1968-1973, Koleksyon - Arkanghel Raphael

 

 

1973-08-19, FBT

Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan sa lahat ng dako!

Mga minamahal na kapatid, nasasa ilalim kayo ng matamang pagsusuri ng kabatlayaan, napapanahon kayo na pagbalikat ang mga naunang aralin at muling ulit-ulitin upang matagpuan ninyo ang mga bagay na katugma ng kasalukuyan at pupunan sa inyong mga kinabukasan.

Kung ang tao ay naniniwala na mayroon siya ng isang kaluluwa na hindi maangkin ng kapatagang ito, mayroon siya ng lakas na maaaring pumaimbulog upang hanapin pa ang mga bagay na magiging karagdagan sa kanyang mga kaalaman upang sa gayon, ang isang nilikha ay magkaroon ng sakdal at wagas na kaluluwa.

Hindi ang mananatiling isang tagapakinig at mag-aaral na mangmang , kinakailangang maging tagapakinig at mag-aaral na matalino sapagka't ang mangmang ay gumagawa sang-ayon sa kamangmangan ng walang pagsusuri.

Ngunit ang isang mag-aaral na matalino ay nagpapatuloy, sinasaliksik ang lahat ng mga bagay, hinahanap kung saang panig kinakailangang i-ugpong ang mga bagay na nalalagot nang dahil sa kahinaan ng paggawa.

Hindi siya nagsasayang ng panahon sa walang kabuluhang bagay sapagkat nauunawaan ng isang taong matalino ang lahat ng saglit sa kapatagang ito ay ginto na kinakailangang magkaroon ng kapakinabangan.

Ang bawat panahon ay magagamit ng isang nilikha, hindi lamang sa kanyang sariling kabutihan sapagkat sa simulang madama na siya ay muling isinilang sa kapatagang-lupa, sa unang sandali na makabanaag ng liwanag, ang tao ay nagsisikap lumikha ng mga bagay na ina-akala niyang kaligayahan ng kanyang sarili na walang iba kungdi ang gumawa at maglingkod sa kapwa.

Kinakailangang maipadama ng isang nilikha sa kanyang kapatid ang damdaming mayroon ng kapayapaan at pag-ibig, kinakailangang bakahin ng tao ang mga alitigtigin ng pakikibaka, ang paghatol, ang pagsukat sa kahinaan na gawain ng kanyang kapwa.

Katulad ninyong magkakapatid na matiyagang nag-aaral, dumudulang ng mga aralin na hatid ng kabatlayaan, hindi ninyo maaaring matanggap, magmasid kayo sa mga bagay na ina-akala ninyong katatagpuan ninyo ng mga bagay na maaaring ipaging kayamanan ng inyong kaluluwa at kung mayaman ang kaluluwa ng tao, katuwiran lamang ipamahagi sa kanyang mga kapwa.

Ang kayamanan sa kapatagang-lupa ay palamuti ng katawang-laman, ang kayaman sa kapatagang-lupa ay naghahatid sa kapalaluan ng tao, ngunit ang kayamanan ng kaluluwa ay mga bagay na umaakit sa kapayapaan, hindi lamang ng damdamin ng kanyang kapwa kungdi higit sa lahat, makapag-abuloy sa kapayapaan sa sandaigdigan.

Mga iniibig na kapatid, mayroon ng mabibigat na pasanin sa kalipunang ito ng mga Espiritista, sa kabila ng inyong pagka-unawa, sa kabila ng kabigatan ng inyong pananagutan sa lipunan ng kabatlayaan at sa lipunan ng mga tao.

Maging tunay kayong kabig ng Panginoon, maging matatapat na alagad ng katotohanan, bayaan ninyong kunan kayo ng uliran ng inyong mga kapatid na bago pa lamang tumatalaktak sa pakikitalad at pag-aaral sa simulaing ito.

Alalahanin ninyo ang isang Espiritistang nag-aaral ay gumagawa ng mayroong katiyakan, may tatak ng kanyang sarili, ngunit ang isang mapagpanggap na Espiritista ay hubad sa paggawa, nagbabalatkayo sapagkat ang kahayagan ay nasa paggawa.

Magpapatuloy kayo, mga minamahal na kapatid, ng pagsasabalikat ng mabigat na alagatain sa inyong kalipunan, huwag kayong manghihina, lalong lalo na sa panahong ito. Nasasalalay ang simulaing ito sa masusing pagsusuri ng tao, nagiging tudlaan ng paningin ang isang papuri ay sampung paglibak ang kapantay.

Ngunit umaasa ako ba ang mga kapatid na nagtataguyod at nakikipag-aral ay hindi maduduwag, hindi ninyo ibababa ang inyong mga pasanin upang kayo ay magwalang-bahala. Alalahanin ang tungkuling hindi tumanggap ng alay ng inyong mga kapwa kungdi iyan ay tinanggap ninyo magmula sa dako pa roon sa subaybay ng kabatlayaan.

Humayo kayo at magpatuloy sa inyong mabibigat na dalahin (sa pulong na ito kaharap ang Pamunuang Pangkalahatan ng Kapatiran sapagkat may pulong ang Direktiba Heneral) magiging duwag kayo sa paggawa ng masama nguni't magiging matapat kayo sa pagtupad ng iyong tungkulin sa gawi ng kabanalan at kabutihan.

Pagpalain ang lahat ng dakilang Panginoon. Ang inyong patnubay.

(Kap. Felipa B. Torres)

-o0o-

 

1973-08-08, FBT

Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, ngayon at magpakailanman!

Paggunita ukol sa Pagdarahop

Mga minamahal na kapatid, nakadama baga kayo ng pagkaligalig sa panahong ito? Huwag kayong mababahala, kung papaanong ang mga maya sa kaparangan ay patuloy na nagiging maligaya sa kanilang katayuan sapagkat natatanaw nilang nalulukuban sila ng maaliwalas na langit na siya nilang ina-akalang kanilang tahanan.

At ang mga liryo sa kaparangan ay nagtitipalakan ang kanilang bihisan sapagkat sa dibdib ng lupa ay patuloy silang sumisimsim ng katas ng kabihasnan ngunit naluluoy pagdating ng panahon upang matupad lamang ang kasalukyan ay may kinabukasan.

Gaano pa kayong mga tao na nakaka-unawang naririto kayo sa kapatagang-lupa na hindi pawang kaligayahan ang hinahanap ng inyong pagkatao sapagkat makatwiran lamang ang kaligayahan maging kakambal ng kahirapan at kalungkutan.

At kung sa panahong ito'y ipadadama ninyo na kayo ay labis na nababagabag sapagkat kayo ay nangangambang magdarahop kayo sa pagkain samantalang mayroon kayo ng buhay at lakas, mayroon kayo ng mga angking katalinuhan, napapanahon na upang gamitin ninyo ang inyong pinag-aaralan sapagkat hindi pa iyan, mga iniibig na kapatid, ang kahulugan ng pagpapakasakit.

Dumarating na ang ganyang kaparaanan sa gitna ng mga tao ay hindi pa rin bumabalikwas at patuloy pa ring nanagano sa karamutan, sa kataasan, at pagkukunwari sapagkat kung ang isang nilikha sa kapanahunang ito ay mayroong mataimtim na pananalig sa Amang Makapangyarihan, hindi niya dadamahin ang pagkagutom ng kanyang sarili sapagkat nauunawaan ang isang nagugutom ay darating ang panahong magkakaroon ng kabusugan ngunit ang mga busog ay magugutom.

Hindi kayo kailangang mahilahilasan ng kagulumihanan kungdi kinakailangang kayo ang maghatid ng lakas ng kalooban at pananampalataya sa inyong mga kapatid kung papaanong kinakailangan ang tao makadama ng katotohanan na hatid ng kaitaasan.

Ngayon pa lamang kayo makakadama ng gaganyang pagdarahop sa panahong ito, samantalang ang inyong mga kapatid sa iba't ibang dako ay lugami na, wala ng saglit na hindi nakadama ng pagkagutom, ng kirot ng karamdaman.

Sino ang inyong mga kapatid na dumadanas at sino kayo na hindi makakadanas? Hindi baga na-uunawaang kayo'y magkakapatid at kinakailangan ng isa ang isa ay makadama ng kahirapan upang magkaroon ng higit na tali ng pagkaka-unawaan.

At sa inyong mga dinadamang kahirapan, mga iniibig na kapatid, huwag kayong makalilimot na buong taimtim na manalangin sa dakilang Manlilikha ng bigyan kayo ng lakas ng pananampalataya at tibay ng kalooban sapagkat ang mga bagay na inyong nadadama ay hindi malulunasan ng karunungan ng mga tao, hindi malulunasan ng salapi kungdi ng tatag at tibay ng inyong kalooban.

Hindi nanasaing makasumpong o makatagpo ng isang mag-anak ng Espiritistang lumuha nang dahil sa pagdarahop sa kabuhayan sapagkat kayo aking uuntagin at hahanapin ko sa inyong mga katauhan kung hanggang saan kayo nag-aaral.

Sasabihin ko ring ayaw kong makasumpong ng isang Espiritistang mahina ang kalooban sapagkat siya naka-aakit pa ng lalong kahinaan sa kanyang mga kapwa. Malulugod akong makatagpo ng isang mag-anak na nag-aaral ng simulain ng Espiritismo sa kabila ng pagsala sa oras ay mayroon ng taimtim na dalanging namumutawi sa mga labi.

