ibig ko matamnan ng iba’t ibang uri ng halaman ang lupa. Iyan ay likha.
Nguni’t ang Lalang, naroroon ang bahagi na kung saan ay binigyan ng pag-aaral,binigyan ng pagsusuri, binigyan ng pagtitimbang, binigyan ng pag-aangkop sapagka’t buhay ang ibibigay mula sa alabok na kinapal sa lupa, buhay.
Kaya nga’t ang bawa’t bahagi ay kinakailangang maunawaan ng bawa’t isa. Nang dahil dito, sadyang ang pakikibaka sa kamangmangan ay karapat-dapat na maganap upang maitayo, maitindig ang dakilang buhay na ibinigay ng Diyos sa lahat.
Sapagka’t nang dahil sa buhay na ito ay may batas na kinakailangang iwan sa Sandaigdigan, at bawa’t batas ay baitang at daan sa pagsulong, at bawa’t pagsulong ay siya ngayong magbibigay ng hangganan, ang buhay na walang hanggan, ang buhay na walang kamatayan.
Bakahin ang kamangmangan upang tunguhin ang buhay na walang hanggan
Iyan ang hantungan kung bakit kinakailangang bakahin ang kamangmangan sapagka’t ang tutunguhin ay ang buhay na walang hanggan. Ito ang kadakilaan ng bawa’t liwanag, ng bawa’t kaalaman, ng bawa’t karunungan na inyo ngayong sinisikhay na maunawaan.
Nguni’t hindi sapat na kayo ay makaipon nang marami. Hindi magiging sapat na kayo ay maging malawak sa kaunawaan na hindi ninyo ilalagay sa larangan ng tunay na pagsasagawa, sapagka’t kapag mayroon na kayong alam, mayroon na kayong kakayahang gumawa at lumakad sa ibabaw ng lupa, mayroon na kayong kakayahan upang hanguin ang isang nalugmok.
Iahon ang isang makasalanan doon sa kanyang kinaligmukan at hindi ninyo ginawa, iyan ang tunay na kamangmangan na kinakailangang mabaka at malabanan ng baw’at isa sapagka’t mayroon na kayong alam, may karunungan na kayong dinadala, may kaalaman na kayong tinataglay at kung hindi ninyo ilalagay sa pagsasakatuparan, iyan, aking uulitin ang tunay na kamangmangan.
Sino ako, saan ako paroroon
Kung gayon, muli kong ibabalik, saan ka ngayon paroroon? Sapagka’t sa isang sandaling maunawaaan ng tao at matugon ang katanungang, sino ka? Sino ako? Hindi ba kinakailangang malaman ninyo, saan ako paroroon?
Sapagka’t kung hindi ninyo malalaman kung anong dako ang kinakailangang inyong datnin, kung saan kayo kailangang pumaroon, sapagka’t iyan ang inyong hantungan namamayani pa rin, hindi kaya ang kamangmangan na siyang unang baitang upang ipakilala at bigyang patotoo kinakailangan sadyang magkaroon ng pagsulong at pag-unlad ang bawa’t kaluluwa.
Kaya nga ang bawa’t kaluluwa ay may baitang na pagdadaanan at pinagdadaanan. Kaya, kinakailangang siya ngayon ay magmuli at muling buhay sapagka’t doon unti-unti mula sa: kamangmangan, sa mababang pagkakilala, sa mababang pagka-unawa ia-angat, itataas sa bawa’t baitang ang kakayahan ng tao, ang lakas na dala ng tao, ang liwanag na matataglay ng tao, ang kaalaman at karunungan na sa pamamagitan ng kaniyang pagsisikap at pagsisikhay ay kaniya ngayong hinahawakan, i-aangat, itataas.
Kaya’t mula sa kamangmangan mararating ng tao ang matas na kamalayan. At sa mataas na kamalayang ito, doon ngayon ang pagpapatotoo nabaka niya ang kamangmangan sapagka’t ang lahat ng kaniyang isasagawa at magiging paglakad sa lupa ay ang ayon sa kalooban, sa kapangyarihan, sa kaalaman, sa pag-ibig ng iisang Ama na siya ninyo ngayong kalarawan at kawangis.
Ito ang aking sa inyo ay inihahandog sapagka’t sa gulang na inyong tinataglay ay nagpapakitang naka-ahon na kayo sa kamusmusan, na, ang kamusmusan nabaka na ninyo, kaya nga hindi na kayo binibihisan ng iba, hindi na kayo nagsasalita na waring kayo ay bata, hindi na kayo tumutungo doon sa pagiging bata kung hindi ano ang wika, kung nung ikaw ay bata binibihisan ka ng iba, dumudoon ka kung saan mo iniibig, ngayon na umaantas na at iniiwan ang kamusmusan, ano ang pangungusap?
Bibihisan ka ng iba at dadalhin ka doon sa hindi mo iniibig sapagka’t iyan ang patotoo, ang kamangmangan bilang mababang pagka-unawa at pagkakilala iniiwan, sinisikhay mo ng maiwan at marahil naiiwan mo na.
Kaya nga dadalhin ka kung saan hindi mo ibig, sapagka’t ano ang hindi iniibig ng tao? Ang siya ay dumama ng tiisin. Ang siya ay magbigay ng pagpapakasakit. Ang siya ay manindigan alangalang sa matuwid, sapagka’t ang pangungusap, ang iyong oo ay maging oo; at ang iyong hindi ay maging hindi sapagka’t ang labas dito ay mula na sa masama.
Na dahil diyan, iyan ang siya ninyo ngayong lalakaran. Kung iyan ang siya ninyong lalakaran naroroon ang patotoo kayo ay nalinang na. Kayo ay napanday na. Kayo ay nalilinis na. Kayo ay dinadala na sa inyong ikaluluwalhati at ikawawagas, kaya nga 109.
Sa ika-109 na ito naroroon ang 1 sa kaniyang pasimula. Naroroon ang 9 sa kaniyang dulo. Na, kung iyong paguugnayin, naririyan ang 10, at kung ang 10 ay kasakdalan, iyan ang gantimpala kung papaano at magaganap, mababaka at nabaka ng bawa't mag-aaral ang kamangmangang nasasa kaniyang sarili.
Samakatuwid, dinadala sa baitang ng perpeksyon. Ang baitang ng perpeksyon ay tanda at simbolo ng kawagasan, ng kadalisayan, ng kaluwalhatian. Iyan ang buhay na walang hanggan. Ito ang aking sa inyo’y iniiwan.
Muli, ang pag-ibig, liwanag at kapayapaan buhat sa iisang Ama at sa iisang Panginoon ang maghari sa lahat at bawa’t isa ngayon at magpasawalang hanggan.
Arkanghel Gabriel, paalam...
Centro El Progreso Anniversary
Talaytayan, Kapatid, Rebecca Dungo
Comments
Post a Comment