2023-07-23, Rebecca
2023-07-23 ARK GAB-RAD
Pag-ibig at kapayapaan na nagmumula sa iisang ama at iisang Panginoon, ngayon at magpasawalang hanggan.
Kung mamalasin o tatanawin, gawing mababaw ang paksa na inyong pinagsa-saluhan, ngunit kapag dinama ng puso nakikita; marami, malawak ang kanyang sinasaklaw, maraming pagtuturo at mga aralin sa buhay ang nakapaloob sa paksang iyan. Katotohanan, pag-ibig ang inilalarawan.
At kung hahanapin mo ang katunayan, bakit pag-ibig ang inilalarawan, makikita ninyo na ang pag-ibig ay nakapaloob doon sa salitang, ‘huwag’. Sapagkat napakarami ang inpinahihiwatig ng salitang ito na ang lundo ay pag-ibig o pagmamahal.
‘Huwag’, katumbas ng isang babala na ibinibigay ng isang magulang para sa kanyang mga anak upang maunawaan ng isang anak na ang bawat kanyang gagawin, ang bawat kanyang ihahakbang, ang bawat kanya na gugustuhin at papangarapin ay kailangang kanyang pag-aralan.
Kailangang kanyang suriin at kalupkupin kung ano ang magagawa nito sa kanyang
buhay. Pag-ibig, sapagkat nagbibigay ng isang pahiwatig na mayroon na pagpapakalinaw sa kapahamakan, sa kapinsalaan, sa kasiraan na maaari na matanggap ng isang anak sa buhay na kanyang lalakaran.
Isang uri ng paglalarawan, ng pagbibilin, upang makilala ng isang anak ang kanyang sarili. Madama niya kung paano siya pinapalaki, inaaruga, at inaakay ng kanyang magulang doon sa layunin na ito ay magkaroon ng magandang kinabukasan. Samakatwid, pag-ibig ng isang magulang.
Hindi baga naririyan din ang larawang sa inyo ay ipinadadama na ang kautusan ay isang uri ng kalagayan at kahayagang nagpapatanaw kung paano nagsasama-sama at kung paano nagtitinginan ang mag-anak sa loob ng isang tahanan?
Sapagkat sa bawat kautusan, naroroon natatakal at natataya ng isang magulang kung ano ang mabuting kanyang maitanim sa kanyang anak sapagkat sa sandaling siya ay magbigay ng kautusan at ito ay sinunod nadama ng magulang siya’y nagtagumpay.
Ngunit kung ito’y hindi sinunod, naroroon ngayon ang napakalaking aralin na ibibigay sa isang magulang sapagkat sisiyasatin at kikilalanin ng isang ama at isang ina kung anong uri ng kaparaanan na kanyang ibinibigay na nakapaloob doon sa kautusang, bakit siya sinusunod.
Hindi baga naririyan din inilalarawan ang bawat utos, ang magandang kaugalian na doon ay nakapaloob, doon ang paggalang sa isa at isa, pagmamalasakit sa isa at isa, pagpipitagan sa isa at isa, pagkakaisa ng bawat isa?
Ganyan kahalaga ang kautusan, ganyan kadakila ang bawat utos kung mauunawaan lamang ng bawat tao sapagkat ito ay gabay at patnubay upang mailagay ng bawat anak ng Dios ang kanyang kalagayan doon sa layunin ng iisang Dios.
Doon sa layunin ng isang kaluluwa bakit siya binigyan ng buhay na ikapamumuhay sa ibabaw ng lupa? Samakatwid ang lahat ng iyan, iniibig ng isang magulang na matanim hindi lamang sa pag-iisip, kungdi lalo at higit, matanim sa bawat puso.
Sapagkat kapag ito ay naitanim at natanim sa bawat puso, mamahalin ng isang anak, pahahalagahan ng isang anak, iingatan ng isang anak, gaawing gabay ng isang anak sa bawat kanyang pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa sapagkat ito ay inilagay niya sa kanyang puso.
Kung gayon, iyan ang diwang sa inyo ay ipinahihiwatig, iyan ang diwang sa inyo ay ibinibigay na kung papaano ang isang magulang ay nagbibigay ng kautusan sa kanyang anak, inihahantad rin at ipinakikilala kung ano ang kanyang kalagayan sa larawan, sa paningin ng kanyang anak, karapat-dapat ba na siya ay sundin?