Ang pagkaligalig ay walang idudulot na kabutihan. Maliligayahan akong makatagpo ng isang mag-aanak na Espiritistang hindi nagugulumihanan sapagkat katotohanan lamang na natututo ang tao. Ang pagkaligalig ay walang idudulot na kabutihan sa inyong mga sarili sa alinmang kaparaanan.

Maging sa karaniwan ninyong pakikipamuhay kung kayo'y naliligalig, ituon ang paningin sa kaitaasan at dumalangin ng buong taimtim sapagkat nangyayari ang lahat ng bagay upang untagin ang damdamin ng tao.

Lubhang nakalilimot na ang nakararami sa kapangyarihan ng Manlilikha, nagiging labis na ang pag-aaliw ng maraming nilikha sa buhay na iyan, nagiging tamad at palalo.

Saksing patotoo ay ilinangap ninyo ang mga paningin na kulang na lamang ay subuan kayo ng mga kagamitang pinatatakbo ng elektrisidad, pinipilit ng tao ang buhay madugtungan sa pamamagitan ng kanilang katalinuhan; ang pangit ay pinipilit pagandahin sa pamamagitan ng karunungan ng mga tao, ang mangmang ay pinipilit maging matalino.

Hinahahanap ko ngayon ang karunungan ng tao sa kapanahunang ito, mga minamahal na kapatid. Hindi ko sinasabing hinahamon ko ang katalinuhan ng tao ngunit hinahanap ang katuturan ng kanilang pagiging matalino.

Bakit hindi gawin ng tao ang dahong-kahoy maging tumaba sa ikakabusog? Bakit hindi magawa ng tao ang putol na kahoy gawing isda upang ipag-apdong buhay ng tao? Samantalang nagagawa ang isang maliit na patak na binuo ng karunungan ng tao ay pumuksa ng libo-libong nilikha ngunit kailanman ay hindi makabuhay ng munting langgam ang tao sa gitna ng kanyang katalinuhan.

Kayo baga, mga minamahal na kapatid, ay hindi pa naliligayahan kung madama sa gitna ng pagdarahop ay mayroon kayo ng subaybay? Hindi ba nalulungkot habang may tubig na natatanaw sa inyong sisidlan ng binhi ay hindi kayo magugutom?

Sapagkat ako ay may iniwang pangako sa lahat at bawat isa sa inyo sa gitna na pagka-uhaw at pagkagutom ay naririyan ang inyong pagkain, ang isang patak ay magsisilbing kabusugan ng inyong sarili matutuhan lamang ninyong namnamin at matanggap ninyo sa inyong pagkatao na iyan ay biyayang nagmumula sa mga langit?

Saan pang kaparaanang kinakailangang gamitin ng kabatlayaan ang kanyang kaalaman upang kayo ay mahango sa mabibigat na suliranin? Alalahanin ninyo na hindi nagtitigil ang kabatlayaan upang tuklasin ang kaparaanan upang kayo ay madulutan ng kasiyahan, kayo lamang ang nagkakaroon ng pagkukulang, kayo lamang ang nagkakaroon ng panghihina.

Habang mayroon ng mga talaytayang pinananalaytayan ng kaitaasan, hindi mawawala sa inyong pandinig ang mga bagay na aming inihahatid kaya't kayong lahat ay laging humanda, laging tipunin ng buong kapayapaan ang mga sarili upang kung hindi makapaghatid ng kahayagan subalit maihatid nang lubusan sa inyong pagkatao ang aming mga adhika.

Iyan, mga iniibig na kapatid, ang aking inilalagak at inu-ulit huwag kayong magulumihanan. Kung mayroon pa mang higit na kahirapang darating sa inyong buhay ay inyong panagumpayan sapagkat kailanman ay hindi namin kayo pinababayaan, umasa at manalig na habang mayroon ng pagkakilala at hindi naililimot ang pagmamahal sa mga kapwa ay hindi kayo maliligaw kailanman.

Pagpalain kayo ng Ama, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman! Paalam, Arkanghel Raphael.

(Kap. Felipa B. Torres)

-o0o-

1972-05-31 FBT

Sumainyo ang mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang kapayapaan lagi na!

Mga iniibig na kapatid, kung hinihingi ng isang nilikha ang karagdagan ng biyayang sumasakanya at ang mga pagpapalang nadadama ng kanyang pagkatao, matalino kaya ang isang nilikha na malaman na ang bawa't tanggapin niya mula sa Panginoon ay natutuhan ninyong ipagkaloob sa kanyang mga kapatid na hindi maalam gumawa na paraan at hindi maalam humingi na kanyang pangangailangan?

Sapagkat kung kayo ay mananatiling dumadalangin at humihingi ng kaunlaran ng inyong pagkatao, kung kayo ay nagtatamasa ng kaligayahan sa kapatagang-lupa ngunit maramot ang inyong sarili na magkaloob, maramot ang inyong pagkataong magpadama ng kaligayahan sa inyong mga kapatid, sa aba na inyong mga sarili, saan kayo hahangga pagdating ng panahon?

Alalahanin ng lahat at bawat isa sa aking mga kapatid, sa sandali na ang isang nilikha ay magtamasa ng kaligayahan sa kanyang sarili at makapag-ukol ng munting ambil na nawa ang kanyang mga kapatid at ang kanyang paligig ay makadama din ng kanyang nadadamang kasiyahan ay nangangahulugan laman ng ibayong kaligayahan ng kanyang sarili.

Katulad din ng pagkain ng inyong laman sa kapanahunang ito, kung kayong mga kapatid ko ay mapapalad na kumakain ng tatlong ulit sa maghapon o higit pa, samantalang sa inyong paligid at karatig-bahay ay sumasala sa mga pagkakataon ng pagkain ang inyong mga kapatid, mabubusog baga ang inyong sarili?

Matatanggap baga ninyong masiyahan ang inyong sariling sikmura samantalang sa inyong paligid ay naroroon ang inyong mga kapatid na dahop sa pangangailangan?

Paka-alalahanin ninyong di kayo nag-iisang anak ng Diyos sa kapatagang-lupa at di magiging maganda ang buhay ng isang tao kung siya lamang ang mabuhay sa kalagitnaan ng kapatagan. 

Nagkaroon ng maliliit at malalaki upang ito paghambingin sa kani-kanilang katayuan, nagkaroon ng mayaman at mahirap upang ito ay maging tauhan ng daigdig. Nagkaroon ng pangit, ng maganda, ng mangmang, ng matalino.

Kung kaya ito, maging tauhan sa kapatagang ito upang magkaroon ng pag-aaralan ang mga nilikha ngunit kung kayo ay mangmang at hindi kayo maalam tumanaw sa katotohanan, kung ang inyong mga paningin di mag-uukol ng pansin sa mga pangit na bagay, papaano ninyo masusukat ang kagandahan ng inyong hinaharap?

Gayunpaman, mga iniibig na kapatid, ang katalinuhan sumatao ay siya lamang magbibihis at siya lamang magwawaksi ng kamangmangan malaong lumukob at kung ang kamangmangan ay maiwaksi ay katotohanan pa lamang na ang tao ay umunlad at nauunawaan ang patungo sa pook na patutunguhan.

Kung kayo na nag-aaral ng dakilang simulain ng Espiritismo ay nagkaroon ng pagtatalusira sa inyong mga tungkulin, sino baga ang may karapatang magpuno sa inyong pagkukulang?

At kung kayo ay makakadama ng antig ng pagsubok sa inyong pagkatao, sino baga ang inyong sisisihin? Ang pagkakasala o ang pagkukulang kaya ng inyong mga kapatid? Ito kaya ang nakadagan sa inyong sarili? 

Hindi, mga iniibig na kapatid, sapagkat kung saan kayo huminto, doon kayo magsisimula at magmula sa inyong pagmumulan ay magpapatuloy kayo upang marating ninyo kung saan ang hangganan ng inyong mga pagtupad.


Kailan magiging mahalaga ang buhay ng isang tao?

Sapagkat kailanman at ang isang nagsisimula ay hindi magpatuloy na na-untol, pagbabalikan ang kanyang pinagmulan at kung kayo ay isang matalinong manlalakbay ay hahangarin pa baga ninyo ang muli at muling pagbabalik?

Hindi baga at magpapatuloy kayo kung kayo man namamahinga, ay sandali lamang upang magkaroon ng panibagong lakas ngunit mananatiling magpapatuloy sa pagtupad ng inyong tungkulin.

Sapagkat ito ang katotohanan at batas na inyong tinutupad na ang bawat tungkuling nakababaw sa inyong mga balikat ay inyong itataguyod ng buong kagitingan sapagkat nagiging mahalaga lamang ang buhay ng isang tao nang dahil sa katapatan niya sa kanyang tungkulin.

Mga pinaka-iibig na kapatid ng simulain ng Espiritismo, mag-aral pa kayo ng maraming panahon at ng maraming ulit, hanapin ninyo kung saan kayo mahina, hanapin ninyo kung saan ang panig na hindi ninyo nauunawaan sapagkat naririyan ang bagay na magpapagulo at magbibigay ng suliranin sa inyong mga pagkatao.

Hindi kayo mabibigo sapagkat kayo ay nagtitiyaga at magsusumakit at gabay ninyo ang kabatlayaan sa lahat ng pagkakataon at matutuklasan ninyo ang katugunan ng lahat ng inyong pangangailangan. Hanapin ninyo ang mga bagay na na-uukol sa kabanalan at ang mga bagay na kaalaman ay nagiging karagdagan sa lahat at bawat isa sa inyo.

Ito ang aking iiwan at hinahangad na maghari sa inyong lahat ang kapayapaan at ang mahigpit na tali ng pagkaka-unawaan ang bumigkis sa inyong mga diwa, ngayon at magpakailanman. Paalam, ang Patnubay.

(Kap. Felipa B. Torres)

-o0o-

 

1972-01- 22, FBT

Ang pagkakaroon ng muli at muling buhay o reinkarnasyon

Saganain kayo ng mga dakilang pagpapala ng Panginoon, sumainyo ang kapayapaan ngayon at magpakailanman.

Mga iniibig na kapatid, kung ang buhay at lakas ng tao na inaangkin sa kapatagang-lupa ay pinahahalagahan, pinangangalagaan, binubusog ng maraming bagay upang ito ay hindi mawala at mausyami.

Lalong higit na kinakailangang bigyan ng magandang kasaysayan ang buhay na iyan ay huwag hayaang lumipas na walang matititik ng mga bagay na maaaring sundan ng kanyang mga kapatid sa mga susunod na yugto ng pakikipamuhay sa kapatagang-lupa.

Alalahanin ng lahat at bawat isa sa aking mga kapatid na nag-aaral ang kahalagahan ng buhay, di lamang miminsan mabubuhay ang tao. At kung sa muli at muling pagkabuhay ng tao sahol sa kanyang mga gawa, ano ang magiging kinabukasan?

At ano ang inyong dudugtungang panahon na kailan man kayo nasa kalahatian ng pagkakilala mayroon na kayo ng paniniwala sa lihim ng buhay sapagkat saksing patotoo ang inyong sarili mayroon na ng antig ng pagkakilala.

Kung kaya at hindi kayo ngayon lamang nagsisimula kungdi kayo ay malaon nang nagsimula at nagpapatuloy kayo sa inyong pagkakilala at paghabi sa tabing ng kamangmangan ng inyong pagkatao.

Bilang halimbawa, mayroon na kayo ng antig ng damdaming umibig at magpatawad, unti-unti mayroon na kayo nang bukas na pagkakilala ang buhay ng tao di lamang iisang panahon at mayroon pa rin ng simula ng pagkakawanggawa sa inyong mga puso.

Hindi lamang ang malaking halaga na itutulong, ang kawanggawa ng tao sa isang sandali lamang makadama ang isang nilikha ng pagkahabag, pagka-awa sa kanyang kapatid sa mga katayuan at danasin ng kahambal-hambal na katauhan sa kapatang-lupa.

Nagpapakilalang mayroon na kayo ng antig na makataong damdamin, mayroon na kayo ng antig nga pagkaunawa, mayroong kaluluwa ang inyong mga kapatid nagdaranas ng kahirapan sa sandali ng kanyang mga kamalian sa kapatagang-lupa.

At kayo ay nakakaunawa at nagsisikap umahon sa inyong mga kamalian, unti-unti ninyong kinakalag ang inyong mga kamalian, unti unting ipinupusag ninyo ang inyong mga katauhan ng paglilingkod sa inyong mga kapwa, mga bagay nagpapakilalang hinahanap ang karurukan ng pananagumpay ng inyong kaluluwa.

Sa ilalim ng simulain ng katuruan ng Espiritismo ay mayroon ng damdaming pagtatangi ang isang nilikha, pagtatanging pantay pantay sa kanyang mga kapatid at hindi nagtatakwil ito ng isang nilikhang wala ng katiwasayan sa kanyang sarili.

Binubuksan ang puso ng isang Espiritista sa kanyang kapatid, nalilimot ang kanyang pagod at ang lahat ng bagay na madadama ng kanyang katawang laman tungod sa paglilingkod sa kanyang simulaing nakilala ang kapakinabangang taglayin ng kanyang kaluluwa sa dako pa roon.

Ipinakikilala ng inyong mga gawa ang katotohanan ng simulain kung kaya at mayroon kayo ng pananagutang gumawa ng hindi tama, mayroon din kayo ng kabalisahan sapagkat katotohanan, katotohanang sinasabing nakikilala ang ibon sa kanyang balahibo at nakikilala ang tao sa kanyang mga gawa.

Alalahanin ninyo ang isang nag-aaral ng Espiritismo ay sinusuri ng kanyang mga kapatid, sinusukat at inuusig kung hanggang saan ang kadakilaan ng simulaing ito at ito ay hindi ninyo maipapakilala sa pamamagitan ng pagbibitiw ninyo ng pangungusap kungdi ito ibayo at ibayong pagkakakilanlan sa pamamagitan ng mga paggawa at pagtupad sa batas ng Panginoon.

Ang Espiritismo ay lalaganap sa kapatagang-lupa, malaon at madali sa mga sariling damdamin ng tao; kung namalas man ninyo ang lahat ng uri mg relihiyong positiba na lumalaganap sa kapatagang-lupa uriin sa pagkakilala ng bawat isang tagapagtaguyod naroroon ang binhi ng Espiritismong ipinalalaganap sa ilalim ng ibang pagkakilala.

At sa ilalim ng ibang taguri ng mga simulain sapagkat mayroon ng binhi sa pagkatao ng bawat isa ang magmahal sa dakilang Manlilikha at magmahal sa kapanatagan ng kaluluwa. Sa isang sandaling hangarin ng isang nilikha ang pag-ibig sa katiwasayan ng kanyang kaluluwa ay pagbaba at paglukob sa dakilang simulain ng Espiritismo.

Hanggang dito ako, mga minamahal na kapatid at tinatawagan ko ang lahat at bawat isa sa inyong magtulong-tulong kayo sa kaya ng inyong mga dalahin. Likumin ninyo ang inyong mga pagkatao sapagkat kayo ay nasa buhay laman, palusugin ninyo ang inyong pagkakilala ng nau-ukol sa laman at pagtutulungan ninyong magkakapatid.

Huwag ninyong bayaan na ang maliit lamang bilang ng mga kapatid ang magdala ng mga dalahin ng inyong kabilugan kungdi magtulong tulong kayo hanggang sa kahalihalinang bilang ng magkakapatid kung mayroon ng maitutulong sapagkat kayo mayroon ng muling pagdadamayan (nangingilak ukol sa Asemblea at anibersaryo ng Inang Lunduyan) at pagtutulungan ng magkakapatid, kapain ninyo ang inyong mga puso kung alin lamang at kung hanggang saan ang inyong maitutulong upang sa gayon ay magbigay kayo ng buong kasaganahan at pag-ibig.

At iyan ang karagdagang binanggit sa ikapagkakaroon ninyo ng lubos na pagkakawanggawa sapagkat ang mga ibang mga kapatid magkakaroon ng pagka-umid ng paghingi ng tulong ngunit higit sa lahat, ito ang pangangailangan sa buhay at sa inyong Samahan upang kahit na inyong mga kapatid na magmumula sa iba at ibang dako, hindi magkakaroon ng anumang kagulumihanan sa pangangailangan na kaunting kakailanganin.

Pagpalain kayo ng Ama, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman. Paalam.

(Kap. Felipa B. Torres)

-o0o-

1971-12-22, ARK RAF-EB

Biyayaan ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng mga langit, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailan man!

Mga minamahal na kapatid, nawa ay hindi nasasayang ang mga panahong inyong ipinagpupuyat ng pakikipag-aral sa kabatlayaan at pagtuklas ng mga dakilang karunungan na siya ninyong nagiging sandigan sa gitna ng inyong pakikipamuhay sa kapatagang-lupa.

Kung kaya ay nakikipagniig at kayo na naghihintay sa tuwina, paka-alalahanin ng lahat at bawat isa sa aking mga kapatid na mayroon ng pananagutan ang kahalagahan ng mga tungkuling itinataguyod at kinakailangan ninyong gampanan hakbang, kayo ay mayroong nauunawaan karunungang katulad nito at habang ang lakas at buhay inaangkin ng inyong mga sarili.

Huwag kayong manghihinawa, mga minamahal na kapatid, sapagka't kung papaano nasisimpan kayo ng mga bagay na kailanganin ng inyong katawang-laman ay dumadating ang sukdulan ng pagkakataong ginugugol ninyo ang mga bagay na iyan kaya at sa madaling sabi magtipon kayo ng mga bagay na nauukol sa inyong kaluluwa sapagka't hindi ninyo mawika kung kailan ang sandali na kayo ay kinakailangang gumawa ng nauukol sa inyong kaluluwa.

Alalahanin ninyo, mga iniibig na kapatid, kung ang mga dakilang pagkakataong ipinaghahanda ninyo ng magandang kasuotan ang inyong katawang-laman, ipinaglalaan ninyo ng hiyas, ipinaglalaan ng maraming bagay na kahalagahan ng inyong sarili sa gitna ng lipunan ng tao.

Ang katotohanan winika lalo at higit pa handaan ang kasuotan ng inyong diwa, lalong higit paglaanan ng mga hiyas ng gawaing mabuti ang inyong kaluluwa upang sa dako pa roon kung ang pook na nagtitipon at nagtatagpo ang lahat ay hindi kayo magwiwikang lumuluha at nagsisisi sapagka't kayo ay sahol sa mga bagay na kinakailangan ng inyong pagkatao.

Inaasahan ko kayong mga kapatid kong nag-aaral ng dakilang simulain ay nagtataguyod ng buong katapatan at hindi kayo magiging kahabag-habag sa darating na panahon. Uulit-ulitin ko sa inyong kalagitnaan, kung ang lahat ng pagka kawanggawa ng inyong sarili ini-uukol ninyo ng buong kataimtiman.

At hindi ninyo binabanggit ni lalong hindi ninyo binibigyan ng halaga sa inyong sarili ay mayroon kayo ng pagkakataon sa dako pa roon ang inyong ginawang mabuti ng inyong sarili matipon at siyang magiging kaligayahan ng inyong pagkatao.

Ngunit kung kayo ay gagawa ng mabuti sa inyong kapwa, kung kayo ay mag-aahon sa inyong nalulugmok sa putikan at kung kayo mag-aabot ng kawanggawa ay kaalinsabay ng pamamayagpag ng inyong sarili at pagsukat sa inyong gawain, hindi na kayo maka-aasa pa ng anumang biyaya sa dako pa roon.

Mga pinaka-iibig ng mga kapatid, hanggang dito ako at hinahangad na muling maghari sa inyo ang banal na kapayapaan, ang lubos na pag-iibigan ngayon at magpakailan man.

Paalam, Arkanghel Raphael 

(Kap. Erlina Balanova)

-o0o- 

 

1971-12-22  FBT

Matutuhan lamang tanggapin ng isang nilikha ang kanyang katayuan sa buhay

Saganain ang lahat ng mga dakilang biyayang nagmumula sa mga langit ngayon at magpakailanman!

Mga iniibig na kapatid, hanapin ninyo sa inyong mga sarili kung alin  sa panig ng inyong pagkakilala ang bagay na maaaring iangkop upang maipakilala ang katotohanang  kayo ay dumadakila sa pagsilang at pagsubok sa  isang dakilang pagkatao, kung inyong inaakala na katulad ng nakararaming  paniniwala ng mga nilikah na naiisip ang araw o pagkakataon at tangi ang  magiging katayuan ng isang nilikha upang ipakilala  ang kadakilaan ng araw at maging iba sa pangkaraniwang araw na nagaganap sa inyong mga buhay.

Namamali kayo, mga iniibig na kapatid, sapagkat kung minsan lamang sa isang panahon madadama ang kaligayahan , ang kaluwalhatian na dulot ng bulag na paniniwala ng tao.  Kayo ay mga mangmang, bakit hindi tanggapin ng aking  mga kapatid na ang lahat ng araw ay may diwa ng isang kapaskuhan sa pagkataon na ang kanilang puso.

Kung bagaman hindi palagiang pinupukulan ng pagka-awa at pagka-unawa sa kanilang kapwa ay bayaan nilang kahit man sa isang  saglit mag-abuloy ng kapayapaan ang kanilang damdamin bumalangkas ang kanilang  isip na magkaroon ng kapayapaan at munting kaligayahan ang maraming  nilikha na hindi nakadama ng kapayapaan ng kanilang pagkatao.

Matutuhan lamang tanggapin ng isang nilikha ang kanyang katayuan sa buhay na iyan, maging siya na ang pinakamaralitang nilikha sa kapatagang  lupa ngunit sa kaibuturan ng kanyang puso ay naghahangad makapaglingkod at  makapag-abuloy ng kakayahan di lamang sa isang kapatid  kungdi sa sambayanan na huwag makalikha ng mga bagay na ipagkakaroon ng kagulumihanan ng mga nilikha, ito ay palatandaan na ang diwa ng pasko ay sumasainyong puso.  

Balakin lamang ng isang  nilikha ang kanyang pagbabagong-buhay,  sa malaon ng kamalian ay isang kaligayahan ng kanyang pagkatao sapagkat kailanman ang isang nilikha bumalak ng isang bagay nangangahulugang ito pagkakataong nabuksan ang kanyang pagkaunawa.

Sa gawi ng kabutihan balak ng isang nilikha ang marami ang kapakinabangan ng kanyang pagkatao at ibayo at ibayo ang kapakinabangan kung siya ay magtototoo sa lahat ng kanyang mabuting layunin. Hndi ninyo susukatin ang katauhan ng inyong paghahandugan sapagkat hindi rito nasasalalay ang kadakilaan ng pagbibigayan.  

Hindi kayo magiging  isang tagatanggap ng handog ng inyong mga kapatid na mayroon ng pagsusuri kungdi ang handog ng inyong mga kapatid tatanggapin ninyo ng buong puso at  kayo man maghahandog din ng buong-puso sa inyong mga kapwa. 

Biyayaan ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng mga langit, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga minamahal na kapatid, nawa ay hindi nasasayang ang mga panahong inyong ipinagpupuyat ng pakikipag-aral sa kabatlayaan at pagtuklas ng mga dakilang karunungan na siya ninyong nagiging sandigan sa gitna ng inyong pakikipamuhay sa kapatagang-lupa.

Kung kaya ay nakikipagniig at kayo na nag-aantay sa tuwina, paka-alalahanin ng lahat at bawa't isa sa aking mga kapatid na mayroon ng pananagutan ang kahalagahan ng mga tungkuling itinataguyod at kinakailangan ninyong gampanang hakbang, kayo ay mayroong nauunawaang karunungang katulad nito at habang ang lakas at buhay ina-angkin ng inyong mga sarili.

Huwag kayong manghihinawa, mga minamahal na kapatid, sapagkat kung paano nasisimpan kayo ng mga bagay na kailanganin ng inyong katawang-laman ay dumadating ang sukdulan ng pagkakataong ginugugol ninyo ang mga bagay na iyan kaya at sa madaling sabi magtipon kayo ng mga bagay na nauukol sa inyong kaluluwa sapagka't hindi ninyo mawiwika kung kailang ang sandali na kayo ay kinakailangang gumawa ng nauukol sa inyong kaluluwa.

Alalahanin ninyo, mga iniibig na kapatid, kung ang mga dakilang pagkakataong ipinaghanhanda ninyo ng magandang kasuotan ang inyong katawang-laman, ipinaglalaan ninyo ng hiyas, ipinaglalaan ng maraming bagay na kahalagahan ng inyong sarili sa gitna ng lipunan ng tao, ang katotohanan winiwika lalo at higit pa handaan ang kasuotan ng inyong diwa.

Lalong higit paglaanan ng mga hiyas ng gawaing mabuti ang inyong kaluluwa upang sa dako pa roon kung ang pook na natitipon at nagtatagpo ang lahat ay hindi kayo mag wiwika ng lumuluha at nagsisisi sapagkat kayo ay sahol sa mga bagay na kinakailangan ng inyong pagkatao.

Inaasahan ko kayong mga kapatid kong nag-aaral ng dakilang simulain ay nagtataguyod ng buong katapatan at hindi kayo magiging kahabag-habag sa darating na panahon. Uulit-ulitin ko sa inyong kalagitnaan, kung ang lahat ng pagkakawanggawa ng inyong sarili ini-uukol ninyo ng buong kataimtiman at hindi ninyo binabanggit ni lalong hindi ninyo binibigyan ng halaga sa inyong sarili ay mayroon kayo ng pagkakataon sa dako pa roon ang inyong ginawang mabuti ng inyong sarili matipon at siyang magiging kaligayahan ng inyong pagkatao.

Ngunit kung kayo ay gagawa ng mabuti sa inyong kapwa, kung kayo ay mag-aahon sa inyong nalulugmok sa putikan at kung kayo mag-aabot ng kawanggawa ay kaalinsabay ng pamamayagpag ng inyong sarili at pagsukat sa inyong gawain, hindi na kayo maka-aasa pa ng anumang biyaya sa dako pa roon.

Mga pinaka-iibig ng mga kapatid, hanggang dito ako at hinahangad na muling maghari sa inyo ang banal na kapayapaan, ang lubos na pag-iibigan ngayon at magpakailanman. Paalam, Protektor.

(Kap. Felipa B. Torres)

-o0o-

1971-11-17, EB
Ang kapayapaan ng Panginoon ang sumainyo ngayon at magpakailanman.

Hindi lamang sa isang araw ginugunita ang kapaskuhan

Mga iniibig na kapatid, nananabik ang maraming nilikha pagdating ng araw ng pagsilang ng Mesiyas sa kapatagang-lupa subalit uhaw sa kabanalan ang mga nilikhang nasasabik upang itanyag lamang ang isang kapalaluan na dulot ng kayamanang panglupa.
 
Hindi pa maaaring sumilang sa isang nilikha ang isang kapaskuhan o kaarawan ng Dakilang Panginoon hanggang siya  hindi nakakilala ng isang kababaang-loob at isang pag-aaral ng nau-ukol sa Diyos.

Kungdi ang mga nilikhang nagkakaroon ng kadiliman,ito ang kinakailangang matutong  mag-aral sa simulain ng dakilang Panginoon  di lamang  sa isang araw ginugunita  and dakilang kapaskuhan  kungdi ito ay nagugunitya ng tao sa sandaling magkakaroon siya ng pag-ibig sa kanyang kapwa, ito ang siyang nagpapatotoo na sumilang na ang Panginoon sa kanyang pagkatao.

Walang panahon at walang araw isinisilang ang Panginoon sa mga nilkha hanggang hindi natututo at natutuklasan ang katuruang ito na inyong pina-aaralan.  Kaya nga at mapapalad ang aking mga kapatid na nalilim sa dakilang simulain ng Espiritismo.  Magpatuloy kayo, mga minamahal na kapatid sapagkat hindi kayo magsisisi sa inyong pinag-aaralan. 

