2023-11-27, Rebecca

2023-11-27, ARK GAB-RAD

Liwanag, pag-ibig at kapayapaan ang maghari sa lahat at bawa't isa ngayon at magpasawalang hanggan.

Sa sandaling ito, kung ang Panginoon sa inyo ay makikisalamuha at may iiwan na dakilang biyaya, kayo kaya ay magpapaubayang buo at ganap? O ang magiging bahagi may kulang sa sandali ng pagtanggap?

Ito ang paghuhulugan ng aking sa inyo ay araling ihahandog upang maunawaan ng bawa't isa kung paano ihahanda ng bawa't tao ang kanyang katauhan upang ipadama at ipakilala, walang alinlangan, mayroon siya ng pinananaligan na iisang Diyos at iisang Panginoon.

Dito ngayon ay i-uugnay ang katitikan ng Banal na Aklat, na naghayag, na kailangang iwan ang 99 upang hanapin ang isang nawawala sapagka't ito ang magiging kabuuan ng 100.

Samakatuwid, kung ang pagkakataong ito ang siyang kahayagan ng 99, na ang ipinahihiwatig, may isang kailangang hanapin ng bawa't isa upang mabuo ang aralin ng tunay na buhay, na sa pagtanggap madarama naroroon buong buong ibinibigay at inihahandog ng Ama at ng Panginoon ang Kanilang pag-ibig, ang Kanilang karunungan, ang Kanilang kaalaman, ang Kanilang kapangyarihan sa bawa't isa na mayroon ng bukas na kamalayan upang tanggapin ang katotohanan.

Kaya nga, sa sandaling ito damhin ninyo ang inyong mga puso sa kanyang bawa't pagpintig. Nadarama baga ninyo na sa kanyang bawa't pagtibok may isang segundong kailangang siya'y huminto? Na sa kanyang paghinto, madarama kaya ng bawa't isa kung papaano mabuhay at kung papaano rin mamatay?

Na, kapag nadama ang halaga ng buhay, hindi iibiging huminto ang pagtibok ng kanyang puso, at kung ang pagtibok ng pusong ito sa kanyang paghinto ay doon nawala ang isang tupa na kinakailangang hanapin masusumpungan kaya ninyo ngayon kung paano mananatiling sa buong araw, sa buong panahon at sa buong bahagi ng inyong buhay walang tibok ng puso na hihinto, kung hindi siya'y magpapatuloy tulad ng tubig na kailangang umagos at dumaloy sapagka't mayroon siya nang hantungang kinakailangang kanyang kalagyan.

At kung iyan ang siya ngayong nagpapaunawa ng halaga ng bawa't paggawa hahanapin ngayon ninyo kung ano ang siyang nawawala bagaman ang lahat at bawa't isa'y gumagawa na sa kanyang sarili; sapagka't kailanman ay hindi magiging isang kabuuan kung may kulang. Hindi magiging husto kung naroroon ang kanyang kakulangan.

At sa bawa't sandali bilang patotoo iyan ngayon ang inyong hahanapin, ang kakulangan upang madama ng bawa't isa, katulad ng ipinangusap sa Banal na Aklat nang ang Panginoon ay nakabayubay sa krus, ang wika, katotohanan, katotohananang ito nga ang anak ng Diyos.

Naririyan ang bawa't larawan ng buhay na sa inyong sarili ay magpapadama, na sa pamamagitan ng inyong pagsisikhay kayo'y nakapag-iimpok na, nakapagtitipon na ng kaalaman, ng karunungan at mga gawa ayon sa inyong kakayahan.

Ngunit ang tanong, ito ba sa bawa't sandali ay nakapagbibigay ng pagpapatibay at pagpapatatag upang kung may dumating na unos hindi kayo matatakot? Kung may dumating na unos hindi kayo magugulumihanan?

Kung may dumating na unos hindi kayo magaalinlangan na mayroon kayong nasimpan, mayroon kayong natipon, mayroon kayong naimpok na lagi ng sa inyo'y naghahandog upang manatiling ang diwa'y naroroon sa liwanag; manatiling ang damdamin ay naroroon sa kanyang kapayapaan, manatiling ang kanyang kalooban ay naroroon sa kanyang pananampalatayang kailanman ay hindi siya iiwang ulila at nag-iisa?

Sa ganyang bahagi doon ko inilundo ang isasa diwa ng 99 na iniwan upang hanapin ang isang nawawala sapagka't sa gayong kalagayan ay makikita ng tao na sa kanyang pakikipamuhay ay mayroon siya ng mga baitang na kinakailangang kanyang hakbangan upang marating niya ang kanyang hangganan.

Sapagka't sa hangganan doon ngayon ganap na makikita at malalarawan kung sino siya, naging ano siya, at papaano siya nakipamuhay sa ibabaw ng lupa. Ito ang aking sa inyo'y inihahandog upang madama ng inyong mga sarili at sa inyo'y malarawan ang pagkukulang sadyang kinakailangang mapunan upang mabuo ang bilang na 100.

Na, naroroon ang dakilang sagisag na ipinakikita at ipinadarama ano ang 1 at ano ang 2 bilog na laging magkaugnay, pinagsama at magkasama upang ang kabuuan ng pag-ibig, ang kabuuan ng kaalaman, ang kabuuan ng karunungan ang siya ngayong makuha, masumpungan ng lahat at bawa't isa sapagka't iyon ang siyang magbibigay ng tunay na buhay.

Na, sa pagbibigay ng buhay ipakita, na kung mayroon kang kinuha, mayroon ka ring iiwan. Hanggang dito at magharing muli ang liwanag, pag-ibig at kapayapaan buhat sa Ama at sa Anak ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Gabriel, Paalam


Centro Ilaw ng Sanlibutan

Talaytayan, Kapatid Rebecca Dungo


 

2023-11-12 ARK GAB

Paksa: Komunikasyon sa pamamagitan ng saloobin 

            (Communication through thoughts)

Liwanag, pag-ibig at kapayapaan ang maghari sa lahat at bawa't isa ngayon at magpasawalang hanggan.

Isang bahagi na isinaad sa Banal na Aklat ang pinili ko na sa inyo ay maging pasimula, na ang pangungusap ang wika, "Ang mga hayop ay may kaniyang sariling kuweba na doroonan, ang ahas ay mayroon ng kaniyang sariling lungga, ngunit ang isip, ang wika, walang kapalagyan."

Samakatuwid, kung ito ngayon ang magiging batayan mapahihimpil baga ang galaw, ang takbo at pagbubuo ng isang isipan? Na, katulad din ng pangungusap, habang ang baka ay gumagawa huwag mo itong bubusalan.

Kung ito ang kaniyang katumbas at ang pagbubusaleo paglalagay ng busal ay pagpigil sa kailangang mahantad, sa kailangang malarawan, sa kailangang madama, kailangan ba ngayong busalan ang pag-iisip upang mawala ang kanyang kalayaan?

Kung gayon, naririyan ang halaga ng bawa't aralin na sa inyo ay binubuksan. Naririyan ang bawa't kahayagan kung papaano gagamitin ng tao nang tama, nang wasto, at nang matuwid ang kanyang pag-iisip.