Karapat-dapat ba na siya ay igalang, karapat-dapat ba na siya ay pagpitaganan samantalang nagbibigay ng kautusan ngunit marami sa mga magulang ang siyang unang unang lumalabag sa utos na kanyang ibinibigay sa kanyang mga anak.
Hindi ba naririyan kung gaano kaganda ang larawang ikinintal kung paano magsasama ang magulang at ang anak sa loob ng tahanan upang maghari ay ang pag-iibigan kaya at iisa ang puso, at mag-iibigan kayo sa isa at isa.
Samakatwid, kung diyan ninyo dadalhin ang gantimpalang natatanaw, ano ito na idaragdag sa buhay ng bawat isa; ang araw, ang panahon, na mahalaga? Ano ba ang araw ng bawat taong sumusunod at tumatalima sa kautusan ng Dios? Ano rin ba ang araw at panahon na idaragdag sa buhay ng isang anak na tumatalima at sumusunod sa bawat kautusan ng kanyang mga magulang?
Ito ba ang taon, na siya ay sumasaklaw sa bawat buwan, sa bawat araw? Ang bawat araw na idaragdag ay ang mga sandali ang pagkakataon upang mabuksan ang diwa, ang kaisipan ng bawat taong maunawaan nang lubusan ano ba ang matuwid, ang kinakailangang galawan ng bawat isa?
Ang araw na kung saan ay magigising ang tao na sa kanyang pagkakatulog sapagkat nalibang sa sanlibutan, nalimot na mayroon ng sa kanya ay babalik sa bawat kanyang isinasagawa, sa bawat kanyang iginagalaw?
Ang araw na kung saan ang tao ay titindig mula doon sa kanyang kinalugmukan sapagkat maraming karanasan ang sa kanya ay darating upang siya turuan at matuto sa itinuturo ng aralin ng buhay.
Ang araw na kung saan magbabalikwas ang tao sapagkat naroroon na sa kahingian ng isang kaluluwang kinakailangang siya ay magtamo ng liwanag mula sa kadiliman na kanyang pinanggalingan.
Kinakailangan na siya ay magkaroon na ng tunay ng kapayapaan sapagkat naunawaan niyang sa kanyang mga ginagawa ay kaligaligan at kagulumihanan ang siyang sa kanya ay ibinabalik at sa kanya ay ibinibigay.
Ang araw na kung saan dinadama niya ang kamatayan, ngayon ay araw upang ibigay at matamo ang tunay na buhay. Kaya nga at lahat at bawat isa ay nag-aaral sa kanyang sarili, ang lahat at bawat isa ay nag-iibig na mabuksan ang kanyang paningin upang maunawaan na may iisang Dios na sa kanya ay pumapatnubay at sa mga at sa mga sandaling ito.
Hindi ba ay naroroon ibinibigay ang panahon, panahon na kung saan sa nakalipas naroroon dinadama ang kalungkutan, ngunit, ngayon ay panahon na upang ang kanyang lungkot ay palitan mo ng kaligayahan sapagkat ikaw ay nakauunawa na, sapagkat nabuksan na, sapagkat ikaw ay nabuhay na binawi na doon sa kamatayan.
Na dahil dito, ang panahon ngayon na iyong lalakaran, ang kinakailangang tamuhin mo iyan sapagkat iyan sa ngalan ng kautusan ang pagbabago upang matamo ang pag-unlad at pagtulong sa kaunawaan ng isang kaluluwa sa tunay na katotohanan.
Na dahil diyan, kung panahon noon ay nagpadama ng araw ng kasiphayuan at kabiguan, ang panahon ngayon ay magpapadama na ito ay araw ng pananagumpay. Ito ang araw sisilay ang liwanag sapagkat natapos na ang gabi at ang kasunod ay bukang liwayway. Iyan ang sa inyo ay idaragdag.
At kung iyan ngayon ang sa inyo’y idaragdag, saan ninyo dadalhin ang inyong mga paa sa sandali ng inyong paglakad upang maunawaan ninyo iisa ang kailangang maging hantungan, ang kapangakuan, ang buhay na walang hanggan.
Saan mo ngayon gagamitin ang inyong mga kamay upang maunawaan ninyo na ang kamay ay sagisag ng pagpapala, sagisag ng pag-aandukha, sagisag ng pagmamahal ng pag-ibig doon sa mga kaluluwang naliligaw, nalulugmok at naroroon sa kadiliman at nabubulid sa malalim na bangin ng kasalanan?
Iyan ang taon, iyan ang araw, iyan din ang halaga ng kautusan sapagkat naririyan ang bawat sandali at bawat oras, ang bawat panahon ay ikikintal sa buhay na ng isang kaluluwa sapagkat doon nakapaloob ang kanyang layunin na kinakailangang magkaroon ng katugon, magkaroon ng ka-angkop dito sa sandaigdigan na kanyang kinapapamuhayan.
At ganyan ding dalhin ng inyong mga puso upang maunawaan ninyo sa sandali na gamitin ang bawat sangkapin ng inyong laman, ng inyong pagkatao nakapaloob na ang kautusan huhugutin upang gisingin ang bahagi na kinakailangang malangkap sa lamang ito.
Ang kaangkinan at katangian ng kanyang kaluluwa na magsasama at magtatambal sapagkat sila ay papaloob doon sa iisang batas, sa iisang kautusan; na kapag ginawang gabay ng bawat tao, wala siyang malilimutan, wala siyang ipagwawalang-bahala, wala siya ng hindi pahahalagahan.
Sapagkat iyon ang larawan at patotoo na iniibig niya ang Dios at ang kautusang, “ibigin mo ang Dios ng buong pagkatao, ng buong pag-iisip mo at ng buong kaluluwa mo.
Samakatwid, naroroon ang kabuuan. At kung naroroon ngayon ang kabuuan, nagiging buo din ang pang-unawa ng tao sa kadakilaan at kahalagahan ng buhay na kanyang dala-dala.
Magiging buo din ang bawat uri ng kahayagan na ipinatatanaw sa pamamagitan ng bawat galaw, bawat bunga sa sankalikasan at iyan ngayon ang siyang sasaklaw at napapalooban kung bakit nagbilin at nagtagubilin na, “Huwag mong kalimutan ang kautusan, kungdi ingatan mo ang aking mga utos.”
Iyan ngayon ang siyang sa inyo ay naiwan upang madama ninyo, dinadala na kayo sa araw ng pagkamulat, sa araw ng pagkagising, sa araw ng pagtindig o pagtayo, sa araw ng pagbabalikwas, sa araw ng tunay na pagbabago na nakapaloob sa paggawa.
At hindi pawang salita, “gagawin ko ito, hindi ko gagawin ito, ito ang lalakaran ko, hindi ito ang lalakaran ko,” hindi lamang magmumula upang maging bahagi ng salita na dinggin ang kanyang kapwa, hindi lamang magiging bahagi ng salita na didinggin ng mga anak sapagkat nanggaling sa kanyang magulang.
At hindi rin lamang isang salita na dinggin ang magulang sapagkat ibinigay niya sa kanyang mga anak ay hindi pawang naroroong nauunawaan ang bawat kautusan ng isang ibinibigay, nauunawaan ang bawat kautusang tinutupad at ginaganap ng bawat anak.
At kung ito ngayon ay nauunawaan, wala ng malilihis, wala ng maliligaw sapagkat kung ano ang sinalita iyon ang tinitindigan at iyon ang tinatayuan sapagkat doon makikilala kun sino ang anak ng Dios.
Doon inilalarawan kung sino ang isang kaluluwa na may pangako kahapon, na ngayon ay ipinagpapatuloy upang maabot ang kaluwalhatian, ang kawagasan sapagkat iyan ang misyon ng lahat at bawat isa, upang sa kanyang pakikipamuhay madama niya bakit ibinigay ng Dios ang buhay sa lahat ng nilalang.
Ito ang akin sa inyo ay iniiwan, muli, tanggapin ninyo at sa inyo ay maghari ang pag-ibig at kapayapaan mula sa iisang Dios, at sa iisang Panginoon, ngayon at magpasawalang hanggan.
Arkanghel Gabriel, paalam.
Comments
Post a Comment