1955-1980, Koleksyon - Antonio de Padua
1980-12-17, FH
Liwanag at pagpapala ang aking ipinagkakaloob ngayon at magpakailanman!
Mga minamahal, naitanong na baga ninyo sa inyong mga sarili kung ano ang liwanag, kung ano ang simbulo ng liwanag na ito? Mga minamahal na mag-aaral, marahil ay nadarama ninyo sa bawat isa sa inyo kung ano ang tinatawag na liwanag.
Mapalad ang isang nilikha kung ang bawat isa sa inyo ay natatanglawan ng liwanag sapagkat ang bawat hatid ay naruroon ang kapanatagan na hinihintay, naruroon ang kababaang-loob at naruroon din ang pagpapatawad sa kanya ay nagkasala.Sa tatlong hari na ito ay ginigising ko sa inyong mga damdamin at marahil ay madarama rin ninyo ang malamig na dapyo ng hangin at diyan magpapahiwatig na nakakapit na ang tinatawag na kapaskuhan.
Kung kayo lamang ay sa mga oras na ito ay matama ninyong pag-aaralan na kapag dumarating ang ganitong kapaskuhan, marahil naliligayahan ang bawat isa sapagkat nagkakaroon ng kasiglahan ang aking mga kapatid pagkat ito ay nakagisnan ng bawat isa sa inyo.
Subal't ang hinihingi lamang ng kabatlayaan ang tumulong. Kailanman ay huwag ninyong kalilimutan lalong-lalo na sa ganitong kapanahunan sapagkat kung ililingap lamang ninyo ang inyong mga paningin, sa daigdigang ito ay, marami sa inyong mga kapatid ay nagkakaroon ng kalungkutan sapagkat marami sa inyo ang nagdarahop sa kabuhayan.
Aanhin ninyo ang masasarap na pagkain kung ang inyong mga kapwa ay hindi nakakatikim ng mga pagkaing kailanman ay hindi nila nalalasahan?
Kayo mga kapatid ko na malaon nang nag-aaral sa simulaing ito, bigyan ninyo ng kasiglahan ang inyong mga kapwa, pahatdan ninyo ng panalangin at diyan lamang magpapatunay ang isang tumutupad ng kanyang tungkulin. Hinahangad ko kayong lahat na magkakaroon ng pagkakaisa, na nawa ay mag-uunawaan at magbibigayan sa ganitong mga kapanahunan.
Bago ako magpa-alam, hinahangad ko bumati ako sa inyo na nawa ay maging maligaya ang inyong kapaskuhang darating. Hanggang diyan na lamang at hinahangad kong muli ang ganap na kapayapaan ang siya nawang maghari sa kaibuturan ng inyong mga puso, ngayon at magpakailanman. Paalam, Antonio de Padua.
-o0o-
1977-10-12, VT
Tanggapin ninyo ang basbas ng Espiritu Santo at kapayapaan sa lahat at bawat isa.
Sa mga sandaling ito sa inyong mga pag-aaral lalong-lao ang mga nagsisipag-hangad ng kabatlayaan ay aking itinatagubilin sa inyo na walang sawang paulit-ulit ang inyong damdamin, pag-iisip ay handa at nakatuon sa Amang Makapangyarihan.
At ang mga binibigkas sa sandali ay huwag ninyong pag-aalinlangan sapagkat sa sandali ang mga sanayan ay tumayo sa palatindigan, ang inyong mga kaluluwa ay aming sinusubaybayan.
Mga aralin sa likod ng libingan
At kaming mga batlaya ay nagsasalita at nagbibigay ng mga aralin kung papaano sa likod ng libingan, ay kung tawagin ng Dakilang Ama ang inyong mga kaluluwa ay humihiwalay sa katawang-lamang, iyan at ang kaluluwa ay nagkakaroon ng pagkakataong mabantayan. Hindi katulad ng katawang-lamang iyan na nabubulok at na-agnas, ngunit ang kaluluwa ay umuunlad.
Kaya at sa paturuan ng Espiritismo ang mga ibinababa ang ukol sa mga kaluluwa sapagkat ang katawang-lamang iyan ay naiiwan sa kapatagang-lupa at ang kaluluwa ang siyang aakyat sa mga langit at maghahayag ng kanyang mga gawang kabutihan dito sa sa kapatagang ito sa dakilang Ama.
Sa kataon ito kung papaano ang inyong mga kapatid ay nagkakaroon ng pag-aalinlangan at hindi makapaniwala na ang isang tao ay nakapag-ugnay sa Dakilang Ama at nakapagpahayag ng aralin na nagmumula sa kaitaasan.
Ang mga kapatid na hindi nakakaalam sa ganitong katayuan, sila ay hindi makapaniwala, at kayo ay nagkaroon ng pagkakataong lumapit at makipag-aral. Sana ay ang inyong mga natutunan ay mayroon ng pag-unlad kung papaano dito sa sanglibutan ito ay magkakaroon ng iba’t ibang uri ng damdamin ang mga kapatid.
At ako ay hanggang dito na lamang at sa aking mga ibinababa at magpapatuloy na maghahayag sa inyo ng mga pag-aaral at sa katawang ito, sana ay maging handa ang bawat isa, ang aking kasangkapang ginagamit. Paalam, Antonio de Padua.
1977-07-17, GPL
Saganain ang lahat sa mga dakilang pagpapala ng Panginoon, maghari ang ganap na kapayapaan ngayon!
Mayroong isang Makapangyarihan siyang nag-alay at nag-abuloy
Mga iniibig na kapatid, sa gitna ng buhay at pananampalataya at pag-aaral sa pagkakilala ng tao, ay mayroong isang Makapangyarihan siyang nag-alay at nag-abuloy sapagkat dakila ang nasain, at kayo na nagkapalad na nakilala ang mga bagay ng pag-aaral, ay nasusumpungan dakila ang nasain na pangalagaan, and isang kadakilaan at payabungin ang inyong mga diwa sa pamamagitan ng pag-aaral at isagawa.
Ito ang karapat-dapat, ang kadakilaan ng Ama, sapagkat kayo ay mayroon ng diwang laging naghahanap ng katotohanan, ang pag-ibig na ito. Kayo ay mayroon ng matalinong pag-aaral at iyan ay nadarama ng inyong mga sarili, lamang, ay hindi ganapan, hindi maipagpatuloy ang pag-aaral.
Nalalaman ninyo na dakila ang magkawanggawa, nalalaman ninyo na dakila sa pamamagitan ng gawa, subalit madalas, kayo ay nanghihina sa mga bagay na ito upang ang kadakilaan sa sarili ay maging ganap na managumpay ang kadakilaan ng Ama.
Sumasa inyong pagkatao ang ganap
na pag-aaral at ganap ang pagkakilala ng tao upang managumpay ang
kabanalan. Kailan pa kayo mananagumpay sa inyong diwang laging
naghahari ang kadiliman?
Lumililim sa tao ang karamutan at hindi
makapagpaimbulog, at siyang laging natatanaw ng inyong mga diwa, subalit
hindi maabot-abot upang maging ganap ang isang kaliwanagan sumasainyong
pagkatao. Mga kapatid, sa lahat ng mayroon pagkaunawa sa sarili, kung
nakapikit ang mata, subalit natatanaw ang liwanag at laging nasa inyong
bumbunan.
Mga kapatid, magpaptuloy kayong mag-aaral sapagkat sa oras na malagay sa inyong mga puso, sa inyong mga palad ang mga kabanalan, laging nakatutok ang inyong mga pagkatao, at ganap na mapangangalagaan iot kung dumating ang dakilang araw, kung baga sa isang manglalakbay, ay nabuksan ang balutan punong-puno ng pagkain at hindi kayo maglilimayon.
Iyan lamang ang aking mai-aalay at nawa ay pagpalain kayo ng Ama. Paalam, Antonio de Padua.
-o0o-
1977-06-12, GPL
Kadakilaan ng Ama, at mga biyaya ang siya nawang maghari ngayon at magpakailanman!
Mga iniibig na lingkod ng Panginoon, laging nag-aaral at nagnanasang makapagpatuloy na maisagawa ang mga adhikain ng inyong kaluluwa, mapapalad ang mga nagnanasa at lalong mapalad kung kayo ay tutupad sa mga dakilang aralin na iniwanan ng Dakilang Mananakop, hindi upang making lamang at isa-isangtabi ang mga bagay na pinag-aaralan.
Kinakailangang makagawa ang tao upang ang kanyang diwa ay makapagpatuloy sa kanyang magandang layunin, hindi lamang sa lahat ng bunton ay nag-aaral ang tao at hindi isasagawa.
Tulad ng Dakilang Mananakop, kung papaano ang tao ipinagpapatuloy and dakilang misyon, kung bagaman may kasakitan ang mga bagay, ay nagpapatuloy sa kanyang tungkulin at isinagawa.
Sapagkat ito ang kanyang tinanggap bago manaog sa kapatagang-lupa, Kayo man, ang lahat at bawat isa sa inyo ay may mga tungkuling ipagpatuloy, subalit kayo lamang ang nagtatayong at nagpapaubaya. Kailangang magsipagbalikwas at hanapin ang karagdagan.
Mga iniibig na kapatid, hindi nagsasawa ang kabatlayaan na ulit-ulitin ang kahalagahan ng kadakilaan ng tungkulin, magpapatuloy kayo upang matupad ang hangganan ng lahat ng mananampalataya, upang maganapang tungkulin, at kung kailan ang pagusulit at dumating.
Huwag magsasawa, kung masarap ang layunin ng kadakilaan, lalo na sa diwa, ito ay lalong kasarap-sarapan. Hindi gaya sa kapatagang-lupa, managumpay man kayo, pagdating sa likod ng libingan kaawa-awa ang mga kaluluwang hindi nakapagpatuloy sa paggawa ng kabanalan. Kung ano ang magiging bunga ng kadakilaan ng Panginoon, kung maisasagawa ay siyang karapat-dapat.
Mga kapatid, huwag kayong magsasawa sa lahat ng kataon, upang ang bungang hinog ay makamtan. Hanggang dito ako at kapayapaan ang siyang inilalagak ko sa inyo. Paalam, Antonio de Padua
-o0o-
1977-06-11, AC
Biyayain kayo ng mga langit at nawa ay manatili ang kapayapaan sa inyong mga puso!
Akong bumabati sa inyo ay kakambal ng butil ng buhangin sa palanas ng buhay na ang hinahanap ko ay hindi ang sigla ng mga bisig na nahahandang mangguho ng mga bagay sa daigdig, kung hindi ang hinahanap ko ay ang maliit na ugnay sa pagkatao, kakambal ng buhanging hinahabul-habol ko sa kahabaan ng lakbaying paulit-ulit, upang magkaroon ng kaganapan ang sarili.
Sa lakbayin ng buhay, mga minamahal na kapatid, ang isinisimpang lakas upang puhunanin sa larangan ng laman ay hindi ang kapangyarihan ng lakas ng tao, ni hindi ang kapangyarihan ng karunungan at kayamanan sa balat ng lupa.
Manapa ay ang lihim na isinimpan ng bawat kaluluwa ay siyang unang puhunan upang damhin ang katunayan na ang kaDiyosan ay hindi nalalayo kung hindi bahagi ng sariling pagkatao, ngayon at magpakailanman, at ang pagkabuhay na tulad nga ng simula ko ay kakambal ng buhangin sa palanas ng buhay.
Ang inyong mga pag-uukol, paggunita, sa alaala ng isang kaluluwa ay ginagantihan ko, lalong higit, ng isang matapat na dalanging maramdaman sana ninyo ang ulos ng katotohanan sa aking pagkatao.
Na ito ang balaning ginagamit ninyong pang-akit upang handang maglingkod sa inyong lahat ay lagi nang nasa inyong piling, sa pagkislot man laman ng inyong mga kaisipang pinadadalisay ng inyong mga tibukin.
Naririto akong abang kaluluwang ang katunayan ng buhay ay naramdaman ko, mamasdan ko sa bunton ng mga kaalamang maka-batlaya at pinagsakitang madama ang kaligayahang pangdiwa sa larangan ng mga alagataing makatao.
Ang alaala ay nagbabalik sa isang kahapong punong-puno ng pagbibigay ng sariling kakayahan, paglimot sa kapakanan ng sarili. Pag-aalay ng lahat ng lalong kaliit-liitang bigkas ng kabanalan na siyang pinagsakitang tugaygayan ng bawat kaluluwang itinalaga.
At naging masipag pagkatapos na madama, ang kalahati ng pananagumpay sa mga daigdig na kalamnan kung saan ang bandila ng katotohanan, mga paglilingkod-panglipunan, pagsagip sa mga kaluluwang dinadaluyong ng buhay, lalo pa ay sinasaklot ng mga karalitaan.
Ang mga pagtatag ng mga maliliit na samahan ng mga kabataan ay siyang nagbigay ng panibagong sigla sa mga alalahaning pagbalik sa ibabaw ng lupa ay hindi maaaring malimutan ng tao yayamang siya ang namuhunan, siya ang nagsinop, siya ang nakatatalos kung saan siya hahangga, kung hanggang saan siya hahantong sa pagbibigay ng lalong matapat at masiglang kahulugan sa tinatawa ng karunungan at pag-ibig.
Mga minamahal na kapatid, nagpapasalamat ako sa inyo at nalalaman kong hindi napupugto ang ugnayan ng inyong mga kaluluwa sa aking kaluluwa; katunayan ay ibinibigay ninyo ang abot ng inyong kakayahang panglupa upang damayan ang inyong mga kapatid na lagi nang nasa gitna ng karalitaan at pananalat.
Kung nalalaman lamang ninyo na ang pananalat na iyan ay basbas sa kaluluwa ng bawat taong naghahanap sa sinapupunan ng katotohanan, hindi kayo tatalikod sa mga kasalatan ng sa inyo ay lagi nang nag-iiwi, mga minamahal na kapatid.
Kung baga sa manlalakbay, kayo man ay magiging bahagi ng butil ng buhangin sa palanas ng buhay kung saan ang itinatayo ay ang simulain ng pag-ibig, ang ibinibigay na pag-aalay ay ang bahagi ng sariling pagkatao, ng sariling buhay, ng saring pagpapakasakit.
Ngayon ay hindi na ako mag-aalinlangan sa inyo, mga minamahal na kapatid, sapagkat nakikita kong kayo na dumarating ang sandali na inyong panlulupaypay, kayo ay nagbabangon rin, nagpapakasigla pa rin, at kayo ay naghahanda pa ring magdala ng bigat ng buhay.
Lalo na sa pananagutang makadiwa alang-alang sa ikapagtatagumpay at ikararangal ng pagkakapatirang inyong binibigyan ng katunayan sa gitna ng lipunan ng mga taong inyong ginagalawan, hindi upang magparangalan at magmarangya kung hindi upang patunayan, minsan pa, na ang mga bagay na banal at dakila ay hindi maaaring maihiwalay kailanman sa kakayahan ng tunay na tao.
Ito ang bahaging inyong pag-asa, mga minamahal na kapatid, naririto ang inyong kaligayahan, kayong naglilingkod, hindi nang dahil sa ganti, kung hindi upang bigyan ng kapanatagan ang inyong nauuhaw na pagkatao.
Ang pag-aalay na tinatanggap ng mga kapatid sa gitna ng kadahupan ay matamisin sana ninyong alaala, na habang inyong ginugunita ay nararamdaman ninyong kayo ay nagbabago, nawawala ang kataasan sa inyong pagkatao, mga minamahal na kapatid.
Nakapagtitiis kayo nang walang tutol sapagkat ang basbas ng karalitaan ay biyaya nga, unuulit ko, at biyayang dapat ninyong pakamahaln sapagkat iyan ang kasangkapan ng kapanahunan upang madama ninyong kayo ay kailangang-kailangang magkaroon ng higit na kaunaawaan sa kadakilaan ng buhay sa inyong paligid.
Pahalagahan sana ninyo ang lalong maliit na halaga na sa inyo ay maialay ng inyong mga kapatid sapagkat kayo ay bahagi ng kanilang pagpupunyagi at ang lunduyang ito ay minsan pang binubuhay at pinasisigla ang pagkakaisa ng lahat, alang alang sa kababaang-loog na sa inyo ay ipinababaon sa inyong pagyao, pagkatapos ng mga pagniniig na tulad nito.
Kung wala ng bunton ng pilak na sa inyo ay maialay, sana ay tanggapin ninyo, mga minamahal na kapatid, ang matapat na ambil ng kabatalayaan na kayo na lumalandas at naglalakbay sa buhay na iyan na walang gaanong pagkakilala, kayo, iambil ninyo sa inyong sarili na dumating nawa ang panahon ng kaliwanagan, ng kaunawaan sa inyong pananggap, na ang bahagin inaari ninyong tiisin ay matanggap ninyong biyaya at basbas ng mga langit.
Ang karanasan ninyo sa gitna ng karalitaan sa laman ay nagbibigay ng tindi upang nyong dakilain at humanap kayo ng katunayan na mayroon ngang isang Maglilikha na punong-puno ng katarungan at pag-ibig, na sa inyo, sa lahat ng sandali ay sumusubaybay at nagpapagunita, kayo lamang ang nangangailangan ng ibayong pagpapakasigla, mga minamahal na kapatid.
Hindi magkaroon ng pitak sa kaisipan ng mga nagtatapat sa paglilingkod sa Panginoon ang pag-aakalang walang katarungan ang Dakilang Ama. Sa silong ng buhay na inyong itinataguyod sa gitna ng mga tiisin at mga pagsubok, hindi baga ninyo nadadama kadalasan sa mga panahon ng inyong kagipitan, na hindi ninyo maunawaan ang ipagpapasya upang maitaguyod ang inyong mga tuparin sa buhay na iyan?
Hindi baga at dumarating ang sandali na kayo ay nabibigla sa sigla na sa inyo ay nagpapakilos, nagliliwanag ang inyong kaisipan sa isang iglap at nasasambit ninyo, “Ama ko, ako po ay paawarin ninyo!”
Ito ay katunayan na mayroong isang lakas na higit ang kakayahan at kapangyarihan kaysa inyong tinataglay sa buhay na iyan, mayroong bahaging makaDiyos na sa ninyo ay naka-ugnay lagi na. Ito ang simulaing lakas na siyang nagbibigay ng kahulugan at kadakilaan sa tinatawag na pagkakapatiran ng mga tao.
Alalahanin ninyo at tanggapin ninyo, at patibayan ninyo sa inyong sarili, mga minamahal na kapatid, ang pagsasamahan ng mga tao ay hindi kailanman maaaring sirain ng alinmang aligtigtigin ng kahinaang makatao sapagkat kayo ay patungo sa isang pag-unlad na siyang pangarapin ng sarili sa simula pa ng inyong pagkalikha.
Ang katunayan ng mga bagay na dakila ay kayo rin ang makadarama, kung kayo ay nagbabago sa inyong alitigtigin patungo sa lalong ikaliligaya ng inyong sarili, kayo rin ang makadarama, mga minamahal na kapatid.
