2023-08-13, Rebecca

2023-08-13 ARK GAB-RAD

Tanggapin ninyo ang liwanag, pagibig at kapayapaan ngayon at magpasawalang hanggan.

Kung kayo ay aatasan na umakyat sa isang hagdan, ano ang normal na pagsasagawa na inyong ilalarawan? Ang magsimula ba sa itaas na baitang ng hagdan at pagkatapos ay tuntunin hanggang sa siya’y makarating sa ibaba?

Na, kung ang kaligayahan ang iwawangis at itutulad alin ang masarap damhin na siyang maiiwan sa inyong puso? Ang magsimula sa itaas at pagkatapos ay bababa? Na, kung ito ay sa kalagayan ng kasaganaan at ng kahirapan masarap kayang damhin ang magsimula sa ibaba at sa pamamagitan ng iyong pagsisikap at pagpupunyagi narating at mararating mo ang itaas?

Na, mula sa paghihirap naroroon at ibinibigay ng tao na nasa ganoong kalagayan ang lahat-lahat sa kaniyang kabuuan, ang damdamin, ang kalooban, ang pag-iisip. Dinadama ng isang damdamin ang kaniyang kinalalagyan sapagkat naroroon sa kahirapan ang lakas na kaniyang makukuha upang siya ay magtagumpay. Na, kung ito ay inyo ngayong mauunawaan masarap damhin ang kasiyahan kung mayroon ka ng pakikilaban na naipanagumpay.

Samakatuwid, may bagay ba dito sa lupa na hindi ang tutunguhin at magiging hangganan ay kasiyahan at kaligayahan? Sasagot ang iba’t ibang uri ng antas ng pag-iisip: may sasagot ng oo, may sasagot ng hindi, may sasagot ng hindi ko alam, at may sasagot, marahil ay oo o hindi.

Datapuwat kung tatanawin ang halaga at kalagayan ng buhay, hindi ba’t sa pasimula pa lamang ay naroroon na ang ipinakikita’t ipinamumulat na pinangagalingan ng tunay na kaligayahan mula sa isang inang nagdadala ng isang sanggol, ang pagtitiis, ang pagpapakasakit ang puhunan, hindi baga?

Sapagka’t sa loob ng maraming buwan itinataguyod niya ang buhay na nasasa kanya na may buhay. Dalawang buhay na sinisikhay at sinisikap na mapagduop. At kung ito ngayon ay maitaguyod may magulang, kaya na kapag tinanong mo kapag nagluwal na at nagsilang ng isang sanggol, malungkot ka ba? Hapis ba at kalungkutan ang siyang madarama?

Naroroon pa rin ang larawan ng buhay, sapagka’t may sasagot, oo, may sasagot hindi, may sasagot, ayaw ko nga, sana hindi na ako nanganak sapagkat ganyan ang buhay, sa ngayon at sa kalagayan din ng sitwasyong kinalalagyan ng bawat ina sa sandali ng kaniyang pagdadala ng sanggol hanggang doon sa kaniyang panganganak.

Ngunit kung ang bahaging ito’y karugtong ng kaluwalhatian, karugtong ng kawagasan at kabanalan, kayo ngayon ang tatanungin ko, bakit inilarawan ng Anak ng Tao o ng dakilang Panginoon ang pagpapasan ng krus, ang pakapako sa krus at pagkamatay sa krus?

Ang tunay ng kaligayahan

Sa inyong pananaw at sa inyong paningin napakalungkot na kalagayan. Isang kapighatian na kung kayo ang magdadala tatanggihan ninyo, ngunit sa ganoong kalagayan at sa ganoong bahagi ipinadama ang tunay na kaligayahan ay ang pagbangon mula sa iyong pagkakalugmok.

Ang tunay na kaligayahan ay mula doon sa pagsubok na iyong hinarap at iyong tinanggap. Ang tunay na kaligayahan ay naroroon sa maraming hirap na, pagkatapos nito nakilala mo ang iyong sariling may magagawa ka pala upang iahon mo ang iyong kalagayan at ang iyong buhay mula doon sa malalim na bangin ng pagkakasala.

Ang tunay na kaligayahan pala’y madama mo kung ano ang hindi karapat-dapat sa iyo hindi mo gagawin at kailangang hindi mo magawa sa iyong kapwa, naroroon pala ang tunay na kaligayahan at naroroon pala ang tunay na kapayapaan.

Na, sa bawat kabiguan may talino at may karunungang sa iyo ay bumabangon sapagkat hindi mo ibig na ikaw ay manatiling laging nabibigo. Kaya nga’t binubuksan ng tao ang kanyang talino upang gamitin ang pag-iisip sa pagbabalangkas ng panibago, maayos at tumpak na kaparaanan upang hindi na muling ang kabiguan ang iyong danasin sa iyong buhay.

Ang tunay na kaligayahan ay madama mo ang paghihirap ng iba upang maunawaan mo na kung ikaw ngayon ay naghihirap, marami rin palang higit sa iyo ang dumarama ng paghihirap at ng tiisin. Ang tunay na kaligayahan pala ay ang maunawaan mo kung papaano mo gagamitin sa matuwid na kaparaanan ang buhay na sa iyo ay ibinigay ng iisang Diyos. Samakatuwid, ano ang sa inyo ay aking ipinadarama?

Na ang tunay na kaligayahan bagaman may naibibigay ang salapi sa buhay ng marami na nagiging dahilan upang siya’y makagawa ng masama, nakapagbibigay man ng kasiyahan ngunit ang hangganan saan dadalhin ang hindi marunong humawak ng salapi?

Saan dadalhin ang hindi marunong humawak ng kapangyarihan? Saan dadalhin ang hindi marunong humawak ng kaniyang karunungan at ng kaniyang katalinuhan? Saan dadlhin ang tao ng mga bagay na katangiang nasasa kaniya na hindi alam kung saan niya ito dadalhin, kung saan niya ito ilalagay, kung kanino niya ito ibibigay at kung saan niya ito gagamitin?

Hindi baga naririyan, sa halip na maging daan at landas ang kasiyahan at kaligayahan ng tao dinadala ang bawat isa doon sa higit na kasawian at kabiguang kaniyang daranasin sa pamamagitan ng kaniyang karanasan?

Ngunit kung ito ang kahayagan ng buhay dito ako ngayon magtatapos, ano ang nasasa inyo na makapagpapaligaya sa inyo? Ano ang binubuksan ninyo sa inyong puso na dadalhin kayo sa kaligayahan? Ano ang inihahakbang ng inyong mga paa na ang magiging dulo ay kaligayahan at kasiyahan hindi lamang ng inyong pagkatao kung hindi lalo’t higit ng inyong kaluluwa?

Diyan ngayon ninyo buksan ang inyong sarili upang sa bawat sandali ay ariin ninyong lahat na ang dumarating sa inyong buhay, lahat ng karanasan na inyong dinarama, iisa ang sa inyo’y iiwan at sa inyo’y ibibigay, ang tunay na kaligayahan, ang tunay na kapayapaan sapagkat doon ninyo ilalagay at huhugutin ang tunay na kaligtasan ng inyong mga kaluluwa sa inyong ipagkakasala.

Ito ang aking sa inyo’y inihahandog. Tanggapin ninyo ang pag-ibig, ang liwanag at kapayapaan mula sa iisang Ama at sa Panginoon ngayon at magpasawalang hanggan.

Arkanghel Gabriel,Paalam


Centro El Espiritismo

Talaytayan, Kapatid Rebecca Dungo


Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia