2023-09-07, Rebecca
2023-09-07 ARK GAB-RAD
Tanggapin ninyo ang pag-ibig, liwanag at kapayapaan buhat sa Ama at sa Anak, ngayon at magpasawalang hanggan.
Ang pagkakaiba ng kadiliman sa kaliwanagan
Ano ba ang dapat maunawaan at makilala ukol sa buhay? Sapagkat dito ay may mapupulot at makukuha ang bawat isa na makapagbukas ng kanyang paningin upang maunawaan ang pagkakaiba ng kadiliman sa kaliwanagan.
Upang maunawaan ng bawat tao na ang buhay ay lumalakad sa dalawang kahayagan; sa tama at mali, sa liko at sa matwid, na ang buhay ay naghahayag ng maraming uri na sapat upang gisingin ang bawat diwa.
Karanasang dinadama bahagi ng buhay sa kalupaan
Upang makita niya kung ano ang kaparaanan upang siya’y makarating sa kaharian ng mga langit at sa pamamagitan nito hindi ba ang lahat ay nakapaloob sa bawat karanasan na dinadaanan, dinadama at nagiging bahagi ng pang araw-araw na pakikipamuhay ng bawat nilalang ng Dios.
At sa bawat karanasang ito ay mayroon ng nag-iiwan at nagkikimpal ng mga aralin sa kanyang puso upang madama niyang may karunungan pala sa bawat karanasang sa kanya ay dumarating at sa kanya’y ibinibigay upang maging yaman ng kanyang kaluluwa.
Bawat karanasan ay yaman ng isang kaluluwa
Ang bawat karunungang ito, kung naroroon at inihahandog mula sa kaitaasan sa pamamagitan ng inyong pag-aaral, aalamin ngayon at susuriin ng bawat isa kung ano ang mga karunungang ngayon ay inyo ng nagagamit at patuloy na ginagamit.
Sapgkat naroroon ang pinakamahalagang aral na sa inyo ay naituro upang maunawaan ninyong kayong lahat ay anak ng Diyos. Samakatwid, bubuksan ninyo ang inyong pag-iisip upang doon ay ihayag ano na ang naiwan at naging pag-unlad ng bawat kamalayan.
Katotohanan ay bahagi ng bawat pangyayari sa buhay
Sapagkat nasumpungan ninyo ang isang katotohanan na hindi kinakailangang isipin, hindi kinakailangan na ito ay kanyang hanapin sapagkat ang katotohanan ay bahagi ng bawat pangyayari na nagaganap sa buhay ng lahat at bawat isa na naroroon, iisa ang katotohanang ipinakikita. Lahat ng iyan ay bahagi ng kapangyarihan, ng katarungan, at pag-ibig ng iisang Diyos.
Samakatwid, kung ang kasagutan ang kinakailangang iba’t iba ang inyong iparirinig, iba’t iba ang inyong ibibigay, iba’t iba ang inyong bubuksan sapagkat iba’t iba rin ang inyong hinugot mula doon sa bawat na kakintalan.
Upang maunawaan ng bawat tao at ng lahat at bawat isa; sino siya, saan siya nanggaling, ano ang layunin ng bawat tao sa buhay na kanyang ginagalawan at pagkatapos nito, saan siya tutungo.
Hindi makagagawa ang tao kung hindi ibibigay ng Diyos
Hindi ba diyan makukuha ngayon ang pinakamahalagang aral na kinakailangang matutuhan ninyo sa inyong buhay? Sapagkat kung ito’y inyong nauunawaan; kapag ito ay inyong namasdan, kapag ito’y inyong napulot, makikita ninyo nang buong-buo na kailanman, hindi makagagawa ang bawat tao malibang ibigay ng isang Diyos.
Samakatwid, ano ang aral na kinakailangang lumabas at ihayag na ang tao pinahiram ng buhay upang ang layunin ng kalooban ng Diyos ay naroroon na inilalarawan kung papaano babaitang ang tao na matamo niya at kanyang maabot ang buhay na walang hanggan.
Naririyan ngayon ang pinakamahalagang aral na kinakailangang matutuhan ng inyong sarili upang ang buhay na walang hanggan na siyang kalooban ng Diyos ang siyang tunguhin, ang siyang lakaran, ang siyang landasin ng lahat at bawat isa. At papaano ito magaganap?
Karanasan ang maglilinis, magpapalit, maghahawan ng mga dawag
Hindi baga naroroon sa aral na itinuturo ng bawat karanasan na ang inilalarawan, maghuhubad ang tao ng marumi niyang bihisan, magpapalit ang tao ng luma niyang kasuotan. Maghahawan ang tao sapagkat marami ang naging dawag sa kanyang bakuran.
Kaya’t naroroon hindi baga ipinangusap, “Darating ang Panginoon, linisin ninyo ang daan, tambakan ninyo ang mga lambak, hawanin ninyo ang landas na Kanyang dadaanan.”
Paggawa ayon sa natutuhan sa kalihiman ng buhay
Ito ang paggawa ng isang nakakilala ng mahalagang aral sa kanyang buhay ngayong natutuhan. Datapwat, sa pakikipamuhay ng tao tinitignan at dinadama kung tulad ng karamdaman ang bigat ng kanyang pinapasan, ang sakit at kirot, ang hapdi na nadarama ng kanyang katawan sa sandali ng ang karamdaman ay umiiral.
Ano ngayon ang aral na kinakailangang makuha ng isang may karamdaman upang ipakitang natuto siya sapagkat mayroon na mga katanungan at aralin na kanyang tinamo at kanyang tinanggap, sapagkat siya’y nag-aaral sa kalihiman ng buhay.
Hindi baga naririyan ang pagtuturo, kaya nga ang karanasan ay guro na nagtuturo upang mula sa mababang kalagayan ang tao ay umangat at umantas sapagkat naroroon ang diwa ng tunay na pagbabago na iyan ang pinakamahalagang aral na kinakailangang makuha ng tao sa kanyang buhay.
Ang pagbabago ay pag-unawa sa naging pagkukulang
Ang tunay na pagbabago, sapagkat ang pagbabago hindi sinasalita upang ipadinig sa kanyang kapwa. Ang pagbabago ay hindi isinusulat upang mabasa ng kanyang kapwa. Ang pagbabago ay hindi inilalahad ng kamay na wala ng kabuluhan at walang magiging kapakinabangan.
Sapagkat ang pagbabago ay ang pag-unawa sa lahat ng kanyang naging pagkukulang na kanya ngayong tatanggapin, kailangan niya itong mapunan. Ang pagbabago ay ang pagtanaw sa kanyang dinaanang naroroon ang pagkakamali na kinakailangang kanyang tanggapin, sapagkat ang kababaang-loob ang kinakailangang maghari at mamaibabaw.
Ang pagbabago ay pagdama sa damdamin ng kapwa
Ang pagbabago ay ang pagdama hindi sa kanyang sarili lamang, kung hindi ang pagdama sa bawat damdamin ng kanyang kapwa, na kung ano ang mayroon siya na liwanag, ito ay kanyang maibigay. Na kung ano ang halimbawa bilang isang anak ng Diyos, ito’y malarawan sa bawat kanyang pagkilos sa bawat kanyang paggalaw sa bawat kanyang paggawa.
Sapagkat naririyan ang mahalagang aral ay kinuha mula sa kanyang karanasan na nag-iwan ng malalim na kakintalan at mula sa malalim na kakintalang iyan maunawaan ngayon ng bawat isa nang dahil sa pag-aaral may diwang nabuksan, may kamalayan ay binago, may pananaw na pinalawak, may damdamin na pinatibay at pinatatag.
Sa pagkabukas ng diwa may kamalayang binago
Hindi upang siya ay mauwi sa wala; kung hindi upang siya ay maging katuwang, karamay ng kanyang kapwa na nangangailangang tumindig, nangangailangang tumayo, kinakailangang magbalikwas, kinakailangang manindigan, kinakailangang magpakilalang mula sa kanyang sinalita naroroon ang bawat laman ng tunay na pag-ibig.
Sapagkat ang pangungusap ay umaantig sa isang damdamin na ang buhay ay hindi lamang ang paggalaw, kung kailan mo iniibig na mag-aral, doon ka lamang gagalaw. Kung kailan mo kinakailangan na magkaroon ng liwanag ay doon ka lamang aalis sa kadiliman.
Na kung kailan kinakailangang mo ng lakas, doon lamang magtutungo upang ikaw ay gabayan, kungdi, sa bawat sandali. Sapagkat naiwan ang aral ng bawat pagtuturo inuunawa mo ngayon; bawat araw ay pagpapatotoo, bawat araw ay paninindigan, bawat araw ay pagtindig, bawat araw ay pagbabalikwas.
Upang ipakilalang ikaw ngayon ay isang kaluluwang kinuha mula doon sa karimlan, upang ikaw ngayon ay maging kamay na uugit ng isang samahan na ang ibinibigay ay karunungan at pag-ibig, upang ang lahat ay dalhin sa liwanag at kapayapaan.
Paninindigan sa tungkulin tinanggap mula sa Diyos
Samakatwid, kung iyan ag siyang malalarawan mauunawaan ninyo ngayon ang inyong sarili, paano ako naninindigan sa tungkulin na aking tinanggap mula sa Diyos, paano ko dinadala na ang bawat karunungan at kaalaman na mula sa Diyos.
Paano ko inihahakbang ang aking mga paa upang ako’y dalhin doon sa tunay na layunin ng aking kaluluwa. Oo, kailangan ng tao ang sanlibutan upang siya’y mabuhay ngunit ang bahaging ito, kung ang wika at ipinangusap, “ibigay mo kay Cesar ang kay Cesar, ang sa Dios ay sa Dios.”
Papaano ninyo titimbangin ang dalawang mahalagang bahaging ito, na mayroon ng pagkatuto, kinakailangang sa inyo ay masilayan? Hindi maaaring ang tao’y hindi kumuha ng kay Cesar na wala ang Diyos, na wala ang pag-ibig ng Diyos, na wala ang liwanag na kinakailangang sa kanya ay tumanglaw.
