2023-09-03, Rebeccca

2023-09-03 ARK GAB-RAD

Tanggapin ninyo ang pag-ibig, liwanag at kapayapaan buhat sa iisang Ama at sa iisang Panginoon, ngayon at sa magpasawalang hanggan.

Bawat aralin ang nakapaloob ay buhay; ang lahat ay may larawan na ipinataanaw, may kaalaman at karunungan na binubuksan, may kaligayahan at kapayapaan na ipinadadama. Sapagkat ang buhay ang siyang dahilan bilang taglayin ng tao kung bakit siya ay gumagalaw, nakapangungusap, gumagawa, naghahantad ng iba at ibang uri ng galaw na kaluluputan ng aral sa sinuman na tumatanaw.

Datapwat, katotohanan din na ipinamulat na ang unang baitang ng buhay ay kawalan ng kaalaman, kasalatan, at kamusmusan, kamangmangan. Sa ganitong kalagyan, papaano ngayon magkakaroon ng pagkakautang ang tao samantalang ang kanyang simula ng baitang ng pakikipamuhay ay kamangmangan.

Bawat gagawin ng tao sa kanyang pasimula ay isang pagkakasala

Kasalatan sa tunay na pagkaunawa kung ano ang hatid ng buhay, kamusmusan sapagkat ang kaunawaan sa kanyang kamalayan upang maunawaan ano ang totoo, ano ang hindi, at hindi pa nabubuo sa isang isipan.

Samakatwid, bawat gagawin ng tao sa kanyang pasimula maituturing ba na isang pagkakautang sapagkat ito ay ituturing na isang pagkakasala? Naririyan ang malawak ng pag-aaral na humihingi ng taimtim at mataman na pagsusuri upang matanggap ng tao kung papaano niya dadalhin ang kanyang sarili.

Kung saan niya kinakailangan na ihandog ang kanyang sarili at sa ganyang kalagayan, naroroon din ang larawang bawat paghakbang ng tao ay mayroon na proseso na dinadaanan. Samaktwid, kung ang aralin ay nakatuon doon sa pagbabayad ng utang, oo.


Napakarami ang katanungan na kailangang mabuksan upang maging buo ang pananggap ng tao sa uri ng buhay na kanyang gagalawan. Kung gayon, paano ba nagkakautang ang tao? Paano ba nagkakasala ang tao? Paano ba may pananagutan ang tao?

Naroroon kaya sa isang kahayagan na kung ang tao ay mayroon na ng buong kaunawaan at mayroon na ng buong kabatiran, kung ang kanyang ginagawa ay labag sa batas ng pagsasamahan ng tao. Sinsay sa kaisahan ng mabuti na tinatanggap ng tao.

Hindi tinutugon doon sa pangangailangan para sa lahat at bawat isa. Naririto na kaya ang isang patotoo kapag ginawa ng tao siya ay magkasala at ang pagkakasalang kanyang isasagawa ang magiging bahagi ng kautangan ng kanyang kaluluwa na kanyang babayaran sa bawat yugto ng kanyang pakikipamuhay.

Ngunit sa kalagayang din na ito, kapag ang tao ay namatay at muling isisilang, hindi baga sadyang naroon, wala siyang ala-ala sa buhay na kanyang pinagdaanan? At kung wala siyang alam sa buhay na pinagdaanan, papaano nga makakabayad sa kanyang mga nagawa na hindi karapat-dapat sa matwid at sa mabuti na siyang kahingian ng batas sa lupa at batas din sa kaitaasan?

Ang simula ang pananagutan at pagkakautang ng tao

Kung gayon, iisa ang inihahantong at inilalarawan ng bahaging ito kung saan nagsisimula ang pananagutan ng tao, kung saan nagsisimula ang bahagi ng pagiging pagkakautang ng tao, doon sa buhay na tinanggap at dadalhin ng kanyang kaluluwa, iyon ang magiging pagkakautang niya.

Sa buhay niya, naroroon ang pagkakautang sa bawat bahagi ng kanyang pakikipamuhay sapagkat sa isang sandaling hindi madala ng tao, sa matuwid na kalagayan, sa kapaki-pakinabang at makabuluhang ga paggawa.

Sa mabuti na pangangailangan at pagsasama ng lahat at bawat isa, ang buhay na sa kanya ay inihiram, pinahiram, magkakaroon na ngayon ng pagkukulang at pananagutan ang tao na nagdadala ng kanyang buhay na hindi nadala doon sa matwid na landas at matwid na daan upang marating ang buhay ng walang hanggan.

Kaya nga, sa ganitong kahayagan, magiging magaan kaya ngayon na matatanggap ng lahat at bawat isa na sa pagsilang pa lamang ng tao ay mayroon na ng pagkakautang at magagawang kautangan ang kanyang sarili?

Iyan ngayon ang malawak ng aralin na hindi sapat ang tanggaping mag-utang ka, babayaran. May pagkakautang na nagawa kahapon na sa mga buhay na ito sa kasalukuyan ang siyang dinadama at sa karanasan tatanggaping iyon ang kabayaran sa inyong nagawa kahapon.

Buksan ang kamatayan ng kanyang sarili

Napakalaking pag-aaral na sadyang hinihingi upang buksan ang lahat at bawat isa ang kamatayan ng kanyang sarili upang sa bawat aralin at kaalamang kanyang tinatanggap maipaloob ngayon niya ang kaliwanagan na sa kanya ay susubaybay at gagabay upang marating niya ang mithiin ng kanyang kaluluwa at ang tungkulin na kinakailangan na ito ay ganapin sa kanyang pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa.

Mga proseso ng pakikipamuhay ng tao:

Pagkakamali at pagkukulang

Sa baitang ng pakikipamuhay ng tao, dinadaanan niya ang tatlong proseso: pagkakamali, pagkukulang at ang gawa na ang ibubunga ay pananagutan. Ang pagkakamali, sa isang sandali na matanggap na ito ay kailangan na ituwid, kapag ang pagkakamali tinatanggap niya na kanyang kahinanaan, kanya ring kalakasan at sinisikhay ng kanyang ito ay maituwid, hindi baga naroroon na ang bahagi at antas siya ay kapagbayad na sa kanyang kakulangan?

Pagsasagawa

At kung sa kanyang pagsasagawa, sapagkat ang tao ay hindi pa sakdal bawat kanyang ihahayag hindi maaaring hindi mayroon ng pagkukulang na ilalarawan, ngunit kung ang pagkakamali naitutuwid ang pagkukulang ay mapupunuan at maaaring ito ay madagdagan.

Datapwat, kapag ang tao sa kanyang pakikipamuhay ay nakagawa ng isang uri ng gawaing tinatanggap niya at niya na iyon ay pananagutan ng kanyang kaluluwa, maituturing kaya ito ay isang uri ng pagkakasala na kanya ngayong pagbabayaran sapagkat ang pagkakasala na kanya ngayong pagbabayaran sapagkat ang pagkakasala ay isa uri ng pagkakautang?

Mabubuksan ang kamalayan sa mabuti, liko, at mali na paggawa

Kung ang tao ay tinuturuan ng kanyang karanasan, na tuturuan ang bawat karanasan na sa kanya ay dumarating sapagkat ang bawat karanasan ay may aralin at kaalaman sa kanya ay ibinibigay. Samakatwid, kailanman ay hindi mananatili ang tao na hindi mabubuksan ng kamalayan sa mabuting gawa, sa liko at sa mali na paggawa.

Sapagkat ito ang tungkulin ng karanasang imulat ang tao kung ano ang liwanag at kung ano ang kadiliman. Imulat ang kaunawaan ng tao kung ano ang kinakailangan na kanyang galawan at kung ano ang hindi niya kinakailangang galawan. Kung ano ang magiging kapakinabangan at kindi magiging kapakinabangan.

At kung sa bawat karanasan nabuksan ang kanyang pagkaunawa na hindi pala karapat-dapat na ito ay kanyang isagawa ngunit kanya itong isinagawa, patuloy na isinasagawa hindi na iyan pagkakamali na maituturing, hindi na rin iyan pagkukulang, kungdi iyan ay isa ng pananagutan.

Pagkakasala ay paglabag doon sa mabuti

Sapagkat alam na at bukas na ang kamalayan na ang kanyang gagawin ay hindi karapat-dapat sapagkat ito ay lumalabag doon sa mabuti na pinagkasunduan ng kabuuan ng tao na siyang magiging bahagi ng kanilang mga galaw, isa nang pagkakasala at kung ito ngayon ay isa ng pagkakasala, katotohanan lamang iyon ay magiging katumbas at katimbang ng utang na kanyang pagbabayaran.

Ngunit paano nga makapagbabayad at makapagbabawas samantalang mula sa pasimula ay wala ng kaalaman ang tao kung ano ang buhay na sa kanyang ginagalawan samakatwid sa kanyang pakikipamuhay patuloy na magkukulang at ang pagkukulang na ito ay magiging pananagutan ng kayang kaluluwa.

Datpawa naririyan ang bawat bahagi ng lakas na umiinog sa sanlibutan, ang bawat lakas na umiinog sa kapaligiran at sa kabuuan ng buhay ng bawat tao sa mundo na kanyang ginagalawan ay mayroon na ng mga lakas na kabahagi at bahagi ng lakas na tinataglay ng tao, nag-aangkop, naghahalinahan.

Ngunit kung minsan ito ay nagtutulakan, kaya nga, diyan ngayon sumibol ang isang pagka-unawa na bawat galaw ay may ganting-galaw, mabuting gawa ay mabuti ang ibubunga, ang hindi mabuti na iyong ginawa ay hindi rin mabuti ang magiging bunga.

Baitang at proseso upang maunawaan ang kahingian ng isang kaluluwa

Ngunit katotohanan din ba na sa buhay ng bawat tao ay mayroon na ng nagaganap na mabuti ang inyong ginagawa ngunit hindi mabuti ang sa iyo ay bumabalik, sapagkat nakaunawa ka na ang lahat ng mabuti na iyong kinilala at naunawaan ay isinasagawa mo na dito sa lupa?

Ngunit sa mabuting ito, doon nakapaloob ang ganting-galaw datapwat ang tinanggap ay hindi ka-angkop at hindi mabuti na bunga, ano ngayon ang aralin dito ay nakapaloob? Hindi ba ang ganyang uri na iyan, ay isang uri ng baitang at isang uri ng proseso upang ipaunawa ang kahingian ng inyong kaluluwa ay humahanap ng daan.

Humahanap ng kanyang landas upang maituwid niya ang lahat ng kanyang pagkakautang o pananagutan na naisagawa kaya nga sa mabuti na naunawaan; doon siya lumalakad, doon siya humahakbang, doon siya lumalandas, ngunit ang ibubunga ay hindi katumbas ng galaw ng kanyang iginalaw.

Pagbabayad at pagpupuno ng pagkukulang na nagawa sa nakaraan

Samakatwid, naroroon ngayon ang uri kung papaano matatanggap na mayroon ng nagawa kahapon na ngayon ay kinakailangan na kanya ngayon na punan, kanya ngayong ituwid, kanya ngayon na panagutan, kanya ngayon na mapagbayaran.

Sapagkat sa ganyang bahagi doon ngayon matutupad ang bawat batas: Batas ng Pag-iibigan, Batas ng Pag-uuri-uri, Batas ng Paggalaw, Batas ng Pagsulong, Batas ng Pag-unlad. Lahat ng iyan ay kabuuan at pumapaloob doon ang buhay ng bawat tao na sa buhay na ito doon ngayon siya nagkaka-utang.

Sa bukas na kamalayan hindi na magpapatuloy ang pagkukulang

Muli ko ngayon na ilalarawan, kaya nga, kung bukas na ang inyong kamalayan upang hindi na magpatuloy ang bawat pagkukulang, hindi ba aalamin ngayon ninyo papaano ninyo gagamitin ang buhay na sa inyo ay ipinahiram.

Paano ninyo siya pamamahalaan upang hindi kayo lumabag sa Batas ng Kaisahan ng pakikipamuhay. Paano ninyo didisiplinahin, unang-una, ang inyong pag-iisip, ng inyong damdamin, ng inyong kalooban na siyang puso ng kaluluwa. Paano ninyo ngayon iyan hahawakan?

Ang isang pagkatao ang nagbibigay ng kautangan sa kanyang sarili

Sapagkat sa ganyang bahagi, kayo sa inyong mga sarili at sa inyong paghakbang ay siya na ngayon bubuo ng mga proseso na nakakaya ninyong lakaran, makakaya ninyo ngayon na isagawa, makakaya ninyo ngayon na mabuo, makakaya ninyo ngayon na gawin at alinsunurin upang madama ninyo sa inyong mga sarili walang sinuman na nagbibigay ng kautangan kung hindi ang inyo ring mga pagkatao.

Ang isang sarili ang nagbibigay ng pasanin sa buhay at hindi ang ibang tao

Kailanman ay hindi ang tao ay bagbibigay upang kayo ay magkasala, kailanman ay hindi ang tao ang siyang nagbibigay ng suliraning sa inyong buhay, ng bigat ng pasanin sa inyong buhay, kung hindi higit at lalong higit ang inyong sarili.

Kaya nga at, kinakailangan ang sariling ito ay malinang, mapanday, mahubog, malinis ayon doon sa tungkulin na hiningi at ipinangako na gampanan, isagawa ng kanyang kaluluwa. Kaya nga sa ganitong kalagayan napakaganda na ang bawat isa sa kanyang pakikinig; ay magbukas ng kanyang damdamin, magbukas ng kanyang kalooban.

Upang sa bawat araw na kanyang gagalawan makilala niya ang kanyang sarili at sa pagkakilala niya sa kanyang sarili magiging katumbas na siya ay unti-unti na ang marumi niya na bihisan, unti unti na naghuhubad ng magaspang na saplot sa kanyang kabuuan at sa kahayagang ito ngayon naroroon bawat isa ay gagalaw ayon sa kahingian ng katotohanang sa kanya ay makapagpapalaya.

Samakatwid, bawat hakbang ay mayroon ng matwid na landas na kanyang tutugpahin, bawat pananaw ay mayroon ng liwanag na kanyang hahapitin, bawat paggalaw at kislot na kanyang katawan ay mayroon ng malinis na kanyang bubuin.

Bawat pagsilang at kamatayaan ay hindi pagkaka-utang kungdi isang proseso

Upang sa kabuaang ito laging naroroon, bawat pagsilang, bawat kamatayan at bawat kamatayan, at bawat pagsilang hindi na magiging isang pagkaka-utang kung hindi isang bahagi ng proseso at isang bahagi na ang baitang na ang tao ay lumalandas at lalandas doon sa kahingian ng bawat paggawa.

Na, ang magiging hangganan; ang kanyang kasakdalan, ang kanyang kawagasan, ang kanya ngayong kabanalan at kaluwalhatian. Sapagkat ito ang layon ng buhay na kinakailangang maunawaan bakit siya may buhay sa tinataglay sa mundong ito na kanyang ginagalawan.

Ito ang akin sa inyo ay inihahandog upang sa bawat sandali manatiling dala dala ninyo ang kasiglahan ang pananabik na sa bawat araw, sa bawat pagmulatng inyong mga mata, kayo ay magiging isang bagong-tao.

Muli ang pag-ibig, liwanag at kapayapaan ang siya ninyong tanggapin ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Gabriel, paalam.

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia