2022-05-28, Rebecca
2022-05-28, ARK RAF-RAD
Paksa: Kapayapaan
Ang uri ng kapayapaan na iniaambil sa atin ng mga Banal na Batlaya at paano Ito makakamit
Liwanag ng Espirito Santo ang maghari sa lahat at bawa't isa ngayon at magpasawalang hanggan.
Kung ang kapayapaan ay hahanapin sa mga bahagi ng buhay ukol sa sanglibutan o materyal na pangangailangan, madali itong naglalaho, madali itong nawawala sapagka't kapag hindi nakamtan ang kanyang iniibig na tangkilikin ukol sa materyal na pangangailangang panlupa.
Nahahalinhan ang kapayapaan ng kaligaligan ng pag-iisip, kagulumihanan ng puso, nababagabag ang damdamin at nawawalan ng katiwasayan ang isang kalooban. Lalo na sa gawi o panig ng isang ina. Na, kapag sa kanyang paghahanda ng pagkain ay masumpungang wala ng laman ang palabigasan.
Wala na rin ng tubig ang bangan na kukunan upang may mainom, kulang na rin ang salapi na kanyang hawak upang ipambili ng pangangailangan sa kanyang mga anak. Lalo na kung ang kanyang mamamasdan, salat na sa pagkain at salat sa lahat ng bagay ay mayroon pa ng karamdaman na hindi maipagamot at maibili ng panlunas sapagkat kulang ang salapi na kanyang hawak.
Naroroon din ang bahagi na kung may makita sa kanyang kapwa na tinatangkilik na sa kanya ay wala, gumigitaw ang pagkainggit, naghahanap na mapasa kanya at maging bahagi ng kanyang pagaari. Hindi baga sadya lamang sa kalagayang ito ng kanyang paghahanap at pagmimithi, ang kapayapaan unti-unting naglalaho.
Sa kalagayan ng isang pag-iisip kapag kulang ng dunong o talino, o karunungan ang isang tao upang ang bawat bahagi ng pagsubok o kalagayan ng kanyang mga dalahin o pasanin, sapagka't kulang at salat sa dunong sa kaalaman at karunungan hindi maihanap kung paano ito'y magagawan ng paraan upang malutas, naglalaho ang kapayapaan.
Ang umiiral ay kaligaligan ng pag-iisip. Naroroon ang kagulumihanan at nagagahis ang kanyang kabuuan bilang tao upang patibayin at patatagin ang kanyang pananalig at pananampalataya na may iisang Diyos na sa kanya ay didinig, may isang Diyos na sa kanya ay tutuwang o gagabay sapagka't sa kanyang kakulangan ng kaalaman at karunungan ang lahat ng ito ay natatakpan kaya nga ano ang wika, kailangang mahapak ang tabing ng templo.
Hanggang naroroon ang tabing na ito, sadyang ang ipinagkakaloob at inihahandog ng Panginoon na kapayapaan na hindi katulad ng kapayapaan ibinibigay ng sanglibutan ay hindi matatamo sapagka't ang tao.
Kailanpaman at hindi nasiyahan sa kanyang tinatangkilik, kapag hindi nasiyahan sa kung ano ang mayroon siya, kapag hindi naunawaan at nakilalang bawa't tao ay may kanikaniyang sariling pasanin, may kani-kaniyang sariling landas na tatahakin, may kani-kaniyang sariling buhay na uugitin, hindi kailanman matatanggap ang kapayapaang ibinibigay ng Panginoon. Sapagka't ang kapayapaan ibinibigay ng Panginoon ay ang masiyahan ka kung ano ang mayroon ka, magpasalamat ka kung ano ang dumarating sa iyo.
Huwag kang maghanap ng mga bagay na hindi mo makakaya na dalhin, huwag mong hanaping mapasa iyo ang yaman ng sanlibutan, kung hindi ang hanapin mo ay kung paano ka magiging kapakipakinabang sa daigdig na iyong ginagalawan.
Paano ka magiging kapakipakinabang sa iyong kapwa na, sa iyong pagkakilala sa iyong sarili ay napakabigat ang iyong dinadala. Nguni't lingapin mo ang kapaligiran at makikita mo't mamamalas mong may higit pa pala na nagdadala ng bigat kaysa dinadala mo.
Ang kapayapaan ng Panginoon
Iyan ang kapayapaang ibinibigay ng Panginoon. Ang kapayapaan upang patuloy na manalig, patuloy na manampalataya, patuloy na ihandog ang kanyang buhay sapagka't sadya lamang ang tao ay walang magagawa kung hindi ito ipagkakaloob ng kaitaasan.
Ngunit nakikila ba ng tao ang kanyang sarili? Ang nakakakila sa kanyang sarili ay laging may kapayapaan sa kanyang kalagayan. Kapag nakikilala ng tao ang kanyang sarili walang kapayapaang mawawala, walang kapayapaang maglalaho sapagka't ang kaligayahan sa kanyang buhay ay naroroon.
Bagaman siya ay tigib ng suliranin, nakalugmok sa mga tiisin, naroroon sa mga pagsubok, nguni't nauunawaan niya at nakikila ang kanyang sarili na may bahagi ng pagka-Espirito; may bahagi ng pag-ibig na ibinigay; may dunong at talinong ipinagkaloob upang gisingin ang karunungan at kaalamang sa kaniya ay inihandog upang maging gabay at patnubay sa kanyang pakikipamuhay.
Hindi ba at ang lahat ng ito, kapag tinataglay ng bawa't isa nananatili ang kaligayahan. At kung ang tao ay nasa kaligayahan, hindi nang dahil sa materyal na pangangailangang kanyang tinataglay kung hindi naroroon ang kaligayahan sapagka't nagagamit nang wasto ang karunungang ibinigay ng Diyos.
Naibibigay niya at naibabahagi ang pag-ibig ng Diyos. Nagkakawanggawa sa kabila ng siya ay salat, katulad ng babaing balo, wala nang tinatangkilik kundi ang iisang lepta ibinigay pa sa kabang yaman. Hindi inalintanang magugutom siya sa kinabukasan. Hindi inalintanang siya ay mawawalan ng kanyang kabuhayan.
Ang lahat ng ito ay bunga ng pagkakilala niya sa kanyang sarili, na ang hantungan ang kapayapaan, sapagka't ang kapayapaan ay ang liwanag na laging inihahagkis ng Panginoon sa bawa't kaluluwa; ang katatagan upang madala ang anomang bigat na sa kanya ay dumarating sapagka't nauunawaan ng kanyang sarili, na ang kapangakuan ng Ama, magaang ang aking pamatok, halikayo at kayo ay bibigyan ko ng kapahingahan.
Lahat ng iyan kung hindi nawawala sa puso, anoman ang dumating, maging ang kamatayan ay dumating naroroon pa rin ang kapayapaan sa kanyang kaluluwa. Sapagka't nababatid niya, siya ay isinilang na hubad, hindi maaaring hindi babalik din nang hubad.
Ang hubad ay hindi ang saplot na materyal, kung hindi isinilang nang hubad, naroroon ang kalinisan ng pag-iisip, ang kalinisan ng puso, ang kalinisan ng damdamin, hubad sa lahat ng iniaalay ng sanlibutan.
Na, kung ang mga ito ang siyang lagi na ay tataglayin ng kanyang diwa hindi maghahanap ng sa kanya ay wala ng ukol sa materyal na pangangailangan kundi siya ay magsisikap, magsisikhay, magpupunyagi na ang wala sa kanya at kanyang kakulangan makuha niya sa pamamagitan ng sarili niyang pagsisikhay at hindi kailanman hahanapin sa mga gawa at galaw na hindi magiging karapatdapat sapagkat ito ang siyang magaalis ng kapayapaan ng kanyang kaluluwa.
Ang kapayapaan ng sanlibutan
Ang inihahandog ng sanglibutan ay Kapayapaan ng laman, kapayapaan ng materyal na bahaging makukuha at matataglay sa lupa. Nguni't ang lahat ng ito ang siya ring nag-aalis ng kapayapaan ng isang kaluluwa, sapagka't darama ng kabiguan, ng paghihirap, ng tiisin, ng pagpapakasakit.
Na, kapag hindi alam kung paano ito pamamahalaan, lulupigin, gagahisin ng karunungan ukol sa matuwid na katwiran at aralin, ukol sa mabuting pagtuturo, kailanman ang tao ay hindi makabubuo ng kapayapaang ibinibigay ng Panginoon sapagka't ang kapayapaan kanyang inihahandog ay paggawa ng ukol sa ikabubuti, ikaliligtas ng tao na taglay ng isang kaluluwang nananahan sa laman, na ang bawa't gagawin ng laman hindi maaaring hindi may tatanggaping hagkis ng bunga ang isang kaluluwa.
Pinong lakas at magnetismo
Kayat sa bawa't gawang ito ay doon isinasalalay ang uri ng kapayapaang darating at matatamo sa panahon ng pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa. Samakatuwid, ang kapayapaang inihahandog ng Panginoon ang matutuhan ng tao na magpakabuti, ang matutuhan ng taong iligtas ang kanyang sarili sa kanyang ipagkakasala.
Ang kapayapaang inihahandog kung Panginoon ay ang panatilihing naroroon ang liwanag ng pag-iisip, ang pagpapanatiling laging malinis ang tibukin ng damdamin, sapagkat ang lahat ng ito kung mga lakas at pawang mabuti ay pinong lakas ang maisasagawa ng laman, na ang aani ay ang kaluluwa, ang magiging hantungan ay ang ganap na kaligayahan sapagka't ang dumadama hindi ang laman kundi ang kaluluwa.
Ito ang aking sa inyo'y ibinabahagi upang maunawaan ninyo kung paano ninyo pamamahalaan ang mga pangarap na inyong itinatayo, kung paano ninyo lulupigin ang mababang pintigin dahil sa pangarap na inyong binubuo; kung paano ninyo hahalinhan ng kalinisan at pinong magnetismo ang bawa't adhikain na hinahamon at sinusubok ng panahon upang bawa't isa ay magpatotoo, kayo'y nilalang ayon sa wangis at larawan ng iisang Diyos.
Hanggang dito. Maghari nawa sa lahat at bawat isa ang tanglaw ng liwanag ng Espirito Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Arkanghel Raphael.
Comments
Post a Comment