2023-07-10, Rebecca
2023-07-10 ARK GAB-RAD
Tanggapin ninyo ang pag-ibig at biyaya na nagmumula sa iisang kapangyarihan ngayon at magpasawalang hanggan.
Sa bawat sandali na dinadama ng tao ang kaganapan ng buhay na kaniyang nilalakaran nalalarawan ang isang kahayagan na ang buhay ay ipinapaloob sa marami ngunit iba’t ibang sitwasyon na magbubukas ng isang kaunawaan upang ipakilala may naipon siyang yaman ng tunay na buhay.
Sa ganitong panimula hinihikayat ko kayo na magmunimuni, gumawa ng isang pagdidili-dili upang mahayag kung mayroon na kayong nakilala na dapat pahalagahan na siyang pagmumulan ng pag-ibig at pananampalataya.
Kung gayon, ang diwa ng bawat salita na aking sa inyo’y ihahatid ay maghahayag ng iba’t ibang uri ng sitwasyon na hihingin kung paano ninyo ito isasabuhay, kung saan ninyo ilalagay at pipiliin ang kanyang magiging wakas.
Bilang pasimula, lahat kayo ay nag-aaral na may layunin sa inyong sarili, at ang layuning ito ang siyang daan na inyong lilinisin sapagkat doon kayo tatahak upang may marating. Kung gayon, ang pagdidili-dili ay ilalagay sa ganitong katanungan, ano ang karapat-dapat na maging wakas at hantungan upang ang inyong nadama sa bawat inyong nakilala at pinahahalagahan ay naroroon laging kakambal nito ang pag-ibig at pananampalataya na isinasandig ninyo sa Panginoon.
Kung ito’y inyong masumpungan damhin ngayon ninyo kung ano ang nadala ng inyong puso sapagkat sa dala-dala ng puso’y iyon ang inihahayag ng kanyang pagkatao, iyon ang larawang kaniyang ipinatatanaw sa sandaigdigan.
Kung iyon ngayon ang siyang magiging kaganapan, muli ko ngayong uulitin na, sa inyong pagmumunimuni’y saan ninyo ito dadalhin? Ano ang kailangang maging wakas at maging hantungan ng bahaging ito na naging dala-dala ng inyong puso?
Iyan ngayon ang susukat at tataya kung sa inyong pag-aaral naabot na ninyo ang lalim ng kanyang simulain. Iyan din ang susukat at tataya kung nabigyan na ninyo ng bigat ang bawat katotohanang nasumpungan ninyong sa inyo ngayon ay nagpapalaya sa tali ng maling paniniwala. Samakatuwid, diyan magiging mahalaga ang pagkilala upang mayroon kayong pahalagahan sa inyong buhay.
Kaya nga, ang araling aking sa inyo’y iiwan, na, siyang pangungusap ng pag-ibig na sinalita ng Panginoon, “Kung ibig ninyong sumunod sa akin pasanin ninyo ang inyong krus, at sumunod kayo sa akin.” Ito rin ay bahagi ng pagtaya.
Kung kayo ngayon ay mag-iibig na sumunod sa Panginoon, ano ang inyong magiging hantungan? Ano ang kinakailangang wakas na madama ng inyong buhay upang kayo’y mangusap, “tunay nga na ito ang Panginoong nagbigay ng halimbawa upang ang kaligtasan ay matamo ng bawat kaluluwa.”
Ito ang liwanag na aking sa inyo’y inihahasik upang sa patuloy ninyong pakikipamuhay madama ninyong sa bawat pangyayari doon ngayon hinuhugot ang katangian at kaangkinang nasimpan ng inyong mga Espirito.
Muli’y tanggapin ninyo ang pagibig at biyaya mula sa iisang kapangyarihan ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Gabriel,paalam
Centro Ilaw ng Sanlibutan
Talaytayan,Kapatid Rebecca Dungo
Comments
Post a Comment