2023-08-05, Rebecca
2023-08-05 ARK GAB-RAD
Paksa: May pagkagunaw ba sa sanlibutan?
Pag-ibig, liwanag at kapayapaan ang siya nawang tanggapin ng inyong mga diwa at puso ngayon at magpasawalang hanggan.
Bawat kahulugan ng isang salita o ng isang kataga ay ibinabatay doon sa uri ng kaniyang paggamit o paggagamitan. Ini-aangkop doon din sa layunin na kaniyang binubuo at tinataglay. Samakatuwid, hindi iisa ang kahulugan o diwang matataglay at mabubuksan sa isang salita o sa isang paksa.
Lalo na kung ito ay nakasandig at nakasalalay sa kung paano ito tinatanggap, paano ito tinatanaw at paano rin ito nauunawaan ng isang magbibigay ng kaniyang diwa o ng kaniyang kahulugan. Datapuwat ang lahat sa iisa doon lulundo, ang paghahatid ng liwanag, ang paghahatid ng mga lakas na ang tutunguhin ay pagpapakabuti, paglagay sa matuwid at pagsasa-ayos at pagtutumpak ng mga pagkukulang at pagkakamaling naisasagawa ng bawat isa.
Samakatuwid, kung ang salita ang lalamanin ng diwa naroroon ngayon ang maraming mga sanga na kaniyang bubuksan mula sa mga bagay na nakikita hanggang doon sa mga bagay na hindi nakikita; mula sa mga kahayagang hayag hanggang doon sa kalagayang nalilihim sasaklawin at sasakupin ng salitang ito.
At kung ito ngayon ay ilalagay at isasandig doon sa bagay na nakikita, sa mga kalagayang nakahantad, ang sanlibutan ay mailulundo doon ngayon sa mundong inyong ginagalawan, sa inyong nagiging tirahan. At kung ang tanong, may pagkagunaw ba?
Walang pagkagunaw hanggang may mga kaluluwang papandayin at pawawagasin
Hanggang may tao, hanggang may nilalang na tatahan sa mundong ito ang hangganan upang siya ay magunaw marahil hindi magaganap, marahil din ay hindi niya matataglay, sapagkat may kaluluwang kinakailangang magpatuloy na dumaan doon sa palihan; mayroon ng mga kaluluwang kinakailangang pandayin, linangin, linisin, pawagasin.
Samakatuwid, anoman ang mga lakas na taglay nito, mananatili ang mundo upang doon ay tumahan ang mga kaluluwa na kinakailangang dalhin sa kasakdalan, dalhin upang sila’y magtamo ng kaluwalhatian.
Mayroong pagkagunaw sa mga bahagi ng sanlibutan sa mga likong gawa
Ngunit kung ang bahagi ng sanlibutan ay sa mga likong gawa, sa likong paggalaw, sa mga paggawang wala sa katumpakan at sa pagsinsay sa batas ng pagpapakabuti at sa batas ng pag-iibigan, araw-araw ay may nagugunaw, araw-araw ay may mundong nagugunawa, araw-araw ay may sanlibutang nagugunaw sapagkat ang tao ay dinadala sa kaniyang tunay na pagbabago.
Ang tao ay dinadala ng karanasan doon sa kaniyang tunay na kamulatan, sa kaniyang tunay na kamalayan upang maunawaang iisa ang katotohanan, ang makilala ang Panginoong Diyos ay tunay.
Samakatuwid, bawat taong namumulat sa matuwid at sa mabuting paggawa sapagkat may karanasan nga na nakapagturo, may sanlibutang nagunaw sa kaniyang bahagi, ang makutim niyang puso, ang makutim na kaisipan, ang makutim niyang damdamin at kalooban ay katumbas ng sanlibutan, na, sa sandaling maunawaang ito’y hindi karapat-dapat at tinungo ang pagbabago, iyon ang sanlibutang nagunaw sa bawat tao.
Ang pagkagunaw ay naka-angkop sa kahingian ukol sa kasakdalan, kaliwanagan o kawagasan
Kaya nga ang pagkagunaw nito ay naka-angkop doon sa kahingian ukol sa kasakdalan at doon sa kaliwanagan o doon sa kawagasan. Kung gayon, hindi baga at nariyan din ang bahagi ng maraming patotoo katulad ng kasaysayan ng Nunong Noe.
Na, kung saan ipinakita kung paano dinala sa kaniyang hangganan ang gawa maging ang buhay ng bawat tao na, sapagkat naroroon na, kinakailangan na, na sadyang ang tao ay maalis sa maling kaisipan, sa maling paggalaw, sa kanilang pagkakaligaw at sa kanilang kalikuang ginagawa, hindi ba inihantad na sa pamamagitan ng kasaysayan ng isang Noe ginunaw ang kalagayan ng bawat anak ng Diyos.
Ngunit katotohanan din kaya na sa simula na dumating ang kaniyang hangganan, sa simulang dumating ang kaniyang kamatayan ay iyon lamang ang tunay na pasimula ng tunay na buhay? Na, naroroon ang muling pagpapasimula sapagkat kinakailangang ang tao ay lumagay doon sa isang kalagayang sila’y lilinisin at iyan ngayon ang layunin bakit ibinibigay ang pagmumuli at muling buhay.
Mga layunin ng muli at muling pagkabuhay:
Ihatid ang isang kaluluwa sa kasakdalan, kawagasan, perpeksyon upang di na isilang muli
Na, ang layunin dalhin sa kasakdalan ang tao; ihatid sa kaniyang kawagasan ang tao; ihantong sa pagiging perpekto sapagkat ang pinagmulan ay perpekto. Kung iyan ang layunin ng pagmumuli at muling buhay, kapag ito ba ay naabot, may tuldok na at hindi na muling isisilang?
Ngunit kung susuriin at pag-aaralan na sa bawat bahagi ng kaniyang buhay ay may bahaging kinakailangang punan, may pananagutang kinakailangang kaniyang tindigan; may mayroon ng mga gawang kinakailangang kaniyang itama, itumpak, sa sandaling ito’y maganap ng tao, naroroon nga kayang sadya ang tuldok o ang katapusan upang hindi na muling isilang pa ang isang Espirito o ang isang kaluluwa.
Sapagkat wala na siyang pupunan na maling gawa at kakulangan? Wala na siyang utang na pagbabayaran? Ngunit paano ang naging pagsisikhay ng isang kaluluwa? Paano ang maraming kaalaman at karunungang kaniyang natutuhan? Paano ang liwanag na kaniyang natunghan, hindi ba kinakailangang ito’y ipakitang may natutuhan na siya sa bawat bahagi ng buhay na kaniyang ginalawan?
May kinakailangang patotohanan ang isang kaluluwa
May kinakailangan siyang patotohanan at bigyan ng patotoo kaya’t muling isisilang bagama’t wala ng utang na pagbabayaran sapagkat narating na niya ang kasakdalan. Hindi pa tutuldukan sapagkat kinakailangang ihayag ng bawat Espirito.
Ihayag ng kaniyang Espirito sa pamamagitan ng tao ang lahat ng kaalaman, ang lahat ng karunungan at mabubuting mga gawa, matuwid na pagkakilala, matuwid na pagka-unawa kinakailangang maibigay sa kabuuan ng bawat nilalang ng Diyos, kaya nga at isinilang ang bugtong na anak ng Diyos at pinahintulutang muling isilang ang Bugtong na Anak upang ibigay kung ano ang tunay na halimbawa ng kaligtasan.
Kailangang ipakita ang ebolusyon at transpormasyon ng isang Espiritu
Kung gayon, naganap, ibinigay, isinabuhay ang tunay na kahulugan ng tunay na pag-ibig at karunungan, kung papaano ito kinakailangang gamitin ng tao sa kaniyang pagbabago, sapagkat kinakailangang ipakita ang ebolusyon ng isang Espiritu sa pamamagitan ng transpormasyon ng kaniyang pagkatao upang sa pamamagitan nito, naroroon ngayon iisa ang ibibigay at ilalarawan, ang lahat ay anak ng Diyos at ang lahat ay mumunting mga diyos.
Mabuti at hindi mabuting karma
Kung gayon, naririyan ang galaw, ang karma ay naibabahagi sa dalawa: mabuting karma at hindi mabuting karma, sapagkat kung ang isang tao’y nabuksan na, nagsisikhay na siya’y makagawa ng pinakamabuti ayon sa kaniyang kaantasan, samakatuwid, maituturing na ito’y mabuting karma.
Datapuwat kung ang isang tao’y naroroon pa sa mangmang na kamalayan, sa mangmang na pag-iisip, sa mangmang na kaunawaan, hindi mabuting karma sapagkat ang kaniyang iginagalaw ay ayon sa kaniyang kamangmangan kaya’t tatanggap ng bunga ayon sa kaniya ring kamangmangan ngunit ang lahat ng ito’y umiiral, naghahari maging dito man sa lupa at maging naroroon sa kabilang buhay hindi baga may karma ring tinatanggap o ganting-galaw bilang kaangkop ng kaniyang isinagawa bagaman siya’y nasa lupa.
Ang karma ay mula sa buhay panlupa nagpapatuloy sa buhay espirituwal
Kaya nga’t ano ang pangungusap ng kasulatan, ang pagngangalit ng ngipin, sapagkat ang karma hindi lamang natapos sa lupa kung hindi nagpapatuloy hanggang doon sa kaniyang kalagayan bilang isang Espiritu o isang kaluluwang naghubad ng kaniyang katawang laman.
Kung gayon habang ang tao’y may pagnanasa sa kaniyang sarili, habang ang tao’y may pagmimithi, may adhikain sa kaniyang sarili; walang gugunawin, walang magiging hantungan, walang magiging katapusan sapagkat ang pagmimithi at paghahangad na ito ang siyang laging magbibigay ng kaniyang karugtungan, ang siyang laging magpupuno sa kaniyang kakulangan, ang siyang laging maghahantad at magbubukas ng karagdagan.
Nakabukas ang mata ngunit lahat ay ipininid na sa magiging kinabukasan
Ngunit, sa bawat mithiing ito, mayroon sadya ng katapusan kapag nawala na ang pag-asa sa buhay ng bawat isa at kapag siya na mismo sa kaniyang sarili ang pumatay sa kaniyang pananampalataya. Natapos na, sapagkat wala ng tatanggapin kahit ano. Wala nang didinggin kahit ano. Nakabukas man ang mata ngunit wala na mabuting tinatanaw sapagkat ang lahat ay ipininid na doon sa kaniyang magiging kinabukasan.
Ang tao ang gugunaw ng kanyang mundo dahil sa kamangmangan
Naririyan ang pagpapadama na, kung lilimiin sa kahayagan ng tao kung siya’y isang uri ng sanlibutang gumagalaw din sa sanlibutan, siya sa kaniyang sarili ang maglalagay ng katapusan, ang maglalagay ng hangganan, ang gumugunaw sa mundong kaniyang ginagalawan sa isang sandaling siya’y nagapi at nalupig ng kaniyang kahinaan, kamangmangan, ng kaniyang kakulangan at kasalatan sa tunay na pagka-unawa sa katotohanan.
Doon ngayon nalalagyan ng tao ng hangganan at tuldok ang kabuuan ng kaniyang buhay at doon din ngayon niya tatanggapin ang pagkagunaw ng kaniyang mundo sapagkat ang tao ay nakukubkob na ng kadiliman sa kabuuan ng kaniyang sarili.
Ang tunay na tao na may bukas na kamalayan ang gugunaw sa kamangmangan
Ngunit hindi lamang sa negatibo doon ito mai-aangkop at mailalapat sapagkat sa mabuti man at positibong pananaw inilalapat at mailalapat ang pagkakaroon ng hangganan; ang pagkakaroon ng kamatayan, ang pagkakaroon ng katapusan, ng pagkagunaw.
Sapagkat sa isang sandaling tinanggap ng tao na kinakailangan na niyang tunay na magbago; sa isang sandaling tinangap na ng tunay ng tao na siya’y nabubuhay sa kadiliman at nagmimithi at naghangad na magkaroon ng liwanag at ito’y pinanindigan sapagkat mayroon na ng bukas na kamalayan, nagkakaroon na at mayroon na rin ng sapat na kaalaman upang siya niyang maging gabay, iyon din ay kahayagan ng pagkagunaw ng maling gawa.
Iyon ay kahayagan din ng tuldok at katapusan ng mga likong kaniyang isinasagawa at isinasabuhay. Iyon din ay bahagi ng tuldok, ng hagganan, ng katapusan at ng pagkagunaw ng kaniyang kamangmangan; sa pagkakilala, sa pagka-unawa, sa pagsusuri, sa pagsasaliksik, sa pagsisiyasat, kamangmangan sa lahat ng bahagi at aspeto ng kaniyang buhay.
Kung gayon, sa bawat bahagi ng pag-aaral, kung bibigyang buhay ng bawat isa na mayroon na ng kamalayan ukol sa kung papaano niya pamamahalaan ang kaniyang sarili darating ang sandali, ang kaniyang pagka-unawa, ang kaniyang natutuhan ang siyang gagawing daan at landas upang may mundong sa kaniya’y magunaw at may tuldok na sa kaniya’y maganap upang tunguhin ang kahingian at layunin ng bawat kaluluwa na sa bawat buhay.
Ang pagsasabuhay ng karunungan at pag-ibig ang kahuli-hulihang baitang tungo sa perpeksyon
Sa bawat kamatayan may pagsulong na kaniyang magiging baitang upang ang perpeksyon at kaluwalhatian ay kaniyang matamo hanggang dumating ang kahuli-hulihang baitang, ang pagpapatotoo siya ay natuto sapagkat lahat ng bahaging kaniyang naunawaan, ang karunungan at pag-ibig isasabuhay na niya katulad ng larawang ibinigay at inihantad ng Anak ng Tao na siyang pamantayan upang ang bawat paghakbang ang tamuhin ay kaligtasan.
Ito ang aking sa inyo’y inihahandog at naroroon ang aking mithiin, hahangarin ninyong lalong mabuhay, hahangarin ninyong lagi na sa araw-araw kayo’y mabuhay sapagkat ang buhay na inyong matatamo siya ninyong gagamitin upang magbigay ng buhay sa sanlibutan na, ang pagbibigay ninyo ng buhay na ito sa sanlibutan ang siya ngayong gugunaw sa lahat upang tamuhin ang liwanag.
Muli ang pag-ibig, biyaya at kapayapaan ang siyang sa inyo ay maghari ngayon at magpasawalang hanggan.
Arkanghel Gabriel, Paalam
Centro Lualhati sa Diyos
Talaytayan, Kapatid Rebecca Dungo
Comments
Post a Comment