Hindi lamang sapat na maunawaang kailangan niyang mataglay ang lakas, kung hindi naroroon din, anong uri ng lakas ang kailangang madala ng pag-iisip upang ang kanyang maihayag ang kalooban at pag-ibig ng Diyos.

Sapagka't ang tao sa kaniyang paggalaw, hindi baga naroroon ang inihahayag ay lakas na puno, lakas na malinis, at naroroon din ang lakas na magaspang at ang lakas na may karumhan?

Na, sa kalagayang ito, ano ang halaga ng kaunawaan ng bawa't isa upang ang kanyang maihayag ang aralin ng tunay na buhay, ang karunungan at kaalamang mayroon ng pinagsasaligan at mayroon ng pamantayan na inilalarawan sapagka't siya ay anak ng Diyos.

Na dahil dito, sa sandaling ito'y ano ang inyong pinupuno? Ano ang inyong pinapagiging sagana? Ano ang inyo ngayong binibigyan ng tubig na sa kanya ay didilig upang siya'y maging katulad ng isang puno na magiging malabay ang kanyang sanga.

Datapuwa't hindi iyan ang magiging pamantayan kung hindi pagkatapos na siya'y sumibol, pagkatapos na siya'y tumubo, pagkatapos na makitang naroroon ang kanyang buhay, may bunga na ihahayag.

Sapagka't sa pamamagitan ng bunga'y doon makikikala kung ano ang uri ng puno na kanya ngayong ilalarawan. Kaya nga, ang isipan ninyo, iyan ba ang pasasaganain? Ng ano? Ng karunungan? Ng kaalaman? Upang matamo niya ang lakas at kapangyarihan?

Sapagka't sa pamamagitan ng inyong pakikinig na, naroroon ang pagtutuon ng inyong kamalayan, naroroon ang paggising ninyo sa inyong kamulatan upang pagkatapos may makuha kayo sa mga aralin ng buhay, hindi lamang sa pagkakataong ito.

Sapagka't sa bawa't pakikipamuhay ng tao sa bawa't kanyang paggalaw, sa bawa't pangyayaring nagaganap ay naroroon ang maraming aralin ng buhay na magpapasagana sa kanyang kabuuan at magbibigay ng lakas at kapangyarihan sa kanyang pag-iisip upang mapamahalaan niya at mahawakan niya ang kabuuan ng pisikal na katawang ito na gumagalaw ayon sa sangkap na kanyang dala-dala.

Sapagka't sa bawa't kanyang pagtingin ay pagtanaw, may mata na binubuksan upang ang paningin bilang kanyang tungkulin ay magkaroon ng kahalagahan. Ang kanyang teynga na kailangang makarinig hindi lamang ng magaganda at mabubuting kahayagan kung hindi naroroon ang mga bahagi ng tunog ng sanglibutan na siya ngayong magpapantay, magtitimbang sa isang pag-iisip upang siya'y gumalaw ayon sa tunay niyang kahingian.

Kung gayon, bukas na ba ang inyong kamalayan upang maunawaan ang bawa't bubuuin ng inyong pag-iisip upang inyong ipakikala na ang lahat sa inyong kapaligiran ay ibinigay at handog ng Diyos.

Hindi upang maging palamuti sa paningin ng tao; hindi upang maging bahagi ng kanyang adhikaing makuha ang lahat upang maging tangkilik at pag-aari ng kanyang sarili sa lupa, kung hindi ang lahat ng iyan kailangang gamitin ng tao.

Kailangang madama ng tao ang kanyang kahalagahan. Kailangang maging bahagi ng karanasang ng bawa't tao, sapagka't diyan niya makikita kung ano ang Diyos? Kung mayroon ba ng Diyos? Kung nasaan ang Diyos? Kung ang katangian ng Diyos bilang mga mumunting diyos ba kanyang itinaguri sa lahat at bawa't isa ay taglay ng kanyang mga nilalang?

Sa ganyan ngayon ay buhayin ninyo ang inyong mga sarili. Sa ganyang kahayagan dalhin ninyo ng buong tatag, nang buong katibayan na mayroon ng laya upang kayo'y gumalaw. Sapagka't kung tatalian ninyo ang inyong sarili, gaano ang lawak na inyo ngayong gagalawan?

Kung lalagyan ng tanikala ang mga paa gaano ang magiging hakbang upang marating ninyo ang tunay na katotohanan, na siya ngayong gagamiting kasangkapan upang ang unang baitang ba ay naroroon kakabit ang kanyang kamangmangan ay mapunan sapagka't ngayo'y pinasasagana ninyo ang inyong pag-iisip upang kayo'y madilig ng aralin ng buhay na mula sa salita ng Diyos.

Kung gayon, pagkatapos ng sandaling ito'y wala ng alingawngaw kayong maririnig; wala nang tunog na sa inyo ay darating, saan ngayon ninyo ilalagay ang saganang biyaya na tinanggap.

Sapagka't ganyan ang bahagi ng pagsulong; ganyan ang kahayagan ng pag-unlad, na kinakailangan damhin at tanawin ng lahat at bawa't isa upang kanyang madama naroroon ang kislot ng lakas na ibinibigay ng bawa't likha ng Diyos upang ang tao'y makatayo at makatindig sa kanyang sarili.

Kaya nga ito ang aking sa inyo'y iiwan upang pagkatapos nito'y makita ninyo na ang inyong kabuuan ay napakahalaga. Ang bawa't sa inyo'y isinangkap ay napakadakila. Ang bawa't tinataglay ninyo ay mga baitang na siyang sa inyo'y magdadala doon sa inyong minimithi na kayo'y makakalag sa kapighatian; makakalag sa kasawian: makakalag sa kahirapan, ngunit ang katotohanan wala ang lahat ng iyan.

Ang katotohanan wala ang lahat ng mga bahaging iyan na sa inyong pandama ay dala-dala ninyo, pasan ninyo, inaari ninyong siya ninyong krus na pinapasan, ngunit sa katotohanan, lahat ng iyan ay wala kung ang isang isipan ay makapagtataglay ng kanyang kapangyarihan.

At ang kapangyarihan ng isang pag-iisip, saan ito makukuha? Saan ito masusumpungan? Saan ito manggagaling? Doon kaya sa mga bagay na ayaw maranasan ng tao? At ito ang aking pagwawakas?

Doon kaya niya masusumpungan sa bawa't hamon ng buhay na ipinahihintulot na maging bahagi ng karanasan hindi upang malugmok ang isang kaluluwa kung hindi upang ito'y makatayo, makatindig, makabangon, makapagbalikwas sapagka't ang katotohanan, ang kalayaan naroroon ngayon sa isang isipan na isang malawak na pag-aaral, kailangan bang muli, aking uulitin, ito'y busalan at ito ay sagkaan?

Ito ang aking sa inyo'y iniiwan at muli ang liwanag at pag-ibig sampu ng kapayapaan ang maghari sa lahat at bawa't isa. Kapayapaan ang mamaibabaw ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Gabriel, Paalam.

Centro Bayung Jerusalem

Talaytayan, Kapatid Rebecca Dungo

 

2023-11-06 ARK GAB-RAD

Tanggapin ninyo ang liwanag, pag-ibig at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan.

Isang kahingian sa galaw na kapag nakaharap sa dulang o hapag kainan ang kabuuan ng kakain, kinamulatan, nag-aalay ng panalangin. At sa kinamulatang ito nagpatuloy ang kaugalian, na wari'y ipinamana sa mga susunod na bahagi ng kabuuan ng pamilya.

