2022-06-04, Rebecca
2022-06-04, ARK RAF-RAD
Paksa: Ano baga ang mabuti? Kailan naghahari ang kabutihan sa loob ng kapisanan ng tao?
Liwanag ng Espirito Santo ang maghari sa lahat at bawa't isa ngayon at magpasawalang hanggan.
Sisimulan ko ang aralin sa ganitong pangungusap, "Walang mabuti, walang mabuti, wala kahit isa." Sa ganitong pangungusap matatanggap kaya na ang mabuti sa gawa ng tao ay maituturing na naroroon ang kanyang kabuuan sa ipinangusap walang mabuti kahit isa?
Nguni’t ang pangungusap ng Ama ng lalangin ang tao, ang kanyang wika sa kanyang nilalang, “Mabuti at maganda.” Kung gayon, ang salita at katagang ito ay naglalaman ng malalim na diwa. May binubuksan sa lahat at bawat isa.
Kaya nga, ang tao sapagka’t nanggaling sa Diyos masasabi bang hindi mabuti? Samantalang ibinigay ang bahagi ng kanyang pagka-Espirito? Tinuringan pa na sa pagkakalalang ay larawan at kawangis ng Diyos.
Kung gayon, saan hahanapin ang mabuti sa kabuuan ng tao? Sa pag-iisip ba? Sa damdamin ba? Sa kalooban ba? Sa pisikal na kaanyuan ba naroroon ang mabuti? Oo, sapagkat kung ang Diyos ang mabuti kabuuan ng tao ang mabuti.
Nguni’t, sa larangan ng pagsasagawa, sa larangan ng paghahayag ng natutuhan, sa larangan ng karunungang kanyang tinataglay at inilalapat sa pakikipamuhay sa sandaigdigan, doon ngayon mamamasdan ang bahagi at kalagayan ng mabuti, bagaman hindi ang lahat ay nagiging karapat-dapat.
Ano nga baga ang mabuti? Kung ilalagay ngayon at bibigyan ng halimbawa sa materyal na kahayagan, mabuti ang gunting, nguni’t, kung ang gunting ay ginawa at binuo upang ipanggupit ng mga bagay, taglay niya ang pagiging mabuti sapagka’t ginaganap niya ang layon ayon sa kanyang pagkakabuo.
Nguni’t kung ang gunting ay ipangsasaksak upang may patayin, kung ang gunting ay gagamitin upang makapanakit at makapanugat ng kanyang kapwa,ma-iaangkop kaya at ma-iuugnay ang katagang mabuti?
Samantalang ang kanyang layunin sa pagkakabuo at kung bakit siya ginawa ay hindi niya nagampanan, hindi natupad, hindi nasunod sapagka’t ginamit sa hindi tamang kaganapan?
Ang mabuti ay ang tama, angkop na paggamit ayon sa layuning makapaglingkod
Kung gayon, ang kasingkahulugan ng mabuti sa ganyang halimbawa'y tama na pagkaka-gamit, wasto angkop ayon sa kanyang gampanin, sa kanyang layunin, sa kanyang tuparin, iyan ang kasingkahulugan ng mabuti.
Kung gayon, sa isang gumagawa ay naroroon ang kabutihan sa kanyang puso sapagkat naglalayong siya ay makapagkawanggawa; naglalayong siya ay makapaglingkod.
Nguni’t,
sa kanyang pagkakawanggawa at sa kanyang paglilingkod, nasa likod ng
kabutihang ito na kanyang minithi ang isang layunin sa kanyang
paggawa siya ay parangalan, itanyag, siya ay makilala lamang at
purihin, ma-iaangkop kaya ngayon ang katagang mabuti sa ganyang uri
ng kahayagan ng pagsasagawa?
Ang mabuti ay ang katapatan, pagmamalasakit, pagtutuwid
Samakatuwid, sa ganyang uri ay naroroon ang kahulugan nat ibinibigay ng katagang mabuti, ang katapatan, ang pagmamalasakit upang ang maitambad ang isang aralin na kung saan; ay maitutuwid ang pagkakamali, ang kulang ay mapupunan, ang pagkakasala ay matutumbasan ng gawang katotohanan.
Sa karamdaman kung i-aalakbay ang katagang mabuti, hindi baga nangangahulugang siya ay magaling, malusog, walang dinaramdam na anomang sakit, walang karamdaman. Naririyan, mabuti ang kabuuan ng kanyang sarili.
Ang mabuti ay kapag walang nasasaktan, inaapi at dinuduhagi
Sa mga ganyan kalagayan naroroon ang mababaw na ipinakikita mabuti kung ang iyong gawa ay naangkop at naaayon sa pag-iibigan sapagkat iisa ang kautusan, magibigan kayo sa isa't isa. Ang mabuti kapag walang nasasaktan, walang inaapi, walang dinuduhagi.
Kung hindi, ang lahat ng ibinigay at ipinagkakaloob ay pang-unawa, pagpapaumanhin, pagpupuno sa kakulangang kanyang nakikita sa gawa ng kanyang kapwa, pagbabahagi kung ano ang nasasa kaniya sapagka’t ang pangungusap, “Ang malakas ay magbigay ng kalakasan sa mahihina,” naririyan kaugnay din ng mabuti.
Sapagka’t iyan ang Diyos, iyan ang kahayagan, ang kakanyahan, ang katangian ng Diyos na ibinigay sa lahat at bawa't isa, sa maikling kataga, pagibig, pag-ibig na nagtataglay ng kanyang katangian.
Kailanman, kung naroroon sapagka’t ikaw ay mabuti; nasasa iyo ang pag-ibig, kailanman hindi gagawa ng pagbabalat-kayo, hindi gagawa ng panlilinlang, hindi mandaraya kailanman, sapagka’t naroroon ang pag-ibig.
Nagiging
mabuti ang laman ng kanyang pag-iisip, ng kanyang damdamin, ng
kanyang puso, hindi naghahanap at kailanman ay hindi hinahanap ang
kanyang sarili sa kanyang kapwa sapagka’t alam niyang bilang mabuti
ang lahat ay may kani-kaniya na indibidwalidad. May kanikaniyang
personalidad; may kani-kaniyang antas ng kakayahan at taglay na
karunungan, mabuti siya sa kanyang kalagayan.
Ang mabuti ay nakikita sa walang paghatol sa nagkamali
Sa isang pagsasama, paano makikita ang kabutihan? Hindi baga sa pinakamababaw na kahayagan at walang talinghaga, kapag may isang nagkamali, walang hahatol, kailanman ay hindi hahatulan, hindi uupasalain.
Hindi lalapastanganin kundi nagtuturo upang maunawaan ang pagkakamaling kanyang nagawa upang ito'y maituwid naghahari ang kabutihan sa isang samahan.
May pagmamalasakit sa kapakanan ng bawa’t isa, at nang dahil sa pagmamalasakit na ito ay; iniisip na mataman, iniisip nang buong katumpakan upang hindi kailanman makasakit ng damdamin ng kanyang kapwa. Hindi kailanman makapagbigay at makapaghantad ng hindi magandang halimbawa sa kanyang kapwa.
Ang mabuti ay nagtataglay ng magandang kaugalian
Kaya nga, ang mabuti ay nagtataglay ng magandang kaugalian; marunong na umunawa sa kanyang kapwa, may magandang kaasalang ipinakikiharap at ipinakikita sa kanyang kapwa, laging may nakahandang pagpapatawad, laging may nakahandang ibibigay na liwanag sapagka’t iyon ang kanyang dala-dala.
Iyon ang kanyang taglay-taglay sapagka’t ang mabuti ang nasasa kanyang kabuuan. At kung ito ang nagaganap sa bawat isa, hindi baga ang kabutihang naroroon, bawa’t isa ay nagtatapat sa isa at isa, iginagalang ang karapatan ng bawa't isa?
Nagiging mababang-loob upang sa pamamagitan ng pagpapakababa ay hindi mananatili at hindi magtatagal ang anomang sigalot sapagka’t namamayani ang kabutihan sa bawa’t puso at siyang gumigising upang ang mabuting kaugalian. Ang mabuting pag-iisip, ang mabuting kalooban ang mabuting puso ang siyang ilapat sa isang samahan.
Sa ganito ko ngayon inihahayag ang kanyang diwa walang talinghaga sapagka’t sa inyong sarili hindi baga kailangang makilala ninyo mabuti ba ako? Kung ako ay mabuti paano ko ibinibigay ang aking pag-iisip sa lahat ng aking nakikita na ginagawa ng aking kapwa?
Kung nasasa akin ang mabuti papaano ko ngayon ibinibigay ang aking damdamin sa aking kapwa? Paano ko tinitingnan ang bawa’t kahayagan at galaw ng buhay? Paano ko tinataya at sinusukat ang lahat ng bagay?
Iyan, kapag naunawaan ang kahulugan ng mabuti sadya lamang iisa ang magiging hangganan, ang tao wala ng magiging paningin pa upang siya ay magkasala. Iyan ang diwa ng mabuti at naririyan ang kabutihan sapagka’t sa isang samahan wala ng makikitang ipagkakasala sa bawa’t iginagalaw, ipinangungusap ng kanyang kapwa. Iyan ang mabuti sa kanyang kahayagan.
Hanggang dito at maghari nawa sa lahat at bawa’t isa ang tanglaw ng liwanag ng Espirito Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Arkanghel Raphael.
Lunduyan Lualhati sa Dios sa Kataastaasan
Parlante, Kpd Rebecca Dungo
Comments
Post a Comment