2023-07-22, Rebecca
2023-07-22 ARK RAF-RAD
Paksa:
1 Juan 5:16-17
Ano ang kasalanang ikamamatay at ano ang kasalanang hindi ikamamatay?
Tanggapin ninyo at sa inyo ay maghari ang Liwanag ng Espiritu Santo ngayon at magpasawalang hanggan.
Sa kaunawaan ng bawa’t tao, naroroon sa kanyang bawat igagalaw may isipan na nakababatid kung ang kaniyang isasagawa ang tutunguhin ay kalikuan, at mayroon din ng isang isipan na sa kanyang isasagawa hindi niya nalalamang ito ay kaniyang ikaliligaw.
Samakatuwid, naroroon ang pagkaka-ugnay ng dalawang kalagayan, bagaman ito ay kapwa nasasa isang kategorya, kasalanan, ngunit binigyan ng kaniyang distinksyon, may sa ikamamatay at may sa hindi ikamamatay.
Mga gawang ang hantungan ay pagkakasala
Kung gayon, ano ang kinakailangan upang ito ay maunawaan ng isang pag-iisip at ng isang kamalayan? Ano ba ang gawang ang magiging hantungan ay pagkakasala? Ano rin ba ang isang gawa na bagaman hindi umaayon sa matuwid na nauunawaan ng tao ay hindi maibibilang na isang pagkakasala?
Kung lalagyan ng isang pangungusap na kapwa nakahanay sa kahulugan na kanyang dinadala at tinataglay, ang isa ay pagkukulang at ang isa ay magiging pananagutan o kaniyang pananagutan. Ang pagkukulang ay maitutuwid, mababago pa kung ito ay kaniyang pag-aaralan at susuriin upang kapag kaniyang naisagawa ay may pagkakataon pang sa kaniya ay ipagkakaloob upang ang kaniyang ginawa ay hindi niya maging pananagutan o maging utang na kaniyang pagbabayaran hanggang sa kahulihulihang beles ng kanyang buhay. Datapuwa’t, kung ay sisinsay at lalabag sa batas nang gawang matuwid, hindi ba iyan ay maituturing na kasalanang pananagutan at pagbabayaran mo?
Hindi na pagkukulang sapagka’t ang pagkukulang ay naroroon sa kalagayan ng isang taong nasa kanya pa ang kamangmangan ng pagka-unawa, naroroon pa sa kaniyang kawalang-malay kung ano ang sa kaniya ay ibubunga nito. Nguni’t, kung alam ng taong yaon ang katotohanan, yaon ang matuwid na dapat niyang isagawa at dapat niyang kalagyan, nguni’t, ito ay kaniya pa rin na nilabag, hindi baga siya ay babatasan?
Sa isang mababaw na halimbawa, sa pagkain ng tao. Maraming pagkaing gustong kainin ang tao, nguni’t kung ang isang tao ay mayroon na ng karamdaman at alam na niya kung ano ang makapipinsala at makapagbibigay ng lalong bigat sa karamdamang kaniyang tinataglay, alam na niya kung ano ang pagkaing kapag kaniyang kinain ay may hindi magandang ibubunga sa kaniyang kalusugan.
Ngunit ito ay kaniya pa ring kinain sa kabila ng kaniyang pagkakabatid na ito ay hindi na karapat-dapat para kaniyang gawin, nguni’t, kinain pa rin niya, maituturing ba na ito ay pagkukulang pa o masasabing ito ay pananagutan na niya (liability).
Sapagka’t ang sa kaniya ay darating ay karamdaman, at ang karamdaman ay isang uri ng ganting-galaw na; nang dahil sa kawalan ng pag-iingat ng tao, nang dahil sa ang nakapaloob ay isang uri ng kaugaliang hindi karapat-dapat tulad ng katakawan, kasakiman, pag-iimbot, hindi ba iyan ang mga gawang sa ikamamatay?
Sapagka’t ang sa ikamamatay, ang ibig sabihin ay pagbabayaran mo na, sapagka’t iyan ay nagiging katumbas na ng utang na iyong pagbabayaran hanggang sa kahulihulihang beles ng iyong buhay. Kaya nga at ang karamdaman ay mas mabigat.
Kaya nga, kung ang tao ay kumain ng hindi niya alam na ito pala ay makasasama para sa kaniya, halimbawa ay hindi niya alam na makasisira ng kaniyang tiyan at ito ay kaniyang kinain, oo may balik sapagka’t bawa’t galaw ay may ganting-galaw at bawa’t gawin ay may bunga na tatanggapin, nguni’t, hindi niya alam nasira ang kaniyang tiyan, may gamot maging sa laman.
Ang pag-iimbot, ang pagiging makasarili
Datapuwa’t, hindi namagitan ang pag-iimbot sapagka’t hindi niya ito nababatid, nguni’t, ang isang taong kumain na alam niyang ito ay makasasama sa kaniya, hindi baga at naroroon ang isang gawa, nag-imbot na siya. At iyan ay bahagi ng kasalanan sapagka’t ang pag-iimbot ay marami ang kanyang sinasaklaw. Ang tao ay nakapag-iimbot maging sa oras, sa sandali, sa panahon na sa kaniya ay itinakda upang kaniyang magalawan.
Na, kapag may oras na kinakailangang iyong igawa at igalaw, sapagka’t may oras na itinakda ng iyong pagsasagawa at ito ay hindi mo ginanap, hindi ba iyan ay pag-iimbot? Naroroon siya ngayon, isang pananagutan, isang kasalanan na, ang ibubunga ay kamatayan, sapagka’t kapag ikaw ay nahuli, hindi baga at ikaw ay tatanggalin sa iyong hanapbuhay?
Ang talinhaga ng kamatayan ay ang pagkawala ng kapayapaan
Kamatayan ang ibinunga, hindi ibig sabihing pinuti ang buhay ng laman kung hindi ang kamatayan naroroon ngayon ang mawawala sa isang manggagawa, ang pag-asa na mayroon ng sa kaniya ay makapag-apdong buhay.
Sapagka’t wala na siya ng hanapbuhay, sapagkat siya ay inalis na, inalis ang kapayapaan sa kaniyang sarili, ang kaliwanagan sa kaniyang pag-iisip, ang mga bahagi ng alalahanin, hindi ba iyon ang nagiging kapalit? Aalalahanin niya, ano bukas ang kanyang kakainin? Ano bukas ang kanyang dadamitin? Ano bukas ang magiging kalagayan ng kaniyang pamilya?
Iyon ang katimbang at katumbas ng kamatayan sapagka’t ang kaniyang isinagawa ay hindi na isang pagkukulang kung hindi isang pananagutan na pagbabayaran niya na magiging bahagi ng kaniyang karanasan.
Paghatol o paghuhusga
Maraming naisasagawa ang tao na hindi niya nalalaman na siya ay ibubulid sa kamatayan. Hindi baga naroroon din ang bahagi ng kalagayan ng pangungusap? Pagpuna, paghatol. Ang paghatol ay katumbas ng kasalanan sa ikamamatay.
Pagpuna
Ang pagpuna ay katumbas ng isang galaw hindi sa ikamamatay, sapagka ang pagpuna ay pagtuturo, paghahayag kung ano ang dapat na iyong makita na wala sa kaayusan, wala sa matuwid. Kaya at may pagkakataon upang ito ay itama, may pagkakataon upang ito ay ilagay sa tunay niyang kalalagyan.
Nguni’t kung ang paghusga na ibinigay ng tao ay walang katotohanan sapagka’t ang lahat ng tao ay nakagagawa ng mali sa kaniyang sarili, hindi ba naririyan, katumbas ng utang na iyong pagbabayaran? Kaya nga ang isang gawa ay sa kamatayan sapagka’t pagbabayaran mo.
Sa pagbabalangkas at pagbubuo ng tama at matuwid na mithiin ay hindi pagkakasala
Kung gayon, bawat galaw kapag inyong nakilala, kapag inyong naunawaan mula sa inyong pag-iisip, nagmimithi ang tao ng kasaganaan, at kung ang pag-iisip ay nagbubuo at nagbabalangkas upang maganap ang kanyang kagustuhan at ang kanyang pangarap na siya ay maging masagana, datapuwa’t, ang pagbubuo hindi sa tama at matuwid na paggawa, nasa isipan pa lamang, binubuo pa lamang, binabalangkas pa lamang hindi pa iyan isang kasalanan para sa ikamamatay.
Pagbubuo at pasasagawa ng likong mithiin ay pagkakasala
Nguni’t sa isang sandaling ang nabuong liko, ang nabuong masama at ang nabuong wala sa matuwid na paggawa at ang ini-angkop at inilapat ng tao sa kaniyang buhay kaniyang isinabuhay at isinagawa, naging bahagi ng kanyang kahayagan, iyon ay pagkakasala na ang tutunguhin ay sa kamatayan.
Kaya nga, pagkakasalang ikamamatay sapagka’t ito ay isinasabuhay na niya. Nguni’t kung nananatili pa lamang doon sa isipan, oo may namamamatay nguni’t ito ay maaari pang magbago, maaari pang magtamo ng liwanag ang isipan, maaari pang ituwid sapagka’t hindi pa niya nabibigyan ng buhay.
Kaya nga ang pagkakasala sa ikamamatay, ay ang likong gawa na isinasabuhay na ng tao, ginagawa na sa pangaraw-araw na kabuhayan bagaman nalalaman na ito ay hindi karapat-dapat at nauunawaang ito ay paglabag sa batas at sa kautusan.
Iyan ngayon ang siya ninyong damhin upang makilala ninyo ang inyong sarili, maunawaan ninyo na kung kailan ang inyong isasagawa ay utang na pagbabayaran at kung kailan na ang inyong isinasagawa ang ibubunga at sa inyo ay ilalarawan kayo ay dinaragdagan upang maging malawak ang inyong pananaw doon sa daan ng matuwid na ang tutunguhin at magiging hantungan ang kaharian ng Diyos.
Sa ganyang uri mahuhubdan ang inyong sarili upang ang bawat inyong paghakbang ay hindi na dumoon sa baitang ng kamangmangan kung hindi ang bawat inyong maging hakbang ay dumoon sa mayroon na ng talinong sa inyo’y nabuksan.
Mayroon na nang tunay at matuwid na karunungang sa inyo ay gagabay at papatnubay upang ang bawa’t sandali sa inyong buhay maging mapayapa, maging matiwasay, mayroon ng liwanag na sa inyo ay tatanglaw sa landas na inyong daraanan.
Mayroon ng mga damdamin na ang dala-dala ay hindi pighati, hindi kasawian, hindi kalungkutan, hindi kagulumihanan at kaligaligan kung hindi ang damdaming sa inyo’y mamumuno, kaligayahan ng inyong kaluluwa, kaliwanagan ng inyong pag-iisip, kalinisan ng inyong mga puso, sapagka’t, ang naghahari at namamayani, iisa ang layunin ng Diyos bakit kayo pinahiram ng buhay upang masunod ang kanyang kalooban.
Ang kalooban ng Diyos
Ano ang kalooban ng Diyos? Ang kalooban ng Diyos ay ang tamuhin ng tao ang buhay na walang hanggan. Na, dahil diyan, mapalad ang bawa’t isa kung sa bawa’t sandali ang sa inyo ay namamayani ang pag-ibig ng Diyos, ang liwanag na sa inyo ay ibinibigay ng Diyos, ang kabaitan upang ang kabutihan ng puso ang siyang sa tuwina ay manatili at maghari.
Ito ang aking sa inyo ay iniiwan. Muli, tanggapin ninyo ang liwanag ng Espirio Santo upang ang kapayapaan ng isang kaluluwa ang siya ninyong isabuhay at siya ninyong maging kahayagan.
Paalam, Arkanghel Raphael.
Centro Lualhati sa Diyos
Talaytayan, Kapatid Rebecca Dungo
Comments
Post a Comment