2022-05-07, Rebecca
2022-05-07, ARK RAF-RAD
Paksa: Ano ang mga kamangmangan at maling paniniwala na dapat nating bakahin sa ating pag- aaral dito sa Espiritismo na nauukol sa Ama at Ina? Ano ang papel ng ina at ama na inihahatid sa atin ng Banal na Kasulatan?
Liwanag ng Espirito Santo ang maghari sa lahat at bawa't isa ngayon at magpasawalang hanggan.
Kung iwawangis ang katagang ina at ama sa nilalaman ng Banal na Aklat, hahanapin kung ano ang mga araling pinagtutuunan ng pansin. At sa kasulatang ito, naroroon ang pagkakaloob ng mga kaalaman ukol sa buhay panlupa, at naroroon din ang mga kaalaman at karunungang ukol sa buhay Espirito.
Samakatuwid, kung dyan ngayon ibabatay, inihahantad na dalawa ang kalagayan na siyang kabuuan ng tao. Ang kalagayang panlupa o ang laman at ang kalagayan na pang-Espiritu na siyang maituturing na ama at ina sa kalagayan at kahayagan bilang mga tao. Laman o kaluluwa at Espirito.
Ang ina kung pagmamasdan at pakalilimiin sa mas malalim na kanyang diwa, hindi ang pisikal na kahayagang natutunghayan ninyo, kung hindi ang laman na naroroon sa loob ng pisikal na kahayagang ito.
Iyan ang ina na maituturing na nangangalaga, nag-iingat, nagmamalasakit, umaakay upang ang kanyang mga anak ay mailagay niya sa matuwid na landasin ng buhay. Ano ba ang nasa laman at nilalaman ng pisikal na katawang ito?
Hindi baga't naroroon ang kaluluwa, na ang sagisagin ang kanyang pag-iisip, ang kanyang damdamin at ang kanyang kalooban, na siyang nangangalaga, siyang nagbibigay ng liwanag, siyang nagbibigay ng pagiingat at pagaaruga sa kanyang mga anak.
Na, ito ang sangkapin ng laman, pinangangalagaan upang sa bawa't pagganap sa kanilang tungkulin, ang ihayag, ang ihantad, ang makuha at makamit ay ang mga bahagi ng ukol sa kanyang ikabubuti, sa kanyang ikatutuwid sapagka't iisa ang landas na kanyang tatahakin at ito ay ang kaniyang kaluwalhatian.
Ina, sagisag ng liwanag, pab-ibig, pagtitiis
Kung gayon, naririyan ang tungkulin ng isang ina na sagisag ng liwanag, ng pag-ibig at ng pagtitiis. Kung ang isang pag-iisip ay kulang ng kaliwanagan, saan dadalhin ang kanyang pagkatao at ang kanyang buhay sa kaniyang pakikitalad sa lupa?
Kung ang damdamin ay kulang ng pagtitiis, hindi marunong magbata, hindi baga naririyan ang isang kahayagan na sa sandali ang emosyon ay hindi makabuo ng karapat-dapat na ihagkis ng kaniyang lakas, ano ang magiging hantungan bagaman nangangalaga at nag-iingat sa kanyang mga anak?
Kung naroroon ang bahagi ng kakulangan ng pagka-unawa at pagkakilala sa matuwid at tamang paggawa, ano ang magiging kalagayan? Naririyan ba ang pag-ibig? Oo, sapagka't kailanman hindi Ito nawawala.
Ngunit ang kanyang paggamit ang kanyang paghahawak, ang kanyang paghahandog, doon ngayon nagkakaroon ng pagkakaligaw. Kaya nga ang isang ina sa kabuuan ng kanyang pagkatao bilang siyang kaluluwa ang nagbibigay ng lakas, ang naghahayag ng liwanag, ang naghahandog ng pag-ibig, ang nagkakaloob upang makapagtiis, at ang karunungan kanyang daladala ibinibigay upang ang maging lakad at kalakaran ng kanyang mga anak.
Ang kanyang paningin, ang kanyang pandinig, ang kanyang pananalita, ang panlasap at pandama ay manatiling naroroon sa daan at tuntunin ng matuwid na pakikipamuhay. Iyan ang kanyang gampanin, ang kanyang papel na kinakailangang maunawaan ng bawat isa upang sa kanyang pakikipamuhay laging nakakabit, nakaugnay at nakaangkop ang kahalagahan ng batas at kautusan ng iisang Diyos na siyang pamantayan upang marating ang kaluwalhatian.
Ama, sagisag ng Espirito
Sino ang ama? Hindi ba iyan ang Espirito? At kung iyan ang Espirito, hindi ba iyan ang nangangalaga lumalagom, nagbibigay ng lakas,nagpapanatili ng liwanag at pag-ibig sa kalagayan ng kanyang kaluluwa upang magkaroon ng harmonya ang pagsasama ng laman, kaluluwa? Iyan ang kahayagang itinuturo at ibinibigay ng karunungan at pag-aaral sa banal na aklat.
Kaya nga at ang lahat kung mauunawaan ang kanyang diwa walang buhay na magiging maligalig, walang pakikipamuhay na magiging marawal, walang bahagi ng dilim na hindi niya matatagpusan at mapagtatagumpayan, sapagkat bawat nilalaman ng kabuuan ng kanyang sarili, bawat kahayagan at kaalamang sa kaniya ay mabuksan nagkakaroon ng paglaya.
Sapagka't ang kamangmangan nagkakaroon ng pagka-unawa, ito pala ang dapat ko ngayong gawin; ito pala ang dapat ko ngayong supilin upang makarating ako sa kaharian ng Diyos. Ano ba ang kamangmangang ito?
Hindi ba ang kamangmangang dapat maunawaan ng tao ay iyong mga mabuti na alam niya; ung mga bahagi ng ikabubuti na kinakailangan niyang isagawa; iyong mga kaalaman at karunungang natutuhan niya na dapat ilagay sa larangan ng pagsasagawa nguni't hindi naisasagawa, hindi ba iyan ang kamangmangan ng tao?
Hindi ba iyan ang kamangmangan na kinakailangang pag-aralan,suriin at siyasatin upang matupad ang layunin ng pagbaka sa kamangmangan? Ano ito? Maipagpatuloy ang pagsulong at pag-unlad upang umangat ang antas ng Espirito sapagka't iyan ang ama.
At kung ang ama sa lupa ang tumutungkol sa batas na kinakailangang ipatupad sa sambahayan, hindi baga sadyang naririyan ang ina at ama, kabuuan ng tao na kinakailangan magtamo ng kaalaman, umani ng saganang bunga ng kanyang pagka-unawa sa pamamagitan ng kanyang pakikipag-aral sa sanglibutan. At sa pamamagitan niyan, ang isang pamilya ay hindi maaaring hindi tunguhin ang landas na kanyang tinanguan, kung kaya nga at ibinigay sa kaniya ang buhay.
Sa ganito ko ngayon binubuksan ang aralin upang maunawaan ng bawa't isa, hindi dahil ikaw ay walang anak sa kataga, hindi ka na ina. Nasasaiyo ang liwanag ng pag-iisip, ikaw ay isang ina ibigay mo doon sa iyong mga anak na lumalakad sa kadiliman. Nasasaiyo ang pag-ibig, lalo mo itong ipagkaloob, sapagka't ang pag-ibig ang katuparan ng batas at kautusan.
Alam mo kung paano magbata, kung paano magtiis, ipagkakaloob mo Ito, hindi dahil upang bigyan ng kaluguran ang iyong sarili kundi ikaw ay nagbabata upang bigyang lugod ang kalagayan ng iyong kapwa.
Iyan ang tungkulin ng ina at ng ama sa kabuuan ng bawa't tao sapagka't ang kabuuan ng bawa't tao ay isang pamilya. Kailangang nagbibigkis, nagtatali, nag-uugnay, nag-iisa upang magkaroon ng harmonya ang kanyang pakikipamuhay sa ibabaw ng lupa sapagka't; sila ay magsing-isang diwa, magsing-isang puso, magsing-isang kaluluwa, upang ang bawa't baitang ng kanyang kalagayan matutuhan.
At nang sa gayon ang lahat ng kanyang inani at nabuksang kamalayan mailalagay niya sa larangan ng pagsasagawa katumbas, nabaka niya ang kanyang kamangmangan sapagka't hindi na nakatali ang kanyang natutuhan; hindi na nakagapos ang kaalaman at karunungang kanyang sinikhay kung hindi ito ay nabigyan na niya ng paglaya, sapagka't nabaka na niya ang kamangmangang daladala ng kanyang pagkatao.
Ito ang aking sa inyo ay iniiwan. Maghari nawa sa lahat at bawat isa ang liwanag ng Espirito Santo ngayon at magpasawalang hanggan. Paalam, Arkanghel Raphael.
Comments
Post a Comment