Iyan lamang  at ang kapayapaan muli ang iniiwan ko sa lahat at bawat isa.  Paalam, Arkanghel Raphael.

(Kap. Erlina Balanova)

-o0o- 

1971-09-25 ARK RAF-FBT

Tanggapin ninyo ang mga dakilang pagpapala ng dakilang Panginoon, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Mga minamahal na kapatid, ang simulain ng Espiritismo ay isang paaralan ng mayroon maseleng mga aralin. Na sa kabila ng kaselanang nito, ay naroroon ang buod ng lalong pinakadakilang mithiin ng tao. Kung matutupad ang katotohanan ng kanyang mga alituntunin bilang paghahanda ng isang nilikha sa isang buhay na siyang pinakahantungan at lumalagom sa lalong lakbayin ng tao sa kapatagang-lupa.

Ang simulain ng Espiritismo na noong dakong una ay hindi matanggap ng isang nilikha na siya ay tawaging Espiritista, sapagkat sa akala, ang isang Espiritista ay mababa ang kanyang antas sa lipunan ng tao.

Ngunit hindi nalalaman ng isang nilikha na hindi man siya taguriang Espiritista kung tumutupad ang kanyang kabaitan, kung tumutupad na mayroong kabutihan, at sumusunod sa aralin ng Kristo, karapat-dapat sa ayaw man at ibigin, ay sasabihin na manggagawa ng Kristo.

Sapagkat ang mga bagay nang kabutihan na may lakip na katalinuhan, at siyang hanap sa dako pa roon, ngunit patuloy na sinusuri ang nakararami o ang mga Espiritista sa mga pangkaraniwang nilikha, lalong-lalo na sa gawi ng mga pagtulong sa mga may karamdaman.

Hindi maabot dalumatin ng isang may mahihinang pag-iisip na kanyang pagka-unawa sa subaybay ng mga batlaya o sa subaybay ng mga Espiritong mananangkilik o mga biyaya ng pagtulong sa mga may karamdaman.

Kung nalalaman lamang ng lalong pinakamaraming nilikha, ang karamdamang iyan ay mawawala at makadadama ng kaginhawahan kung sadyang ang karamdamang iyan ay nang dahil lamang sa paglabag sa moral, paglabag at pagpapabaya sa kalusugan.

Ang karamdaman ay madaling mapawi kung matututuhan ng isang may karamdaman kung papaano niya ma-uugnay ang kanyang sarili sa kaitaasan at gayon din sa mga nagsisitulong ng mga kasangkapan.

Ngunit kung ang karamdaman ng tao ay tinatawag na talamak, subalit, hindi nagkakatroon ng pagkakilala at pagmumuni-muni ang isang nilikha lalong-lalo sa sandali ng kirot ng kanyang laman.

Na, habang tinutulungan ay nakakadama ng matinding paghihirap ng kanyang sarili ay dapat maunawaan ng magkakapatid na may karamdaman at gayon din ng nagsisitulong, sa gawi ng may karamdaman ay kailangang ng mataimtim na pagbabalik-loob, paglilinis ng sarili at ang magsisitulong ay buong-puso at lakas ng pag-aambil sa madaling kaginhawahan ng isang nilikha.

Ang mga bagay na iyan ay mabisang panglunas sa mga karamdaman, ang pagtatagpo ng buong pananalig upang sa gayon ay madama ang lunas at kung gumaling ang tao ay magkaroon ng pagsisiyasat ang tao. Kungdi man, ay magpatuloy sa maayos na pagkilos, magpatuloy na tumupad ng tungkulin sa isang mababa at payak na pamumuhay.

Ang mata ng Panginoon ay hindi tumatanaw ng magarang kilos, kungdi, sa kanyang mga anak na tumutupad ng kanyang tungkulin na mayroong kababaang-loob at pag-ibig na kanyang tinutunghayan.

Iyan ang iniiwan ko at bago ako lumisan, pagkatapos tulungan ang mga kapatid na may karamdaman, nais kong bigyan ninyo ng takdang sandali ang mga kapatid na mananalumpati, na hindi lalakdaw at lilihis sa mga pahayag ng kabatlayaan, maging ngayon at nagdaang mga araw. Ang labis ay hindi ninyo gagamitin, kungdi, ang inyong babanghayin ay ang mga bagay na nagmula sa kabatlayaan na hindi pa lubos na nauunawaan ng mga kapatid.

Ako ay magpapa-alam na at kailangan ako sa ibang dako, maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.

(Kap. Felipa B. Torres)

-o0o-

1971-02-02, FBT

Kinakailangan na sa bawat panahon ng pakikipag-aral ay mayroong maiwan ng natutuhan

Mga minamahal na kapatid, sikapin sa ninyo na ang bawat panahon at bawat saglit na nagdaan sa inyong mga buhay sa gawi ng pakikipag-aral ay mayroon maiwan katutuhan ang inyong mga sarili.

Mga pag-aaral na magagamit ninyo sa pakikitalad sa kapatagang-lupa, nakapagpapalawak ng inyong mga pag-iisip at karanasan sa buhay na iyan upang magpatotoo kung hanggang saan ang dakilang simulain ng Espiritismo ay nagtuturo sa bawat isang masigasig na nag-aaral at tumutuklas ng karunungang lihim.

Hindi ang isang pagiging Espiritista ng isang nilikha ang kanyang katangian, hindi ang pagiging kasangkapan ng isang nilikha ang kanyang katangian kundi mga tungkuling nakababaw sa kanyang balikat na magpapatotoo at magpapamatyag sa kanyang kapaligiran kung ano at kung hanggang saan ang pagkakilala.

Kung kayo ay nag-aaral ng dakilang simulain ng Espiritismo na ang batas ay nalalagom ng pag-ibig ay kinakailangang ihayag ninyo sa sangkatauhang iyan na kayo ang nangunguna ng pag-unawa at pag-ibig sa inyong mga kapwa.

Hindi sapat ang malaman lamang ninyo ang mga alituntuning iyong susundin, hindi sapat ang manahimik lamang kayo at manalangin, kinakailangang i-alinsabay ninyo ang inyong mga paggawa ng kabutihan at pag-unawa sa inyong mga paligid.

Hindi baog ang isang pananampalataya  sa mga mayroon na ng pag-aaral

Baog ang isang pananampalatayang kung walang paggawa kahit man sumasainyo ang inyong pag-aaral na mayroon ng maraming panahon na inyong pinagpupunyagian subalit hindi ninyo ilalagay sa larangan ng paggalaw. 

Kung kayo ay nasasa loob ng inyong lunduyan ang mga tupang maamo ang inyong kawangis, kung kayo ay nasasa harap ng lipunan ninyong magkakapatid, mahigpit ang pagbigkas ng inyong pag-iibigan gayon din sana ang inyong ugaliin hanggang doon sa mga nilikhang hindi naka-aabot ng inyong pagpapahalaga.

Kung alin ang nilikhang mayroon ng mabalasik na kalooban, yung alin ang iyong kapwa hindi naklilikha ng mga likhaing tututugon sa pag-ibig at kabutihan, doon ninyo ituon ang inyong pagkalinga, doon ninyo ituon ang inyong unawa sapagkat ang wika hindi kailangan ang manggagamot sa taong walang karamdaman.

Kung sa isang nilikha ay mayroon ng pag-unawa at mayroon ng kaayusan ng pag-uugali ng katauhan, ihahandog ang iyong tulong, kayo ang makapagkunwari ngunit kung doon ibibigay at ihandog ang inyong unawa sa mga nilikhang hindi makatanggap ng kabutihan at hindi makagawa ng kabutihan sa kapwa, nangangahulugang gumagawa kayo ng mga bagay ng naayon sa batas na magpakain sa nagugutom at magpa-inom sa nauuhaw.

Habang lumalaon sa pag-aaral ng simulain lalong lumalapit ang mga pagsubok

Alalahanin ninyo na habang lumalaon nagtatagal kayo sa ilalim ng pag-aaral ng simulain ng Espiritismo, habang lumalawak ang inyong pag-aaral at pagpapahalaga lalong lumalapit ang mga buhol ng suliraning pag-aaralang kalagin, ang mga pagsubok hahandulong sa inyong mga pagkatao sapagkat kayo napapanahon na lumandas at managumpay sa lahat ng mabibigat na uri ng pagsubok upang kayo ay matantusan kung kayo ay sadya nang matuto.

Ngunit kung sa unti-unting yanig ay manghihina kayo, masasayang ang malaong panahon at mga araw ang pagod at mga puyat na inyong pinuhunana kung kayo ay maduduwag. Sikapin ninyong managumpay ang inyong mabubuting hangarin, sikapin ninyong laging managumpay kayo sa ilalim ng pagsubok na iyan at higit sa lahat managumpay kayo sa lakas ng pananampalataya.

Paalam, Arkanghel Raphael.

(Kap. Felipa B. Torres)

-o0o-

1969-01-28, FBT

Ang liwanag na nagmumula sa dakilang Ama ang tumanglaw sa inyo ngayon at magpakailanman!

Mga minamahal na kapatid, kung ang isang tao ay mayroon ng hangarin o paghihimagsik, magpatubo at mag-alaga upang magkaroon ng katuparan ang kanyang mithiin na mag-ani.

Ngunit kung lagi na lamang aasam ang tao na hindi gumagawa, mananatiling baog na hangarin, hungkag na layunin ng isang nilikha at sa gayon ay nagpapakilala na hindi umaangat sa kababaang kinalalagyan ng kanyang sarili.

At kung ang isang nilikha na nabubuhay sa kapatagang-lupa ay hindi magsisikap at gagawa ng mga bagay na may pagbabago ang kanyang katauhan, nasisiyahan na baga kayo na manatili sa gan-ganitong katayuan na lagi nang gapi ng kamangmangan na lagi nang salat sa mga bagay na kung ihahalintulad at ihahambing sa tinatamasang kasiyahan ng maunlad na nilikha?

Di rin kayo nanlulumo kaya at ang kabatlayaan ay hindi nagsasawa, hindi nalilingat munting saglit man sa lahat ng kataon, sa lahat ng sandali subaybay ninyo at nagbibigay ng magandang halimbawa, hinawi ang piring ng inyong mga paningin.

Binubuksan ang inyong mga pang-unawa, inilalahad magmula sa simula kung paano kinakailangang gampanan ng isang tao ang kanyang tungkulin at kung paano ang isang tao ay magkakaroon ng kapakinabangan sa lahat ng mga bagay na nilikha ng kanyang sarili sa kapatagang-lupa.

At kayong mga kapatid kong nag-aaral ng dakilang simulain, hanggang kailan pa magpapa-ulit-ulit ng panawagan sa inyong mga kalagitnaan upang kayo ay magpatotoo sa inyong mga tungkulin upang kayo ay maging matapat sa mga tungkuling nakababa sa inyong mga balikat?

Hindi lamang mga tungkuling uma-alinsunod sa magagandang katuruan kung di higit sa lahat ang kahayagan ng inyong mga natutuhan ang mailagay nyo sa larangan ng paggawa sapagkat ang isang nagmamasid sa inyong kapaligiran kung inyong ibinabandila ang kataga ng pag-ibig hinahanap sa inyong sarili ang katotohanan.

Kung ibinabandila ng inyong mga pangungusap ang pagkakawanggawa, minamatyagan ng inyong kapaligiran kung hanggang saan ninyo naisasagawa ang bagay na iyan.

Huwag ninyong bayaan sa inyong mga katauhang mabigo ang magagandang hangarin at layunin ng kabatlayaan. Huwag ninyong babayaan sa inyong katauhang magsimula ang mumunting titis na panghihina ng inyong kapatiran.

Kinakailangang kung mayroon kasiraan kayong magkakapatid magtulong tulong na bumuo, magsinop alang-alang sa simulaing ito, di lamang sa panahong ito kundi magmula sa pasimula, sa kasalukuyan at hanggang sa mga panahong darating ay itataguyod ng lahat at bawa at isa sa inyo at kayo ay hindi maaaring maitatatuwa ng inyong tungkulin.

Hindi kayo maaaring makalayo o makabitiw pa sapagkat kayo ay mayroon na ng mga tali, maging sa buhay na ito at maging sa buhay sa dako pa roon ay mananatiling mau bigkis kayo ng simulaing ito.

Ulit-ulit at buong pagsisikap ninyong itataguyod habang nagugunita ninyo ang kadakilaan ng simulain, habang nadadama ninyo ang init ng pagpapala ng kabatlayaan at habang ninanamnam ninyo ang tamis ng katas ng mga katotohanang bumubusog sa puso at diwa ng mga nag-aaral ng katotohanan.

Mga minamahal na kapatid, sikapin ninyong buong tatag na itaguyod ang anumang bigat ng dalahing nakababa sa inyong mga balikat, maging ito ay sa larangang ng pag tiwang-tiwang sa alagatain sa laman at lalong higit sa mga alagataing nauukol sa Espirito.

At ang mga kapatid na nangalilimpi sa mga sandaling ito na mayroon ng mga tungkulin sa loob at labas ng simulain ng Espiritismo ay inaasahan kong hindi nagpapabaya sa nalalapit ninyong pagniniig na magkakapatid at buong alab ninyong sasalubungin ang inyong mga kapatid na nagmumula sa iba't-ibang dako ng pag-ibig na pag-aalala.

Bayaan ninyong minsan pang mabadha sa kaisipan ng lahat at bawat isa na kung papaano ang bawat isang nalulukuban ng simulaing ito ay mayroon ng antig ng pag-ibig sa isa't-isa at mayroon nang tali ng pagmamahalan.

Magtutulong tulong kayo, hindi ninyo iindahin ang magiging kapaguran ng inyong mga laman sapagkat ang lahat ng iyan ay mapapawi at mapaparam, ang inyong panatilihin sa inyong mga sarili ang mga tatak sa kaisipan ng inyong mga kapatid na dumarating sa inyong sinapupunan, kung paano at kung hanggang kailan nila maidadama ang inyong matatamis na pakikitungo at pagtitiyaga sa lahat ng sandali sa loob at labas ng kapatiran.

Iyan ang aking pinakahahangad na nakatanim sa puso at diwa ng mga kapatid sa lahat at bawat isa sa inyo at hinahangad na maghari ang kapayapaan ngayon at magpakailanman!

Arkanghel Raphael.

(Kap. Felipa B. Torres) 

-o0o-

-----------

Enjoyment of a Fruitful Remaking

The light that comes from the Heavenly Father illumine you now and forever!

Dear brothers and sisters, if a person has a desire or a rebellion, it grows and nurtures in order to achieve into a reality of what he sow.

In the man who always does not work, it will always remain a barren desire, an empty purpose of a being and  manifest without advancing from the lowly self.

And if you are one that lives in this world who  does not try and do things with a change in personality, will  you be contented to remain in such a situation continually overpowered by ignorance that is always lacking in things when compared to the enjoyment of fruitful creation?

Be not be depressed, nor will enlightened mentors tire, you are not forgotten for a moment at all instances,  your guides will give good examples, pushing aside the blindfold of your sight at all times.

It opens up your understanding, expressing from the start how a person is expected to perform his or her purpose of existence that brings benefit to himself and others from all the things he or she has created in this world.

And you my brothers and sisters who are learning great moral principles, how long will we continue to call upon your midst so that you will be true to your duties and be faithful to the tasks that are on your shoulders?

It is not only the duty to be consistent with good morals but above all the manifestation of what you have learned that you can put in actual practice.

When you reveal the word of love in your surroundings, the observer search for the truth in yourself. If your words promote charity, you will be observed to the extent which you are doing so.

Allow the good intentions of enlightened mentors succeed. Allow your little spark begin the tiny drop that will strengthen your brotherhood.

If you and your brethren have a concern, it is necessary for each and everyone to help build it and take care from the beginning, to the present, and up to the future supported by each and every one.

You will not be excused from your responsibilities, you cannot go far or let go since you already have the string that will remain bonded by moral principles, both in this earth-life and even in the life beyond.

You will strive over and over again as you contemplate the greatness of the moral principle  as you feel the warmth of the blessing of enlightenment and as you savor sweetness of truths that fill the hearts and souls of those who learn the them.

Beloved, think it not strange the fiery trial is to try you, as though some challenges that happened unto you in flesh and spirit.

Brothers and sisters who are gathered in these moments who have responsibilities, I hope you will not neglect but eagerly meet them from all over in remembrance of love.

Let it once again be etched in the minds of everyone how each one is enveloped in the tenet that has the imprint of love for one another and the existence of a bond of love.

You will help each other, you will not have to worry about physiological fatigue since it will be eradicated, you will keep the markings in the minds of your brothers and sisters entering your circle. How and for how long they will remember your sweet dealings and tenacity at all times.

That is my greatest desire to instill in the hearts and minds of each and everyone one of you and long for peace to reign now and forever!

Raphael

-o0o-

1969-01-05, FBT

Sumainyo ang ganap na kaliwanagan at kaluwalhatiang lubos ngayon at magpakailanman!

Mga minamahal na na kapatid, naririto kayo at nagtitipon na ang tanging hangarin ay ang mga bagay na magdaragdag sa kaalaman ng inyong kaluluwa; nilisan ninyo ang inyong mga tahanan sampu ng inyong mga tungkuling pang kapatagan nang dahil sa hangarin ninyong itaguyod ang dakilang simulain ng katotohanan.

At kayo sa inyong mga sarili ay nalalaman ninyong mayroon kayo ng mga tungkuling na hindi ninyo maaaring itayong at ni lalong hindi ninyo maaaring iliban sapagka't kayo ay hindi tumatanggap ng mga tungkulin sa inyong kapwa kung hindi kayo humahanap ay nakipagtipan sa dako pa roon.

Kung kayo ay nagkulang, kanino kayo hihingi ng paumanhin? Kung kayo ay magtalusira, kanino kayo magbabangon? Hanggang kailan kayo magsisisi sa inyong pagkukulang?

Alalahanin ninyo, mga iniibig na kapatid, kung papaano ang lahat ng maraming bagay ng nauukol sa lupa ay nawawalan ng kabuluhan. Alalahanin ninyo at gunitain ang handog ng tatlong haring mago na sumasagisag sa lahat ng danasin ng Dakilang Anak ng Tao, mga handog na nagmula sa kanya-kanyang kaalaman, mga handog na nagmula at dala ng kanyang katalinuhan.

Kayo ay hindi lamang sa kapaitan mabubuhay, hindi lamang sa kayamanan, lalong hindi sa karangalang pang kapatagan kungdi sa mga bagay na mapanagumpayan ninyo ang lahat ng iyan sa kababaan.

Kung kayo ay magtamasa ng kayamanan at mailagay ninyo sa wastong kaparaanan at kung kayo magkaroon ng karangalan, hindi lamang sa mata ng tao kungdi maging sa mata ng dakilang Panginoon, mayroon kayo ng bahagi ng tatlong mago.

Mga iniibig na kapatid, hanapin ninyo ang maraming kakulangan ng inyong mga sarili, hindi kayo makahuhusto, mga iniibig na kapatid.  Sa inyong pananahimik, damahin ninyo sa inyong katauhan: saan ako nagkulang, bakit ako mayroon bahong dala sa sarili?  

Bakit ako inaabot ng pagkabagot sa maraming gawain?  Bakit ako nagkakaroon ng pansamantalang pagkamuhi sa aking mga kapatid? Bakit ako nagkakaroon ng kalungkutan?

Mga minamahal na kapatid, sa sandali ng inyong mga danasin iyan, hanapin ninyo ang kakulangan, kung matagpuan ninyo ang kakulangang inyong natatanggap siyang nagiging kabayaran din sa inyong mga kapatid.

Dagdagan ninyo ang inyong pang-unawa, dagdagan ang ipagkakaloob na pag-ibig sa kapwa kailanman at hindi kayo nagbigay, hindi kayo tatanggap.  Katulad din naman kung hindi kayo magtatanim ng magagandang bagay, papaano kayo naghihintay ng magandang ani?

Mga minamahal na kapatid, muli at muling nananawagan ako, bilang pagunita, gamitin ninyo ang inyong mga paningin sa pagtanaw sa magagandang bagay, gamitin ninyo ang inyong mga bibig sa pagbibigay ng magagandang pangungusap na maka-aakit sa kapwa, ang inyong pandinig, lalong pagka gamitin at umulinig ng magagandang kataga.

Hindi ninyo itatanim sa inyong mga puso ang mga pangit na kataga na nagmumula sa inyong kapaligiran at ang lakas na tinatangkilik sa pagkatao hindi aaksayahin sa walang kabuluhang bagay kungdi gagamitin ang lakas sa paglilingkod sa inyong mga kapwa.

Kalilimutan ninyo paminsan-minsan ang kapakanan ng sarili sa ika pagkakaroon ng lakas na umakit at umakay sa inyong mga kapwa sa katotohanang inyong natuklasan at sa mga bagay na nauukol sa kaitaasan.

Mga iniibig na kapatid, pag-aralan ninyo ang bawat banggit ng kabatlayaan, damahin ninyong may mga bahagi ng katagang ikinapit sa inyong pagkatao, hindi kayo sinusumbatan kungdi kayo ay ginigising.

Hindi kayo ang inuusig, kungdi kayo ay binubuhay ng pag-asa sa inyong mga sarili kaya at wala kayong katwirang magdamdam ni lalong hindi mababagot sa paulit-ulit na bigkas ng kabatlayaan sapagka't kayo ay kayo sa inyong kinatatayuan ay hindi maikalalayo at hindi makapaimbulog hanggang doon sa karurukan ng kasiyahang kinakailangang tamasahin ng lahat at bawat isa sa inyo.

At iyan lamang ang aking ihahandog sa aking mga kapatid at maghari ang kapayapaan sa lahat ng dako. Ang Patnubay, Arkanghel Raphael.

(Kap. Felipa B. Torres)

-o0o- 

1968-04-05, TE

Pananampalataya

Mga kapatid, hindi maaaring manggaling sa pagwawalang-bahala ang pagbago-bago at pagsulong ng katauhan. Kung kinikilala man ng tao ang kawastuan ng mga batas at ang kagandahan ng kaugaliang hinihingi ng magandang kaasalan, kung ito ay ipagwawalang-bahala ng marurunong upang ipalaganap at isakatunayan ang pang-araw araw na kabuhayan ng bawat isa. 

Bigo ang pagnanasa ninyo sa pagsulong tungod sa pagbabago, buhat sa kapangitan tungod sa kagandahan, buhat sa mga kamalian tungod sa kaunawaan, di lamang ng nahahayag sa panahon kungdi sa paghahanda sa sumusunod na kapanahunan sa buhay ng sangnilikha.

Ang pag-aaral ng kabataan sa mga kaalamang hinugot sa karanasan ng kagulangan o katandaan ay paghahanda lamang ng mga ito upang kung saan nagtatapos ang katandaan, doon nagsisimula ang kabataan sa bai-baitang na pagbabago at pagsulong.

Ganyan nagtatagumpay, katulad lamang ng pangkaraniwang pagdalo ninyo sa mga palasak na simbahan ng mga tao; magdarasal at makikipagdaupang-palad sa mga kaibigan at diyan lamang natatapos ang pagkakilala ng tao sa Diyos at iyan lamang ang kahayagan ng kanyang pananampalataya, walang kaibhan ang paturuang ito kung gayon sa pangkaraniwang mananampalataya.

Bakit kailangan na ang isang Espiritista ay magtotoo sa kaniyang mga alagataing pangkaluluwa?

Sapagkat kung ang inyong pinag-aralan ang kalihiman ng buhay ng sangkatauhan; ang pagkaka-ugnay ugnay ng isa at isa, ang simulain ng mga suliraning nagdadala sa kanya sa pag-aaral at pagtitiis.

Ang kanyang pagkakilala sa mga bagay na kinakailangan na kanyang maipalaganap sa kaalaman ng kanyang mga kapatid. Ito ay nangangahulugan hindi ng papusyaw na pakiki-anib sa nasabing samahan ng mga Espiritista kundi kinailangan ang ganapang pagpapakasakit upang kanyang mayakap ng lubus-lubusan ang Espiritismo.

Ano ang inyong hinahanap ng isang mag-aaral sa pagdako sa mga lunduyan?

Ang nakararami sa inyo ay nagawi sa lunduyan sapagkat gumaling ang inyong mga karamdaman; ang ilan sa inyo ay dahil sa paghahanap ng bago na simulain at ang iba pa ay dahil sa kuryusidad at kayo ay nananatili ng ilang panahon sa loob ng lunduyan.

Mga kapatid, kung kayo baga ay gumaling sa inyong mga sakit ng laman ay matapos na ba kayo ay gamutin ng isang manggagamot na nag-aaral sa paaralang panglupa, kayo ay nagbabayad at bumibili pa ng gamot?

Pagkatapos na kayo ay gamutin sa inyong mga karamdaman sa loob ng lunduyan ng Espiritismo, ano ang inyong ginagawa, nagbabayad baga kayo ng salapi, gumaganti baga kayo ng paglilingkod sapagka't sinasabing walang maaaring makuha ang tao ng gratis?

Ang ibig sabihin ng "sa pawis mo manggagaling ang lahat ng kakainin"
Sapagkat sinasabing sa pawis mo manggagaling ang lahat ng kakainin; walang maaaring tamuhin ang tao na gratis, kinakailangang mayroon ng katumbasan sa kanyang katauhan sa kanyang kaangkinan at sa kanyang pananangkilik.

Pagkatapos na kayo ay malunasan sa karamdamang idinulog sa lunduyan ng Espiritismo, ano ang inyong kabayarang hinihingi na inyong tinanggap, salapi baga? Hindi ito tatanggapin ng mga Espiritista sapagkat ang mga naglilingkod sa inyo na mga Espiritista, ay nagbabayad lamang ng kaangkinan na kanyang tinanggap upang mahayag ang kaangkinang ito na kanyang natanggap.

Kung kayo ay dadalo sa mga gawain sa lunduyan upang makinig sa mga pahayag at paliwanag na dito ay isinasagawa, itinatanong ko sa inyo, ano na ang inyong natutunan? Mayroon na bagang pinagkatutuhan ang mga Espiritista sa karamihan ng aking tanong upang totohanang magpatuloy ang kabataang Espiritista kung saan natapos ang katandaang Espiritista? Mayroon na baga kayong mga bagong naidagdag bilang pagsulong ng Espiritismo sa kaalaman ng mga espiritista? Ito ay inyong pag-aralan at suriin.

Ano ang pamantayan ng pananampalataya ng tao sa Diyos?

Ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay sang-ayon sa kakayahan ng kanyang pagkakilala sa grado ng perpeksiyong moral ng kanyang pagkatao; ang pananampalataya ay hindi sinasalita, hindi isinusulat, ni hindi idinarasal. Ang pananampalataya ay nahahayag sa templo ng Diyos, at sapagkat kayo ang templo ng Diyos kailangang mahayag ang uri ng inyong pananampalataya sa inyong pagkatao.

Kung kayo ay kinakikitaan ng kapangitan, ng kawalang kabaitan, kung kayo ay laging nakalilimot sa kabanalan ng mga batas o dili kaya ay nakakalimutan ninyo ang ngipin ng katarungan at pag-ibig at ang kapangyarihan ng kaalamang sumasakop sa katauhan ng tao sa kanyang pakikitungo sa kanyang kapwa tao.

At sa kanyang pagbanghay sa bawat saglit ng kanyang mga tungkulin sa kanyang buong buhay, hindi ninyo maaaring sabihin na mayroon na ng kadakilaan ang kabanalan ng inyong pananampalataya, sapagkat hindi pa nahahayag ang kagandahan ng kayamanan at ang katauhan ng templo ng Diyos sa sumasainyo.

Alin ang kagandahan ng templo ng Diyos? Alin ang kayamanan nito?

Ang luningning na nahahayag na pag-ibig. Ang Kanyang karunungang hindi maaaring pasubalian ng mga mangmang sapagkat ang karunungan ng Diyos, ang pag-ibig at ang Kanyang pag-ibig na bunga ng karunungan ay ito, kapangyarihang sumasakop at hindi nagtatakwil.

Hindi nagwawaldas kundi bubuo, hindi naglulugmok kundi nagtataas, sapagkat mayroon Siya ng kaangkinang umiibig upang magligtas; mayroon Siya ng kaalamang maghubad ng kapangitan upang magkaroon ng kagandahan ang sangkatauhan.

Iyan ang larawan ng isang tagapaglingkod ng Diyos na mananampalataya, hindi sa dambanang ginawa ng kamay ng mga tao, kungdi ng templo ng Diyos na magpakailanman at hindi maaaring iguho sapagkat ito ay makabathala.

Kung hinahanap ninyo ang kayamanang nasasalat ng inyong mga kamay, di mabilang-bilang bilang kagantihan sa inyong paglilingkod, mga minamahal na kapatid, dahil baga sa kayo ay nagpagaling ng may sakit, dahil baga sa kayo ay nagbigay ng paglilingkod na pagpapaliwanag sa inyong mga kapatid?

Ah! ang lahat ng ito ay walang kabuluhan, sapagkat ang kagantihang iyan ay pansamantalang nasusunog ng apoy, sinisira ng tanga, maaaring ipalamuti sa templo ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo sapagkat ang tunay na kayamanan ng Diyos ay pag-ibig, karunungan, kapangyarihang magbubuo, mag-aangat at magiging kasangkapan sa pagbabago sa ikasusulong ng sangkatauhan.

Iyan ang Espiritismo, mga kapatid, hindi ang walang habas na pagtantan sa Banal na Kasulatan, hindi ang pagtatalo-talo na walang muwang; hindi ang paghayo ng pulupulutong na mga kapatid upang humanap ng kanyang sariling katanyagan at pangalan.

Hindi maaaring ang Espiritismo ay matatag sa kanyang sarili kung kayo ay makabibitiw sa matuling agos na patungo sa kawagasan ng nasabing katuruan, kayo ang nagkulang sapagkat hindi ninyo narurok ang kakayahan ng inyong sarili.

Ano ang kinakailangan sa mga mag-aaral?

Sinabi ko sa inyong kailangan ninyong mag-aral; hindi kayo lagina ay kinakailangang aralan ng kabaitan, ng kahinhinan sapagkat nalalaman na ninyo ito na matagal ng panahon ay ano ang inyong kinakailangan? Ang kinakailangan ninyo, mga ginigiliw na kapatid, ay umunawa, isakatunayan ang inyong natutuhan sa paturuang dinaluhan. Tignan ninyo ang resulta ng inyong paggawa; nakapagdulot na baga kayo ng kasiyahan ng inyong pagiging Espiritista?

Nakapag-udyok na baga sa inyo ang kaalamang natutuhan sa Espiritismo upang kayo ay higit na magpakasakit sa paghahanap tulad ng isang umi-igib sa balon na habang nakikita ang kalinawan ng tubig, lalong nagkakaroon ng kasiyahan upang maitayo sa tahanan sa panahon ng pangangailangan.

Ang nasumpungan ninyo ay ang Espiritismo na mayroon ng tubig na malinaw at kanilis-linisan, bakit kayo nag-aatubiling umigib? Bakit nagtatamad-tamarang magsakit habang mayroong panahong igiban ang balon ng Espiritismo sapagkat ito ay kagamitan sa inyong kabuhayan?

Magkakasiya na baga kayong makinig, katulad ngayon? Ito ang magiging kabagot-bagot sa inyo, at totoo ngang marami ang nababagot sa ganitong mga gawain lalo na kayong mga kabataang Espiritista na sa inyong palagay ay wala nang Espiritismo kundi ang inyong maririnig. 

Hindi, mga kapatid. Habang huhukayin ang lupa at palalalimin ang balong ng Espiritismo, mayroong kayong madudungkal; mayroong makukuhang higit na mag-uudyok sa pagbabagoo at pagkasulong ng sangkatauhan kung kayo ay magsisikap at magtitiis.

Huwag ninyong hanapin ang karunungan ng kabatlayaan sa ikapitong langit, gaya ng sinasanay ngayon ng ilang mga kabataan sa inyo. Dapat ninyong maunawaan ang mga katagang ito. 

Ang katulad ninyo ay mga tao sa inyong kapatagan na nang dahil sa paghahangad maging biglang yaman (o sa wikang ingles, high financing), hinahakbangan ang mga batas ng kalikasan. Katotohanang sinasabi ko sa inyong walang sinumang lumabag sa batas ng kalikasan na hindi nagdusa at tumanggap ng kaukulang ganti.

Ano ang kinakailangan sa mga talaytayan?

Kayo mga talaytayan, lalo pa ay pag-uukulan ko ng mga katangang ito. Bago ako mamaalam, huwag ninyong nasaing kayo ay purihin at sapupuhin ng inyong mga kapatid dahil sa kayo ay naglilingkod. Huwag mamalagi sa inyong kaisipan ang kainggitan at pananaghili.

Ang inyong kailangan ay ang pagyamanin ang inyong sarili; gawin ninyong karapat-dapat ang inyong pagkatalaytayan sa mga banal na sinugo ng kabatlayaan. Kung lagi na kayong magiging mapusok at marumi ang kaisipan, kung wala kayong nanasain kundi ang huwag mabago ang inyong kinauugaliang paraan ng pamumuhay at ibig pa ninyong kayo ay magingt tanyag na talaytayan sa wika ng mga tao, mabibigo kayo, mga kapatid.

Ang isang talaytayan ay kailangang magkaroon ng ambisyon na siya ay maging karapat-dapat sa Diyos; ingatan rin ang kapangitan sa loob at labas ng kanyang pagkatao; ingatan niya ang kanyang pakultad medianimika.

Lagi nang huwag madantayan ng karumhan ng paghahaka at damdamin, sapagkat ito ang nakapagpupusyaw sa katuparan ng kanyang pagkakasangkapan ng kabatlayaan.Mag-aral ang mga talaytayan.

Ano ang dapat na pag-aaralan ng mga talaytayan at ano ang kanyang pananagutan sa panahon ng preparasyon o paghahanda? 

Pag-aralan nila ang katarungan ng pagkatalaytayan sa mga bagay na nahahayag sa pamamagitan ng kanilang mediumnidad. Ang pag-aaral na ito ay kinakailangang pailalim sa kina-uukulang mayroon ng pananagutan sa inyo sa loob ng lunduyan at hindi dapat ganapang ipailalim sa mga batlaya sa inyo ay namamahayag.

Kung natitiyak na hindi nakahanda sa katuparan ng tungkulin, kailanman ay huwag tatayo sa palatindigan upang tumupad ng tungkulin.

Ano ang pananagutan ng pamunuan ng lunduyan? 

Sapagka't kinakailangan ang mga talaytayan ay pangalagaan ng mga karapat-dapat na pamunuan ng lunduyan, sanhi sa panahon ng inyong transe o sa panahon ng inyong pagtanggap ng mga abot-sabi sa kabatlayaan ay wala na kayo sa pananagutan sa inyong sarili at dahil dito sino ang dapat managot?

Ang mananagot ay ang kina-uukulang pamunuan ng lunduyang kinabibilangan. Dahil dito, wala kayo ng anumang kapasiyahan sa mga bagay na dumadaan sa inyo o nagdadaan sa pamamagitan ng inyong pagkatalaytayan.

Mga kapatid, marami kayong dapat pag-aralan at matutuhan. Kung inyong matutuhan ang saysayin ng mediumnidad, gayon man, ito ang kinababagutan at hindi ninyo ito ibig pag-aralan.

Mga kapatid ko, ang pagsulpot na maraming talaytayan sa maraming lunduyan ay halos hindi mapamahalaan ng mapunuan ng lunduyang kina-uukulan lalo pa ng Inang Lunduyan. Dumarami ang mga talaytayan na walang kaalaman ang Inang Lunduyan na ang kapatid na ganito at gayon ay medium. 

Dahil dito, ito ang pinanggagalingan ng hindi pagkaka-unawaan ng magkakapatid. Ang mga medyum na walang kahandaan sa katuparan ng kanilang tungkulin ay talaytayan ng mga batlayang manggugulo at mababa.

Ano ang sinasabi ng mga medium na nabalino ang mga sarili sa pagtanggap na hinahalina ng mga papuri ng mga kapatid na tumatangkilik sa kanila sapagka't nakikinabang ng materyal ng kagantihan sa mga medium na ito?

Ganito, wala kaming pinakikinggan at pinaniniwalaan, at walang susundin kungdi ang sabi ng Espirito. Ito ang inyong gawing batayan sa pag-aaral at pag-aayos ng mga medium sa loob ng Union.

Ito ang aking binuksan sa inyo, at kung ninanais ninyong magkaroon ng Panel of Discussion ukol sa mediumnidad at komunikasyong espirituwal, ito ay ikagagalak kong ipa-irog sa inyo sa pagdadala ng mga talaytayan sa hinaharap na mga araw.

Kapayapaan nawa ng Panginoon ang maghari ngayon at magpakailanman. Paalam, Arkanghel Raphael.

(Kap. Trinidad Estrada)
-o0o-

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia