2022-12-18, Rebecca
2022-12-18, ARK RAF- RAD
Liwanag ng Espiritu Santo ang maghari sa lahat at bawa’t isa ngayon at magpasawalang hanggan.
Sa bawat kasaysayan, kung gaano kahalaga ang kanyang simula binibigyan ng ningning at katingkaran sa kanyang pagpapatuloy at pinadadakila kapag dumating ang kanyang pagwawakas.
At kung ito ngayon ang siyang kalagayan, samakatuwid dakila ang magiging paggawa sapagka’t naroroon na ang kanyang magiging kabuuan. Samakatuwid, sa kalagayang ito ay higit na pinatingkad ang buhay na taglay ng bawa’t manggagawa sa ubasan ng Panginoon.
Lakas na dadaloy sa bawat sisidlan ng tubig
Kung gayon, ipaubaya ninyo ang hiling ng Panginoon na, sa sandaling ito ay ipagkaloob ninyo ng buong-buo ang inyong diwa, ang inyong puso, ang kalagayan ng kabuuan ng inyong mga kaluluwa upang sa buhay na ipagkakaloob na naroroon ang pag-ibig at kapangyarihan ng Ama sa pamamagitan ng kanyang Anak mataglay at maging siyang lakas na dadaloy sa bawa’t sisidlan ng tubig.
Kaya nga ipa-ubaya rin ninyo na kung kayo ngayon ay isama sa huling yugto ng buhay ng Anak ng Tao. Na kung saan, naroroon sa bundok ng Golgota na inihahayag at inilalarawan ang kabuuan at kabanalan sapagka’t ang gampanin at tuparin ng kanyang Espirito nanagumpay.
Pagiging bahagi umuugnay sa isang lakas na bagaman hindi nakikita ngunit nadarama
At iyan din ang siyang maging kabuuan ng inyong adhikain ngayon na, kayo ay maging bahagi at hangad na makabahagi sa kadalisayan ng Kanyang Espirito upang siyang magsilbing handog na sa inyo'y ibinibigay alang- alang sa ang bawa’t isa ay; nananangan, kumakapit, umuugnay sa isang lakas na bagaman hindi nakikita, nguni’t ito ay maaaring madama.
Kung gayon, bilang pasimula, hihingin ko na tayo ay magbigkis at magtali upang; bawa’t puso, bawa’t damdamin at bawa’t kalagayan ng pagkatao ay magaangkop, ganap na mabigkisan at matalian ng iisang kapangyarihan upang dumoon ang matibay at matatag na pananampalataya na nananangan, hindi kayo ang siyang gumagawa kung hindi ang Ama sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesus.
Samakatuwid, ito ang kanyang larawan. At sa ating pagpapasimula hihingin ko rin na sa kapayapaang dala-dala ngayon ng inyong mga kaluluwa ilahad ninyo ang inyong mga kamay. At sa pagkakalahad, i-ugnay ninyo at ipaloob ang inyong puso na ang daladala ay kalinisan. I-angkop ninyo ang inyong diwa na ang kanyang simpan ay liwanag.
At mula sa ganitong kalagayan, damhin ninyo ang lakas na sa inyo ngayon ay ihahagkis, ang lakas na sa inyo ay ipagkakaloob na wari'y tulad ng ulang pumapatak sa inyong mga palad na bagaman ito ay tubig kailanman ay hindi maglalagos sa bawa’t pagitan ng inyong mga palad upang siya ay mahulog, kung hindi naroroon nasasa kanya ang kabuuan upang madamang nananatili, dala-dala ng inyong mga palad na hindi humuhulagpos upang siya'y matapon.
Sapagka’t iyan ang biyaya na sa inyo ngayon ay inihahandog upang maging dakila ang hangganan, dakila ang magiging hantungan at dakila ang magiging kalagayan ng bawat kaluluwa kailanman ay hindi bumitiw upang ang kanyang pananampalataya at pag-ibig ay mawala at mauwi sa kamatayan.
Manatili kayong nakalahad ang inyong mga kamay at tayo ngayon ay mananahimik ng ilang saglit, at sa hudyat ang nakalahad na kamay sa inyong mga sisidlan na inalisan na ninyo ngayon ng takip, ang lakas na nananatili sapagka't naroroon ang inyong puso, naroroon ang inyong kabuuan, sa hudyat imposisyon sa bibig ng bawat sisidlan. Katahimikan at kapayapaan ng inyong Espirito upang; sa inyong pandama, sa inyong pakinig, sa inyong panlasap, sa inyong paningin na nakakakita at makakakita, makakarinig, makakaamoy, makalalasap, makadarama.
Lahat ng iyan ay dadalhin ng inyong mga palad at iyan ang lakas na siya ngayong tataglayin, mananalaytay at dadaloy sa bawa't sisidlan upang siyang maging buhay ng bawat pagkatao na makatatagpos sa lahat ng uri ng karamdaman na inyong tinataglay.
Kapayapaan, kapayapaan, kapayapaan. Imposisyon, aplikasyon. Itutop ngayon ninyo ang inyong mga palad na nagdala ng biyaya sa bahagi ng inyong sangkapin. Ang wika ng Panginoon, "Ang sa akin ay nananampalataya, ako ay mananahan at ang aking Ama ay mananahan sa Kanya."
Sapat na... Nawa sa sandaling ito, may tahanang nabuksan upang sa kanyang pagkakabukas, madama niya na ang biyaya na kanyang tinanggap ay magiging katulad ng isang tanggulan sa susunod na panahong inyo ngayong sasalubungin.
Siyang magtaguyod upang ang lahat ng karanasan na inyong sasapitin, sa pamamagitan ng inyong mga kamay na ito, naroroon ang kanyang katiwasayan, naroroon ang kanyang magiging kapayapaan at naroroon ang lahat ay may kagamutan, may kalunasan.
Sa bawat suliranin, ang kamay at palad na ito na hinandugan ng biyaya magiging tulad ng isang sandata na, kapag idinampi sa isang pagkatao, madarama anoman ang kagulumihanang naroroon, sa bawa’t dapyo ng mga kamay at mga palad ito ay nagiging kapayapaan.
Iyan ang sa inyo ngayon ay inihahandog upang ang susunod na taon, madama ninyo, katulad ng kanyang pangako, ang sa akin ay nananampalataya hingin niya ang anomang kanyang ibig at ito ang sa kanya ay gagawin.
Ito ang aming sa inyo ay ipinagkakaloob sa kalipunan ng mga alagad ng Panginoon na, sa inyo at sa bawat isa ay laging naroroon gumagabay, sumusubaybay, ang bukas tanawin ninyo na punong puno ng liwanag. Maghari nawa sa lahat at bawat isa ang liwanag ng Espiritu Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Raphael, Paalam.
Centro Ilaw ng Sanlibutan
Talaytayan, Kpd Rebecca Dungo
Comments
Post a Comment