2022-07-24, Rebecca
2022-07-24 ARK RAF-RAD
Paksa: Kapanganakan ni Jesus
Liwanag ng Espirito Santo ang maghari sa lahat at bawa't isa ngayon at hanggang sa wakas.
Buuin natin ang dakilang kasaysayan na kinilala ng bawa't isa na siyang bugtong na anak ng Diyos, upang makita ang kanyang halaga sa buhay ng lahat ng nilalang ng Diyos. At sa pagbubuo ang kanyang simula ay ang katanungan upang sa pagbibigay ng kasagutan doon masumpungan ng puso, ito pala ang kailangang ipanganak sa akin bilang tao.
Ano ang mayroon sa nabubuhay na katulad ninyo na wala na sa isang patay. Sasagot ang isipan, sasagot ang damdamin, ang wala sa patay, ay buhay. At ang buhay ang siyang simula na katumbas ng pagluwal ng sanggol na inihayag ang buhay sa tatlong salita o tatlong katitikan, "UHA",Buhay.
At kung yan ngayon ang halaga ng Kapanganakan, naroroon walang sinoman na isinilang na nagtaglay ng buhay na hindi ipinarinig ang"UHA," hindi baga? At sa pamamagitan ng salitang ito, hindi ba iyon ang kahayagan ng pag-ibig ng Diyos?
Naroroon ang kahayagan, ang simbolo ng buhay na inilarawan ng isang Jesus, ang buhay na ipinamasid ng bugtong na anak ng Diyos. At sa buhay na ito,ano ang nakapaloob na siya ngayong ginagampanan, nilalakaran ng bawa't isa? Ang dalawang daigdigan na nagtali, nagbigkis at nagsama upang ihayag, ikaw ay tao, talsik ng Alpha at ng Omega, daigdigan ng laman, daigdigan ng Espirito. Kapwa naging bahagi ng pagsilang ng Anak ng Tao.
Kaya nga ang kapanganakan ng isang Jesus ay larawan at simbolo ng paghahayag ng buhay na gagalawan ng bawa't isa sapagka't may laman na siyang makikipamuhay sa sanglibutan nguni’t, may kaluluwa na naroroon ang bahagi ng pagka-Espirito ng Diyos bilang siyang kalagayan na i-aangat, isusulong at kinakailangang umantas upang marating ang baitang patungo sa kaharian ng mga langit. Iyan ang nasasa inyo, ipanganak ninyo ang buhay. Ano ang ibig sabihin?
Pag-ibig. Ipanganak ninyo ang tunay na pag-ibig sa inyong puso, sapagka't ang mayroon ng tunay na pagibig minamahal ang kanyang sarili. At ang pagmamahal sa kanyang sarili'y iniingatan ito upang hindi malugmok, upang hindi ito masira, upang hindi ito magkasakit, hindi ito mapahamak sapagka’t iyan ay kahayagan ng pag-ibig.
Paanong ibibigay ang pag-ibig sa iyong kapwa kung ang iyong sarili ay hindi mo ma-ibig, hindi mo mapag-ingatan, hindi mo mapangalagaan, hindi mo ma-akay kung saan naroroon binubuo mo ng matibay at matatag ang templo ng Diyos.
Sapagka't kayo ang templo ng Diyos na ipinangusap ng Panginoon, huwag ninyong sirain ang templo sapagka’t ako sa inyo ay magagalit, iyan ang kanyang halaga. At kung sa pamamagitan nito nagpapatuloy ang buhay, hindi ang lahat ay maganda, hindi ang lahat ay maginhawa, hindi ang lahat ay katiwasayan ang dinadama.
Kung gayon; dumarating ang kaligaligan sa inyong buhay, dumarating ang kagulumihanan sa inyong puso, dumarating na waring kayo ay nagsasawa na sa kahirapan na inyong tinataglay. Nagsasawa na sa maraming suliranin na sa inyo ay dumarating. Nagsasawa na sa maraming pagsubok na wari ay hindi na ninyo makayanan, ano ngayon ang kailangang sa inyo'y ipanganak?
Ang isang Hesus, sapagka’t ang Hesus ay simbolo ng pag-asa. Kailangang ipanganak ninyo sa inyong puso ang pag-asa. Na, kung saan ang pag-asa ay ang paghihintay ng magandang bahagi na sa inyo ay mangyayari na hindi pa dumarating.
At sa pamamagitan nito, ano ang inyong itinatayo? Pananalig at pananampalatayang may Diyos na sa inyo ay tutulong; may Diyos na sa inyo ay gagabay. Isang pananampalataya na kailanman kapag siyang nawaglit, hindi ba ang pag-asa rin ay nawawala? Ang paniniwalang sa inyo ay may gagabay ay nanghihina.
Kaya nga naririyan kailangang maipaganak sa inyo ang pag-asa upang mabuo at sumibol ang pananampalataya. Sapagka't sa pagsibol ng pananampalataya, doon ngayon lalahok, doon ngayon sasanib ang pag-ibig na, siyang larawan at buhay na ipinamasid, nilakaran ng Jesus. At iyan ang kahalagahan ng kanyang Kapanganakan.
Kaya nga, nagagalit ang tao; napopoot ang tao; nagdidilim ang kaisipan ng tao nang dahil sa ang nasasa kaniya ay kamangmangan, kasalatan sa tunay na pagkaunawa sa karunungan ng tunay na buhay. Ano ba ang karunungan ng tunay na buhay?
Ang kabaitan, ang pagpapakabuti, ang pagiging matuwid, ang pagmimithi na siya ay makabuo ng mga gawa na ang ibubunga ay kabanalan. Kaya nga ang karunungan ng tunay na buhay ay naglalarawan na kung kayo ay nagagalit, kung kayo ay napopoot, ang kinakailangan kayo ay makapagsilang sa inyong puso, sa inyong isipan ng pang-unawa.
Iyan ang Hesus sa kanyang pagtuturo, iyan ang Hesus sa kanyang pangangaral, iyan ang Hesus sa kanyang pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa. Kung gayon, iyan ang inyong tanawin upang madama ninyo ang halaga ng kanyang pagsilang na; nagbubukas, nagmumulat, nagpapakilala, nagpapaunawa kung ano ang kaugnayan ng tao sa Diyos,at kung ano ang Diyos sa kapakanan ng tao.
Sa kabuhayan ng tao, sa kalagayan ng tao na kapag ito ngayon ang siya ninyong nakilala;wala na ng magiging alalahanin, wala na ng magiging pag-aalinlangan, at wala na ring magiging kagulumihanan sapagka’t; ang pagsilang ng pag-ibig, ang pagsilang ng pag-asa, ang pagsilang ng pananampalataya, ang pagsilang ng liwanag at kapayapaan nakuha na, sapagkat kayo ang sabsabang sisilangan ng dakilang Panginoon. Ganyan kahalaga ang pagsilang ng isang Espirito sapagka't ang Espirito ay Diyos, at ang Diyos ay Espirito.
Maghari nawa sa lahat at bawa't isa ang liwanag ng Espiritu Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Arkanghel Rafphel, Paalam.
Centro El Espiritismo
Talaytayan, Kpd Rebecca Dungo
Comments
Post a Comment