Ibigay ang isang kabuuan sa Diyos
Kung gayon, inihahantad ang kabuuan ng inyong sarili sapagkat naroroon ang aral na itinuturo, naroroon ang guro na nagtuturo sa lahat at bawat isa, katulad ng pangungusap ng Panginoon na ibigay ninyo sa inyong kabuuan, “habag ang ibig ko at hindi ang hain.”
Gaano kahalaga ang aral na ibinibigay din nito, “habag ang ibig ko at hindi ang hain.” Ano ang bahagi na aantigin sa inyong damdamin? Anong bahagi na tatapyasan sa inyong pag-iisip? Ano ang bahagi na kinakailangan na dukutin sa inyong kalooban, “habag ang ibig ko at hindi ang hain.”
Kung gayon, kapag ito ay inyo ngayong naunawaan, makikita ninyo na sa bawat bahagi ng buhay ay nandoon ang mga layak, sa bawat bahagi ng buhay ay nandoon ang mga tulyapis, sa bawat bahagi ng buhay ay naroroon ang dayami pagkatapos na ang palay ay maani.
Na, sa bawat bahagi ng buhay ay naroroon may buhay sa ilalim ng karagatan, may buhay sa ilalim ng tubig, na sa lupa ay mayroon din ng buhay na kinakailangang bigyan ng buhay, ingatan at pangalagaan.
Sapagkat mayroon din ng lupa na kinakailangang pagtamnan ng mabuting binhi. At kung ang dala-dala ng buhay, haahanapin ngyon ninyo, sino kayo sa buhay na inyong dinadala at sino kayo sa buhay na tinataglay.
Sa nananalig sa Diyos ang kahinaan ay papalitan ng kalakasan
Ganito ang mga bahagi ng akin sa inyo ay inihahandog upang maunawaan ng lahat at bawat isa ang nanampalataya sa Diyos, ang nananalig sa Diyos, ang naniniwala sa Diyos, kailanman ay hindi natatakot na siya ay mawawalan.
Kailanman na hindi natatakot na siya’y maiiwan, kailanman ay hindi natatakot na domoon ang maraming pagsubok, ang maraming suliranin, ang bigat ng karamdaman sapagkat nauunawaan niya na siya ay nagdadala ng bahagi ng pagka-Espirito ng Diyos.
Na kailanman ay hindi maaaring pabayaan, kailanman ay hindi maaaring maitakwil, kailanman ay hindi maaari na pawalan ng kaabuluhan at mawalan ng halaga sapagkat mula sa kanyang kahinaan, sa gabay ng Diyos ang kanyang kahinaan ay papalitan ng kalakasan mula sa kanyang kamangmangan.
Siya ay ilalagay doon sa isang kalagayang mayroon na ng kaalaman at karunungang matataglay mula sa isang magulo na pag-iisip sapagkat naroroon at naghahari ang kanyang matibay na pananalig at matatag na pananampalataya sa Diyos.
Ang magulong pag-iisip ay makasusumpong ng kanyang kapayapaan, at kung masumpungan ang kapayapaan, ang kanyang matibay na pananalig at matibay na pananampalataya ay sa Diyos; ay siyang magsisilbi na mga pangangailangan, na siyang nagpapalaki at nagpapatubo sa isang buto na inihasil mula doon sa matabang lupa.
Kung gayon, nakita ba ninyo na ang pinakamahalagang aral ay ang buhay ninyo? Ang kalagayan ninyo? Ang naabot ninyo? Ang tinataglay na ninyo ngayon? Saan iyan nanggaling, kanino ninyo iyan nakuha, sino ang nagbigay, sino ang nagpatubo at sino ang nagpalago?
Iyan, kapag inyong kinuha madarama ninyo wala na palang tiisin, wala na palang hihirap, wala na palang bigat, wala na pala ng mga bagay na katatakutan ng tao ay siya’y magugutom sapagkat lagi siya na mayroong kakainin sa araw-araw.
Na mayroon pala sa araw-araw na biyayang inihahandog ang Diyos sapagkat sa pagbuka pa lamang o sa pagdatal ng bukang-liwayway naroroon na ang bawat biyayang inihahandog ng Diyos na pangangailangan ng tao.
Kaya nga, sa kahayagang ito damhin ninyo dala-dala ninyo ang pinakamahalagang aral na kailangan ninyong matutuhan, kayo ang kawangis at kalarawan ng Diyos. At kung kayo’y kawangis at kalarawan ng Diyos, katotohanan lamang na inyo ngayong tanggapin, kayo ay mumunting Diyos. At kung tatanggapin ninyong kayo’y mumunting Diyos, naroroon magsasama, mag-iisa, katulad ng ipinangusap, “Ako at ang Ama ay iisa.”
Ito ang akin sa inyo ay iniiwan, at mulim damhin ninyo kung gaano kahalaga ang aral na iniiwan sa araw-araw ng buhay na inyong tinataglay. Muli, ang pag-ibig, ang liwanag, at kapayapaan ang siyang sa inyo ay maghari, ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Gabriel, paalam.
Comments
Post a Comment