Ngunit sa pagpapamanang ito may dapat pa ba buksan? May dapat pa ba ipaunawa upang ang pananalanging itinuro sa sandali na naroroon sa hapag kainan ay kailangang isagawa at mag-alay bilang handog sa kasaganaan ng pagkain na magiging lakas at kalusugan sa kanyang katawan?

Ganito ang aking minarapat na sa inyo ay buksan upang takalin at tayahin paano ninyo nauunawaan ang halaga ng pag-aaral sa buhay, na doon ay nakapaloob ang maraming kahingian upang ang tunguhin ay ang kahingian sa pagsulong at pag-unlad na laging kakabit sa buhay ng bawa't isa.

Pagsulong na may mga baitang na kailangang daanan; pagsulong na mayroon ng mga proseso na kailangang sundin at talimahin; pagsulong na kailangang may mailarawan sa buhay na kung mayroon kang minithi at ginustong maabot, mayroon kang ipagpapakasakit na kailangan mong iwan.

Sapagkat ang iyong iiwan iyon ang mga labi na tatanawin upang maging bakas ng sinomang mabubuksan ang puso upang magmithi ng tunay na paggawa. Ang mga labi mula sa mga gumuhong bantayog doon ngayon sasalaminin kung ano ang adhikain, ang layunin ng taong bumabangon at babangon mula sa pagkakalugmok.

Doon din sasalaminin kung papaano matatamo ang tunay na pag-unlad ng bayan upang ang kinabukasan ay magpakita na naroroon ang magandang hinaharap. Doon din sasalaminin kung ano ang na-iambag ng bawa't kaluluwa.

Ng bawa't diwa upang ang kakulangan na hindi nataglay ng salaming ito ang siyang magpuno, ang siyang magbuo sapagka't mula sa mga labi doon itatayo ang tunay na bantayog, nang tunay na kamulatan sa halaga ng buhay.

Sa ganyang bahagi naroroon ngayon ang pagtanaw, naroroon ngayon ang pagbubukas, naroroon ang pagwawalat, naroroon ang pagtatagpi, naroroon ang pagkukumpuni sapagka't yan ay mga proseso upang matamo ang baitang ng pag-unlad at ang baitang ng pagsulong.

Iyan ay mga hakbang upang maunawaang walang kasaysayan na iniwan na hindi may ibabahagi tungo sa kaunlaran, sapagka't ang bawa't kasaysayan ay naroroon ang pagbubuo at doon din pinasasaklaw ang bawa't dala at kakayahan ng isipan ng bawa't tao.

Mula sa karunungan at kaalamang nasasa kanya, kung paano ang pangangatwiran na kanyang ibinibigay upang maunawaan ang balangkas na kanya ngayong sinisimulan, ang mga idelohiya na nakapaloob sapagka't ang buhay ay kabuuan ng pilosopiya na ang magiging hantungan ay ang kalagayang may diwang malaya na naglalakbay, may diwang malaya na umuugnay ay umaangkop sa lahat ng bagay upang matugunan ang kanikaniyang pangangailangan.

At sa kalagayang ito, kung ihahambing ang lahat ay katumbas ng tubig na dumadaloy sa isang batisan, at sa kanyang pagdaloy may mga paang nakatuntong sa tubig na ang ibig ay madama ang lamig, ang kapayapaan na sa kaniya ay ibibigay at maibibigay ng tubig na dumadaloy.

Kung gayon, dito ako magwawakas sa isang kahayagan at sa isang kalagayan na nasasa inyo ang pagpapatuloy, nasasa inyo ang pagwawakas, nasasa rin ang pagbubuo at nasasa inyo rin ang pagwasak.

Na kung ang tubig ay buhay, ang tao ang tuyong katsa o ang tuyong tela, na kung ang tubig ay ipatak at mapatak doon sa tuyong tela, kaya ba ninyong ilarawan kung ano ang sa kanya'y magaganap? Masasaklaw ba ng tubig ang tuyong tela?

Ano ang magiging patotoong sinaklaw at nilagom ng kabuuan ng tubig o ng isang patak na tubig ang kabuuan ng tuyong tela? Sa ganyan ngayon hanapin ninyo ang inyong sarili. Hanapin ninyo kung paano ang bawa't pagtuturo ay nagmumulat at sinasaklaw ang pamumuhay ng bawa't tao?

Saliksikin ninyo at kilalanin kung paano pumapaloob ang tubig doon sa kabuuan ng tuyong tela na iyan ay tao, paano mag-iisa ang tubig at ang tuyong tela upang makitang naroroon ang kaisahan, naroroon natupad ang bigkisan, naroroon natupad ang pagtatali at ang pagbubuklod-buklod.

Katulad ng pangungusap, may kukunin ang isang patak na tubig at may ipauubaya ang telang tuyo upang may makuha ang tubig na sa kanya'y pumatak. Sapagka't ang wika ng Panginoon, “kung ano ang nasasa akin, kukunin sa akin, at kung ano ang nasasa Ama ay kukunin.”

Sa ganyan ngayon ipinadarama ang kahalagahan ng bawa't paggawa ng tao; sa ganyan ngayon ipinadarama ang bawa't kahalagahan ng mga lakas na sa kanya'y nakapaligid, sapagka't nang dahil sa mga lakas na ito'y binubuo ang kaangkinang dala-dala ng bawa't isa.

Ngunit kaalinsabay ng pagbubuo bilang pagsulong hindi maaaring hindi maging bahagi ang pagwawasak sapagka't iyan ay baitang at proseso ng buhay, magwawasak at magbubuo, sisira, magbubuo ngunit ang lahat ay sa iisa doon uuwi.

Ang kaganapan, ang pagiging lubos na pagkatuto ng tao sa bawa't karanasang ipinadarama at ipinahihintulot na maganap sa ibabaw ng lupa bilang siya ngayong maging kasangkapan na may mahinang mapalakas; may kulang na mapunan; may responsibilidad na maitaguyod nang buong kabanalan ang isang kaluluwa.

Sapagka't iyon ang tanging layon, ang ma-iangat ang kanyang sarili mula sa lupa hanggan doon sa kaitaasan, sapagka't ang lahat ay iisang kabuuan, datapuwa't, binahabahagi upang makita ng tao saan siya dapat magsimula sapagka't iyon ang kanyang kaantasan.

Saan siya dapat magpatuloy sapagka't napunan ang kanyang kaantasan; saan siya ngayon dapat magwakas sapagka't mula sa simula hanggang sa kanyang pagpapatuloy mayroon ng nabuo sa kanyang buhay na siya ngayong magpapatotoong sa bawa't sa kanya'y ipinagkaloob may kukuha, may kumukuha upang matupad ang iisang kautusan, magibigan kayo sa isa at isa.

Ito ang aking sa inyo'y iniiwan,na naroroon ang adhika sa bawa't sandali madama ninyong walang kulang sa tao, datapuwa't ang tao ay buo datapuwa't ipinadamang siya'y kulang upang mayroon siyang buksan.

Sapagka't sa kanyang pagbubukas doon niya pasisimulan ang layunin ng paghubog, ang layunin ng pagbubuo, ang layunin ng pagkukumpuni, ang layunin ng pagtatagpi sapagka't iyan ang mga baitang upang matamo ang tunay na pagsulong.

Hanggang dito, at muli'y tanggapin ninyo ang pag-ibig, liwanag at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan.

Arkanghel Gabriel, paalam.

Centro Ilaw ng Sanglibutan

Talaytayan, Rebecca Dungo

 

2023-09-07, ARK GAB-RAD

Tanggapin ninyo ang pag-ibig, liwanag at kapayapaan buhat sa Ama at sa Anak, ngayon at magpasawalang hanggan.

Ano ba ang dapat maunawaan at makilala ukol sa buhay? Sapagkat dito ay may mapupulot at makukuha ang bawat isa na makapagbukas ng kanyang paningin upang maunawaan ang pagkakaiba ng kadiliman sa kaliwanagan.

Upang maunawaan ng bawat tao na ang buhay ay lumalakad sa dalawang kahayagan; sa tama at mali, sa liko at sa matwid, na ang buhay ay naghahayag ng maraming uri na sapat upang gisingin ang bawat diwa.

Upang makita niya kung ano ang kaparaanan upang siya’y makarating sa kaharian ng mga langit at sa pamamagitan nito hindi ba ang lahat ay nakapaloob sa bawat karanasan na dinadaanan, dinadama at nagiging bahagi ng pang araw-araw na pakikipamuhay ng bawat nilalang ng Dios.

At sa bawat karanasang ito ay mayroon ng nag-iiwan at nagkikimpal ng mga aralin sa kanyang puso upang madama niyang may karunungan pala sa bawat karanasang sa kanya ay dumarating at sa kanya’y ibinibigay upang maging yaman ng kanyang kaluluwa.

Ang bawat karunungang ito, kung naroroon at inihahandog mula sa kaitaasan sa pamamagitan ng inyong pag-aaral, aalamin ngayon at susuriin ng bawat isa kung ano ang mga karunungang ngayon ay inyo ng nagagamit at patuloy na ginagamit.

Sapgkat naroroon ang pinaka mahalagang aral na sa inyo ay naituro upang maunawaan ninyong kayong lahat ay anak ng Dios. Samakatwid, bubuksan ninyo ang inyong pag-iisip upang doon ay ihayag ano na ang naiwan at naging pag-unlad ng bawat kamalayan.

Sapagkat nasumpungan ninyo ang isang katotohanan na hindi kinakailangang isipin, hindi kinakailangan na ito ay kanyang hanapin sapagkat ang katotohanan ay bahagi ng bawat pangyayari na nagaganap sa buhay ng lahat at bawat isa na naroroon, iisa ang katotohanang ipinakikita. Lahat ng iyan ay bahagi ng kapangyarihan, ng katarungan, at pag-ibig ng iisang Dios.

Samaktwid, kung ang kasagutan ang kinakailangang iba’t iba ang inyong iparirinig, iba’t iba ang inyong ibibigay, iba’t iba ang inyong bubuksan sapagkat iba’t iba rin ang inyong hinugot mula doon sa bawat na kakintalan.

Upang maunawaan ng bawat tao at ng lahat at bawat isa; sino siya, saan siya nanggaling, ano ang layunin ng bawat tao sa buhay na kanyang ginagalawan at pagkatapos nito, saan siya tutungo.

Hindi ba diyan makukuha ngayon ang pinakamahalagang aral na kinakailangang matutuhan ninyo sa inyong buhay? Sapagkat kung ito’y inyong nauunawaan; kapag ito ay inyong namasdan, kapag ito’y inyong napulot, makikita ninyo nang buong-buo na kailanman, hindi makagagawa ang bawat tao malibang ibigay ng isang Dios.

Samakatwid, ano ang aral na kinakailangang lumabas at ihayag na ang tao pinahiram ng buhay upang ang layunin ng kalooban ng Dios ay naroroon na inilalarawan kung papaano babaitang ang tao na matamo niya at kanyang maabot ang buhay na walang hanggan.

Naririyan ngayon ang pinakamahalagang aral na kinakailangang matutuhan ng inyong sarili upang ang buhay na walang hanggan na siyang kalooban ng Dios ang siyang tunguhin, ang siyang lakaran, ang siyang landasin ng lahat at bawat isa. At papaano ito magaganap?

Hindi baga naroroon sa aral na itinuturo ng bawat karanasan na ang inilalarawan, maghuhubad ang tao ng marumi niyang bihisan, magpapalit ang tao ng luma niyang kasuotan. Maghahawan ang tao sapagkat marami ang naging dawag sa kanyang bakuran.

Kaya’t naroroon hindi baga ipinangusap, “Darating ang Panginoon, linisin ninyo ang daan, tambakan ninyo ang mga lambak, hawanin ninyo ang landas na Kanyangdadaanan.”

Ito ang paggawa ng isang nakakilala ng mahalagang aral sa kanyang buhay ngayong natutuhan. Datapwat, sa pakikipamuhay ng tao tinitignan at dinadama kung tulad ng karamdaman ang bigat ng kanyang pinapasan, ang sakit at kirot, ang hapdi na nadarama ng kanyang katawan sa sandali ng ang karamdaman ay umiiral.

Ano ngayon ang aral na kinakailangang makuha ng isang may karamdaman upang ipakitang natuto siya sapgkat mayroon na mga katanungan at aralin na kanyang tinamo at kanyang tinanggap, sapagkat siya’y nag-aaral sa kalihiman ng buhay.

Hindi baga naririyan ang pagtuturo, kaya nga ang karanasan ay guro na nagtuturo upang mula sa mababang kalagayan ang tao ay umangat at umantas sapagkat naroroon ang diwa ng tunay na pagbabago na iyan ang pinakamahalagang aral na kinakailangang makuha ng tao sa kanyang buhay.

Ang tunay na pagbabago, sapagkat ang pagbabago hindi sinasalita upang ipadinig sa kanyang kapwa. Ang pagbabago ay hindi isinusulat upang mabasa ng kanyang kapwa. Ang pagbabago ay hindi inilalahad ng kamay na wala ng kabuluhan at walang magiging kapakinabangan.

Sapagkat ang pagbabago ay ang pag-unawa sa lahat ng kanyang naging pagkukulang na kanya ngayong tatanggapin, kailangan niya itong mapunan. Ang pagbabago ay ang pagtanaw sa kanyang dinaanang naroroon ang pagkakamali na kinakailangang kanyang tanggapin, sapagkat ang kababaang-loob ang kinakailangang maghari at mamaibabaw.

Ang pagbabago ay ang pagdama hindi sa kanyang sarili lamang, kung hindi ang pagdama sa bawat damdamin ng kanyang kapwa, na kung ano ang mayroon siya na liwanag, ito ay kanyang maibigay. Na kung ano ang halimbawa bilang isang anak ng Dios, ito’y malarawan sa bawat kanyang pagkilos sa bawat kanyang paggalaw sa bawat kanyang paggawa.

Sapagkat naririyan ang mahalagang aral ay kinuha mula sa kanyang karanasan na nag-iwan ng malalim na kakintalan at mula sa malalim na kakintalang iyan maunawaan ngayon ng bawat isa nang dahil sa pag-aaral may diwang nabuksan, may kamalayan ay binago, may pananaw na pinalawak, may damdamin na pinatibay at pinatatag.

Hindi upang siya ay mauwi sa wala; kung hindi upang siya ay maging katuwang, karamay ng kanyang kapwa na nangangailangang tumindig, nangangailangang tumayo, kinakailangang magbalikwas, kinakailangang manindigan, kinakailangang magpakilalang mula sa kanyang sinalita naroroon ang bawat laman ng tunay na pag-ibig.

Sapagkat ang pangungusap ay umaantig sa isang damdamin na ang buhay ay hindi lamang ang paggalaw, kung kailan mo iniibig na mag-aral, doon ka lamang gagalaw. Kung kailan mo kinakailangan na magkaroon ng liwanag ay doon ka lamang aalis sa kadiliman.

Na kung kailan kinakailangang mo ng lakas, doon lamang magtutungo upang ikaw ay gabayan, kungdi, sa bawat sandali. Sapagkat naiwan ang aral ng bawat pagtuturo inuunawa mo ngayon; bawat araw ay pagpapatotoo, bawat araw ay paninindigan, bawat araw ay pagtindig, bawat araw ay pagbabalikwas.

Upang ipakilalang ikaw ngayon ay isang kaluluwang kinuha mula doon sa karimlan, upang ikaw ngayon ay maging kamay na uugit ng isang samahan na ang ibinibigay ay karunungan at pag-ibig, upang ang lahat ay dalhin sa liwanag at kapayapaan.

Samakatwid, kung iyan ag siyang malalarawan mauunawaan ninyo ngayon ang inyong sarili, paano ako naninindigan sa tungkulin na aking tinanggap mula sa Dios, paano ko dinadala na ang bawat karunungan at kaalaman na mula sa Dios.

Paano ko inihahakbang ang aking mga paa upang ako’y dalhin doon sa tunay na layunin ng aking kaluluwa. Oo, kailangan ng tao ang sanlibutan upng siya’y mabuhay ngunit ang bahaging ito, kung ang wika at ipinangusap, “ibigay mo kay Cesar ang kay Cesar, ang sa Dios ay sa Dios.”

Papaano ninyo titimbangin ang dalawang mahalagang bahaging ito, na mayroon ng pagkatuto, kinakailangang sa inyo ay masilayan? Hindi maaaring ang tao’y hindi kumuha ng kay Cesar na wala ang Dios, na wala ang pag-ibig ng Dios, na wala ang liwanag na kinakailangang sa kanya ay tumanglaw.

Kung gayon, inihahantad ang kabuuan ng inyong sarili sapagkat naroroon ang aral na itinuturo, naroroon ang guro na nagtuturo sa lahat at bawat isa, katulad ng pangungusap ng Panginoon na ibigay ninyo sa inyong kabuuan, “habag ang ibig ko at hindi ang hain.

Gaano kahalaga ang aral na ibinibigay din nito, “habag ang ibig ko at hindi ang hain.” Ano ang bahagi na aantigin sa inyong damdamin? Anong bahagi na tatapyasan sa inyong pag-iisip? Ano ang bahagi na kinakailangan na dukutin sa inyong kalooban, “habag ang ibig ko at hindi ang hain.

Kung gayon, kapag ito ay inyo ngayong naunawaan, makikita ninyo na sa bawat bahagi ng buhay ay nandoon ang mga layak, sa bawak bahagi ng buhay ay nandoon ang mga tulyapis, sa bawat bahagi ng buhay ay naroroon ang dayami pagkatapos na ang palay ay maani.

Na, sa bawat bahagi ng buhay ay naroroon may buhay sa ilalim ng karagatan, may buhay sa ilalim ng tubig, na sa lupa ay mayroon din ng buhay na kinakailangang bigyan ng buhay, ingatan at pangalagaan.

Sapgkat mayroon din ng lupa na kinakailangang pagtamnan ng mabuting binhi. At kung ang dala-dala ng buhay, haahanapin ngyon ninyo, sino kayo sa buhay na inyong dinadala at sino kayo sa buhay na tinataglay.

Ganito ang mga bahagi ng akin sa inyo ay inihahandog upang maunawaan ng lahat at bawat isa ang nanampalataya sa Dios, ang nananalig sa Dios, ang naniniwala sa Dios, kailanman ay hindi natatakot na siya ay mawawalan.

Kailanman na hindi natatakot na siya’y maiiwan, kailanman ay hindi natatakot na domoon ang maraming pagsubok, ang maraming suliranin, ang bigat ng karamdaman sapagkat nauunawaan niya na siya ay nagdadala ng bahagi ng pagka-Espirito ng Dios.

Na kailanman ay hindi maaaring pabayaan, kailanman ay hindi maaaring maitakwil, kailanman ay hindi maaari na pawalan ng kaabuluhan at mawalan ng halaga sapagkat mula sa kanyang kahinaan, sa gabay ng Diyos ang kanyang kahinaan ay papalitan ng kalakasan mula sa kanyang kamangmangan.

Siya ay ilalagay doon sa isang kalagayang mayroon na ng kaalaman at karunungang matataglay mula sa isang magulo na pag-iisip sapagkat naroroon at naghahari ang kanyang matibay na pananalig at matatag na pananampalataya sa Dios.

Ang magulong pag-iisip ay makasusumpong ng kanyang kapayapaan, at kung masumpungan ang kapayapaan, ang kanyang matibay na pananalig at matibay na pananampalataya ay sa Dios; ay siyang magsisilbi na mga pangangailangan, na siyang nagpapalaki at nagpapatubo sa isang buto na inihasil mula doon sa matabang lupa.

Kung gayon, nakita ba ninyo na ang pinakamahalagang aral ay ang buhay ninyo? Ang kalagayan ninyo? Ang naabot ninyo? Ang tinataglay na ninyo ngayon? Saan iyan nanggaling, kanino ninyo iyan nakuha, sino ang nagbigay, sino ang nagpatubo at sino ang nagpalago?

Iyan, kapag inyong kinuha madarama ninyo wala na palang tiisin, wala na palang hihirap, wala na palang bigat, wala na pala ng mga bagay na katatakutan ng tao ay siya’y magugutom sapagkat lagi siya na mayroong kakainin sa araw-araw.

Na mayroon pala sa araw-araw na biyayang inihahandog ang Dios sapagkat sa pagbuka pa lamang o sa pagdatal ng bukang-liwayway naroroon na ang bawat biyayang inihahandog ng Dios na pangangailangan ng tao.

Kaya nga, sa kahayagang ito damhin ninyo dala-dala ninyo ang pinakamahalagang aral na kailangan ninyong matutuhan, kayo ang kawangis at kalarawan ng Dios. At kung kayo’y kawangis at kalarawan ng Dios.

Katotohanan lamang na inyo ngayong tanggapin, kayo ay mumunting Dios. At kung tatanggapin ninyong kayo’y mumunting Dios, naroroon magsasama, mag-iisa, katulag ng ipinangusap, “Ako at ang Ama ay iisa.”

Ito ang akin sa inyo ay iniiwan, at mulim damhin ninyo kung gaano kahalaga ang aral na iniiwan sa araw-araw ng buhay na inyong tinataglay. Muli, ang pag-ibig, ang liwanag, at kapayapaan ang siyang sa inyo ay maghari, ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Gabriel, paalam. 

Kpd. Rebecca A. Dungo

 

2023-09-03 ARK GAB-RAD

Tanggapin ninyo ang pag-ibig, liwanag at kapayapaan buhat sa iisang Ama at sa iisang Panginoon, ngayon at sa magpasawalang hanggan.

Bawat aralin na ang nakapaloob ay buhay, ang lahat ay may larawan na ipinatatanaw, may kaalaman at karunungan na binubuksan, may kaligayahan at kapayapaan na ipinadadama. Sapagkat ang buhay ang siyang dahilan bilang taglayin ng tao kung bakit siya ay gumagalaw, nakapangungusap, gumagawa, naghahantad ng iba at ibang uri ng galaw na kapupulutan ng aral sa sinuman na tumatanaw.

Datapwat, katotohanan din na ipinamulat na ang unang baitang ng buhay ay kawalan ng kaalaman, kasalatan, at kamusmusan, kamangmangan. Sa ganitong kalagyan, papaano ngayon magkakaroon ng pagkakautang ang tao samantalang ang kanyang simula ng baitang ng pakikipamuhay ay kamangmangan.

Kasalatan sa tunay na pagkaunawa kung ano ang hatid ng buhay, kamusmusan sapagkat ang kaunawaan sa kanyang kamalayan upang maunawaan ano ang totoo, ano ang hindi, ay hindi pa nabubuo sa isang isipan.

Samakatwid, bawat gagawin ng tao sa kanyang pasimula maituturing ba na isang pagkakautang sapagkat ito ay ituturing na isang pagkakasala? Naririyan ang malawak ng pag-aaral na humihingi ng taimtim at mataman na pagsusuri upang matanggap ng tao kung papaano niya dadalhin ang kanyang sarili.

Kung saan niya kinakailangan na ihandog ang kanyang sarili at sa ganyang kalagayan, naroroon din ang larawang bawat paghakbang ng tao ay mayroon na proseso na dinadaanan. Samaktwid, kung ang aralin ay nakatuon doon sa pagbabayad ng utang, oo.

Napakarami ang katanungan na kailangang mabuksan upang maging buo ang pananggap ng tao sa uri ng buhay na kanyang gagalawan. Kung gayon, paano ba nagkakautang ang tao? Paano ba nagkakasala ang tao? Paano ba may pananagutan ang tao?

Naroroon kaya sa isang kahayagan na kung ang tao ay mayroon na ng buong kaunawaan at mayroon na ng buong kabatiran, kung ang kanyang ginagawa ay labag sa batas ng pagsasamahan ng tao. Sinsay sa kaisahan ng mabuti na tinatanggap ng tao.

Hindi tinutugon doon sa pangangailangan para sa lahat at bawat isa. Naririto na kaya ang isang patotoo kapag ginawa ng tao siya’y magkasala at ang pagkakasalang kanyang isasagawa ang magiging bahagi ng kautangan ng kanyang kaluluwa na kanyang babayaran sa bawat yugto ng kanyang pakikipamuhay?

Ngunit sa kalagayang din na ito, kapag ang tao ay namatay at muling isisilang, hindi baga sadyang naroon, wala siyang ala-ala sa buhay na kanyang pinagdaanan.

At kung wala siyang alam sa buhay na pinagdaanan, papaano nga makakabayad sa kanyang mga nagawa na hindi karapat-dapat sa matwid at sa mabuti na siyang kahingian ng batas sa lupa at batas din sa kaitaasan?

Kung gayon, iisa ang inihahantong at inilalarawan ng bahaging ito kung saan nagsisimula ang pananagutan ng tao, kung saan nagsisimula ang bahagi ng pagiging pagkakautang ng tao, doon sa buhay na tinanggap at dadalhin ng kanyang kaluluwa, iyon ang magiging pagkakautang niya.

Sa buhay niya, naroroon ang pagkakautang sa bawat bahagi ng kanyang pakikipamuhay sapagkat sa isang sandaling hindi madala ng tao, sa matuwid na kalagayan, sa kapakipakinabang at makabuluhang mga paggawa.

Sa mabuti na pangangailangan at pagsasama ng lahat at bawat isa, ang buhay na sa kanya ay inihiram, pinahiram, magkakaroon na ngayon ng pagkukulang at pananagutan ang tao na nagdadala ng kanyang buhay na hindi nadala doon sa matwid na landas at matwid na daan upang marating ang buhay ng walang hanggan.

Saan nagsisimula ang pagkakautang at pananagutan ng tao

Kaya nga, sa ganitong kahayagan, magiging magaan kaya ngayon na matatanggap ng lahat at bawat isa na sa pagsilang pa lamang ng tao ay mayroon na ng pagkakautang at magagawang kautangan ang kanyang sarili?

Iyan ngayon ang malawak ng aralin na hindi sapat ang tanggaping mag-utang ka, babayaran. May pagkakautang na nagawa kahapon, na sa mga buhay na ito sa kasalukuyan ang siyang dinadama at sa karanasan tatanggaping iyon ang kabayaran sa inyong nagawa kahapon.

Napakalaking pag-aaral na sadyang hinihingi upang buksan ang lahat at bawat isa ang kamatayan ng kanyang sarili upang sa bawat aralin at kaalamang kanyang tinatanggap maipaloob ngayon niya ang kaliwanagan na sa kanya ay susubaybay at gagabay.

Upang marating niya ang mithiin ng kanyang kaluluwa at ang tungkulin na kinakailangan na ito ay ganapin sa kanyang pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa. Sa baitang ng pakikipamuhay ng tao, dinadaanan niya ang tatlong proseso: pagkakamali, pagkukulang at ang gawa na ang ibubunga ay pananagutan.

Ang pagkakamali

Ang pagkakamali, sa isang sandali na matanggap na ito ay kailangan na ituwid, kapg ang pagkakamali tinatanggap niya na kanyang kahinanaan, kanya ring kalakasan at sinisikhay ng kanyang ito ay maituwid, hindi baga naroroon na ang bahagi at antas siya ay kapagbayad na sa kanyang kakulangan?

Ang pagkukulang

At kung sa kanyang pagsasagawa, sapagkat ang tao ay hindi pa sakdal bawat kanyang ihahayag hindi maaaring hindi mayroon ng pagkukulang na ilalarawan, ngunit kung ang pagkakamali naitutuwid ang pagkukulang ay mapupunuan at maaaring ito ay madagdagan.

Ang pananagutan

Datapwat, kapag ang tao sa kanyang pakikipamuhay ay nakagawa ng isang uri ng gawaing tinatanggap niya at niya na iyon ay pananagutan ng kanyang kaluluwa, maituturing kaya ito ay isang uri ng pagkakasala na kanya ngayong pagbabayaran sapgkat ang pagkakasala na kanya ngayong pababayaran sapagkat ang pagkakasala ay isa uri ng pagkakautang?

Kung ang tao ay tinuturuan ng kanyang karanasan, na tuturuan ang bawat karanasan na sa kanya ay dumarating sapagkat ang bawat karanasan ay may aralin at kaalaman sa kanya ay ibinibigay. Samakatwid, kailanman ay hindi mananatili ang tao na hindi mabubuksan ng kamalayan sa mabuting gawa, sa liko at sa mali na paggawa.

Sapagkat ito ang tungkulin ng karanasang imulat ang tao kung ano ang liwanag at kung ano ang kadiliman. Imulat ang kaunawaan ng tao kung ano ang kinakailangan na kanyang galawan at kung ano ang hindi niya kinakailangang galawan. Kung ano ang magiging kapakinabangan at kindi magiging kapakinabangan.

At kung sa bawat karanasan nabuksan ang kanyang pagkaunawa na hindi pala karapat-dapat na ito ay kanyang isagawa ngunit kanya itong isinagawa, patuloy na isinasagawa hindi na iyan pagkakamali na maituturing, hindi na rin iya pagkukulang, kungdi iyan ay isa ng pananagutan.

Ang pagkakasala

Sapagkat alam na at bukas na ang kamalayan na ang kanyang gagawin ay hindi karapat-dapat sapagkat ito ay lumalabag doon sa mabuti na pinagkasunduan ng kabuuan ng tao na siyang magiging bahagi ng kanilang mga galaw, isa nang pagkakasala at kung ito ngayon ay isa ng pagkakasala, katotohanan lamang iyon ay magiging katumbas at katimbang ng utang na kanyang pagbabayaran.

Ngunit paano nga makapagbabayad at makapagbabawas samantalang mula sa pasimula ay wala ng kaalaman ang tao kung ano ang buhay na sa kanyang ginagalawan samakatwid sa kanygn pakikipamuhay patuloy na magkukulang at ang pagkukulang na ito ay magiging pananagutan ng kayang kaluluwa.

Datapwat naririyan ang bawat bahagi ng lakas na umiinog sa sanlibutan, ang bawat lakas na umiinog sa kapaligiran at sa kabuuan ng buhay ng bawat tao sa mundo na kanyang ginagalawan ay mayroon na ng mga lakas na kabahagi at bahagi ng lakas na tinataglay ng tao, nag-aangkop, naghahalinahan.

Ngunit kung minsan ito ay nagtutulakan, kaya nga, diyan ngayon sumibol ang isang pagka-unawa na bawat galaw ay may ganting-galaw, mabuting gawa ay mabuti ang ibubunga ang hindi mabuti na iyong ginawa ay hindi rin mabuti ang magiging bunga.

Ngunit katotohanan din ba na sa buhay ng bawat tao ay mayroon na ng nagaganap na mabuti ang inyong ginagawa ngunit hindi mabuti ang sa iyo ay bumabalik, sapagkat nakaunawa ka na nag lahat ng mabuti na iyong kinilala at naunawaan ay isinasagawa mo na dito sa lupa.

Ngunit sa mabuting ito, doon nakapaloob ang ganting-galaw datapwat ang tinanggap ay hindi kaangkop at hindi mabuti na bunga ano ngayon ang aralin dito ay nakapaloob? Hindi ba ang ganyang uri na iyan, ay isang uri ng baitang at isang uri ng proseso upang ipaunawa ang kahingian ng inyong kaluluwa ay humahanap ng daan.

Humahanap ng kanyang landas upang maituwid niya ang lahat ng kanyang pagkakautang o pananagutan na naisagawa kaya nga sa mabuti na naunawaan, doon siya lumalakad, doon siya humahakbang, doon siya lumalandas ngunit ang ibubunga ay hindi katumbas ng galaw ng kanyang iginalaw.

Samakatwid, naroroon ngayon ang uri kung papaano matatanggap na mayroon ng nagawa kahapon na ngayon ay kinakailangan na kanya ngayon na punan, kanya ngayong ituwid, kanya ngayon na panagutan, kanya ngayon na mapagbayaran.

Sapagkat sa ganyang bahagi doon ngayon matutupad ang bawat batas: Batas ng Pag-iibigan, Batas ng Pag-Uuri-uri, Batas ng Paggalaw, Batas ng Pagsulong, Batas ng Pag-unlad. Lahat ng iyan ay kabuuan at pumapaloob doon ang buhay ng bawat tao na sa buhay na ito doon ngayon siya nagkaka-utang.

Muli ko ngayong na ilalarawan, kaya nga, kung bukas na ang inyong kamalayan upang hindi na magpatuloy ang bawat pagkukulang, hindi ba aalamin ngayon ninyo papaano ninyo gagamitin ang buhay na sa inyo ay ipinahiram.

Paano ninyo siya pamamahalaan upang hindi kayo lumabag sa Batas ng Kaisahan ng pakikipamuhay. Paano ninyo didisiplinahin, unang-una, ang inyong pag-iisip, ng inyong damdamin, ng inyong kalooban na siyang puso ng kaluluwa. Paano ninyo ngayon iyan hahawakan?

Ang isang pagkatao ang nagbibigay ng kautangan sa kanyang sarili

Sapagkat sa ganyang bahagi, kayo sa inyong mga sarili at sa inyong paghakbang ay siya na ngayon bubuo ng mga proseso na nakakaya ninyong lakaran.

Makakaya ninyo ngayon na isagawa, makakaya ninyo ngayon na mabuo, makakaya ninyo ngayon na gawin at alinsunurin, upang madama ninyo sa inyong mga sarili walang sinuman na nagbibigay ng kautangan kung hindi ang inyo ring mga pagkatao.

Kailanman ay hindi ang tao ay nagbibigay upang kayo ay magkasala, kailanman ay hindi ang tao ang siyang nagbibigay ng suliraning sa inyong buhay, ng bigat ng pasanin sa inyong buhay, kung hindi higit at lalong higit ang inyong sarili.

Kaya nga at, kinakailangan ang sariling ito ay malinang, mapanday, mahubog, malinis ayon doon sa tungkulin na hiningi at ipinangako na gampanan, isagawa ng kanyang kaluluwa.Kaya nga sa ganitong kalagayan, napakaganda na ang bawat isa sa kanyang pakikinig ay magbukas ng kanyang damdamin, magbuksan ang kanyang kalooban.

Upang sa bawat araw na kanyang gagalawan makilala niya ang kanyang sarili, at sa pagkakilala niya sa kanyang sarili magiging katumbas na siya ay unti-unti, na ang marumi niya na bihisan, unti-unti na naghuhubad ng magaspang na saplot sa kanyang kabuuan at sa kahayagang ito ngayon naroroon bawat isa ay gagalaw ayon sa kahingian ng katotohanang sa kanya ay makapagpapalaya.

Samakatwid, bawat hakbang ay mayroon ng matwid na landas na kanyang tutugpahin, bawat pananaw ay mayroon ng liwanag na kanyang hahapitin, bawat paggalaw at kislot na kanyang katawan ay mayroon ng malinis na kanyang bubuin.

Upang sa kabuaang ito laging naroroon; bawat pagsilang, bawat kamatayan at bawat kamatayan, at bawat pagsilang hindi na magiging isang pagkaka-utang kung hindi isang bahagi ng proseso.

At isang bahagi na ang baitang na ang tao ay lumalandas at lalandas doon sa kahingian ng bawat paggawa na ang magiging hangganan ang kanyang kasakdalan, ang kanyang kawagasan, ang kanya ngayong kabanalan at kaluwalhatian. Sapagkat ito ang layon ng buhay na kinakailangang maunawaan bakit siya may buhay sa tinataglay sa mundong ito na kanyang ginagalawan.

Ito ang akin sa inyo ay inihahandog upang sa bawat sandali manatiling dala- dala ninyo ang kasiglahan ang pananabik na sa bawat araw, sa bawat pagmulat ng inyong mga mata, kayo ay magiging isang bagong-tao.

Muli ang pag-ibig, liwanag at kapayapaan ang siya ninyong tanggapin ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Gabriel, paalam.

(Kpd. Rebecca A. Dungo)

 

2023-08-08

Pag-ibig at kapayapaan ang siya nawang maghari sa lahat at bawat isa ngayon at magpasawalang hanggan.

Kung lilimiin ng bawat tao ang kanyang kabuuan at ang kanyang kapaligiran ay magkasama sa bawat sandali, sa bawat araw, at sa bawat pagkakakataon na tinatanggap ang buhay.

Sapagkat ang buhay ay nagdadala at naglalarawan ng dalawang kalagayan, kahayagang hayag at kahayagan na nalilingid. Kalagayang hayag na ang matatanaw kung ano ang laman ng mundo, kung ano ang nakapaloob sa mundo, ang kalikasan, ang tao na dito ay naninirahan, ang mga bahagi na ginawa ng tao na nakikita at natatanaw.

At sa kalagayang iyan ano ang hindi nakikita? Ang karunungang nalilihim sa bawat isa. Kaya nga at winika ko, nagsasama ang tao at ang kanyang kapaligiran sa bawat sandali.

Sapagkat kung naroroon ang kahayagang lihim ay mauunawaan kung ano ang dala ng puso, kung ano ang dala ng pag-iisip, kung ano ang dala ng damdamin at kalooban ibinabahagi at inihahasik sa daigdig na kanyang pinaninirahan.

Na ito ang mga lakas na ibinibigay, ippinadadala at ipinatataglay sa kalikasan, sa kapaligiran, sa kaparangan, sa kalupaan, sa katubigan, sa lahat ng Uniberso. Mga lakas kung naiiwan at ang tao ay gumagalaw o kumikilos sa kanyang sarili ang lakas na kanyang dala-dala ay umuugnay, nagsasama at nakiki-isa sa kanyang kapaligiran.

Kaya nga, kung ang dala ng puso ay pag-ibig, kung ang dala ng pag-iisip ay pagpapakabuti, kung ang dala ng damdamin ay pang-unawa sa lahat ng mali at likong naisasagawa ng kanyang kapwa, ang mga lakas na ito ngayon ang siya niya ngayong iniiwan, ang siya niyang naihahatid at naihahandog sa daigdig na kanyang tinitirhan.

Na, kung ito ngayon ang siyang magiging laganap at siyang kakalat bilang lakas o enerhiya na siyang magbibigay-buhay sa daigdigang ito, hindi baga mayroon ng maibibigay at maipagkakaloob sa bawat tao upang ang lakas na mabuti, ang lakas na pino at ang lakas na dalisay ang siya ngayong maging saplot at siyang maging bihisan ng bawat tao?

Na dahil diyan, ang igagalaw, ang isasagawa, at mai-aambag ng tao sa sandaigdigan ay ang malinis na lakas, ang dalisay na lakas na naririyan ngayon, hindi maaari na hindi uugnay ang lakas na ito.

Sapagkat kung ang dala ng puso ay mabuti at matuwid; naroroon ang lakas ng Diyos na nasasa kanya na siyang ihahandog at ihahatid mula sa sa kanyang sarili, sa kanyang kapwa, at sa lahat ng nilkha ng Diyos.

Kung ang dala-dala ng tao sa kanyang puso, sa kanyang pag-iisip, sa kanyang kabuuan ay ang mga bahagi ng kamangmangan sapagkat kulang upang isagawa ang karapat-dapat na kanyang igalaw at kanyang galawan.

Ito rin ang kanyang naihahasik, naibabahagi, at iniiwan mula sa kanyang sarili, sa kanyang kapwa, at sa lahat ng likha ng Diyos. Kaya at naroroon nagpapakita ang bawat isa kung ano ang ibubunga ng mga bahaging ito mula sa kahayagang nakikita at kahayagang nalilihim.

At iyan ngayon ang karunungan na dala-dala ng simulain ng puso. Sapagkat mula sa mga bahaging ito ay kinakailangang mabuksan ang bawat pananaw upang domoon an isang layunin at isang mithiin na maipakitang siya ay nanggaling sa kadalisayan, siya ay nanggaling sa kawagasan.

Datapwat nang dahil sa kahingian ng kalayaan upang matamo ng tao ang kasiyahan sapagkat siya ay gagawa ayon sa kanyang kakayahan, ayon sa kanyang kaantasan, ayon sa kanyang naabot at nauunawaan.

Naroon ngayon nadarama ng tao at nakikilala ng tao kung ano ang kanyang dala-dala, kung ano ang katangian na mayroon siya at kung ano ang kaunawaan na nasimpan at naipon niya. Katarungan ng Diyos na ibinibigay upang ang bawat tao ay umunlad, sumulong.

Na bagaman at gabay, ang bawat lakas na ito ng bunga ng pag-ibig, siya ay gagawa ayon sa talino na sa kanya ay ibinigay sapagkat ito ay kinakailangang makamit, kinakailangang ito ay mapanday.

Kinakailangang ito ay masala, upang ganap na mailarawan ang tao ay anak ng mabuti, ang tao ay anak ng kalinisan, ang tao ay anak ng matuwid na katwiran, ang tao ay anak ng kadalisayan, ang tao ay anak ng pag-ibig na dalisay.

Kaya nga, kung iyan ang karunungang nalilihim paano ito matutuklasan? Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa, pakiki-isa ng tao sa kalikasan, pakiki-isa ng tao sa bawat likha ng Dios upang maunawaang ang lakas ay mayroon ng pagpapalitan.

At kung mayroon ng pagpapalitan, mabuti ay mabuti, ang liko ay liko, kaya at ang pangungusap, “mabuting puno, mabuting bunga; masamang puno, masamang bunga.”

At kung iyan ngayon ang magiging ganap na tataglayin sa pag-unawa ng bawat tao, sa hangarin ng bawat isa na siya’y maging mabuting puno upang ang kanyang ibunga ay mabuti.

At iyan ang layunin ng pag-aaral, iyan ang layunin ng paaralan, iyan ang layunin ng katuruan. Kaya nga, ang laht ay dinadala doon sa isang hangganan na matamo niya ang kabanalan.

Ito ang akin sa inyo ay inihahandog upang bawat pagsisikhay at pagpupunyagi ng inyong mga pagkatao, madama ninyo naroroon ang dakilang biyaya sa bawat oras, naroroon ang dakilang biyaya sa bawat panahon, sa bawat sandali ng inyong pakikipamuhay.

Na dahil diyan, kailanman hindi ninyo katatakutang kayo ay magugutom, kailanman ay hindi ninyo katatakutan kayo ay mawawalan ng ari-arian, kailanman ay hindi ninyo katatakutang kayo ay mauubusan, kung hindi, ang doroon ang kabuuan ng inyong paniniwala at pananalig na kung mayroon na hindi ibibigay ang inyong ikabubuhay.

Ito ang akin sa inyo ay iniiwan, muli, ang pag-ibig, liwanag, at kapayapaan ang siyang sa inyo ay maghari, ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Gabriel, paalam.

Kpd. Rebecca Dungo

 

 


 


Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia