2023-08-08, Rebecca
2023-08-08 ARK GAB-RAD
Pag-ibig at kapayapaan ang siya nawang maghari sa lahat at bawat isa ngayon at magpasawalang hanggan.
Kung lilimiin ng bawat tao ang kanyang kabuuan at ang kanyang kapaligiran ay magkasama sa bawat sandali, sa bawat araw, at sa bawat pagkakakataon na tinatanggap ang buhay.
Kahayagang hayag
Sapagkat ang buhay ay nagdadala at naglalarawan ng dalawang kalagayan, kahayagang hayag at kahayagan na nalilingid. Kalagayang hayag na ang matatanaw kung ano ang laman ng mundo, kung ano ang nakapaloob sa mundo, ang kalikasan, ang tao na dito ay naninirahan, ang mga bahagi na ginawa ng tao na nakikita at natatanaw.
At sa kalagayang iyan ano ang hindi nakikita? Ang karunungang nalilihim sa bawat isa. Kaya nga at winika ko, “nagsasama ang tao at ang kanyang kapaligiran sa bawat sandali.”
Kahayagang nalilingid o lihim
Sapagkat kung naroroon ang kahayagang lihim ay mauunawaan kung ano ang dala ng puso, kung ano ang dala ng pag-iisip, kung ano ang dala ng damdamin at kalooban ibinabahagi at inihahasik sa daigdig na kanyang pinaninirahan.
Na ito ang mga lakas na ibinibigay, ipinadadala at ipinatataglay sa kalikasan, sa kapaligiran, sa kaparangan, sa kalupaan, sa katubigan, sa lahat ng Uniberso. Mga lakas kung naiiwan at ang tao ay gumagalaw o kumikilos sa kanyang sarili ang lakas na kanyang dala-dala ay umu-ugnay, nagsasama at nakiki-isa sa kanyang kapaligiran.
Mga dalisay na lakas na nagbibigay buhay sa daigdigan
Kaya nga, kung ang dala ng puso ay pag-ibig, kung ang dala ng pag-iisip ay pagpapakabuti, kung ang dala ng damdamin ay pang-unawa sa lahat ng mali at likong naisasagawa ng kanyang kapwa, ang mga lakas na ito ngayon ang siya niya ngayong iniiwan, ang siya niyang naihahatid at naihahandog sa daigdig na kanyang tinitirhan.
Na, kung ito ngayon ang siyang magiging laganap at siyang kakalat bilang lakas o enerhiya na siyang magbibigay-buhay sa daigdigang ito, hindi baga mayroon ng maibibigay at maipagkakaloob sa bawat tao upang ang lakas na mabuti, ang lakasna pino at ang lakas na dalisay ang siya ngayong maging saplot at siyang magingbihisan ng bawat tao?
Na dahil diyan, ang igagalaw, ang isasagawa, at mai-aambag ng tao sa sandaigdigan ay ang malinis na lakas, ang dalisay na lakas na naririyan ngayon, hindi maaari na hindi uugnay ang lakas na ito.
Sapagkat kung ang dala ng puso ay mabuti at matuwid; naroroon ang lakas ng Diyos na nasasa kanya na siyang ihahandog at ihahatid mula sa sa kanyang sarili, sa kanyang kapwa, at sa lahat ng likha ng Diyos.
Ang kamangmangan at ang bunga nito sa kahayagang nakikita at nalilihim
Kung ang dala-dala ng tao sa kanyang puso, sa kanyang pag-iisip, sa kanyang kabuuan ay ang mga bahagi ng kamangmangan sapagkat kulang upang isagawa ang karapat-dapat na kanyang igalaw at kanyang galawan.
Ito rin ang kanyang naihahasik, naibabahagi, at iniiwan mula sa kanyang sarili, sa kanyang kapwa, at sa lahat ng likha ng Diyos. Kaya at naroroon nagpapakita ang bawat isa kung ano ang ibubunga ng mga bahaging ito mula sa kahayagang nakikita at kahayagang nalilihim.
Ang dalisay na lakas mula sa karunungan ng simulain ng pag-ibig
At iyan ngayon ang karunungan na dala-dala ng simulain ng puso. Sapagkat mula sa mga bahaging ito ay kinakailangang mabuksan ang bawat pananaw upang domoon an isang layunin at isang mithiin na maipakitang siya ay nanggaling sa kadalisayan, siya ay nanggaling sa kawagasan.
Datapwat nang dahil sa kahingian ng kalayaan upang matamo ng tao ang kasiyahan sapagkat siya ay gagawa ayon sa kanyang kakayahan, ayon sa kanyang kaantasan, ayon sa kanyang naabot at nauunawaan.
Naroon ngayon nadarama ng tao at nakikilala ng tao kung ano ang kanyang dala-dala, kung ano ang katangian na mayroon siya at kung ano ang kaunawaan na nasimpan at naipon niya. Katarungan ng Diyos na ibinibigay upang ang bawat tao ay umunlad, sumulong.
Ang mga lakas na bunga ng pag-ibig ang gagawa
Na bagaman at gabay, ang bawat lakas na ito ng bunga ng pag-ibig, siya ay gagawa ayon sa talino na sa kanya ay ibinigay sapagkat ito ay kinakailangang makamit, kinakailangang ito ay mapanday.
Kinakailangang ito ay masala, upang ganap na mailarawan ang tao ay anak ng mabuti, ang tao ay anak ng kalinisan, ang tao ay anak ng matuwid na katwiran, ang tao ay anak ng kadalisayan, ang tao ay anak ng pag-ibig na dalisay.
Paano matutuklasan ang karunungang nalilihim
Kaya nga, kung iyan ang karunungang nalilihim paano ito matutuklasan? Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng tao sa kanyang kapwa, pakiki-isa ng tao sa kalikasan, pakiki-isa ng tao sa bawat likha ng Dios upang maunawaang ang lakas ay mayroon ng pagpapalitan.
At kung mayroon ng pagpapalitan, mabuti ay mabuti, ang liko ay liko, kaya at ang pangungusap, “mabuting puno, mabuting bunga; masamang puno, masamang bunga.”
At kung iyan ngayon ang magiging ganap na tataglayin sa pag-unawa ng bawat tao, sa hangarin ng bawat isa na siya’y maging mabuting puno upang ang kanyang ibunga ay mabuti.
At iyan ang layunin ng pag-aaral, iyan ang layunin ng paaralan, iyan ang layunin ng katuruan. Kaya nga, ang lahat ay dinadala doon sa isang hangganan na matamo niya ang kabanalan.
Ang dakilang biyaya sa bawat oras, panahon at sandali ng buhay
Ito ang akin sa inyo ay inihahandog upang bawat pagsisikhay at pagpupunyagi ng inyong mga pagkatao, madama ninyo naroroon ang dakilang biyaya sa bawat oras, naroroon ang dakilang biyaya sa bawat panahon, sa bawat sandali ng inyong pakikipamuhay.
Na dahil diyan, kailanman hindi ninyo katatakutang kayo ay magugutom, kailanman ay hindi ninyo katatakutan kayo ay mawawalan ng ari-arian, kailanman ay hindi ninyo katatakutang kayo ay mauubusan, kung hindi, ang doroon ang kabuuan ng inyong paniniwala at pananalig na kung mayroon na hindi ibibigay ang inyong ikabubuhay.
Ito ang akin sa inyo ay iniiwan, muli, ang pag-ibig, liwanag, at kapayapaan ang siyang sa inyo ay maghari, ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Gabriel, paalam.
Comments
Post a Comment