2023-10-21, Rebecca
2023-10-21 ARK RAF-RAD
Paksa: Pag-alala sa mga yumao
Paano sila matutulungang magkalag ng tanikala ng kalupaan?
Tanggapin ninyo ang liwanag, pag-ibig at kapayapaan buhat sa iisang Ama at sa iisang Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.
Ang iniibig at nilalayon ng bawa’t isa sa dakilang pagkakataong ito na ang nakapaloob ay pag-aani, ang kalagayan, at proseso kung paano makapagkakalag sa tali ng kalupaan ang mga lumisan na sa ibabaw ng Sandaigdigan,
Na, sa ganitong kalagayan dapat din na maunawaan na hindi lamang sila ang dapat maglayon kung hindi lalo at higit ang mga naiwan sa lupa sapagka’t mayroon ng lakas na naibibigay at naibabahagi upang ang layunin ng isang lumisan ay hindi maganap sa kaniyang kabuuan.
Sapagka’t ang bawa’t isa hindi lamang sa lupa natapos ang pagsasama, kung hindi, iyan ay nagpapatuloy sapagka’t ang bawa’t isa ay mananatiling naroroon ang kanilang ugnayan. Ang bawa’t ugnayan, sapagka’t, naroroon pa rin ang buhay na dala-dala maging sa lupa at maging sa kabila ng lupa.
Kung ito ay ang mga gawa, mga hakbang, mga uri ng galaw na naganap ano ba ang kalupaan na kinakailangang doon ay makakalag ang isang kaluluwa sa lupa na siyang naging kabuuan ng kaniyang buhay panlupa, na, siyang naging kabuuan ng kaniyang buhay panlupa ang nararapat na doon ay makalaya?
Samakatuwid, ito ngayon ang kinakailangang madama at maunawaan ng bawa’t isa, sapagka’t, doon ngayon magaganap at matutupad na mayroon nang makalalaya, mayroon nang makakakalag na ang ibubunga at sa kaniya ay ibibigay liwanag at kapayapaan.
Sa lupa nagtatali ang tao sa bawa’t uri ng pagsasamang ginaganap tulad ng kasiyahan, ng kaarawan kung ito ay dumarating sa bawa’t buwan, ng mga pagdiriwang na kung saan naroroon nagsasama-sama ang bawa’t isa at masayang nagtitipon, masayang nag-uusap, masayang nagpapalitan ng kani-kanilang mga kaalaman at katwiran, mga mahahalagang pagdiriwang na ginagampanan ng bawat isa.
Na, kung ang isang tao na lumisan sa lupa, hindi kaya iyan ay magiging bahagi ng isang gunita na dal-adala at dadalhin, tatanawin ng isang kaluluwa, sapagka’t iyon ang siya niyang ginalawan? Iyon ang siya niyang nilakaran? Iyon ang nagbigay at nagpadama sa kaniya ng kaligayahan? Iyon din ang bumuo ng mahigpit na tali ng ugnayan lalo na kung ito ay ang ugnayan sa isang pamilya na nasasa loob ng isang tahanan.
May lakas na ibinibigay ang mga bahaging iyan kung ito ay patuloy na isinasagawa. Na, sa bawa’t kaarawang dumaratal sa isang lumisan, naroroon pa rin ang pagalala, ang paghahanda, ang pagsasaya, ang pagpapahatid ng kaligayahan na inaakalang ito ay nagiging karapat-dapat, nguni’t, kung inyo ngayong tatanawin, wala ng laman na makadarama nito.
Ang tanging makakakita ay ang kahayagan sa pagiging espirito o sa kahayagan ng kaniyang kaluluwa, ano sa inyong pagsusuri ang madarama ng kaluluwang ito na nakikitang naroroon ang pagsasama-sama nang kaniyang iniwan na siyang nagbigay at naghatid sa kaniya ng kaligayahan, na siyang nagtali at nagbuklod upang manatili ang masaya, maligaya, mapayapang pagsasama at paguugnayan sa loob ng tahanan.
Ito ba ay magiging pagkakalag o ito ay magiging pagtatali pa rin sapagkat ang ibinibigay ang mga bahagi ng kalupaan na kaniya nang iniwan at kaniya na ring kinakailangang iwan? Nguni’t, nananatiling nagbubuo ang naiwan ng mga larawang ito, na, bagaman may kasiyahang ipinadarama pa rin sapagka’t naroroon ang pagpapauanawang hindi siya nalilimutan.
Nguni’t, kung ang pagkakalag ang kinakailangan, hindi kaya ang pangangailangan, putulin, kalagan ng mga naiwan ang mga bahagi ng gawaing ito upang magkaroon ng tunay na paglaya ang isang kaluluwang umalis na sa lupa?
Iyan ay mga bahagi ng aralin, na, kung ngayon ay lilimiin mabubuksan ang isang pagka-unawa bagaman at ito ay may ihahatid na lungkot sa mga naiwan, nguni’t, iyan ang proseso at kahayagan na kinakailangang maganap sa wala ng buhay at wala ng laman na kinakasangkapan, sapagka’t ang isang espirito ay kinakailangan ng dumoon sa tahanang sa kaniya ay inilaan. Nguni’t, papaano dodoon samantalang saa bawa’t araw, sa bawa’t sandaling nadarama tinatawag ang kaniyang pangalan? Hinihingi ang kaniyang pangangailangan bilang ganapin ng kaniyang tungkulin?
Nguni’t, nasasaan ba ang ganapin at tungkulin ng isang lumisan na sa lupa, ang doon ba ay ibigay ang tungkulin para sa lupa o ang tungkulin para sa ganap na pagsulong ng kaniyang Espirito? Kaya nga, isang malawak na pag-aaral na nagpapatanaw, ang nasilang may buhay sa lupa at doon sa kalagayan ng isang kaluluwa na kinakailangan nang tunguhin ang tunay niyang tahanan.
Katulad din ng isang anak sa kaniyang magulang, sapagka’t hindi napuputol at hindi napapatid ang pagmamahal sa isa at isa. Na, sa kaniyang pagkabuhay laging naririyan ang gabay ng isang magulang. Sa kaniyang kalungkutan sa lupa ang kinakailangang makapagkalag sa tali ng kalupaan na nabuo sa pagitan ng kaniyang sarili; may magulang na sa kaniya ay dumaramay, may mga kamay na humahaplos sa kaniyang likod, mayroon ng sa kaniya ay yumayapos sapagka’t kapwa pa may buhay.
Kaya nga at ito, sa sandaling may mabigat na suliranin ang anak, katotohanan ba na sa halip na ang Diyos, ang Panginoon ang lakas na kanilang hapitin, ang balanihin, hindi ba ang naisasagawa “Nanay, tatay nahihirapan na ako saa suliraning ito, tulungan mo po ako, dalawin mo po ako. Ipadama mo na ikaw ay buhay na sa akin ay patuloy na magkukupkop.” Ngayon, ibabalik ko ang tanong, kayo ba ay nagpapalaya o kayo ba ay nagtataling muli?
Sapagkat, sa sandaling ito ay lumisan, ang buhay ng isang nasa lupa nasa kaniya na ang pagbubuo. Nasasa kaniya na ang pagdaragdag ng lakas. Nasasa kaniya na ang pagtatali ng karunungan at kaalaman upang siya sa kaniyang kabuuan ang humanap ng kaparaanan upang madala ng may gaan ang suliranin, ang pagsubok na sa kaniya ay dumatal.
Isang pag-aaral na kailangan pa rin baga na patuloy na isama, isangkot ang isang wala na sa lupa upang kung ang kagulumihanan at bigat na nadarama ng naririto sa lupa at may laman pa ay madama pa rin niya samantalang doon ngayon mabubuo ang kaligaligan sa kaniyang sarili, ang kagulumihanan sa kaniyang kalagayan.
At kung minsan, ang pagdaramdam, ang kalungkutan ang siya pa rin ngayon niya dadalhin sapagka’t iniibig niyang siya ay makatulong sapagka’t siya’y isang ama o dili kaya’y isang ina, nguni’t hindi na niya maisagawa, ano ang bigat at gaano kabigat ang dadalhin ng kaluluwang ito nang dahil sa ang hinihingi ay ang paggabay, ang pagmamahal ng kaniyang magulang na siyang sa kaniya ay nag-iwan. Damhin ngayon ninyo ang kalagayan ng bawa’t kaluluwa na nasa kabilang daigdigan.
Tanawin ninyo kung ano ang karapat-dapat at tunay na kailangan nilang mataglay. Tanawin ninyo kung ano ang buhay na kinakailangan na nilang buuin. Tanawin ninyo kung papaano nila itataguyod ang kahingian sa pag-unlad at sa pagsulong. Ito baga ay kinakailangan pa na sadyang maging katali at maigapos muli sa lupa na kaniya, na, na iniwan at sinisikhay at hinihinging kaniya nang maiwan, sapagka’t ito ang kalupaan na dito ngayon siya ay pinapanday?
Sa lupa doon ang paglilinang. Sa lupa doon ang paglilinis, at kung dumating ang kamatayan, naroroon ngayon ang pagpapatuloy sapagka’t ang bawa’t gawa anomang ito dinadala at dadalhin ng bawa’t kaluluwa sapagka’t iyon ang muli niyang magiging tuntungan.
Sa ganyang proseso binubuksan at imunumulat ang pagka-unawa ng lahat at bawa’t isa upang masakit man para sa naiwan, sadyang ang kinakailangan ang naiwan ang magpatid ng tali ng ugnayan upang maging ganap na malaya at makakalag sa tali ng kalupaan ang isang lumisan sa ibabaw ng lupa.
Paano ito magaganap? Lilimutin, hindi magagawa nguni’t huwag na sana at iwasan na sanang ito; ay isama pa sa lahat ng kaniyang magiging galaw, isama pa sa lahat ng karanasang kaniyang dinarama at daramhin pa, isama sa lahat ng kaniyang pinapasan, sapagka’t hindi iyan pagkakalag kung tutuusin, kung hindi, iyan ay lalong pagbibigay ng tali at paggapos upang hindi maiwan ng isang kaluluwa ang lupang kaniyang ginagalawan.
Sapagka’t hanggang ngayon hinihingi pa ng naiwan ang tungkuling kaniyang ginampanan noon na, ang karapat-dapat siya na ay bigyan ng kalayaan sapagka’t magkakalag na ng tungkuling kaniyang iniwan. Datapuwa’t ang bawat naisagawa, ang bawat naibigay, ang bawat naituro, ang bawat naiwan ng isang lumisan na nananatili sa diwa at puso, iyon ang kaniyang maging gabay na aalinsunurin.
Kaniya ngayong gagawing pamantayan at batayan upang ang kahingian ng isang lumisan makitang; may naiwan siyang katatagan, may naiwan siyang pagtuturo, may naiwan siyang kaalaman at karunungan sa kaniyang mga anak o sa kaniyang mga mahal sa buhay nagagamit, naisasabuhay.
Samakatuwid,kailanman hindi lumisan at hindi siya naiwan sapagka’t ang kaniyang dala-dala ang halimbawa ng mabubuting mga gawa, ang karunungan at kaalamang nasimpan na siya ngayon niya ginagawang gabay upang siya ay makapagtaguyod ng isang maluwalhati, mapayapa, at maligayang pamumuhay.
Ito ang malawak na araling aking sa inyo ay binuksan upang maunawaan ngayon ninyo sadayang ang lahat ay kkinakailangang lagyan ng hangganan. Sadyang ang lahat ay kinakailangang magkaroon ng kaniyang limitasyon. Sadyang ang lahat ay kinakailangang magkaroon ng kani-kaniyang bahagi at dapat na niyang kalagyan.
Kaya nga ipinangusap upang matanaw na bawat isa ay mayroon na ng dapat na kaniyang lakaran na ang panagungusap, “Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan, kundi gayon, sana’y sinabi ko sa kanya ang lahat ng ito”.
Iyan ang aking sa inyo ay iniiwan upang ilarawan na laging sa inyo ay ipinagkakaloob, may daigdigang panlupa at may daigdigang ukol sa Espirito. Na, sa sandali na ang isang kaluluwa ay naroroon pa sa kaniyang laman, ang lahat ng bahagi ng lupa ay kaniyang gagalawan, sapagka’t iyon ang pagbubuo ng kaniyang kabuuan upang ilagay sa isang pagsulong.
Nguni’t, sa sandaling ito ay mawala na at umuwi na ang alabok sa kapwa alabok, ang Espirito ay sa espirito pag-aralan ninyo, karapat-dapat ba na diyan ngayon maganap ang limitasyon, ang hangganan, upang makita may magkaiba at magkaibayo na dapat nang galawan ang daigdigang panlupa at ang daigdigang ukol sa Espirito?
Ito ang aking sa inyo ay ibinabahagi bilang bunga ang na inyong aanihin. Patuloy na aanihin sa bawa’t sandali, sa bawa’t araw na nasasa puso pa ninyo halaga ng simulain ng Diyos, ang halaga ng halimbawang iniwan ng Panginoon na ang inyong magiging puhunan pagsisikhay, pagpupunyagi, pagtitiyaga, pagpapakababa, pagtatapat upang sa saandaling kayo ay nagtatanim, ito ang mga sangkap na inyong ibibigay bilang magiging buhay. At kung iyon ang buhay na tataglayin ng bawa’t binhing inyong itatanim, katotohanan kaya na gayundin ang bungang inyong aanihin?
Muli ay iniiwan ko sa inyo at ikinikintal ang liwanag, pag-ibig at kapayapaan buhat sa iisang Ama at sa iisang Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Rafael,paalam.
Centro Lualhati sa Dios sa Kataastaasan
Talaytayan,Kapatid Rebecca Dungo
Comments
Post a Comment