Kaya nga, ipinagugunita ko sa inyo, inuulit-ulit ko, ang pag-aalay ng tulong, ang paggawa, ang paglikha ng mga bagay na dakila sa loob ng sangnilikhang ito ay siyang katunayan na mayroon nga ng sa atin ay bumubuhay, mayroon nga ng lakas na siyang simula ng lahat ng paggalaw, ng lahat ng pag-asa, ng lahat ng kaligayahan, ng lahat ng lalong banal na pangarapin.
Magpakasakit kayo at dagdagan ninyo ang pagpapakalakas sa inyong mga balikat. Ang lakbayin ng buhay ay singlawak ng sangnilikha. Walang sinuman, kayo at ako, kami ang lahat ay manlalakbay sa mga sulok ng mga daigdigan upang sagapin ang iba at ibang uri ng lakas.
Na ito ang basbas ng kapangyarihang makabatlaya upang balang araw, ang kaganapan, ang pagiging manlilikha ng mga dakilang bagay, ang pakiki-ugnay sa kapwa bilang lingkod ng lahat, at handang magpakasakit para sa lahat, ito ang katumbas ng buhay sa gitna ng mga paggawa at mga pag-aalay sa Dakilang Ama.
Kung ang Panginoon ay hindi kayo binibigo, pakaasahan ninyong kami ay mga lingkod na hindi nag-aantay ng alinmang pangunahing luklukan sapagkat kayo ang aming ibinubulaos upang kayo naman ay maging bahagi, kakambal ng maliit na butil ng buhangin sa palanas ng buhay.
Kapayapaan at maraming salamat sa inyo, mga minamahal na kapatid. Ang inyong patnubay, Antonio de Padua.
-o0o-
1977-04-13, RR
Biyaya at pagpapala ng mga langit, maghari sa inyo ang kapayapaan ngayon at magpakailanman.
Mga minamahal ko, sa mapalad na pagkakataong ito ay naririto kayo at inaasam ninyo ang isang kahalagahan ng inyong kaluluwa, hinahanap ninyo ang tunay na diwa ng katotohanan na siyang nakapagdudulot sa inyo ng kaligayahan.
Habang kayo ay nabubuhay sa kapatagang lupa, sapagkat ang tao ay ang hinahanap ang isang katuparan ng kanyang buhay maging sa buhay kaluluwa at sa buhay laman, ay hinahanap niya ang kaparaanan kung paano matutuklasan at kung paano matutuhan sa pamamagitan ng kanyang paggawa.
Mga minamahal ko, mahirap dulangin ang nau-ukol sa kaluluwa, ngunit madaling hanapin ang nau-ukol sa laman lalo pa kung ang tao ay mayroong tinataglay na lakas, sapagkat ang nau-ukol sa katawang laman ay naririyan at mahalaga sa inyong mga pananaw.
Na iyan, sa pamamagitan ng inyong pagpapakasakit, ang inyong pupuhunanin upang ang makatotohanan at pagtupad ng inyong tungkulin ay maisagawa ng inyong pagkatao, sapagkat ang pag-aaral ng dakilang simulain ng Espiritismo, malawak ang kanyang mga aralin at kailangan mayroon isang katalinuhan ang isang mag-aaral.
Kinakailangang mayroon malinis na pag-iisip, upang kanyang maabot ang tunay na diwa na kanyang hinahanap, sapagkat ang diwa ng katotohanan, hindi lamang sa kapatagang lupa ito ng kababaan dito matutuklasan, kungdi ang kinakailangan magtotoo kayo sa paghahanap, ng kanyang pag-aaralan ang nga araling nagmumula sa kaitaasan.
Sapagkat ang mga biyaya ng Panginoon, ang mga aral at halimbawa na isang itinatala sa papel na kasulatan, ay kinakailangang dalhin ng tao at pag-aralan upang sa gayon makatupad siya sa lalong tungkulin dapat tuparin.
Hindi lamang sa pamamagitan ng mga
ganitong pagkakataon inyong sisinupin kungdi lalo at higit ang mga
kataga ng kabatlayaan ay inyong susuriin at lilimiin at kung paano
matutuhan at mapag-aaralan o maipanibay sa inyong mga kapatid na lalong
higit na nangangailangan.
Sapagkat ang salita ng Panginoon ay
kanyang iniwanang halimbawa at aralin na dapat matutuhan ng tao sa
pamamagitan ng katalinuhan at paggawa ng ukol sa kabutihan at
kabanalan.
Sapagkat ang Panginoon ay walang inaadhika kungdi makatulong sa kanyang kapwa, inaadhika na siya ay makapag-iwan ng mga titik na pag-aaral upang sa gayon ay mataglay ng tao sa pamamagitan ng pag-aaral at pagsisikap na siya ay matutuo sa mga aralin at halimbawa ng Dakilang mananakop.
Mga minamahal ko at mga mag-aaral sa kasalukuyan, mga mahal na nagsisipagsanay, tatagan ninyo ang inyong mga katalinuhan, tibayan ang inyong mga paninindigan at nawa ay ang lakas ng inyong mga pag-iisip ay inyong maiparating sa kaitaasan upang sa gayon ay makadulang ng mabubuting kabanalan at aral na siyang hinahanap at hahanapin sa kasalukuyan.
Kapayapaan ang sumainyo ngayon at magpakailanman. Paalam, Antonio De Padua.
-o0o-
1977-04-03, GPL
Kapayapaan ang inilalagak ko sa inyog mga puso, ngayon at magpakailanman.
Mga kapatid, mapalad ang mga araw ng pagkakilala ng tao, ang dakilang araw, lalo pa ay ang mga mananampalataya, tulad ng kapanahunan ng Dakilang Mananakop, na nakita ng marami, ang pagpasok ng Dakilang Anak ng tao sa pintuan ng Jerusalem.
Subalit ngayon ay unlad na ang panahon, lalo pa ay ang pananampalataya, at kayong nag-aaral ng katotohanan, ay sasalubungin ninyo ang dakilang Anak ng Tao na malilinis ang inyong mga diwa.
Iwawagwag ang bisig sa pamamagitan ng paggawa
At handa na ang iyong sarili sa pagsalubong, hindi sa pamamagitan ng inyong paningin, sapagkat hindi nakikita ang Mananakop, nalalaman ang kahalagahan ng araw, hindi lamang iwawagayway ang palaspas, kungdi iwawagwag ang bisig sa pamamagitan ng paggawa, sapagkat hindi ko sasabihing paglingkuran ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon, nasa kanya ang lahat.
Maglilingkod sa inyong mga kapatid at sa daigdig, hindi lamang
dadalitin ang buhay ng Mananakop sa inyong mga labi, kungdi laging
uusalin ang mga paggawa ng tao sa mga kabutihan. Ano na kung lagi na
lamang uusalin o papasanin ang krus, pagkatapos ibaba ang krus ay muli
na naman na gagawa ng kababaan.
Ito kaya ang pananampalataya at
pagkatapos ay ibaba, at pagkatapos ay ilalagay sa isang tabi? Kailangang
tularan na managumpay at maipagpatuloy ang kadakilaan sa pamamagitan ng
paggawa o lalong ikasusulong.
Mga iniibig na kapatid, kahit manawari ay maganap ninyo ang paggawa upang kung dumating ang dakilang araw, ay naroroon ang dakilang kapayapaan at maging karapat-dapat upang salubungin ang anak at ihandog sa anak.
Ang kapayapaan ay muli kong inilalagak sa inyo. Paalam, Antonio de Padua.
-o0o-
1977-01-02, CM
(Kayo at ako ay iisa, maghahanap ng kaunlaran ng kaluluwa sa pamamagitan ng sariling pagsisikap).
Maghari sa inyo ang ganap na kapayapaan.
Sa bagong yugto ng panahon kung kailan tinatawagan ng pansin upang mahalina ang pagkukuro ng mga tao sa pagpalakas ng sarili, sa kinamulatan na higit na magandang buhay pangkaluluwa, sa ipagkakaroon ng sariling kinabukasan at higit sa lahat ay sapagka’t kayo ay nagbibilang sa kaisahan na mga pag-aaral na nauukol sa diwa.
At ang kaisahang ito ay binubuo ninyong magkakapatid at ang pananagumpay sa ikapagkakaroon ng kasiglahan upang maka-akit sa pananawagan ng mga batlaya na mapunpon ang lahat at bawat isang nag-aaral unang-una ang kanyang kinakandili sa loob ng sariling tahanan.
Dahil dito, ay bigyan ninyo ako ng laya sapagkat nalalaman ang kasiglahan ng kapatid sa inyong dako ng lunduyan ay apinasyon na maaaring ipa-abot sa maraming dako ng lunduyang tinatag upang maging sagisag ng tao sa Diyos.
At sapagkat kayo ay nagtitiwala sa isang murang panahon kung kailan ang hahawak ng tungkulin sa paligid ay kahalintulad ng halaman na nangangailangan ng gabay at tungkulin, at mabuting dilig, sa pagkakaisa at isa pa rin sandigan ng halamang tutubo at magbibigay ng maraming bunga.
Mga kapatid, unang-una sa mga ilang panahon ginagamit, sa pagdako sa loob ng lunduyan, unang isasa-isip na ito ay isang bagong panahon at ang loob ng lunduyan ay laging handa upang laging mapahatdan ng lahat ng nais na ibigay sa inyo.
Sa inyong panahon, pagdating sa lunduyang tulad nito, sana ay bigyan ng pagkakataong maihanda ang sari-sariling likmuan ng mga kasangkapan, ang para sa kanila ay hindi maaaring ipagamit sa iba.
Ang pangsariling pagbabatian sa mga tao ay pagkatapos ng pagpupulong, pagkatapos ng basbas na pulong. Ganap na katahimikan sa mga kapatid na tutupad ng tungkulin. Bayaan ang ingay at iyak ng mga bata sapagkat sagisag ng mga anghel na nagkaroon ng binhi sa panahon ng pa-aaruga upang kung dumating ang sandali at gulang ay gupiin ang damdamin sa sandali na mamalagi sa pag-aaruga ng mga batlaya.
Mga minamahal na kapatid, sa loob ng simulain ng Espiritismo, ang sinumang naglilingkod ay siyang alipin sa lahat ng pagkakataon, hindi upang puhunanin ng kapatid ang tungkuling hinahawakan, kungdi, ang magsimula ang simulain ng Espiritismo.
Kani-kanya ang tao kung kailan uulad sa pang-laman ay lalong hinahalina ng batlaya ang mga damo na tumubo at pagkatapos na lisanin ang mga pangyapak ay muling papagaspas pag-ihip ng hangin.
Habang nag-aaral ay huwag bayaan masabog ang perlas sa kulungan ng baboy o putikan, sapagkat wala pang unawa upang tanggapin ito ng mga taong walang pagka-alam ngunit inaasahan ko unti-unti, banay-banay na ipaunawa sa kataling-puso, ipaunawa ang simulain ng Espiritismo ay hindi relihiyon kungdi isang paralan upang maging banal at maging mabuti.
Sa loob ng simulain ng Espiritismo ay tinuturo ang tungkulin ng Ina sa kanyang anak, ng kataling-puso sa kanyang kataling-puso, bilang anak sa magulang at bilang lingkod sa kanyang kapwa.
Laging sinasabi ng paaralan, kung sa simbahanng Katoliko ay natutuhan ang paglapit sa Diyos, ay laging dumalo, kung alin man relihiyon sa buhay na iyan at lalong naging karapat-dapat na lingkod.
Pakatandaan sa hukuman ng tao ay hinahatulang magdusa ang nagkasala at nakadungis ng puri. Sa loob ng Espiritismo, ang sinumang lalaki na tumigin sa sinumang babae na masama ay nagkasala sa pangangalunya.
Alin ang pipiliin kung nakita ang kasalanan o ang isang nagkasala sa pag-iisip. Huwag bigyan ng daan kung naging magulang na makalpas ang inyong mga bunso na hindi matutuhan ang panglangit sapagkat mabilis ang hikayat ng panglabas at mahalin ang kaligayahang pang-lupa.
Mga minamahal na kapatid, hindi kailangan ng tao ang papuri at palakpak sapagkat nakakalasign ang kaligayahan ng tao. Ang kanyang ginawa na hindi nakikita pati ang kanyang anino at lisanin ang mga kapatid na tinutulungan at malaman na lalong kaligayahan ang tinatanaw sa gawain.
Kung ganoon ang pagkakilala ng tao sa mahabang panahon, siksik at pikpik. At ang paggawa sa lupa ay hindi binabawal kungdi hanapin ninyo ito upang matagpuan at makamit sa pamamagitan ng pagpapatulo ng pawis na malaman ang pagpapagod na nakikita na ipapakain sa inyong bunso at matutuhan ma-iabuloy sa inyong kapwa.
Kung ganoon, ang pagsisikap ng tao sa mahabang panahon sa bawat sandali sa lupa habang may buhay sa lupa na tinatangkilik at inaasahan ko sa aking kaliitan ako ay nakapagpatuloy, kayo rin. Nalalaman ko na sa sandali iwanan ang katawang lamang at makapiling ng Diyos sa kaharian ng Diyos.
Sa lupa ang kaligayahan ay pansamantala lamang
Bakit ganyan ang binanggit? Sa lupa, ang kaligayan ng tao ay pansamantala lamang tulad ng sikat ng araw; kung minsan ay maganda, kung minsan ay makulimlim at kung minsan may daluyong.
Ganyan din ang buhay ng tao; kung minsan ay may daluyong at kadalasan ay my kalungkutan at dakong huli ang kaligayahan, papaano sapagkat kailangang makikilala ng tao ang iba at ibang uri ng danasin upang maging karagdagan ng katalinuhan ang mga karanasan ay maging mabuting guro na hindi maaaring hiramin ng iba at sirain ng tangga kungdi babaunin ng tao saan man makarating.
Kayo at ako ay iisa, maghahanap ng kaunlaran ng kaluluwa sa pamamagitan ng sariling pagsisikap. Kaya at inaasahan kayo ay mayroon katangian sa puso at ang katangian ay hindi maaaring mapasubalian kung hanggang saan ang pagkumpas ng buhay na iyan.
Mga minamahal na kapatid, pagdamutan ninyo ang maikling pagniniig at inaasahan ko ang walang hanggang pagsasaliksik upang sumainyo ang ganap.
At walang kahulilip na kaligayahan na magbibigay ng pagkukuro ang magulang sa kanyang anak. Inaasahanang mga magulang na bukod ay maging mabuting haligi upang mapagtayuan ng isang tahanan sa paligid ng burol.
Mga minamahal na kapatid, ganyan ang banggit ko sa inyo, ang kaligayahan sa lupa ay sandali sapagkat hindi tatamasain ng may laman sa lupa kungdi ibinibigay sa kaluluwa, mag-iiwan ng buhay at mapagyaman ang diwa. Kaya nga ang wika na Ama, “ nasa inyo higit sa akin ginawa ay inyong magagawa.”
Mga minamahal na kapatid, kaya ang tao ay pawang dadanas ng iba at ibang uri ng danas upang matalian ang tao at taluntunin sa buhay at makatugon na kayo man ay makagagawa ng higit sa Kanyang ginawa. Mayroon na kayo ng lakas mayroon ng puhunan pagkatapos ng inyong pagsisikap .
Kapayapaan ang iiwan sa inyo at inaasahan kong sa bawat sandali sa buhay ay iyan ay magpatuloy kayo na mayroon ng pananampalataya. Paalam, Antonio de Padua.
Kpd Clarita Malonzo-o0o-
1971-12-22, GPL
Kapayapaan ang siya nawang maghari ngayon at magpakailaman!
Mga kapatid sa pananampalataya, mga dakilang kaluluwang pinagkalooban ng lakas at buhay upang sa sandaling ito ay makipagniig sa kabatlayaan, ang tungkulin ng tao sa mga dakilang araw na ito gumawa at magpatuloy kung saan ang liwanag na sumikat upang mapatunayang may isang dakilang Verbo na ipinanganak sa sabsaban bagaman sa mayayaman hindi dakila ang mga lugal na siyang sinasamba at kinakitaan ng unang liwanag, ang liwanag ng Espiritu Santo kaalinsabay ng dakilang Verbo.
Mga kapatid, ang dakilang liwanag na ito ang siyang sinundan at pinanuntan ng tatlong haring mago at doon ay natagpuan ang isang hamak sa tingin ng tao kulang sa pagkakilala sapagka't sa silungan ng mga hayop doon iniluwal ang isang dakilang Verbo.
Ganyan din, mga iniibig na kapatid, kung bagaman sa mga sarili nakilala ninyong hamak at maliit ang inyong pagkatao kung sa inyong diwa sumilang ang isang dakilang pagkakilala at pananampalataya samakatwid, ito, Verbo na isinilang sa inyong mga diwa upang pangalagaan at ipagpatuloy ang pagpapalaki siyang kahayagan ng inyong mga tungkulin.
Hindi na kailangan ang liwanag nagmumula sa malayo ang sumainyong sarili sapagka't kayo mayroon sariling liwanag dapag pangalagaan ng bawat diwa sapagkat kayo mananampalatayang magpapatuloy sa paggawa ng mabuti may tungkuling umunawa, iwasan ang hindi karapat-dapat sa sarili, iwasan ang malalaswang pananalita ng mga tao, iwasan ang karangyaang siyang pagkausyami ng pagkakilala.
Huwag lilingon sa maruruming bagay, huwag tatanaw sa naka-eenganyong tungkulin at kailangang harapin ang katotohanan, ang mga kabutihang bagay at mga gawang mabuti ang siyang magpatuloy upang makilala ang mabuti siyang madadala sa dako pa roon.
Mga kapatid, iwasan ang karangyaan at pagpapalaki sa sariling katayuan, pagtatayo ng sariling bantayog upang maipakilala ang sarili sa mga mahihirap nais masabing iba siya sa kanyang mga kapatid kahit na ang tao gumagapang sa hirap pinipiling ang sarili sa mga kapatid, subalit sa inyong pinag-aaralan ay kakaiba kungdi ang nasain mabuti at pantay-pantay ang pag-iibigan.
Ganyan ang ating pinag-aaralan, ganyan ang tungkuling kinakailangang mahayag sapagkat kung ang dakilang Anak ng Tao siyang marangal sa lahat at sumasalahat nagpaka-aba sa sarili upang ipakilalang kinakailangang magpakababa ang tao upang tumaas at makagawa ng mabuti.
Mga kapatid, alin pa ang halimbawa na kinakailangang panuntan kungdi ang dakilang Verbo siyang hanggahan ng lahat ng lahat na mabuti, siyang dakilang katuruang inihayag, siyang dakilang aral iniwanan ng dakilang Mananakop upang makilala ang kadakilaang siyang daan tungod sa ikasusulong ng bawat tao.
Mga kapatid, dakila ang pagbibigayan na siyang lagi nang sagisag sa ganitong pagkakataon kung ang pagbibigay taos sa puso at walang karangyaan, dakila ang isang pag-ibig kung walang pagbabalatkayo, subalit kung ang taong umiibig sa pamamagitan ng labi unsyami ang pag-ibig na ito.
Ganyan ang Espiritismo, ganyan ang katotohanang inihayag ng dakilang Mananakop hindi lalakad may balok ang mga gawa kungdi sa katunayan ng paggawa. Magpakadakila sa inyong mga tungkulin, magpakabanal sa inyong mga gawa sapagkat iyan ang simulaing inihayag ng Dakilang Panginoon sa kapatagang-lupa.
Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo, kadakilaan ang siyang mananatili ngayon at magpakailaman. Paalam, Antonio de Padua.
Kpd Guillerma P. Landayan
Ang kapayapaan ang inilalagak ko sa puso at diwa ng lahat at bawat isa sa inyo!
Mga iniibig na kapatid, mapapalad kayo na naghahanap ng ikaliliwanag ng inyong mga sariling pagkatao sapagkat sa inyong pagtitiyaga at pagsasaliksik ng tunay na karungan at kabanalan matatagpuan ninyo sa dulo ng landas na pinagtagpuan ng isang ina at isang anak na nagtalik sa pamamagitan ng paghahanap ng kanyang ina sa malawak na lakbaying ay dumating ang panahon at araw na sila ay nagkaroon ng pagkakataon.
Kaya, at mga kapatid ko na naghahanap sa dakilang Panginoon na nasilang na at isisilang pa, marahil ko ay sa inyong pagpapagod at pagpapakasakit upang inyong matagpuan ang tunay na muling pagsilang nd dakilang Guro ng sangkatauhan kung kaya at kayo ay natitipon sa loob ng simulaing ito ng buhay ay hinahanap ninyo ang bakas ng isang Panginoon na siyang nagbigay ng mga bagay na pangangailangan ng sangkatauhan.
Siya ang tumulong, Siya ang nagbigay ng mga biyaya at pagpapala na hinahanap ng sangkatauhan sa kapatagang-lupa magpahangga ngayon. Ito kaya, mga kapatid, sa matagal ng pagpapahanap at pagsisikhay ng maraming nilkha, mayroon na kayang isang nakatuklas ng kanyang muling pagbabalik at pagkabuhay sa kapatagang-lupa?
Na ngayon ay siya naritito sa kalagitnaan at nagmamalas na kung papaano ang mga nilkhang nabubuhay mayroon na sa kanyang sariling angking kabaitan at kabanalan sapagkat ang wika nga ang lahat ng aking ginawa na iniwan sa kapatagang-lupa winika ko nawa madulang at mapag-aralan at matalunton ang landas na dinaanan at nilakaran ng Kanyang sarili.
Kung totoo, mga kapatid, na sa inyong pag-aaral at paghahanap ng tunay na landas na dinaanan ng Panginoon ay ito na nga na inyong tinutuklas sa kasalukuyan ay hinahanap ko sa ibang mga kakapatid na kung papaano at bakit nababalam ng paghahanap sa landas na dinaanan ng dakilang Guro ng sangkatauhan.
Mga kapatid, wiwikain ninyo at babanghayin sa inyong mga palatindigan na ang dakilang Guro ng sangkatauhan naghahanap sa kanyang mga alagad na iniwanan makalimot at hindi makatupad ng kanilang mga tungkulin.
Kaya at sa tuwina naririto ang mga isinusugo ng Panginoon sa inyong kalagitnaan upang buhayin at muling banggitin sa inyong mga sarili na kung papaano ang kanyang pagsisikap noon Siya nabuhay na mayroon laman upang Siya ay tumupad ng Kanyang tungkulin, gayon din sana ang wika, ang aking mga alagad na iniwanan sa kalagitnaang ito.
Ano, mga
kapatid, ang wiwikain ng Guro na mga alagad na kanyang iniwanan kungdi
kayo mga matitipon sa kasalukuyan sa ilalim ng bubong ng paalarang ito
kung kaya at ang isang dakilang Mananakop hindi nagpipigil ng kanyang
pagyao dito upang Kanyang masumpungang muli ang Kanyang mga alagad na
iniwanan kung tunay ngang nakatutupad ng kanilang mga tungkulin.
Ang guro ng sangkatauhan kailanman hidi natitigil sa isang lugal kundi ito ay naghahayag ng Kanyang mga dakilang misyon na iniwanan sa kapatagang-lupa na upang sa gayon ay huwag mapawi at maparam sa gunita at ala-ala ng bawa't nilikhang sa Kanya sumasampalataya.
Kaya at lahat ng mananampalataya sa kapatagang-lupa walang hinahanap kungdi ang abang Guro ng sangkatauhan, papaano kaya matutuklasan sa kanyang kalagayan kung ang isang naghahanap ay lagi nang naliligaw ng kanyang landasin, at kung sa isang panalanging binibigkas lamang ng kanyang mga labi ay hindi makakarating sa Kanyang kinaroroonan?
Ang panalangin ay bigkasin man at hindi at nasa kanyang malinis na kaisipan ang tao nakatatanggap at tumatanggap ng biyaya sa Diyos na sa kanyang ipinagkakaloob. Kaya at sa pamamagitan ng inyong mga pananawa at pagbanggit ng Kanyang mga pangalan nawa matuklasan ninyo ang kanyang kinaroroonan upang sa gayon ang biyaya at pagpapala maipagkaloob sa inyo ngayon at magpakailanman.
Mga minahal na kapatid, ang Panginoon walang tigil na paghahanap sa Kanyang mga alagad ngunit ang Kanyang mga alagad na ito sa tuwina ay naliligaw ng landas kung kaya at matiyagang paghahanap.
At pagdulang ng kanyang mga biyaya ipinagkaloob sa lahat hindi ang lahat nakakatagpo at nakatutuklas kungdi yaong matapat na hangaring mayroon magandang kalooban at malinis na puso ang siyang kina-uuwian ng biyayang ipinagkaloob ng dakilang Maykapal.
Iyan lamang, mga kapatid, at sa tuwina ini-aambil ng lahat at bawat isa sa inyo ang tunay na kapayapaan at sa pamamagitan ng pagsilang ng dakilang Mesiyas sa inyong kalagitnaan mabuksan sa puso at diwa ng mga kapatid at nilkhang nadidiliman ng isipan at maano nawa ang liwanag ng tala ay nakapagbigay ng kasiyahan, nakapagbigay na ng lalong kaliwanagan sa mga nilikhang iyan lagi na lumilkha ng mga kaguluhan sa inyong bayan.
Ang inyong kapatid sa simulain...
Kpd Guillerma P. Landayan
-o0o-
1971-11-17, GPL
Sa pagdating ng mga dakilang araw upang kayong mga alagad ng katotohanan ay mamalas ang isang dakilang talang tumanglaw at nagbigay gilalas sa mga pastol upang ibalitang dumating na ang dakilang Anak ng Tao at ihayag ang katotohan ng kadakilaang siyang ninanasa na nakararami bagaman at marami ang hindi naniniwala at nanampalatayang dumating na nga ang dakilang Verbo.
Ang mga tao sa panahong ito ay matatalino sa gawi ng pangkapatagan at hindi sa gawi ng kabanalan
Noon, marami ang nananampalataya at sumasamba at nakikilalang mayroon na nga ng isang dakilang Anak na tutubos sa sala ng sankatauhang ito bagaman at marami ang hindi naniniwala.
At hangga ngayon sa kapanahunang ito ay taglay pa rin ng tao ang maruruming damdamin at isipan at hanggang sa mga sandaling ito marami ang naghahanap kung bakit ang mga kapatid na wala ng pagkakilala hangga ngayon pa rin dakong una, ang nagaganap na bagaman at sinasabi ang tao sa panahong ito matatalino subali’t matalino ang tao sa gawi ng kapatagan at mangmang ang tao sa gawi ng kabanalan.
Kinakailangang munang makita bago maniwala ang tao
Ang isang bagay bagaman hindi mo nakikita at inaakala mong mabuti kinakailangang ito ang paniwalaan subalit kaiba ang lakad ng daigdig at ang nasa ng mga tao kinakailangang munang makita bago maniwala ang tao katulad din ni Tomas na ang dakilang Mananakop nabuhay mag-uli kailangang madama ang sugat nito bago siya nanampalataya.
Ang pagiging matalino ang tao sa gawi ng kabanalan
Ang mga mag-aral ay kinakailangang pangatawanan ng kanilang mga sarili ang mga inaakalang siyang mabuti ay siyang pahalagahan. Iyan ang Espiritismo, paturuan ng kabanalan; iyan ang espiritung nangangalaga, nag-uutos ng kung ano ang karapat-dapat gawin ng isang taong nabubuhay.
Kailangang waldasin ang maruming alitigtigin ng mga sarili sapagkat ang dakilang Panginoon ay hindi lumalayo sa kanyang mga alagad. Ang mga mag-aaral ay hindi na tulad ng isang maghihirap ng pagdama ano ang dating ng Espiritismo kung ano ang laman ng sarili sa mga antig na kabatlyaan ng dakilang Panginoong sumasa kanilang pagkatao.
Kailangang pahalaghan ng tao ang pinag-aaralan, pahalagahan ang mga tungkulin sapagkat ito ang madadala sa tao sa dako pa roon.
Kpd Guillerma P. Landayan
-o0o-
1971-02-28, GPL
Kabanalan at pagpapala ang sumainyo ngayon at magpakailanman!
Mga kapatid, panahon ng pagsubaybay sa dakilang bakas ng Panginoon na siyang adhika ng mga mananampalataya upang gisingin uli at ihatid sa bundok ng kalbaryo ang kadakilaan ng isang pananampalataya, gunitain at isa-alang alang ang mga bagay na nagawa at inu-utos ng dakilang Panginoon.
Mga kapatid, sa mga bagay na ito, kayong nag-aaral ng simulain ay nalalaman kong hindi kabilang sa mga kapatid na kung kailan lamang dumarating ang dakilang araw ng paggunita ay saka ninyo gugunitain sa inyong mga diwa at sa inyong mga sarili ang kahalagahan ng pagkabuhay ng Anak ng Tao.
Sa inyong puso laging sariwa at sinasariwa ng kabatlayaan na ang Anak ng Tao ang siyang banal na kaluluwang nagtigis ng dugo at hirap upang bigyang halimbawa kayong mag-aaral ng katotohanan.
Hindi na kayo ang mga dating mananampalatayang hindi nakaka-unawa ng kabuuan ng katotohanan kung hindi kayo ang mga alagad ng katotohanan na nang dakong una ay naging kasama ng dakilang Panginoon kaya at inu-ulit ko, hindi na rin kayo mga alagad na magtatatwa sa inyong Panginoon kung hindi kayo ang magtitindig at ilalagay sa larangan ng paggawa ang katotohanan ng inyong pag-aaral.
Mga iniibig na kapatid, kailangan pa kayang banghayin ang mga hirap at sakit hanggang doon laman sa mga labi maramdaman? Isa-alang alang ninyo ang paggawa at pagpapatuloy upang maging dakila ang inyong mga pag-aaral upang maging kagawad kayo ng isang dakilang simulaing gumagawa at nagpapatuloy sa kahalagahan ng inyong tungkulin.
Mahal na araw, mga dakilang araw na kung kailan lamang sa loob ng isang linggo iagagalang ang mga araw na ito, ito kaya katotohanan? Nalalaman kong sa inyong pananampalataya, nalalaman ninyo ang mga araw ay mahal sa lahat ng kataon kaya at lahat ng araw igagalang ng tao upang igawa ng mabuti sapagkat ang lahat ng araw na ito ay araw ng Kristo, araw ng paggawa at pananampalataya sapagka't ito ang mga dakilang araw at aral ng Panginoon.
Mga kapatid, pahalagahan ninyo ang inyong pag-aaral at huwag kung kailan lamang darating ang gaganyang mga araw at saka ninyo pangingilin ang paggawa ng tinatawag ninyong maling gawain.
Ang lahat ng araw ay ipangiling sa paggawa na masama at ang lahat ng araw, mahal na araw sa paggawa ng mabuti. Iyan ang masasabi upang ang dakilang araw na kinagisnan ng sangkatauhan maibahagipa sa inyo ang kahulugan at kabuuan ng pag-aaral ng Kristo Hesus.
Mga kapatid, maging dakilang mananampalataya sa paggawa ng mga banal na tungkulin ng dakilang Panginoon. Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Paalam, Ang inyong patnubay.
Kpd Guillerma P. Landayan
-o0o-
Comments
Post a Comment