2022-10-09, Rebecca

2022-10-09, ARK RAF-RAD

Liwanag ng Espirito Santo ang maghari sa lahat at bawa't isa ngayon at magpasawalang hanggan.

Sa kalagayan ng bawa't tao, kapag ang dala ng kanyang puso o ng kanyang katauhan ay pagmamahal at pag-ibig, ang kanyang hahangarin na maipagkaloob ay pagpupuno sapagka’t kanyang nadama may pagkukulang na kailangang punan.

Na, sa sandali na mamasdan nagiging laganap ang kadiliman naghahangad at nagmimithi na may liwanag na kanyang maibigay upang mapawi ang kadiliman. At kung ang kahinaan ang natatanaw hahanapin niya sa kanyang kabuuan kung ano ang katatagan at katibayan na kanyang nabuo sa kanyang sarili upang i-alay sa mahihina nang sa gayon gabay at patnubay ang kanyang maipagkaloob.

At sa ganitong uri, hindi baga doroon ang puwang upang madama ang kaligayahan hindi ng laman lamang kundi lalo't higit ang kaligayahan ng isang kaluluwa. Sapagka’t ang landas na kanya ngayong binubuo, ang bakas at larawang inihayag at ipinagkaloob ng bugtong na Anak ng Diyos. Kung gayon, paano ito magaganap?

Ang Diyos ay tumitingin hindi sa anyo kungdi sa laman ng puso na tao

Naroroon sa pangungusap na siyang larawan na ipinatunghay ng Diyos na, sa pagtingin sa anomang uri ng kalagayan ang wika, “Ang Diyos ay hindi tumitingin sa anyo.” Sapagka’t kapag ang anyo ang tinunghan at minasdan ng bawa't tao ang maikakabit at mau-ugnay, ang konsepto ng kanyang pagiging konkreto.

Na, kung ang nakita ay wala ng kagandahan, kung ang narinig ay hindi umayon sa kanyang panlasa at sa kanyang pandama, ano ang kanyang lalakaran at kanyang gaganapin? Hindi ba ang paghatol? Hindi ba ang paghusga? Sapagka't tinanaw ang anyo na, ang naikambal ang konsepto ng kanyang pagiging konkreto?

Kaya nga, ang Diyos ay hindi sa anyo tumitingin kung hindi ang wika, ang laman ng kanyang puso ang tinitingnan. At kung ang laman ng puso ang siyang tatanawin, siyang dadamhin at siyang titingnan ng bawat tao, ang kakabit at kakambal ang konsepto ng pagiging abstrakto. Na, kung saan sa bawa’t kanyang makikita kung ito'y hindi maganda sapagkat ang laman ng puso ang tinitingnan hahanapin ang ikabubuti. Hahanapin ang kaayusan at katumpakan.

Kaya nga, sa hindi magandang kanyang nakita ang kanyang ipupuno, ang kanyang ikakabit ay ang ikagaganda nito. At kung ang dilim ang siyang lumalaganap, sapagka’t ang puso ang siyang tinitingnan, ang positibo ang siyang ibinibigay at ipinagkakaloob. Kaya nga, nakikita ang isang pag-asa.

Na, sa masamang panahon may sisikat at sisilay na liwanag ‘ may magandang bukas sa kabila ng masamang panahon. Naririyan ngayon ang bawat bahagi at bawat kalagayan na, kung saan doon inihahayag at inihahantad ang bawa’t kakayahan, ang bawa't kaangkinan, ang bawat katangiang daladala ng bawa’t nilalang ng Diyos.

Na, sa lahat ng bagay na kanyang nakikita, sa lahat ng kalagayan na nagaganap hindi maaaring hindi ito ang tumutugon lalo na kung ang kahayagan ng kanyang kaanyuan ang siyang titingnan. Sapagka’t sa bawa’t pagtingin nito. Hindi baga nagiging isang katotohanan ang ikinakabit at kanyang hinahanap, ang kanyang paniniwala, ang kanya ngayong prinsipyo, ang kanyang patakaran, ang kanyang dala-dala na ibig niyang makita taglay ng iba?

Kaya nga, may sigalot na nalilikha sa kanyang puso; may kagulumihanang nalilikha sa kanyang kabuuan sapagkat sa pamamagitan ng anyong kanyang tiningnan kinambal ang kanya na ibig niya na kanyang makita.

Samakatuwid, kung ito ang kahayagan ng buhay, naroroon ang baitang ng kaligayahan. Naroroon ang kadahilanan kung bakit nawawala at naglalaho ang kaligayahan sa bawa’t puso. Naroroon ang kaligayahan kung ang bawa’t isa sa kanyang sarili, ang adhikain, ang mithiin, ang layunin ang siyang matatanaw sapagka’t ito ang pamantayan upang tunguhin ang baitang ng pagsulong.

Kaya nga, sa kalagayang ito, diyan ngayon ninyo hanapin ang dala ng inyong puso upang inyo ngayong makilala at maunawaan kung paano pananatilihin na ang kanyang puso, ang kanyang diwa ay magka-ugnay at iisa ang bigkis na sa kanila'y tumatali, ang pagmamahal, ang pag-ibig sapagka’t iyan ang iisang daan at iisang landas na tinahak at tinugpa ng isang Hesus.

Kaya nga, sa sandali ng kanyang paghihirap sa paningin ng tao sapagkat Siya ay nakabayubay sa krus, ang umiral ang daladala ng kanyang puso na, siyang tinitingnan ng Diyos at ng Ama na siyang nagbigay ng buhay, nangusap, "Ama, patawarin mo po sila sapagka't hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa.”

At kung ito ngayon ang siyang bakas na inyong susundan wala kayong pangit ba makikita. Wala kayong hindi magandang makikita, lalong walang liko na inyong matutunghan upang kayo ay dalhin sa paghusga at paghatol, datapuwat makikita ninyong ang lahat ng ito upang ang pagibig na naroroon sa inyong puso na siya ninyong tiningnan, siya ninyo ngayong tinanaw, ang inyo ngayong ibibigay sa halip na paghusga, pagtutuwid sapagka’t may pagkakamaling nakita.

Na, sa pagtutuwid na ito ay doon ngayon ninyo gagamitin ang karunungan at pag-ibig na siyang saligan at pamantayan upang kayo ay maging isang responsableng anak ng Diyos. Ang karunungan at pag-ibig ang siya ninyong gagawing saligan upang kayo ay maging mga bagong tao.

At kung iyan ngayon ang siyang nakahanay, siya ngayon na nakahalayhay, ito ang inyong pagsisikhayan upang matamo sapagkat sa sandaling ito ay matamo ang kasuotang inyong mahahabi ay ayon sa pag-ibig at kalooban ng iisang Diyos at ayon sa larawan at halimbawa na ipinatunghay ng isang Hesus na nabayubay sa krus upang ipakita at ilarawan paano matatamo ang kaligtasan sa pagkakasala.

Ito ang aking sa inyo'y iniiwan bilang karagdagan, bilang pagpapalawak, bilang pagpupuno upang ang puso ng bawa’t isa na sinibulan na, ng pagibig manatiling naroroon sa bawat araw ng buhay na kanyang pagdaraanan, aalagaan niya, iingatan niya, gagabayan niya sa pamamagitan ng mga biyayang kanyang tinanggap.

At sa pamamagitan din ng biyayang ito doon ngayon ilalakad ang kanyang mga paa sapagka’t nawawalan at mawawalan ng kabuluhan kung ang biyayang iyong kinilala na ibinigay sa iyo hindi mo mailalagay at maibabahagi upang ang iyong kapwa na kulang ay magkaroon ng karagdagan.

Maghari nawa sa lahat at bawa’t isa ang liwanag ng Espirito Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Raphael, Paalam.


Centro El Espiritismo

Kpd. Rebecca Dungo

Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia