2022-08-14, Rebecca

2022-08-14, ARK RAF-RAD

Liwanag ng Espirito Santo ang maghari sa lahat at bawa’t isa ngayon at magpasawalang hanggan.

Sa kalagayan ng buhay, na ang tao ay kumikilala na may isang Jesus na siyang bugtong na anak ng Diyos na, naglarawan at nagbukas ng daan upang tamuhin ang kaligtasan sa pagkakasala, nahantad ang kanyang mga gawa, inilarawan ang buhay na kanyang ginanap sa ibabaw ng lupa. At sa lahat ng ito piliin ngayon ninyo, alin sa kanyang ginanap ang kaya ninyong sundan? Sapagka't ang hinihingi ay patotoo kung paano ninyo ipinagkakaloob ang inyong buhay alang-alang sa inyong pananampalataya sa Kanya.

Natunghan na ang isang Hesus ay nagbukas ng bawa't isipan upang dito ay mailaman at maibahagi ang mga karunungan na kanyang ibibigay, ituturo at ipangangaral. Namasdan din kung papaano naging bahagi ng bawa’t may karamdaman na sa kanya ay idinulog na iisa ang binuksan bilang kalunasan na sa kanila ay makapagpapagaling walang iba kung hindi ang pananampalataya.

Kaya at ang Kanyang pangungusap, "Manampalataya ka at ikaw ay gagaling." Nagbigay at nag- ukol ng Kanyang lakas at panahon upang ang bawa't kaluluwang naroroon sa kadiliman ng pag-iisip ay matanglawan ng liwanag.

Nagpaunawa na ang buhay sa sandaigdigan ay hindi siyang lahat na kailangang hanapin ng tao, kaya nga at nangusap, hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao kung hindi sa pamamagitan ng salita ng Diyos.

Natunghan din sa pamamagitan ng mga tala sa Banal na Aklat, na, naging bahagi ang pagpapasan ng krus upang ito ay maitaguyod hanggang doon sa ituktok ng kalbaryo sapagka’t kinakailangang makitang Siya ay ipapako at napako at doon ay tamuhin ang kanyang kamatayan.

Alin sa mga ito ang handa ngayon ninyong sundan? Sapagka't ang wika at pangungusap, "Sumunod kayo sa akin at pasanin ninyo ang inyong krus." (Mateo 16:24).

Samakatuwid, ipinaalam, krus ang inyong papasanin upang kayo ay makasunod sa kanyang mga bakas. Ano ang krus para sa inyo? Ano ang bahaging ito?

Sapagka’t, ang bawa’t tao ang krus na pinasan ng Panginoon. Ang bawa't nilalang ng Diyos ang krus na kanyang itinaguyod doon sa bundok ng Kalbaryo. At ang tao ang krus na siyang pinagpakuan sa Panginoon. Kung gayon, alin sa mga ito ang tutugon, handa na ba kayong sumunod sa akin?

Nakapagsimpan na kayo ng karunungan. May naisubi na kayo sa inyong sarili. Kaya na ba ngayon ninyong ipangaral, ikalat ang karunungan at kaalamang inyo ngayong natitipon sapagkat yan ay ginawa ng Panginoon.

Na, sa inyong pangangalat at pangangaral, may diwa kaya at kamalayang mabubuksan upang maunawaan kung ano ang kanyang gampanin sa daigdig na ito? May liwanag kayang maipagkakaloob ang bawat salita na mamumulas sa inyong mga bibig upang may mga kaluluwang nasa kadiliman na makaahon at tamuhin ang kanilang pagsulong?

Tinitignan hindi ang anyo kungdi ang laman ng puso

Nasasa inyo na rin ang adhikain at layuning kayo ay maging tunay na anak ng Diyos. Kaya nga at inyo ngayong kikilalanin at uunawain na ang tunay na anak ng Diyos ay laging naroroon sa paglilingkod sa kanyang kapwa. Naroroon, na katulad ng Diyos, ang tinitingnan hindi ang anyo kung hindi ang laman ng kanyang puso.

Samakatuwid, ang lahat ng kanyang makikita hindi ang anyo ang siyang matatanim sa kanyang isipan at sa kanyang damdamin sapagkat doon siya'y hahatol, siya ay susukat, siya ay huhusga. 

Nguni't, kung ang laman ng puso ang titingnan anoman ang kanyang makita karapat-dapat man at hindi karapat-dapat para sa kanya iisa ang ititibok nito, katulad ng Panginoon, handang ibigay ang buhay para sa kanyang kaligtasan.'

Kung anoman ang bahaging kanyang maririnig sapagka't siya ay susunod sa Panginoon, kailanman ay hindi bibigyan ng pansin ang mga salitang makasusugat sa damdamin upang siya'y antiging magalit at mapoot. Sapagka't ito ay magiging hadlang at magiging sagabal upang mapasan niya ang kanyang sariling krus.

Sapagka’t ang kamangmangan ng tao ay isang krus na kanyang pinapasan, itinataguyod, dadalhin doon sa ituktok ng kalbaryo na ang ibig sabihin, i-angat, bigyan ng pag-antas, bigyan ng pag-unlad ang bahagi ng kanyang mga gawa na ang kahayagan ay kamangmangan na siyang sa kanya ay umaakay upang siya ay magkasala.

Ang pananampalayataya ay hindi sa salita kungdi sa paggawa

Kung ito ang bahaging kaya ninyong dalhin ngayon sa kaganapan, alin sa mga karunungang kanyang ibinigay ang kaya ninyong ipangaral na, naroroon hindi lamang sa salita kung hindi sa gawa, sapagka’t nangusap, ang pananampalataya hindi sa salita kung hindi sa pamamagitan ng paggawa.

Kaya nga, ang inaantig sa bawa’t isa ay ang pagbibigay ng buhay sa lahat ng kanyang natutuhan sa aral na ibinigay at ipinagkaloob; kanyang lakaran, kanyang buuin, kanyang ilagay doon sa daan ng kaganapan.

Sapagka’t, iyon ang magiging patotoo ng kanyang pananampalataya sapagka’t kanyang ipinagkaloob at ipinangusap, ang nananampalataya sa akin ay gagawin ang aking mga ginawa.

Hindi magbibigkis ang laman at kaluluwa kung walang pakiramdam; bulag, pipi, bingi

Dito kayo ngayon tinatanong ng karunungang inyo ngayong naunawaan, handa na ba kayo na isagawa ang mga bahaging tinanggap ninyo na siya ngayon ninyong tungkulin, siyang ganapin ng inyong kaluluwa? 

Na, sa pamamagitan nito'y naroroon ang pagbibigkis ng laman at ng kaluluwa sapagka’t paano makagaganap ang isang kaluluwa kung siya ay bulag? Kung siya ay bingi? Kung siya ay pipi at walang pakiramdam?

Magiging katulad kaya ng isang bulag na aakay sa kapwa bulag? Saan ihahantong? Saan dadalhin at ano ang magiging hangganan ng isang bulag na umaakay sa kapwa bulag? Iyan ngayon ang ipahintulot ninyong mabuksan sa inyong kabuuan upang maunawaan ng bawa’t isa na, ang pangungusap at pagsasalita ay isang bahagi lamang ng pagpapatotoo na kayo'y natututo.

Ang Panginoon, nagsasalita na gumagawa at gumagawa na nagsasalita

Ang pangungusap na inyong inihahayag ay isang bahagi lamang ng pagpapatotoo na kayo ay may adhikaing makagawa at makasunod sa Panginoon. At upang ito ay mabuo, upang ito ay maging kabuuan ng adhikain ng inyong Espirito, magiging katulad kayo ng kaganapan ng ipinangusap at inilarawan ng Panginoon, nagsasalita na gumagawa at gumagawa na nagsasalita.

Diyan ngayon ihantong ninyo ang inyong katauhan upang kung ang kaangkinang nasasa inyo ay sa pananalita ganapin ninyo sapagka’t kayo ay tagapagsalita; kung kayo ay guro, ganapin ninyo ang kanyang tungkuling kayo ay magtuturo sapagka't kayo ay guro. 

Kung kayo ay manggagamot, ganapin ninyo ang inyong tuparing kayo ay manggagamot, magbibigay ng kagalingan sapagka’t iyan ang bahaging taglay ng kaangkinan ng inyong sarili.

Samakatuwid, kung ano ang nasasa inyo, iyon ang paunlarin ninyo; iyon ang sikhayin ninyo na magkaroon ng landas upang sa kanyang pagkakabukas siya ay magpatuloy ngunit huwag ninyong lilimutin bahagi lamang ang inyong ginaganap malibang itakwil ninyo ang inyong mga sarili.

Naroroon ngayon ang kanyang kabuuan sapagka’t ang pangungusap, "Ang nagmamahal sa kanyang buhay ay nawawalan nito ngunit ang nagtatakwil sa kanyang buhay ay nagkakaroon nito." (Juan 12:25).

Iyan ang bahaging aking sa inyo ay iniiwan upang mataya ninyo kung papaano gaganapin at tatalimahin ang sa inyo'y kahingian, handa na ba kayong sumunod sa likuran ng dakilang Panginoon? 

Maghari nawa sa inyong mga puso ang liwanag ng Espirito Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Arkanghel Raphael.


Centro El Espiritismo

Talaytayan, Kpd. Rebecca Dungo


Comments

Popular posts from this blog

2023-11-27, Rebecca

2016-02-02, Rebecca

1981-1994, Koleksyon - Geronimo de Guia