2023-11-06, Rebecca

2023-11-06 ARK RAF-RAD

Tanggapin ninyo ang liwanag, pag-ibig at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan.

Isang kahingian sa galaw ng buhay na kapag nakaharap sa dulang o hapag kainan ang kabuuan ng kakain, kinamulatan ang pag-aalay ng panalangin. Sa kinamulatang ito, nagpatuloy ang kaugalian na wari ay ipinamana sa mga susunod na bahagi ng kabuuan ng pamilya.

Nguni’t sa pagpapamanang ito, may dapat ba na buksan? May dapat ba na ipaunawa upang ang pananalanging itinuro sa sandaling naroroon sa hapag kainan ay kailangang isagawa at mag-alay bilang handog sa kasaganaan ng pagkain na magiging lakas at kalusugan sa kaniyang katawan?

Ganito ang aking minarapat na sa inyo ay buksan upang takalin at tayahin, paano ninyo nauunawaan ang halaga ng pag-aaral sa buhay? Na, doon ay nakapaloob ang maraming kahingian upang ang tunguhin ay ang kahingian sa pagsulong at pag-unlad na laging kakabit sa buhay ng bawa’t isa.

Pagsulong na may mga baitang na kailangang daanan. Pagsulong na may mga prosesong kailangang sundin at talimahin. Pagsulong na kailangang may mailarawan sa buhay na kung mayroon kang minithi at ginustong maabot mayroon kang ipagpapakasakit na kailangan mong iwan, sapagka’t ang iyong iiwan, iyon ang mga labing tatanawin upang maging bakas ng sinoman na mabubuksan ang puso upang magmithi ng tunay na paggawa.

Ang mga labi mula sa gumuho na bantayog, doon ngayon sasalaminin kung ano ang adhaikain, ang layunin ng taong bumabangon at babangon mula sa kaniyang pagkakalugmok. Doon din sasalaminin kung papaano matatamo ang tunay na pagunlad ng bayan upang ang kinabukasan ay magpakita na naroroon ang magandang hinaharap.

Doon din sasalaminin kung ano ang nai-ambag ng bawa’t kaluluwa, ng bawa’t diwa upang ang kakulangan na hindi nataglay ng salaming ito ang siyang magpuno, ang siyang magbuo sapagka’t mula sa mga labi ay doon itatayo ang tunay na bantayog ng tunay na kamulatan sa halaga ng buhay.

Sa ganyang bahagi, naroroon ngayon ang pagtanaw. Naroroon ngayon ang pagbubukas, ang pagwawalat, ang pagtatagpi, ang pagkukumpuni sapagka't iyan ay mga proseso upang matamo ang baitang ng pag-unlad, at ang baitang ng pagsulong.

Iyan ay mga hakbang upang maunawaang walang kasaysayang iniwan na hindi may ibabahagi tungo sa kaunlaran. Sapagka’t bawa’t kasaysayan ay naroroon ang pagbubuo at doon din pinasasaklaw ang bawa't dala at kakayahan ng isipan ng bawa’t tao mula sa karunungan at kaalamang nasasa kaniya.

Kung papaano ang pangangatwirang ibinibigay upang maunawaan ang balangkas na kaniya ngayong sinisimulan, ang mga idelohiyang nakapaloob sapagka’t ang buhay ay kabuuan ng pilosopiya na ang magiging hantungan ay ang kalagayan na may diwang malaya na naglalakbay; may diwang malaya na umu-ugnay at uma-angkop sa lahat ng bagay upang matugunan ang kani-kanilang pangangailangan.

Sa kalagayang ito kung ihahambing ang lahat ay katumbas ng tubig na dumadaloy sa isang batisan at sa kaniyang pagdaloy ay may mga paang nakatuntong sa tubig na ang ibig ay madama ang lamig, ang kapayapaan na sa kaniya ay ibibigay at maibibigay ng tubig na dumadaloy na ito.

Kung gayon, dito ako magwawakas sa isang kahayagan at kalagayang nasasa inyo ang pagpapatuloy, nasasa inyo ang pagwawakas, nasasa inyo rin ang pagbubuo at nasasa inyo rin ang pagwasak na, kung ang tubig ay buhay, ang tao ang tuyong katsa o ang tuyong tela na kung ang tubig ay ipatak at mapatak doon sa tuyong tela, kaya ba ninyong ilarawan kung ano ang sa kaniya ay magaganap?

Masasaklaw ba ng tubig ang kabuuan ng tuyong tela? Ano ang magiging patotoong sinaklaw at nilagom ng kabuuan ng tubig o ng isang patak na tubig ang kabuuan ng tela? Sa ganyan ngayon hanapin ninyo ang inyong sarili.

Hanapin ninyo kung papaano ang bawat pagtuturo ay sinasaklaw ang pamumuhay ng bawat tao saliksikin ninyo at kilalanin kung papaano pumapaloob ang tubig doon sa kabuuan ng tuyong tela na, kung iyan ay tao, paano mag-iisa ang tubig at ang tuyong tela upang makitang naroroon ang kanilang kaisahan, naroroon natupad ang bigkisan, ang pagtatali at ang pagbubuklod-buklod.

Sapagka’t katulad ng pangungusap, may kukunin ang isang patak na tubig at mayroon ng ipa-uubaya ang telang tuyo upang may makuha ang tubig na sa kanya ay pumatak sapagka’t ang wika ng Panginoon, kung ano ang nasasa akin kukunin sa akin, at kung ano ang nasasa Ama ay kukunin. Sa ganyan ngayon ipinadarama ang kahalagahan ng bawa’t paggawa ng tao.

Sa ganyan ngayong ipinadarama ang bawa’t kahalagahan ng mga lakas na sa kaniya’y nakapaligid, sapagka’t nang dahil sa mga lakas na ito binubuo ang mga lakas na dala-dala ng bawa’t isa, nguni’t kaalinsabay ng pagbubuo bilang pagsulong, hindi maaaring hindi maging bahagi ang pagwawasak sapagka’t iyan ay baitang at proseso ng buhay, magwawasak, magbubuo; sisira, magbubuo.

Nguni’t ang lahat ay sa iisa doon uuwi: ang kaganapan, ang pagiging lubos ng pagkatuto ng tao sa bawa’t karanasang ipinadarama, at ipinahihintulot na maganap sa ibabaw ng lupa bilang siya ngayong kasangkapan upang may mahina na mapalakas; may kulang na mapunan; may responsibilidad na maitaguyod ng buong kabanalan ang isang kaluluwa sapagka’t iyon ang tanging layon, ang mai-angat ang kaniyang sarili mula sa lupa hanggang doon sa kaitaasan, sapagka’t ang lahat ay iisang kabuuan.

Datapuwa't, binahabahagi upang makita ng tao, saan siya dapat magsimula, sapagka't iyon ang kaniyang kaantasan? Saan siya dapat magpatuloy, sapagka’t napunan ang kaniyang kaantasan? Saan siya ngayon dapat na magwakas, sapagka’t mula sa simula, sa kaniyang pagpapatuloy may nabuo sa kaniyang buhay na siya ngayong magpapatotoo sa bawa’t sa kaniya’ ay ipinagkaloob may kumukuha, may kinukuha upang matupad ang iisang kautusan, mag-ibigan kayo sa isa at isa.

Ito ang aking sa inyo ay iniiwan na naroroon ang adhikain sa bawa't sandali ay madama ninyong walang kulang sa tao kung hindi ang tao ay buo nguni't pinadamang siya ay kulang upang mayroon siyang buksan sapagkat sa kaniyang pagbubukas doon niya pasisimulan ang layunin ng paghubog, ng pagbubuo, ng pagkukumpuni, ng pagtatagpi sapagka’t iyan ang mga baitang upang matamo ang tunay na pagsulong.

Hanggang dito at tanggapin ninyo ang pag-ibig, liwanag, at kapayapaan ngayon at magpakailanpaman.

Arkanghel Raphael, paalam.


Ilaw ng Sanlibutan

Talaytayan,Kapatid Rebecca Dungo


Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia